Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

X

"Kumalma ka, hija, ipapaliwanag namin sa'yo lahat."

Tila natulala ako sa kanila sa mga narinig ko. Ang utak ko'y naguguluhan, at parang hindi ko kayang tanggapin ang mga sinasabi nila. Naramdaman ko ang madiin na paghawak ni ama sa aking braso, at bago ko pa man malaman, nakaupo na pala ako sa upuan, ang katawan ko'y nanginginig sa tindi ng shock.

"Pinagkasundo ka namin kay Alejandro, kapalit ng pagtulong niya sa iyong ama upang maabot ang mataas na posisyon." Walang ka-amor-amor sa boses ni ina habang binanggit niya ang bagay na iyon. Para bang isang simpleng desisyon lang sa kanila, hindi alintana ang aking kalagayan!

"Tantanan niyo na ang bagay na ito! Hinding-hindi ako magpapakasal sa Gobernador-heneral na 'yan!" Matalim at puno ng galit ang aking mga mata habang nakatingin kay Alejandro, na tila walang kaba at nagngingiti pa, parang walang pakialam sa kaguluhan namin

"Walang problema sa akin," aniya, ang boses niyang malamig at puno ng pang-aasar, "maari ko naman pabagsakin ang ama mo. Ang pamilya mo. Hindi magtatagal, magiging indio rin kayo." Ang banta niyang iyon ay parang mga kutsilyo na tumusok sa aking puso, naramdaman ko na parang tinanggalan ako ng hininga. Nanigas ako sa aking kinauupuan. Narinig ko ang malalim na singhap ni ama, at ngayon, ramdam ko ang palad niyang humahaplos sa aking palad, isang mahigpit na pagkakahawak na parang pinapaalala sa akin ang sakit ng kalagayan namin.

"Hija, hindi mo naman nanaisin na tumira sa lansangan? Magtinda ng kung ano-ano sa daan, at abusuhin ng mga Kastila, di ba? Kaya't nakikiusap ako sa'yo, anak, pumayag ka na." Ang boses ni ama ay puno ng awa at desperasyon, at ang mga mata niya'y tila nagmamakaawa, nakatingin sa akin nang may takot na hindi ko kayang tanggapin. Tila ang bawat salitang binanggit niya ay isang pag-aalay ng pag-asa, at nakikita ko ang kabiguan sa kanyang mga mata.

"Bigyan niyo muna kami ng panahon mag-usap ng aking mapapangasawa." Ang boses ni Alejandro ay malamig at tila hindi na ako pinapansin. Bigla niyang pinauwi ang aking mga magulang, parang wala silang karapatang magsalita o magdesisyon. Pinagmasdan ko ang mabilis na pagbitaw ng kamay ni ama sa aking palad at ang kanilang paglisan mula sa aking tabi. Ang naramdaman kong pag-iisa ay tila matalim na sugat sa aking puso.

"Nakikita mo naman kung gaano ka uhaw ang iyong ama sa mataas na posisyon," ang sabi ni Alejandro, ang tawa niyang nakakilabot at puno ng kasiyahan. "Ako'y humihingi ng kapalit nang tulungan ko ang iyong ama. Hindi ko inaasahan na ikaw ang magiging kapalit. Ngunit hindi na masama, magkakaroon ako ng isang magandang asawa." Ang kanyang mga salitang iyon ay tulad ng mga pako na tumusok sa aking katawan. Nang maramdaman ko ang malapit niyang katawan sa akin, ang panginginig na aking naramdaman ay tila hindi maipaliwanag. Kinikilabutan ako sa bawat sandali na siya'y andiyan, malapit sa akin, at ang presensya niyang iyon ay nagpapalala sa aking kalagayan.

"Hinding-hindi ako magpapakasal sa'yo." Madiin ang aking wika, at sinubukan kong itaguyod ang aking tingin laban sa kanya. Hindi ko siya kayang tignan ng may takot. "Sa mga susunod na buwan ang ating kasal. Wala ka ng magagawa pa roon." Ang malupit niyang tinig ay umabot sa aking tainga. Nakangisi siya nang paalis, ngunit bago siya tuluyang nawala, naramdaman ko ang bigat ng kanyang mga salitang binitiwan, ang sakit na dumarating sa bawat salita. Ang mga huling sagot niya ay nag-iwan ng isang matinding kabiguan sa aking puso.

Isang bagay ang aking nasa isipan ngayon, hindi ang aking sarili, kung 'di ang aking minamahal. Si Jerome.


Ang araw ay tahimik na lumipas, ngunit ang bigat sa aking dibdib ay tila hindi na mawala. Mula nang malaman ko ang tungkol sa kasal, ang tanging paraan na naiisip ko upang maprotektahan si Jerome ay ang umiwas sa kaniya. Sa tuwing nakikita ko siya, nararamdaman ko ang matinding kirot—isang paalala ng mga pangarap na kailanman ay hindi na matutupad.


Sa hardin, naroon si Jerome, gaya ng dati, naghihintay sa akin. Ngunit sa halip na lapitan siya tulad ng nakasanayan, nagtago ako sa likod ng isang malaking puno, pinipigilan ang sariling lumapit. Nakita ko siyang nakatingin sa paligid, hawak-hawak ang mga paborito kong bulaklak, na tila naghahanap ng sagot sa hangin.


"Mahal," narinig kong tawag niya, ang boses niyang puno ng pag-asa. Nagpakawala ako ng mahinang buntong-hininga at pilit na pinanatili ang sarili sa taguan. Ngunit kahit anong gawin ko, hindi ko maikubli ang kirot na nararamdaman ko sa bawat pagtawag niya sa aking pangalan.

Sa mga araw na lumipas, masaya na lamang akong pagmasdan si Jerome mula sa malayo.

Linggo ang nagdaan, ngunit nanatili akong nakakulong sa aking silid. Hindi ko hinaharap si Ama at Ina, at tanging si Sonya lamang ang pinapayagan kong makapasok. Ngunit kahit siya’y hindi ko kinakausap, hinahayaan ko lamang siyang maghatid ng pagkain at magpaalam nang walang sagot. Nagpapasalamat ako na hindi ko na muling nakita ang Gobernador-Heneral; sa kaniya pa lamang ay tila wala na akong lakas.

Ang mundo ko’y tila lumiit. Sa bawat oras na dumadaan, naramdaman ko ang bigat ng aking desisyon. Mahal ko si Jerome, ngunit paano ko siya sasaktan sa katotohanang wala akong kayang baguhin?

Napabalik ako sa realidad nang marinig ang isang katok mula sa pintuan. "Pumasok ka na, Sonya," mahina at walang emosyon kong sagot. Ngunit nang bumukas ang pintuan, isang pamilyar na pigura ang sumalubong sa akin.

"Hanggang kailan mo ako balak iwasan, binibini?" malamig na tanong ni Jerome. Tila nanlamig ang buong katawan ko sa sandaling makita ko siya. Ang seryoso niyang tingin ay tumagos sa akin habang dahan-dahan siyang lumapit.


"Anong ginagawa mo rito? Baka mahuli ka!" galit at puno ng takot kong sabi. Ngunit hindi siya nagpaapekto sa aking boses. Walang alinlangang lumapit siya sa akin hanggang sa hindi ko namalayang narito na siya sa harapan ko.

Napasinghap ako nang bigla niya akong isandal sa pader. Nang magtama ang aming mga mata, tila wala akong mabasang emosyon mula sa kaniya—maliban sa matinding determinasyon.


"Wala akong pakialam kung mahuli ako. Ikaw ang kailangan ko, mahal ko. Ikaw ang lakas ko," mahina ngunit matatag niyang sabi. Unti-unting nabasag ang kaniyang seryosong anyo, at naramdaman ko ang mainit niyang braso na lumukob sa akin.

"Mahal mo pa rin ba ako, binibini?" halos pabulong niyang tanong.

Sa puntong iyon, tila nagiba na rin ang pader na itinayo ko. Mahina akong humagulgol sa kaniyang balikat, hinayaan ang mga luha kong bumagsak—ang sakit na matagal kong kinikimkim, ngayon ay tuluyang sumabog.

"Mahal kita, Jerome. Mahal na mahal," sabi ko sa pagitan ng mga hikbi. Ramdam ko ang higpit ng yakap niya, tila sinasabi niyang hindi niya ako kailanman bibitawan.


Ngunit may naramdaman akong bahagyang panginginig sa kaniyang yakap. Tila may halong pag-aalala ang kaniyang pagiging matatag.

"Binibini, hindi ko alam kung anong pinagdadaanan mo, ngunit handa akong damayan ka. Hindi mo kailangang harapin ito nang mag-isa," mahinang sabi niya, habang hinahaplos ang aking likod.

Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko. Paano ko sasabihin sa kaniya ang katotohanan? Paano ko siya papasanin sa mundong pinipilit kong talikuran para sa kaniya?

"Kung ganoon, hindi mo na ako maaring iwasan pa, binibini," tugon niya, puno ng katiyakan.

Habang umiiyak ako sa kaniyang balikat, pinilit kong itago ang lahat ng nasa isip ko—ang kasal na hindi niya alam, ang kapalarang hindi ko kayang iwasan.

"Kahit umiwas ka, mahal, gagawa ako ng paraan upang ako'y mapalapit sayo." pangako niya. Sa mga sandaling iyon, pakiramdam ko’y nawawala ang mga tanikala ng takot. Ngunit alam kong ang mapait na katotohanan ay mananatiling nakatago sa likod ng bawat yakap at halik.

Sa mga sumunod na araw, mas lalo pa siyang nagpupursige. Isang umaga, sinalubong niya ako sa likod ng mansyon, hawak ang isang maliit na basket ng mga prutas. "Aking binibini, naisip ko lang na magugustuhan mo 'to. Paborito mo, hindi ba?" tanong niya, ngumingiti ng payak ngunit puno ng lambing.

Hindi ko magawang tumingin nang diretso sa kaniyang mga mata. "Salamat, Jerome. Pero... abala ka na masyado," sabi ko, pilit na iniwasan ang lambot sa kaniyang boses.

"Abala? Binibini, hindi kita iniabala. Masaya akong gawin ito para sa'yo." Hindi siya sumuko, at ang determinasyon niya'y tila isang apoy na hindi madaling patayin. Sa tuwing nagtatago ako, palagi niya akong natatagpuan. Sa tuwing iiwas ako, palagi siyang lumalapit.



Isang gabi, sa ilalim ng malamlam na liwanag ng buwan, nagdesisyon akong harapin ang takot na matagal ko nang kinikimkim. Ako'y tumakas sa hacienda nang kinagabihan, nagpapasalamat na tulog na lahat. Ka agad akong pumunta sa likod ng aming mansyon kung saan ang ilang trabahante namin ay may maliit na tirahan dito.

"Aking binibini?" Tila nanigas ako sa aking kinatatayuan nang makita si Jerome. Hindi pa ako nakakasagot nang maramdaman ang yakap niya sa akin.

"Mahal, sigurodo akong tumakas ka upang makita ako." Mapait akong napangiti, hindi ko na kinaya na siya'y iwasan nang paulit-ulit habang siya'y habol nang habol sa akin. Mahal ko siya at hindi ko kinakaya na siya'y maging ganon.

Sa gitna ng katahimikan, marahang hinalikan ni Jerome ang aking noo. Ang bawat halik niya'y tila may bigat, puno ng mga tanong na nais niyang itanong ngunit hindi mabigkas.


"Aking mahal," simula niya, boses niyang basag ng kaba. "Ika'y pinipili kong intindihin, ngunit hindi ko kayang makitang ikaw'y lumuluha tuwing ako'y iyong makikita." Malambing niyang wika at doon ko na lang din naramdaman na basa ang aking mga mata, naramdaman ko ang daliri niya aking pisnge upang punasahan ang tumutulo kong luha. "Pakiusap, sabihin mo sa akin mahal anong problema?"

Bumigat ang dibdib ko. Hindi ko magawang tumingin sa kaniya. Tumigil ako sa paglakad at huminga nang malalim. Sa loob-loob ko, umaasang ang malamig na hangin ng gabi ay kayang papawiin ang bigat na nasa puso ko.

"Jerome," mahinang sabi ko habang unti-unting nilingon siya. "Mahal kita. Mahal na mahal. Pero..." Naputol ang mga salita ko, tila natakot akong bigkasin ang susunod.

Nagtagpo ang aming mga mata. Ngumiti lamang siya sa kin na tila handa lamang siyang makinig sa aking mga sasabihin. Hinawakan niya ang kamay ko, mahigpit ngunit banayad, para bang natatakot siyang mawala ito anumang oras.

"Pero ano, binibini? Sabihin mo sa akin," aniya, puno ng pag-aalala.

Dama ko ang panginginig ng kamay ko sa loob ng palad niya. "May mga bagay na hindi ko kayang sabihin, Jerome. Hindi ko gustong masaktan ka... o ako," halos pabulong kong sagot.

Nakita ko kung paano nagdilim ang kaniyang mga mata—hindi sa galit, kundi sa sakit na pilit niyang tinatago. Ngunit sa halip na bumitaw, mas lalo niyang hinigpitan ang hawak niya sa akin.


"Mahal, kung ano man 'yan, sabay nating haharapin. Hindi kita iiwan, hindi ko hahayaan na mag-isa mong dalhin 'yan," matatag niyang tugon, ang boses niya'y punong-puno ng determinasyon.

Sa mga salitang iyon, parang gumuho ang lahat ng pader na itinayo ko. Tuluyang bumagsak ang mga luha ko, humagulgol ako nang hindi alintana kung ano ang iisipin niya. Sa sandaling iyon, yakap niya ang naging tanging kanlungan ko. Ilang beses na ba na nagiging mahina ako sa kaniyang harapan.

"Jerome, patawarin mo ako. Mahal kita... pero..." Sinubukan kong ihinto ang sarili kong magsalita, ngunit ramdam ko ang bigat ng bawat salita. "Ipapakasal ako nina Ama at Ina sa iba."

Para bang tumigil ang oras. Ang kamay niyang nakahawak sa akin ay dahan-dahang bumitaw. Kita ko ang pagkabigla sa mukha niya, ngunit higit sa lahat, ang sakit na pilit niyang itinatago.

"Binibini, anong ibig mong sabihin?" basag niyang tanong.

"Pinili na nila ang magiging asawa ko, Jerome. At wala akong magawa. Ang pamilya ko... ang pangalan namin... hindi ko kayang talikuran ang lahat ng responsibilidad na ipinasa nila sa akin."

Napatitig siya sa akin, at sa mga mata niya'y nababasa ko ang matinding paninibugho at kawalan ng magawa. Tila gusto niyang magsalita, ngunit wala siyang masabi.


"Kaya ako lumalayo," dagdag ko, pilit na pinipigil ang pag-iyak. "Para hindi na mas lalong masaktan." Tila nanlalambot kong sagot.

Hinawakan niyang muli ang kamay ko, mas mahigpit kaysa kanina. Sumeryoso ang kaniyang titig ngunit ramdam ko na tila babagsak na ng luha na kaniyang pinipigilan.

"Tinanong kita binibini ilang linggo na ang nakakalipas." Seryoso niya ang kaniyang boses habang nagsasalita. "Gusto kong marinig ulit sa iyong labi, kung mahal mo ba ko?" Gustuhan ko mang umiwas ng tingin ngunit nakahawak na siya ngayon sa aking baba tila ayaw niyang hind magkatagpo ang aming mga mata.

"Hindi ko kaya, Jerome. Hindi kita kayang iwan. Hindi kita kayang mawala." Nanghihina kong wika, "dahil mahal kita Jerome. Lubusan kitang minamahal."

Napatigil ako sa aking paghagulgol nang maramdaman ang kaniyang labi sa aking labi. Tila hinahagkan niya lahat ng sakit na aking dala-dala.

"Sapat na iyon aking mahal, upang ipaglaban kita. Kahit anong mangyari, ipaglalaban ko ang pagmamahalan natng dalawa."

Ang yakap niya sa akin ay tila isang pangako, ngunit ramdam ko rin ang panginginig ng kaniyang mga bisig—tanda ng takot na hindi niya ipinapakita.

Alam kong ang katotohanang ito ay magiging simula ng mas malaking gulo. Ngunit sa gabing iyon, pinili naming magpakatatag sa isa’t isa, kahit na ang mundo ay tila pinipilit kaming paghiwalayin.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro