Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 61: Ang Bihag

ALAM kong hawak n'yo ngayon si Marites. Akala n'yo ba natatakot ako sa inyo? Sa pag-aakala n'yo ba nalamangan n'yo na kami porket hawak n'yo ang isa sa mga kasamahan namin? Well, well, well, Felipe kung ikaw man 'yan, I just want to introduce you this person right here...

I know he is important to you, right? You know your own secrets, Felipe. Alam mo kung ano ang isang bagay na hindi pa alam ng tauhan mong ito. Kaya mamili ka. Ikaw mismo ang aamin niyon sa kanya? O kami na ang magsasabi? Tutal kasama naman namin siya rito, eh.

And, uh, bago ko nga pala makalimutan, may hawak kaming ebidensya tungkol sa sikretong itinatago mo sa taong ito, Felipe. Kung sa tingin mo alam mo na ang ibig naming sabihin, ibalik mo sa amin ngayon din si Marites! Kapalit ng taong ito at ng ebidensyang tinutukoy namin.

Kung inaakala mong masisindak mo kami kapag pinatay mo ang katulong na 'yan, lalo mo lang nilalagay sa alanganin ang iyong buhay at pinaka-iingat-ingatang pangalan. Oras na mamatay si Marites, malalaman ng buong mundo ang mga bahong itinatago mo! Kaya ngayon, ikaw, kayo, ang gusto kong humarap sa amin, Felipe. Dalhin mo si Marites nang buhay!

Sing init ng bulkan ang pagbabaga ng mga mata ni Felipe pagkatapos mapanood iyon. Dito niya napatunayan na hindi nga basta-basta ang taong kumakalaban sa kanya. Bukod sa may mga ebidensya itong hawak laban sa kanya, nagawa rin nitong dukutin ang isa sa pinakamalapit na tauhan niya.

Sa sobrang galit ay pinagbabato ni Felipe ang lahat ng mga gamit sa kanyang lamesa. Pati na rin ang laptop ni Jomar kung saan nila pinanood ang video na ipinadala ng misteryosong babae.

"Uy, Don Felipe! Bakit n'yo naman tinapon pati laptop ko! Hindi pa fully paid 'yan!" mangiyak-ngiyak na bulalas ni Jomar habang pinupulot ang laptop niyang nasira ang LCD screen.

"Gusto talaga nilang makipaglaro ng kamatayan sa akin. Pwes, pagbibigyan ko sila!"

"Pero, Don, hindi ba dapat tumupad na lang tayo sa usapan nila? Kung totoo mang may hawak silang mga ebidensya laban sa 'yo, ikaw ang dehado rito at hindi sila. Kahit mamatay pa 'yung bihag natin ngayon, walang mawawala sa kanila. Pero kapag nailabas nga nila 'yung mga ebidensyang sinasabi nila, marami ang mawawala sa inyo," paalala naman kay Felipe ng isa pa sa mga tauhan niya.

Dito nahinto sa pagwawala si Felipe. May punto nga naman ito. Kahit ano pa ang gawin niya, siya pa rin ang dehado sa sitwasyong ito. Nalalapit na ang araw ng royal visit ng Prinsipe ng England sa bansa. Kailangang mapigilan niya ang lahat ng mga bantang ito sa buhay niya bago pa sumapit ang araw na iyon.

NANG gabi ngang iyon, nagpunta siya sa sinasabing tagpuan ng misteryosong babae. Nasa likod iyon ng isang abandonadong gusali na napaliligiran ng matataas na mga damo. Nakakita sila ng isang sasakyan na nakaparada sa isang tabi. Marahil ay iyon na mismo ang taong hinahanap nila.

Ilang sandali pa, may lumabas na isang matabang babae roon. Kasunod naman nitong lumabas ang isang matangkad na lalaki. Pareho silang nakamaskara upang protektahan ang kanilang pagkakakilanlan.

Lumabas na rin ang mga tauhan niya na pawang nakamaskara din. Nagkaroon kasi sila ng kasunduan na kapag nagkita sila ay walang magpapakita ng mukha upang protektahan ang privacy ng bawat panig.

Siyempre, hindi na sumama si Felipe sa labas. Baka may mga nagtatago pang camera sa paligid ang makakita sa kanya. Mahirap na. Buti na lang din ay pumayag ang kabilang kampo na hindi na siya magpakita sa mga ito at ang mga tauhan na lang niya ang haharap.

Ilang sandali pa, narinig niyang kinuha na ng mga tauhan niya si Marites sa likod ng sasakyan. Nakita rin niya si Nemencio na inilabas na ng kotse habang ito'y nakagapos. Kabado siya sa mga nangyayari. Walang kasiguraduhan kung sino sa panig nila ang may binabalak na masama.

Ilang sandali pa, nakita niyang nag-usap na ang dalawang panig. Pagkatapos ay sabay nilang ipinagpalit ang kanilang mga bihag. Hawak na ng mga tauhan niya si Nemencio, at hawak na rin ng mga ito si Marites.

Naka-record nang live sa cellphone niya ang usapan ng mga ito kaya naririnig niya ang lahat kahit nasa loob siya.

"Here's the evidence. Feel free to destroy it!" dinig niyang wika ng babae sabay abot ng USB kay Jomar.

"Ano naman ang laman nito?" tanong ni Jomar dito.

"Lahat ng ebidensyang magpapabagsak sa mapagbalat-kayo mong amo!" matapang na sagot naman ng babae.

"Paano kami nakakasiguradong ito na lahat 'yon at wala na kayong tinatago pang iba? Baka mamaya, ginawan n'yo na rin 'to ng soft copy!"

"Oh, come on! Ibinalik nga namin nang buhay ang magaling n'yong tauhan. Tumupad kami sa usapan! Wala pa ba kayong tiwala sa amin?"

"Naninigurado lang kami. Dahil alam n'yo naman siguro ang mangyayari sa inyo kapag lumabag kayo sa usapan 'di ba?"


"Ang importante, parehong buhay ang mga bihag natin at naibalik na sila sa tamang panig. Sapat na iyon sa amin para manahimik kami."

Tumango rito si Jomar. "Babantayan namin kayo."


Ngumisi naman ang babae. "Nakabantay rin kami sa inyo..."

Nakita niyang tila nainsulto yata si Jomar dito at napadukot ito ng baril sa bulsa. Mabilis din namang dumukot ng baril ang lalaking nasa likuran ng babaeng iyon.

Mabilis siyang bumulong sa kanyang cellphone. "Tama na 'yan! Bumalik na kayo rito, ngayon din!"

Hindi nga nagtagal, ibinaba na ni Jomar ang baril at nagbalik na sa kanilang sasakyan. Nakita niyang umalis na rin ang kabilang panig at wala itong ginawang masama sa kanila. Nilisan na rin agad nila ang lugar na iyon.

Kinabukasan, tinipon ni Felipe ang lahat ng mga media at local tv channels na kapanalig niya. Isa-isa siyang nag-abot ng malaking bayad sa mga ito para panatilihin ang kanilang loyalty sa kanya.

Nais lang niyang makasiguro na lahat ng network sa paligid ay maging kapanalig niya. Upang hindi ito magamit ng mga kalaban niya na nagtatangkang ilapit sa media ang mga ebidensyang hawak laban sa kanya.

Nang sumunod na araw, muling pinagkaguluhan ng mga reporter si Felipe para hingian ng panayam tungkol sa Golden Project niya. Sa mga panahong iyon, kahit kasalukuyan pa lang itinatayo ang ilan sa mga building at infrastructures, nadarama na sa iba't ibang lugar ang malaking pagbabago na magaganap sa Hermosa.

Ngayon pa lang kasi, napakalinis na nitong tingnan dahil sa malawakang Cleaning Operation na isinagawa ng kampo niya. Malayong-malayo na ito dati sa dumihing Hermosa na kahit saang bayan pumunta ay laging binabahayan ng mga basura.

Pati mga kanal ay malinis na rin at malinaw. Puwede na ngang gawing aquarium iyon kung tutuusin. Hindi sila makapaniwala na sa lahat ng mga administrasyong nagdaan, si Felipe lang ang makakapaglinis nang ganito sa Hermosa.

"Lubos akong masaya sa itinatakbo ng Golden Project. Gaya ng ipinangako ko noon, oras na matapos na ang mga buildings at infrastructures na ito, hindi lang nito mapapaganda ang ating probinsiya. Makakalikha rin ito ng maraming trabaho, negosyo, at oportunidad. Ngayon pa nga lang, marami na tayong mga construction worker na natulungang magkaroon ng trabaho. Dahil karamihan ng mga workers na kinuha namin dito ay iyong mga hirap na hirap makahanap ng trabaho dahil sa kawalan ng proyekto. At dahil ilang taon ang aabutin sa pagpapatayo ng proyektong ito, nakasisigurado akong malaki ang maitutulong nito sa ating mga mahal na construction worker. Gaya ng sabi ko sa inyo, umpisa pa lang ito ng ating pag-unlad. The golden era of Hermosa is coming very soon. Sama-sama tayong babangon muli!" masayang pahayag ni Felipe sa harap ng iba't ibang camera at microphone na nakatutok sa kanya.

Pagkatapos ng mga interview sa kanya, muli siyang kumaway sa mga ito at nagpakuha ng litrato kasama ang ilan sa mga bagong hire na trabahador ng kanyang Golden Project.

Nang maubusan na siya ng mga taong kausap, may isang lalaki ang biglang lumapit sa kanya. Bahagya pa niyang ikinagulat ang mahigpit nitong paghawak sa kamay niya.

"Sino ka? At bakit ganyan ka makatingin?" nagsususpetsang tanong niya sa lalaking iyon.

Kulot ang buhok nito, payat, at matangkad. Maamo ang mukha nito pero tila nagbabaga ang mga mata. "Don Felipe. Nagkita na rin tayo sa wakas."

"Puwede bang bitawan mo ako? Kung ayaw mong kasuhan kita!"

Tumawa naman ito at mabilis siyang binitawan. "D'yan naman lagi magaling ang mayayaman, eh. Ang lakas ng loob n'yong magpakulong ng tao kahit walang kasalanan dahil may pera kayo. Pero kapag kayo ang nagkasala, ang hirap n'yong ipakulong dahil din may pera kayo."

"Maaari ko bang malaman kung ano ang pakay mo? At kung bakit ka nagsasalita nang ganyan sa harapan ko? Kilala mo ba kung sino ang pinagsasalitaan mo nang ganyan, hijo?"


"Oo, kilala kita. Ikaw lang naman ang pumatay, pumugot ng ulo, at sumunog sa katawan ng tatay kong vendor, hindi ba? Natatandaan mo pa ba, Don Felipe? Imposibleng hindi mo na alam 'yon."

Bahagyang napaisip dito si Felipe. Doon niya naalala ang isang vendor na lumapit nga sa kanya at pinagbantaan pa ang buhay niya gamit ang dala nitong sandata. Sa pagkakatanda niya, napugutan nga niya ito at ipinasunog sa malayong lugar ang katawan.

Ibig sabihin, ang lalaking nasa harap niya ngayon, ay ang anak ng matandang iyon? Paano naman kaya nito nalaman ang tungkol sa ginawa niyang pagpatay rito?

"Sino ka ba talaga? At bakit ang dami mo yatang alam?"

"Totoo naman ang sinasabi ko, 'di ba, Don Felipe? Pinatay mo ang tatay ko! Hindi mo puwedeng itanggi sa akin iyon!"

Kahit galit na galit na silang pareho, hindi pa rin nila magawang magtaas ng boses lalo na't marami pang mga tao at mga reporter sa paligid. Mabuti na lang din ay marunong magpigil ng emosyon ang lalaking ito.

"Hindi mo alam ang sinasabi mo, bata. Mukhang nagkakamali ka ng taong pinagbintangan."

"Talaga ba? Paano kung sabihin ko sa 'yo na nakita ko ang pangyayare? Nakita ko kung paano mo walang awang pinatay ang tatay ko gamit ang sarili niyang sandata! Pagkatapos, pinasunog mo pa siya sa ibang lugar para mawala ang kanyang bakas sa mundo! Ganoon ka katindi maglinis ng krimen, Felipe!"

"Paano ka nakasisigurado, hijo? May ebidensya ka ba? Kung may maipapakita kang ebidensya, sige. Sabihin mo sa 'kin ngayon din at ibibigay natin sa mga reporter para maibalita agad nila! Sige! Asan ang ebidensya mo!"

Saglit na natahimik ang lalaki rito. Pagkatapos ay muli itong humawak sa kamay niya. "Marami akong hawak na ikakasira mo, Felipe. Kabilang din ako doon sa grupong dumukot sa tao mo!"

Doon nagsimulang tumalim ang paningin niya rito. "Walang hiya ka! Huwag mo sabihing may hawak pa rin kayong ebidensya! Samantalang ibinigay n'yo na sa amin ang lahat bilang kapalit sa buhay ng dakdakera n'yong tauhan na naging isa sa mga katulong ko!"

"Hindi kami tanga para ibigay na lang nang ganoon sa 'yo ang ebidensya. Kung gusto mong hindi na talaga ito makalabas, bigyan mo ako ng sampung milyon ngayon din!"

Tahimik naman siyang humalakhak. "Nasisiraan ka ba? Sino ka ba sa tingin mo para bigyan ko na lang ng sampung milyon?"

"At bakit hindi? Barya lang naman iyon sa inyong mga Iglesias 'di ba? Ano ba ang gusto mong mangyari? Mawalan ng sampung milyon? O mawalan ng pangalan? Hindi biro ang puwedeng mangyari sa 'yo kapag pumutok sa publiko ang mga ebidensya, Don Felipe. Hindi lang pangalan mo ang masisira pati ang buhay mo! Kaya bago pa ako pagpawisan sa init ng araw dito, mamili ka na. Sampung milyon o ang pangalan mo!"

Sa pagkakataong iyon, hinawakan na rin niya nang mahigpit sa braso ang lalaki. Sinadya pa niya iyong pisilin at ibaon ang kanyang kuko roon para iparamdam dito ang kanyang galit. "Hindi mo ako matatakot sa ganyan, hijo. Ikaw na mismo ang nagsabi na mayaman ako, at kaya kong gawin lahat gamit ang pera ko! Baka gusto mong sumunod na sa tatay mo?"

"Bakit, Felipe? Ano'ng gagawin mo? Papatayin mo 'ko? Bakit hindi mo pa gawin dito ngayon? Habang may mga reporter pa! Dali! Magpatayan tayo! Ako, hindi ako natatakot mamatay dahil walang mawawala sa akin. E, ikaw?"

Nahinto si Chris sa pagsasalita nang maramdamang may umakbay sa kanya at may itinutok ito sa kanyang baywang. Bahagya siyang nagulat nang makitang isa iyong baril, at nakaakbay na sa kanya ngayon ang isa sa mga tauhan ni Felipe.

Bahagyang natatakpan ng suot nitong jacket ang baril kaya hindi iyon nakikita ng mga reporter sa paligid.

Saglit na namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa. Hanggang si Felipe na rin ang bumasag niyon. "Ano na, hijo? Magtatapang-tapangan ka pa rin ba sa harapan ko? Baril lang pala ang katapat mo, eh!"

Ngumisi lang ang lalaki sa kanya. Ngunit makalipas ang ilang saglit, bigla na lang itong nagsisigaw.

"Nakikita n'yo 'to? Gusto akong patayin ng matandang ito, oh! Susuporta pa ba kayo sa ganyang tao? Hindi n'yo kilala ang matandang ito!"

Lahat ng mga reporter ay napalingon sa kanila. Mabilis na itinago ng tauhan niya ang baril nito. Wala na silang nagawa para pigilan sa pagwawala ang lalaki. Pinaawat na lamang niya ito sa mga security guard sa paligid at pinaalis ng lugar na iyon.

Hanggang sa malayo ay dinig pa rin niya ang pagsisigaw ng lalaking iyon habang patuloy itong itinataboy ng mga security. Mabuti na lang ay nasa kanya pa rin ang katapatan ng mga media sa paligid kaya hindi pinaniwalaan ng mga ito ang pinagsasabi ng lalaki kanina.

Muli siyang nilapitan ng mga ito para kunan ng pahayag. Mabilis naman siyang gumawa ng kuwento. "Pagpasensiyahan n'yo na po ang lalaking iyon. Sa totoo lang, hindi ko po siya kilala. At wala rin akong alam sa mga sinasabi niya. Nakita n'yo naman, siya ang sumugod sa akin dito at hinarass ako. Pero huwag kayong mag-alala. Ipapaimbestiga ko agad ang pangyayaring ito. Hindi ko hahayaang makalayo sa lugar na ito ang lalaking iyon at baka may masaktan pa siyang ibang tao."

Nakuha muli niya ang puso ng taumbayan sa mga sinabi niyang iyon.

NAALIMPUNGATAN si Maria Lucia nang makaramdam ng labis na init. Para siyang kakapusin ng hininga. Tumatagaktak din ang pawis niya.

Pagmulat niya ng mata, laking gulat niya nang mapagtantong nasa loob siya ng isang kabaong. Agad siyang nagsisigaw at nagwala. Hanggang sa narinig niyang may lumapit doon at ilang sandali pa, unti-unting nagbukas ang kabaong.

Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang masilayan si Donya Glavosa na nakasilip sa kanya habang naaagnas ang mukha nito!

Pinakawalan na niya ang pinakamalakas niyang sigaw. Ilang sandali pa, pawis na pawis siya nang magising sa kanyang kama. Doon niya napagtanto na isang masamang panaginip lang ang lahat. Isang bangungot.

Dahil doon, naalala uli niya ang ginawa niyang pagpatay sa sarili nilang abuela. Halos ilang buwan na rin itong nawala sa kanyang alaala mula nang inumin niya ang gamot na in-order pa niya sa ibang bansa para burahin ang bahaging iyon sa kanyang utak.

Ngunit hindi niya akalaing ngayon ay babalik ang lahat ng ito dahil lang sa panaginip na iyon. Ano ang nangyari? Nawawalan na ba ng bisa ang gamot niya? Kailangan ba niyang uminom muli para makalimot doon?

Hinanap niya ang gamot na nakatago sa kanyang aparador. Uminom muli siya ng isa at pagkatapos ay napaupo sa tabi ng kama niya. Ilang beses niyang hinabol ang hininga bago siya muling humiga.

Pilit niyang iwinaksi sa isip ang nangyari. Inisip niyang baka panandalian lang talaga ang epekto ng gamot na iyon at kailangan pa rin niya itong inumin regularly upang hindi na niya maalala pa ang pinakamalagim na bahagi sa kanyang buhay.

GALIT na galit si Maria Elena at nagsisisigaw sa loob ng dining area habang tinatawag ang pangalan ni Aling Susan. Agad naman itong lumapit sa kanya at mangiyak-ngiyak ang mga mata.

"B-Bakit po, Ma'am Elena?"


"Bakit sunog 'yung itlog na niluto mo? Ayaw ko ng ganitong luto! Pangmahirap lang ito! Gusto ko 'yung sunny side-up! 'Yung malinis 'yong puti, walang sunog sa gilid, at buo rin 'yung dilaw sa gitna! Ulitin mo ito!"

"P-pasensya na po, Ma'am Elena. P-pero bakit ayaw n'yo na po ito? Dati ganitong luto po sa itlog ang gusto n'yo, pati na rin po sa hotdog at mga ham. Gusto n'yo lagi ay 'yung sunog nang konti. Kase gusto n'yong matikman kung paano ba ang luto naming mga mahihirap. Ganito po ang ginagawa ko sa pagkain n'yo noon pa man." Umiiyak na ang matanda sa pagkakataong iyon.

Saglit na nahinto rito si Maria Elena. Walang nabanggit sa kanya ang mga kapatid na ganito pala ang gustong luto ng totoong Maria Elena sa ganitong uri ng mga pagkain.

Gumawa na lang uli siya ng dahilan. "Dati iyon! Ngayon ayoko na nito! Gusto ko 'yung maayos na uli ang pagkakaluto! Puwede bang ulitin mo? And make sure na tama ang pagkakaluto this time, ha? Sunny side-up ang gusto ko, ha? Tapos buo 'yung dilaw! Bumalik ka sa kusina at ayusin mo!"

"S-Sige po, Ma'am!" Kinuha naman agad ng matanda ang pinggan niya para ulitin ang pagluluto sa kanyang agahan.

"Maria Elena!" Nagulat naman siya sa sigaw na iyon ng kanyang ina. Naalarma siya sa paglapit ni Imelda sa kanya.


"Ano'ng ginagawa mo! Bakit mo sinisigawan nang ganoon si Aling Susan! Hindi ba't siya ang paborito mo dati sa mga katulong?"

"Bakit ba para kayong kabute na sulpot nang sulpot kung saan-saan, Mama?"

"At bakit ba ganyan ka na magsalita, anak? Parang ibang tao ka na! Mula nang bumalik ka rito sa aksidente, iba na ang kilos at pananalita mo? May problema ka ba? May pinagdadaanan ka ba? May sakit ka ba? Sabihin mo lang para matulungan kita!"

"Wala akong sakit, 'Ma! Sadyang malaki na lang talaga ako ngayon at hindi na ako gaya ng dati na bine-baby n'yo pa! Matured na ako ngayon! I'm a grown-up woman now! Ayoko nang tinuturin pa akong baby gaya ng ginagawa ng Aling Susan na 'yon! Kaya ako naiinis, eh!"

"Maria Elena, matagal ka nang matured! Dati pa man, ikaw na ang pinaka-matured mag-isip sa mga kapatid mo. Ikaw ang pinakamabait, at ikaw rin ang pinakamapagmahal sa lahat ng tao. Kaya nga mas minahal kita kaysa sa kanila, eh! Pero ngayon nagiging katulad ka na rin nila! Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, hindi na lang sana kayo nagkabati ng mga kapatid mo!"

Sa sobrang inis dito ni Maria Elena, napilitan na lang siyang mag-walkout at hindi na sinagot ang ina. Pagkaakyat niyang muli sa kuwarto ay binilang na lamang niya ang perang ibinigay sa kanya nina Felipe at Maria Isabel para sa pagpapanggap niya. Kasama na rin doon ang bayad sa kanya para awayin si Aling Susan at ang sarili nilang ina.

Pagkatapos magbilang ng pera ay tumayo siya at humarap naman sa salamin. "Hay nako! Nakakasira ng beauty 'yung kanina! Buti na lang effective na pampabata itong malutong na tig-iisang libo na ito." Saka niya ipinaypay sa sarili ang hawak niyang malulutong na pera.

Mabisa ngang pampabata ang salapi. Dahil kahit sinong tao ang magkaroon nito, tiyak na babata sila sa sobrang saya.

TO BE CONTINUED...

(Ang Huling Dalawang Linggo)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro