Track 08
"MAPAPA SA AKIN DIN ANG ISANG ITO!"
Bulyaw ng malaking tinig
"Si-sino ka?!" nanginginig man, ay nagawang magtanong ni Ricky habang tumitignin sa paligid.
"HINDI MO NA KAILANGANG MALAMAN PA!" sabi ng tinig na sinundan ng malakas na halakhak.
Biglang umangat ang katawan ni Ricky na humagis sa pader.
Muntikan na siyang mawalan ng malay-tao sa pagbagsak niya.
"A-anong nangyayari rito?!"
Nakatayo sa may pintuan ang nanay ni Francis na may dalang tray ng pagkain.
"Bakit kayo nagsisigawan, at sino ang –"
Napatitig siya sa gitna ng silid.
Sa katawan ni Francis na unti-unting umangat sa sahig.
Nakatagilid ang ulo nito, tirik ang mga mata. Nakatipa ang mga braso sa nangingisay na katawan.
"Diyos ko!" sigaw ng nanay ni Francis na agad nawalan ng malay tao.
Bumagsak siya sa lapag kasama ng bitbit niyang merienda.
"WALANG DIYOS DITO." sabi ng malaking tinig na nagmumula sa bunganga ni Francis. "UMALIS SIYA NANG TAWAGIN NILA AKO."
Muling napuno ng malakas na halakhak ang silid.
"Umalis ka diyan! Halimaw! Lubayan mo si Francis!" sigaw ni Lisa.
"BAKIT AKO AALIS?" singhal nito. "TINAWAG AKO AT INANYAYAHAN NG LALAKING ITO, SA AKIN NA SIYA NGAYON! AT HINDI AKO AALIS HANGGA'T HINDI KO NAKUKUHA ANG AKIN!"
"Huwag!" sigaw ni Lisa na mangiyak-iyak na. "Huwag siya!"
Lumapit sa kaniya ang lumulutang na katawan.
"KUNG GAYON AY PUMAYAG KA NA," sabi ng tinig kay Lisa. "ANG IYONG KATAWAN KAPALIT NG LALAKING MAHAL MO," sabi nito. "ANG IYONG KALULUWA PARA SA LALAKING MATAGAL KA NANG NILILIBAK!"
"H-Huwag... Lisa! 'W-wag kang papayag!" sigaw ni Ricky na hindi na nagawang tumayo mula sa kanyang pagkakahagis. "Hindi mo alam ang p'wede niyang gawin sa 'yo! Dudumihan ka lang niya 'pag pumayag ka sa gusto n'ya!"
Muling natawa ang malaking tinig.
"DUDUMIHAN?" panlilibak ng tinig.
"ALAM MO BA ANG NILALAMAN NG PUSO NG BABAENG KAHARAP MO?" sabi nito.
"SI AMY NA NADUROG ANG MAGANDANG MUKHA.
SI MARTA NA NAGKABALI-BALI ANG ELEGANTENG KATAWAN.
SI RHEA NA NABIYAK ANG ULO'NG PUNO NG TALINO.
SA TINGIN MO, KANINONG ISIPAN KO HINUGOT ANG KANILANG KAMATAYAN?"
"T-Tama na!" sigaw ni Lisa na tinatakpan ang kaniyang mukha.
"H-hindi ko ginusto ang mga iyon! O-oo nga at naiisip ko ang mga bagay na 'yon paminsan-minsan, tuwing pinagtutulungan nila ako, pero hindi ko pinanalangin ni minsan na mangyari ang mga 'yon sa kanila! Kailan man... hindi ko sila ginustong saktan!"
Tumawa lang muli ang tinig.
"T-tama..." tawag ni Ricky sa kaklase, "hindi ikaw 'yan, Lisa... Kaya't 'wag kang papayag! 'Wag ka –"
Bago pa matapos ang sasabihin ay muling umangat ang katawan ni Ricky na humampas muli sa pader.
Nag-iwan ito ng bakas ng dugo sa dingding, at tuluyan nang nawalan ng malay ang binata.
"Tama na!" sigaw ni Lisa. "B-bakit ako?! Bakit mo ako pinipilit?!"
"DAHIL ANG TULAD MO AY HIGIT PA SA TATLONG KALULUWANG UNA KO NANG NAKOLEKTA," sagot ng diyablo.
"BAGAMAT NATUTUKSO PAMINSAN-MINSAN, DALISAY PA RIN ANG IYONG PUSO. KAYA'T HINDI AKO TITIGIL HANGGANG SA IKAW AY MAGING AKIN."
Lalong lumapit kay Lisa ang katawan ni Francis na tirik ang mga mata.
"MAMILI KA, BABAE," sabi ng tinig. "ANG LALAKING ITO... O, IKAW?"
"Anak? Mag miryenda na muna kayo ng mga kaibigan mo," sabi ng nanay ni Francis na binuksan ang pinto sa kuwarto ng kaniyang anak.
Nag-unat si Francis.
"Thanks, ma," sagot nito.
Hindi niya napansin na naidlip pala siya.
Napatingin siya kay Ricky na nag-uunat din.
"Mukhang mas okay na lagay mo ngayon, anak, ha? Buti naman at 'di ka na nagmumukmok?" sabi ng nanay nito.
"Ha? Ba't naman ako magmumukmok?" tanong ni Francis sa nanay. "Wala namang kakaiba sa mga aksidente nina Rita, eh, malas lang talaga sila," natatawa nitong sinabi.
"Tita, salamat po sa meryenda!" sabi ni Ricky na may kagat-kagat nang pan de coco.
"Salamat din at binisita n'yo ang anak ko."
Napatingin siya sa babaeng kasama ng dalawa sa loob ng kuwarto.
Nagtaka siya, dahil parang hindi niya napansin ang dalaga kanina nang pumasok ang mga bisita niya. Napaka ganda pa naman ng babaeng ito.
"Wala pong anu man, Tita," sabi ng magandang babae na tila nagningning ang mukha.
Ngunit nagtaka siya nang kilabutan siya sa napakatamis nitong ngiti.
"Salamat talaga sa pagdalaw, Lisa," sabi ni Francis na hinawakan nang marahan ang kamay ng dalaga. "Hindi ko alam ang gagawin ko, kung wala ka."
- WAKAS -
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro