
KABANATA 09: Ang Kahalili | Malaya
MALAYA
"Aya! Yumi! Tumakas na kayo!"
"Pero papa, paano ka na?"
"Huwag n'yo na akong intindihin pa! Magpapaiwan ako rito para i-delay ang mga hunter!"
"Ate! Hindi natin pwedeng basta-basta iwan si papa! Lumaban tayo!"
"..."
"ATE!"
"Yumi, ikaw na ang bahala sa kapatid mo! Kung papalarin man akong makaligtas dito, magkita tayo sa may gubat sa kanluran ng Polesin."
"Papa!"
"Ano pa'ng hinihintay n'yo? Alis na!"
"Ate—"
"Tara na, Aya."
"A-Ano?! Gusto mong iwan natin si papa rito nang mag-isa? Hindi ba tayo pwedeng lumaban?"
"Magiging pabigat lamang tayo sa kanya! Mas mabuti nang sundin natin ang kagustuhan niya!"
"Pero—"
"Wala nang pero-pero!"
"Aya... Yumi... Mag-iingat kayong dalawa. Pagpalain nawa kayo ni Arcanus."
"Papa! PAPA!"
Bang! Bang!
"Pap—"
"Sssh! Huwag ka nang maingay, Aya! Matunton nila tayo!"
"Ungh! Ungh!"
Bang!
BUMALIKWAS MULA sa kama si Malaya, hinahabol ang kanyang hininga na tila kaaahon lamang sa dagat. Muntikan na siyang malunod sa kadiliman at kalungkutan sa panaginip niya. Ang alingawngaw ng baril na tandang-tanda pa niya hanggang ngayon ang gumising sa kanyang diwa.
Unti-unting bumalik sa normal ang paghinga niya. Pinunasan din niya ang malamig na pawis na namuo sa kanyang noo. Iginala niya ang kanyang tingin sa paligid, inaalam kung nasaan siya. Alam niyang wala siya sa kanilang bahay dahil hindi ito ang kanyang kuwarto, ngunit pamilyar ang itsura nito. Tumingin siya sa kaliwa, may bakanteng kama na yari sa kawayan. Tumingin siya sa kanan. Doon niya napansin ang nakahigang si Avel, walang suot na pang-itaas at nakabenda ang kaliwang braso.
Minsan na siyang napunta sa kuwartong ito. Ilang linggo na ang nakalilipas, aksidente siyang nahulog mula sa puno ilang metro ang layo sa labas ng puweblo. Sinubukan niyang masilayan si Avel na nag-eensayong lumutang noon. Sa kasamaang palad, namali siya ng hakbang sa sangay at nahulog. Ilang araw din kinailangang gamutin ang bali niya.
Bakit ako nandito? Muling nagawi ang tingin ni Aya sa katabi. Pansin niya ang bendahe nito na may bakas ng dugo. Bakit may sugat si Avel? Tiningnan niya nang maigi hanggang sa napagtanto niya kung bakit siya nandito.
Nagmadali siyang bumangon at tumayo, ngunit bigla siyang napayuko nang may naramdamang sakit sa likuran, sa bandang bato niya. Napahawak ang kamay niya rito at sandaling huminto para magrekober. Maliban sa problema sa bato, sasakit lamang ang parteng 'yon kapag napasobra siya sa paggamit ng mahika ng tubig. Kanina pa siya nakahiga at nagpapahinga, kaya bakit masakit ang parteng 'yon?
Ngunit hindi niya hinayaang pigilan siya ng sakit. Pinilit niyang maglakad patungo sa pintuan kahit mabagal, nakahaplos ang kamay sa likuran. May narinig siyang mga boses galing sa labas. Nakilala niya kung sino-sino ang mga nagsasalita. Doon na siya nagmadaling lumabas at hindi na ininda ang sakit.
"Sigurado ba kayo na siya ang may gawa n'on?"
"Wala na hong iba na nandoon—"
"Ate!" tawag niya sabay hawi sa kurtinang tela. Malawak ang ngiti sa kanyang labi, na agad ding naglaho. Iginala niya ang tingin sa paligid, ngunit wala talaga ang hinahanap niya.
Sa labas ng kuwarto, nag-uusap ang tatlong lalaki. Ang isa ay nalalagas na ang puting buhok, halatang may katandaan na at may hawak na tungkod, habang ang dalawa'y pamilyar na ang itsura sa kanya.
Doon niya napagtanto na nasa bahay siya ng Puno. Ang kuwarto na pinanggalingan niya kanina ay ang klinika. Kumpara sa kanyang tinitirhan, mas malaki at malawak ang espasyo rito. Dito dumudulog ang mga residente ng puweblo na may problemang gusto na ipabatid sa nakatataas. Ilang beses na siyang naparito.
"Aya!" tawag ni Miro, napatayo sa kinauupuan. Nilapitan niya ang bagong gising, inilapit ang mukha at maingat na hinawakan sa balikat. "Kumusta na ang pakiramdam mo? Ayos ka na ba? May masakit ba sa 'yo?"
"Saan si ate?" Itinaboy ni Aya ang mga kamay ng kaibigan niya. Sa halip na ang kanyang kalagayan, may mas mahalaga pa siyang pinagtuonan ng pansin. "Miro, nasaan si ate?"
Yumuko si Miro at hindi umimik. Bakas sa pakurap-kurap na mga mata at kawalan ng ngiti sa labi ang kalungkutan at pagsisisi.
"Miro! Sagutin mo ako!"
"Pasensya na, pero hindi namin—"
"Bakit kasi iniwan natin siya?!" garalgal ang boses ni Aya, nagsimulang tumulo ang luha mula sa mga mata niya. Paulit-ulit niyang hinampas ang mga kamao sa dibdib ng kaibigan. Ibinuhos niya ang kanyang galit at sakit ng loob sa bawat pagtama. Nanatiling nakatayo ang binata at tinanggap ang mga suntok niya. "Sinabi ko na sa inyo na—"
"Aya," tawag ng pinakamatanda sa kuwarto. Sa bawat hakbang niya'y tumatama ang tungkod sa kahoy na sahig. "Huwag mong sisihin si Miro—"
"Ikaw, Elio!" Sunod na pinuntahan ni Aya ang lalaking nakataas ang buhok at hindi nagawang tumingin sa kanya nang deretso. "Bakit mo pinabayaan ang ate ko?! 'Di ba may nararamdaman ka para sa kanya? Kung tunay nga ang nadarama mo, hindi mo siya basta iiwang mag-isa! Nabahag ang buntot mo na parang aso!"
"Aya . . ." Sa kakaibang pagkakataon, malumanay at mapagkumbaba ang boses ni Elio. Sinubukan niyang tingnan sa mata si Aya, ngunit agad ding nabaling sa ibang direksyon ang tingin niya. "Handa akong ialay ang puso ko para sa ate mo. Pero kung lumaban ako kanina, tuluyan nang bibigay ang mismong puso ko. Sinunod ko ang kagustuhan ni Yumi. Siniguro naming ligtas ka—"
"Mas mabuti nang lumaban kaysa iniwan natin siyang mag-isa!" Wala nang ibang inisip si Aya kundi ang ate niya. Takot siyang mawalan ng minamahal. Takot siyang maiwang mag-isa. Si Elio naman ang paulit-ulit niyang kinabog sa dibdib. Hindi gaya ni Miro, isinalag ng binata ang mga kamay niya sa mga kamao ng dalaga. "Tingnan n'yo! Wala na siya sa piling natin—"
"AYA!" Muling tawag ng matanda sa kanya, mas malakas ang boses kumpara sa una. Lumikha ng kaluskos ang tungkod nito sa paglapit kay Aya. "Base sa naikuwento sa akin, ginawa nina Miro at Elio kung ano sa tingin nila ang tama. Hindi basta-basta ang mga tagatugis na nakaharap n'yo kanina. Masuwerte pa nga kayo at dapat tayong magpasalamat dahil nagawa n'yo pang makabalik dito sa puweblo."
"Pero Punong Generoso! Paano na ang ate ko?!" Halos ibaon ni Aya ang mukha niya sa dibdib ng matanda, napakapit sa baro nito. Walang tigil ang pag-agos ng kanyang mga luha, may tumulo na nga sa damit ng matanda. "Paano na siya?"
Marahang hinaplos ni Punong Generoso ang ulo ni Aya. "Inutusan ko na ang ilan sa mga kasamahan natin na tingnan ang mga ruta at magmasid sa siyudad kung saan pwedeng dalhin ang ate mo. Nagpadala na rin ako ng ulat sa lokal na pamahalaan tungkol sa pag-atake sa inyo kanina."
Suminghot-singhot si Aya, hindi namalayang nagawa niyang pamunas ng luha ang damit ng kanilang puno. Hindi naman ito alintana ng matanda.
"Sa ngayon, wala tayong magagawa kundi ang maghintay hanggang sa may dumating na balita," sabi ni Punong Generoso. "Kaya tahan na, Aya. Ipagpaubaya natin kay mahabaging Arcanus ang kalagayan ng ate mo."
Tumango si Aya't humakbang paatras, binitawan ang pagkakahawak sa damit ng kanilang puno. Nakaramdam siya ng kaunting ginhawa. Ang matanda na kasi ang tumayong magulang niya at ni Yumi mula nang napadpad sila sa puweblo. May kung ano sa boses ng Puno na nagpakalma sa kanya. Hindi niya matukoy kung dala ba 'yon ng mahika o talagang nakagagaan sa loob ang mga salita nito.
"Umupo ka muna," sabi ni Miro, inalalayan ang kaibigan sa pinakamalapit na upuan.
Doon napagtanto ni Aya na tama ang kanilang puno. Hindi ginusto nina Miro at Elio na iwan ang kanyang ate, ngunit kinailangan para may makatakas sa kanila. Naiwasan nila ang pinakamalalang senaryo. Nakaramdam agad siya ng pagsisisi sa pananakit niya sa dalawa kanina. Gusto niyang humingi ng tawad, ngunit hindi pa niya mahanap ang lakas na sabihin ang mga salita. Hinayaan niya munang mag-usap ang mga lalaki sa paligid niya habang pinapakalma ang sarili.
"Sakaling hindi mahanap si Yumi sa siyudad ng Polesin o sa karatig na lugar, isa lamang ang pwedeng pagdalhan sa kanya," sabi ni Elio, palipat-lipat ang tingin sa mga kasama. "Sa Polarcus. Narinig n'yo ang sinabi ng mga tagatugis kanina, 'di ba? Kailangan nila tayong dalhin nang buhay sa kabisera. 'Yon daw ang utos sa kanila. Duda akong papatayin nila siya, kaya may pagkakataon pa tayong mailigtas siya."
Bahagyang nabawasan ang bigat ng dibdib ni Aya nang marinig 'yon. Tila katiting na liwanag sa dilim ang malaman na posibleng buhay pa ang ate niya.
"Ngunit ano ang ibig sabihin nito?" kunot-noong tanong ni Miro. "Bakit bigla kaming inatake kanina? Ibinasura na ba ang Proklamasyon ng yumaong hari? Pwede ba nila tayong tugisin ulit?"
"Mukhang gano'n na nga," may pagtangong tugon ni Elio. "Sino ba'ng maglalakas-loob na labagin ang Proklamasyon kung totoong epektibo pa ito?"
"Posible 'yan, ngunit mukhang malabo pa sa ngayon." Naglakad paikot sa kuwarto si Punong Generoso habang inaalalayan ng tungkod. "May dumating na mangangabayo kanina, may dalang masamang balita. Inatake raw ang Senado kaninang umaga habang pinag-uusapan ang pagluklok sa prinsipe bilang bagong hari. May mga senador daw na namatay sa trahedya."
"A-Ano?! Inatake ang mismong kabisera?" hindi makapaniwalang tanong ni Elio. Halos malaglag ang panga niya sa sahig. "Napakahigpit ng seguridad sa Polarcus. Sino naman ang matatapang na gagawa n'on?"
Marahang umiling ang matanda, sandaling huminto. "Walang nabanggit sa ibinalita sa akin. Simula nang mamatay ang hari, hindi pa nagkakaroon ng botohan sa Senado. Hindi pa rin naitatalaga ang bagong hari. Ibig sabihin, walang pagkakataon ang mga nasa kapangyarihan para bawiin ang proklamasyon ni Haring Bennett."
"Kung gano'n nga, ano ang rason sa pag-atake kanina?" sunod na tanong ni Miro. "Wala bang magawa sa buhay ang apat na tagatugis kaya naisipan nila na lusubin kami?"
"Tiyak na may mabigat na dahilan," may pag-iling na tugon ni Elio. "Kung para lamang sa katuwaan ang nangyari kanina, hindi na nila kinailangang maging maingat sa pag-asinta sa atin. Pwede naman nila tayong barilin sa ulo. Pero hindi, eh."
Tumalikod sa kanila ang matanda, inilagay ang kaliwang kamay sa likuran habang nanatili ang kanan sa tungkod niya. "Sa totoo niyan, hindi ito ang unang pagkakataon na may mga kalahi tayong nawala o posibleng dinukot."
"Huh?" Napaangat ang tingin ni Aya sa kanya.
Lumingon sa kanya ang matanda at napabuntonghininga. "May mga natanggap akong ulat galing sa ibang puweblo na may mga nawawala silang residente. Hindi alam kung saan pumunta o dinala. Basta hindi na nakauwi sa tinitirhan. Masuwerte tayo't nakabalik kayo para ipaalam sa amin ang nangyari. Ngayon, may hinuha na tayo kung sino-sino ang nasa likod ng mga insidenteng 'yon."
At doon nagkaideya si Aya.
"Baka pwede nating puntahan ang kabisera at hanapin ang ate ko roon?" tanong niya. "Wala na silang ibang lugar na pagdadalhan sa kanya, 'di ba?"
"Ngunit sampung beses na mas malaki ang Polarcus kumpara sa siyudad ng Polesin," kontra ni Elio. Alam niya dahil tagaroon siya dati. "Kahit na makarating ka roon, ilang araw ang gugugulin mo para mahalughog ang bawat sulok ng kabisera. Hindi siya gano'n kadali gaya ng iniisip mo."
"E ano'ng dapat nating gawin?" tanong ni Aya, lumakas ang boses. "Tumunganga rito? Maghintay ng balita hanggang sa pumuti ang mga buhok natin? Puno! Baka pwede nating gawan ng paraan?"
Kung pwede lamang maglakbay na ngayon, agad na siyang mag-iimpake at lilisanin ang puweblo. Ngunit kailangan niya munang makuha ang pangsang-ayon ng kanilang pinuno.
Bumuntonghininga si Punong Generoso. "Kahit payagan kita na pumunta roon, hindi ka basta-basta makapapasok. Isasara yata ang siyudad habang pinaghahanap ang mga umatake sa Senado. Magiging mahirap na para sa mga tagalabas ang makapasok doon."
Napayuko si Aya, kumuyom ang mga kamao. 'Yon na sana ang pinakamadali at pinakamainam na solusyon para sa kanya, ngunit nataon na may balakid pala. Ngunit hindi siya papayag na hanggang dito lamang siya. Kung kailangan niyang pumuslit sa kabisera, gagawin niya.
"Ngunit may isang paraan upang mas mapadali ang pagpasok n'yo sakaling tuluyan na silang maghigpit ng seguridad," pahabol ng matanda.
"Ano ho 'yon?"
"Ang pagsali sa torneo. Dahil isa itong patimpalak ng Polarcus, paniguradong bibigyan ng priyoridad ang mga sugo ng bawat puweblo na magtutungo roon."
Nanlaki ang mga mata ni Aya. Muli siyang nabuhayan ng loob. Ang akala niya'y kakailanganin niyang lumabag sa batas. May ibang paraan pa pala!
"Sa pagkadukot kay Yumi, kulang na tayo ng isang sugo," pagpapatuloy ni Punong Generoso. "Mas mabuti sana kung ang papalit sa kanya ay kasing-elemento niya para kumpleto ang ating koponan."
Napansin ni Aya ang sabay na paglingon sa kanya nina Miro at Elio.
"Teka!" Napahakbang palapit si Miro sa kanilang puno. "Gusto n'yo ba na si Aya ang pumalit sa ate niya?"
Sumulyap ang matanda sa tanging babae sa kuwarto. "Kung gusto niyang lumahok, wala akong nakikitang problema. Meron siyang dahilan para sumali at makapasok sa Polarcus. At kailangan n'yo ng isang hydrocaster. Kaya niyang kontrolin ang tubig gaya ni Yumi. Siya ang bubuo sa inyong grupo."
"Kaso baguhan pa siya!" Napakumpas ang kamay ni Miro. "Kumpara kay Yumi, hindi pa siya gano'n kagaling sa pagkontrol ng kanyang elemento. May iba pang mas bihasa sa kanya rito sa puweblo."
Nagtaka si Aya sa reaksyon ng kaibigan. Hindi ba dapat ay suportado siya nito? Bakit sobra ang pagtutol ni Miro?
"Kaya ko namang magsanay pa sa mga susunod na araw!" Determinado si Aya. Sasali man siya sa torneo o hindi, kailangan niyang seryosohin ang pagsasanay sa kanyang elemento. Nakita niya kung gaano siya ka-walang kwenta sa labanan kanina. Ayaw na niyang maulit 'yon. Kung sanang nakapag-ensayo siya agad, kung sanang mas handa siya, baka iba ang resulta at hindi naiwang mag-isa ang ate niya.
"Masyado yatang sabik itong si Aya na pumalit kay Yumi." Nagkrus ang mga braso ni Elio. Isa pa 'to sa mga kokontra, isip ni Aya. "Hindi pa nga natin alam kung matutuloy ang torneo. Kamamatay pa lamang ng hari, 'tapos inatake ang Senado. Maiisipan pa ba ng mga taga-kabisera na idaos ang kompetisyon sa gitna ng mga nangyari?"
"Sa ilang dekada kong pananatili sa Polarcus, alam ko na kung paano mag-isip ang mga politiko roon." Napatingala sa kisame si Punong Generoso habang palakad-lakad. "Malakas ang kutob kong itutuloy nila ang patimpalak, lalo na sa sitwasyon ngayon. Ngunit ipagpapaliban siguro ito nang ilang araw o linggo para bigyan ng panahong magluksa ang kaharian sa mga pumanaw."
"Mukhang alam na alam n'yo na ang takbo ng sistema roon, ah?" komento ni Elio. "Taga-saan ba kayo roon, puno?"
Ngumiti lamang sa kanya ang matanda. Humarap ito kay Aya. "Naiintindihan ko ang mga agam-agam ni Miro, ngunit depende pa rin sa 'yo kung gusto mong ikaw ang humalili sa ate mo. Handa ka ba sa bigat ng responsibilidad na ito? Na maging kinatawan ng ating puweblo?"
Tumayo si Aya, mariing tumango. Para sa ate niya, hindi niya tatanggihan ang pagkakataon. "Handang-handa ho ako kahit alam kong marami pa akong kailangang matutunan."
Nakatitig sa kanya si Miro, tila may pag-aalinlangan pa rin sa desisyon niya.
"Bago ko opisyal na ikonsidera ang paghalili mo sa iyong ate, may gusto muna akong itanong sa 'yo," sabi ng matanda.
"Ano ho 'yon, Puno?"
"Ikaw ba ang pumatay sa isa sa mga tagatugis sa gubat?"
Naningkit ang mga mata ni Aya, bahagyang nagkahiwalay ang mga labi. May hindi maipaliwanag siyang kaba na naramdaman. Seryoso ang tingin sa kanya ng puno, para bang may nagawa siyang krimen. Sunod niyang ibinaling ang tingin kay Miro na nakatitig pa rin sa kanya.
"Ako?" Napaturo siya sa sarili, halos matawa. "May pinatay? Napaka-imposible ho yata n'on! Hanggang bolang tubig pa nga lamang ang kaya kong gawin sa kapangyarihan ko, pumatay pa kaya?"
"Ngunit ayon sa mga saksi," lumingon si Punong Generoso sa dalawang binata sa likuran niya, "wala nang ibang taong nandoon maliban sa inyong lima at ang apat na tagatugis. Pinuntahan namin kanina ang lugar na pinaglabanan ninyo. Nadatnan namin ang sumabog na katawan ng isang lalaki. Nagkalat ang kanyang dugo at lamanloob sa paligid."
Napalunok ng laway si Aya, hindi nilubayan ng tingin ang puno. Namawis ang noo niya at nag-init ang mga tainga.
"Base sa karanasan at kaalaman ko, tanging mga kumokontrol ng tubig ang may kakayahang gumawa n'on."
"Nasa inyong dalawa lamang ng ate mo ang pwedeng gumawa n'on," singit ni Elio. "Nakita nating pareho na walang malay na isinakay sa kabayo si Yumi. Kaya ang natitira ay ikaw."
"Ang mga hydrocaster na gaya mo ay kayang manipulahin ang kahit anong likido," dagdag ng matanda. "Kaya n'yong tumawag ng daluyong mula sa dagat at lunurin ang isang komunidad. Kaya n'yong magpaulan kahit na maaraw. Kaya n'yong kontrolin ang dugo ng tao."
Marahang umiling si Aya, napahakbang paurong. Hindi siya makapaniwala na ang isang gaya niyang baguhan at walang makamuwang-muwang ay kayang magpasabog ng tao. "Nagbato lamang ako ng mga bolang tubig sa kanila bago ako itinakbo palayo ni Miro. Hindi ko kayang pasabugin ang katawan ng sinuman!"
"Sabihin mo sa amin, ano ang naaalala mo noong tumatakas kayo?"
Nanliit ang mga mata ni Aya, pilit na inalala ang mga pangyayari. "Karga-karga ako ni Miro . . . tapos nakita kong wala nang malay si ate. Inabot ko ang aking kamay, umaasang mahihila ko siya papunta sa amin . . . 'tapos humarang ang isa sa mga lalaki at—" Nanlaki ang mga mata niya't umangat ang tingin sa puno. "Nakita kong sumabog ang katawan nito!"
"Posible ba 'yon, puno?" tanong ni Miro.
Muling nagpalakad-lakad si Punong Generoso sa kuwarto. "May mga pagkakataong humihigit sa kaya nating kontrolin ang ating kapangyarihan. Alam n'yo namang nakadepende sa ating emosyon at pag-iisip kung gaano kalakas ang mahika natin."
"Halo-halo na ang naramdaman ko noon," dagdag ni Aya, pakurap-kurap ang mga mata. "Basta ang gusto kong gawin, mailigtas si ate. Sumagi rin sa isip ko ang nangyari kay papa noon. Ayaw ko nang maulit, kaso . . ."
"Dahil sa pagnanais mo at sa emosyon mo, nagawa mong kontrolin ang daloy ng dugo sa katawan ng isa sa mga tagatugis," sabi ni Punong Generoso. "Ibig sabihin, kaya mong umabot sa gano'ng antas. Sa tamang pagsasanay at pagkontrol ng nararamdaman mo, kaya mong maging bihasa roon."
Tumaas ang bawat balahibo sa katawan ni Aya. Wala siyang intensyon na pumatay kanina. Ang tanging nais niya ay mailigtas ang kanyang ate. Kung totoo man ang sinabi ng mga kasama niya, nakatatakot kung ano ang kaya niyang gawin.
"Kahit si Yumi'y hindi nagpakita ng ganyang talento." Lumingon ang puno at humakbang palapit sa kanya. Palakas nang palakas ang pagtama ng tungkod nito sa sahig. "Ngunit ikaw . . . Kung kaya mong kontrolin ang ganyang kapangyarihan, makatutulong ka sa layunin natin."
"Layunin . . .?" Naningkit ang mga mata ni Aya. Para sa kanya, ang tanging layunin niya ay mailigtas at maiuwi ang kanyang ate. At kung papalarin, mag-uwi ng dangal sa kanilang puweblo. "Para ho ba manalo tayo sa torneo?"
Mariing umiling ang puno. "'Yon ang gusto nating palabasin—na gusto nating maiuwi ang kampeonato sa taong ito. Ngunit mas malalim pa roon ang nais nating makamit. Mas may katuturan."
"Ano hong ibig n'yong sabihin, Puno?" Maging sina Miro at Elio, hindi yata alam kung ano ang itinutukoy ng matanda.
"Hindi ko pa maaaring ibunyag dahil masyado pang maaga." Humarap sa kanila si Punong Generoso, seryoso ang mukha. "Ang masasabi ko lamang sa ngayon: Tandaan n'yo ang mga hirap na dinanas natin, at huwag n'yong kalilimutan kung sino ang tunay nating kalaban."
Natulala sa kanya si Aya. Wala siyang ideya kung ano'ng tinutukoy ng kanilang puno.
Ano ang masasabi n'yo sa kabanatang ito? Ibahagi ang inyong komento rito sa comment section o sa Twitter gamit ang hashtag na #ArcaneWP!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro