Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 9: Malaking Anunsyo

PAGPASOK ni Imelda sa kuwarto nila, naabutan niya si Felipe na abala sa lamesa nito at may inaasikasong mga papeles. Dumiretso lang siya sa kanyang frameless glass cabinet kung saan naka-display ang mga bag collections niya galing sa iba't ibang mga bibigating brand. Inayos niya ang ilan sa mga ito at idinagdag doon ang mga bagong nabili niya mula sa Louis Vuitton.

"Nagkausap na ba kayo ni Maria Elena? May sasabihin daw siya sa 'yo," mayamaya'y wika niya rito.

"Oo."

Tila hindi niya nagustuhan ang matipid na tugon ng asawa. "Ano ang napag-usapan n'yo?"

"Hindi naman importante kaya nakalimutan ko na." Halata sa tinig ng matanda na tila wala itong ganang makipag-usap sa kanya.


Doon siya napalingon sa lalaki. "Felipe, anak mo rin si Maria Elena. Alam kong may hinihingi siyang pabor sa 'yo pero siguradong hindi mo na naman binigay. Bihira lang siya humingi ng pabor, bakit hindi mo pa pinagbigyan?"

Sa pagkakataong iyon ay binitawan ni Don Felipe ang mga papeles. "Imelda, alam ko ang ginagawa ko. Hindi ko na kailangan ng anumang suhestiyon sa kahit na sino. Nasa Golden Project na lahat ang kailangan ng probinsiyang ito para umunlad. Wala nang iba!"

"Alam mo sa ugali mong iyan, pinapakita mo lang na hindi ka magiging mabuting leader. Sa amin pa lang na pamilya mo, ayaw mo nang tumanggap ng mga mungkahi at opinyon, paano pa kaya sa taumbayan? Ibig sabihin, kapag may mga reklamo at hinaing sila, hindi mo rin sila pakikinggan? Eso no es lo correcto!"


"Ako ang bagong Gobernador ng Hermosa. Alam ko kung ano ang makabubuti para sa bayan. Ang mga taong reklamador at hindi marunong sumunod sa gobyerno ay hindi dapat pinagtutuunan ng pansin. Wala naman silang ibang ginagawa kundi magreklamo. Gusto nila, sila ang masusunod. Bakit hindi na lang sila ang umupo sa puwesto? Para malaman nila na hindi lahat ng gusto nila ay mapagbibigyan! Kailangan pa rin nilang magtiwala sa sariling plano ng gobyerno kung gusto nilang guminhawa ang mga buhay nila!"

"Bahala ka na. Sana nga lang talaga at maging matagumpay ang pinagmamalaki mong Golden Project."

"Puwede ba, Imelda? Huwag na lang kayong makialam ni Maria Elena. Wala naman kayong alam sa ganitong bagay. Kung sina Maria Isabel nga, hindi ako pinakikialaman, kayo pa kaya? Intindihin n'yo na lang ang mga sarili n'yo at pabayaan n'yo ako sa trabaho ko." Biglang humarap ang matanda sa kanya. "At ikaw, huwag kang magsalita na parang ang linis-linis mo. Baka gusto mong ipaalala ko sa 'yo ang matinding baho mo."

"Bahala ka na sa buhay mo! Hindi na kita pakikialaman! Wala na akong pakialam sa 'yo. Masaya ka na?" Pinili ni Imelda na huwag nang makipagtalo sa asawa kaya tinapos na niya ang usapan.

Ilang saglit lang din ay kumatok na ang katulong nilang si Aling Susan at sinabing nakahanda na raw ang hapunan.

Tumayo na si Don Felipe. "Kumain na tayo. Hindi dapat pinaghihintay ang pagkain sa mesa." Nauna na itong lumabas ng silid sa kanya.

May ilang minutong natulala siya roon habang kumukulo ang kanyang mga ugat sa sobrang galit. Kailan ba niya makakausap nang maayos ang asawa niya? Kailan ba muling magbabalik ang magandang samahan nila?

SA KALAGITNAAN ng hapunan ay nagsalita si Maria Isabel. "Buenas noches a todos ustedes. Mi familia, tengo un anuncio muy importante que hacer," aniya na ang ibig sabihin ay may mahalaga raw siyang anunsyo sa buong pamilya.

Tumingin sa kanya ang lahat at nagpakita ng masayang reaksyon. Tila handa na silang mapakinggan ang mga sasabihin niya. Inilabas na niya ang mga salitang kanina pa niya tinatago sa bibig.

"Ronaldo and I are engaged. Sa October na ang wedding namin," masayang anunsyo niya saka pinakita ang engagement ring na nakasuot sa daliri niya.

Nagpalakpakan ang lahat kabilang na ang mga katulong. "Masaya kami para sa iyo, Maria Isabel. Natutuwa akong may ikakasal na sa Tres Marias. Isa itong malaking pagdiriwang para sa ating lahat!" masayang wika ni Imelda at itinaas ang inumin nito. Sumang-ayon naman dito ang lahat at nagsipag-toast sila ng mga baso.

Gumanti naman ng ngiti si Maria Isabel. "Muchas gracias por tu apoyo, Madre! Salamat sa iyong suporta. Bukas ay pupunta rin pala rito sina Ronaldo." Pagkatapos ay mabilis siyang lumingon sa kanyang ama na sa mga sandaling iyon ay abot-tainga ang ngiti para sa kanya.

Si Donya Glavosa naman ay nakangiti rin pero iba ang pagkakangiti nito. Hindi iyon katulad ng matatamis na ngiti ng mga kasama nito sa paligid.

TRENDING sa number one spot sa lahat ng mga social media site ang anunsyo ni Maria Isabel tungkol sa engagement nila ni Ronaldo Evasquez. Siya ngayon ang pinakamainit na topic sa buong internet. Tuwang-tuwa ang mga tao dahil dumating na ang panahong hinihintay nila kung saan ikakasal na ang isa sa mga Tres Marias.

At dahil si Maria Isabel ang nauna, mas matindi ang ingay na nilikha nito sa online. Lalo na't siya pa man din ang may pinakamalaking fanbase sa kanyang pamilya dahil sa titulo niyang Biritera Queen of Asia. Siya rin ang itinuturin bilang isa sa mga most influential figure on the popular culture dahil sa kanyang vocal range at belting technique.

Tuwang-tuwa siya sa malaking suportang ibinigay ng netizen sa kanya. Halos lumuwa ang mga mata niya sa dami ng magagandang feedback tungkol sa big announcement niya.

Mas lalo siyang natuwa nang makitang siya ang nangunguna sa trending list ngayon habang si Roselia Morgan ay nalaglag na sa top five. Partida ay sunod-sunod pa ang bigating mga performance nito ngayon sa iba't ibang mga live shows.

"Ganito lang lagi dapat," aniya habang nag-i-scroll down sa screen ng cellphone. Mag-isa siya sa wine cellar habang umiinom ng red wine.

"Ako lang dapat ang palaging nangunguna," sabi pa niya habang hawak ang wine glass. "Because I am the queen!"

Inangat niya ang hawak na baso at tiningnan ang sariling repleksyon doon. "No other singer can ever beat me. Lahat ng korona sa mundo, sa akin lang kasya. 'Yan ang tandaan mo. You're just a newbie that will fade away soon..." dagdag niya saka tinukso nang tingin ang screen kung saan makikita ang mukha ni Roselia Morgan.

MASAYANG pinagmamasdan ni Imelda ang mga halaman at bulaklak sa paligid na kasalukuyang dinidiligan ng kanilang mga kasambahay.

Nang mapalingon siya sa gate nila, umagaw sa pansin niya ang isang nakatayong lalaki sa di kalayuan na tila nakatitig din sa kinaroroonan niya. Balot na balot ito ng makapal na jacket at tila sinasadyang takpan ang mukha gamit ang hood nito.

Hindi ito makalapit nang direkta sa gate dahil sa mga guwardya nilang nagbabantay roon. Nang makahalata itong nakikita na rin niya ang presensiya nito ay nagmadali itong lumakad palayo.

Kinutuban siya. Mukhang iyon din ang lalaking nakita niyang nagmamasid sa kanya noon sa sementeryo at malapit sa kanilang mansyon. Sinubukan niyang takbuhin ang gate at hinanap ito sa labas pero hindi na niya ito makita. Ni hindi na niya alam kung saan hahagilapin ang dinaanan nito.

"Madam Imelda, bakit po?" tanong sa kanya ng isang lumapit na guard.

"Ah, w-wala. Akala ko kasi kakilala ko 'yung nakita ko kanina," dahilan na lamang niya.

"Alin po? 'Yung lalaking nakatayo kanina sa labas?"

"O-oo. Pero hayaan mo na. Wala na 'yun. Tara na sa loob!" aniya rito at nauna na siyang pumasok. Pero sa isip niya ay hindi pa rin nawawala ang misteryosong lalaki na iyon. Pangatlong beses na niya itong nahuli na nagmamasid sa kanya.

KATATAPOS lang mag-ayos ng buhok ni Maria Elena sa kanyang kuwarto para ma-achieve muli ang mala-Marilyn Monroe looks niya. Pinarisan niya iyon ng pulang damit na bumabagay rin sa red lipstick niya.

Patungo siya sa kitchen area para kumuha ng makakain sa refrigerator nilang kasing laki ng isang bahagi ng grocery store. Sa sobrang laki niyon, puwedeng pumasok ang hanggang sampung katao para magpalamig.

Ngunit ang naabutan niya roon ay ang umiiyak na si Aling Susan habang sinisigawan ito ni Maria Isabel. Agad niyang inawat ang kapatid.

"Ano ka ba, ate! Bakit nananakit ka na naman ng katulong?"

Nalipat sa kanya ang matalim na titig ng babae. "Sabihin mo d'yan sa paborito mong katulong na ayusin niya ang pagtitimpla ng kape! Ang sama ng lasa nitong pinatimpla ko sa kanya! Dapat talaga mag-retire na 'yang matandang 'yan dahil nag-uulyanin na!"

"Hindi rin sapat na dahilan 'yon para buhusan mo siya ng kape sa mukha. Ang init pa man din, oh!" aniya sabay hawak sa tasa ng kape. Patuloy pa ring umiiyak ang matanda kaya nilapitan na niya ito at inakbayan.

"Mabuti nga 'yan! Baka sakaling matauhan siya at bumalik ang sigla ng memorya niya!"

Nawala ang pagkainosente ng mukha ni Maria Elena. "Alam mo ikaw na lang dapat ang magtimpla ng sarili mong kape. Tutal ikaw lang din ang nakakaalam sa 'taste' na gusto mo!" Saka niya sinulyapan ang basurahan sa bandang gilid nila.

"At bakit ko gagawin 'yon? Trabaho ng matandang 'yan ang magsilbi sa mansyong ito. Dapat lang na sundin niya ang lahat ng ipinag-uutos sa kanya. At dapat din niya itong gawin nang tama!"

"Wala ka pa ring karapatan na maltratuhin siya! Ilang beses n'yo na 'tong ginagawa ni Maria Lucia sa mga katulong natin, lalo na kay Aling Susan! Kailan ka ba matututong rumespeto sa mga kasambahay? Gusto mo bang ipasok kita sa GMRC para matutunan mo ang tamang paggalang at disiplina?"

"How about ipasok mo ang matandang 'yan sa adult daycare para maalagaan at hindi na nagkakalat ng katangahan dito? Baka sa susunod, makalimutan na rin niyan kung paano umihi sa banyo!"

"Ang sama talaga ng dila mo!" asik niya rito. "Hindi ko palalampasin ang ginawa mo!" Binalingan agad niya si Aling Susan at sinamahang makaakyat sa kuwarto ng mga katulong. Hindi na niya pinansin ang pagtawa sa kanila ng babae na may kasamang pang-iinsulto.

NAABUTAN ni Imelda sina Maria Isabel at Maria Lucia sa dining area. Magkasamang kumakain ang dalawa habang tinitikman ang niluto ng bunso na German Roast Beef Stew.

Hindi na siya nagsayang ng oras. Kinompronta agad niya ang babae. "Maria Isabel, totoo bang binuhusan mo ng kape si Aling Susan?"

Nahinto ang dalawa sa pagkain. Dumilim naman ang mukha ng panganay na anak. "I don't have to explain myself. Siguradong si Maria Elena rin naman ang kakampihan mo."

"What do you expect? Halanga namang ikaw ang kampihan ko. Ikaw itong may ginagawang masama. Dati-rati, sinisigawan mo 'yung matanda. Ngayon, binuhusan mo na ng mainit na kape! Saan mo ba nakukuha ang ganyang pag-uugali? Hindi ko naman kayo tinuruang maging ganyan!"

"Gaya ng sinabi ko, ina, hindi ko na kailangang magpaliwanag. Tara na nga, Lucia!" Agad itong tumayo at niyaya ang kapatid na umalis. Dinala pa nito ang pinggan nila.

"Huwag mo akong talikuran! Huwag kang bastos!" pagtataas niya ng boses dito ngunit tila walang naririnig ang babae. Hanggang sa tuluyan na ngang makalayo ang dalawa.

Napabuga na lang ng malalim na paghinga si Imelda. Maging siya ay nauubos na rin ang pasensiya sa sungay ng babae na patuloy pang humahaba.

Bigla siyang nagulat nang marinig ang boses ni Donya Glavosa. "Ganyan talaga ang nangyayari kapag hindi patas magmahal ang ina sa kanyang mga anak."

Nagulat siya. Nasa likuran na pala niya ito.

"Bago mo disiplinahin ang mga anak mo, siguraduhin mo munang minahal mo sila nang pantay noon. Hindi 'yung kay Maria Elena ka lang naka-focus mula pagkabata nila. Ang matigas na ulo ng anak ay bunga ng maling pagpapalaki ng ina."

"M-Mama..." Halos wala siyang maitugon dito. Hindi niya alam kung makukunsensiya ba siya sa sinabi nito. Aminado rin kasi siyang mula pagkabata ng Tres Marias ay si Maria Elena na talaga ang mas napamahal sa kanya. Habang ang dalawa naman ay mas naging close sa ama nila.

Umalis na lang din siya at tinalikuran ito. Wala siyang panahon makipagtalo rito. Naiwan naman mag-isa sa dining si Donya Glavosa. Nakuha na naman nito ang huling halakhak.

NAGING abala naman si Don Felipe sa paglilibot sa iba pang mga bayan sa Hermosa upang silipin ang kalagayan ng mga ito at mapag-aralan ang gagawing development sa Golden Project. Pagkatapos nila ay dumiretso naman siya sa kanyang opisina kung saan naghihintay sa kanya ang Senador na si Rebecca Suarez.

Isa ito sa mga tumulong sa kanya para dayain ang resulta ng eleksyon. Marami rin itong mga galamay sa loob ng Electromatic. Ang mga tauhan naman nito ang nagsusulat ng mga public speech niya at nagsisilbi niyang interpreter kapag may kausap siyang mga banyaga. Ang laki ng naiambag ng Senadora sa kanyang kandidatura bukod kay Pamelo Delos Santos.

"Buenos dias, Senadora! Hindi ko inaasahan ang pagdalaw mo rito. Ikinagagalak kong makita kang muli!" magalang na bati niya rito. Kahit mataas ang posisyon niya sa kanyang probinsiya, mas mataas naman ang paggalang niya sa babaeng ito.

"Naisipan kong bumisita rito upang makumusta ka, Governor Felipe. Palagi kitang napapanood sa TV tungkol sa Golden Project mo. I salute you for that! Mukhang ngayon pa lang, abalang-abala ka na sa mga trabaho mo. Hindi sayang ang mga ginawa ko para maipanalo ka."

"Muchas gracias, Senadora! Maraming salamat dahil ako ang napili n'yong kampihan. Sinisigurado ko sa inyo na hinding-hindi kayo mabibigo sa akin."

"Alam ko, Don Felipe. Malaki ang tiwala ko sa 'yo. Lalo na't naging kaalyado rin ng pamilya ko ang iyong ama noong siya pa ang Gobernador dito. Pero kaya rin pala ako nagpunta rito ay dahil may isang bagay akong nais ipaabot sa iyo. Hindi pa naman ito importante ngayon pero mas mabuting malaman mo na."

Nag-bow siya rito bilang paggalang. "Kung anuman iyan, sigurado akong magandang balita rin 'yan. Hindi ba, Senadora?"

"Sa susunod na eleksyon, balak ko sanang tumakbo sa pagkapangulo. Nais kong mangampanya rito sa inyo. Kahit marumi pa sa ngayon ang probinsiyang ito, isa pa rin kayo sa may pinakamaraming populasyon sa buong bansa. Dahil ikaw naman ang hari dito, siguro'y matutulungan mo akong makuha ang majority ng mga boto rito, hindi ba?"

Muli siyang nag-bow rito. "Makakaasa ka, Senadora! Ako ang bahala sa 'yo! Pagdating din ng panahong iyon, paniguradong maganda na ang buong Hermosa. Ako pa mismo ang mangangampanya sa 'yo sa mga tao rito!"

"Thank you, Don Felipe! I know you are a good ally. Six years from now, hindi ko alam kung mapakikinabangan ko pa ang Electromatic. Nanganganib na rin kasi silang mapalitan. At ibang mga tao na rin ang hahawak sa ipapalit sa kanila. Kaya mahihirapan na tayong makakuha muli ng kontrol sa kanila."

"Malayo pa ang anim na taon, Senadora. Marami pang puwedeng mangyari. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Kung nagawa kong manalo, magagawa mo rin! Magtutulungan tayo!"

Napangiti ang Senadora. "Iyan ang gusto kong marinig. Salamat nang marami, Don Felipe. Don't worry, mahigpit ang control ko sa mga tauhan ko. Hinding-hindi makakarating sa publiko ang mga itinatago mong baho. Ang hindi mo pagbabayad ng tax, ang babaeng ni-rape mo ten years ago, at ang pagpapapatay mo kay Pamelo Delos Santos. Hawak ko sa leeg ang mga kapulisan kaya mananatili kang ligtas at malinis."

Hindi na siya nabahala roon. Matagal na rin kasi niyang pinagkakatiwalaan ang naturang senadora sa mga matitinik na sikreto niya. Pareho lang silang may itinatagong baho. Ang pinagkaiba lang ay hindi niya alam kung anong 'baho' naman ang itinatago nito. Private na tao kasi ang Senadora. Marami pa siyang hindi alam dito kahit sobrang close pa nila ngayon.

"Nangangako ako sa iyong harapan, at isinusumpa ko sa liwanag ng buwan, hinding-hindi ko sisirain ang tiwala mo sa akin, Senadora!" matamis na wika niya rito na ikinatuwa naman muli ng babae.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro