Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 6: Matalim na Dila

ABALA si Don Felipe sa kausap sa kabilang linya nang bumukas ang pinto ng kanyang opisina. Iniluwa niyon si Donya Glavosa na labis niyang ikinagulat. Hindi niya inaasahan ang pagdalaw nito.

Agad siyang nagpaalam sa kausap at ibinaba ang telepono. Sa pagkakataong iyon, hindi maganda ang titig niya rito. "Ano'ng ginagawa mo rito, Mama? Kita mo nang abala ako."

"Abala saan? Sa mga korapsyong binabalak mong gawin?" Tumawa ang matanda at naupo sa isang malambot na sofa. "Naisipan kong dalawin ka rito para sirain ang araw mo. Ang tagal din kitang hindi nasesermonan kaya ngayon babawi ako sa 'yo."

"Kung iyan lang ang pinunta mo rito, umalis ka na lang muna, 'Ma. Wala akong panahon sa mga sermon mo dahil marami akong trabaho na kailangang gawin dito."

Muli na namang tumawa ang matanda na parang iniinis talaga siya. Sinusubukan siya nito kung hanggang saan aabot ang pasensiya niya. "Nagtatrabaho ka ba talaga? O hinihintay mo lang ang mga tao na magtuturo sa iyo kung ano ang dapat gawin?"

Nangunot ang noo niya na parang tinamaan. "Ano ba'ng sinasabi mo, 'Ma?"

"Alam naman natin na wala ka naman talagang alam sa politika. May mga taong nag-uudyok lang sa 'yo para tumakbo. At sila rin ang mga taong nagme-mentor sa 'yo kung ano ang dapat mong gawin at kung ano ang dapat mong sabihin sa mga public speech mo. Hindi ba nakakahiya 'yon, mahal kong anak? 'Yung kandidatong binoto ng taumbayan para mamuno sa buong Hermosa ay isang tuta lang ng kung sinong politiko?"

Alam ni Don Felipe na iyon ang totoo, kaya naman labis siyang nasasaktan. Gusto na talaga niyang kaladkarin palabas ang ina pero hindi niya magawa. Mas makapangyarihan pa rin ito sa kanya. At hangga't nandito ito sa buhay nila, hindi niya magagawang maghari-harian sa buong lugar nila, lalo na sa loob ng kanilang tahanan.

"Mama naman. Suporta lang ang kailangan ko at sinisigurado ko sa inyo na magagawa ko nang maayos ang trabaho ko!"

"Paano kung ako pa ang maglaglag sa 'yo?"

Napahinga nang malalim si Don Felipe, pinipigilang masigawan ang ina. "Bakit mo naman ako ilalaglag, 'Ma! Ano ba kasi ang problema mo sa akin? Bakit ba hindi mo ako magawang mahalin? Ginawa ko naman ang lahat noon, ah? Para magbago ang tingin mo sa akin. Pero ikaw lang itong nagbubulag-bulagan sa mga mabuting nagawa ko."

"Wala kang nagawang mabuti!" bulalas sa kanya ng donya. "Kahit kailan, hindi ka naging mabuting kapatid kay Samuel! Ikaw rin ang dahilan kaya siya nagpakamatay! Kasalanan mo ang lahat!"

"Napunta na naman tayo kay Samuel!" Hindi na napigilan ni Felipe ang magtaas ng boses. Tuwing mag-aaway kasi sila, palagi nitong pinapasok si Samuel sa kanilang usapan. Ngayong marami nang panahon ang lumipas at nagbago, ito pa rin ang ginagamit na instrumento ng kanyang ina para pag-awayan nila.

"Ang tagal na ng pangyayaring iyon, 'Ma! Ako naman ang isipin mo ngayon! Ako naman ang mahalin mo!"

Tumayo sa kinauupuan ang matanda at idinuro sa kanya ang hawak nitong abanico. "Paano kita mamahalin? Ikaw ang dahilan kung bakit nawala si Samuel! Kung gaano katagal ang kanyang kamatayan, ganoon din katagal ang parusa ko sa 'yo!"

"Kung nandito pa siya ngayon, may magbabago ba? Siguradong siya pa rin naman ang mamahalin at pupuriin mo! Siya pa rin ang susuportahan mo sa lahat ng bagay! Siya pa rin ang bibigyan mo ng regalo! Mabuti ngang nawala na siya para malaman mo kung ano ang pakiramdam na nangungulila sa paboritong anak! At para malaman mo rin na may isa ka pang anak na nangungulila sa kalinga mo!"

"Huwag mo nga akong dramahan, Felipe! Pero tama rin ang sinabi mo. Kung sakaling nandito pa siya, siya pa rin naman talaga ang mamahalin ko. Kaya magpasalamat ka na lang talaga at wala na siya. Dahil kung nandito pa nga siyang talaga, baka ikaw ang wala na ngayon sa mundo! Dahil siguradong magpapakamatay ka rin sa labis na kalungkutan at pag-iisa. Dahil hindi mo magugustuhan ang mga paghihirap na gagawin ko sa 'yo!"

Nasaktan si Don Felipe sa sinabing iyon ng ina. Pero pinipigilan lang niyang huwag umiyak. Ayaw niyang ipakita ang kanyang kahinaan dito.

"Gusto mo ng regalo? Sige! Heto ang regalo mo!" May dinukot ang matanda sa malaking bag nito. "Muntik ko nang makalimutan. Heto nga pala ang dahilan kaya dumalaw ako rito ngayon." May dinukot itong mga papeles at ibinagsak sa kanyang lamesa.

"Ano 'to, 'Ma?"

"Iyan ang mga dokumentong nagpapatunay na hindi ka nagbabayad ng tamang buwis!"

Bahagyang nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Iniwasan niyang tingnan ang mga papeles na iyon. Hindi siya makapaniwalang mahahalungkat pa ng matanda ang bagay na ito na isa sa mga itinatago niya sa publiko. Marami nga siyang binayarang mga media para huwag itong ibulgar noong nangangampanya pa lang siya.

"Kung hindi pa kita pinaimbestigahan noong nasa America pa ako, hindi ko malalaman na matagal mo na palang dinadaya ang pagbabayad ng buwis. Mabigat na kaso ang tax evasion lalo na sa mga katulad mong may posisyon na. Malaking kahihiyan ang kahaharapin mo kapag nalaman ng publiko na ang taong inihalal nila ang siya pang hindi nagbabayad ng buwis. Kay gandang halimbawa mo naman sa taumbayan! Palakpakan ang magaling kong anak!" Pumalakpak naman mag-isa ang donya na lalong ikinainit ng ulo niya.

"Pakiusap, Mama! Sermonan mo na ako tuwing umaga, saktan mo na ang damdamin ko tuwing hapon, sampalin mo na ako buong gabi, pero huwag mo lang ilalabas ito! Nagmamakaawa ako sa 'yo."

Tinawanan lang siya ng donya. "Hindi lang iyan ang hawak ko laban sa 'yo." May inilabas pa ito sa bag at inilapag sa mesa niya.

Isang litrato naman iyon kung saan makikita siyang may ginagahasang babae. Nangyari iyon sampung taon na ang nakararaan. Dahil sa labis na kalasingan, natukso siya ng mga kasamahan na galawin ang isa sa mga kainuman nilang babae. At di sinasadyang napatay din niya ito.

Hindi siya makapaniwala. Akala niya'y nabura na ang lahat ng mga litratong iyon na kuha mismo ng isa sa mga kaibigan niya noon.

"At ang taong binoto ng taumbayan para magtanggol sa kababaihan ng lugar na ito, ay nananakit din pala ng babae! Ang bait mo naman talaga, Felipe. Sana kunin ka na ni Lord!"

Hindi na niya napigilang ihagis sa ere ang mga papeles na nasa harapan niya. "Mama puwede ba! Umalis ka na!"

Tuwang-tuwa ang donya sa pagkapikon niya. Di nagtagal ay tinalikuran na rin siya nito. Ngunit bago ito lumabas ng pinto ay may ibinato pa itong salita sa kanya. "At sana rin, nagustuhan mo 'yung picture frame na niregalo ko sa 'yo. Special gift ko iyon sa pagkapanalo mo sa eleksyon!" asik nito at ibinagsak pasara ang pinto.

Muling nagulat si Don Felipe. Ito lang pala ang tao sa likod ng picture frame na iyon na isa sa mga nagbigay ng takot sa kanya.

Ngunit paano naman kaya ito nakakuha ng litrato sa kanya sa mismong araw ng pangyayaring iyon kung bantay-sarado mismo ng kanyang mga tauhan ang buong lugar kung saan nila pinatay si Pamelo Delos Santos?

"SIMPLE lang, Madam! Sa malayo kami kumuha ng litrato!" sagot kay Donya Glavosa ng tauhang si Aaron. "Alam naming nakakalat sa paligid ang mga tao niya nang gabing iyon. Kaya naman inutusan ko ang mga tao ko na kumuha ng litrato sa pinakamataas na building na hindi kalayuan sa lugar na iyon, pero hindi rin naman malapit para maging parte ng balwarte nila. Mabuti na lang at malaki-laki ang binabayad mo sa amin kaya nakabili ako ng magandang camera na may 100 times zoom! Kitang-kita naman sa mga pictures 'di ba? Sobrang linaw! Detalyado! Hindi niya puwedeng itanggi na hindi sila iyon!" Saka tumawa nang malakas si Aaron.

Nasa headquarters siya ngayon ng paborito niyang tauhan na leader ng Dragon Breath, isang malaking organisasyon na binubuo ng mga drug dealers. Naisipan niyang bumisita rito para makita muli ang naguguwapuhan nitong mga tauhan na minsan na ring nagpaligaya sa kanya sa kama.

Nagtawanan silang dalawa bago unti-unting napagod at saglit na pumagitan ang katahimikan sa pagitan nila. "Hawak ko na ngayon ang buhay ni Felipe. Marami na akong alas na puwedeng ipanlaban sa kanya oras na may gawin siyang hindi maganda sa akin."

Pagkatapos ng pag-uusap nila, nagpasama naman siya sa sementeryo kung saan nakalibing si Samuel Iglesias. Ngayon lang siya ulit nakadalaw rito pagkatapos ng mahigit limang taon na paninirahan niya sa America.

Ipinagtirik niya ito ng kandila saka siya lumuhod sa harapan ng puntod nito. Sa pagkakataong iyon, nagbalik ang lahat ng sakit sa kanyang alaala nang makita ang paboritong anak na nakabigti sa sarili nitong kuwarto noon.

Hindi niya napigilang humagulgol ng iyak. Kulang na lang ay hukayin niya ang libingan ng lalaki para mayakap itong muli. Pati si Aaron ay naawa sa kanya. Isang matapang at mapagmanipulang babae ang tingin sa kanya ng mga ito. Pero sa pagkakataong iyon, siya ang nagmukhang pinakamahinang tao sa balat ng lupa dahil sa tindi ng pagtangis niya.

"Huwag kang mag-alala, anak... N-nandito na si mama... Habang buhay kong ipaghihiganti ang pagkamatay mo... Hangga't may hininga ako, p-patuloy kong sisirain ang buhay ni Felipe para kahit sa ganoong paraan man lang, m-makabawi ka sa mga kasalanang ginawa niya sa 'yo..." nauutal niyang sabi habang nakahawak sa lapida kung saan nakaukit ang buong pangalan ng paboritong anak.

Isang oras ang ginugol ng matanda sa pagbabantay sa puntod ng lalaki bago nila iyon nilisan para magbalik sa headquarters ng Dragon Breath.

"BUENAS noches, Abuela!" bati ni Maria Lucia kay Lola Glavosa niya. Nais niyang makuha ang loob nito kaya dito niya unang pinatikim ang niluto niyang Chicken Alfredo para sa kanilang hapunan.

"Alam ko pong mahilig kayo sa pasta, Abuela. Sana matikman n'yo po itong akin." Saka niya itinuro sa palad ang pagkain na bagong luto pa lang at medyo umuusok pa.

Umupo ang matanda sa lamesa at pinagmasdan ang pagkaing inihanda niya. "Sa lahat ng puwedeng lutuin bakit ito pa? Palaging ganito ang kinakain ko sa America. Sawang-sawa na 'ko rito!"

Napalunok ng laway si Maria Lucia. "Lo siento, Abuela!" paghingi niya ng tawad. "Pero baka gusto n'yo pa rin pong tikman. Sigurado akong hindi kayo magsisisi. Alam n'yo ba, iyan din ang niluto ko sa kauna-unahang paglabas ko noon sa isang TV show. Marami po ang humanga sa akin dahil d'yan!" may pagmamalaki pa niyang sabi.

Tinitigan siya ng matanda. "Sinasabi mo ba sa akin na dito ka sumikat sa pagkaing ito? Hindi mo ba alam na hapunan lang namin ito sa Italy noon? At miryenda ko lang din 'to sa America? Pinagsawaan na namin 'yan!"

Hindi na nakapagsalita pa si Maria Lucia. Parang binalot na siya ng matinding kahihiyan. Napayuko na lamang siya habang nag-iisip ng sasabihin.

"Pero sige. Titikman ko na rin para hindi makababa sa pinagmamalaki mong career." Dinampot na ng donya ang tinidor at tumikim ng kaunti.

Sa isang subo pa lang nito, inusog na nito palayo ang plato. "Santa madre de la mierda! Ang pangit ng lasa! Hangal ang nagsasabing ikaw ang pinakamagaling na chef dito! Eres el peor cocinero de todo el mundo, la galaxia y el universo!" Dinura pa nito sa mismong pinggan ang isinubong pagkain.

Muling napalunok ng laway si Maria Lucia. Parang maiiyak siya sa ginawa ng matanda. Ngayon lang siya nakaranas na may pumintas sa luto niya at dinuraan pa ng ganito.

"Mas mabuti pa kung magluto ka na lang ng adobo ngayong hapunan. Iyon ang paborito kong pagkain dito sa Pinas. Don't try to impress me with your pasta. Kahit mahilig ako sa pasta, hindi ko pa rin type ang luto mo. Parang mga street food lang sa tabi-tabi na lasang kanal!"

Tumayo na ang matanda at tinalikuran siya.

Umiiyak na pinasok ni Maria Lucia ang silid ng kanyang ate. Gulat na gulat naman si Maria Isabel nang makita ang makeup niya sa mga mata na halos sumabay na sa pagpatak ng luha niya.

"Dios mio! Que paso, Hermana?" anang babae sa kanya, tinatanong kung ano raw ang nangyari.

"Nagluto ako ng pasta para kay Abuela. Pero nilait lang niya ito at dinuraan pa. Sinabi pa niya na lasang kanal daw at katulad lang daw ng mga lutong ulam sa tabi-tabi," sumbong ni Maria Lucia saka umupo sa tabi ng babae.

"Que demonios! Sinabi niya 'yon?"

"Ngayon lang may namintas nang ganito sa luto ko. Sobrang sakit ng mga sinabi niya, pati kung paano siya magsalita. Sing talim ng kutsilyo. Para niya akong sinaksak sa puso."

"Ano ka ba naman! Huwag ka ngang magpaapekto sa sinabi ng matandang 'yon! Tiyak akong naghahanap lang 'yon ng maipipintas sa 'yo dahil ayaw niya nga sa ating lahat! Galit nga siya sa atin dahil inaakala niyang masaya tayo sa 'pagkamatay' niya! Kanino ka ba mas maniniwala? Sa kanya o sa mga taong natikman na ang iyong luto at nagsabing ikaw ang pinakamagaling na chef?"

Doon bahagyang nahimasmasan si Maria Lucia. Tama nga naman ang ate niya. Hindi niya kailangang magpaapekto sa opinyon ng isang tao lamang. Mas marami pa rin ang nakatikim ng mga luto niya at nagsabing magaling talaga siya. Kahit siya, alam din naman niya kung tama ba ang pagkakatimpla niya sa bawat sangkap o hindi.

Sadyang naghahanap lang ng paraan ang matanda para mapagbuntungan siya ng galit. Dahil dito, pinunasan na niya ang mga luha at humarap sa ate.

"Muchas gracias, Hermana. Tama ka nga naman. Hindi ko kailangang magpadala sa sinabi niya. Pero hindi rin ako titigil hangga't hindi ko siya napapapuri sa mga luto ko. Umaasa pa rin ako na balang araw, may maririnig din akong magandang salita sa kanya para sa akin."

"Tama 'yan! Ganyan lang dapat. Tatagan mo ang iyong loob at iwaksi sa isip ang mga bagay na hindi makakatulong sa iyo. Mabuti pa suklayin mo na lang ang buhok ko dahil medyo makati."

Sabay silang tumayo ng kanyang ate at nagpunta sa harap ng salamin. Sinuklay-suklay niya ang buhok nito habang pinag-uusapan naman nila ang tungkol sa kanilang mga kasintahan.

TINANGHALI na ng gising si Maria Isabel. Pagbangon sa kama, nakita niya ang pagkaing iniwan ng katulong sa coffee table niya. Mabuti na lang at alam na agad ng kanilang mga maid kung ano ang dapat gawin kapag na-late sila ng gising sa umaga. Iyon ay ang magdala ng pagkain sa kuwarto nila para hindi na nila kailangang bumaba pa sa dining area.

Ngunit kinakailangan din niyang lumabas para maghilamos dahil medyo nanuyot ang kanyang mukha. Inayos muna niya ang buhok sa harap ng salamin saka nilibot nang tingin ang silid niya.

Makikita sa paligid ang magkakatabing mga transparent glass na aparador kung saan nakapatong ang lahat ng mga trophy na nakuha niya sa kanyang career sa pagkanta. Sadyang napakarami na ng mga ito at kukulangin ang isang araw kung bibilangin.

Sa kabilang bahagi naman ng pader ay makikita ang naglalakihang mga litrato niyang nakasabit sa matibay at ginintuang mga frame. Lahat ng iyon ay puro larawan niya habang kumakanta sa harap ng stage, suot ang iba't ibang mga customized outfit na pinagawa niya.

Ang kabuuan ng kanyang silid ay nagsisilbi na ring memorabilia. Doon naka-display ang lahat ng mga bagay na may kinalaman sa journey niya sa pagkanta. Awards, costumes, merch, posters, album covers, wax figures, at marami pang iba.

Masaya siyang lumabas ng kanyang silid. Ngunit pagkababa niya sa living room, bumungad sa kanya si Donya Glavosa na masarap ang pagkakaupo sa malambot na sofa habang nanunuod ng TV.

Hindi na niya naisipan pang batiin ito. Wala rin naman itong magandang sasabihin sa kanilang lahat. Tahimik na lamang siyang naglakad para hindi na ito maabala. Ngunit ang hindi niya alam, nakita ng matanda sa repleksyon ng malaking TV screen ang pagdaan niya. Kaya naman ito na mismo ang lumingon sa kanya.

"Tinanghali ka yata ng gising, Maria Isabel."

Napahinto siya ngunit hindi pa rin nagawang sumagot. Nakatitig lang siya rito at naghihintay kung kailan ito magsasalita muli.

"Naalala ko tuloy ang isang kasabihan, na ang taong tanghali nagigising ay tamad at walang mararating sa buhay."

Natawa na lang siya sa sinabi nito. Hindi siya apektado roon dahil bukod sa bihira lang siya magising ng tanghali, alam niya sa sariling malayo na ang kanyang narating. Hindi yata ito na-inform na siya lang naman ang nag-iisang Biritera Queen sa buong Asya.

Ngunit biglang nasira ang mood niya nang marinig ang boses ni Roselia Morgan na kumakanta nang live ngayon sa isang programa sa telebisyon.

Aalis na sana siya para hindi ito marinig. Ngunit bigla naman muling nagsalita ang matanda. "Kilala mo ba ang singer na ito?"

Nakita niyang nakatingin ito sa kanya at tila hinihintay ang kanyang tugon. Isang matipid na tango lang ang binitawan niya.

Muling ibinaling ng matanda ang atensyon sa TV. "Alam mo, sobrang namamangha ako sa talento ng babaeng ito. Pinapanood ko siya lagi noong nasa America pa 'ko. Sobrang galing lang kasi talaga niya. 'Yung mga high notes at whistles niya, ang sarap sa tainga! Sobrang linis pakinggan! Alam mo, hija, bakit hindi mo siya subukang panoorin? Para matutunan mo rin ang tamang pagkanta at pag-belt ng nota."

Nagdilim ang mukha niya sa sinabi nito. Pero hindi na niya ito naisipang patulan at nagpatuloy na lang sa kitchen area. Doon niya naabutan si Maria Lucia na may niluluto na panibagong pagkain. Agad itong bumati sa kanya nang mapansin siya.

"Buena mediodía, mi hermana! Nagdala na yata ng pagkain ang mga katulong sa kuwarto mo. Nakita mo na ba?"

"Ah, oo. Kakain na ako mamaya. Maghihilamos lang sana ako. Kaso sinira pa ng matandang iyon ang araw ko."

"Bakit? Ano ba ang sinabi niya sa 'yo?"

"Pinapanood niya kasi ngayon si Roselia Morgan sa TV. Kinumpara ba naman ako sa starlet na 'yon? Subukan ko raw panoorin para matutunan ko ang tamang pagkanta. Hindi yata siya na-inform na baguhan pa lang sa larangan ang babaeng iyon at marami pa itong kakaining bigas! Ito namang si abuela, puring-puri sa kanya! Ininsulto niya ang pagkatao ko bilang Biritera Queen of Asia!"

Natawa lang si Maria Lucia. "Hay nako! Ikaw na mismo ang nagsabi na huwag makikinig sa mga salita niya. Iwaksi sa isip ang mga bagay na hindi makakatulong sa atin, remember?"

"You're right! Pero hindi ko pa rin tanggap ang pang-iinsulto niya sa akin! Maghintay lang siya. Ipapamukha ko sa kanya na milya-milya ang layo ko sa babaeng iyon. I will make sure na lalong kukulubot ang balat niya sa labis na kahihiyan kapag nakita niyang nilamon ko sa kantahan 'yang Roselia Morgan na 'yan!"

"Muy buena, mi hermana!" sambit naman ng kanyang kapatid. "Ganyan lang dapat! Sisiguraduhin ko rin na mabubulunan siya sa labis na kahihiyan kapag natikman niya ang pinakamasarap na luto ko."

Habang patuloy nilang pinag-uusapan ang kinamumuhian nilang matanda, wala naman silang kamalay-malay sa katulong nilang si Marites na nagtatago sa di kalayuan habang nasa recording mode ang hawak nitong cellphone.

At habang nakaupo naman si Donya Glavosa sa harap ng TV, dinig na dinig din nito sa cellphone na nasa tabi nito ang usapan ng dalawang magkapatid.

Isang mahinang halakhak ang pinakawalan nito. "Tingnan lang natin kung may mapatunayan kayo sa akin kapag gumuho ang mga pinakainiingat-ingatan n'yong career..."

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro