Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 1: Ang Pagyapos kay Kamatayan

"Anuman ang ginagawa mo'y pagbuhusan mo ng iyong buong makakaya sapagkat sa daigdig ng mga patay na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan man, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan." —Ang Mangangaral 9:10

•◦ ◦•

Kabanata 1: Ang Pagyapos kay Kamatayan

MALAMIG na naman ang simoy ng hanging umiihip sa kaunting awang na naiwan sa bintana ng kaniyang kuwarto—tanda na sasapit na naman ang taglamig. Unti-unti na ring nagsisimulang pumatak ang maliliit na butil ng nyebe sa labas na mas lalong nagpapahirap sa mga natitirang taong buhay.

Tumayo ang dalaga mula sa kinauupuang kama at saka nilapitan ang bintanang binabalutan ng isang uri ng bakal na nagdudulot ng malakas na kuryente kapag nadidikitan. Sa labas ng bintana, nakita niya kung paanong ang paligid ay unti-unti nang nababalutan ng puti habang katahimikan naman ang nangingibabaw.

Ang noon ay masigla at masayang lugar na kaniyang tinitirahan ay mabilis na naglaho at nawalang parang bula matapos biglang tila bumaliktad ang mundong kaniyang kinagagalawan. Lahat ng ingay—ng halakhakang puno ng tuwa na nanggagaling sa bawat tao ay mabilis na napalitan ng hagulgol ng pagdadalamhati dahil sa mga namatay.

Nagsimula iyon ng siya ay labing-pitong taong gulang pa lamang. Habang dumadalo siya mag-isa ng kaniyang graduwasyon, dahil ang mga taong umampon sa kaniya ay nakabase sa Amerika at hindi makauwi, ang mga taong nasa gulang tatlumpu pataas na naroon sa lugar ay bigla na lamang naging bato. Matapos noon, hindi pa sila nakakabawi mula sa pagkabigla nang sunod-sunod naman ang naging pagsulpot sa langit ng mga malalaking bilog na tila may walang hanggang kadiliman. At hindi iyon nagtapos doon dahil bigla na lamang nagkaroon ng malalakas na kulog, malalaking kidlat na tumatama sa lupa, buhawing dambuhala at matutulis na pag-ulan ng yelo.

Sanay si Atarah sa pamumuhay mag-isa na parang nasa ilang dahil mula pagkabata hanggang siya ay magdalaga, nakatira na siya sa lansangan habang ginagawa ang lahat ng maaaring gawin upang mabuhay. Nariyang natulog siya sa kalsada habang ang papag ay mga pinagtagpi-tagping karton na napulot sa gilid ng mga basurahan, minsan ay tinitiis pa ang lamig kapag umuulan. Mayroong ding mga pagkakataong napagdidiskitahan siya ng mga tambay sa kanto at binubugbog. Upang makakain, noong kaniyang pagkabata ay nakikipag-agawan siya sa mga itinuturing na ginto ng basurahan hanggang sa humantong na sa puntong natuto siyang magnakaw upang magkaroon ng laman ang sikmura.

Dahil sa kaniyang nakaraan bago siya maampon ng mag-asawang Tan ay hindi siya masyadong naapektuhan sa biglaang pagbabago, hindi gaya ng ibang kaedad niya na sanay sa komportableng pamumuhay at hindi nakarananas ng hirap at sakit. Iyon nga lang, hindi niya naman masasabing hindi siya nabigla dahil sino ba naman ang hindi mabibigla sa mga iyon?

Matagal-tagal din bago siya nasanay sa bagong pamumuhay ngunit hindi naman siya nangungulelat. Dahil nawala ang mga taong bagong nagpapakain sa kaniyang sarili, tila bumalik lang siya sa nakaraang gawi at iyon ay ang mabuhay at makaligtas—wala ng iba pa dahil iyon lang ang kaniyang kayang gawin. Maging ang kaniyang bahay na tinitirahan ngayon ay kaniya lang ding inangkin matapos nang kaniyang matagal na pagpapagala-gala at paglilipat-lipat ng tirahan.

Ano ba ang masama roon gayong wala na namang nakatira sa mga bahay na napupuntahan niya? Wala. Kaya imbes na hayaang mabulok ang mga iyon, tinitirahan niya muna at sinisimot ang lahat ng mga bagay na kapakipakinabang sa kaniya at saka kapag wala ng kuwenta ang bahay, saka siya hahanap ng iba.

Sa ngayon, ang kasalukuyan niyang tinitirahan ay ang pinakamaganda sa lahat. Ang bahay ay malayo-layo sa kabihasnan, may kalakihan at puno ng mga bagay na kinakailangan niya lalo na ang pagkain, damit at mga armas.

Kung gaya lang siguro ng klima noon ang Pilipinas, hindi na siya masyadong mamomoblema sa mga damit ngunit nag-iba na ang panahon. Mabilis ang naging pagbabago nito. Ang noong puro tag-init at tag-araw na klima ay nabigyan na ng taglamig. Ang mas nagpapahirap pa rito ay—ang taglamig na idinulot ng mga kakaibang pangyayari dalawang taon na ang nakalipas ay palaging kalahating taon.

Bumuntong hininga ang dalaga at saka humikab.

"Mahaba-haba na namang nakakaantok na panahon ito," sambit niya sa sarili bago tumayo, lumabas ng kuwarto at kinuha ang makapal na kulay puting tsaketang nakalapag sa lamesa sa salas.

Matapos maisuot ang kaniyang tsaketa, tahimik na lumabas ng bahay si Atarah upang maghanap ng pagkaing kaniyang maidadagdag sa iniimbak niya upang hindi na niya kailanganin pang lumabas nang matagal na panahon habang nagpapalipas ng taglamig.

"LONG time no see, Ara! Wala ka ng kawala ngayon!" tuwang-tuwang pasigaw na sambit ng isang lalaking bigla na lamang pumasok sa bahay na natipuhan ng dalaga noong araw na iyon. Matapos noon ay sunod-sunod nang pumasok ang iba pang kasamahan ng lalaki

Nanigas si Atarah at halos mawalan ng kulay ang mukha matapos marinig ang pamilyar na boses ng lalaki. Matapos noon ay dahan-dahan niyang binitiwan ang mga delatang nakalap sa tukador kung saan niya nakita ang mga ito at saka siya humarap sa pinanggalingan ng boses.

Malas! Sa rami ng puwedeng makita, bakit ang mga taong ito pa!? inis na sambit sa isipan ng dalaga na hindi nagawang agad magkubli dahil una sa lahat, wala namang puwedeng pagtaguan sa bahay kaya paano siya magtatago!?

"Oh? Bakit para kang nakakita ng multo riyan? Mukba ba akong multo sa itsura kong ito?" sambit ng lalaki habang nakaturo sa sarili na para bang insultong-insulto sa inakto ng dalaga.

"'Wag kang mag-alala, mas matatakot sa 'yo ang multo," asar na bulong ng dalaga sa isipan na hindi niya napansing umalpas pala sa kaniyang bibig.

Nang siya ay nakatira pa sa gilid ng daan, si Troy at ang grupo nito ang palaging naghahari sa lansangan. Ang lahat ng mga tao na naninirahan sa gilid ng kalsada, bata man o matanda, ay kanilang kinikikilan. Basta mahina kumpara sa kanila, hindi nila ito palalampasin.

Isa si Atarah sa mga palaging binibiktima ng grupo ni Troy magsimula nang mapadpad siya at tumira sa gilid ng kalsada na sakop ng kuta nila. Nang magsimula na siyang magdalaga at unti-unti nang lumalabas ang mga katangiang pambabae, hindi na lang siya basta kinikikilan, kadalasan ay nakakaranas pa siya ng mga hindi kanaisnais na mga pagahplos mula sa lalaki na talaga namang kaniyang kinasusuklaman. Natigil lang ang karumaldumal na bagay na iyon matapos siyang makita ng mag-asawang Tan at ampunin—na naglayo sa kaniya mula sa dati niyang pamumuhay.

Sa kasalukuyan, unti-unting humahakbang papalapit sa kaniya ang buong grupo ni Troy na may malaking ngisi sa mga labi na para bang nakatutuya. Dahan-dahan din namang humahakbang patalikod ang dalaga habang ilang ulit na lumunok ng sariling laway, halos nagpipigil ng hininga, dahil sa nerbyos. Ilang segundo lamang ang itinagal noon nang makapa na ng dalaga ang malamig na pader sa kaniyang likod.

"Wala ka ng aatrasan. Ang mabuti pa, sumunod ka na lang para hindi ka na masaktan. Ang tagal din naming walang kasamang babae. Hindi ka naman siguro gano'n kalupit para hindi kami pagbigyan, 'di ba?" sambit ni Troy sa kaniya habang nakangisi ito—nakalabas ang mga ngiping tila ilang linggo nang hindi sinipilyuhan.

Wala sa loob na napangiwi si Atarah bago napasilip sa likuran. Kahit na may dingding siyang nabangga, hindi pa rin doon nagtatapos ang lahat! May bintana sa kaniyang likuran na magkakasiya ang isang tao!

May dalawang pagpipilian siya ngayon; ang mabuhay na mag-isa at maging parausan ng mga tigang na lalaking tila ilang dekada nang hindi nakakaraos o ang mamatay at makatakas sa kamay nila Troy?

Kasi, ano pa ang silbi na mabuhay siya o magsumikap na mabuhay kung matatrato lang siyang tila isang bagay? Wala na rin naman siyang tatakasan pa dahil nakapalibot ang mga tao ng lalaki sa buong bahay. Ang tanging daan niya lamang tungo sa ibang direksiyon ay ang bintana sa kaniyang tabi.

Nasa ikatlong palapag sila ng bahay ngayon. Maaaring mabalian lamang siya ng buto at hindi mamatay ngunit malaki pa rin naman ang posibilidad na siya ay matuluyan dahil sa epekto ng kaniyang pagbagsak. Kung magkagayong hindi siya matuluyan, siya na ang bahalang gumawa ng paraan upang matuloy ang kaniyang palpak na pagpapakamatay. Sapat naman siguro ang talim ng basag na salamin upang humiwa sa kaniyang pulsuhan, hindi ba?

"Hindi mo naman siguro iniisip na makakatakas ka sa amin gamit ang bintanang iyan? Hah! Makatakas ka man, sa libingan na ang bagsak mo!" nanunuyang sambit sa kaniya ng isa sa mga tauhan ng lalaki.

"Mas mabuti na ang mamatay kaysa ang magtiis akong buhay na kasama niyo. Ano ngayon kung sa libingan ng mga patay ang hahantungan ko? Higit nang mainam ang makasama si Hades kaysa mabuhay na tila isang baboy sa piling niyo! At saka, ano ba ako rito? Isa lang akong maliit na butil ng alikabok na mortal at maaaring mamatay kahit anong oras..." litanya ng dalaga.

Matapos noon ay agad itong lumingon sa likod, kinuha ang mga delatang kaniyang binitawan kanina at buong lakas iyong inihagis sa bintanang nakakandado na agad namang nabasag at gumawa ng malakas na ingay na gumulantang sa mga lalaki na hindi agad nakakilos.

Napapikit si Atarah at napatakip ng mukha gamit ang mga kamay dahil sa mga lumipad na bubog ngunit agad din naman siyang nakabawi at kumuha ng malaking parteng lumipad sa direksiyon niya. Matapos noon, tumanglaw siya sa kaniyang babagsakan at nalula. Ilang beses siyang napalunok ng sariling laway dahil sa umuusbong na takot bago buong tapang na muling nagsalita.

"At ang oras na iyon ay pinipili kong maging ngayon na!" sigaw ni Atarah bago umakyat sa pasimano ng bintana habang hawak-hawak sa mga kamay ang kapirasong salamin kaniyang pinulot at saka pikit-mata na tumalon habang nauuna ang ulo.

Nang marinig ng mga lalaki ang malakas na kalabog sa ibaba, saka lang sila nakabawi mula sa pagkagulat. Matapos noon, dali-dali silang sumilip sa labas. Doon ay nakita nila ang kaninang puting-puting daan dahil sa nagsisimulang pumatak na niyebe ay nababalutan na ng nagkalat na dugo mula sa nakahandusay na katawan ng babae. Ilang minuto nila itong pinagmasdan at saka napansing hindi na ito gumagalaw. Doon nila tunay na napagtantong... Nagpakamatay nga ang dalaga.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro