Napagising na lamang ako nang marinig ko ang sunod-sunod na katok. Walang gana akong bumangon at dumiretso sa pintuan. Pagkabukas ko ng pintuan ay sumalubong sa akin ang nakangiting labi ni Tita Ailia.
"Serephain," banggit nito sa pangalan ko.
"Tita Ailia?" Hindi makapaniwalang banggit ko rin sa pangalan niya.
Kaagad naman itong pumasok sa kuwarto ko na kaagad ko din namang sinundan. Ginagala ang tingin nito, na tila ba'y parang sinusuri ang disenyo ng aking dormitoryo. Tumatango-tango pa siya na parang nakuha ko ang loob niya.
"Wala ka bang balak umuwi?" Bigla siyang humarap sa akin at tiningnan ako sa mata.
"Mamaya," maikli kong sagot sa tanong niya.
Nakita ko naman kung paano kumunot ang kaniyang noo.
"Mamaya? Anong oras na? Lahat ng estudyante ay nagsiuwian na sa kani-kanilang pamamahay. Habang ikaw nandito pa. Mukhang bago ka ring gisi―" Bigla siyang napahinto sa pagsasalita at napatingin sa likuran ko.
Nanlaki naman ang aking mga mata nang mapagtanto kung ano ang tinitignan niya. Itatago ko na sana ang aking mga pakpak ngunit paikot-ikot na sinusuri niya ito.
"Ang ganda sa malapitan ang mga pakpak mo, Serephain."
Puno ng paghangang wika niya. Habang ako ay napayuko dahil sa sinabi niya. Maganda? Oo, maganda siya subalit sakit at kadamutan ng kalayaan ang kaya nitong ibigay sa akin.
"Kailan man hindi maganda ang mga pakpak ko, Tita Ailia," madiin kong wika sa kanya.
Iniwan ko naman siya roon at kinuha ko ang magic bag na kanina ko pa hinanda. Nandito na lahat mga gamit ko. Pagkakuha ko'y nadatnan ko si Tita Ailia na nasa veranda na siya. Tinawag ko naman siya't kaagad din naman niya akong narinig.
Nauna na akong lumabas ng kuwarto. Pagkalabas ko'y nandito na pala ang karwahe na dinadala ni Tita Ailia. Ito rin 'yong sinakyan ko papunta rito sa akademya. Ilang sandali ng paghihintay sa kaniya ay lumabas na rin siya sa wakas.
Nakita ko namang itinuro ni Tita Ailia ang kaniyang hintuturo sa seraduhan. Hinawakan niya ito't sinigurong hindi na ito mabubuksan. Gumawa naman siya ng lagusan para diretso na kaagad kami sa loob ng karwahe.
At sa isang iglap, nandito na kami.
Nang masiguro ng pegasus na nandito na kami sa loob, pinagaspas nila ang kanilang mga pakpak. Habang nasa loob ng karwahe, hindi ko naman maiwasan ang mga titig sa akin ni Tita Ailia. At sa mga oras na ito ay itinago ko na ang aking mga pakpak.
"Kumusta ang limang araw mo sa akademya, Serephain?" bigla niyang tanong sa akin.
"Okay lang naman po. Wala namang mas nakakatuwang pangyayari sa akin sa loob ng akademya, maliban na lamang sa pagkakaroon ko ng mga unang kaibigan," sagot ko.
Nabigla naman ako nang makita kong nagulat si Tita. Natatandaan ko ang reaksyon na ito. Katulad lang ito kanina no'ng tinanong ako ni Rony kung uuwi ba ako kaagad sa amin. Masyado na ba akong maraming sinasabi dahilan para manibago ang mga nilalang na nakapaligid sa akin?
"Binabati kita sa pagkakaroon ng kaibigan, Serephain." Nakangiting wika niya sa akin dahilan para mapangiti ako sa kaniya pabalik.
Pagkatapos ng pag-uusap namin ay natahimik bigla kaming dalawa. Tahimik kami hanggang sa dumating ako sa mansyon. Gaya ng ginawa ni Tita Ailia kanina ay gumawa siya ng portal para diretso kaagad kami sa loob ng bahay namin.
Nakuha ko naman ang ibig sabihin nito. Ito ay maiwasang makita ako sa mga ibang anghel na pumasok sa mansyon ni ama.
Maguguluhan siyempre ang mga makakita sa amin dahil kilala si ama bilang pagpapanggap niyang binata. Hindi rin naman pwedeng sabihin o idahilan ni Tita Ailia na anak niya ako dahil wala rin naman siyang asawa.
Nang makapasok na kaming dalawa sa ginawang lagusan ni Tita ay sa isang iglap ay nasa hapag kaininan na kami. Nadatnan naming dalawa na kumakain sina ina at ama. Napalingon pa nga si ina nang dahan-dahan sa kinaroroonan namin.
Tumakbo siya papunta sa akin nang makita ako. Niyakap ng mahigpit habang umiiyak dahil sa tuwa. Hindi ko rin naman maiwasang mapaluha. Dahil sa sobrang pananabik ni ina ay kinaladkad niya ako papalapit sa lamesa't binigyan ako ng makakain.
Hindi rin naman ako nagreklamo lalo na't nanabik din naman akong makita siya. Inanyayahan naman ni ama si Tita Ailia na saluhan kami na kaagad din naman niyang tinanggap ang alok.
Habang sina Tita at ina ay nagkukuwentuhan, ako naman ay tahimik na kumakain. Ilang minuto ang nagdaan ay nagpaalam na siya kina ina at ama, habang ako ay tumayo na rin sa inuupuan.
"Punta na muna po ako sa kwarto ko," malamig ko ani dahilan para mapatingin sina ina at ama sa akin.
"Sige anak." Nakangiting wika ni ina.
Nang marating ko na ang aking kwarto ay nagbihis na kaagad ako gaya nga ng sinabi ko kay ina. Kinuha ko ang aking libro sa magic bag, saka humiga na sa aking kama. Gusto kong magpahinga na kaagad pero gaya ng nakagawian ko, magbabasa muna ako ng libro bago matulog.
Nasa kasaysayan na ako ng Axphain nagbabasa, nang biglang may kumatok.
"Sino 'yan?"
"Maari ba akong pumasok, Serephain?" Napalingon ako sa pintuan nang makilala ko ang boses na 'yon.
"Pwede po, ina."
Nilagay ko ang aking libro sa lagayan at tiningnan ang pagbukas ng pintuan. Nang makita si ina ay sumalubong sa akin ang nakangiti niyang labi. Umupo naman siya sa gilid ng kama ko't tiningnan ako nang masinsinan.
"Nandito lang ako para kamustahin ang karanasan mo sa loob ng akademya," seryoso niyang wika.
Napayuko naman ako nang bumalik sa alaala ko ang mga panlalait tungkol sa akin ng mga ibang estudyante. Subalit, sa kabilang banda ay nakangiti ako. Nakangiti ako dahil . . .
"Nagkaroon po ako ng mga kaibigan," masayang balita ko kay ina.
Matapos marinig niya ang sinagot ko ay niyakap niya ako ng mahigpit. Narinig ko na naman ang mga hagulgol niya. Bakit parang napapansin kong maiyakin ni ina ngayon? Minsan kasi hindi ko siya nakikitang umiyak.
O baka dahil sa sobrang saya para sa akin. Hindi ko naman siya masisisi kasi pinangarap naming dalawa na masilayan ko man lang ang buhay sa labas. At magkakaroon ng mga kaibigan.
"Mabuti naman at mayroon ka ng mga kaibigan. Sobrang saya ko para sa 'yo." Hinawakan pa nga niya ang aking magkabilang pisngi, habang siya ay walang humpay sa pagngiti.
"'Yon nga lang ay nilalait at pinagsasalitaan ako ng mga masasakit na salita sa ibang mga estudyante. Pero wala naman akong pakialam sa kanila. Kahit na ano mang pilit kong bigyan sila ng pansin, mapapagod lang ako." Seryoso ko ring wika dahilan para mapawi ang kaniyang mga ngiti.
Napakagat naman ako sa aking ibabang labi nang mapagtanto kung gaano kalaking epekto 'yon sa pagiging masaya ni ina. Bigla naman siyang humiwalay sa akin at umupo nang maayos sa gilid ng kama ko.
"Serephain, gusto ko man silang bugbugin dahil sa mga panlalait nila sa 'yo pero hindi ko magawa. Gusto ko mang kunin ang mga hinanakit sa puso mo, hindi ko pa rin magawa. Alam mo kung ano ang dahilan, wala akong kwentang ina. Hinayaan ko lang ang anak kong kainin ng galit at mga kuwestyon sa buhay na hindi ko kayang masagot lahat. Pasensya ka na ha, kung napapagod ka na. Nasasaktan ka na sa mga naging kasalanan ko noon. Pero minahal ko lang ang ama mo. Minahal ko lang siya ng buo."
Nanlaki naman ang aking mga mata nang marinig ang sinabi ni ina. Ito 'yong unang beses na marinig ko siyang puno ng pagsisisi. Ang kaninang masayang iyak ay napalitan ng kaniyang mga malulungkot na hikbi.
Tumayo kaagad ako sa aking kinauupuan at lumapit sa kaniya. Niyakap ko siya habang walang tigil ang pagragasa ng kaniyang mga luha.
Hindi lang ako ang nasasaktan. Nasasaktan din ang ina ko. Hindi ko man lang inalam ang nararamdaman niya. Habang ako ay walang ibang ginawa kun'di ang sisihin sila ni ama. Sisihin ang pagiging kakaiba ko. Sisihin ang lahat sa pagiging ganito ko.
Kumawala naman kaagad sa yakap ko si ina at tumawa ng pilit. Habang pinunasan ang kaniyang mga luha ay tiningnan ko siya ng malungkot.
Sa mga oras na ito ay si ina na naman ang nagbigay sa akin ng malungkot na mga titig.
"Alam mo Serephain, nananabik na rin akong makabalik sa pinanggalingan ko at dalhin kita roon para makita mo kung gaano kaganda ang Cimmeria. Ngunit, mukhang malabo na ring mangyari 'yon dahil sa ginawa kong kasalanan sa kapatid ko't sa nasyon ko. Si Morrigan, kapatid ko, siya lang 'yong meron ako maliban sa 'yo at kay Percival."
Huminto muna si ina sa pagsasalita at bumuntong hininga.
"Siya lang 'yong kapatid na masasandalan ko sa mga ganitong klaseng sitwasyon. Pero, malabo ng mangyari ang mga bagay na nagawa namin dati para sa isa't-isa. Dahil gumawa ako ng malaking kasalanan na isa sa rason para bawian siya ng kapangyarihan. 'Yong kapatid ko na 'yon ay sobrang galing sa pakikipaglaban at humawak ng mga iba't ibang klaseng sandata. Siya nga mismo ang nagturo sa akin kung paano lumaban. Lahat ng itinuro ko sa 'yo ay ang mga natutunan ko lang sa kaniya."
Ramdam na ramdam ko ang sobrang pagsisisi at kalungkutan ni ina habang kinukwento niya ang tungkol sa buhay niya.
"Hindi nagkakamali ang mga Cimmerians na piliin siyang maging kataas-taasang pinuno. At hindi na rin nakakapagduda kung bakit siya naging Diyosa ng Digmaan. Dahil sa pagta-traydor ko sa sarili kong lupain at kapatid, nasira lahat. Masama bang magmahal, Serephain?" Nanlaki naman ang aking mga mata sa naging tanong niya.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot dahil wala akong karanasan tungkol sa pag-ibig.
"Nahihiya man akong aminin pero naiingit ako sa kapatid ko. Nasa kaniya na ang lahat. Ang pagiging malakas. Ang pagkakaroon niya ng maraming kaibigan. Habang ako ay hindi ko rin naman naranasang magkaroon ng kaibigan. Kaya nga sinabi ko sa 'yo na kailangan mong magkaroon dahil ayokong maranasan mo ang naranasan ko noon. Ang tanging hiling ko lang ay maging masaya ka."
Nilingon naman ako ni ina at laking gulat ko nang nagbabadya na naman ang mga luha niya. Hindi ko rin maiwasang maluha.
"Pero alam mo, meron ding anak ang kapatid ko. Hula ko kasing edad mo rin siya." Kahit na nagbabadya ang kaniyang mga luha ay hindi pa rin niya nakakalimutang ngumiti ng matamis.
Sa nakikita ko kay ina sa mga oras na ito, hindi ko rin maiwasang masaktan. Hindi ko inakalang mas malaki pa pala ang dinadala niyang problema kaysa sa akin. Ang akala ko'y perpekto ang aking ina pero . . .
Hindi ko inakalang mas winawasak pala siya araw-araw ng kaniyang mga pasan-pasang problema.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro