Chapter 54: Taguan ng Sikreto
PAGKATAPOS ng trabaho ni Chris sa baba, nagbihis na agad siya at dumiretso sa opisina ng amo nila sa ikalawang palapag. Pag-akyat niya roon, naghintay pa siya ng sampung minuto bago lumabas ang mga bisita sa loob.
Doon lang siya pumasok at hinarap ang manager nilang bakla na si Joselita. Lumaki agad ang ngiti nito sa kanya nang makita at maamoy siya. "Good evening sa paborito kong dancer! Ano'ng maipaglilingkod ko ngayon sa 'yo, Chris?"
Tumayo si Joselita at nilapitan siya. Nagbagsak na lamang siya ng balikat nang magsimula itong humipo sa kanya at haplos-haplusin ang mga braso niya.
"Mama Jose," wika niya. Iyon ang tawag nilang lahat dito. "Kaya nga pala ako nagpunta rito para magpaalam sa inyo. Magre-resign na po ako."
Doon nahinto ang bakla sa paghipo sa kanya. "What?" parang masama pa ang loob nito sa sinabi niya. Bumalik ito sa puwesto at humarap sa kanya. "Bakit ka aalis?"
"Gusto ko na sanang gumawa ng malaking pagbabago sa buhay ko, Mama Jose," sagot ni Chris dito. Hindi niya alam kung paano sasabihin dito ang totoo.
"What do you mean? Gusto mong magpalit ng trabaho ganoon ba?" matigas ang tinig na tanong ni Joselita.
"Parang ganoon na nga ho. May in-apply-an kasi ako sa isang hotel at natanggap ako roon. Ayoko sanang palampasin ang oportunidad na iyon. Sana'y maintindihan n'yo, Mama Jose."
"Bakit ka naman biglang aalis, Chris? Hindi ka pa ba masaya rito?"
"Mama Jose, tatapatin na kita. Kahit kailan, hindi ako naging masaya sa ganitong trabaho. Napilitan lang ako dahil wala na akong ibang malapitan at mapasuka. Alam mo 'yan. Pero ngayon, may pinto nang nagbukas sa akin sa labas. Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na magkaroon ng disenteng trabaho."
"Bakit? Hindi ba disente ang tingin mo rito sa club ko?"
"Mama Jose, 'yung ginagawa mo sa akin, 'yung panghihipo mo, 'yung pangha-harass mo, na ginagawa mo rin sa ibang mga dancer mo, sa tingin mo ba disente 'yon?" Napabuntong-hininga siya. "Gusto ko lang naman ayusin ang buhay ko. Ano'ng masama sa paghahanap ko ng ibang trabaho?"
"Pero may kasunduan tayo, Chris! Hindi ka aalis dito kapalit ng dobleng sahod na binibigay ko sa 'yo! Baka nakakalimutan mo, sa lahat ng dancer dito, ikaw lang ang sinasahuran ko nang doble dahil sa awa! Alam kong wala ka nang pamilya at wala ka ring narating! Kaya nga binabayaran kita nang doble para magtrabaho sa club ko at galawin ka sa paraang gusto ko!"
"Alam ko 'yun, Mama Jose. At nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tulong na ibinigay n'yo sa akin. Pero sana naman, huwag n'yong ipagkait sa 'kin 'yung pagkakataon na maituwid ko 'yung baluktot kong buhay! Saka ayaw ko na rin namang tumanda rito! Ayokong magkasakit dahil sa kung sinu-sino na lang ang gumagalaw sa akin! Ipagkakait n'yo ba sa akin 'yung kagustuhan kong magbagong-buhay?"
"Hindi ako papayag!" pagtataas ni Joselita ng boses. Batid niyang patay na patay ito sa kanya kaya ganoon na lamang ang reaksyon nito.
"Bakit hindi? Sino ka ba para ikulong ako rito? Pag-aari mo ba ako?"
"Oo! Mula nang magtrabaho ka rito, at magmula nang ibigay mo sa akin ang katawan mo, pag-aari na kita! Binabayaran kita at pinapakain kita!"
"Natanggap na ako sa hotel na in-apply-an ko! Naibigay ko na sa kanila ang mga requirements ko. Nabigyan na rin ako ng schedule kung kailan ako magsisimula. Hindi na ako puwedeng umatras doon! Kaya sa ayaw at sa gusto n'yo, kailangan ko na talagang umalis dito, Mama Jose. Pasensya na!"
Nagkuyom ang kamao ng bakla. "Kapag umalis ka, ikakalat ko ang video nating dalawa!"
Dito hindi nakasagot si Chris. Tila umurong sa takot ang kanyang dila.
"Nakakalimutan mo yata na marami tayong ginawang scandal videos! Kapag inilabas ko lahat ng mga 'yon, tingnan ko lang kung may tumanggap pa sa 'yo! Ano! Huwag mo 'kong subukan!"
Hindi na napigilan ni Chris ang tumayo at ibinagsak ang mga kamay sa mesa nito. "Kung alam ko lang na ganyan pala ang tunay na kulay n'yo, sa lansangan na lang sana ako tumira! Mas gugustuhin ko pang maging pulubi kaysa maging alila mo! Sino ka para ikulong at angkinin ako? Huwag kang mag-alala! 'Pag nakalimang buwan na ako roon sa hotel na in-apply-an ko, babayaran ko lahat ng mga binigay mo sa 'kin! Doble pa! Para kasama na rin 'yung utang na loob ko sa 'yo. Siguro naman dito papayagan mo na ako? Wala nang blackmail-an na magaganap?"
"Hindi magbabago ang desisyon ko, Chris. Kung gusto mong hindi kumalat ang scandal natin, hindi ka aalis. Tapos ang usapan!"
"Hinde!" Tumaas na rin ang boses ni Chris. "Baka nakakalimutan mo rin, Mama Jose, alam ko lahat ng sikreto mo! Alam ko kung gaano karami ang mga drogang itinatago mo sa bahay mo. Alam ko rin na may website kang pinapatakbo kung saan puro mga bata ang isinasabak mo sa p*rn*grapiya! Pati 'yung pagpapasunog sa bahay ng nakaaway mong karinderya sa kabilang kanto, alam ko rin! Dahil nga sa ako ang paborito mo, pati sikreto mo sinabi mo na rin sa akin. May hawak din ako laban sa 'yo. Patas lang tayo! Kapag nilaglag din kita, sa tingin mo sino ang mas maraming mawawalan sa atin? Ako kahit mag-viral pa ako sa scandal natin, at least malaya pa rin ako! Makakapagbagong-buhay ako. E, ikaw? Magiging kaawa-awa ka lang sa kulungan 'pag nagkataon! Kaya bago mo ako hamunin, siguraduhin mong wala ka ring itinatagong baho!"
Tumalim ang mga titig sa kanya ni Joselita. Matagal silang nagkatitigan habang nagbabaga ang paningin nila sa isa't isa. Hanggang sa ito ang unang bumitaw nang tingin at tumayo na rin sa kinauupuan.
"Sige, papayagan kitang umalis. Sa isang kondisyon."
"Ano'ng kondisyon naman?"
"Bigyan mo ako ng kapalit!"
Nangunot ang noo niya. "Kapalit?"
"Siyempre, kung aalis ka rito, kailangan mo ng kapalit! Pero base sa observation ko sa club ngayon, bihira na lang ang mga babae at beki na pumupunta rito. Halos lahat ng nandito puro mga foreigner na. Mga Kano, Chinese, Indians, at mga Afam! Nagsimula ito nang magkaroon na rin tayo ng babaeng mga dancer. Kaya iyon ang gusto kong ibigay mo sa akin. Kapag nakahanap ka ng babaeng dancer na puwedeng pumalit sa 'yo, malaya ka nang lumayas kahit saang lupalop ng mundo."
"Bakit? Marami naman tayong dancer na babae, ah?"
"Kulang pa sila, Chris! Kulang pa! Kailangan ko pa ng kahit mga sampu! Sa dami ng mga kostumer nating afam na naghahanap ng babae, madalas nagkakaubusan sila rito! Pasalamat ka nga at isa lang ang hinihingi ko sa 'yo, eh! Gusto mo gawin ko na ring sampu ang hihingiin kong kapalit sa 'yo?"
"Sige, sige! Bibigyan kita ng kapalit. Hintayin mo lang."
"Okay! Aasahan ko 'yan. Hindi ko na kailangan ng lalaki dahil sapat pa naman ang mga dancer kong lalaki rito. Mas kailangan ko ngayon ng maraming babae dahil mas marketable sila sa mga afam."
Biglang may naisip si Chris. Alam na niya kung saan kukuha ng kapalit. Kaya naman nilapitan na niya ang amo para magpaalam nang maayos dito.
"Salamat, Mama Jose. Basta may kasunduan uli tayo. Hindi mo ikakalat ang video ko, at hindi ko rin ibubulgar ang mga illegal na gawain mo."
Tinitigan siya ng bakla, saka ito nagbalik sa upuan nito. "Tutupad lang ako 'pag nakahanap ka na ng kapalit."
"Huwag kang mag-alala. May ibibigay na 'ko sa 'yo. Basta hintayin mo lang ng ilang araw. Hindi naman kita tatakasan, eh."
"Paano ako nakasisiguradong may ibibigay ka ngang kapalit?"
"Paborito mo ako 'di ba? Kaya dapat magtiwala ka. Matuto kang maghintay kung ayaw mong magkalaglagan talaga tayo."
"Basta umalis ka na lang sa harapan ko ngayon at sinira mo ang araw ko!"
Natawa na lang siya rito at hindi nagtagal ay lumabas na rin siya ng opisina. Sa wakas ay tapos na ang malagim na pamumuhay niya sa club na iyon.
AWANG-AWA si Maria Elena nang masilayan niya sa kauna-unahang pagkakataon si Evandro sa ospital. Hindi niya akalaing ganito kaguwapo ang asawa ng babaeng inagawan niya ng pagkatao.
Kabilin-bilinan sa kanya nina Maria Isabel, isa rin daw ito sa mga dapat niyang sungitan gaya ng ginagawa niya ngayon kina Imelda at Aling Susan. Pero kung ganito lang naman kaguwapo ang susungitan niya, parang hindi niya kaya.
Bukod sa marangyang buhay, ang isa sa pinapangarap niyang makamit ay ang magkaroon ng ganito kaguwapong kasintahan. Ngayong nasa loob na siya ng katauhan ng ibang tao, hindi rin niya palalampasin ang pagkakataon na matupad ito kahit sa ganitong paraan man lang.
Hindi niya kayang maging masama sa lalaking ito. Katunayan nga, habang wala pa itong malay ay binigyan niya ito ng mainit na halik sa labi. Kulang na lang ay higupin niya ang laway niyo sa loob ng bunganga.
Tuwang-tuwa siya sa sarili matapos makapagnakaw ng halik dito. Grabe talaga ang naging pasok ng suwerte sa kanya. Pinagkalooban na nga siya ng magandang mukha, binigyan pa siya ng napakaguwapong asawa.
Hinding-hindi niya hahayaang makuha pa ang moment na ito sa kanya. Pagkauwi nga niya sa mansyon, agad niyang kinausap si Maria Isabel.
"Sorry talaga, sis! Hindi ko keri na sungitan 'yung Evandro na 'yun, eh! Alam ko naman ang role ko rito sa mansyon. Pero sana naman, kahit si Evandro lang, ibigay mo na sa akin. Gusto kong mapalapit sa kanya pagkagising niya. Puwede mo ba akong mapagbigyan doon?" Halos luhuran niya ang babae sa pagmamakaawa.
Nahinto naman si Maria Isabel sa pag-aayos ng buhok nito. Saka ito tumitig nang matagal sa kanya. "Bahala ka. Basta huwag na huwag ka lang gagawa ng ikadududa nila sa 'yo. Lagi mong susundin kung ano ang mga itinuro namin lalo na sa tamang pagkilos ni Maria Elena," mayamaya'y sagot nito sa kanya.
Halos maglulundag siya sa tuwa. "Yes! Thank you, Sis! Thank you, thank you talaga!" Hindi niya napigilang yakapin ito.
Hindi na umangal dito si Maria Isabel dahil batid naman nitong hindi ito ang totoong Maria Elena. Pagkatapos nilang mag-usap ay sabay na rin silang lumabas sa silid nito.
Pareho naman nilang naabutan si Imelda pagkababa nila sa living room. Gumuhit ang tuwa sa anyo ng matanda nang masilayan sila.
"Mukhang tunay ngang nagkabati na kayo, mga anak."
"Yes, Mama. Our feud has ended," sagot dito ni Maria Isabel.
Napangiti ang matanda. "Sana, mabigyan mo rin ako ng pagkakataon na maisaayos ang relasyon nating dalawa."
Nagtirik naman ng mata ang babae. "Porket nagkabati na kami ni Maria Elena, it doesn't mean na willing na rin akong makipagbati sa 'yo. Ibang usapan naman ang issues nating dalawa, at hindi ko masasabing kaya kitang patawarin sa mga bagay na iyon!"
"Anak, ako ang ina n'yong tatlo. Kung nagawa n'yong magkabati at magkaayos, may karapatan din naman akong makipag-ayos sa inyo 'di ba? Wala na si Mama. Wala nang mananakit sa iyo, sa akin, pati sa buong pamilya natin. Ito na siguro ang tamang panahon para tayo'y magkasundo-sundo nang lahat. Di ba't mas masaya ang pamilya kapag sila'y nagmamahalan?"
"Bakit ka ba nakikipagbati sa akin, Mama? Dahil ba sa nakipagbati ako kay Maria Elena? Paano pala kung hindi ko ginawa 'yon, malamang hanggang ngayon siya pa rin ang mamahalin at kakampihan mo! Kaya sorry. Lo siento, Mama. Hindi mo ako madadaan sa ganyan."
Nagulat silang pareho sa ginawang pagtalikod nito. Dali-dali naman itong sinundan ni Maria Elena. Habang si Imelda naman ay naiwan doon mag-isa at mangiyak-ngiyak muli.
MAAGANG gumising si Chris para maghanda ng agahan. Nagpunta siya sa tindahan para bumili ng itlog at tuyo na iluluto niya sa kanilang almusal. Pagkauwi niya sa bahay, naabutan niya si Maria Elena na pinagmamasdan ang ilan sa mga sexy outfit na nakasampay sa tapat ng bintana.
Sinadya niyang ilapit sa puwesto ng higaan nito para madali nitong makita ang mga iyon pag nagising ito. Binili niya ito kagabi habang tulog pa ang babae.
"Gising ka na pala, Clara," bati niya rito.
Bahagya pang nagulat ang babae sa kanya. Naging malikot ang mga mata nito at halatang kabado sa mga kilos. "K-kanino ang mga ito?"
Inilapag muna niya sa isang tabi ang mga pinamili. Saka niya ito hinawakan at pinaupo sa madungis nilang sofa.
"Nawala ang alaala mo dahil sa aksidenteng nangyari sa 'yo, Clara. Iyon ang dahilan kaya pati ako ay hindi mo na rin kilala."
Napakurap ang babae bago nakasagot. "C-Clara ang pangalan ko?"
"Oo. Ikaw si Clara Mendoza-Ocampo. Mag-asawa tayo."
Naguguluhan pa rin ang babae. "P-puwede mo bang sabihin kung ano talaga ang nangyari sa akin?"
"Nagkayayaan kayo ng mga barkada mo noon, Clara. May pupuntahan dapat kayong malayong lugar na pagbabakasyunan n'yo sana. Kaso may nangyaring aksidente. Nabangga ang kotseng sinasakyan n'yo. Mapalad ka dahil nabuhay ka pa. Iyon nga lang, nasawi sa aksidenteng iyon ang tatlong barkada mo. Ikaw lang ang nakaligtas sa kanila. Kaya malaki ang pasasalamat ko sa Diyos dahil hindi ka niya kinuha sa akin."
Napatango naman dito ang babae na tila kumbinsido sa mga kathang-isip na ginawa niya. "P-pero ako. S-sino ba talaga ako?"
Napabuntong-hininga siya. "Ikaw si Clara Mendoza. Ako naman si Chris Ocampo. Ako ang asawa mo." Saka niya hinawakan ang magkabilang pisngi nito.
"M-may asawa ako?"
"Alam kong medyo magulo pa ang utak mo ngayon dahil sa aksidente. Sinabihan din ako ng duktor na huwag kang masyadong nag-iisip. Ang dapat sa 'yo ay magpahinga muna rito sa bahay. Huwag ka munang lalabas dahil mahina ka pa. Aalagaan kita hanggang sa lumakas ka muli."
"Chris?" kunot-noong sambit nito.
"Oo. Iyon ang pangalan ko. Bakit?"
"P-pasensiya ka na. Sobrang dami yatang nawala sa akin. Pasensiya ka na kung hindi kita nakikilala."
"Walang kaso sa akin iyon, Clara. Epekto lang iyan ng aksidente mo. Babalik din naman daw ang mga alaala mo. Medyo matagal nga lang. Basta ang gusto ko lang ngayon ay magpahinga ka rito at huwag ka munang lalabas. Ako na ang gagawa sa lahat ng mga gawain dito, at ako rin ang mag-aalaga sa 'yo."
Dahan-dahang tumango ang babae. "S-salamat."
"Iyon palang mga damit na 'yan, sa 'yo iyan, Clara. Iyan ang sinusuot mo dati sa nightclub na pinagtatrabahuhan natin."
"N-night club?"
"Oo." Sabay ngiti niya sa babae. "Doon tayo nagkakilala. Doon natin natagpuan ang isa't isa. Doon nagsimula ang lahat."
"A-ano ang ginagawa ko roon noong wala pa ang aksidente?"
"Siyempre, ikaw ang nagbibigay ng aliw sa mga kostumer na pumapasok at umiinom doon. Pero huwag kang mag-alala. Nasabihan ko na rin naman ang may-ari tungkol sa nangyari sa 'yo. Okay lang daw sa kanya na magpahinga ka muna. Bumalik ka na lang kung kaya mo nang magtrabaho."
Tumango muli ang babae. "Salamat."
Tuwang-tuwa si Chris sa kanyang loob. Sa wakas ay may maibibigay na rin siyang kapalit kay Joselita.
Bahagyang pumagitan ang katahimikan pagkatapos niyon. "Nakalimutan mo na rin ba kung paano sumayaw?" mayamaya'y tanong niya sa babae na may kasamang pilyong ngiti.
"E-ewan ko. Hindi ko rin maalala kung marunong ba akong sumayaw."
Doon siya natawa. "Ikaw talaga. Hilig mo kaya ang pagsasayaw. Iyon nga ang dahilan kaya nagkagusto ako sa 'yo, eh. Lagi mo kaya akong sinasayawan noon. Ang sayaw mo ang nagbukas sa puso ko para umibig."
Napangiti lang din ang babae sa pagkakataong iyon at hindi na ito nakaisip ng isasagot. Doon siya tumayo at muling kinuha ang mga pinamili niyang itlog at tuyo.
"Magluluto lang ako ng almusal natin. Pahinga ka muna d'yan, ah? Kung may nararamdaman ka, magsabi ka lang agad. Kahapon pala nagising ka na. Pero nakatulog ka rin uli. Ang haba ng tulog mo, eh. Kumusta naman ang pakiramdam mo ngayon?" aniya rito habang hinahanda ang kawali at spatula.
"M-medyo mabigat pa rin ang ulo ko. Pero maayos na ang pakiramdam ko. P-parang mas malakas na ako ngayon kumpara kahapon."
"Kaya magpahinga ka muna. Huwag ka muna masyado magkikikilos baka mabinat ka. Umupo ka lang muna d'yan at subukan mong tumingin sa malayo. Para mabawasan ang bigat ng ulo mo," aniya rito kahit hindi niya alam ang kanyang mga pinagsasasabi.
PAGGISING ni Felipe nang umagang iyon, sa home office agad siya dumiretso. Hindi na siya nakapagbihis o nakapag-almusal pa. Trabaho agad ang nasa isip niya lalo't nagsimula na ang pagpapatayo sa mga imprastrakturang nakapaloob sa Golden Project niya.
Ngunit sa kanyang pagpasok doon, isang manika ang nakita niyang nakaupo sa harap ng mesa niya. Ang manikang ito ay kamukhang-kamukha niya mismo! Dinagdagan pa ito ng kakaibang mga texture sa mukha at maliit na sungay sa magkabilang noo kaya naging nakakatakot ang hitsura nito.
Pero sa hugis ng mukha, sa pananamit, sa scarf na nakapalibot sa leeg, maging sa ayos ng buhok ay kuhang-kuha sa araw-araw na porma niya. Sa kanya nga inihalintulad ang manikang ito!
Nilapitan niya ang manika at hinawakan. Matagal niya itong pinagmasdan bago itinapon sa malayo. Nanlisik ang mga mata niya saka napalingon sa paligid. "May gustong makipaglaro ng kamatayan sa akin sa loob ng mansyong ito... Kung sino ka man... Humanda ka oras na makilala kita..."
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro