Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 18: Ang Inggit ni Aki

Naglalakad na ako pauwi sa dormitoryo. Tahimik na ang buong pasilyo na aking dinaraanan. Gusto ko mang mag-teleport pabalik para mapabilis ang pag-uwi ko. Subalit, wala akong gana para bumalik sa dormitoryo lalo na't maaga pa naman para sa alas otso ng gabi.

Hindi kami naturuan ng guro namin sa asignaturang pagsasanay. Dahil nagkaroon ng biglaang pulong ang mga guro ng akademya. Hindi ko rin kasama ang mga kaibigan ko, dahil napagod sila kanina sa isang pagsasanay. Para kahit papaano ay magamit namin ang oras ng klase.

Hindi naman ako nagsanay kasama nila dahil wala akong gana kanina pa. At saka, ayoko rin namang gumawa ng eksena para pag-initan na naman kami ng mga mapanghusgang lipunan.

Sa halip na lumiko ako pakaliwa papuntang dormitoryo ay lumiko ako pakanan. Gusto ko na munang pumunta sa lugar kung saan palagi kong pinupuntahan kapag gusto kong magpahangin.

Pagkarating ko roon ay napapikit ako nang humampas na naman sa makinis kong balat ang napakasariwa at malamig na hangin. Hindi naman masyadong madilim dito dahil nasisinagan din ang lugar na ito ng mga ilaw at mayroon din namang buwan sa kalangitan.

Nang mapadaan ako sa mga bulaklak na namumukadkad sa gabi ay bigla akong kinabahan sa hindi malamang dahilan. Napakagat ako sa aking labi sa biglaang kaba. Wala naman sigurong masamang mangyayari, 'di ba?

Umupo naman ako sa ilalim ng isang puno rito, habang nakatingala sa kalangitan. Kahit papaano ay naibsan ang kabang nararamdaman ko nang masilayan ko ang kulay ng langit at mga nagagandahang ulap. Kahit na malapit na ang pagdilim ng kapaligiran ay unti-unting nagsilitawan ang mga bituin.

Nagniningning ang mga ito dahilan para hindi ko maiwasang mainggit. Siguro sa iba ay para na akong baliw para mainggit sa bituin. Sana ako na lang sila. Sana dumating ang araw na maramdaman ko ang kalayaan na natatamasa nila.

Gusto kong masilayan ang kagandahan ng pagkatao ko. Napailing naman ako sa aking naisip. Gusto kong masilayan ang kagandahan ng pagkatao ko? Ano ba 'tong pinag-iisip ko? Itong pagiging iba ko ang dahilan kung bakit ako pinagkaitan ng kalayaan!

Tutulo na sana ang aking mga luha nang makaramdam ako ng presensya sa likod ko. Napatayo kaagad ako at lumayo sa nilalang na 'to. Sinusundan niya ba ako? O kanina pa siya sa kinaroroonan niya? Anong kailangan niya sa akin?

Nang makita ko kung sino ito ay nagsilakihan ang aking mga mata. Bakit siya nandito? Paano niya nalaman na nandito ako?

"Kumusta, Serephain?" Hindi ko alam kung sarkastiko ba 'yon o hindi, pero parang sarkastiko ito ayon sa timbre ng kaniyang boses.

Ihahakbang ko na sana ang aking mga paa nang biglang maramdaman ko ang mga punyal na papalapit sa akin. Dali-dali akong napaatras dahilan para mailagan ko ang lahat ng 'yon.

Gulat na gulat akong tumingin sa kanya. Habang isang nakakalokong ngiti naman ang iginawad niya sa akin. Hindi ko alam pero bigla na lang kumulo ang dugo ko.

"Anong gusto mong mangyari, Aki?" diretsahan kong tanong sa kaniya.

"Natakot ka ba sa mga punyal, Serephain?"

Napakunot noo naman ako sa naging tanong niya pabalik. Tama bang sagutin din ng isang tanong ang tanong?

"Kung nandito ka lang para maghanap ng gulo, mabuti pa't aalis na lang ako." Malamig kong wika at hindi man lang nagpakita ng kahit na anumang emosyon.

Ihahakbang ko na ulit sana ang aking mga paa para makaalis, subalit bigla na lamang siyang lumitaw sa harapan ko. Binigyan niya ako ng isang malakas na suntok sa tiyan dahilan para mapatilapon ako papunta sa katawan ng puno.

Napadaing ako sa sakit dahil sapol na sapol ang pagbangga ng likod ko sa katawan ng puno. Pinanlilisikan ko naman si Aki, subalit mas lalo lang akong nainis nang nginitian niya ako.

Ano bang kailangan niya sa akin?! Unang araw pa lang ng pagkakakilala namin noong pinapakilala ako sa kaniya ni Caspian, napapansin ko na ang masama niyang titig sa akin noon. Hindi ko alam kung ano ang problema niya sa akin. Kaya hindi ko na lamang pinansin ang mga nakamamatay niyang mga titig.

"Alam mo kung gaano kasarap sa pakiramdam na saktan ka, Serephain?" Natatawang tanong niya sa akin dahilan para mapakuyom ko ang aking mga kamao.

"Hindi ko inakalang ganito pala katanga ang ikalawang pangulo ng kunseho ng mag-aaral." Dahil sinagad na niya ang aking pasensya, hindi ko na napigilan ang sarili sa pagiging prangka.

"Ano'ng sabi mo?!" tiim bagang niyang tanong.

Sa pagkakataong 'to, ako na naman ang napangiti nang nakakaloko. Mukhang napukaw ko ang tunay na demonyo.

"Hindi ka lang tanga, kun'di bingi pa."

Nakita ko namang nag-iba ang timpla ng kaniyang mukha.

"Masyado ka ng daming sinasabi."

Nakita ko namang ipinagkumpas niya ang kaniyang mga kamay at sinuntok ang lupa dahilan para yumanig ito ng kaunti. Biglang lumitaw ang mga metal cubes sa gilid ng kaniyang mga katawan. Siya ay may kakayahan ng massive strength at makapag-manipula ng metal.

Hindi ba ay ang kakayahang ferrokinesis ay isa sa mga kakayahang elemento ng mga taga-Terra? Naguguluhan ako. Kung siya ay may kakayahang makapag-manipula ng metal at purong taga-Luxa, posible kayang Lolo o Lola niya ay isang Terrian?

Napakuyom ako sa aking mga kamao nang pinakawalan niya ang mga ito.

Namutawi ang aking nakakalokong ngiti sa labi nang ilagan ko lamang ang mga metal cubes niya na parang walang nangyari. Ginamit ko kasi ang aking kapangyarihan na speed para iwasan ang mga atake niya. Nakita ko namang nagsilakihan ang kaniyang mga mata nang makita akong hindi naapektuhan sa mga atake niya.

Nakatayo lang ako sa aking kinatatayuan habang si Aki naman ay hinihingal at nagtiim bagang niya akong tiningnan sa mata.

"Kung wala kang magawa sa buhay, 'wag kang mandamay ng ibang nilalang. Nakakarindi ka." Madiin at prangka kong wika dahilan para mas lalong umiba ang timpla ng kanyang mukha.

Ihahakbang ko na sana ang aking mga paa sa pangatlong pagkakataon, hindi na naman natuloy nang marinig ko ang sinabi niya.

"Lubayan mo si Caspian," madiin din niyang wika.

Nakuha ko naman kaagad kung ano ang pakay niya sa akin. Dahilan para makaisip ako ng nakakalokong ideya kung paano saktan ang damdamin ng babaeng 'to. Hinahamon niya ako.

"Kaya naman pala . . ." Mahina kong sabi nang natatawa. Tiningnan ko naman ng mapanghamong mga titig si Aki dahilan para titigan din niya ako pabalik. "Teritoryo mo ba si Caspian para ako'y pagsabihan mo ng ganiyan?"

"Oo! Akin lang siya! Kaya kung ayaw mo ng gulo at masaktan, lubayan mo siya!" Sigaw niya sa akin.

"Lubayan ba kamo? Una sa lahat, hindi mo siya pagmamay-ari. Pangalawa, siya mismo ang lumalapit. At ang panghuli, bakit kaya ako ang nilalapitan palagi ni Caspian at hindi ikaw?" mapanghamong wika ko sa kanya.

Matapos niyang marinig ang sinabi ko, nakita ko naman kung paano siya nanggagalaiti sa galit. Sa mga oras na ito ay nakatayo na siya't biglang humampas ang malamig na hangin sa aking balat.

"Hindi na ako magugulat na kasing landi mo ang ina mo!" panunumbat niya sa akin.

Bigla na lamang nagdilim ang paningin ko nang idamay niya ang ina ko sa problema niya sa akin. Nag-summon ako ng kulay gintong spear at walang pag-alinlangang itinapon ito papunta sa kaniya. Kontrol na kontrol ito ng mga kamay ko kaya kung saan man siya umiilag ay sinusundan pa rin siya nito.

Napabagsak naman siya sa lupa at mabilis na lumitaw sa harapan niya ang spear. Ngunit, pinahinto ko ito malapit sa mata niya kaya isang pulgada na lang babaon ay babaon na ito.

Nakita ko namang pinagpawisan siya't nanginginig na tinitigan ang matulis na dulo ng spear. Sunod-sunod din siyang napapalunok ng laway.

"Huwag na huwag mong idadamay ang ina ko sa pagiging desperada, tanga at inggitera mo, Aki! Kapag marinig ko ulit sa mga bibig mo na dinadamay mo ang aking ina, kaya kong makipagsabayan sa pagiging baliw mo. Mag-iingat ka, dahil hindi mo pa ako kilala nang lubusan," nanggagalaiti sa galit kong sabi. "Baka 'pag talikod mo, gigitilan kita ng leeg."

Sa isang pitik ko lang ng aking dalawang daliri sa kamay ay naglaho ang spear sa harapan niya.

Hindi ko na siya hinintay na magsalita, sa halip ay iniwan ko siyang nakatulala.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro