Chapter 68: Ang Pinakamainit na Lihim
HABANG nanonood ay tumunog ang telepono ni Khalid Jabbar. Nagulat siya nang makita ang numero at pangalan ni Maria Lucia sa screen. Agad niya itong sinagot at hininaan ang volume ng TV.
"Hello?" paunang wika niya rito.
"Hello! Is this the Keorgugal Pharmacy?" tanong ng babae sa kabilang linya. Iyon ang pangalan ng isa sa mga business na hinahawakan niya sa Saudi Arabia.
Puro mga gamot na wala pa sa merkado ang ibinebenta nila roon. Karamihan ay mga cure sa Cancer, HIV, at iba pang sakit na hindi lamang sinasabi sa publiko upang mapilitan ang mga pasyente na magbayad ng malaking halaga sa mga duktor para sa isang treatment na wala namang kasiguraduhan.
Piling mga tao lamang ang nakakaalam sa Keorgugal Pharmacy, kadalasan ay mga makapangyarihan at maimpluwensyang tao lamang, kabilang na nga rito si Maria Lucia na isa sa mga Iglesias.
"Hello! Are you the manager of the Keorgugal Pharmacy?"
"Yes I am," sagot dito ni Khalid.
"I am the one who ordered this tablet called 'Sheroplasyma". I just want to tell you that this medicine is not working! I can still remember all the traumatic past in my life! You charged me a 50 million for this? I want a refund!"
"Relax!" banayad na sagot niya rito. "Maybe we just need to increase the dosage of your medicine to make it more effective to you. Don't worry. I will give you another one. And that will be free for you!"
"Then, thank you! Make sure that this medicine will not cause harm in any way!"
"You don't have to worry about that! All my medicines are safe!" Pagkatapos ng pag-uusap nila ay binitawan na niya ang cellphone. Saka niya dinukot sa ilalim ng lamesa ang isang kahon na naglalaman ng Sheroplasyma na isang uri ng gamot na pampalimot ng alaala na nagdudulot ng labis na stress at takot sa isang tao.
Walang kaalam-alam ang babaeng ito na hindi naman talaga ganoon ang epekto ng gamot na iyon. Ang tunay na ginagawa ng tabletang ito sa utak ng tao ay pinalalala nito ang stress at trauma ng biktima hanggang sa unti-unti itong mabaliw.
Ang mga hallucinations na mararamdaman ng isang taong umiinom nito ay senyales na lumalala na ang epekto ng gamot at mahirap na itong lunasan.
Alam ni Khalid Jabbar ang dahilan kung bakit um-order ng ganoong gamot si Maria Lucia. Nais kasi nitong makalimutan ang ginawa nitong pagpatay sa isang miyembro ng pamilya nito.
Bago kasi niya pinayagan na makabili ang babae ay tinanong muna niya ito kung saan nito iyon gagamitin. Sa huli ay umamin din ang babae para lang mapagbigyan niya na makabili nito. Kaya naman siya pa lang ngayon ang nakakaalam sa sikreto nito.
Nang tuluyan niyang ilabas ang kahon sa lamesa ay natumba ang isang picture frame sa ibabaw niyon. Kinuha niya ito at pinagmasdan. Makikita roon ang isa sa mga lumang larawan ni Samuel Iglesias na paboritong anak ni Donya Glavosa.
"Don't worry, my friend. I won't break my promise. I will do my best to make the Iglesias suffer until their last breath." Saka niya itinayo ang picture frame sa lamesa.
Isang matalik na kaibigan ang turin niya kay Samuel. Siya lamang din ang kaisa-isang tao na pinagkakatiwalaan nito noong nabubuhay pa ito. Parang mas kapatid pa ang turin sa kanya nito kaysa kay Felipe.
Kaya naman ngayong nakapag-ipon na siya ng lakas at yaman, nagbalik siya rito sa Pilipinas para ipaghiganti ang pagkamatay ng kaibigan niya na kagagawan din ng sarili nitong pamilya, lalo na ang kapatid nitong si Felipe pati ang asawa nitong si Imelda.
Pagkatapos niyang ayusin ang mga gamot na matataas ang dosage ay nagtungo naman siya sa banyo at hinubad ang keffiyeh sa kanyang buhok.
Sunod naman niyang hinubad ang makapal na damit na suot niya hanggang sa lumantad na lamang ang puting t-shirt niya.
Pagkatapos naman niyon ay dahan-dahan niyang hinubad ang maskarang nakadikit sa kanyang mukha. Isa itong uri ng human mask na may pagkakahawig sa balat ng tao. Maingat niya itong isinampay sa bandang gilid pagkatapos ay hinilamusan ang kanyang mukha.
Pagkalabas niya sa banyo ay nagbalik siya sa kinauupuan at muling kinuha ang litrato. Pinagmasdan niya roon ang mukha ni Samuel, ang sarili niyang mukha. Saka niya ito kinausap na parang buhay na tao.
"Hindi ako titigil hangga't hindi ko napapabagsak ang sarili kong pamilya." Sa pagkakataong iyon ay nag-Tagalog na siya. Inamin na rin niya sa kanyang sarili na kahit saang maskara siya magtago, hindi pa rin niya matatakasan ang dating siya, ang dating pangalan at pagkatao niya, na walang iba kundi si Samuel Iglesias.
Sakto namang pumasok doon si Orlando at naabutan siya nitong wala nang maskara. Hindi na ito nagulat sa kanya. Tinabihan na lamang siya nito at ibinaba sa dala nitong ashtray ang yosi.
"Naghubad ka na pala ng maskara. Nainitan ka ba?"
"Nasaan si Imelda?" diretsong tanong niya rito.
"Malamang nasa kanila. Kailangan muna niyang lingunin ang pamilya niya, pati si Felipe, para walang makahalata sa aming dalawa."
"Kumusta na siya?"
Nagsalubong naman ang dalawang kilay ni Orlando. "Bakit parang inaalala mo pa yata siya? Akala ko ba binibigay mo na siya sa akin?"
"Iyong-iyo na siya, Orlando. Pero sana, huwag mong kalilimutan ang kasunduan natin na poprotektahan mo siya sa walang hiya niyang asawa, kahit anong mangyari."
"Alam ko 'yan. Hindi mo na dapat siya alalahanin. Ako na ang nagmamay-ari sa kanya ngayon. Ako na ang magdedesisyon sa kung anong paraan ko siya ililigtas at poprotektahan."
Ibinalik muli ni Samuel ang paningin sa picture frame habang nagbalik-tanaw sa isang napakadilim na nakaraan.
Hindi niya matanggap ang ginawang panloloko sa kanya ni Imelda. Parang gusto niyang dukutin ang kanyang utak sa mga sandaling iyon para lang mawala sa kanyang alaala ang nakita niya kung paano maghalikan ang dalawa sa kuwarto ng kapatid niyang si Felipe.
Dahil dito, napilitan siyang kitilin ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti. Agad naman siyang natagpuan ng kanyang ina kaya mabilis siyang naisugod sa ospital. Ngunit dahil din sa nangyari, hindi kinaya ni Donya Glavosa ang nakita at nahimatay ito.
Habang nagpapahinga ito sa kabilang silid, nagising naman siya sa kanyang silid at doon niya nasilayan ang ilan sa mga kaibigan niyang dumalaw roon at nag-aalala sa kanya.
Dahil sa impluwensya ng matinding galit na sumira sa kanyang puso, napilitan siyang makiusap sa mga kaibigan. May ginawa siyang kababalaghan sa ospital na iyon. Kaya naman nang makaalis na siya roon, pinalabas ng mga ito na namatay na siya. Saka sila gumawa ng isang pekeng katawan para pagmukhaing kamukha niya, at ito ang iniharap nila kay Donya Glavosa.
Sa loob ng maraming taon ay nanirahan siya sa iba't ibang mga bansa para doon makalimot sa sugat na idinulot sa kanya nina Imelda at Felipe. Isang sugat na hindi gumagaling at walang lunas.
Gamit ang sarili niyang talino at diskarte, nagawa niyang makapagpatayo ng mga negosyo hanggang sa maging residente na rin siya ng bansang Saudi Arabia. Doon niya naisipang baguhin ang kanyang pangalan at pagkatao.
Pilit niyang binago ang kanyang sarili para pagdating ng panahon na babalik siya sa Pilipinas ay walang makakakilala sa kanya. Tanging si Orlando lamang ang nakakaalam sa sikreto niya. Ito lang ang naging karamay niya sa lahat ng mga problema niya noon.
Kahit galit na galit siya kay Imelda, hindi pa rin niya hinayaang masira ang buhay nito kapag natuklasan nito ang tunay na kulay ni Felipe na tanging siya lang ang nakakaalam.
Kaya naman nakiusap siya noon kay Orlando na paibigin nito ang babae, nakawin nito ang puso ni Imelda, para lang mailigtas ito kay Felipe.
Nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan noon ng dalawa, doon nagtagumpay si Orlando na makuha ang puso at atensyon ng babae.
Mula noon, pinilit niyang burahin na sa kanyang puso si Imelda. Dahil kampante na siya na magiging maganda ang buhay nito sa piling ni Orlando.
Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Samuel nang maalala naman niya ang kanyang ina. Labis din niyang pinagsisisihan ang pag-iwan niya rito. Dahil sa nilamon siya ng matinding galit noon, nakalimutan na niya ang pagmamahal na ibinigay sa kanya ni Donya Glavosa.
Dahil lang sa isang babae, nagawa rin niya itong talikuran. Hindi man lang niya inisip na labis itong masasaktan kapag nawala siya. Masyado lang talagang masakit ang ginawa sa kanya ni Imelda. Sobrang sakit at umabot na sa puntong kinakailangan niyang magpakalayu-layo at iwanan ang lahat ng mahal niya sa buhay para lang mapag-isa at solohin ang lahat ng kirot at hapdi, dahil ayaw niyang kaawaan siya.
Ayaw rin niyang mapahiya at madungisan ang magandang reputasyon ng kanilang pamilya noon kaya para makaiwas sa kontrobersya at eskandalo, siya na lamang ang lumayo. Pinili niyang maglaho sa piling ng lahat, kabilang na kay Imelda, upang iparamdam sa mundo kung ano ang kayang gawin ng matinding galit sa isang tao.
Kaya naman nang maingkuwentro niya si Maria Lucia, at natuklasan niya rito ang ginawa nito sa kanyang ina, iyon ang nag-udyok sa kanya para bumalik dito at gumanti sa mga Iglesias. Tulad ni Donya Glavosa, hindi na rin niya itinuturing pamilya ang mga naging anak nina Felipe dahil bunga lamang iyon ng pagtataksil ni Imelda sa kanya.
At dahil isa sa mga ito ang pumatay sa kanyang ina, lalo lang siyang nagkaroon ng dahilan para kamuhian ang mga ito. Kaya nangako siya sa kanyang sarili na pagbalik niya rito sa Pinas, hindi siya titigil hangga't hindi nababaon sa sariling libingan sina Felipe at Imelda, pati na rin si Maria Lucia na pumatay sa kanyang ina.
Nahinto siya sa pag-iisip nang magsalita si Orlando. "Curious lang ako, Pareng Samuel. May nararamdaman ka pa ba kay Imelda ngayon?"
Ilang beses napalunok ng laway rito si Samuel. "Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa kanya. Parang naaawa ako dahil hindi ko akalaing maghihirap siya nang ganito sa kamay ni Felipe. Pero sa kabilang banda, kinasusuklaman ko pa rin siya sa ginawa niyang pagtataksil sa akin. Kung may nararamdaman man ako ngayon para sa kanya, iyon ay awa na lamang. Awa dahil sa mga sinapit niya sa kamay ng lalaking ipinagpalit niya sa akin. Pero hanggang doon na lang iyon. Hinding-hindi ko na siya kayang mahalin ulit. Kaya ikaw na ang bahala sa kanya, Orlando. Iyong-iyo na siya. Ang gusto ko lang mangyari ngayon ay mapabagsak si Felipe at makaganti rito sa isang anak niya na pumatay sa aking ina."
Nagbago ang timpla ng mukha ni Orlando at nangunot ang noo nito. "Pumatay sa iyong ina?"
"Maria Lucia ang pangalan na ipinakilala niya sa akin. Ayon sa interview na ginawa ko sa kanya, isa raw siya sa mga anak nina Felipe at Imelda. Bukod sa pinaalala niya sa akin ang pagtataksil ng kanyang ina, nalaman ko na lang na may ginawa rin pala siya sa aking ina! Pinatay niya si Madre Glavosa ko. Kaya naman naghahanap siya ng gamot na puwede raw niyang magamit para makalimutan ang ginawa niyang krimen."
Natawa naman dito si Orlando. "Ang liit talaga ng mundo, ano? Hindi mo akalaing makakatagpo mo pa sa hindi inaasahang pagkakataon ang isa sa mga anak ni Imelda na bunga ng pagtataksil niya sa 'yo."
"Iyon na nga, eh! Kaya tingnan lang natin kung saang mental hospital siya dadalhin ng mga gamot na 'yon. Kahit sa ganitong paraan man lang, maipaghiganti ko si Mama."
"Gusto mo bang makita 'yung pekeng puntod mo na pinagawa mo rito?" pag-iiba sa kanya ni Orlando.
"Ayoko. Gusto kong sirain mo na 'yon. Dahil hindi magtatagal, makikilala na rin nila ako.
"Ano'ng ibig mong sabihin? Magpapakita ka na sa kanila?"
Hindi nakasagot dito si Samuel. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sigurado kung dapat pa ba siyang magpakilala sa sarili niyang pamilya. Wala na rin naman si Donya Glavosa. Wala na siyang babalikan doon.
Pero dahil sa pagbagsak ngayon ng mga Iglesias, lalo na ni Felipe, parang gusto na niyang tapusin ang kanyang pagpapanggap na patay na siya. Gusto niyang buhayin muli ang kanyang pangalan at existence sa mundong ito, lalo na sa Probinsya ng Hermosa kung saan siya pinanganak.
TUWANG-TUWA si Maria Isabel dahil sa wakas, pagkatapos ng mahigit labinlimang subok ay na-perfect na rin niya ang kanyang whistle register. Napayakap pa sa kanya ang coach niya.
"I'm very proud of you!" sabi pa nito sa kanya habang tinatapik ang balikat niya.
Lalo tuloy lumakas ang loob niya ngayon. Dahil taglay na niya ang husay sa pagbirit at pag-whistle, hindi na siya natatakot makaharap si Roselia Morgan sa Legendary Songbird Supremacy na gaganapin sa Holywood, California.
"Sige lang, Roselia. Magpakasaya ka lang. Kung inaakala mong matatalo mo na ako porket may pinagdadaanan ang pamilya namin ngayon, sisiguraduhin kong mabubulunan ka sa aking alikabok!" anas niya sa sarili habang nakatingin sa itaas.
Naalala tuloy niya ang mga nabasang article kahapon na masayang-masaya raw si Roselia Morgan ngayon sa ginagawa nitong rehearsal. Ayon pa sa manager nitong si Doniel Jr., pakakawalan daw ng babae ang pinaka-powerful nitong boses sa mismong araw ng kompetisyon.
Isang uri daw ng boses iyon na hindi mapapantayan ng kahit na sinong 'reyna' sa buong mundo. Nainis pa siya sa bahaging iyon dahil halatang siya ang pinariringgan nito. Pero ngayon ay hindi na siya nababahala.
Dahil sa mga bagong vocal technique na kanyang natutunan, handang-handa na siyang patunayan na siya lang ang reyna sa lahat ng bagay.
KANINA pa tumatakbo si Jizelle Santos. Hindi niya alam kung saan na siya napadpad. Hangga't may daan ay patuloy lang ang takbo niya para makalayo sa mga pulis. Bukod kay Felipe, nagawa rin niyang makatakas bago pa sila tuluyang makulong.
Ang problema na lang niya ngayon ay hindi na niya alam kung saan siya pupunta. Mas malala pa pala ngayon ang kanyang sitwasyon dahil dala-dala pa rin niya sa kanyang mukha ang anyo ni Maria Elena.
Kahit anong gawin niya ay hindi na niya maibabalik ang dati niyang mukha. Habang buhay nang mananatili sa kanyang katawan ang anyo ng babaeng iyon. Ang mas masaklap pa, dahil alam na ng marami ang tungkol sa pagiging impostora niya, wala siyang malapitan o mapuntahan ngayon.
Siguradong kamumuhian at ipagtatabuyan lang siya ng mga ito. Lalo na't batid na rin ng mga tao na kaya nagpagawa ng impostor si Don Felipe ay para pagtakpan ang ginawa nito sa totoong Maria Elena.
Napaiyak na lang si Jizelle habang tumatakbo at hindi alam kung saan pupunta. Ilang sandali pa, unti-unti nang bumigay ang mga paa niya hanggang sa mapaluhod na lang siya sa isang tabi.
Pumukaw sa kanyang pansin ang isang sasakyan na lumapit sa kanya. Pagbukas ng pinto niyon, nagulat siya sa kanyang nakita. Bago pa siya makagawa ng aksyon ay nawalan na siya ng malay pagkatapos nitong takpan ng panyo na may pampatulog ang kanyang mukha.
Nagising na lang si Jizelle na nasa isang madilim na silid na siya. Napakabaho roon at punong-puno rin ng mga kemikal sa buong paligid. Nagtakip siya ng ilong at tumayo.
Bago pa siya makarating sa pinto, bigla nang bumukas iyon at nagulat siya sa nakita. Iniluwa niyon ang isang babaeng kamukhang-kamukha niya. May hawak itong isang bote ng asido sa kabilang kamay habang nagbabaga ang mga titig sa kanya.
Nagimbal siya nang mapagtantong iyon ang tunay na Maria Elena. Napaatras siya habang nanginginig ang mga tuhod. "Ma'am Elena? K-kayo po ba 'yan? S-Sorry po, Ma'am Elena. Hindi ko po sinasadya. Natukso lang po ako ng inyong pamilya kaya ko nagawa ito. P-pero maniwala po kayo sa akin, wala po akong intensyon na gayahin kayo..."
"Tama na ang drama," sagot naman sa kanya ni Clara. "Don't call me Maria Elena. Hindi na ako iyon mula nang inagawan mo ako ng mukha! Ayoko nang marinig ang pangalang iyon! Pinapaalala lang niyon ang pinakamahinang nilalang na minsang nabuhay sa mundong ito!"
"Sorry po talaga, Ma'am... Huwag n'yo pong ituloy 'yan. Maniwala po kayo, hindi ko po ginusto ang nangyari. Natukso lang po ako ng—"
"Enough!" sigaw ni Clara at dumagundong ang boses nito sa buong silid. "I don't need your explanations! Isa ka rin sa bunga ng kasamaan ng aking pamilya. Ang dapat sa 'yo, mabura na rin sa mundo!"
Nagsimula nang mapaiyak si Jizelle. Lumuhod na lamang siya habang patuloy na nagmamakaawa rito.
Ngunit masyado nang matigas ang puso ng babae para maramdaman pa ang pagsisisi niya. Wala nang tubig ang makakapatay sa apoy na lumiliyab ngayon sa buong puso at pagkatao nito.
"Dahil pinili mong maging si Maria Elena, dapat ka na ring mabura sa mundo. Gaya ng kung paano ko binura sa aking sarili ang pangalang iyon!"
Sa pagkakataong iyon ay naglakad ito nang mabilis sa kanya at binuksan ang bote ng asido na hawak nito. Nagsisigaw siya. Sinubukan niyang pumalag pero napasigaw na lang siya sa isang malakas na sipa na pinakawalan nito.
Pag-angat niya ng paningin, bumuhos na sa mukha niya ang mainit na asido. Dito niya pinakawalan ang pinakamalakas niyang sigaw. Nagtitili siya na parang kinakatay na hayop habang nagwawala ang katawan sa sahig.
Mabilis na nalapnos ang kanyang balat habang patuloy itong sinusunog ng mabagsik na asido. Ilang sandali pa, halos lumitaw na ang kalansay niya sa mukha. Doon na rin siya unti-unting nanghina.
Sa nagdidilim niyang diwa ay narinig pa niya ang babae na kumuha ng chainsaw at pinaandar ito. Pagkatapos niyon ay hindi na niya namalayan ang sumunod na takbo ng oras.
PAGKAGISING naman ni Maria Lucia ay nakita niya agad ang isang kahon na nasa tabi niya. Nakabalot ito ng gift wrapper at may nakadikit pang sulat sa ibabaw. Bumangon siya sa kama at binasa ito.
"This is for you. I love you, Maria Lucia! And good morning!"
Nang makitang galing iyon kay Nathan, mabilis na gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi at binuksan ito. Ngunit ilang sandali pa, umalingawngaw na lang sa buong silid ang sigaw ni Maria Lucia. Agad niyang sinipa ang kahon palayo.
Gumulong naman sa sahig ang pugot na ulo ni Jizelle na sunog ang mukha at halos lumitaw na ang buto sa kabilang bahagi ng pisngi. Dahil doon, na-trigger ang matinding trauma na nagtatago sa kaibuturan ng utak ni Maria Lucia.
Kung anu-ano na ang mga lumabas sa utak niya. Nagsimula uli siyang makarinig ng mga boses. Hanggang sa marinig niyang muli ang tinig ng kanyang abuela.
"Maria Lucia... Maria Lucia... Miss na kita, apo... Puwede mo ba akong samahan dito sa impiyerno?"
Nagsisigaw siyang muli habang hawak ang kanyang ulo. Nagwala siya sa kama. Pinagbabato niya ang mga unan. Lahat ginawa niya para lang mawala ang mga boses na iyon. Parang dinaanan ng bagyo ang kanyang silid. Maraming mga kagamitan ang nagkalat sa paligid.
Habang nagwawala siya sa loob, hindi na niya namalayan si Clara na nakasilip sa labas ng pintuan niya at palihim siyang tinatawanan.
NAGBALIK si Evandro sa mansyon ng mga Iglesias para makibalita kung bumalik na si Maria Elena. Si Imelda mismo ang nakausap niya at sinabing umuwi na raw ito kagabi. Pero umalis lang ito kaninang umaga at hindi sigurado kung kailan ito babalik.
Matagal na naghintay si Evandro doon. Gustong-gusto na talaga niyang makita ang kanyang asawa. Pero di nagtagal ay nakatanggap din siya ng tawag sa kanyang ama. Pinapupunta siya nito sa bahay at may emergency raw sa kumpanya. Nasusunog daw ngayon ang isang bahagi nito at kailangan nila itong puntahan!
Kaya naman saglit muna siyang nagpaalam dito para umuwi. Limang minuto pagkaalis nito, doon naman dumating si Maria Elena. Agad ibinalita ng ina nito ang pagdalaw ng lalaki kanina.
Muling nagmadali si Maria Elena. Ito naman ngayon ang nagpunta sa mansyon ng mga Bendijo para makita ang lalaki. Pero pagkarating nito roon, ang guwardya lang sa gate ang naabutan nito. Umalis daw ang lalaki kasama ang ama nito, at wala raw nabanggit na oras kung kailan sila babalik dahil sa sunog na nagaganap sa Bendijo Realty.
Nanlumo si Maria Elena sa narinig. Kahit pagod na sa kakabiyahe ay naisipan niyang puntahan pa rin ang Bendijo Realty para makibalita sa nangyayari doon. Nagbakasakali siyang doon na rin maabutan ang kanyang asawa.
SAMANTALA, habang nagmamaneho naman si Donito ay biglang may mga sasakyan na humarang sa kanila. Gulat na gulat sila sa ambush na ginawa ng mga ito.
Nakita nila ang paglabas doon ng ilang mga armadong lalaki. At ilang sandali pa, lumabas na rin sa kotseng nasa kanilang harapan si Felipe.
Parehong namilog ang mata ng mag-ama. "Hayop ka, Felipe!" asik dito ni Donito.
"Dad, huwag kang bababa. Ako na ang haharap sa kanya!" sabi ni Evandro sa ama.
"No, Son. Ako ang haharap sa kanya. Hindi ko palalampasin ang ginawa niya sa 'yo!"
"Dad, ako ang pinagtangkaan niya. Gusto ko, ako mismo ang tatapos sa kanya!" Dinukot ni Evandro sa gilid ang isang baril at bumaba ito ng sasakyan.
"Evandro! No!" sigaw rito ni Donito. Dahil sa takot para sa anak ay napilitan na rin itong bumaba ng kotse.
Tuwang-tuwa si Felipe nang makita silang dalawa. "Buenos dias a todos ustedez! Buti na lang at hindi kami nahirapang sundan at hanapin kayo. Hindi ko nagustuhan ang ginawa mong pagpapahiya sa akin sa harap ng mga pulis, Donito. Kaya naman nandito ako upang gumanti."
"Ikaw pa talaga ang gaganti? Samantalang ikaw ang may ginagawang masama, Felipe!" sigaw rito ni Donito. "Sinira mo ang pagkakaibigan ng ating pamilya! Hindi ko akalaing ganyan ka pala kasakim sa kapangyarihan para saktan ang sarili mong anak! At pati ang anak ko ay balak mo pang idamay sa kademonyohan mo?"
"Bago ako umalis ng bansa, gusto kong ligpitin muna ang lahat ng kaaway ko rito para wala na akong iintindihin pa. At dahil kayo ang unang natagpuan ko, kayo na muna ang uunahin ko!"
Pagkatapos niyon ay itinutok ng mga tauhan nito ang baril sa kanilang dalawa.
TO BE CONTINUED...
(Ang Huling Dalawang Kabanata)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro