Hawak ko ang renda ng kabayo, ang mga mata ko'y nakatutok sa daan, pero ramdam kong hindi maayos ang takbo ng isip ko. Sa bawat yapak ng kabayo, parang lalong bumibigat ang dibdib ko. Alam kong hindi ko na pwedeng balewalain ito.
Ilang buwan na ang nakakalipas, nang kami'y maging malapit, naging magkaibigan. Ang mga simpleng ngiti niya, ang tahimik niyang pagtitig habang nagtatrabaho ako sa harap ng kanilang hacienda-lahat ng iyon ay nagsimula ulit na bumuo ng koneksyon sa aming dalawa.
Gayunpaman, may pilit akong inililihim. May bigat sa dibdib ko na ayokong ipakita sa kanya. Ako'y isang espiya, isang taong hindi dapat pagkatiwalaan, ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, patuloy niyang ipinakita na ako'y hindi niya kinikilala bilang isang kaaway. Pinipigilan ko ang sarili ko noon. Ang bawat saglit na magkalapit kami, ang bawat sandaling tumatawa siya sa tabi ko, ay parang pagsubok sa tibay ng loob ko.
Ngunit ngayong alam na niya ang totoo, para bang may nawala sa bigat na iyon. Sa halip na takot o galit, tinanggap niya ako kung sino ako, at iyon ang dahilan kung bakit hindi ko na mapigilan ang nararamdaman ko. Ang pagiging totoo ko sa kanya at ang pagtanggap niya sa akin ay sapat na dahilan para muling lumaban ang puso ko, kahit pa alam kong delikado ang lahat.
Sa bawat araw na magkasama kami, lalo lang tumitindi ang damdamin ko para sa kanya. Hindi ko maialis ang titig ko sa kanya-sa bawat kilos niya, sa bawat salitang binibitawan niya. Siya ang liwanag sa madilim kong mundo, ang dahilan kung bakit gusto kong maging mas mabuting tao.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ko maitatago ang lahat ng ito. Pero sa ngayon, sapat na ang presensya niya para magpatuloy ako. Sa bawat tingin niya sa akin, sa bawat ngiti niya, parang sinasabi niyang handa siyang makinig, handa siyang intindihin kung sino ako, kahit ano pa ang nakaraan ko.
Narinig ko ang mahina niyang pagtikhim mula sa likuran na nagpabalik sa akin sa kasalukuyan. Saglit akong napatingin sa aking binibini. Nakaupo siya roon, maayos at elegante, pero ang mga mata niya'y tila nagtatanong. Parang hinihintay ang sasabihin ko, parang binabasa ang kaba ko.
Napabuntong-hininga ako, pilit hinahanap ang lakas na magsimula. Hindi ako sanay sa ganito. Hindi ako sanay sa ganitong pakiramdam-ang parang hinuhubaran ng tapang. Pero ngayon, para sa kanya, wala akong magawa kundi aminin ang lahat.
"Binibini..." bungad ko, malalim at matatag ang boses ko. Saglit siyang tumingin sa akin, pero hindi ko siya hinayaan na makasingit. Itinuloy ko ang nais kong sabihin.
"Hindi ko na kayang itago pa," madiin kong sabi, halos marinig ko ang tibok ng puso ko. "Araw-araw kitang iniisip. Sa bawat galaw mo, sa bawat salita mo... ikaw ang laman ng isipan ko, binibini."
Napansin kong hindi siya kumikibo. Tahimik lang siyang nakikinig, pero sa mga mata niya, alam kong damang-dama niya ang bigat ng bawat salitang binibitawan ko.
"Sinubukan kong pigilan ang sarili ko," dagdag ko, ang boses ko'y nanatiling matatag pero may bahid ng pighati. "Pero paano ko pipigilan ang puso kong ikaw ang hinahanap? Kahit saan ako magpunta, ikaw ang naiisip ko."
Saglit akong tumigil, hinayaan ang katahimikan na maghari sa pagitan namin. Pinagmasdan ko siya. Napakaamo ng kanyang mukha, pero seryoso ang kanyang ekspresyon. Hindi niya binuksan ang kanyang bibig, pero hindi niya rin ako iniiwasan.
Napangiti ako nang bahagya, pero mabilis ding nawala. Bumaba ang boses ko, mas malambing, mas puno ng damdamin. "Alam kong hindi ito madali para sa atin. Alam kong hindi ko dapat hayaang humantong sa ganito. Ngunit, binibining Ashley Camillia... iniibig kita."
Sa bawat salitang iyon, parang gumaan ang dibdib ko, pero may kasabay na takot. Ano ang nasa isip niya? Ano ang nararamdaman niya? Hindi ko alam.
"Wala akong hinihiling mula sa iyo," patuloy ko, tahimik pa rin siya. "Gusto ko lang malaman mo. Dahil mas gugustuhin kong magsisi na sinabi ko ito kaysa magsisi na itago ko pa."
Tumigil ako saglit, hinayaan ang malamig na hangin na dumaan sa pagitan namin. Tumingin ako sa harapan, pinipilit itago ang kaba sa dibdib ko.
"Hindi ko inaasahan na suklian mo ang nararamdaman ko, binibini," dagdag ko, ang boses ko'y halos bulong na. "Pero nais kong ipangako sa iyo na hindi kita sasaktan. Hindi kita pababayaan. Hanggang sa huling sandali, ikaw ang pipiliin ko."
Hinintay ko ang sagot niya, pero nanatili siyang tahimik. Wala akong mabasa sa kanyang mga mata, pero alam kong narinig niya ang bawat salita. Sa isang saglit, napagtanto kong sapat na iyon. Sapat na na malaman niyang siya ang laman ng puso ko.
Tahimik akong ngumiti at muling itinuloy ang pagmamaneho ng kabayo. Sa kabila ng katahimikan, pakiramdam ko'y mas magaan na ang mundo. Alam kong hindi ko kailangang madaliin siya. Basta't narito siya sa tabi ko, sapat na iyon para sa ngayon. Dahil Sa gitna ng lahat ng giyera at panlilinlang, siya ang tanging kapayapaan ko.
"Patunayan mo... ang sarili mo," mahina niyang bulong, halos hindi ko marinig sa sobrang lambing ng boses niya ngunit sa bawat salitang iyon, parang tumagos ito sa kaibuturan ko. Saglit siyang tumingin sa akin, seryoso ngunit may bahid ng tapang sa kanyang mga mata. "Dahil hindi rin ako matatakot na piliin ka... kung sakali."
Walang araw, na hindi ko pinapatunayan na ang aking pagmamahal ay totoo. Alam kong nahihirapan ang binibini, lalo na't bago sa kaniya ang bagay na ito. Ngunit, kahit ganoon wala paring araw na hindi ako nakakatanggap ng irap sa aking masungit na iniirog.
"Jerome!"
Mahina akong napangiti nang marinig ang tawag ng binibini. Ang tono ng kanyang boses ay puno ng lambing at bahagyang paninita, para bang hinanap niya ako sa buong mundo. Nakaupo ako sa sanga ng puno ng mangga, habang pinagmamasdan siya sa ibaba, nakakunot ang noo at may hinahanap-hanap.
Nang magtagpo ang aming mga mata, nakita ko ang galak na bumalot sa kanyang mukha. Parang bata siyang nagtatalon nang ako'y makita.
"Bilis, baba ka diyan!" sigaw niya, tila may kung anong nagmamadali.
Sa halip na bumaba agad, sinadya kong manatili pa ng ilang saglit, nakangisi habang pinapanood siya. Hanggang sa mainis siya, "Jerome, sabi ko baba ka! Huwag mo akong pinaghihintay!"
Nang sa wakas ay bumaba ako, umupo ako sa tabi niya. Ngunit hindi ko pinalampas ang pagkakataon. "Binibini, mukhang hindi ka mapakali kapag wala ako," sabi ko habang nilalaro ang isang ngiti sa labi. Napairap siya, ang aking masungit na binibini.
"May tsismis ako," sabi niya, na para bang isang lihim na kailangang-kailangang sabihin. Napangiti ako, hindi dahil sa kanyang balita, kundi dahil sa kanya. Kahapon lang ay hindi niya alam ang salitang tsismis-ngayon, parang eksperto na siya.
"Ano na naman iyan, binibini? Baka kung ano na naman ang pinaggagawa mo." Napailing ako, dahil sa kanya, araw-araw may bagong kuwento.
"Tumakas ako ulit kay Sonya," sabi niya, ang kanyang ngiti ay parang mayabang na tagumpay. Napailing na lamang ako. Simula pa una ay palagi na niyang tinataguan, at tinatakasan si nay Sonya. Ka'y tigas ng ulo ng aking binibini. Ngunit nakakatunaw dahil ginagawa niya ang mga bagay na iyon upang makita ako.
Habang pinagmamasdan ko siya, bigla siyang natahimik. Itinukod niya ang baba sa kanyang kamay, at tumitig sa akin, ang kanyang mga mata ay parang sinasabi ang mga salitang hindi niya mabigkas.
"Pasandal ako," bulong niya, halos hindi marinig. Umusod ako nang bahagya at nilahad ang balikat ko sa kanya. Nang sumandal siya, tila ba kumpleto na ang araw ko. Wala nang mas hihigit pa sa ganitong sandali-siya, at ang katahimikan naming dalawa.
"Bakit 'binibini' ang tawag mo sa akin? Hindi ba dapat 'señorita'?" tanong niya, may bahagyang pagtatampo sa tinig.
Mahina akong tumawa, ang tunog ng tawa ko'y mas lalong nagpasimangot sa kanya. "Nakakatanda ang 'señorita,' binibini. Gusto mo bang magmukhang matanda?"
Tumayo siya nang kaunti, lumayo mula sa akin, at nagmaktol. "Hindi! Binibini na lang!" Ang pagkasungit niya ang laging nagpapangiti sa akin. Ngunit sa dulo ng kanyang galit, isang ngiti ang bumalot sa kanyang mukha-isang ngiting parang sinadyang para lamang sa akin.
"Binibini sa akin, señorita sa iba," sabi ko, sabay ngiti. Napatingin siya sa akin, at sa pagkakataong iyon, alam kong wala na akong ibang nanaisin.
Siya lang. Lagi siyang siya.
Sa bawat araw na tumatakas siya mula kay Sonya, sa bawat pagkakataong tumatakbo siya papunta sa akin, alam ko na siya na ang tahanan ko.
Ang aking binibini, ang kabuuan ng mundo ko.
Linggo ang lumipas nang hindi muling nakalabas ng kaniyang silid ang aking binibini. Ngunit kagaya ng kinakagawian namin ay palagi akong pupunta sa tapat ng kaniyang silid, palagi siyang hinaharan at nakikipag usap sa kaniya habang siya'y nasa bintana.
"Jerome!"
Mahina akong napatawa nang kumaway siya sa akin, tanghali na rin at tila maraming energhiya ang aking binibini.
"Po?" Pagtatanong ko sa malambing na tono, tiningnan niya ako kasabay ng pataas ng kilay niya. "Harana," maiksi niyang sabi, ngunit halatang nahihiya. Hindi ko napigilan ang mahina kong tawa nang makita ang bahagyang pamumula ng kanyang pisngi.
"Mukhang nabighani ang aking binibini sa aking boses," pang-aasar ko, na sinabayan niya ng irap.
"Lapastangan ka naman, pinapakanta ka lang." Mahina akong tumawa, kahit kailan ang binibini kong ito. "Kakanta na po." Nakita ko ang ngiti sa kaniyang labi, at sinimulan ko ng kumanta.
"Ang puso ko'y sa'yo lamang,
Sinta ko, giliw ko't paraluman,
Wala nang iba pang masisilayan,
Na ganda't tamis sa tanang kabataan."
Habang inaawit ko ang mga unang linya, pinilit kong maging kalmado, ngunit ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Alam kong para lamang sa kanya ang bawat salitang binibigkas ko. Lalo na't nakikita kong sinisimangutan niya ako habang pinipigilan ang ngiti sa kanyang labi.
"Aking Ashley Camilia
Ang puso ko'y bihag,
Sa wagas mong ganda't,
Paningin ay habag."
Sa pagbibigkas ko ng kanyang pangalan, bahagya siyang napaiwas ng tingin. Ngunit alam ko, naroon ang bahagyang ngiti na pilit niyang itinatago.
Nagpatuloy ako sa pagkanta habang pinagmamasdan siya. Nakataas pa rin ang kanyang kilay, ngunit ang kanyang mga mata'y punong-puno ng liwanag na para bang kinikilala ang bawat salitang inilalabas ng aking bibig. Napangiti ako sa isiping, kahit masungit ang aking binibini, alam kong siya'y natutunaw sa haranang ito.
Araw, linggo, buwan ang lumipas. Patuloy akong nahuhulog sa kaniya-hindi basta pagkahulog, kundi parang nalulunod sa dagat ng pag-ibig na wala nang balikan.
"Jerome, may gusto akong puntahan," malamig ngunit malambing niyang sambit na siyang gumising sa akin mula sa malalim na pag-iisip.
Nilingon ko siya. Magkatabi kami't hawak ko ang kaniyang malambot na kamay na tila hiyas na ayaw ko nang bitawan. Mahina kong pinisil iyon, animo'y nais kong iparating na kahit saan pa siya magpunta, palagi akong naririto.
"May sinabi sa akin si Luciana na bilihan sa bayan. Gusto kong puntahan," dugtong niya habang bahagyang nakataas pa ang kilay dahilan upang mapatawa ako.
"Bilis, handa mo na 'yung kalesa!" Hindi na ako nakapalag. Tumawa na lang ako't nagmadali.
Nang maikabit ko na ang kabayo sa bagong kalesang padala ng ama niya mula sa Intramuros, napansin kong parang mataas iyon para sa kaniya. Nang bumalik ako sa kaniyang kinaroroonan, sinalubong ako ng kunot-noong pagsimangot.
"Buhat," madiin niyang utos habang nakapamewang pa. Tinitigan ko siya nang seryoso para ipakita na hindi niya ako matitinag. Umiling ako para ipakita na hindi lahat ng gusto niya ay maaari niyang makuha nang ganoon kadali. Ngunit sino ba ang niloloko ko?
"Hmp!" Napa-irap siya.
Ngunit ilang saglit lang, binuka niya ang kaniyang mga braso at hinapit ako nang marahan sa isang yakap-isang yakap na agad gumupo sa akin.
"Buhat poo..." halos pabulong niyang sabi na sinamahan pa ng lambing na tila musikang dumaragasa sa aking pandinig. Nagpaalam na ang lahat ng aking katinuan. "Buhat na po." Mahina kong bulong, at nilagay ang aking kamay sa kaniyang bewang.
"Talo na naman ako, Binibini..." mahina kong bulong habang binubuhat siya papunta sa kalesa. Narinig ko ang mahina niyang tawa-isang tunog na kayang ibsan ang lahat ng hapdi sa aking puso.
Pagdating namin sa bayan, hindi mapatid ang mga ngiti niya habang kumakaway sa mga tao. Ang kaniyang ngiti ay tila ilaw sa madilim na lansangan ng aking buhay. Ngunit nang mapansin kong may ilang kalalakihang tumitingin sa kaniya, tila may apoy na sumiklab sa aking dibdib.
"Binibini, huwag kang kakaway sa mga lalaki," malamig kong saad.
Napalingon siya sa akin, tumaas muli ang kaniyang kilay, ngunit sa halip na mainis, ngumiti siya ng pilya.
"Napakaseloso mo naman..." bulong niya, ngunit tila ba musika sa aking pandinig iyon. Sa huli, napansin kong sa mga kababaihan na lamang siya kumakaway. Napapangiti ako-alam niyang mahal na mahal ko siya.
Ilang ikot na kami sa bayan ngunit hindi pa rin niya matukoy kung anong tindahan ang hinahanap.
"Basta mag-ikot ka lang!" asik niya na parang prinsesang inuutusan ang kawal.
Sunod na lang ako, kahit pa minuto-minuto na akong tinatamaan ng kaniyang kasungitan-irap dito, irap doon. Pero kapag siya na ang humiling, paano mo ba tatanggihan?
"Jerome, pansin mo ako po." biglang bulalas niya nang hindi ko siya nilingon. Narinig ko ang mahina niyang reklamo kaya napabuntong-hininga na lang ako. Seryoso kong ibinalik ang tingin sa daan.
Maya-maya, naramdaman ko siyang umakyat mula sa upuan at inilapat ang baba niya sa aking balikat. Nag-init ang buong katawan ko sa kaba.
"Binibini, umupo ka. Maraming tao..." mahina ngunit mariing paalala ko. Ngunit sa halip na bumalik sa upuan, inilapit pa niya ang pisngi niya sa pisngi ko.
Nakakabaliw.
"Binibini, di ba't ayaw mo ng kalapastanganan?" mahina kong tanong, pilit nilalabanan ang sariling damdamin. Ngunit nang akala ko'y aatras na siya, bigla niyang idinikit pa lalo ang kaniyang pisngi. Hindi ko na napigilan-dumampi ang labi ko sa kaniyang makinis na pisngi.
"Hala! Lapastangan ka!" bulalas niya, hawak-hawak ang pisngi niyang nahalikan ko. Nagpigil akong huwag matawa, kunot-noo kong tinignan siya para maitago ang kakaibang pakiramdam na bumalot sa akin.
"Binibini, ikaw ang lumapit sa akin..." seryoso kong tugon. Ngunit nagawa pa niyang itaas ang kilay niya at muling naging masungit.
"Kailangan makaganti ako!" sigaw niya bago idinikit ang sariling labi sa pisngi ko. Nanigas ako sa kinauupuan, halos huminto ang oras sa paligid.
Tinitigan ko ang kaniyang mga labi-mapula, malambot... tila nag-aanyaya. Ngunit bago ko pa siya mahuli sa tingin, tinakpan niya iyon ng kaniyang mga kamay na parang batang nahuli sa kalokohan.
"Pinagnanasahan mo pa labi ko..." wika niya sabay tungo sa pagtawa na nakakabingi sa lambing.
Napailing ako at tumawa na rin nang mahina. Ang binibini ko... masungit ngunit nakakabaliw.
"Kalaspatangan ang paghalik sa babae, kahit pisngi lang!" biglang sabi niya habang inaalala pa ang nangyari. "Kailangan mo akong pakasalan!" dugtong niya.
Nanlaki ang mga mata ko. Paanong ang isang bagay na biro lang ay magdudulot ng ganitong kaseryosong usapan? Pakasalan? Tila musika ang kaniyang sinabi sa aking pandinig.
Pero bago pa ako makasagot, bigla siyang tumalon mula sa kalesa.
"Tara na! Ito na 'yung gawaan ng plurera!" sigaw niya.
Tinitigan ko siya habang tumatakbo papasok sa tindahan. Naguguluhan man ako, ang sigurado lang ay ito: mahal ko siya nang sobra. Mahal na mahal.
Isa lang ang alam ko: kahit na ulitin ko pa, siya pa rin ang pipiliin ko, kahit pa masira ang sarili ko.
Nang pumasok kami sa tindahan, agad bumungad sa akin ang samu't saring plurera-iba't ibang laki, hugis, at kulay. Ngunit ni isa'y wala akong pakialam. Tiningnan ko ang binibini kong sabik na sabik, kumikislap ang mga mata na para bang bata sa unang pista.
"Binibini, hindi ba't napakarami mo nang plurera sa iyong silid?" nakakunot-noo kong sabi habang pinipilit na pigilan ang pagbuntong-hininga.
Alam niyang madali akong sumuko sa kaniya, kaya't nagtagumpay na naman siya nang hinawakan niya ang aking kamay-malambot, mainit, at tila sinadyang gawing tanikala ng aking puso.
"Bigay lang naman 'yon ng mga kaibigan ni Ama," aniya, may bahid ng tampo sa kaniyang tinig. "Pero gusto ko ng akin... iyong pinili ko.
Pinisil-pisil pa niya ang kamay ko, at alam ko na-talo na naman ako. Tumango ako at sumunod sa nais niya.
Sa harap namin, isang matandang babae ang tila siyang may-ari ng tindahan. Nakita kong masaya siyang nakikipag-usap dito, tila ba matagal nang magkaibigan. Lumayo ako ng bahagya upang hindi makagulo, ngunit narinig ko pa rin ang mahinang boses ng binibini ko.
"Alam n'yo po, kasintahan ko iyon. Ang guwapo niya, 'di ba?"
Muntik na akong matawa. Ang binibini ko-hindi inaamin sa harap ko na naguguwapuhan siya sa akin, pero ipinagmamalaki sa iba. Akala niya'y hindi ko naririnig.
Ngunit narinig ko rin ang susunod niyang sinabi, bagay na mas lalong nagpabaliw sa akin.
"Pero biro lang po na kasintahan ko siya... pero sasagutin ko rin siya."
Napapikit ako at huminga ng malalim. Lumapit ako at hinila siya papalapit, saka mahigpit na niyakap. Walang ibang tao sa paligid-wala akong pakialam.
"Mahal kita, binibini," mahina kong bulong bago ko siya hinalikan sa noo. Nakita ko ang pagngiti niya, sabay taas ng kilay na parang sinasabi niyang "alam ko."
Matapos niyang ibigay sa matandang babae ang mga detalye ng disenyo, umalis na rin kami at sinabing babalik kinabukasan. Ngunit kahit anong pilit ko, ayaw niyang sabihin kung ano ang hitsura ng ipapagawa niyang plurera.
Kinabukasan, narito na naman kami-mas sabik pa siya kaysa kahapon. Halos hilahin niya ako papasok sa tindahan. Nang naroon na kami, inabot niya sa akin ang isang papel.
"Basahin mo," mahina niyang bulong, ngunit ramdam ko ang pananabik sa bawat salita niya.
Binuksan ko ang papel at nagsimulang basahin ang isinulat niya:
"Ang plurera ay yari sa pinakinis na porselana na tila may sinag ng buwan kapag natatamaan ng liwanag. Ang katawan nito ay may bahagyang hugis bilog na unti-unting lumiliit pataas hanggang sa leeg na may banayad na kurba. Nililok sa pinakapuno nito ang maselang mga ukit na tila alon ng dagat, pahiwatig ng maamong pagmamahalan na kayang sumabay sa anumang agos.
Pinapalamutian ito ng lila at asul-lila na tulad ng dapithapon at asul na tulad ng kalangitan sa madaling araw. Mistulang pinagtagpo ng dalawang kulay ang langit at lupa sa isang walang katapusang pagsasama.
Nakalimbag sa gitna, gamit ang sulat-kamay na tila obra ng isang pintor, ang pangalang 'Ashley at Jerome'-paulit-ulit na nakasulat na tila inuukit ng oras mismo. Ang mga titik ay masinop na itinampok sa kulay pilak, sinisimbolo ang pagkislap ng kanilang pagmamahalan kahit sa gitna ng dilim.
Sa palibot ng pangalan, may makikitang disenyo ng mga tulip-mga bulaklak ng pagmamahal na umaalinsunod sa liwanag ng araw. Ang bibig ng plurera ay may gintong guhit na bumabalot, parang sagisag ng pangako-maringal, matibay, at hindi mabubura ng panahon."
Pagkatapos kong basahin iyon, tinanggal niya ang tela na nakatakip sa plurera. Halos huminto ang pintig ng puso ko nang makita ko ito-eksaktong tulad ng nakasulat sa papel.
Ngumiti siya at lumapit sa akin, saka bumulong:
"Ayan na ang paborito kong plurera... may pangalan nating dalawa."
Napangiti ako ngunit napabuntong-hininga rin. Bakit ba ganito kalaki ang pagmamahal ko sa kaniya? Bakit ba kahit simpleng plurera ay kaya niyang gawing simbolo ng lahat ng damdamin ko?
Yinakap ko siyang muli, mas mahigpit ngayon. Hindi ko mapigilang isipin na baliw na baliw na ako sa kaniya.
At muli akong nahulog sa kaniya-paulit-ulit, sa bawat sandali.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro