Track 01
"Are You there, spirit? Answer 'Yes' or 'No'."
Tinitigan ng mga estudyante ang pisong nakapatong sa papel.
May mga letra at numerong nakasulat sa paligid nito, at sa gitna naman ay may nakasulat na 'yes' or 'no'.
"Please tell us if you are here?"
Hindi pa rin gumagalaw ang piso.
May bumungisngis sa dilim.
"Shh! Seryoso 'to!" saway ng isa.
"Are you with us, spirit?"
Wala pa rin.
"'Lang 'ya, wala namang..!"
Natigilan ang lahat nang magsimula nang gumalaw ang piso papunta sa 'No'.
***
'Ang gaan-gaan ng feeling–'
'the home of new-'
'goodbye carlo-'
'Your search for honest to goodness rock ends at this frequency! It's another chilly Tuesday morning this March 8, 1998...'
"O, Ricky, naka-Walkman ka nanaman?" tanong ni Martin sa kaibigan.
Inangat niya ang isang dulo ng headset nito at nakinig sa tugtugin.
"Uy, Wolfgangster!"
"Shh... 'wag kang magulo, nag re-record ako." sagot ng kaibigan.
"Ayus! Pahiram 'pag napuno mo na 'yang tape mo, ha?"
"Bigyan mo ko ng blanko, ikokopya kita sa bahay, gamitin ko ang minus-one ng ate ko."
"Pahiram na lang, ang mahal ng blank tape eh, 45 pesos pinaka mura!"
"At ba't ko naman ito ipahihiram sa 'yo? Kaya nga ako nag re-record para lagi kong mapakinggan mga gusto kong kanta, eh, tapos kukunin mo?" sumimangot si Ricky sa kaibigan. "Ang hirap kayang mag-abang ng kanta sa radyo!"
Napabuntong hininga si Martin.
"Sige na nga, bibili na lang ako ng casette," sabi nito. "Mapupuno na ba 'yan? Ano-ano nang mga kanta ang narecord mo?"
Bago pa makasagot si Ricky, may biglang may humiyaw sa may likod ng klase.
"H-huwag!"
Napatingin sina Ricky at Martin sa likod.
Nakatayo roon ang kaklase nilang si Lisa, naka tingin sa may pintuan kung saan kakapasok pa lang ng magbabarkadang sina Amy, Marta, Rhea, at Francis. Ang grupo ng mga sikat sa kanilang section.
"Ano'ng huwag? Pinagbabawalan mo kaming pumasok?" mataray na tanong ni Amy. Kitang-kita ang pagka-inis sa magandang mukha nito.
"Hay, naku, may papansin nanaman!" malakas na bulong ni Marta na parang modelo sa tangkad at ganda ng hugis ng katawan.
"Patulan mo na kasi, Francis, para 'di masyadong KSP yang tanga-hanga mo!" sabi naman ni Rhea na top one sa kanilang klase, "Nakaka-awa na, eh!" dagdag pa nito.
Napangisi lang si Francis na kilalang crush ng bayan sa buong campus.
"Kayo talaga, hayaan n'yo lang si Lisa, 'di naman kayo inaano, eh."
Tinalikuran sila ni Lisa na naupo sa dulo kung saan siya naka-puwesto sa tabi ng bintana. Tumuloy naman ang magkakabarkada papasok ng classroom.
"O, Amy, may sumisilay nanaman sa 'yo!" natatawang sinabi ni Rhea na napatingin kay Martin.
Agad namang umiwas ng tingin si Martin kay Amy.
Namula ang mapipintog nitong pisngi.
"Goodmorning Ricky, anong pinakikinggan mo?" Tanong ni Marta kay Ricky.
"Wala, radio lang," sagot ni Ricky.
"Pahiram naman."
Aabutin na sana ng kaklase ang headset ng kaklase nang pumasok ang guro nilang si ma'am Pilar.
"Class IV-A, settle down, mag-sa-start na ang klase."
Nagsi-upuan na ang mga estudyante sa kani-kanilang puwesto.
Pumunta si Ricky Villanueva sa likod kung saan katabi niya si Lisa Yuzon. Nakayuko lang ito at tahimik.
"Okay, take out your notebooks and copy the requirements on the board para sa parating ninyong graduation."
Naglabas si Ricky ng kuwaderno at bolpen para magsulat.
Napatingin siya sa kanan.
Nakayuko pa rin si Liza. Bahagya niyang inuugoy ang sarili habang tinatakpan ang magkabilang tenga.
Hindi siya pinansin ni Ricky, sa halip, sinimulan na lang niyang kopyahin ang sinusulat ng guro.
"Hnnn..." umungol ang kaniyang katabi, "A-ayoko..."
Bahagyang natigilan sa pagsusulat si Ricky.
"Nnnngggg..."
Huminga ng malalim si Ricky at nag-aalalang humarap sa katabi. "Okay ka lang-"
"AAHHHHHH!!!"
Napaatras si Ricky sa upuan.
Nagtaasan ang mga balahibo niya nang may makitang tatlong mapupulang linya na biglang gumuhit sa kaliwang braso ng katabi.
Tumayo naman si Lisa sa pagkakaupo at muling sumigaw.
"Tama na! Tama na!"
Nagkagulo sa klase, lahat napatingin sa likod.
"Ayoko na!" muling sigaw ni Lisa, tapos ay bumagsak ito sa upuan at nawalan ng malay.
"Hala ka, Ricky! Anong ginawa mo?" tanong ng mga kaklaseng nagtatawanan pa.
"'Uy, wala akong alam, d'yan, ha?!" depensa ni Ricky.
"Hay, nako, papansin lang yang si Lisa!" sabi ni Marta sa harap na masama ang tingin sa walang malay na kaklase.
Lumapit ang guro sa estudyante.
Tinapik niya ito sa mukha, ngunit hindi ito magising.
"Boys, dalhin niyo nga 'yang si Lisa sa clinic," utos nito na may halong inis.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro