Chapter 64: Panibagong Aksyon
"ANO nga pala ang pag-uusapan natin?" tanong kay Chris ni Russell sabay upo nito sa table at inilapag sa tabi nito ang kape.
Napabuntong-hininga siya. "Sir, magtatanong lang sana ulit ako tungkol sa mga Iglesias. Parang may nabanggit kasi kayo dati na hindi lang si Felipe ang nananakit noon kay Maria Elena, pati na rin ang mga kapatid niya. Tama po ba ako?"
"As far as I remember, yes."
"Puwede po bang malaman kung ano naman ang issue ni Maria Elena sa mga kapatid niya?"
"Well, ang natatandaan ko lang sa mga kuwento sa akin noon ni Evandro, inggit daw ang dahilan kaya galit kay Maria Elena ang dalawang kapatid niya. Siya kasi ang mas minahal ng kanilang ina kaysa roon sa dalawa."
Napatango na lamang dito si Chris. "Bukod po sa inggit at issues nila sa kanilang ina, wala na po ba kayong ibang alam tungkol sa kanila?"
"Iyon lang ang mga nasabi sa akin ni Evandro, kaya iyon lang ang alam ko."
Napatango muli siya. "Salamat po, Sir Russell."
"Bakit mo nga pala naitanong?"
"Ah, w-wala po. Curious lang kasi ako ngayon sa mga Iglesias. Lalo't nakarating na sa korte ang kaso ni Felipe."
"Sana nga talaga makulong na siya at matanggal na sa posisyon niya."
Ibinaba na ni Chris ang tingin. "Sana nga po."
NAPALINGON si Evandro sa panauhing dumating nang mahagip ito ng kanyang mga mata. Magkahalong gulat at pagkasabik ang naramdaman niya nang si Maria Elena ang makita.
"Bakit ngayon ka lang? Come here. Samahan mo 'kong kumain, mahal."
Tuwang-tuwa namang lumapit sa kanya si Maria Elena. "Busog pa ako, mahal! Katatapos ko lang mag-eat sa amin. Pasensya ka na, ha? Ngayon lang ako nakadalaw sa 'yo. Sobrang naging busy lang talaga."
"Ano ba ang mga pinagkaabalahan mo? At bakit parang ang tagal mo naman yata dumalaw? Hindi mo ba ako nami-miss?"
"Of course, nami-miss kita! Kaya nga nandito na ako ngayon, eh. Sorry talaga. Marami lang inaasikaso sa bahay, eh."
"Ano ba kasi ang mga inaasikaso mo? Wala ka namang mga guest appearance ngayon sa mga model shows. Hindi na rin kita nakikitang pumupunta o nagyayaya sa simbahan. Ano ba ang mga ginagawa mo sa bahay?"
"Tumutulong sa business na itinatayo ni Mama saka ng mga kapatid ko. Alam mo namang ngayon lang kami nagkabati ng mga sister ko, 'di ba? Kaya bumabawi lang ako sa kanila."
Dito nahintong kumain si Evandro. "Napanood mo ba ang balita tungkol sa Papa mo?"
"Ah, oo. Isa pa 'yang dahilan kung bakit hindi agad ako nakadalaw sa 'yo. Problemadong-problemado kaming lahat sa mansyon dahil sa mga issues na pinaparatang nila kay Papa."
"Maria Elena, hindi iyon mga paratang. Totoo lahat iyon! Nakakalimutan mo na ba? Pareho nating alam ang tungkol sa mga bahong itinatago niya!"
"Mahal, sinabi ko na nga sa 'yo, hallucinations mo lang ang lahat ng iyon! Hindi totoong pinagmamalupitan ako ni Papa at binalak niya tayong patayin! Narinig mo ba ang sinabi ng duktor? Epekto lang iyon ng aksidente mo!"
"Bakit mo ba pinapalabas na nagha-hallucinate lang ako?" Bahagyang tumaas ang boses ni Evandro. "Sorry for my word, mahal. Pero I'm just disappointed with you today. Hindi ko alam kung ano ba ang ginawa nila sa 'yo kaya ka nagsasalita nang ganyan! Hindi ako tanga para hindi malaman ang pagkakaiba ng hallucinations at reality. Totoo lahat ng mga sinasabi ko, Maria Elena. Baka ikaw ang nagha-hallucinate dahil hindi mo na alam ang katotohanan?"
"Evandro, ano bang sinasabi mo, mahal? Hindi ako nagha-hallucinate, ah! Wala namang masamang nangyari sa akin, eh!"
"Wala nga ba talaga? Mahal, ako ang naaksidente at na-coma nang ilang buwan. Pero ikaw itong mas weird pa ang kinikilos kaysa sa akin. I'm sure may ginawa sina Felipe sa 'yo kaya ka nagkakaganyan."
"Evandro naman! Ngayon na nga lang tayo nagkita ulit, ganyan pa ang aabutin ko sa 'yo?" pagmamakaawa ng babae.
"Dahil hindi biro ang nangyayari sa 'yo! Hindi mo alam kung anong hirap ang pinagdaanan natin noon para lang makakuha ng mga ebidensya laban sa ama mo. Umabot sa puntong hinabol na tayo ng mga tauhan niya at naaksidente pa tayo. Bakit hindi mo na alam ang mga iyon?"
Nagsisimula nang mairita ang babae. "Puwede bang huwag na lang muna natin pag-usapan 'yan?"
Ibinagsak na ni Evandro ang kutsara at tinidor. "No. We need to talk about this. Hintayin mo na lang ako d'yan." Saka siya tumayo at umakyat sa kuwarto niya. Ni hindi na niya niyaya pa ang babae na sumama sa kanya dahil sa labis na pagkadismaya niya rito.
"OO, pauwi na ako," sagot ni Elvira habang palabas na siya ng building. Kausap niya sa kabilang linya si Donito.
"Okay, let's talk about that later." Pagkasabi ay ibinaba na niya ang cellphone at nagtuloy-tuloy na sa parking lot.
Bago pa man siya makalapit sa kanyang sasakyan ay nakarinig na siya ng isang malakas na boses. Hinanap niya ang pinagmumulan niyon. Nakita niya sa bandang dulo si Imelda. Tila may kausap itong isang lalaki na ngayon lang niya nakita.
"I-Imelda? Is that you?" Nagtaka si Elvira. Ano naman kaya ang ginagawa rito ng babae? Hindi ba dapat nasa ospital ito dahil balita niya'y may sakit daw si Felipe?
Nakita niya na tila seryoso ang pinag-uusapan ng dalawa. Ilang sandali pa, nagulat na lang siya nang biglang humalik ang lalaki rito, at hindi man lang nagwala ang babae. Parang nagustuhan pa nito iyon.
Sa sobrang gulat ni Elvira ay nabitawan niya ang cellphone niya. Lumikha iyon ng ingay at narinig ng dalawa. Gulat na gulat din ang mga ito nang makita siya. Agad niyang pinulot ang kanyang cellphone at kumaripas nang takbo.
Napalingon si Orlando kay Imelda. "Sino iyon?"
Nanginginig ang mga labi na sumagot si Imelda. "S-siya si Elvira. Isa siyang Bendijo! Matalik naming kaibigan ang pamilya niya!"
"A-ano'ng ginagawa niya rito?"
"M-malapit kasi rito ang kumpanya nila! Bakit naman kasi dito ka pa nag-park! Nakita tuloy tayo! B-baka ipaalam niya ito sa pamilya ko! Natatakot ako, Orlando! Baka mabuking na tayo!"
Binuksan ng lalaki ang sasakyan at dinukot ang baril nito roon.
"Hoy! Ano'ng gagawin mo!" awat dito ni Imelda.
"Patatahimikin ko lang 'yun bago pa makapagsalita!"
"Ano ka ba! Huwaaag! Kaibigan namin 'yan! Matalik na kaibigan namin ang mga Bendijo!"
"Ano ba ang mas pipiliin mo? Ang mga kaibigan na 'yon? O ako?"
Nang hindi makasagot dito si Imelda, kumaripas na rin nang takbo ang lalaki para habulin ang babae. Wala na siyang nagawa. Napatakbo na lang din siya para sundan ang mga ito.
Kung saan-saan na nakarating si Elvira para lang makalayo sa lalaki. Nang makita na niya ang exit door, bahagyang lumuwag ang pakiramdam niya. Kanina pa niya sinusubukang tawagan ang landline ng mga Iglesias pero walang sumasagot sa mga ito kahit isa.
Napilitan na tuloy siyang tawagan ang numero ni Felipe kahit hindi niya inaasahan na sasagot ito dahil sa mga pinagdadaanan nito ngayon. "F-Felipe... Sumagot ka... M-may kailangan kang malaman sa asawa mo..."
Ngunit bago pa siya tuluyang makalapit sa exit, bigla na iyong bumukas at iniluwa ang lalaking kahalikan ni Elvira kanina. Hindi siya makapaniwala. Napasigaw na lamang siya at tumakbo muli pabalik.
Nagulat siya sa putok ng baril na umalingawngaw sa paligid. Doon na siya napaluhod at sumiksik na lang sa isang tabi. Agad siyang nilapitan ng lalaki at tinutukan ng baril nito.
"Sino ka..." mariing tanong nito sa kanya. "Sabihin mo sa akin, sino ka! Ano ang nakita mo kanina!"
"W-wala po... W-wala po akong nakita..." mangiyak-ngiyak niyang tugon.
"Sinungaling!"
Lalo pa siyang napasigaw nang idikit na nito ang bibig ng baril sa ulo niya. "Parang awa mo na! Huwaaaag! Hindi ako magsasalita! Hindi ako magsasalitaaaa!"
"Tumayo ka d'yan. Tumayo ka!"
Maluha-luha siyang tumayo habang nanginginig ang buong katawan. Hinila siya palabas ng lalaki at isinama sa kung saan.
Ilang sandali pa, makikita sina Orlando at Imelda na naglalakad pabalik sa kotse ng lalaki. Pinapasok nito si Elvira doon saka naman sila sumakay sa harapan.
Nang makalabas na ng parking lot ang sasakyan, minu-minutong itinututok ni Orlando kay Elvira ang baril nito upang hindi ito makapaglaban. Iyak naman nang iyak ang babae.
"Subukan mong gumawa ng kahit ano d'yan, sasabog talaga ang ulo mo!" banta rito ni Orlando.
"Orlando, tama na! Por favor!" mangiyak-ngiyak na pakiusap dito ni Imelda saka hinawakan ang kabilang kamay ng lalaki.
"Imelda, ano ang ibig sabihin nito?" umiiyak na tanong ni Elvira dito. "Matagal mo na bang pinagtataksilan ang asawa mo?"
Napaiyak na lang din si Imelda sa narinig. "P-pasensya ka na, Elvira... N-nadamay ka pa..." mayamaya'y sagot nito.
Dinala ni Orlando si Elvira sa lugar na pinagtataguan nito at binihag ito roon para hindi nito maisiwalat ang mga nakita nito.
"Orlando, bakit kailangan mo pang gawin ito!" umiiyak na turan ni Imelda rito.
"Hangga't hindi ligtas ang sikreto nating dalawa, hindi puwedeng makauwi ang babaeng ito! Kailangan makulong muna ang Felipe na 'yan!" sagot naman ni Orlando habang iginagapos ang babae.
Patuloy lang na umiiyak si Elvira habang nagmamakaawa sa kanyang buhay. "Pakiusap... Huwag n'yo akong sasaktan..."
HABANG naglalakad pauwi si Chris ay nakarinig siya ng mga yabag ng paa na sumusunod sa kanya. Tuwing lilingunin naman niya ang mga ito ay wala siyang nakikita. Malakas ang pakiramdam niya. Alam niyang tila may umaaligid sa kanya.
Nang marinig niya ang mga ito sa pang-apat na beses ay doon na siya huminto. Inihanda niya ang kanyang sarili at hinarap ang likuran niya. "Kung sino ka man na nagtatago, lumabas ka na d'yan! Harapin mo 'ko! Huwag kang duwag!" aniya rito at itinaas ang kanyang kamao.
Ilang sandali pa, biglang nagsilabasan sa paligid ang ilang mga kalalakihang nakaitim at nakasuot ng itim na facemask. Ang iba sa mga ito ay may dala-dala pang pamalo.
Wala nang salita na pinakawalan ang mga ito. Pagkalabas na pagkalabas nila ay sumugod agad ang mga ito sa kanya. Hindi naman siya nagpahuli. Hinagupit din niya ang mga ito gamit ang kanyang kamao.
Kaliwa't kanang suntok at sipa ang pinakawalan niya. Nang mapatumba niya ang isang tauhan, nakipag-agawan naman siya ng pamalo sa isa habang paulit-ulit na sinisipa ang isa pang nagtatangkang bumihag sa likuran niya.
Nang maagaw niya ang pamalo ay mabilis niya itong inihataw sa kaharap. Saka naman niya inatake ang isa pa. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay naagaw nito ang pamalo sa kanya at tumama iyon sa kanyang ulo.
Hindi na siya nakapalag nang paulanan siya nito ng palo sa ulo at buong katawan. Ginawa na lang niyang panangga ang kanyang mga kamay.
"Tingnan natin kung hanggang saan ang tapang mo! Susugod-sugod ka pa sa balwarte ni Don Felipe, ah! Buti na lang, binigyan niya kami ng permiso na patayin ka!" wika nito sa kanya.
Natigilan lang ito nang makarinig ng boses ng isang babae. Pati siya ay nagulat sa misteryosong babaeng sumulpot sa harapan nila. Balot na balot ito ng itim na kasuotan at natatakpan ng hood ang mukha.
Sinugod nito ang lalaking bumubugbog sa kanya at ito naman ang nakipag-agawan ng armas. Nakita niya kung paano ito magpakawala ng suntok, sipa, hanggang sa mapatumba nito ang lalaki.
Nang madaig na nito ang kalaban, doon ito lumapit sa kanya at hinubad ang hood nito. Gulat na gulat siya nang makitang si Clara Mendoza ito.
Agad siyang tumayo at hinila ito palayo sa lugar na iyon. "C-Clara? A-ano'ng ginagawa mo rito! Hindi ba't sabi ko sa 'yo huwag kang lalabas!"
"Chris, alam kong gumagawa ka ng mga hakbang ngayon para makaganti sa pamilya ko na pumatay sa tatay mo. Gusto lang naman kitang tulungan. Hindi ko kayang manatili lang sa bahay habang iniisip ang kaligtasan mo. Kita mo, buti na lang nasundan kita rito. Dahil kung hindi, baka natuluyan ka na ng mga lalaking ito! Sabihin mo nga sa 'kin, mga tauhan ba sila ng pamilya ko?"
"Oo, Clara! Hanggang ngayon sinusundan pa rin nila tayo! Gusto ka talaga nilang mabawi sa akin! Salamat at niligtas mo 'ko. Pero hindi ka pa rin dapat lumabas! Halika na, umuwi na tayo!" Saka niya ito hinila muli.
"Chris, gusto kong tumulong sa 'yo. Sana hayaan mo 'kong tumulong na makamit ang hustisya sa pagkamatay ng tatay mo."
"Huwag kang mag-alala. Kailangan din naman kita. Nais ko lang makasigurong ligtas ka kaya hindi muna kita nilalabas. Pero kapag okay na ang lahat, kapag nakahanap na ako ng tiyempo, tayo pa mismo ang babalik sa pamilya mo at pagbabayaran natin sila!" Nang maramdamang ligtas na sa paligid ay doon pa lang niya binitawan ang babae.
"Clara," mayamaya'y tawag muli niya.
"Bakit?" Napalingon sa kanya ang babae.
"Saan mo pala natutunan 'yan?"
"Ang alin?"
"Ngayon ko lang nalaman na marunong ka rin palang makipaglaban."
"Ah 'yun ba? A-akala ko ikaw ang nagturo sa akin nito. Parang may naaalala kasi ako na may nagtururo sa akin nito sa isang gym. Pero malabo pa rin sa paningin ko ang lahat. Basta kahit ako, hindi ko alam na marunong din pala ako n'on! Nagulat nga rin ako kanina, eh!"
Hindi na nakasagot si Chris. Napalunok na lamang siya ng laway. Mukhang unti-unti na talagang nagbabalik ang mga alaala nito. Kailangan nang mangyari ang mga plano niya bago pa mahuli ang lahat.
PAGKATAPOS ng limang araw na hearing, naglabas na ng desisyon ang korte suprema. Iniaatras na nila ang kaso laban kay Felipe. Ayon sa imbestigasyon na kanilang isinagawa, hindi raw malinaw sa mga recorded audio files kung boses nga ba ni Felipe ang nandoon.
Medyo low-pitched kasi iyon at ume-echo pa kaya hindi mapatunayan kung galing nga ba talaga iyon sa matanda. Bukod doon, masyado rin daw mababa ang quality ng recorder na ginamit kaya medyo iba ang output na inilalabas nito kumpara sa normal na boses ni Felipe sa totoong buhay. Dahil dito, hindi nila ma-determine kung kay Felipe nga ba talaga galing iyon.
Ayon naman sa kampo nina Felipe, maaaring edited lamang daw ang mga audio files na ito kaya medyo malayo ang output sa boses ni Felipe. Kahit sino raw ay puwedeng gumawa nito para manira. Katunayan nga, may mga apps at software na raw ngayon kung saan puwedeng i-modify ang boses ng isang tao para maging katunog nito ang boses ng iba pang tao.
Marami nang puwedeng gawin ngayon sa teknolohiya. Kaya naman sa huli, hindi ito naging sapat para mapatunayan ang mga kasong kinakaharap ngayon ni Felipe. Ikinokonsidera ito ng korte bilang partial evidence lamang at hindi iyon sapat para gamiting matibay na ebidensya.
Dahil dito, pansamantalang hindi na muna makukulong si Felipe hangga't hindi nabibigyan ng linaw ang mga isinasagawang imbestigasyon. Tuwang-tuwa naman ang matanda at ang Tres Marias sa balita.
Nang araw ding iyon ay pinuntahan sila ng abogado ni Felipe na si Atty. Garry Badon. Isa itong matabang lalaki na nakasuot ng asul na polo-shirt na political color ng mga Iglesias at may dalang mga dokumento.
"Pasensya ka na, Felipe, at hindi na ako nakapagbihis. Nagmamadali kasi ako para maihatid sa 'yo ang magandang balita. Napanood mo naman na siguro iyon kanina, 'di ba?"
"Aba, oo naman, Attorney! Maraming salamat sa tulong mo. Hindi ako nagkamali sa pagkuha sa 'yo."
"Walang anuman, Don Felipe. Alam mo naman na isa akong Iglesias Loyalist kaya nasa iyo lang ang buong katapatan ko. Gagawin ko ang lahat para maprotektahan ka."
"Muchas gracias, attorney!" bati naman dito ni Maria Isabel habang nakayakap sa papa nito.
Ngumiti lang sa kanila ang abogado. "Gaya ng ipinag-utos n'yo, nabayaran ko na ang judge sa korte kaya nagawa natin silang mapapanig sa atin. Wala na tayong magiging problema sa kanila. Alam mo naman ang mga 'yan, pera lang din ang katapat! Mga bobo kasi ang mga 'yan. Kayong mga Iglesias lang ang hindi bobo. Kaya umasa ka, Don Felipe, na patuloy kaming magtatrabaho para linisin ang pangalan mo. Hindi pa rito nagtatapos ang lahat. Umpisa pa lang ito. Katunayan din, nakahanda na ang mga alipores ko sa susunod na mga isyung ibabato sa 'yo ng mga kalaban mong bobo!"
Sa sobrang tuwa ni Felipe ay kinamayan na niya ang lalaki. "Thank you so much for your help, Attorney! Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala ka. Mabuti na lang talaga at nagawan mo ng paraan. Hindi ako nagkamali ng pagpili sa 'yo bilang abogado ko. Isang matalinong abogado, at hindi bobo!" Ang laki ng pagkakangiti niya sa mga oras na iyon.
NANG mapanood ni Chris sa balita ang tungkol sa pag-atras ng mga kaso laban kay Felipe, agad siyang napalingon kay Clara Mendoza na sa mga sandaling iyon ay nagluluto ng tanghalian nila.
Ito na ang pagkakataon na hinihintay ni Chris. Kaya niya hindi sinabi sa kanyang mga kagrupo ang tungkol sa kanyang plano ay dahil alam niyang papalpak ang mga ito. Noon pa man kasi ay nahulaan na niya na malulusutan din ng makapangyarihang pamilya na ito ang kanilang kaso.
Kaya naman ngayong nagsasaya na muli ang mga ito, pagkakataon na para isagawa ang itinatago niyang plano. "Oras na, Clara..."
TO BE CONTINUED...
(Ang Huling Dalawang Linggo)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro