Track 06
"Lisa," tawag ni Martin sa kaklase naming tulala.
Pumitik-pitik ang daliri nito sa tapat ng mukha ni Lisa na malayo ang tingin sa kawalan.
Napakurap at napalingon si Lisa sa magkaibigang Ricky at Martin, na tila ba noon lang ito nagising.
"Lisa, okay ka lang ba? M-may problema ka ba?" tanong dito ni Ricky.
"Wala. Wala akong problema... wala akong nakikita," mabilis na sagot ni Lisa. "Wala akong naririnig."
Nagkatinginan ang magkaibigan.
"Lisa, kung meron man-"
"Wala! Sabi ko, wala!" sigaw nito, takip-takip ang taenga.
Nagtinginan sa kanila ang ilang mga kaklase.
Maraming estudyante ang absent nang araw na iyon.
Kumalat kasi na may sumpa raw ang school, lalu na ang fourth year class A na kinabibilangan nina Ricky.
Kahit ang mismong pamunuan ng paaralan ay nagpatawag na ng mga pari para mabendisyunan ang lugar.
"Okay, hindi na kami magtatanong... pero tandaan mo, nandito lang kami, ha? Naniniwala kami sa 'yo," sabi ni Ricky habang tatango-tango si Martin sa tabi niya.
Nanlaki ang mga mata ni Lisa, ngunit bumalik lang siya sa upuan at tumungo sa mesa.
Nang hapong iyon, inaya ni Ricky si Martin para dalawin si Francis.
"Baka mas makausap natin siya ngayon," sabi ni Ricky. "Nasa bahay lang daw siya, ayon sa nanay niya."
"Naku, ikaw na lang ang pumunta, nangako ako sa tatay ko, maaga akong uuwi ngayon, lalo na't sunud-sunod ang mga aksidenteng nangyayari dito sa school!" ani Martin.
"P-pwede ba akong sumama?"
Napalingon sa likod ang magkaibigan.
Nandoon si Lisa na mukhang mas-maayos na ang itsura ngayon.
"Oo, pwedeng-pwede!" agad na sumagot si Ricky.
"Totoo bang naniniwala ka sa akin?" tanong ni Lisa kay Ricky habang papunta sila sa bahay ni Francis.
"Oo... Lisa... pwede mo bang sabihin sa akin kung ano ang nakita mo?" sabi ni Ricky.
Nag-alinlangan pa si Lisa nang una, ngunit nagsalita rin siya.
"... May kasama sila..." bulong ni Lisa. "Mula pa nang Tuesday... may nakasunod na sa kanila..."
Ano iyon?" tanong ni Ricky.
"H-hindi ko alam... malaki sya... maitim... pero 'di ko makita nang maayos ang itsura niya noong una," bulong ni Lisa na titingin-tingin sa paligid. "Para siyang usok na nagkorteng tao... na unti-unting nabubuo habang isa-isa n'yang kinuha sina Amy..."
Ramdam ni Ricky na nagtayuan ang mga balahibo niya sa inilarawan ni Lisa.
"S-sinasaktan ka ba ng... ng kung-ano man na iyon?" tanong niya.
Hindi sumagot ang kaklase.
"Bakit ka niya sinasaktan?" tanong niya muli.
"H-hindi ko alam!" galit na sagot ni Lisa.
Hindi na siya nagsalita matapos noon, hanggang sa makaabot sila sa bahay ni Francis.
"Ricky, ikaw pala!" sabi ng nanay ni Francis na nagpapasok sa kanila. "Kamusta ka na? Hindi ka na dumadalaw dito, ha?"
"Opo, Aling Fe, busy po kasi sa school lagi. Kamusta na po si Francis?" tanong niya.
"Ayan, nagkukulong sa kuwarto niya, halika at tuloy muna kayo..." sabi ni Aling Fe na mukhang ilang gabi na rin 'di nakakatulog. "Kausapin mo nga iyang kaibigan mong iyan, at kung anu-ano ang sinasabi. Pilitin n'yo naman s'yang lumabas sa kuwarto at kumain."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro