Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 8: Nagkukubling Mata sa Mansyon

"MARAMING salamat sa inyong pagtanggap sa aming imbitasyon, Don Felipe. Alam mo marami ang nasasabik sa nalalapit na golden era ng Hermosa. Maaari n'yo bang ibahagi sa ating mga kababayang nanonood ngayon kung anu-ano ba ang dapat nilang abangan sa Golden Project n'yong ito?" tanong ng host kay Don Felipe habang napalilibutan sila ng mga camera sa isang malawak na studio.

Naimbitahan ang matanda para maging guest sa isang local channel sa TV. Ginamit nito ang oportunidad na iyon para mai-promote nang mabuti sa marami ang malaking proyekto ng kanyang administrasyon sa Hermosa Province.

"Alam mo habang nangangampanya pa lang ako noon at naglilibot-libot sa mga bayan sa Hermosa, ang dami kong nakitang mga problema! Karamihan ay mga sira-sirang gusali, bahay at tanawin na tila napabayaan na. Kaya naman ang layunin ng aking Golden Project ay linisin ang lahat ng lugar na ito. Mabigyan ng panibagong bihis at anyo. Sa sobrang dami ng mga proyektong nakapaloob dito, hindi ko na sila kayang isa-isahin pa. Basta abangan n'yo na lang. Sinisigurado ko sa inyo na hindi kayo bibiguin ng aking administrasyon. The golden era of Hermosa will begin to rise!" masayang pahayag ni Don Felipe sa harap ng camera.

Maya't maya ang pagtawa ni Donya Glavosa habang pinapanood ang anak sa TV. Natatawa na lang siya sa matatamis nitong mga salita na walang pinagkaiba sa mga kilala niyang ipokrito noong kapanahunan niya.

"Golden era pala, huh? Kaya pala ginto na rin ang halaga ng mga bilihin ngayon!" bulong niya sa sarili habang masarap ang pagkakaupo sa malambot na white sofa.

Dinampot niya ang cellphone at tinawagan si Aaron. "Puwede ka bang pumunta rito? Naiinip ako. Gusto ko ng kausap."


"Aba! Sige, sige, Madam! Pupunta ako d'yan nang mas mabilis pa sa alas-kuwatro. Hintayin mo 'ko."

"Muy buena!" Saka niya muling ibinaba ang cellphone sa tabi ng sofa. Hindi na niya tinapos ang pinapanood. Pinatay na niya ang TV gamit ang remote saka nagtungo sa balkonahe para doon hintayin ang lalaki.

"Buenos dias, Madam! Na-miss mo ba ako?" bati ni Aaron sa kanya nang makarating na ito. Agad itong umupo sa tapat niya at inilapag sa mahabang mesa ang cellphone at sigarilyo nito.

"Ang pangit na ng vibe ng mansyong ito. Nakakairita na! Parang gusto ko nang bumalik sa America. Buti pa roon, maganda ang buhay ko. Maraming lalaki. Malalaki ang mga kargada!"

"E, bakit hindi ka na lang bumalik doon? Gusto mo i-book na kita ng flight ngayon na?"

"Tumigil ka! Hindi ko rin puwedeng iwanan ang mansyon ko. Ayokong mapunta ito sa kahit na sinong miyembro ng pamilyang ito."

"Oo nga pala. 'Di ba, sa akin mo gustong ibigay ito?"

Nagtaas siya ng kabilang kilay. "Bakit, nagawa mo na ba ang kondisyong hinihingi ko?"

"Ah, 'yung paibigin ang isa sa mga apo mo? Aba! Sisiw lang sa 'kin 'yan, Madam!"

"E, bakit wala ka pang ginagawa? Hindi pa kita nakikitang pumoporma kay Maria Elena!"

"Medyo naging busy lang kasi ako sa iba naming raket. Pero sisimulan ko na rin ang panliligaw sa apo mong iyon. Huwag kang mag-alala!"

Nahinto ang usapan nila nang dumating ang isa sa mga katulong na si Marites.

"O, nandito ka na pala," bati niya rito. "Puwede mo ba kaming ikuha ng wine? 'Yung paborito kong California Red!"

Magalang na tumango ang katulong dito. "Masusunod, Madam!"

"Heto nga pala si Aaron. Isa sa mga tapat na tauhan ko. At Aaron, ito naman si Marites. Siya ang tanging maid dito na pinagkakatiwalaan ko. Siya ang mata ko sa mansyong ito."

"Good morning, Marites! Ano'ng latest ngayon?" pabirong bati ni Aaron dito.

"Good morning din, Sir! Mukhang latest 'yang watch n'yo ah?" Nakipagkamay pa ito sa binata.

Natawa naman ang lalaki. "Ah, bigay lang 'to ni Madam sa akin. Alam mo naman malakas ako sa kanya."

"Ay taray! Sana all binibigyan ng relo!"

"Gusto kong magkasundo kayong dalawa," pakli sa kanila ng donya. "Alam mo, Aaron, ang dami nang naitulong ni Marites sa akin. Noong wala ako rito, siya ang nagsilbing mata ko sa bahay na ito. Dahil sa kanya, nalalaman ko ang lahat ng galaw nina Felipe. Kaya kapag nandito ka sa mansyon, huwag kang mahihiya sa kanya. Iturin n'yong kaibigan ang isa't isa."

Tumango naman si Marites. "Makakaasa po kayo, Madam! Hangga't nandito ako, wala akong palalampasing balita sa paligid. Sinisigurado kong makakarating sa inyo ang lahat ng latest and hottest issues sa bahay na 'to!"

"Count me in, Madam!" sabat ni Aaron at dinampot na ang sigarilyo. "Basta lahat ng kakampi mo ay kakampi ko na rin."


Napangiti naman ang matanda. "Muy buena!"

"TAPOS na kayo, 'Ma?" tanong ni Maria Elena kay Imelda nang makita ang hawak nitong apat na bag at dalawang casual dress. Nasa loob sila ng pinakamalaking Louis Vuitton store sa bansa.

"Ah, oo. Ikaw, nakapili ka na ba?"

"Parang ayoko muna po. Okay pa naman 'yung bag ko sa bahay, eh!"

"Pero napaglipasan na ng isang taon 'yon. Marami nang mga new arrival ngayon. Sige na mamili ka na, anak!"

Wala pa talagang gana bumili ng bago si Maria Elena. Pero dahil mapilit ang ina, pinagbigyan na lang niya ito. Tutal ito rin naman ang nagboluntaryo na magbayad. Nilibot nilang muli ang paligid para makapili siya ng bibilhin.

Ang pagsa-shopping doon ay langit at paraiso kung iturin ng karamihan sa mga lower class household. Dito nila matatagpuan ang mga bagay na halos hindi nila kayang abutin. Ngunit sa Pamilya Iglesias, ginagawa lang nilang palengke ang mga bigating luxury store na ito.

Isang red vernis leather handbag at stellar times perfume ang nabili niya. Umabot ng mahigit 133, 866 thousand ang halaga niyon. Hindi pa kasama roon ang halaga ng mga bag at clothes na pinamili naman ni Imelda. Kung pagsasama-samahin, aabot ng mahigit limang milyon ang halaga ng lahat ng pinamili nila sa loob lang ng araw na iyon.

Pagkalabas nila sa store, agad nilapitan si Maria Elena ng ilang mga tao para makipag-picture. May nakaabang na pala sa kanila roon magmula kanina. Karamihan ay mga tagahanga niya sa mundo ng vintage fashion.

Pinahatid na niya sa loob ng sasakyan ang mga pinamili niya. Saka siya lumapit sa mga tao at walang pag-aalinlangang in-entertain ang mga ito. Magiliw makisama si Maria Elena sa kahit na sinong tao. Mahirap man o may sakit ay hindi siya nandidiring humawak at yumakap sa mga ito.

Iyon ang isa sa mga bagay na nagustuhan sa kanya ng marami. Kahit mataas ang antas ng kanyang pamumuhay, malaya pa rin siyang nalalapitan at nahahawakan ng kahit sino. Hindi na rin mabilang ang mga taong kanyang natulungan gamit lamang ang sarili niyang pera at diskarte. Noon pa man ay talagang malapit na ang puso niya sa mga kababayan nila sa Hermosa, lalo na sa bayan ng Las Iglesias.

Tuwang-tuwa siya habang pinagmamasdan ang matamis na ngiti ng mga taong ito. Ramdam niya ang pagmamahal ng mga ito sa kanya. Kahit hinahayaan niyang hawakan at yakapin siya, maingat pa rin ang pag-approach ng mga ito. Hindi nila hinahayaang madumihan at magusot ang suot niyang damit. Sadyang mataas ang respeto ng mga ito sa kanya.

Hindi pa rin nawawala ang ngiti ni Maria Elena nang makapasok na sa loob ng sasakyan. Kitang-kita naman iyon ng kanyang ina.

"Mukhang naging masaya ang meet and greet mo kanina, ah?" ngiting tanong ni Imelda sa kanya.

Kinilig siya sa tuwa. "Mama, sila talaga ang kaligayahan ko. Tuwing makikita ko silang lumalapit at humahawak sa akin nang walang pag-aalinlangan, sobrang lumalambot ang puso ko. Batid kong masaya sila dahil may isang tao silang malalapitan at maaasahan sa ating pamilya."

"Nauunawaan ko ang hangarin mo. Basta mag-ingat ka na lang, anak. Baka abusuhin naman nila ang kabaitan mo."


"Hindi naman mangyayari iyon, Mama. Ramdam ko rin naman ang paggalang at pagrespeto nila sa akin. Nagpapaalam pa rin sila nang maayos bago lumapit sa akin. Hindi rin sila nagre-request ng mga bagay na alam nilang ayaw ko. Saka marunong din naman akong umiwas kapag nakaramdam ako ng hindi maganda sa isang taong kaharap ko."


"Napakalayo mo talaga sa papa mo. Kung nasa tamang edad ka lang siguro, ikaw na lang ang patatakbuhin ko para mamuno sa ating probinsiya. Sigurado akong mas malaki pa ang maitutulong mo sa kanila."

"Mama, hindi ko naman kailangan pumasok pa sa politika para lang makatulong. Isa pa, wala rin naman akong alam sa paggawa ng mga batas. Baka iyon pa ang ikasira ko. Ayokong pasukin ang mga bagay na malayo sa kaalaman ko. Sapat na sa akin ang tumulong sa ganitong paraan nang hindi kasama ang politika."

Napahawak si Imelda sa kanyang mga kamay na nakapatong sa magkabilang hita niya. "Tama ka nga naman!"

"Pero, Mama. G-gusto ko sanang...magtayo ng sariling foundation. Para nang sa ganoon, may isang lugar na lang silang pupuntahan sa lahat ng pangangailangan nila. Papayagan mo ba ako?"

"Kung ako ang tatanungin, walang problema, anak. Lahat naman ng gusto mo ay suportado ko. Kaya sige, ituloy mo lang iyan."


"Pero naiisip ko rin si Papa. Sigurado akong may magagawa siya rito para matulungan ako."

"Akala ko ba'y ayaw mong ma-involve sa politika?"


"Hihingi lang naman ako ng advice at tulong kay papa. Dahil siya ang nasa posisyon, mas alam niya kung ano ang dapat gawin at kung ano ang tamang proseso para dito. Naniniwala kasi ako na mas mapapabilis ang takbo ng foundation kung may kaunting tulong mula sa kanya. Saka magandang exposure na rin iyon para sa kanya, lalo na't marami sa mga kababayan natin ngayon ang umaasa sa malaking pagbabago na pangako niya."

"Ikaw na ang magsabi n'yan sa kanya para mas maunawaan niya."

Tumango na lamang siya. "Oo, Mama. Sasabihin ko ito sa kanya." Doon nagwakas ang usapan nila. Pumagitan na ang katahimikan hanggang sa makauwi sila.

Naabutan niya sa balkonahe ang kanyang ama. Tahimik itong nagpapahangin doon habang hawak ang bote ng isang alak na palagi nitong iniinom tuwing hapunan.

"Buenas noches, Papa," bati niya rito. Napalingon sa kanya ang matanda pero agad din itong tumalikod.

"Buenas noches," matipid nitong bati sa kanya.

"Ah, Papa. May mahalaga sana akong nais sabihin sa inyo."

"Sabihin mo na."

Nilapitan niya ito at tumingin din sa malayo. "Gusto ko sanang magtayo ng angat-buhay foundation dito sa Las Iglesias. Maaari mo ba akong tulungan?"

"Para saan 'yan?" Tila hindi interesado ang tinig ng matanda.

"Para po sana sa ating mga kababayan. Naisip ko lang po kasi na kung sakaling matulungan n'yo akong magtayo ng sarili nating foundation, siguradong mas marami pa tayong matutulungan. Hindi lang dito sa Las Iglesias pati na rin sa iba pang mga liblib na lugar sa Hermosa na napag-iwanan na."

"Hindi na kailangan. Mayroon na akong Golden Project. Nandoon na lahat ang mga proyektong kailangan sa pagbabago ng lugar na ito."

"Pero, Papa, wala rin naman sigurong masama kung magtatayo tayo ng sariling foundation, 'di ba? Magandang exposure din iyon sa inyo."

"Maria Elena..." Sa pagkakataong iyon ay humarap sa kanya ang ama. "Hindi na natin kailangan ng mga ganyan. Sapat na ang Golden Project ng aking administrasyon para tugunan ang mga pangangailangan ng bayan. Suportahan mo na lang ako kung gusto mong makatulong sa marami."

Hindi na siya nakasagot. Dismayado siya sa naging tugon ng ama. Pero wala naman siyang magagawa dahil ito rin ang masusunod sa bahay nila.

Hanggang sa bigla ring dumating si Maria Isabel. "Buenos dias, Ama! Kanina pa kita hinahanap. Nandito ka lang pala."

Biglang nagkabuhay ang mga mata ni Felipe nang makita ang paboritong anak. "Maria Isabel! Halika nga rito, anak ko." Mabilis itong lumapit sa babae at binigyan ito ng mahigpit na yakap.

Naitsapuwera na naman si Maria Elena. Nakita niya kung paano siya tapunan ng mapanuksong titig ni Maria Isabel. Para bang pinapamukha nito na mas matimbang ito sa kanilang ama kaysa sa kanya. Hindi na niya sinira ang moment ng dalawa. Siya na lamang ang umalis habang nakayuko ang ulo.

ISINAMA ni Maria Isabel ang ama sa wine cellar at doon niya ito sinamahang uminom. "Ama, may nais akong sabihin sa inyo. Tengo algo que decirte."

"Dime querida. Sabihin mo lang sa akin, anak."

"Halos limang taon na rin kaming nagsasama ni Ronaldo. Kaya naman napag-usapan namin kaninang umaga ang tungkol sa aming kasal."

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Felipe. "De Verdad? Really, anak?"

"Si, Padre!" Pumalakpak siya ng isang beses. "Gusto na naming magpakasal ni Ronaldo. Hinihingi ko sana ang permiso ng buong pamilya kung handa na ba kayong suportahan kami."

"No me diga más! Asahan mo ang buong suporta ng pamilya, Maria Isabel. Ngayon pa lang maghahanap na ako ng pinakamalaki at pinakamagandang simbahan. Gusto kong maging engrande sa lahat ng engrande ang inyong kasal ni Ronaldo!"

"Oh, muchas gracias, Ama! Thank you so much!" Napayakap siya rito nang mahigpit. "Sa 'yo ko talaga unang sinabi ito dahil alam kong matutuwa ka."

"How about your sister? Alam na ba ni Maria Lucia ito?"

"Not yet. No todavía. Mamayang dinner ko pa lang sasabihin sa kanilang lahat."

Masayang-masaya si Maria Isabel nang mga oras na iyon. Ngayon pa lang ramdam na niya ang bubuhos na suporta sa pinakamalaking anunsyo niya. Ito ang naisip niyang paraan para agawin ang current spotlight kay Roselia Morgan.

Kapag naisapubliko na ang tungkol sa wedding nila ni Ronaldo, siguradong magugulantang ang lahat. Lalo na't sa pamilya nila ay napakasagrado pa naman ng kasal. Para bang isa itong mahalagang requirement na kailangan nilang gawin oras na dumating sila sa tamang edad at panahon.

Sa pamamagitan ng kasal at pagbuo ng pamilya, mas mapaparami pa nila ang kanilang angkan. Mas lalawak pa ang kapangyarihan ng Pamilya Iglesias sa buong Hermosa. Katunayan nga, matagal nang inaabangan ng marami kung sino sa kanilang Tres Marias ang unang magkakaroon ng engrandeng kasal.

Tres Marias ang binuong pangalan sa kanilang tatlong magkakapatid. Dahil ito sa mga pangalan nila na pare-parehong nagsisimula sa Maria. Ang panganay na si Maria Isabel, ang middle child na si Maria Elena, at ang bunsong si Maria Lucia. Sila ang Tres Marias ng Pamilya Iglesias.

KASALUKUYANG nag-aayos ng buhok si Donya Glavosa sa kuwarto nito nang makarinig ng pagkatok sa pinto. Ilang sandali pa, kusa itong nagbukas at iniluwa niyon ang katulong na si Marites.

"Madam, may nasagap akong balita ngayon lang. Mainit-init pa 'to!" bulalas nito sa matanda saka siya nito nilapitan.

"Sabihin mo na agad," matipid na tugon niya habang isinusuot naman ang ilan sa mga bagong alahas niya.

"Narinig ko si Maria Isabel habang kausap si Don Felipe kanina. Magpapakasal na raw sila ng boyfriend niyang si Ronaldo!"

"Ano?" Napalingon siya sa madaldal na katulong. "Sina Maria Isabel at Ronaldo? Mag-iisang dibdib na?"

"Ay, opo! Katunayan nga, balak na rin niya itong i-announce sa pamilya mamaya pagsapit ng hapunan n'yo."

Biglang napaisip ang matanda. "Kung may ikakasal na sa Tres Marias, siguradong malaking pagdiriwang ito. Lalo na't si Maria Isabel pa ang ikakasal."

"Tama po kayo, Madam! Si Maria Isabel pa man din ang pinakasikat sa Tres Marias. Paniguradong malaking event nga ito! Baka nga magdeklara pa ng Holiday si Don Felipe nito, eh! Para lang sa kasal ng paboritong anak niya!" Saka humagikgik ng tawa ang babae.

Muling napaharap sa salamin ang matanda. Biglang may kung anong pumasok sa utak niya. "Kung ganoon, kailangan din nating gumawa ng malaking surpresa para sa kanya... Isang surpresang hinding-hindi niya makakalimutan..." Kasunod niyon ang pagbuo ng pilyang ngiti sa kanyang mga labi.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro