Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

SC-XVIII

Nakita ko siya mula sa malayo, masungit na naman ang mukha. Ang dami na namang iniisip. Pero nang makita niya ako, hindi ko na kayang pigilan ang sarili ko. Nakita ko ang mga mata niyang nahulog sa akin, at narinig ko ang malakas na pagtawag niya sa pangalan ko. Hindi ko napigilang ngumiti-isang ngiti na hindi ko na kayang itago, kahit pa pilit ko itong itago. Hindi ko alam kung anong meron sa kanya, pero basta kapag nandiyan siya, parang kahit anong iniisip ko, naaalis.

Nang makalapit ako sa kaniya ay kitang-kita ko ang galak sa kaniyang mukha. "Mukhang hinahanap-hanap mo ata ang presensya ko, binibini." Mapang-asar kong wika kasabay ng unti-unting pagtaas ng isa niyang kilay, dahilan naman ng mahina kong pagtawa.

"Ang kapal mo naman, papatulong lang ako." Tinignan ko siya, saka binigay niya sa akin ang isang kikay-pang-ipit sa buhok.

"Alam mo, ilang buwan na rin naman tayong magkaibigan." Tila lumambot ang kaniyang boses habang nakatitig sa akin. Habang ako ay pinatiling seryoso ang aking ekspresyon. Ang binibining ito, binabaliw na naman ako.

Ngunit tama, ilang buwan na rin. Ilang buwan na ang nakakalipas, lahat ay nagbago. Naging magkaibigan kaming dalawa. Pero hindi ko kayang pigilan ang nararamdaman ko.

"Ipitan mo ako." Nawala ang lambing sa kaniyang boses, at tila nang uutos na lamang na para akong criada. Tumikhim ako sa kaniya, at umiling. "Jerome..." Mahina akong napasinghap nang tingnan niya ako sa mata, muling lumambot ang kaniyang boses.

"Po?" Mahina kong bulong habang nakatitig sa kaniya. "Ipit...po." Mahina akong napatawa nang gayahin niya ang pag-"po" ko, at sa huli wala akong nagawa. Nakakatunaw, sobrang nakakatunaw ang ginagawa niya.

"Wala naman akong nabasa na kalasapantangan ang pagpapaipit sa ginoo." Pagkukuwento niya, dahilan para mapatawa muna ako. Kakaibang binibini. Sa ilang buwan namin, palagi siyang ganito-binabasa ang mga bagay na kalasapantangan tapos sasabihin akong lapastangan.

"Hindi naman normal ang pag iipit sa aming mga ginoo, binibini." Pag-sagot ko, lumingon siya sa akin at ngumuso. Hindi normal, pero handa akong gawin para sa kaniya. Nakakasira ng ulo.

"Kasalanan ni Sonya! Darating na sila ina mamaya, mapapagalitan ako." Pag-rereklamo niya, alam ko ay umalis si Nay Sonya upang mamili sa bayan. Sinimulan kong suklayin ang kaniyang buhok, naging madali sa akin ang pag-ipit sa binibini ng palagi niyang iniipit na chignon. Nang matapos ko, hindi ko mapigilang mapangiti.

"Ang bilis! Sanay na sanay ka naman. Siguro marami ka ng babaeng naipitan." Napakunot ang aking noo sa kaniyang sinabi. "May kapatid akong babae, binibini." Palagi ko silang napapanood paano ipitin ang kanilang mga sarili, na kahit hindi angkop sa isang kababaihan na ipitin ang kanilang sarili, ay nagagawa nila.

"Gusto mo magkapatid na lang din tayo?" Marahas akong napasinghap sa kaniyang suwestyon. Ang binibining ito! Mas nakakasira ng ulo ang bagay na iyon. Hindi ko na nga mapigilan ang nararamdaman ko sa kaniya, tapos gugustuhin pa niyang magkapatid na lang kami?!

"Kalma Jerome, hindi ko naman nanaiisin." Sumimangot siya sa akin, na sinasabing hindi talaga siya sang-ayon sa bagay na iyon.

"Jerome, maganda ba ako?"

Napahinto ako nang magtanong siya biglaan. Napatulala ako nang makita ang kaniyang matatamis na ngiti. Hindi siya maganda lang, sobrang nakakabighani, nakakabaliw, nakakasira ng ulo.

"Ang tagal naman—"

Hindi ko na pinatagal pa ang sasabihin niyang iyon nang hinila ko siya papalapit sa akin. Magkalapit ang aming mga mukha, alam ko na aalisan na naman niya ako. Kasalanan ko bang mabagal akong sumagot? Kung ako'y tila kaniya pang ginagayuma ng kaniyang kagandahan.

"Sobra..."

Tumingin siya sa akin, at akin ng inaabangan ang kaniyang kilay na tataas, ngunit siya'y ngumiti.

Habang tumatagal ang mga araw, lalo kong nararamdaman ang bigat ng aking damdamin. Hindi ko na kayang pigilan ang sarili ko, pero kailangan. Ang nararamdaman ko para sa aking binibini ay hindi maaaring ipakita nang basta-basta. Isa itong lihim na tila apoy na lumalamon sa akin mula sa loob. Pero bilang isang lalaki, kailangang maging matibay, kahit ang totoo'y parang isang tanga na lang akong nagtatago.

Naglalakad ako sa paligid ng hacienda, tanghaling-tapat, at ramdam ko ang init ng araw na tila sinusunog ang aking balikat. Wala akong pakialam. Alam kong nandiyan siya. Hindi naman siya madalas lumabas, pero para bang ang bawat sulok ng lugar na ito'y may bakas ng kanyang presensya. Para bang hinahabol ako ng kanyang alaala kahit saan.

Sa wakas, nakita ko siya na bintana ng kaniyang silid. Ilang linggo simula nang dumating ang kaniyang ina, hindi pa siya lumalabas sa kaniyang silid. Nakakainit ng ulo, kitang-kita ko ang lungkot sa mata ng aking mga binibini sa tuwing hindi siya maaring lumabas.

Pinagmasdan ko siya mula sa hardin. Wala siyang ideya na naroon ako, tahimik na nagmamasid habang hawak niya ang isang libro. Ang libro na ako mismo ang nagbigay. Nakaka sira ng ulo. Parang gusto kong lumapit at kausapin siya, pero nanatili akong nakatayo, hinihintay ang tamang pagkakataon.

Biglang bumagal ang takbo ng mundo nang mapansin kong bahagyang tumigil ang pagbasa niya. Ang liwanag ng araw na tumama sa kanyang mukha ay parang sinadya upang ipakita sa akin kung gaano siya kaganda. Ang paraan ng pagkurba ng kanyang labi habang seryoso sa pagbabasa-nakakabaliw. Ako ba ito, isang lalaking kilala sa tapang, ngayon ay parang binagsakan ng mundo dahil sa isang binibini?

"Binibini," mahina kong bulong sa hangin ngunit mukhang narinig ng binibini iyon. Nag-baba siya ng tingin at ngumiti, ang uri ng ngiting kayang gawing mahina ang isang lalaking tulad ko.

Parang natunaw ako sa kinatatayuan ko nang ibaba niya ang kaniyang libro, at maligalig na kumaway sa akin. "Jeromeee!" Parang isang batang sabik.

"Tignan mo ito," masigla niyang sabi habang ipinapakita ang aklat. Ngunit agad ding sumimangot ang kanyang mukha. "Ngunit wala akong maunawaan dito!" aniya, puno ng pagtatampo. Napangiti ako nang bahagya. Paanong mauunawaan ng binibini ang aking aklat kung ito'y nakasulat sa hillayganon?

"Ngunit pinipilit ko," dagdag niya, at tila doon ko naramdaman ang bahagyang kirot sa aking puso. Paano ko hindi mamahalin ang binibining ito, na kahit hindi niya kailangan, nais pa ring maunawaan ang aking mundo?Nakaka sira ng ulo kahit kailan ang mga ginagawa ng binibini. Napaka hirap magpigil ng damdamin.

"Binibini," mahina kong tawag, ngunit ang susunod kong sinabi'y tila isang tanong na para rin sa akin: "Nga-a ikaw lang gid ang unod sang akon paminsaron?"

Nagtaas siya ng tingin, ang mga mata'y diretso sa akin. "Ano ang ibig sabihin niyon?" tanong niya.

"Bakit ba ikaw lamang ang laging laman ng aking isipan?" sagot ko, na palagi ko ring tinatanong.

"Ikaw ah, Jerome," aniya habang tumatawa nang mahina. "Laging ako ang laman ng isipan mo? Hindi ba dapat may iba rin?"

Naputol ang kanyang pagtawa. Tinitigan niya ako nang matagal, tila nag-iisip kung ano ang isasagot. At bago pa man ako muling makapagsalita, huminga siya nang malalim at binitiwan ang mga salitang iyon:

"Jerome, kung ganoon, pareho lang pala tayo."

Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang iyon, ngunit hindi na rin ako nakapagtanong, sapagkat tumalikod na siya at pumasok muli sa kanyang silid. Naiwan akong nakatayo roon, hawak ang sarili kong damdamin na tila ba ako'y isang mandirigma na walang laban.

Napatigil ako nang biglang bumalik ang binibini at sumilip sa bintana. May mapang-asar siyang ngiti habang ako'y tulala pa rin sa kanya.

"Asa ka naman, ginoo. Biro lang!"

Narinig ko ang mahina niyang pagtawa, at tila ba sa bawat halakhak niya, mas lalong bumibigat ang aking damdamin. Ang pagbibiro niya'y parang nag-iiwan ng sugat na hindi ko kayang hilumin. Ngunit kahit ganoon, alam kong walang hanggan ang pagkahulog ko sa kanya.

Araw-araw, binabaliw ako ng binibining ito. At araw-araw, mas lalo akong nagiging alipin ng kanyang mga ngiti.


"Jerome!"

Kinaumagahan ay napangiti na lamang ako nang makita siyang tumatakbo palapit sa akin na parang isang batang walang pakialam sa mundo. Bahagyang napapaso ang sikat ng araw sa balat ko, pero sa totoo lang, wala akong nararamdaman kundi ang presensya niya.

Dala niya ang paborito niyang tasa— na laging may laman ng isang bagay na minamahal niya: mainit na tsokolate.

"Tsokolate oh!" sambit niya, sabay abot ng tasa na may kasamang ngiti na kayang gawing hangal kahit sinong matinong tao. Napailing ako habang napapahagikhik ng mahina. Tama nga ako. Wala nang iba—paborito niya pa rin.

"Marunong kang gumawa nito?" tanong niya habang umuupo sa tabi ko. Para bang walang ibang lugar sa mundo na mas komportable siya kundi sa piling ko. Tumigil ang oras sa sandaling iyon—ang bango niya, ang lambing ng kilos niya, pati ang simpleng galaw ng kanyang kamay habang inaayos ang saya niya ay tila sinadyang pahirapan ako.

Tumikhim ako bago sumagot, nagpipigil na huwag magpakita ng sobrang kahinaan. "Opo, aking binibini," sagot ko, hindi maiwasang maging malambing ang boses ko.

Napatawa siya ng mahina—isang bungisngis na kahit gaano kahina ay parang dagundong sa tenga ko. Parang musika. Parang himig na hindi ko kayang kalimutan. Kung alam lang niya kung anong epekto niyon sa akin.

"Kung gano’n, gawa mo rin ako minsan!" aniya habang hinigop niya ang tsokolate sa tasa, parang walang ibang tao sa paligid kundi kami. Tahimik akong nagmasid habang ginagawa niya iyon.

Hinawakan ko ang sombrero ko ng mahigpit para pigilan ang sarili kong humakbang palapit pa sa kanya.  Sa bawat simpleng galaw niya, nawawala ang tapang ko.

"Ikaw talaga, binibini..." bulong ko sa sarili ko habang nakatitig sa kanya. "Lahat na yata ng kalmado sa buhay ko, binura mo."

Hinagod ko ng tingin ang kanyang mukha habang patuloy siyang umiinom. Hindi siya perpektong binubuo ng mundo ko—siya ang mismong mundo ko. Isang mundo na kaya kong ipaglaban, kahit pa sumalungat ang buong bayan.

Sa bawat saglit na tumititig ako kaniya, para bang nawawala ang bigat ng mundo sa aking balikat. Siya lang ang kayang gawin iyon—ang gawing tahimik ang magulong dagat sa aking isipan. Tila siya’y isang obra ng mga bituin na pinagsama-sama sa isang nilalang. Hindi mo siya kayang tingnan nang walang nararamdaman—hindi maaari.

Ang kanyang mga mata, ang mga matang iyon. Singkit ngunit malalalim, animo’y sinisilip ang kaluluwa ko sa bawat sulyap. Hindi niya kailangan magsalita para malaman kong kaya niyang basahin lahat ng lihim ko. Hindi malamlam, hindi rin sobrang matalim, pero may kung anong puwersang hinihila ako papalapit sa kanya. Nakakatawa—ako, ang lalaking kinatatakutan sa mga duelo at ni hindi tumiklop kahit sa panginoon ng bayan, ay natutunaw lamang sa isang tingin mula sa kanya.

Ang ilong niya ay matangos ngunit hindi mapangahas—banayad ang hubog, tila sinadyang ilarawan ng isang pintor upang kumpletuhin ang kanyang mukha. Hindi ito matalim gaya ng ilong ng ibang binibini—ito’y sakto lang, mahinhin ngunit perpekto sa tingin ko.

Pero ang mga labi niya—iyon ang aking kahinaan. Mapupula na parang rosas na nabasâ ng ambon sa umaga. Walang kulang, walang labis—perpekto ang hubog. May mga pagkakataong hinihiling kong mapawi ang distansya sa pagitan namin para marinig ang bawat lihim na namumuo sa kanyang mga labi. Ngunit sa halip, napapako ako sa lugar ko, sapagkat alam kong kahit isang hakbang pa, baka tuluyang mawala ang kontrol ko sa sarili. Ang ngiti niya? Isang bala na tumatama direkta sa aking puso, hindi ko ito magawang iwasan.

Nakatingin lang siya ngayon sa kawalan, ngunit sa paningin ko, parang ipininta ng araw sa langit ang bawat detalye ng kanyang mukha. Ang biloy sa gilid ng kanyang pisngi tuwing siya’y bahagyang ngumingiti, ang manipis niyang kilay na mas maganda pa kaysa sa mga ipinagmamalaking arko ng Intramuros—lahat ng iyon ay nagpapatunay na siya ang dahilan ng pagkakagulo ng lahat ng bagay sa loob ko.

"Binibini…" bulong ko sa sarili ko habang patuloy siyang pinagmamasdan. Hindi niya alam kung paano niya binabago ang buo kong mundo sa bawat galaw niya.

Oo, matatag ako sa lahat ng bagay—pero sa harap ng kagandahan ng aking binibini, lalo na kapag nahuhulog ang kanyang buhok sa gilid ng kanyang mukha at nasusulyapan ko ang kanyang pilik-mata na animo’y mga pakpak ng paru-paro, wala akong kalaban-laban.

Sa oras na ito, alam ko na—hindi ko siya kayang ituring na simpleng pangarap. Hindi siya para sa mga tula lamang o para sa mga lihim na gunita. Siya ang aking reyna, at handa akong gawing patibong ang buong mundo para sa kanya. Sa ngalan ng bawat tingin, bawat hibla ng buhok na nalalaglag sa kanyang pisngi, at bawat salita na hindi niya binibitawan pero nararamdaman kong naroon—siya ang dahilan kung bakit nananatili akong buhay.

Linggo ang lumipas, hindi parin lumalabas ang binibini sa kanilang hacienda ngunit palagi siyang gumagawa ng paraan para kami'y magkausap. Palagi akong ginugulo sa aking pagtatanim, dahil alam niyang sa harap lamang niya ako nag tra- trabaho.

Pero kahit kailan hinding-hindi nagiging nakakainis ang binibini, gustong-gusto ko ang atensyon na binibigay niya sa akin.

Kinagabihan, tahimik kong pinagmamasdan ang mga bituin, dinadama ang malamig na hangin habang nakatayo sa may pintuan ng mansyon ng Montemayor. Tila ang katahimikan ng gabi ay sumasalamin sa kaguluhan ng aking isipan.

"Kaibigan, nagkita tayo muli," tinig ng pamilyar na boses sa likuran ko.

Seryoso akong napalingon kay Pablo. Hindi ako nagulat sa kanyang pagdating. Alam kong darating ang araw na ito-ang araw na sisingilin na niya ang aking katapatan sa kilusan.

"Kamusta ang pananatili mo rito?" Hindi na ako umimik, at seryoso lamang binigay sa kaniya ang mga papel na nakuha ko sa opisina ng alkalde.

"May ilang impormasyon akong nakuha mula sa anak nang alkalde mayor." Umigting ang panga ko sa ideya na iyon, hindi kailan man gagamitin ko ang binibini sa bagay na ito. Labas siya rito. Tanging kagustuhan ko ay protektahan siya.

"May balita na ba?" Pagtatanong niya, ngunit seryoso lamang akong umiling. "Hindi mo maaring kalimutan kaibigan na kalayaan ang importante." Umigting ang aking mga panga pinipigilan ang emosyon. Dahil nakalimutan ko na ang bagay na iyon, bawat oras ang tanging laman ng isip ko ay ang binibini-hindi na ang totoo kong hangarin.

"Maraming nawawalang magsasaka, sunod-sunod." Pahayag ko, habang iniisip ang mga bagay na napansin ko. Maayos ang pamamahala ngunit may mga magsasakang nawawala. Napapikit ang ako mariin, bumabalik ang galit ko sa Alkalde. Isang sakim.

Napahigpit ang kamao ko. Galit ang bumalot sa dibdib ko sa tuwing naaalala ko ang kabulukan ng sistema sa paligid. Ngunit sa kabila ng galit na iyon, isa lang ang pumapasok sa isip ko-ang aking binibini. Ano ang gagawin niya kapag nalaman niyang bahagi ako ng ganitong mundo? Paano ko siya mapapaniwala?

"Sabi ng ilan ang mga nawawalang magsasaka ang nakasaksi na nakapatay ang alkalde." Alam kong ito na ang bagay na magpapabagsak sa Alkalde, kailangan na lang namin ay ebidensya at mawawala na ang mga Montermayor.

"May natira bang magsasaka?" Sumeryoso ang aking titig at umiling. Narinig ako ang nakakalokong tawa ni Pablo.

"Siguraduhin mo lang, matagal na kitang kaibigan. Alam ko ang ginagawa mo." Tiningnan ko siya ng may pagbabanta, at mahinang tumawa. "Umalis ka na." Dahil hinding-hindi ako kikilos hangga't hindi alam ng aking binibini ang bagay na ito. Hindi ko kakayanin makita siyang lumuluha, nanlalambot agad ako sa bagay na iyon.

Nakaka sira ng ulo, dahil kapag sinabi niyang hindi ko gawa ang bagay na ito-bibitawan ko.

"Tiyak na naging kahinaan mo na ang binibini na iyon. Ngunit sa ngayon papayag akong ito muna." Tango na lamang ang aking tugon. "Bibigay ko ang susunod na impormasyon sa mga susunod na buwan." Madiin kong pahayag.

"Mabuti naman kung ganoon, ituloy mo lang ang pag e-espiya sa mga Montermayor. Makakarating sa pinuno ang binigay mong impormasyon ngayong gabi. Salamat kaibigan."

Nang maka alis na siya ay doon naman nakuha ng aking mata ang isang anino. Nang buksan ko ang pintuan ng Montemayor, doon ko nakita ang tumatakbong binibini.

Nang magkatagpo ang aming mata, wala akong nakita kung hindi takot-kasabay ng unti-unting pagtubo rin ng takot sa puso ko.

Sa gabing iyon, sa ilalim ng kalangitang puno ng bituin, tila ba ang mundo ay naglaho at kaming dalawa na lang ang natira. Ngunit sa kabila ng aming mga damdamin, alam kong hindi ito magiging madali.

Hindi ko kayang ipagpalit siya, ngunit hindi ko rin kayang talikuran ang laban para sa kalayaan. Isa lang ang sigurado-hindi ko hahayaang mawala siya. Lalaban ako, hindi lang para sa kalayaan ng iba, kundi para sa kalayaan naming dalawa.




Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro