Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

XXVI

"Sa ilalim ng liwanag ng buwan, nakatayo siya sa gitna ng katahimikan, at tila naging mas mabagal ang takbo ng mundo. Ang kanyang mga mata, hugis almendras, ay may kakaibang sinag na tila kayang saluhin ang lahat ng sugat sa puso ko. Sa bawat tingin niya, may lambing at pananabik na hindi niya kailanman kayang itago. Parang ako lang ang nakikita niya sa buong mundo-isang panaginip na ayaw ko nang magising.

Ang buhok niya, itim at bahagyang magulo, ay tila naglalaro sa ihip ng hangin. Ang bawat hibla nito'y para bang may sarili niyang kwento, bawat kwento'y nagpapalapit sa akin nang hindi ko namamalayan.

Ang kanyang ilong, matangos ngunit hindi mapagmataas, ay palaging nangingibabaw sa kanyang mukha na puno ng mga lihim na hindi niya kailanman masabi. Pero ang mga labi niya-Diyos ko, ang mga labing iyon. Mapula, manipis, ngunit puno ng pangako. Tuwing ngingiti siya, kahit bahagya, para bang lumulubog ako sa kalaliman ng damdamin ko para sa kanya.

Ang hugis ng kanyang mukha ay parang larawang guhit ng pintor-hindi perpekto pero tama ang lahat ng proporsyon. Ang kanyang kilay, makapal at mababa ng kaunti, ay nagbibigay ng mas maraming lalim sa mga titig niya. Nakakatakot at nakakapanatag ang tingin niya, parang isang pangako na hinding-hindi niya ako iiwan.

Hindi ko alam kung anong meron sa kanya, pero ang bawat bahagi niya, mula sa tingin hanggang sa ngiti, ay parang sinisigaw ang pangalan ko. Siya ang pahina ng nobela kong hindi ko kayang basahin nang isang beses lang. Gusto kong ulit-ulitin ang bawat detalye niya, ang bawat himig ng boses niya. Siya ang panalangin ko sa bawat gabing malamig, at siya rin ang sagot na matagal ko nang hinahanap."

"Sevilla!"

Napaigtad ako nang marinig ang boses ni Celia. Hindi pa ako nakakagalaw mula sa aking kinauupuan nang bumukas ang pinto, halos mabangga niya ito sa lakas. Napasimangot siya habang tinitingnan ang librong hawak ko.

"Jusko, ilang ulit mo na bang binabasa 'yan? Hindi ka pa ba nagsasawa?" tanong niya, may halong inis.

Inirapan ko siya. Ano naman kung paulit-ulit kong binabasa ang librong ito? Parang may kakaibang koneksyon ako rito, hindi ko maipaliwanag. Ang bawat pahina'y tila humihila sa akin sa ibang panahon, ibang kwento ng pag-ibig na parang totoo.

"Bilisan mo na! Ikaw na ang susunod!" singhal niya bago umalis.

Binaba ko ang libro, huminga nang malalim, at tumayo mula sa aking kinauupuan. Tumigil ako sandali sa harap ng salamin, hinagod ang pilak na suot ko-makintab at elegante, parang ikinulong ang mga bituin sa tela nito. Hinaplos ko rin ang maliit na peklat sa aking dibdib, hugis bituin, na palagi kong tinatanong kay lolo.

"Swerte raw iyang balat na iyan," ang sabi niya dati. Pero bakit parang may kakaiba rito? Parang may kuwento itong hindi ko alam.

Pag-akyat ko sa entablado, ang lahat ay tila huminto. Ang mga ilaw ay tumama sa akin, at ang malambot na tugtog ng piano ay nagsimula. Kinuha ko ang mikropono, ngumiti, at sinimulan ang kanta:

"After the ball is over, after the break of morn..."

Habang kumakanta, may kakaibang lamig na gumapang sa akin. Ang bawat salita ay parang pamilyar, pero hindi ko alam kung saan ko narinig.

Biglang natigil ang aking mata sa isang lalaki sa mga nanonod. Nakatayo siya sa madilim na bahagi ng kwarto. Kahit natatakpan ng anino ang kalahati ng kanyang mukha, ang mga mata niya ay maliwanag at puno ng emosyon.

"Many a heart is aching, if you could read them all..."

Nagpatuloy akong kumanta, pero hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya. May kakaiba sa paraan ng kanyang pagtitig-parang kilala niya ako, parang naghahanap siya ng sagot na hindi ko kayang ibigay.

Habang nakatitig sa kanya, biglang sumagi sa isip ko ang mga imahe na hindi ko maintindihan. Isang hardin sa ilalim ng buwan, isang halik sa ilalim ng mga bituin, at ang boses ng isang lalaking nagmamakaawa, "Hintayin mo ako..."

Napapikit ako saglit. Saan nanggaling ang mga imaheng ito? Hindi ko alam. Pero ang bigat sa dibdib ko ay parang tunay, parang iniwan ako ng isang taong mahalaga.

Pagmulat ko, naroon pa rin siya, nakatitig pa rin sa akin, hindi gumagalaw.

"After the ball is over, after the break of morn..."

Sa bawat salita ng kanta, may mga alaalang dumadaan sa isipan ko-ang saya ng isang babae noong panahon ng Kastila, ang lambing ng kanyang tinig habang umaawit, at ang mukha ng lalaking ito, pareho ng nakikita ko ngayon.

Pero bakit hindi ko maalala?

Hindi gumalaw ang lalaki. Pero ang mga mata niya, puno ng sakit at saya. Parang sa wakas, nakita niya ulit ang isang bagay na nawala sa kanya.

Hindi ko alam kung bakit, pero naramdaman kong may pumatak na luha mula sa aking mata. Hindi ko siya kilala, pero parang may bahagi ng puso ko na nagsasabing kilala ko siya.

Natapos ang kanta. Ang mga palakpak mula sa audience ay naghalo sa tibok ng puso ko, pero hindi ko maramdaman ang paligid. Ang lahat ay nakatutok lang sa kanya, at ang mundo ko'y parang huminto.

Minsan pa, nagkatinginan kami. Walang salita. Pero sa titig niya, parang may gustong ipaalam-isang kwento, isang alaala, isang pagmamahal na nakalimutan ko na pero nararamdaman ko pa rin.

Napatigil ako at tila nawala ang atensyon ko sa lalaki nang biglaang pumalakpak ang mga tao. Sa lakas ng palakpakan, nagbalik ang aking ulirat, at nahihiya akong ngumiti sa kanila. Pinilit kong itago ang pagkabalisa habang bumalik sa entablado ang aking kumpiyansa.

Tila lumambot ang aking puso nang marinig ang mga papuri mula sa mga tao-may nagsabing nakakakilig daw ang kanta, may nagsabing tila may dalang lungkot, at may ilan pang nag-abot ng kanilang paghanga. Ngunit sa kabila ng kanilang mga salita, nananatili pa rin ang mabigat na pakiramdam na hindi ko maipaliwanag.

Habang nakatingin sa mga tao, biglang lumabas si Celia sa entablado, ang kanyang ngiti ay parang sinag ng araw na nagpapagaan sa paligid. Napangiti ako sa kanya nang kunin niya ang mikropono. Narito na ang bahagi ng gabi na inaabangan ko-ang aking pormal na pagpapakilala.

Pinakikila namin ang aming sikat na mang-aawit!"

"Ashley Sevilla!"

Anong taon nga ulit ngayon? Ah, isang libo, siyam na raan at tatlumpu't taon.
Ang panahon ng Amerikano.

-

Ending.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro