Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

SC-XXIII

"Supremo, kailangan ko ang tulong ng ating samahan."

Mariing tumingin ako sa kaniyang mga mata—mga matang tila nanunuot hanggang kaluluwa. Ilang linggo na akong balisa, hapdi ng bawat sugat sa katawan ko’y wala nang halaga. Ang tanging gumugulo sa akin ay ang kapalaran ng aking binibini. Si Ashley… nandoon pa rin siya, bihag sa mga kamay ng mga mapaniil.

"Sa lagay mong ‘yan?" Tugon ng Supremo, mabigat ang kaniyang titig na parang palasong tumatama sa dibdib ko. Tiningnan ko ang sarili kong anyo. Kaya ko nang tumindig ng tuwid. Kaya ko na ring hawakan ang sandata nang walang pangangatog. Kayang-kaya ko na siyang ipaglaban.

"Hindi sapat ang mga sugat na natamo ko para hindi lumaban!" madiin kong sagot. Sumilay ang bahid ng paghamon sa kaniyang mukha. Bigla niyang itinaas ang kaniyang itak at itinutok sa akin. Alam ko na ito ang paraan niya ng pagsubok—ang salitang may kasamang talim.

"Pinagkatiwalaan kita, bata!" Sigaw niya, puno ng galit. "Ngunit ano ang ginawa mo? Umibig ka! Umibig sa anak ng isang ganid! Rebolusyonaryo ka pa ba kung kaya mong ipagpalit ang kalayaan sa babae?!"

Bawat salita niya’y parang latay na lumalatigo sa dibdib ko. Pinagpalit ko raw ang kalayaan? Kalokohan. Ngunit kung totoo man iyon sa kanilang paningin, handa akong magpakabaliw para sa kaniya. Si Ashley… siya ang liwanag sa gitna ng kadiliman. Siya ang dahilan ng tibok ng puso ko.

"Lalayuan ko siya..." Mahigpit ang buo kong loob habang binibigkas ko iyon. "Ngunit tulungan mo akong makalaya siya." Dumadagundong ang puso ko habang sinasabi ko ito. Siya muna… siya muna bago ang lahat.

Saglit na nanahimik si Supremo. Kita ko ang paglalaban ng damdamin sa kaniyang mga mata, pero sa wakas, tumango siya.

"Sumunod ka sa iyong mga salita, bata. Aasahan ko iyan." Dumagundong sa tenga ko ang kaniyang tinig. Mariin kong pumikit at tumango rin—wala nang atrasan.

"Kalayaan muna, bata, bago ang pag-ibig. Hindi mo mararating ang layunin kung hindi ka handang ipaglaban ang kalayaan ng lahat, pati na rin ang kalayaan ng iyong minamahal."

Tandang-tanda ko ang bawat salitang iyon. Oo, Supremo. Alam ko. Ngunit isang bagay ang tiyak—hindi ako titigil hanggang makamtan ang kalayaan. Ang kalayaan ng bayan... at ang kalayaan niya sa mga kamay ng kaaway.

Aking mahal, hintayin mo ako. Lalapit ako sa’yo bilang isang mandirigma, hindi bilang isang talunan. Darating ako… at walang puwersang makapipigil sa akin.

"Oras na." Dumagundong sa dibdib ko ang mga salitang iyon habang pinagmamasdan ko ang mga kasama kong rebolusyonaryo. May tapang sa aming mga mata, ngunit may kirot din sa akin na hindi nila alam. Ito ang gabi ng katotohanan—ang gabing ililigtas ko siya.

Hawak ko ang gulok na tila naging bahagi na ng kamay ko. Ang lamig ng bakal ay tila nag-aalab dahil sa init ng galit ko. Ang aking binibini… nasa loob siya ng mansyon ng mga mapagsamantalang hayop. Hindi ako titigil hanggang mabawi ko siya mula sa kanilang mga kuko.

"Mga kapatid, sa pangalan ng kalayaan, sugod!" sigaw ko, at agad naming sinagasaan ang bakuran ng hacienda.

Dumagundong ang mga paa namin sa lupa, parang mga alon ng digmaan. Tumunog ang mga unang putok ng baril, ngunit hindi ako natinag. Nakita ko ang mga Guardia Civil na nagkukumahog sa pagtatanggol. Pero anong laban nila sa taong nagmamahal at handang magpakamatay para sa minamahal? Wala.

Habang lumalapit kami sa pinto ng mansyon, isang matinding sigaw ang narinig ko sa ulo ko: "Aking mahal!"

Nakita ko siya sa bintana. Ang kaniyang mukha ay maputla, ngunit ang mga mata niya'y nagtatanong at puno ng takot. Nang magtagpo ang aming mga mata, huminto ang lahat para sa akin—ang ingay ng putukan, ang amoy ng pulbura, pati ang kalampag ng takot. Siya lang… siya lang ang dahilan kung bakit narito ako.

Muli kong narinig ang sigaw ng reyalidad nang may biglang pumutok na baril. Napapikit siya at napayakap sa isang matandang kasama niya. Parang may sumaksak sa puso ko. "Hindi kita hahayaang mawala, aking minamahal!" sigaw ng isip ko habang nagmamadali kaming pumasok sa loob.

Sa bawat hagdan, sa bawat kwarto, hinahanap ko siya. Nasaang bahagi ka ng mundong ito, binibini? Paulit-ulit kong tinawag ang kaniyang pangalan sa isip ko. Sa wakas, narating ko ang isang silid. Malamlam na liwanag ang bumalot sa paligid, at sa gitna ng dilim, nandoon siya.

"Aking binibini," mahina kong sabi, ngunit puno ng damdamin.

Nakita ko siyang nagmamadaling tumakbo papalapit. Mahigpit siyang yumakap sa akin, at sa saglit na iyon, lahat ng sakit, sugat, at hirap na dinanas ko ay nawala. Narinig ko ang mga hikbi niya habang sinasapo niya ang duguan kong mukha.

"Anong ginawa nila sa ‘yo?" tanong niya, nanginginig ang boses.

Hinaplos niya ang sugat sa aking pisngi, at naramdaman ko ang init ng pagmamahal niya na nagpapatatag sa akin. "Ayos lang ako," sagot ko kahit alam kong kasinungalingan iyon. Hindi mahalaga kung masaktan ako. Siya ang mahalaga.

"Ang mahalaga ngayon ay ligtas ka na." Hinaplos ko ang kaniyang pisngi. Dito sa harap ko, siya ang tanging dahilan kung bakit ako lumalaban.

"Jerome… paano mo nagawa ito? Paano ka nakalapit?" bulong niya habang tinititigan ako.

"Dahil hindi ko kayang wala ka." Seryoso kong tugon. "Sila’y mga kapatid ko sa pakikibaka. Hindi ako nag-iisa. Nandito ako dahil naniniwala silang hindi lang kalayaan ng bayan ang dapat ipaglaban, kundi pati ang kalayaan ng puso." Nagsimula nang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata.

Hinawakan ko siya sa balikat at muling pinatignan sa akin. "Mahal, tandaan mo ‘to. Kahit saang impyerno pa ako itapon, babalik at babalik ako para sa iyo."

Narinig ko ang mga yabag ng mga Guardia Civil sa ibaba. Napakuyom ako ng kamao. "Hindi pa tapos ang laban," bulong ko. Nilapit ko ang noo ko sa kaniya at masuyong hinalikan siya sa noo.

"Halika na, mahal. Hindi na tayo magpapahuli. Sama ka sa akin… sa kalayaan."

Hawak-kamay kaming tumakbo palabas ng silid. Sa bawat hakbang, dama ko ang bigat ng aming hinaharap, pero mas matimbang ang pag-asang magsimula ng panibagong buhay—malaya at magkasama.

"Sa hirap at sa dusa, sa digmaan at sa kapayapaan... ikaw pa rin." Iyon ang pangako ko sa kaniya, at wala nang makakapigil pa.

Ang buong hacienda ay nilamon ng kaguluhan—sigawan, putukan, at amoy ng pulbura. Ngunit wala akong ibang naririnig kundi ang pintig ng puso ko na umiiyak para sa aking binibini. Siya lang ang dahilan ng lahat ng ito. Siya ang dahilan kung bakit ako humawak ng gulok, humawak ng baril, at hinamon ang kamatayan.

Habang hawak ko ang kamay niya, naramdaman ko ang panginginig sa kaniyang mga daliri. Pero hindi niya kailangang matakot—hinding-hindi ko siya bibitawan.

"Mahal, kailangan na nating umalis." Mahinahon kong bulong, pero bawat salita’y puno ng pangako. Hinding-hindi ko hahayaang may mangyari sa kaniya.

Sa bawat hakbang namin sa madilim na pasilyo ng mansyon, bawat anino’y pinaghihinalaan ko. Ang mga tunog ng yabag at putok ng baril mula sa labas ay parang paalala na isa lang ang puwedeng kalabasan nito: buhay o kamatayan. Hinigpitan ko ang hawak ko sa lumang baril na dala ko habang iniabot ko sa kaniya ang itak.

"Gamitin mo ito, binibini. Kapag hindi mo na kaya, sumigaw ka. Maririnig kita kahit nasa gitna ng digmaan." Ang tono ko’y matigas, pero sa loob-loob ko, parang kinakain ako ng takot na baka hindi ko magawang protektahan siya.

Bigla, isang putok ng baril ang bumasag sa katahimikan. Dumating na sila. "Sa harapan!" sigaw ko, at tinadyakan ko ang pintuan para harangan ito.

Nagtama ang tingin namin. Nakita ko ang takot sa kaniyang mga mata, pero mas nangingibabaw ang tiwala. Ang tiwala niyang ako ang lalaban para sa aming dalawa. Mabilis akong humarap sa mga Guardia Civil at pinakawalan ang mga bala mula sa aking baril. Bawat putok ay para sa pangarap naming kalayaan. Bawat sigaw ay para sa pagmamahal ko sa kaniya.

Nang matapos ang putukan, hinawakan ko siya. Tila nawala lahat ng ingay sa paligid nang bigkasin ko ang mga salitang, "Aking binibini, mahal kita." Mahina pero bawat salita’y totoo. Hinagkan ko ang kaniyang noo—isa na sigurong paalam kung sakaling iyon na ang huli.

"Jerome, paano kung hindi tayo makaalis?" tanong niya, nanginginig ang boses.

"Kapag magkasama tayo, walang imposible." Madiin kong sinabi iyon, kahit pakiramdam ko’y nilalamon kami ng tadhana. "Bubuo tayo ng sarili nating mundo, kung saan walang giyera, walang digmaan, at walang halimaw na maghihiwalay sa atin."

Ngumiti siya sa kabila ng luha. Pinawi ng mga pangarap naming iyon ang takot sa puso ko.

Habang tumatakbo kami sa lihim na daanan, isang kabayong dumating sa harapan namin. Kasabay ng lagutok ng gulong ng kalesa, narinig ko ang pamilyar na boses na punong-puno ng poot: "Hindi ko kayo papayagang makaalis!"

Si Alejandro.

Itinulak ko ang aking mahal sa tabi. "Mahal, magtago ka!" Hinarap ko si Alejandro na bumaba mula sa kalesa, hawak ang baril.

"Hinding-hindi kita hahayaang agawin siya." Ang mga mata niya’y nagbabaga sa galit.

Lumapit siya, at bago ko pa napigilan, sinunggaban niya ako. Bumagsak kami sa lupa, at nagsimula kaming mag-agawan ng baril. Naririnig ko ang mga sigaw ng binibini. Hindi ko siya matignan dahil kahit isang saglit na paglingon ay pwedeng ikamatay namin.

"Walang kwenta ang pagmamahalan niyo! Hindi niyo matatakasang maging alipin ng sistema!" sigaw ni Alejandro habang pilit tinutulak ang baril papunta sa aking sentido.

"Hindi mo kami kaya, Alejandro!" ganti ko, pilit hinuhugot ang baril pabalik sa direksyon niya. "Mas matibay ang pag-ibig kaysa sa takot mo!"

Isang sigaw ang bumasag sa tensyon—"Hayop ka!" Si Ashley. Hawak niya ang isang mabigat na plorera, at buong lakas niyang hinampas sa ulo ni Alejandro. Bumagsak si Alejandro sa lupa.

Hinila ko siya at niyakap ng mahigpit. Hindi ko na siya binitiwan pa. "Tumakbo na tayo!" sigaw ko habang patuloy kaming tumakbo palabas ng mansyon.

Pero bago kami tuluyang makalabas, isang pigil-hiningang sandali ang bumalot sa amin. "Ama..." bulong niya, habang nakaharang sa pinto ang kaniyang ama, may hawak na baril na nakatutok sa amin.

"Hindi ko akalain, hija... na tatraydurin mo ako." Mahinang sabi ng kaniyang ama, pero ang mga mata’y nagliliyab sa galit.

"Hindi mo inaayos ang buhay niya. Sinisira mo!" sigaw ko, itinulak ko si Ashley sa likod ko at humarap sa ama niya. "Ang sarili mong anak, itinuring mo bilang puhunan sa sarili mong ambisyon!"

"Tumahimik ka!" Nag-aalab ang boses ni Don Enrique, halos kalabitin na niya ang gatilyo. "Mamili ka, hija! Ako o ang espiyang ito!"

Niyakap ko siya at tinitigan siya. "Mahal, kung pipiliin mo ako, magiging impyerno ito para sa'yo... pero ipaglalaban kita kahit sa impyernong iyon." Tumango siya, walang takot na tumingin sa kaniyang ama.

"Si Jerome..." Mahina niyang sabi, pero bawat salita’y parang sibat na tumusok sa puso ng kaniyang ama. "Siya ang pipiliin ko dahil siya lang ang tunay na nagmamahal sa akin."

Ngunit, isang putok ang tila bumingi sa akin.

Tumigil ang mundo ko nang bumagsak siya sa bisig ko—parang dinurog ng isang libong kidlat ang puso ko. Mainit pa ang kanyang dugo sa mga palad ko, kumapit sa damit ko, at sa bawat tulo nito sa lupa ay para bang nawawala na rin ang lakas ko.

Nanginginig ang aking mga kamay habang hinahaplos ang kaniyang buhok. Para akong nauupos na kandila habang pinagmamasdan ko siya. Para ko nang nararamdaman na kumakawala siya mula sa akin.

Kasabay ng isa pang putok, ang ama niya. Kinitil ang kaniyang sarili. Ngunit, hindi nasa kaniya ang atensyon ko.

"Ashley! Mahal!" Sigaw ko habang niyuyugyog siya. Ramdam ko ang kaniyang mainit na katawan sa aking mga bisig. Napatulala ako habang tinitigan ang maamo niyang mukha, ngunit kita ko ang sakit sa kaniyang mukha.

"Mahal... bakit? Bakit mo ako pinrotektahan? Ako dapat... ako dapat!" Puno ng paghihinagpis ang bawat salita, para bang sinasaksak ang puso ko ng paulit-ulit. Hindi ko na napigilan ang mga hikbi ko—hindi na ako si Jerome na matatag sa harap ng laban. Dito, sa bisig ko, bumagsak ang lahat ng pagkatao ko. Hindi. Hindi maari. Hindi pwede. Hindi siya mamatay!

Ngumiti siya kahit pa bumibigat na ang kaniyang mga talukap. "Dahil ikaw ang mundo ko... mahal kita. Kahit pa sa huling pagkakataon, gusto kong iligtas ka."

Hindi ko na alam kung paano ko pang pipigilin ang sarili kong hindi mabaliw. Hinaplos niya ang luha ko gamit ang nanginginig niyang kamay. Napakainit ng kanyang huling haplos, ngunit alam kong iyon na ang huling pagkakataon na mararamdaman ko ito.

"Hintayin mo ako, gagamutin kita ah. Kagaya nung una, kapit lang ah." Pinapakalma ko ang aking sarili ngunit humigpit ang kapit niya sa akin na tila ayaw akong paalisinsa tabi niya. Pinilit kong ngumiti habang humahaplos sa pisngi niya. Ngunit sa ilalim ng lahat ng iyon, nararamdaman kong kumakawala na siya sa akin.

Wala akong nagawa kung hindi lumuha nang lumuha habang yakap-yakap niya ako. Umiling-iling ako habang patuloy ang pagluha. Hindi siya mamatay diba? Panginoon, hindi diba? Hindi mo siya hahayaan diba? Pakiusap.

"Huwag kang magpanggap, Jerome... Alam natin pareho." Nilamon ng hilakbot ang puso ko sa kanyang sinabi.

"Hindi! Ayoko! Huwag mo akong iwan!" Hinigpitan ko ang yakap ko sa kanya na parang ang buong mundo ko’y gumuho. Wala nang rebolusyon sa sandaling ito. Wala nang digmaan. Ang meron lang ay ako at siya, at isang kwentong nababakas sa mga luhang dumadaloy sa aming mga mata.

"Ikaw ang nagbukas sa akin ng kung ano ang mundong kinagagalawan natin. Doon ako humanga sayo dahil sobrang tapang mo. Ang aking rebolutsunaryong minamahal." Lumuluha lamang ako habang pinakikinggan siya. Para akong pinapatay, unti-unting pinapatay. "Pangako mo sa akin ah, papalayain mo ang ating bansa." Tumango ako sa kaniya, at hinawakan ang kaniyang kamay upang hagkan.

"Naniwala ka ba mahal na baka sa kabilang buhay tayo parin?" Tumango ako habang hawak parin ang kaniyang kamay. "Mangako tayo sa isa't-isa." Ramdam ko ang unti-unti niyang panghihina.

"Mahal kita sobra, Jerome." Isang ngiti ang sumilay sa kaniyang labi, kasabay ng sobrang panghihina ko.

"Sa kabilang buhay, pangako, magkikita tayo..."

Pinagmamasdan ko ang kaniyang mata na unti-unting nawalan ng liwanag.

Puno ng poot ang puso ko, pero higit pa roon, puno ng isang sugat na hinding-hindi na maghihilom. Pinagmasdan ko ang duguan kong mga kamay na parang sumpa. Tila isinumpa ako ng langit sa tadhana ng pagdurusa.

"Binibini, pangako... ipaglalaban ko pa rin tayo. Sa mundong ito... o sa kabilang buhay." Hinigpitan ko pa ang yakap sa kanyang malamig na katawan habang ang ulan ay bumuhos, tila dinadamayan ako ng kalangitan.

Habang bumagsak ang patak ng ulan, isang bagay ang naging malinaw sa akin:

Hindi ito ang wakas ng aming kuwento. Magbabayad ang mundo para sa sakit na ito. At sa anumang dako ng buhay o kamatayan—siya pa rin ang pipiliin ko.

Bumangon ako, pasan-pasan siya sa bisig ko, habang pilit kong nilalampasan ang unos ng ulan. Sa likod ng luha, isang pangako ang tumitibok sa puso ko—hindi matatapos dito. Lalaban ako, para sa kanya, para sa pangarap naming magkasama.

Dumaan ang kidlat sa langit, at sinundan ng isang dagundong. Tulad ko, galit na rin ang kalangitan.

"Mahal... sa susunod na pagkikita natin, wala nang puwang ang pagluha. Sa susunod na buhay... ikaw at ako lamang."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro