Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

VIII

Pagkalipas ng ilang araw, muling nagtagpo ang aming mga landas ni Jerome sa ilalim ng lilim ng punong acacia sa aming bakuran. Tila ang init ng araw ay hindi makapantay sa titig niya, na parang gustong iparating ang isang lihim na ako lang ang dapat makaalam.

Napasinghap na lamang ako nang ako'y kaniyang tabihan, mabuti na lamang at wala si Sonya at ibang criada sa paligid.

"Binibini, may nais sana akong sabihin," ani ni Jerome habang bahagyang nakatungo, hawak ang isang panyo na tila ba'y pinaglaruan ng kaba. Napakunot ang aking noo. Parang ako ang tila kinakabahan sa kaniya, sa tuwing ang boses at ekpresyon niya ay seryoso tila nakaka kaba.

"Ano na naman 'yan? Magpapaliwanag ka na naman ba tungkol sa iyong damdamin?" sagot ko, kasabay nang pagtaas ng aking kilay. Mahina siyang tumawa nang siya'y tumingin sakin, tila nawala ang kaseryosohan sa kaniyang makisig a mukha

Inangat niya ang kaniyang tingin, kasabay ang pag iwas ng tingin ngunit naramdaman ko na lamang ang kaniyang kamay sa aking baba, at pilit na pinagtatagpo ang aming mga mata. "Hindi, aking masungit na binibini. Hindi na salita ang dala ko ngayon."

Kasabay ng kaniyang mga salita ay ang pag-abot niya ng isang bungkos ng tulips. Napasimangot ako dahil kuhang-kuha niya ako. Ngayon ay kulay pinagsamang asul at lila ang tulips na kaniyang binigay.


"Ako mismo ang pumitas at nagtipon niyang binibini. Wala akong ginto para bumili ng magagara, pero nais kong malaman mo na bawat tulips na ito ay pinili ko dahil ikaw ang nasa isipan ko."

Sumilay ang kaniyang magandang ngiti habang sinasabi ang mga bagay na iyon, hindi ko mapigilang mapasimangot habang siyan'y tinitigan.


"Tila ika'y bihasa sa pagsasalita, siguro'y nagamit mo na iyan sa ibang kababaihan." Mahina akong napatawa nang makita ang pagsasalubong ng kaniyang kilay. "Binibini naman." Mahina niyang sagot, dahilan upang mapatawa na lamang ako.

Hindi ko alam kung bakit, pero sa sandaling iyon, hinayaan kong manatili ang mga tulips sa aking mga kamay.

Sa mga sumunod na araw, dahan-dahang nagbago ang bawat tagpo. Ang pagiging seryoso ni Jerome ay napalitan ng banayad na pagbibiro. Minsan, mahuhuli ko siyang naghihintay sa likod ng aming hardin, dala ang mga bagay na kakaiba ngunit puno ng kahulugan-isang supot ng mangga, isang kwaderno na may simpleng sulat-kamay, o isang kahoy na kwintas na tila siya mismo ang gumawa.

Sa bawat araw ang lumipas, hindi ko maiwasang mas lalong mapalapit kay Jerome. Ang bawat bagay na kaniyang ginagawa, at tila tumatatak sa aking isipin, dahilan ng aking pag ngiti sa bawat araw.

Ang katahimikan ng gabi ay parang isang malambot na kumot na yumayakap sa paligid, binabalot ang mundo sa hiwaga. Napalingon ako sa bintana nang marinig ang banayad na tugtog ng gitara. Dahan-dahan kong hinawi ang kurtina, at sa liwanag ng buwan, nakita ko si Jerome. Nakaupo siya sa gilid ng aming hardin, hawak ang kanyang lumang gitara na tila isang alay.

Hindi ko mapigilan ang pagtaas ng aking kilay nang magtagpo ang aming mga mata. May seryosong titig siya, ngunit ang likod ng kanyang labi ay nakatago ang pilyong ngiti. "Aking masungit na binibini," bulong niya sa hangin na sapat lang para mabasa ko ang kanyang mga labi. Napairap ako, pilit na itinatago ang aking ngiti. Ano na naman kayang kalokohan ang naiisip ng lalaking ito?

Bago ko pa man siya masaway, bigla niyang pinatunog ang mga kuwerdas ng gitara. Agad akong kinabahan. Anong ginagawa niya rito? Alam niyang delikado ang bawat hakbang niya. Ngunit nang magsimulang umaawit si Jerome, parang naglaho ang lahat ng alalahanin. Ang tinig niya ay banayad, puno ng damdamin, at tila sa bawat salitang lumalabas sa kanyang bibig, direktang kinakausap ang puso ko.

"Sa pinakauna nga pagtan-aw, dayon gidala sang akon atensyon
Sa nagakasilak nga imo mga mata
Ikaw daw isa ka bituon nga halin sa langit
Indi ko mahangpan ang espesyal nga yara sa imo."

Sa unang tingin pa lang, nakuha na niya ang buong atensyon ko. Ang mga mata niyang kuminang sa ilalim ng liwanag ng buwan, parang mga bituin na bumaba mula sa langit. Ano nga ba ang meron sa kanya? Hindi ko maipaliwanag, pero may kung anong kakaibang bagay na nagdadala sa akin sa kanya. Hindi ko maitanggi, may kung anong hatak siya na hindi ko maunawaan.

"Tunay gid nga makadani
Indi masaysay ang akon pagbatyag
Nagakabugwak ang kalipay sa akon
Sa tagsa ka higayon nga nagapadulong ka sa akon."


May kung anong ligaya sa tuwing naririnig ko ang tinig niya, parang isang awit na tumatagos diretso sa aking puso. Sa bawat galaw niya patungo sa akin, parang lahat ng alalahanin ko ay naglalaho. Tila lahat ng nasa paligid ay nagiging mas maliwanag, mas magaan, mas masaya kapag naririyan siya. Hindi ko kailanman naramdaman ito sa iba.

"Hawira ang akon kamot
Oh, Paraluman, ikaw na gid
Dal-on ko sa lugar nga indi mo ginhulat
Pirmi ko ikaw kantahan sang Kundiman
Indi magsawa, indi ka pagbayaan
Isayaw ta ikaw tubtob sa katubtuban."


Sa bawat liriko, ramdam ko ang pag-aalay niya ng kanta sa akin. Hindi siya tumitingin kahit saan-diretso lamang sa aking mga mata, na parang ako ang tanging tao sa mundo. Natagpuan ko ang sarili kong napapangiti nang matapos ang kanyang kanta. Hindi ko alam kung paano itatago ang aking ngiti, lalo na't nakatingin siya sa akin na parang isang batang umaasang purihin.

"Kay tigas talaga ng ulo mo," sagot ko, pilit na nagtatago ng ngiti sa likod ng malamig na tono. Napasimangot siya, ngunit mas matindi ang pag-aalala sa aking dibdib. "Jerome, kung mahuli ka nila rito, alam mo kung ano'ng mangyayari. Paparusahan ka nila."

Ngunit ngumiti lang siya-isang ngiting puno ng tapang at sinseridad. "Wala akong pakialam, binibini," sagot niya, halos isang bulong. "Ang bawat tunog ng gitara ko'y para sa inyo. Kahit ako'y mapahamak, hindi ko alintana, basta't maipadama ko ang nararamdaman ko."

Isang umaga ay abala lahat sa paglilinis, ang mga criada ay kaniya-kaniyang paglilinis ng bawat sulok ng hacienda. Marahil ang dahilan ay uuwi na si ama at ina sa makalawa, dalawang buwan rin silang nawala.

Habang ang lahat ay gumagawa sinamantala kong pagkakataon iyon upang maka punta sa may hardin.

"Señorita!" Napatigil ako nang marinig ang malakas na pagtawag sa akin ni Sonya. Ako'y napasimangot dahil hindi pa ako nakakababa ay nakabantay na agad si Sonya.

"Señorita, napapadalas ang iyong pagpunta sa hardin." Tila nag uusisi ang boses ni Sonya habang nakatingin sa akin. "Hihingihin ko lamang kay Jerome ang tulips para ngayong araw niya ibibigay." Pangangatwiran ko, ngunit totoo rin naman iyon. Araw-araw ang pinadadalhan ako ni Jerome ng tulips kagaya ng kaniyang pangako.


Hindi na rin naman bago kay Sonya ang bagay na iyon dahil pinupuno ko ang aking malaking plurera ng mga tulips. "Señorita, puno na iyong mga plurera." Napasimangot ako nang marinig iyon kay Sonya. Ako'y pangangatwiran pa sana nang bigla siyang umalis dahil tawag siya ni Dolores, kaya't sinulit ko ang pagkakataon na iyon upang puntahan si Jerome sa hardin.


"Tila tumakas na naman ang binibini." Napasimangot ako nang makita si Jerome sa aking harapan, tangan ang kanyang pilyong ngiti na tila walang kapaguran.

"Ano naman? Gusto lamang kitang masilayan," masungit kong sagot, pilit na itinatago ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Napansin ko kung paano siya napahinto, ang ngiti sa kanyang labi ay bahagyang napalitan ng isang pigil na tawa.

"Ang aking binibini," sambit niya, ang kanyang tinig ay banayad ngunit puno ng lambing, "ay tila marunong nang magdala ng ligaya sa pusong ito." Ngiting-ngiti siyang tinuro ang kaniyang dibdib.

Hindi ko napigilan ang pag-iwas ng tingin, pilit na itinatago ang ngiti na kumawala sa kabila ng aking pagpipigil.


"Tila ika'y nakakairita sa umaga, narito lamang ako upang panoorin ang iyong pag tatanim. Sinisigurado ko lamang na maayos ang aming hardin, at ginagawa mo ang iyong trabaho." Pagpapalusot ko, narinig ko ang mahina niyang pagtawa at bumalik n sa kaniyang ginagawang pagtatanim.

Kung maari lamang ikatwiran na ako'y magpahahatid sa pamilihan, ngunit gasgas na aking linya na iyon. Halos sa isang linggo ay tatlong beses akong nag aaya sa pamilihan ngunit walang nabibili, baka mahalata pa niya ako na ako'y tila may nararamdaman na sa kaniya.

Tahimik kong pinagmasdan ang bawat galaw ni Jerome, hindi ko maikaila tila ako'y kaniya ng nabihag. Kakaibang ginoo si Jerome, sa araw at nauwi sa linggo, at nauwi sa buwan ngunit tuloy-tuloy parin ang kaniyang panliligaw, kahit tila lagi ko siyang sinusungitan.

"Binibini, kung maari kang makapag aral, ano ang iyong kukunin?" Natahimik ako sandali sa biglaan niyang pagtatanong. "Gusto kong malaman binibini." Mahina niyang unsad dahilan upang ako'y mapangiti.

"Kahit naman'y sabihin ko walang kakayahan na kaming kababaihan ay makapag aral." Sa panahong ito wala kaming katiyakang kababaihan, tila kami'y hinubog upang maging mabuting asawa lamang. "Buong buhay ko'y tila umiikot sa pagiging responsableng asawa ang aking natutunan, tila pagbuburda ang aking pinag aaralan." Mahina akong napatawa nang aking maisip ang pagbuburda, ka'y tagal na rin ng huling beses ko iyon ginawa.


"Bukod sa pagbuburda, ay hinubog akong maging relihiyoso, pumasok sa kumbento upang mag silbi sa panginoon." Ngunit ako'y pinalabas din ni ina at ama, dahil naisip nila na mas ayos sa akin kung ako'y nakakapangasawa.

"Nagpapasalamat na lamang ako, at kahit papaano'y mahal ako ng aking ama at tinuruan akong magbasa." Isang bagay na aking pinagpapasalamat, aking inaalala noong ako'y musmos pa lamang nang pilitin ang aking ama na ako'y turuan mag basa. Ngayon'y ako'y nagkakaintindi na ng salitang espanyol.

"Binibini, may pag asa pa namang maiba ang sistema. Iyong sabihin, ano ang iyong gusto?" Napangiti ako nang makita muli ag seryoso niyang mga titig. Umiling na lamang ako bilang sagot, tila hindi ko na gustong ilabas at sarilihin na lamang.

"Kung ganoon, ay ako muna ang magkukuwento." Malambing na ngumiti si Jerome, pinagmamasdan ko na lamang siya na umupo sa aking tabi, at maramdaman ang kaniyang kamay nakadikit sa aking palad.


"Noong ako'y musmos pa lamang, isa lang ang pangarap ko-maging isang inhinyero."

Napakunot ang noo ko at napatingin sa kanya. "Inhinyero?" ulit ko, tila hindi pamilyar sa salitang iyon.

Tumango siya at ngumiti, animo'y gustong ipaliwanag ang lahat sa akin. "Oo, binibini. Ang inhinyero ay isang taong gumagawa ng mga bagay na makikinabang ang tao-mga tulay, daan, at mga kasangkapan na nagpapadali sa buhay natin. Pero, naiisip ko, sana may mga inhinyero rin na tutok sa agrikultura, sa mga makabagong kagamitan na makakatulong sa mga magsasaka."

Tumingin ako sa kanya nang medyo naguguluhan. "Paano iyon? Wala bang mga ganyang teknolohiya?"

Tumawa siya nang bahagya, ngunit makikita mo ang pagnanais sa kanyang mata. "Kasi, binibini, hindi ko pa alam kung paano ko magagawa iyon. Wala akong sapat na kaalaman para mag-imbento ng mga bagay na iyon. Pero, naiisip ko lang, kung may mga inhinyero na tutok sa paggawa ng mga kasangkapan at teknolohiya na magpapadali sa trabaho ng mga magsasaka, magiging mas madali ang buhay nila. Siguro, magagawa nilang magtanim ng mas mabilis, mas marami, at mas maganda ang ani."

Hindi ko napigilang ngumiti. "Parang mahirap yata, wala ka pang kaalaman sa mga bagay na iyon."

"Alam ko binibini," sagot niya, at isang ngiti ang kaniyang pinakita sa akin. "Ngunit, binibini, iyon ang isang pangarap ko. Hindi ko pa alam kung paano, pero sana balang araw matutunan ko. Kung may pagkakataon akong maging inhinyero at makapag-aral ng mga bagay na ito, gusto kong magtayo ng mga sistema na makakatulong sa mga magsasaka. Hindi ko lang gusto maging inhinyero para sa sarili ko-gusto ko ring magtulungan tayo, para mas mapabuti ang buhay ng mga tao, lalo na sa mga lugar na mas nangangailangan ng tulong."

Tumango siya at ngumiti ng payapa. "Kahit hindi ko pa alam lahat ng iyon ngayon, ang mahalaga, binibini, ay ang pangarap na sana maging bahagi ako ng solusyon, hindi lang para sa akin, kundi para sa lahat."

Napatigil ako sa kanyang sinabi, at kahit na hindi ko pa lubos na naiintindihan ang lahat, dama ko ang sinseridad sa bawat salitang binitiwan niya.


"Tila ika'y marunong at maalam." Pag pansin ko nang mapagtanto ang kaniyang mga winika. Malabo sa isang indio ang magkaroon ng ganoong kaalaman, kaya nga't inaabuso ng mga kastila ang mga indio dahil sa kakulangan nila sa kaalaman.

"Ang kaibigan ni ama na na ikuwento ko sayo binibini na amerikanong sundalo na pinangalan ako sa kaniya. Siya ang nagturo sa akin kaya'y tila mas angat ang aking kaalaman sa mga ordinaryong indio." Napatango tango na lamang ako, aking hiling na sana'y mabigyan siya ng pagkakataong makapag aral.

"Ikaw na, binibini." Masuyo niyang wika, at napangiti na lamang ako sa narinig. "Gusto kong mag-aral ng medisina." Aking nababasa iyon sa mga libro, at tila iyon na rin ang aking naging pangarap, kung mapagbibigyan ako ng pagkakataong makapag-aral.

"Binibini, aking pinapangako na maiiba ang sistema. Ika'y makakapag-aral at matutupad mo ang pangarap mong makapagtapos ng medisina." Tila nanlambot ako sa kaniyang mga sinabi, lalo na't marahan niyang pinipisil ang aking palad. "Ginaganahan akong ipaglaban ang kalayaan, para sa iyo, aking binibini, para sa iyong pangarap."

"Iyan ang aking pangako, para sa iyo, aking binibini."



Habang ang malamlam na buwan ay patuloy na sumisilip mula sa mga ulap, magkasama kami ni Jerome sa ilalim ng isang puno ng mangga sa tabi ng hardin. Ang hangin ay malumanay, at ang katahimikan ng gabi ay tila nagiging saksi sa bawat sandali namin.

"Jerome, tumakas lamang ako kay Sonya." Napasimangot ako nang mahina siyag tumwa. Hindi ko alam sa lalaking ito, ang haba ng araw ay gabi pa siya nag aya tumamambay sa puno ng mangga. Mabuti na lamang ay madaling takasan si Sonya.

"Alam mo, binibini," nagsimula si Jerome, ang mga mata niyang puno ng seryosidad habang nakatingin sa akin. "Tuwing kasama kita, parang may mga bagay na tila napapawi. Parang lahat ng mabibigat na pakiramdam, nawawala. Sana, kahit isang sandali, alam mong ikaw ang dahilan ng mga ngiti ko."

Napayuko ako ng kaunti, hindi ko alam kung paano sasabihin ang mga nararamdaman ko. Ang bawat salita niya ay parang isang pangako na unti-unting binubuo sa pagitan namin. Laking gulat ko nang maramdaman ko ang malamig na kamay ni Jerome na humawak sa aking mga palad, napaiwas na lamang ako ng tingin. Ilang buwan na ang nakakalipas, ngunit bawat dikit ng aming palad ay tila ako'y na kukuryente.

"Jerome," marahan kong simula, "tulad ng sinabi ko, hindi ko alam kung paano ko sasabihin ito, ngunit sa bawat araw na lumilipas, lalo kong natutunan na hindi ko kayang ipagkait sa sarili ko ang makasama ka."

Nag-angat siya ng tingin, at sa mga mata niyang iyon, nakita ko ang kaniyang seryosong titig.

"Binibini, kung may isang bagay akong pinangarap, iyon ay ang magbigay ng kaligayahan sa'yo. Kasi, ikaw ang naging ilaw sa madilim kong mundo."

Hindi ko na kayang pigilan ang sarili ko. Hinawakan ko ang kanyang mga kamay, at bago ko pa man maisalita ang anumang saloobin, siya na mismo ang nagsalita.

"Binibini, hindi ko na kayang maghintay pa. Puwede ba akong magtanong?" Tanong niya, ang boses niya ay puno ng kaba at pangarap.

"Oo, Jerome," sagot ko, ang mga mata ko'y lumuluhod sa kanyang mga sulyap. "Oo, sagutin kita."

Tinutok niya ang kanyang mga mata sa akin, parang nangako sa kanyang sarili na hindi na niya hahayaang mawala ang pagkakataong ito. "Binibini, maging sa hirap o saya, kahit saan tayo magpunta... gusto ko lang na maging kasama kita sa bawat hakbang ng buhay ko."

Sa mga salitang iyon, natagpuan ko ang aking sagot. "Jerome, ikaw ang gusto kong makasama. Kaya ko, oo."

Muli kong nasulyapan ang ngiti ni Jerome habang ang aming kamay ay magkahawak.

Nagtama ang aming mga mata, at sa mga sandaling iyon, naramdaman ko ang lahat ng iniiwasang mga pag-aalinlangan at takot ay biglang nawala. Ang hangin ay tila huminto, at ang oras ay nagpahinga. Sa mga mata namin ni Jerome, nakita ko ang mga pangarap at pag-asa na nagsimulang magbuo, at mula sa gabing iyon, kami'y magkasama sa isang bagong paglalakbay, puno ng pag-ibig at pag-asa.





Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro