Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 56: Mapaglarong Tadhana

"SAANG lugar mo ba ako dadalhin, Jomar?" iritadong tanong ni Don Felipe sa tauhan habang nagmamaneho ito ng kanyang sasakyan. Si Jomar ang nasa harap at silang dalawa naman ni Nemencio ang nasa likuran.

"Maghintay ka lang, Don. Masayang lugar ang pupuntahan natin, pangako 'yan!" pilyong sagot naman sa kanya ni Jomar.

"Saang lugar ba kasi ito? Dalawang oras na tayong bumibiyahe, ah? Ang sabi ko lang naman, ipaghanap mo ako ng lugar na puwede nating pagkasiyahan ngayon! Bakit hindi na yata ako pamilyar sa lugar na dinadaanan natin?" reklamo ni Don Felipe rito.

"Malapit na tayo, Don Felipe. Nandito na tayo sa Calrat. Ilang minuto na lang, pangako!"

"Calrat! Lubhang napakalayo naman nito! Ang sabi ko hindi tayo lalayo sa Hermosa!"

"Don Felipe, maiintindihan mo lamang ako kapag nandoon na tayo sa mismong lugar. Kaya magpahinga ka na lamang d'yan at maghintay!"

Nagbagsak na lamang ng balikat ang matanda. Kaya lang naman siya nagyaya na magpunta sa lugar na may matinding kasiyahan ay para makalimutan niya ang nangyari kay Edgar. Sanay na siyang makakita ng taong pugot ang ulo o di kaya'y nasusunog nang buhay dahil sa ganitong paraan din niya kadalasang nililigpit ang kanyang mga kaaway.

Pero ang hindi niya inaasahan ay ang makita mismo ang sarili niyang tauhan sa ganitong uri ng pagpatay. Hindi niya iyon matanggap. Hindi naman siya natakot sa nangyari. Pero nangangamba lang siya dahil nangangahulugan ito na may isang taong sa tingin niya ay may kapangyarihan din na kumakalaban sa kanya.

Hindi naman mananakot nang ganito ang taong iyon kung pangkaraniwan lamang ito. Sa hinuha niya ay baka maimpluwensya rin itong tao kaya nagagawa rin nitong gawin ang mga bagay na siya lang dapat ang nakakagawa.

Habang ipinapaimbestiga niya sa ibang mga tauhan ang nangyari kay Edgar, naisipan naman niyang magyaya kina Jomar at Nemencio sa masasayang lugar kung saan puwede siyang makalimot pansamantala sa pangambang may isang makapangyarihang tao na kumakalaban sa kanya nang patago.

Sa paraang ito, hindi siya gaanong lalamunin ng stress at mas madali siyang makakaisip ng susunod na paraan kung paano ito sosolusyonan.

Makalipas lang ang ilang minuto, ipinarada na ni Jomar sa isang private parking ang kanilang sasakyan. Pagkatapos ay naunang lumabas sa kanya ang dalawang tapat na tauhan. Nakagitna lang siya sa mga ito at nakahanda sa kanilang mga bulsa ang mga armas kung sakaling may nagtatagong panganib sa paligid.

Naglakad na sila palabas ng parking lot. Mahigit limang minuto ang nilakad nila bago narating ang Flower Nightclub. Agad silang sinalubong at binati ng mga tagabantay sa labas nang makalapit na sila.


"Natutuwa kami na maging guest ang Gobernador ng Hermosa! Maligayang pagdating sa Flower Nightclub, Don Felipe! Mukhang day-off n'yo yata ngayon, ah? Maraming salamat at dito n'yo naisipang mag-relax at magsaya!" bati sa kanya ng isang tagabantay. Hindi naka-uniporme ang mga ito kaya hindi rin niya masasabing security guard ang mga ito.

Base sa first impressions niya sa paligid at labas ng club, parang pangkaraniwan lamang ito at hindi high class. Pero wala na siyang magagawa dahil nandito na sila. Sinimangutan na lamang niya si Jomar pagkapasok sa loob.


"Bakit dito mo ako dinala sa pipitsuging club na ito! Iniinsulto mo ba ako, Jomar? Ganito na ba kababa ang tingin mo sa akin?" sigaw niya malapit sa tainga ng lalaki dahil hindi na sila gaanong magkarinigan sa lakas ng tugtugan sa loob.

Lumapit din sa tainga niya ang lalaki. "Don, kaya dito kita dinala dahil sikat na sikat ngayon ang club na ito sa online. Alam mo kung bakit? May isang dancer daw kasi rito na kamukhang-kamukha ni Maria Elena! Gusto ko lang malaman ang opinyon n'yo sa kanya."


Dismayado naman si Felipe sa narinig. "Iyon lang ang dahilan kaya dito mo ako dinala? Esto es muy frustrante! Estoy de un humor que mejor ni te cuento! Napakawalang kuwenta naman ng ideya mong iyan para dito ako dalhin! Umalis na tayo, Jomar! Ayoko rito! Isang malaking insulto sa akin ang napakababang club na ito!"

Habang nagngangalaiti sa galit ang Don, bahagya namang kinakabahan si Nemencio. Ano kaya ang sinasabi ni Jomar na may babae raw dito na kamukha ni Maria Elena? Hindi kaya iyon talaga ang Maria Elena at dito ito napadpad matapos itong itapon sa malayong lugar ng hindi kilalang grupo na kumuha rito?

Sa bandang huli, wala ring nagawa ang Don nang kumuha na ng table si Jomar at um-order na rin ng maiinom nila. Padabog na lamang siyang umupo habang nakayuko nang tingin. Ni hindi na niya tinapunan pa ng sulyap ang mestizang babae na sumasayaw sa harap at pinapalakpakan ng mga foreigner sa paligid.

Nang ihatid na ng waiter ang mga order nila, agad itong kinausap ni Jomar. "Kailan lalabas 'yung dancer n'yong kamukha ni Maria Elena Iglesias?"

Bahagya namang napamulagat dito ang waiter. "Ah, si Ms. Clara Mendoza po ba? Siya na po ang next performer natin pagkatapos n'yan!"

Natuwa si Jomar. "O, talaga? Salamat, ah!" Saka ito bumaling kay Don Felipe. "Heto na, Don. Malapit mo nang makita 'yung sinasabi ko sa 'yo. Konting hintay na lang talaga! Pagkatapos nito aalis na tayo."

"Sinayang mo ang oras ko rito, Jomar! Ibabawas ko ito sa suweldo mo!" wala sa loob na tugon ni Don Felipe dahil sa labis na pagkadismaya.

Nang magtapos na ang performance ng mestizang babae sa stage, masigla itong kumaway sa mga audience bago nagsara ang kurtina.

Habang nagkakasiyahan ang mga tao sa kani-kanilang table, kasalukuyan namang naghahanda si Clara Mendoza para sa susunod na engrandeng performance niya sa stage. Nagre-retouch na lamang ito ng makeup at nag-aayos ng gusot na bahagi ng damit sa harap ng salamin.

Nang matapos sa pag-aayos, dali-dali na rin itong umakyat sa harap ng entabladong nababalutan ng pulang kurtina. Naghihintay na lang ito sa pagsisimula ng music bago humataw sa harap ng maraming tao.

Habang natutunaw na sa labis na pagkasabik si Jomar, at habang nakatulala naman sa malayo si Nemencio, lalong lumalakas ang usok sa ulo ni Don Felipe. Gustong-gusto na talaga niyang makaalis doon dahil hindi ito ang lugar na gusto niya. Masyado itong mababa at mumurahin kumpara sa isang taong katulad niya.

Sa kalagitnaan ng kanilang paghihintay, bigla na lang bumukas ang pinto at umalingawngaw sa buong paligid ang boses ng mga pulis. Pati sina Felipe ay gulat na gulat. Nataon pa sa papunta nila roon ang pag-raid ng mga pulis sa lugar na ito na illegal na nag-o-operate.

Napag-alaman kasi ng mga awtoridad na karamihan daw ng mga lalaking dancer dito ay nakakaranas ng s*xu*l ab*se sa sarili nilang amo na kilala sa pangalang Mama Jose. Mahilig daw itong manghalay ng mga lalaki at iniipit sa pamamagitan ng blackmail at video scandal.

Marami sa mga naging dancer dito noon ang palihim na lumapit sa mga pulis para humingi ng tulong. At ngayong nakumpleto na ng mga awtoridad ang ilang buwan na pag-iimbestiga nila nang palihim sa club na ito, doon nila napatunayan na may katotohanan nga ang lahat ng mga kumakalat na usap-usapin dito tungkol sa pang-aabuso sa mga dancer at empleyado.

Bukod doon, napag-alaman din ng mga pulis na may mga illegal website ding pinapatakbo si Mama Jose na pinagkakakitaan din nito bukod pa sa club na ito. Kaya naman nang gabing iyon ang itinakda nila para i-raid ang lugar na ito at arestuhin ang matandang beki.

Dahil doon, hindi na natuloy ang big performance ni Clara na inaabangan ng marami. Agad itong napatakbo palabas kasama ang ibang mga dancers kaya hindi na sila naabutan ng mga pulis doon.

Iyon na rin ang araw na nagsara ang Flower Nightclub. Iyak naman nang iyak si Mama Jose habang pinoposasan ito ng mga awtoridad.

PAGKAUWI ni Clara sa bahay, agad niyang ikinuwento kay Chris ang nangyari. Pati ang lalaki ay gulat na gulat din sa ipinahayag niya.

Sa isip-isip ni Chris, hindi nito akalaing may iba pa palang mga dancer na hina-harrass at inaabuso ang kanilang amo bukod sa kanya. Hindi lang pala siya ang biktima. At ngayong ang mga ito na mismo ang naglaglag kay Mama Jose, ganap nang lumuwag ang pakiramdam nito.

"Nabanggit mo sa 'kin na doon tayo nagkakilala, at matagal ka ring naging dancer doon bago ka namasukan ngayon sa isang hotel. Sabihin mo nga sa akin, Chris, nakaranas ka rin ba ng pang-aabuso kay Mang Jose?"

Matagal bago nakasagot dito ang lalaki. "W-wala," pagsisinungaling nito. "Mapalad ako dahil hindi ako kabilang sa mga inabuso niya. Kilala niya kasi akong magalit. Ako 'yung tipo ng tao na hindi nagpapaapi kahit kanino. Kaya kahit siya ang amo at ako ang empleyado, may kaunting takot pa rin siya sa akin," dagdag pa niya rito para magpa-impress sa babae.

Paniwalang-paniwala naman si Clara dito. "Mabuti naman kung ganoon."

Iniba agad ni Chris ang usapan. "Mabuti na lang din at nakatakas ka agad. Dahil kung hindi, malaking problema ang kahaharapin natin."


Napatango ang babae at sumandal sa sofa. "Oo nga, eh! Natatakot pa naman ako sa kung ano ang puwedeng itanong sa akin ng mga pulis. Kaya nga lang, dahil sa pagkakasara ng Flower Nightclub kanina, nawalan naman ako ng trabaho ngayon."


"Huwag mo nang isipin 'yon!" Bahagyang tumaas ang boses ni Chris. "Mabuti ngang nagsara na iyon ngayon. At least, hindi mo na kailangang magtrabaho roon at ipain ang sarili mo sa mga Kano para lang magkapera."

"Alam ko 'yun. Kaya lang, paano na tayo? Paano na ako makakatulong sa mga gastusin dito sa bahay kung wala na 'kong trabaho?"

Biglang humawak sa magkabilang balikat niya ang lalaki. "Hindi mo na kailangang magtrabaho, mahal ko. Kaya nga ako namasukan sa isang hotel para matugunan ang lahat ng pangangailangan natin sa lumalaking mga gastusin ngayon. Hayaan mo nang ako ang magtrabaho sa ating dalawa. Magpahinga ka na lang muna rito. Panahon na na para talikuran mo ang club na iyon, okay?"

Napatango na lamang siya. "Thank you, Chris. Thank you, love!"

PAGKATAPOS maglinis ni Chris sa buong pasilyo ng ikalawang palapag, umakyat naman siya sa third-floor kung nasaan ang Office of the President.

Sa kaliwang pinto siya in-assign ng supervisor niya para maglinis. Ang katabing pinto naman niyon ang sinasabing opisina mismo ng CEO. Habang ang kuwarto namang lilinisin niya ay ang opisina ng anak ng mismong may-ari ng kumpanya.

Pagpasok niya roon, agad na napasulyap sa kanya ang kanilang President na si Russell Reignor. Ito ang tumatayong President ng Hoshi Group of Companies na binubuo ng iba't ibang kumpanya at mga business units na nagpapakita ng Japanese-inspired services, kabilang na nga rito ang Luckworld Hotel na pinagtatrabahuhan niya ngayon na karugtong lang din ng building na ito.

"Good morning, Sir! Ako nga ho pala ang na-assign dito para maglinis sa office n'yo, Sir," magalang na pagbati niya rito.

Masaya namang humarap sa kanya ang lalaki na nagpagaan sa kanyang loob. "Hi! Nice to meet you! May I know your name again?" tanong nito sa kanya.

Dahil dito, nabawasan ang kanyang kaba dahil hindi naman pala mahigpit ang lalaki. "A-Ako po si Chris Ocampo, ako po ang bagong janitor or utility staff dito po sa Luckworld at Hoshi," magalang na sagot muli niya.

Nang mapansin ng lalaki na puro Tagalog ang sinasagot niya ay nag-Tagalog na rin ito sa kanya. "I see! Kumusta naman ang first week mo rito, Chris?"

"Mabuti naman po, Sir. E-Everything is good naman po," ngiting sagot pa niya.

"Alright! Lalabas din kasi ako ngayon kaya ikaw na muna ang bahala rito. Pagkatapos mo pala, baka puwedeng pahatid na rin sa inventory 'yung mga box na 'yun." Sabay turo nito sa dalawang malalaking box na malapit sa glass window. "Kaya mo bang buhatin? Do you need some assistance?"


"No, Sir. I can lift heavy boxes naman po," pagpapakitang-gilas pa niya.

"Alright, then! Mamayang lunch na ang balik ko rito. Thank you for your time, Chris!" masayang bati nito sa kanya bago ito lumabas ng opisina.

Nagpasalamat din siya rito at agad nang sinimulan ang trabaho roon. Mahigit isang oras ang nagdaan bago siya natapos doon.

Nang masiguradong malinis na ang buong paligid, doon na niya binuhat ang dalawang box patungo sa inventory. Dahil medyo may kabigatan nga ang mga ito, napilitan na siyang gumamit ng elevator.

Ngunit bago pa siya makapasok doon ay narinig niya ang boses ni Russell na pababa sa isang hagdan. Bago pa ito makaliko sa pasilyo kung nasaan siya ay huminto sa paglalakad ang mga sapatos nito.

Narinig niyang may kausap ito at bahagyang tumaas ang boses. Pipindutin na sana niya ang button ng elevator, pero nang marinig niyang binanggit nito ang pangalan ni Felipe Iglesias, doon siya biglang napatda.

Kilala niya si Felipe Iglesias? anas ng isip niya.

Napilitan siyang makinig muna sa pinag-uusapan ng mga ito habang nakatayo sa harap ng nakasarang elevator.

"Saan ka ba kasi nagtatago ngayon, Aaron? Kung talagang tinatanggap mo na ang pakikipagkasundo sa akin, bakit hindi mo sabihin kung nasaan ang location mo? Wala ka pa bang tiwala sa akin? O may balak ka lang makipagtrayduran?"

Dahil medyo hindi maganda ang signal na kinaroroonan ng kausap, napilitan nang i-loudspeaker ni Russell ang cellphone nito sa pag-aakalang ito lang ang mag-isa sa lugar na iyon. Dahil dito ay narinig din ni Chris ang sinasabi ng nasa kabilang linya kahit medyo putol-putol iyon.

"Basta pumunta ka na lang sa tagpuan na sinasabi ko at huwag mo nang alamin ang pinagtataguan ko! 'Yung lugar lang na pagkikitaan natin ang importante rito, Russell! Wala nang iba! Ngayon kung hindi mo rerespetuhin ang confidentiality ng pinagtataguan ko, huwag na nating ituloy ang alyansang ito! Pasalamat ka nga at binalikan pa kita para tanggapin ang alok mo. Na-realize kong hindi ko nga kakayaning kalabanin si Felipe nang ako lang mag-isa. Kaya kailangan ko ang tulong mo! Kailangan kong maipaghiganti si Madam sa sarili niyang anak!"

"Iyon naman pala, eh!" sagot naman ni Russell dito. "Hintayin mo 'ko mamayang hapon d'yan, mga 5pm. Siguraduhin mo lang na magiging maayos ang pagkikita natin at walang bahid ng trayduran, ah? Dahil wala rin akong balak magpadaig sa 'yo, Aaron, tandaan mo 'yan!"

"Wala nang maraming angal. Basta pumunta ka na lang! Siguradong magugulat ka sa mga ipapakita ko sa 'yo. Sa tingin ko, ito ang mas dapat mong ilabas sa araw ng royal visit ng Prinsipe ng England."

Parehong nagtaka at nagulantang si Chris sa mga narinig niya. Hindi niya gaanong maintindihan kung ano ang balak gawin ng mga ito. Pero iisa lang ang natuklasan niya. Mukhang may balak din ang mga ito na ilaglag si Felipe, gaya ng nais niyang mangyari ngayon.

Tila nabuhayan ng loob si Chris. Kung ang mismong Presidente ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya ay may binabalak din kay Felipe, dapat ba niyang sabihin dito ang mga nalalaman niya para makatulong sa pagpapabagsak dito? Sa tingin niya, isa ito sa mga sagot sa problema niya.

Hindi niya magagawa ang minimithing paghihiganti kung wala siyang puwersa. Kung makikipagkasundo rin siya rito, paniguradong mas mapapabilis ang lahat ng mga plano niya. Pero sa kabilang banda ng utak niya ay nalilito pa rin siya at nag-aalangan.

Hindi talaga niya alam kung ano ang gagawin. Kaya naman pinindot na lang niya ang button ng elevator at nang magbukas na ito ay mabilis na siyang pumasok sa loob. Ipinagpaliban na lamang nyia ang pag-iisip. Mamaya na niya ito pagtutuunan ng pansin kapag nakauwi na siya.

SAMANTALA, tuwang-tuwa naman si Maria Isabel sa natanggap na imbitasyon mula sa Legendary Songbird Supremacy na itinuturing pinakamalaking singing program sa buong mundo. Dito lang naman naglalaban-laban ang lahat ng mga beterano at beteranang singer sa pagkanta.

Kada tatlong taon ay nagdadaos ng malaking event ang programang ito kung saan inaanyayahan nilang lumahok ang lahat ng mga beteranong singer sa iba't ibang mga bansa para magpasiklaban sa matinding biritan at kantahan.

Dito masusukat kung sinong bansa ang may pinakamagaling na singer na kokoronahan bilang World's Next Songbird Supreme.

Agad na tinanggap ni Maria Isabel ang imbitasyon ng naturang programa. Sa isip niya ay ito na ang magandang oportunidad para linisin ang kanyang pangalan.

Kapag naipanalo niya ang contest na ito, siguradong dudumugin uli siya ng mga papuri at mas marami uli ang hahanga sa kanya. Dahil kasi sa mga nangyaring issues at controversies na kinaharap niya ay medyo nalaglag ang pangalan niya ngayon sa music industry.

Maraming mga tao ang hati na ang opinyon sa kanya. May mga kinamumuhian na siya at meron pa rin namang ipinagtatanggol siya. Pero kung masusungkit niya ang championship sa legendary singing battle ng programang ito, makukuha muli niya ang atensyon ng lahat.

Kaya naman nang sumunod na araw, agad siyang nagpaunlak ng interview para i-anunsyo ang kanyang pagtanggap sa imbitasyon ng programang iyon.

Tatlong araw pagkaraan niyon, bigla namang pumutok sa headline ang isang anunsyo mula sa panig ni Roselia Morgan na tinanggap din daw nito ang imbitasyon ng naturang programa.

Dito muling umusok ang ulo ni Maria Isabel. Sa pagkakataong iyon, doon naman siya nagwala sa kuwarto nila ng asawa niya sa condo unit nito.

"Esto es muy frustrante! Paano naimbitahan ang bruhang iyon? Hindi naman siya beterana!"

Labis niyang ipinagtataka kung bakit naisipan pang imbitahin ng programang iyon si Roselia Morgan na baguhan pa lang sa industriya.

Ang patakaran kasi ng Legendary Songbird Supremacy ay mga veteran singers lamang na nasa mahigit sampu hanggang dalawampung taon na sa industriya ang puwedeng lumahok. At dahil bagong salta pa lang ito sa naturang industriya, bakit bigla itong inimbitahan doon?

Kaya nga siya naglakas-loob na tanggapin ang imbitasyon ay dahil nakasisigurado siyang hindi makakasali rito si Roselia Morgan dahil masyado pa itong baguhan para makapasok sa career length requirements at qualifications ng naturang programa.

Naabutan siya ni Ronaldo na nagwawala sa harap ng kama at pinagbababato ang mga unan. Agad siya nitong nilapitan at niyakap para awatin.

"What is wrong with you? Noong isang araw napapraning ka sa isang manika, ngayon naman bigla kang nagwawala rito na parang sinasapian! Ano ba kasi ang problema, Maria Isabel!" pagtataas ni Ronaldo ng boses sa kanya.

"Qué demonios estás haciendo! Bitiwan mo ako, Ronaldo! Eso es suficiente!" Kumalas siya sa pagkakayakap nito at naupo na lang sa isang tabi.

Hindi na niya puwedeng bawiin ang pagtanggap sa imbitasyon. Isang malaking kahihiyan iyon sa kanya at sa kahit na sinong singer na umatras sa hamon na ito. Gulong-gulo na naman ang utak niya ngayon sa kung ano ang gagawin.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro