Kabanata 17: Ang Apat na Tarangkahan
"Kamusta ang paghatid ni Caspian sa 'yo rito, Serephain?"
"Ikaw, ah, hindi mo sinabi sa amin na magkakakilala pala kayo."
"Walang panama 'yong mga babaeng halos dumapa na sa harapan ni Caspian, hindi pa rin sila ang pinili. Kasi nga si Serephain ang pinipili."
"Sana sinabi mo na ito sa amin sa simula pa lang, Serephain. Para naman kahit papaano ay hindi kami magugulat."
Napapailing naman ako sa mga sinasabi nina Collyn, Crystal, Borin at Rony. Hindi na sana ako magpapahatid kay Caspian, pero nagpumilit pa rin siyang ihatid ako sa silid-aralan. Isa pa, kaya ko namang maglakad o mag-teleport pabalik dito.
Mas lalo tuloy akong pinag-iinitan ng mga nagkakarandapa kay Caspian. Mukhang mas lalong gugulo ang tahimik kong buhay.
Napahinto ang lahat sa ginagawa nang makita nilang pumasok si Ginang Sena sa silid-aralan.
Hindi ko alam pero bigla akong nanabik sa magiging paksa ng ituturo niya. Sinabi niya sa amin kanina na ang magiging paksa ay ang apat na tarangkahan papunta sa kabilang buhay. Isa sa mga pinakagusto kong paniniwala ng mga Axphainian.
"Magandang umaga ulit. Alam kong lahat kayo ay busog na. Simulan na natin ang paksa ng ating susunod na ituturo ko sa inyo." Nakangiti niyang wika. "Ito ay may pangalan. Ano ang tawag sa apat na tarangkahan?" kaagad na tanong ni Ginang Sena.
Maraming nagtaas ng kamay at napili naman ang kaklase kong nasa kabilang sulok ng silid-aralan na 'to.
"Ito po ay tinatawag na rainbow of light," puno ng kumpiyansa sa sariling sagot niya.
"Tama. Rainbow of Light: The Four Gates to Afterlife." Huminto muna si Ginang Sena sa pagsasalita at ilang sandali ay nagpatuloy naman siya. "Paniniwala natin na ang apat na tarangkahang ito ay siyang maging daan upang marating natin ang tatlong paraiso."
Ito 'yong isa sa mga nagustuhan kong paniniwala ng mga Axphainian. Maliban na lang doon sa mga tradisyon at paniniwala nila na dahilan para itago ko sa lahat ang tunay kong pagkatao.
"Bago mapunta sa paraiso ang kaluluwa ng isang nilalang, dapat niya munang pagdaanan ang apat na tarangkahan. May tatlong klaseng paraiso sa ika-apat na tarangkahan. Subalit, bago natin pag-usapan 'yon ay kailangan nating pag-usapan ang mga tarangkahang mas nauna pa sa ika-apat."
Huminto muna sa pagsasalita si Ginang Sena at nagsimula na naman siyang maglakad sa loob ng silid-aralan. Habang nasa likuran niya ang dalawang kamay.
"Ang unang tarangkahan ay tinatawag na Gate of Memories. Lahat ng mga nasawing Axphainian ay dito kaagad diretso ang kanilang mga kaluluwa. Kinukuha ang kanilang mga alaala upang gamitin ito sa ikatlong tarangkahan."
Nahinto si Ginang Sena sa pagsasalita nang biglang nagtaas ng kamay si Rony. Napatingin sa kanya ang lahat at hinihintay ang sasabihin niya.
"Kung kinukuha ang mga alaala ng mga nasawing nilalang sa unang tarangkahan, hindi kaya ito sobrang malupit sa mga nasawi? Ibig ko pong sabihin ay namatay na nga sila at tanging alaala na lamang nila ang dala-dala sa kabilang buhay."
Hindi ko alam pero mukhang may pinanghuhugutan si Rony sa tanong niya sa aming guro.
"Ang unang tarangkahan ay kinukuha ang kanilang alaala upang gamitin ito sa ikatlong tarangkahan. Ibig sabihin, hindi nila maalala ang mga nilalang na naiwan niya sa mundo. Ngunit, binabalik naman ito kung kailangan na ng kaluluwa na pumasok sa ika-apat na tarangkahan." Narinig ko naman ang pagbuntong-hininga ni Rony, habang si Crystal naman ay tinapik ng mahina ang kaniyang balikat. "Nasagot ko ba ang iyong tanong, Ginoo?"
"Oo, maraming salamat po."
Nginitian naman ni Ginang Sena si Rony at nagpatuloy na sa kaniyang pagtuturo.
"Ang ikalawang tarangkahan ay tinatawag itong Gate of Challenges. Matapos malagpasan ang unang tarangkahan ay diretso ang punta ng mga kaluluwa sa ikalawang tarangkahan. Dito kailangan pa nilang lagpasan ang tatlong pintuan ng mga hamon."
"Ang unang pintuan ay kailangan nilang lagpasan ang walang katapusang kadiliman. Kapag nalampasan nila ang unang pintuan, sa ikalawang pintuan ay dapat lagpasan nila ang mga naglalakihang mga ipo-ipo. Pagkatapos, sa panghuling pintuan ng hamon ay dapat nilang lagpasan ang isang malaki na mabangis na ibon."
Napatingin naman sa akin si Ginang Sena, at nakita ko naman ang nakangiti niyang mga labi. Anong meron sa mga ngiti niya? Bakit kapag nakatingin ako sa kaniya, palagi ko na lang siyang nahuling nakangiti sa akin?
Hindi naman nagtagal ang pagtingin niya sa akin at iniwas ito.
"Kung napagtagumpayan ng isang kaluluwa ang ikalawang tarangkahan at ang tatlong pintuan ng mga hamon ay siyempre maari na silang makapasok sa ikatlong tarangkhan. Ang ikatlong tarangkahan ay tinatawag na Gate of Judgements. Dito hinuhusguhan ng tatlong tagapagbantay ng tatlong paraiso na makikita lamang sa ika-apat na tarangkahan. Hinuhusgaan nila ang mga kaluluwa kung saang paraiso ang mga ito nararapat."
Napaisip ako, kung ako mamamatay. Saang paraiso kaya ako nararapat? Siguro ay sa Field of Darkness ako mabilang.
Dahil nilabag ni ama ang batas ng Axphain, kaya dapat lang ako ilagay sa paraisong 'yon? Hindi ko alam.
Napahawak ako sa aking sintido nang biglang sumakit ito. Nakita ko pang napansin naman iyon ni Borin kaya tinignan niya ako nang may pag-aalala. Bakit ko pa ba 'yon naisip? Nagmumukha tuloy akong gusto ko na lang mamatay.
Pero hindi ko rin naman maipagkaila na minsan ko rin naisipang magpakamatay. Ngunit, hindi ko kaya. Iyong pakiramdam na gusto kong mamatay, subalit ayaw ko rin namang mangyari. Ewan ko, ang gulo ko! Gusto kong mamatay dahil gusto ko ng itigil ang paghihirap ko.
Ayoko ng mabuhay na tinatago ang pagkatao ko. Nasasaktan akong marinig sa iba na walang pamilya si ama, na nagpapanggap siyang walang pamilya. At nasasaktan din ako para kay ina.
Nasasaktan ako na kahit na ano ang mga desisyon ni ama, palagi niya itong sinusuportahan at ibinigay niya ang buong tiwala. Alam ko mahal lang nila ang isa't isa kaya ganoon. Pero, nasasaktan ako para sa kanya dahil alam kong nasasaktan din si ina.
Ngunit, hindi nga lang niya pinapakita sa akin na mahina siya.
Sa kabilang banda, ayaw ko ring mamatay. Ito ay sa kadahilanang gusto kong hanapin ang sarili ko. Kung saan nga ba ako nabibilang. Kailangan kong maramdaman ang pakiramdam nang may kaibigan.
Pakiramdam na ipagmamalaki ako ng sarili kong ama. Gusto ko pang maranasan ang buhay ng pagiging ordinaryong Axphainian, kahit na alam kong hindi ako ordinaryo.
"Ika-apat na tarangkahan, ito ay tinatawag na Gate of Paradise. Pagkatapos sa panghuhusga ng tatlong tagapagbantay ng tatlong paraiso, mapupunta ang kaluluwa kung saan siya nararapat. Dito sa Gate of Paradise, mayroong tatlong paraiso. Unang paraiso, ito ay tinatawag na Field of the Clouds."
"Dito mapupunta ang mga kaluluwang malinis ang kunsensya at tanging mga ordinaryong mamamayan ng Axphain ang mapupunta rito. Pangalawang paraiso, ito ay tinatawag na Elysian Fields. Dito mapupunta ang mga kaluluwang gumawa ng kabutihan o ang mga nilalang na gumawa ng kabayanihan upang ipagtanggol ang ating lupain laban sa mga masasama."
"Sila rin ang may pribilihiyong makita at makilala nang harapan ang tagapagbantay na Diyosa ng Axphain, walang ibang kun'di si Divine. Siya rin mismo ang unang divine angel na nilikha ng kataas-taasang Diyos na si Akwan."
Ang ibang mga hindi nakakaalam ay napasinghap sa pribilihiyo ng mga nilalang na mapupunta sa Elysian Fields.
Kinikilala kasi si Divine bilang tagapagbantay at nagbibigay ng lakas ng mga Axphainian sa pamamagitan ng kaniyang mga liwanag.
"May alam ba ang isa sa inyo kung anong tawag sa ikatlo at ikahuling paraiso na matatagpuan sa Gate of Paradise?" biglang tanong ni Ginang Sena sa buong klase.
Napatingin naman ako sa mga kaklase ko. Walang may alam dahil walang ni isang nagtaas ng kamay para sumagot.
Itinaas ko na lamang ang aking kanang kamay dahil mukhang ako lang yata ang may alam tungkol sa ikatlong paraiso na matatagpuan sa Gate of Paradise.
"Serephain."
Napalingon ang lahat sa akin at rinig na rinig ko na naman sa mga isipan ng iba ang mga panlalait nila sa akin. Bumalik kaagad sa isipan ko ang payo sa akin ni Crystal at tumayo nang may kumpiyansa sa sarili.
"Ang ikatlong paraiso ay tinatawag na Field of Darkness. Dito mapupunta ang mga kaluluwang makasalanan. Dito sila pinaparusahan nang walang hanggan. Lahat ng mga pagdurusa, iyakan, mga pagmamakaawa at ang mga parusa ay rito matatagpuan at maririnig."
Matapos kong sagutin ang tanong ni Ginang Sena ay umupo ako pabalik sa aking upuan. Habang namutawi na naman ang mga ngiti niya sa labi.
Hindi ko na lamang siya pinansin pa't itinuon ang aking atensyon sa labas ng bintana. Nagpaalam naman kaagad si Ginang Sena dahil halos malapit ng magtanghali. Oras na para kumain ng tanghalian. Pagkalabas ng guro namin ay nagsilabasan na rin ang mga kaklase ko.
Pagkatayo ko sa aking upuan ay nakarinig na naman ako ng mga masasakit na salita mula sa mapanglait kong kaklase.
"Masyadong bida-bida."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro