Chapter 66: Nagbabalik na Alaala
KANINA pa mag-isang umiiyak si Clara Mendoza sa loob ng kanyang silid. Siya na mismo ang nakiusap sa mga nurs kanina na iwanan muna siya dahil gusto niyang mapag-isa kahit ilang oras lang.
Sa mga sandaling iyon ay nagagawa na niyang sumandal sa kanyang kama at magaan-gaan na rin ang kanyang pakiramdam. Tagumpay na natanggal ang bala na tumama sa kanyang katawan.
Pero ang labis na nagpapasikip ngayon sa kanyang dibdib ay ang mga alaalang nagbalik. Hindi niya akalaing ganito pala ang mga nangyari mula noong maaksidente siya. Ang daming nagbago. Ang daming nawala sa kanya.
Bigla namang bumukas ang pinto. Nagulat siya nang masilayan si Chris na bakas sa anyo ang pag-aalala sa kanya. Nang makita nitong gising na siya ay mabilis itong lumapit at yumakap sa kanya.
Pagkatapos ng yakap na iyon, isang malakas na sampal ang pinakawalan niya rito. Pati si Chris ay nagulat doon.
"Hayop ka! Ano'ng ginawa mo sa akin!"
Matagal bago nakasagot ang lalaki rito. Dahan-dahan itong lumingon sa kanya at ibinaba ang paningin. "Alam mo na pala ang lahat..."
"Napakasama mo!" bulalas niya rito at sinampal itong muli. "Bakit mo nagawa 'yon? Bakit mo sinamantala ang pagkawala ng alaala ko para gawin ang mga pansarili mong hangarin!"
"Clara..."
"Don't call me Clara! Hindi ako ang Clara mo! Lalong hindi ako ang asawa mo! Isa kang inutil! Walang kuwenta! Balasubas! Sinira mo ang pagkatao ko! Hindi mo lang ako niloko at ginawang tanga! Binaboy mo pa ang kaluluwa ko! Sabihin mo nga sa akin! Bakit mo ginawa 'yon?"
Nagsimulang manginig ang mga labi ni Chris. "M-Maria Elena... Hindi ko sinasad—"
"Hindi mo sinasadya? Hindi mo sinasadya! May pagkakataon ka para ibalik ako sa pamilya ko! Sa tunay kong asawa! May pagkakataon ka para isuko ako sa mga awtoridad kung wala ka talagang masamang intensyon! Pero hindi mo ginawa! Bagkus ay dinala mo pa ako sa bahay mo, pinaglaruan, at pinagsamantalahan ang walang kamuwang-muwang kong alaala!"
Mangiyak-ngiyak na si Chris sa mga oras na iyon. "G-ginawa ko lang naman 'yon para iligtas ka, Maria Elena. Iligtas sa sarili mong pamilya! Sana maintindihan mo 'ko. Ginawa ko lang iyon para...para..."
"Para ano? Para gamitin ako sa paghihiganti mo sa tatay mo? Kaya ba naisipan mo pang paniwalain ako sa mga kasinungalingang ginawa mo? Chris, that's not the right thing to do! Sinira mo ang buhay ko!"
"Ano'ng gusto mong gawin ko, Maria Elena? Ibalik kita sa pamilya mo? Siguro ngayon ay natatandaan mo na rin na sila ang dahilan kaya ka naaksidente 'di ba? Sa tingin mo ba, walang masamang gagawin sa 'yo ang tatay mo kapag nakabalik ka sa inyo? Baka nga natuluyan ka na doon pa lang, eh! Baka wala ka na ngayon sa mundong ito!"
Isang malakas na sampal muli ang iginanti niya rito. "Kaya ba napili mong itago ako at magtanim ng kasinungalingan sa utak ko?"
"Oo! Siguro nga nagsinungaling ako. Pero wala naman akong masamang intensyon doon. Dahil pareho lang tayong gustong makuha ang hustisya sa mga mahal natin sa buhay na pinatay ng sarili mong ama! Hindi sa lahat ng pagkakataon ay masama ang pagsisinungaling, Maria Elena!"
"So, ano ang gusto mong palabasin? Na mabuti ang ginawa mo? Na mabuti kang tao? Na dapat akong magpasalamat sa 'yo?"
"Hindi ko naman hinihingi na magpasalamat ka. Ang akin lang sana, subukan mong intindihin kung bakit ko nagawa iyon. Ginawa ko iyon para iligtas ka sa kamay ng mamamatay-tao mong ama. Siguro nga ginamit din kita para makapaghiganti sa pagkamatay ng tatay ko, pero hindi lang naman ako ang nakinabang doon, 'di ba? Pati rin ikaw! Dahil sa nangyari, napakulong na natin sa wakas ang tatay mo! Wala na siyang kawala sa batas! Nagtapos na ang kasamaan niya, dahil iyon sa atin, Maria Elena!"
Sa pagkakataong iyon ay banayad na hinawakan ng lalaki ang kanyang kamay habang siya ay umiiyak na rin.
"Kung alam mo lang, ilang beses akong nagpigil sa tukso, para lang hindi ka magalaw. Dahil ayokong bahiran ng dumi ang pagkababae mo. Dahil alam ko sa sarili ko na panandalian lamang ang panahon na makakasama at magagamit kita. At may isa kang tunay na asawa na naghihintay sa 'yo, nag-iisip kung buhay ka pa ba, kung nasaan ka na. Alam ko na balang araw maaalala mo rin ang lahat. Kaya kahit may pagkakataon ako noon, hindi ko ginawang dungisan ka. Siguro nga nagawa kong magnakaw ng halik. Pero hanggang doon lang 'yon. Bukod doon, wala na akong ibang ginawa sa 'yo. Wala akong ginalaw na mahahalagang parte sa 'yo. Kahit na iniisp mong pinagmukha kitang tanga sa mga kasinungalingan ko, para sa akin, hindi ka naman naging tanga roon. Tinulungan lang kitang maging malakas. Para kapag dumating ang panahon na makakaharap mo uli ang sarili mong pamilya, hindi ka na nila kayang saktan pa, lalo na ang kriminal mong ama. Pero alam kong malaki ang galit mo sa akin ngayon kaya hindi na ako magpapaliwanag pa..."
Unti-unti nang bumitaw sa kanya ang lalaki at ilang sandali pa ay tinalikuran na siya nito.
"Saan ka naman pupunta? Hindi pa kita tapos kausapin! Marami ka pang dapat ipaliwanag sa akin!"
Marahang lumingon muli sa kanya ang lalaki. "Wala na akong dapat ipaliwanag pa. Nasabi ko na ang lahat ng dapat mong malaman. Nasa iyo na lang iyon kung tatanggapin mo."
"Ganyan ka ba talaga, Chris? Pagkatapos mo akong lagyan ng sungay, iniisip mo ba talaga na mabuti nga 'yong ginawa mo? Iyon lang ba ang naisip mong paraan? Hindi mo man lang ba ako naisipang ibalik sa asawa ko? Tutal alam mo naman pala na may lalaki nang nagmamay-ari sa akin? Nagawa mo pa talaga akong iuwi sa inyo para lang gawing laruan!"
"Gaya ng sabi ko, wala na akong dapat ipaliwanag pa sa 'yo, Maria Elena. Nasabi ko na lahat. At hindi ko na iyon uulitin pa."
"Saan ka na naman pupunta!" sigaw niya rito nang magtangka muli itong talikuran siya.
Sa huling pagkakataon ay lumingon muli sa kanya ang lalaki. Blangko ang mukha nito habang patuloy na tumutulo ang luha sa mga mata.
"Hindi mo na ako makikita, Maria Elena. Tapos na ang ugnayan nating dalawa. Nagbalik na ang alaala mo. Hindi mo na ako kailangan. Bahala na ang karma sa akin kung ano ang gusto niyang gawing parusa dahil sa mga nagawa ko sa iyo. Patawad, Maria Elena. Kahit walang magagawa ang paghingi ko ng tawad, lubos pa rin akong humihingi ng kapatawaran sa iyo. I'm sorry, and goodbye."
Pagkatapos niyon ay tuluyan na siyang tinalikuran ng lalaki. Kahit anong sigaw at tawag niya rito ay hindi na siya nito nilingon pa. Lumabas na ito ng silid at sinarado ang pinto na parang walang nangyari.
Doon lalong napaiyak si Clara. Ang dami pa niyang gustong sabihin dito. Ayaw pa niyang magwakas ang kanilang usapan pero umalis na ito. Iniwan na lang siya at hindi man lang sinubukang pagaanin ang loob niya.
Galit na galit siya sa lalaki pero hindi niya alam kung bakit ayaw niya itong mawala sa mga oras na iyon. Parang gusto pa niya itong habulin, kung hindi lang siya nanghihina pa rito. Napahagulgol na lang muli siya habang nakasandal sa kanyang higaan.
SA PAGKAKATAONG iyon ay naghubad na ng maskara si Orlando. Tinabihan niya sa sofa si Khalid Jabbar na abala sa panonood ng balita sa telebisyon. Nakita niya ang kakaibang tuwa sa anyo nito habang pinapanood ang nangyari sa party ni Felipe at kung paano ito inaresto ng mga pulis.
"Mukhang masaya ka yata, ah?"
"Aren't you happy too?"
Bahagya siyang napalunok ng laway sa sagot na iyon. "Ewan ko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ngayon."
"Why don't we go to your place and drink?"
"Hindi nga puwede. May bihag ako roon."
"You don't trust me anymore?"
Napakamot na lang siya ng ulo at tumayo na sa kinauupuan. "Sige na nga! Pagkatapos mo d'yan, sumunod ka na lang sa baba. Hihintayin na lang kita sa kotse."
Pagtalikod niya ay hindi na niya nakita ang paglingon sa kanya ni Khalid Jabbar na may kakaibang ngiti sa mga labi.
NANGUNOT ang noo ni Khalid Jabbar nang makita ang isang babaeng nakagapos sa tabi. Sa kabilang direksyon naman ay nasilayan niya ang isang babaeng nakaupo at umiiyak.
"Eto nga pala ang bihag ko. Kaibigan daw siya nina Felipe. Ito naman pala si Imelda, siya ang babae sa puso ko ngayon," pakilala ni Orlando sa mga ito.
"Why did you tie her up?" tanong niya sabay lingon sa babaeng nakagapos.
"Dahil nalaman niya ang sikreto namin ng babaeng minamahal ko ngayon. Ayokong makasagabal siya sa mga plano namin ni Imelda."
Nangulubot muli ang noo rito ni Khalid. Hindi siya maka-relate sa sinasabi ng lalaki. "What are you too planning?"
"Bumuo ng sarili naming pamilya." Pagkasabi niyon ay ngumiti nang makahulugan sa kanya si Orlando.
Napatango na lamang siya rito. "It's been more than a decade since I left the Philippines. A lot has changed here, including you. I never thought you would have a woman in your life. You told me before that you have no intention of getting married."
"Iyon ang akala ko noong una. Akala ko hindi ko na makukuha ang babaeng pinapangarap ko. Pero nagkamali ako. Sa akin pa rin pumanig ang tadhana. Kaya hinding-hindi ko na ito palalagpasin," mariing sagot sa kanya ni Orlando.
Natigilan lang sila sa pag-uusap nang magsalita si Imelda.
"Orlando, kailan mo ba pakakawalan si Elvira? Pakiusap lang huwag mo na siyang idamay! Wala siyang kinalaman sa gulo ng aking pamilya!"
"Hindi mo alam ang puwedeng gawin ng babaeng ito oras na makalabas siya, Imelda! Hindi na natin siya puwedeng pagkatiwalaan!"
"May sinabi sa akin kanina si Elvira. Bakit hindi mo siya subukang kausapin ngayon? Para malaman mo!"
Bahagyang naintriga si Orlando sa sinabing iyon ng babae. Napilitan nga itong lapitan ang bihag at tinanggal ang busal sa bibig nito.
Doon naman huminga nang malalim si Elvira at tumigil sa pagwawala. "Salamat... Salamat talaga..." Huminga pa muli ito nang malalim bago nakapagsalita nang diretso. "Napanood ko ang nangyari kay Felipe sa balita. Napanood namin ni Imelda..."
"Ngayon?" asik dito ni Orlando.
"Aaminin ko, hindi ako makapaniwala sa lahat ng mga natuklasan ko kay Felipe. Naging matalik namin siyang kaibigan at ang mga Iglesias. Hindi ko akalaing sa ganitong paraan pa masisira ang maganda naming samahan. Dahil sa mga natuklasan ko sa kanya, naiintindihan ko na kung bakit sa 'yo lumalapit si Imelda ngayon. Kung bakit ikaw ang pinipili niya. Kaya sana, huwag ka nang magalit sa akin. Hindi mo ako kalaban. Kaibigan ko pa rin si Imelda. At bilang kaibigan niya, suportado rin ako sa iyo kung ikaw talaga ang tunay na nagpapasaya ngayon sa kanya. Umasa kang hindi ko kayo ilalaglag kahit makalabas na ako rito. Wala akong gagawing masama na ikakasira n'yong dalawa. Ang gusto ko lang ngayon ay makauwi na sa amin at makita ang mag-ama ko, dahil nais ko silang protektahan kay Felipe! Pakiusap... Pakawalan mo na ako..."
Tila lumambot din ang puso ni Orlando sa sinabing iyon ng bihag. Kaya di nagtagal ay pinakawalan na rin nito ang babae. Mangiyak-ngiyak itong nagpasalamat sa kanilang lahat.
"Huwag kayong mag-alala. Wala akong pagsasabihan ng nangyari. Kung ayaw n'yong ipagsabi sa iba ang namamagitan sa inyo, hindi rin ako magsasalita. Magtiwala kayo sa akin," paalam nito sa kanila.
Nilapitan naman ito ni Imelda at nagpanghawak sila ng kamay habang nag-iiyakan. "Muchas gracias, mi amiga! Maraming salamat! Ako na ang humihingi ng pasensya sa mga nangyari. Mapatawad mo sana si Orlando. Nabigla lang talaga siya sa 'yo noon kaya niya nagawa 'yon. Nais lang niya akong protektahan laban sa asawa ko."
"Walang anuman, Imelda. Makakaasa ka, ligtas sa akin ang sikreto n'yo. Ngayong alam ko na kung gaano kasama si Felipe, hinding-hindi namin siya mapapatawad ng anak ko! Ngayon ko lang napagtanto na may katotohanan nga ang mga iwinika sa amin ni Evandro tungkol sa kanya. Labis ang pagsisisi ko kung bakit hindi ko siya pinaniwalaan noon. Hindi ko akalaing ganito pala kahaba ang itinatagong sungay ni Felipe!"
Habang nag-uusap ang dalawa ay napaupo na lang muli si Khalid Jabbar sa tabi ni Orlando. Tinapik-tapik pa niya ang balikat nito bilang pag-comfort dito.
"I guess the destiny is indeed in your side," wika niya rito na ikinatuwa naman ng lalaki.
BINILISAN ni Evandro ang pagpapatakbo sa kanyang sasakyan habang nakikinig sa isang balita sa radyo tungkol sa pagkakaaresto kay Felipe sa mismong party nito. Napanood na niya kaninang umaga ang balita tungkol doon. At labis siyang nasindak sa mga nangyari.
Bukod doon, napanood din niya ang mga kumalat na video sa online. Kuha mismo ng mga taong nasa loob ng party na iyon. Kitang-kita niya ang kaganapan kung paano nagpakita ang isang babaeng kamukhang-kamukha ng asawa niya.
At nang magkaharap sila ng Pamilya Iglesias, mas lalo niyang ikinagulat ang dalawang Maria Elena na nakita niya. Dito niya natuklasan na isang pekeng Maria Elena lang pala ang nakasama niya mula nang magising siya sa ospital.
Ang nais niya ngayon ay makita ang tunay niyang asawa. Ang tunay na Maria Elena.
Pagkarating niya sa mansyon ay agad pinapasok ng mga security guard ang kanyang sasakyan. Mabilis naman siyang bumaba roon at tumakbo na patungo sa loob.
Pagkapasok pa lang niya ay naabutan agad niya ang mga katulong na nagkalat sa paligid at tila nagkakagulo.
"Nasaan ang mga Iglesias!" tanong agad niya sa mga kasambahay.
Napalingon sa kanya ang lahat. "Nasa SG Bilibid Prison po sila ngayon pati ang abogado nila, Ginoong Evandro," sagot sa kanya ng isa.
"Si Maria Elena? Nasaan siya? 'Yung totoong Maria Elena!"
"W-wala pa po kaming balita sa kanya mula nang mapanood namin siya sa viral video. Hindi po namin alam kung nasaan siya ngayon."
"Di ba nabaril siya? Wala man lang bang nakakaalam sa inyo kung saang ospital siya dinala?"
"Wala po, Ginoo. Pasensya na!"
Nagbagsak na lang ng kamao si Evandro sa hangin. Kanina pa umuusok ang ulo niya. Hindi na niya alam kung saan hahanapin ang asawa. Wala kasi siyang makitang impormasyon sa internet kung saang ospital ito dinala mula nang mabaril ito. Lahat kasi ng mga detalyeng lumalabas ay tungkol lahat sa pagkakabilanggo ngayon ni Felipe.
Lumabas na lamang uli siya at nilisan na ang mansyon. Pagkauwi niya sa bahay, naabutan naman niya ang kanyang ama na tila kanina pa naghihintay sa kanya sa lamesa. Nilapitan niya ito at tinabihan.
"Dad, kumusta ang lakad n'yo?"
"Ilang beses akong bumalik sa ospital na 'yon, anak, pero pilit nilang pinagtatakpan si Felipe! Kanina lang sila napilitang umamin sa akin dahil alam nilang nakakulong na si Felipe ngayon. Totoo ngang may kinalaman siya sa pagkaka-coma mo, anak! Sila mismo ang umamin sa amin na nanghingi raw ng gamot si Felipe sa ospital na iyon para ipangturok sa 'yo! Sa madaling salita kasabwat din sila sa pagkaka-coma mo! Mga walang hiya sila! Kinasuhan ko na rin silang lahat kanina!"
Nakahinga siya nang maluwag. "Mabuti naman ho, Dad, at nagtagumpay kayo. Thank you! Pero si Mom? Where is she now?"
Nangunot din ang noo ni Donito. "What do you mean? Where is your Mom?"
"Hindi mo ba siya kasama, Dad? I thought she's with you all along. Noong isang gabi pa siya wala!"
"What?" Napatayo ang matanda sa kinauupuan. "Akala ko kasama mo lang siya rito sa bahay!"
"No, Dad! Hindi ko nga rin alam kung nasaan siya ngayon!"
Pareho na silang kinabahan sa mga oras na iyon. Nagkuyom naman ang mga kamao ni Donito sa lamesa. "Siguradong may kinalaman na naman si Felipe rito!" Kinuha nito ang coat na nakasampay sa upuan at isinuot muli.
"Where are you going?" tanong dito ni Evandro.
"Come with me, Son. Pupuntahan natin sa kulungan si Felipe! Gusto ko siyang makaharap!"
Natataranta na rin siya sa ikinikilos ng ama. Tumayo na lang din siya at mabilis na sumunod dito palabas ng kanilang mansyon.
TO BE CONTINUED...
(Ang Huling Apat na Kabanata)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro