Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 7: Larawang Kupas

SINALUBONG ng magarbong palakpakan si Don Felipe pagkaakyat niya sa entablado. Sinimulan niyang ipaliwanag ang tungkol sa Golden Project na itinuturin niya bilang pinakamalaking proyekto na magaganap sa probinsiya ng Hermosa. Kasama rin niya roon ang buong provincial board.

Ang Golden Project daw na ito ang babago at magpapaangat sa ekonomiya, landscape at environment ng Hermosa sa pamamagitan ng mga bagong infrastructures at technology. Binubuo ito ng mga high tech na power supplies, cable cars, roads, at mga buildings kabilang na ang airport na balak niyang pangalanan bilang Felipe Iglesias International Airport.

Ngayon lang ito mangyayari sa buong kasaysayan ng Hermosa Province. Tinawag pa niyang 'golden era' ang pinakamalaking pagbabago na nakatakdang maganap. Kung sakaling maging matagumpay ang kalabasan nito, baka ang Hermosa pa ang maging bagong capital ng bansa.

Naniniwala siya na ito rin ang magdadala ng turismo sa kanilang probinsya. Kapag nagkaroon na ng magagandang mga lugar at pasyalan, pati na rin mga resources, siguradong dadagsain na ito ng mga turista at investors. Dadami rin panigurado ang mabibigyan ng trabaho at negosyo.

Sa mga nagdaang administrasyon, halos walang mga nangyaring pagbabago sa Hermosa Province. Ang mas masaklap pa, ito rin ang itinuturing pinaka-boring at pinakamaruming probinsiya sa buong bansa. Wala kasing masyadong mga bagay rito na puwedeng pasyalan ng mga tao. Ang palagi lang makikita rito ay ang mahihirap na mga komunidad, mga squatter, at mga basura kung saan-saan. Land of garbage kung bansagan ang Hermosa.

Iyon ang nais baguhin ngayon ni Don Felipe. Nais niyang magbago ang tingin ng mga tao sa kanyang probinsiya. Nangako siya sa harap ng madla na ang pagsisimula ng golden era ang magpapaangat sa kanilang lahat.

"Asahan n'yo ang malawakang pagbabago na magaganap sa ilalim ng aking pamamahala. The golden era of Hermosa Province will finally rise at masisilayan ito ng buong mundo! Sama-sama nating ipagmamalaki ang ating probinsiya na dati ay itinuturin lamang na basura. Ngayon, ang basurang ito ay gagawin nating ginto!" wika niya sa harap ng mic habang pasimpleng binabasa ang script na nakalapag sa harap niya.

Isang malakas na palakpakan muli ang itinugon ng mga tao sa public event na iyon. Pagkatapos magsalita ni Don Felipe, sinalubong siya ng ilan sa mga public officials na dumalo at nakipagkamay sa kanya. Sunod-sunod din ang pagkuha ng litrato sa kanila.

Pagbalik ni Don Felipe sa opisina, agad niyang inutusan ang tauhang si Nemencio na imasahe ang kanyang likuran. Habang si Jomar naman ay nakaluhod sa harap niya habang nililinis ang mga sapatos niya.

"Ngayon pa lang, nararamdaman ko na ang pagbabago sa probinsiyang ito, Don Felipe! Kung hindi ka pa nanalo, malamang hanggang ngayon isang malaking basura pa rin ang lugar nating ito!" wika sa kanya ni Nemencio.

Tumawa lang ang matanda. "Sinisigurado ko na luluha ang mga mata niya sa pagkamangha oras na matapos ang proyektong ito."

Nangunot ang noo ni Jomar. "Sino 'yang tinutukoy mo, Don Felipe?"

"Ang aking ina..."

"Ang nanay n'yo?" Bahagyang napamulagat si Nemencio.

Dahil pinagkakatiwalaan naman niya ang dalawa, ikinuwento na rin niya sa mga ito ang tungkol sa sigalot nila ng kanyang ina. Pati ang mga sinabi nito sa kanya noong dumalaw ito sa opisina.

"Grabe naman pala 'yung nanay n'yo, Don Felipe! Parang basura kung tratuhin kayo!" ani Jomar pagkatapos niyang magkuwento.

Gustuhin mang magalit ni Felipe sa narinig ay hindi niya magawa dahil totoo naman. Parang basura naman talaga ang trato sa kanya ni Donya Glavosa at tanggap niya iyon.

Pero ngayon, hindi na siya papayag na maging basura pa rin siya sa paningin nito. Sa pamamagitan ng Golden Project na ito, umaasa siyang magbabago rin ang tingin nito sa kanya at mapapahiya sa lahat ng mga panlalait nito.

Nang maalala niya kung gaano kalakas ang palakpakan ng mga tao kanina, lalo ring lumakas ang loob niya para ilabas ang kanyang tapang.

"Sawa na ako sa paraan ng pagtrato sa akin ng sarili kong ina. Ito na ang panahon para ako naman ang katakutan niya. Tama! Hindi na dapat ako matakot sa kanya. Ako na ang nasa posisyon. Magagawa ko nang hawakan sa leeg ang lahat ng tao..." wika niya sa sarili habang unti-unting nagbabaga ang kanyang mga mata.

TAHIMIK lang na nakikinig si Imelda Iglesias sa mga kuwento ni Donya Glavosa tungkol sa buhay nito sa America noong inaakala nilang patay na ito. Nakaupo ito sa harap ng kama habang minamasahe niya ito sa likod.

May mga katulong naman sila na puwedeng gumawa niyon pero mas pinili ng matanda na siya ang gumawa para magmukha raw siyang katulong. Wala nang imik dito si Imelda dahil ayaw niyang makipagtalo pa sa matanda.

"Ikaw, kumusta ka naman dito?" biglang tanong sa kanya nito pagkatapos magkuwento.

Saglit na kinabahan si Imelda. "Ah, m-mabuti naman po, Mama. Maayos naman ang kalagayan naming lahat."

"E, ang kalagayan n'yo ni Felipe?"

"Po?"

Bumuntong-hininga ang matanda. "Base sa nakikita ko sa inyo, parang matamlay na ang relasyon n'yo. Ni hindi na kayo gaanong nagpapansinan. May problema ba kayong dalawa?"

Napalunok siya ng laway. "Ah, w-wala naman po, Mama. Masyado lang siyang abala sa trabaho kaya hindi na kami gaanong nagkakaharap dito sa bahay."

Biglang tumawa ang donya. "Alam kong ganyan ang sasabihin mo sa akin, Imelda. Hindi na ako magtataka. Hindi mo rin ako maloloko. Alam kong hindi na mabuti ang kalagayan n'yo ni Felipe. Palibhasa, hindi ka naman din naging mabuting asawa sa kanya. Pareho lang kayong bobo at walang ambag sa mansyong ito. Bagay nga talaga kayong dalawa."

Bahagyang kumulo ang dugo niya sa sinabi nito. Pero wala na siyang maisagot doon. Totoo naman kasi ang sinasabi ng matanda. Mahigit limang taon na silang hindi okay ni Felipe. Madalas silang mag-away sa maraming bagay, kabilang na nga rito ang hindi patas na pagmamahal sa kanilang mga anak. Mas mahal niya si Maria Elena. Mas mahal naman ng lalaki sina Maria Isabel at Maria Lucia.

Marami pa silang mga pinagtatalunan na naging dahilan ng pananamlay ng kanilang samahan. Hindi lang nila ito pinahahalata kapag nasa labas sila at kaharap ang ibang tao. Pero dito sa loob ng bahay, parang tumatakbo pabaligtad ang oras sa kanilang dalawa. Kulang na lang ay magbalik sila sa nakaraan kung saan hindi pa sila magkakilala.

At hindi na rin siya magtataka kung mahalata ito ni Donya Glavosa. Simula pa man ay matalas na ang pang-amoy nito. Agad nitong nalalaman ang mga nangyayari sa paligid. Marunong din itong bumasa ng emosyon ng tao. Wala silang puwedeng ilihim dito.

"Siguro ngayon ay naiintindihan mo na kung bakit ako ganito sa inyong lahat..." Saka ito bahagyang lumingon sa kanya.

Napatitig naman siya rito at nagpakawala ng matipid na ngiti. Pero agad din niyang binawi iyon at dali-daling yumuko. Nakaramdam agad siya ng pagkadismaya.

Inabot ng mahigit isang oras bago nagsawa ang matanda sa masahe niya. Nang palabasin na siya sa kuwarto, nagtungo naman siya sa kanyang silid at ilang minutong naupo sa kanyang kama. Halos malunod siya sa lalim ng iniisip niya.

Mayamaya ay napatayo siya at may kinuha sa kanyang aparador. Isang lumang larawan iyon ni Samuel Iglesias na nakalagay sa matibay na picture frame. Nakasuot pa ng itim na tuxedo ang lalaki habang nakatayo sa pulang kurtina. Medyo kupas na ang larawan pero ang tanging bagay na hindi kumukupas doon ay ang matamis na ngiti ng lalaki habang hawak nito ang isang rosas.

Hindi niya maiwasang mapaluha habang pinagmamasdan ang litrato. Saka niya naalala ang sinabi kanina ng matanda kung bakit daw ito ganoon sa kanilang lahat.

Alam niya ang dahilan, dahil siya rin mismo ang dahilan. Siya ang kasintahan noon ni Samuel na nahulog kay Felipe. Hindi niya matanggap ang ginawa niyang pagtataksil kay Samuel na naging dahilan ng pagpapatiwakal nito.

Malaki rin ang galit sa kanya ni Donya Glavosa dahil doon. At mas lumaki pa iyon nang pakasalan siya ni Felipe at dito pa pinatira sa kanilang mansyon.

Hindi siya itinaboy ng matanda. Pero araw-araw naman nitong pinararamdam sa kanila ang matinding galit nito. Halos madurog na ang kanyang puso noon sa masasakit na mga salita nito. Medyo nakahinga lang siya nang maluwag nang ibalitang namatay na ito sa America. Pero ngayon, lahat ng sakit ay biglang nagbalik dahil din sa pagbabalik nito.

Pero hindi lang iyon ang nagbibigay ng sakit sa kanya. Mas lalo siyang nasasaktan sa sinapit ni Samuel. Aminado siya na medyo na-boring siya sa relasyon nilang dalawa. Pero hindi niya maitatanggi ang busilak nitong puso. Lahat ng kaya nitong gawin ay ibinigay nito sa kanya. Sadyang hindi lang siya nakuntento noon kaya naghanap ng kaligayahan sa iba.

Kung alam lang niyang magiging ganito sila ni Felipe ngayon, hindi na lang sana niya tinalikuran noon si Samuel. Hanggang ngayon sana ay buhay pa rin ito at siguradong hindi rin magiging ganito ang ugali sa kanya ni Donya Glavosa.

Hindi niya inakala na kung kailan matagal na silang nagsasama ni Felipe, saka pa lilitaw ang tunay nitong kulay. Mapang-abuso ito. Lagi rin siyang pinagseselos nito. At nang pasukin na nito ang mundo ng politika, mas lalo na itong nawalan ng oras at panahon sa kanya. Parang hindi na nga asawa ang turin sa kanya nito. Napakabihira na lang nila kung mag-usap.

Nasa iisang bubong nga sila ngunit tila wala naman dito ang loob sa kanya ng lalaki. Ngayon lang din niya napagtanto na napakalayo pa rin pala ni Samuel dito.

Siguro ay hindi lang talaga eksperto maglambing ang lalaki sa kama. Pero di hamak naman na mas mapagmahal ito. Noong nabubuhay pa ito, lagi siya nitong binibigyan ng bulaklak at tsokolate. Lagi rin siya nitong ipinapasyal sa mga magagandang tanawin sa kalikasan. At higit sa lahat, palagi siya nitong ipinagmamalaki kahit kanino.

Isang bagay na hindi ginawa sa kanya ni Felipe dahil tanging ligaya lang sa kama ang ibinigay nito sa kanya. Siguro nga ay iyon pa ang gusto niya noong dalaga pa siya. Pero ngayon, iba na ang gusto niya. Tunay na pagmamahal na. Isang bagay rin na sa tingin niya ay tanging si Samuel lang ang makapagbibigay kung hindi lang niya ito niloko.

Hindi natiis ni Imelda ang labis na kalungkutan sa pagkukulong sa kuwarto. Naisipan niyang umalis at pinuntahan ang sementeryo kung saan nakalibing si Samuel. Nakita niyang may bagong bakas ng natunaw na kandila roon. Inisip niyang baka galing iyon kay Donya Glavosa. Wala naman kasing ibang dadalaw roon kundi ito lang.

Nagtirik din siya ng kandila rito at lumuhod sa harapan ng puntod. Dito niya ibinuhos ang rumaragasang mga luha na kanina pa niya pinipigilan. "Patawarin mo ako, Samuel, kung maaga kang nawala dahil sa akin. Hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko sa nagawa ko sa iyo. Isang tao ka lang naman na nagmahal nang buong puso. Pero sinira ko iyon at dinurog nang pinong-pino. Napakasama kong tao sa totoo lang. Napakasama ko..."

Hindi na niya napigilang isandal ang noo sa harap ng nitso nito habang hinayaang pumatak ang mga luha sa lupa. May ilang minuto bago siya nahimasmasan at huminto sa pag-iyak.

Muli siyang nagpaalam sa puntod ng lalaki saka tumayo. Ngunit bago pa man siya makaalis doon, may napansin siya sa di kalayuan. Napakabilis nitong nawala. Para bang kanina pa ito nakatingin sa kanya. Hindi siya sigurado kung ano iyon, ngunit sa tingin niya ay hindi siya nag-iisa roon.

GALIT na galit si Maria Isabel nang makita sa internet ang balita tungkol sa sold-out concert ni Roselia Morgan sa Puerto Stadium. Nagwawala ang puso niya sa lakas ng pagtibok. Nanginginig ang kamay niya na parang gusto nang manabunot ng tao. Para siyang bulkan na anumang sandali ay nagbabantang sumabog.

Hindi niya matanggap na nagawang punuin ng baguhang karibal ang Puerto Stadium na nasa mahigit 100,000 ang seating capacity. Isang bagay na matagal na niyang pinapangarap pero hanggang ngayon ay nananatiling pangarap pa rin.

Sadyang napakalaki kasi ng Puerto Stadium. Wala pang kahit sinong solo act ang nakakapuno niyon maliban na lamang kapag may mga sports event gaya ng football, baseball, at iba pang good weather events.

At kahit matagal na siya sa industriya, hanggang sa mga arena na may 40,000 seating capacity lamang ang kaya niyang i-sold out. Siya rin ang naitalang solo artist na may pinakamalaking na-sold out na venue dalawang taon na ang nakalilipas. Nangyari ito matapos niyang mapuno ang Bluewave Arena kung saan mahigit 48,000 katao ang nanood sa concert niya.

Pero ngayon, nabali na ni Roselia Morgan ang record na iyon pagkatapos nitong mapuno ang Puerto Stadium na di hamak na mas malaki ang seating capacity kumpara sa mga arena na na-sold out niya noon.

Hindi biro ang diperensya ng 100,000 sa 48,000 niya. Dahil din dito, marami nang nagsilabasang mga article kung saan ikinukumpara silang dalawa. May mga headlines pa na nagsabing si Roselia Morgan na nga ba raw ang bagong Maria Isabel ngayong panahon?

"Mga walang kuwenta!" bulalas niya habang binabasa ang ilan sa mga balita. "Walang kahit sino ang puwedeng pumalit kay Maria Isabel! Ako lang ang reyna!"

Hindi siya nakapagpigil. Tinawagan niya muli ang kanyang management team para magpakalat ng paninira sa karibal. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi siya sinunod ng mga ito.

"Pasensiya na, Maria Isabel. Ngunit hindi natin magagawa iyan sa ngayon. Binabaha na ng mga papuri si Roselia Morgan. Sunod-sunod na rin ang pagsungkit niya ng mga awards. Wala ring magagawa ang mga negative feedbacks na ipakakalat natin kung sakali. Ginawa na natin ito 'di ba pero hindi naman naging effective. Agad ding namatay ang issue. Baka ngayon nga, nakalimutan na niya ang tungkol doon. Sobra-sobrang tagumpay na kasi ang tinatamasa niya ngayon."

Nanlaki sa galit ang mga mata niya. Saka siya tumayo at dumungaw sa glass window na halos kasing laki ng buong katawan niya. "E, ano'ng gagawin n'yo? Tutunganga na lang kayo? Hahayaan n'yong sumikat pa lalo ang bruhang iyon? Kayo ang management team ko 'di ba? Gumawa kayo ng paraan para mawala ang atensyon sa kanya ng mga tao!"

"Pero mukhang mahirap iyan, Maria Isabel. Kailangan may gawin ka rin sa part mo para makuha natin muli ang atensyon ng marami. Kailangan gumawa ka rin ng sarili mong hakbang para mapag-usapan muli. Nandito naman kami para tumulong sa 'yo. Basta kailangan may masimulan ka at kami naman ang magpapatuloy nito."

Napaisip siya. May punto nga naman ito. Wala nga namang mangyayari kung tutunganga lang siya rito. "Sige na, sige na! Mag-iisip ako! Sa ngayon, i-publish n'yo na lang uli sa online ang footage ng mga shows ko sa US, Germany at Spain. Ipaalala n'yo uli sa kanila kung gaano ka-successful ang nakaraang world tour ko na dinumog ng maraming tao sa iba't ibang mga bansa! Intiendes?"

Saka niya pinutol ang tawag at padabog na ibinulsa ang cellphone. Napatingin siya sa malayo. Parang may naisip na siyang paraan kung paano makakalikha muli ng ingay sa internet.

"SAAN ba tayo pupunta, Mama?" tanong muli kay Imelda ni Maria Elena. Naglalakad sila ngayon patungo sa garahe kung saan nakaparada ang kanilang sasakyan.

"Mag-Mall na lang muna siguro tayo, anak. Gusto kong magpalamig," palusot na lamang niya.

"Pero malamig naman dito sa bahay, Mama."

"Sa ibang lugar ko gustong magpalamig. Ayoko rito."

Napalingon sa kanya ang dalaga. "Bakit naman po? Dahil ba kay Abuela?" anito, tinutukoy si Donya Glavosa.

"Oo, eh. Kung anu-ano na naman kasi ang mga sinabi niya sa akin kanina. Gusto ko munang lumayo sandali para matahimik ang mundo ko."

Hindi na sumagot ang dalaga hanggang sa marating na nila ang sasakyan. Naunang pumasok sa loob ang kanilang personal driver. Mabilis namang binuksan ng security guard ang gate ng garahe upang makalabas na sila.

Bago pa man tuluyang makalayo ang sasakyan sa mansyon, napalingon si Imelda sa paligid. May nakita siyang tila isang lalaking nakaitim na jacket na waring nakatingin sa kanya at nagtatago sa likod ng isang puno. Ngunit agad din itong tumakbo at nawala na ipinagtaka naman niya.

Kung hindi siya nagkakamali, parang ito rin ang nahagip ng kanyang paningin na tila nagmamasid kanina sa kanya sa sementeryo.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro