Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 53: Nawawalang Alaala

MARIING pinagmamasdan ni Maria Elena ang kanyang sarili sa harap ng salamin. Hindi siya makapaniwalang ganito kaganda ang babaeng itinapal sa kanyang mukha at pagkatao.

Dahil dito, handa na siyang kalimutan ang dating buhay niya bilang si Jizelle Santos na isang mahirap, lumaking ulila sa magulang, at walang ibang naging trabaho kundi maging katulong sa iba't ibang mga malulupit na amo.

Ngayon lang siya nakatagpo ng isang amo na hindi lang naging mabait sa kanya, kundi pinaganda pa siya at ginawang mayaman. Hindi siya makapaniwala na magbabago nang ganito ang lahat sa kanya. Hindi lang ang buhay niya, kundi pati na rin ang buong mukha at katawan niya.

Isa siya sa mga namamasukan noon bilang katulong sa mansyon ng mga Iglesias. Nang si Felipe na ang mag-interview sa kanya, tinanong siya nito kung handa raw ba siyang pasukin ang marangyang buhay kapalit ng buong pagkatao niya.

Sa mga panahong iyon, desperado na talaga siyang yumaman at baguhin ang mahirap na kapalaran. Kaya lahat ng paraan kakagatin niya makuha lang ang pinapangarap na karangyaan sa pinakamadaling paraan.

Dito siya napilitang tanggapin ang alok ni Felipe sa kanya na sumailalim sa plastic surgery para maging impostora ng isa sa mga anak nito. Hindi na siya nagdalawang isip na gawin iyon dahil bukod sa ulila na siya at namumuhay na lang mag-isa, wala rin naman siyang makabuluhang ambag sa mundo para makilala siya ng kahit na sino.

Kaya naman ganoon na lang kadali ang pagpayag niya na itapon ang dating pagkatao para maging impostora ni Maria Elena Iglesias na itinuturing pinakatanyag na vintage fashion icon sa bansa.

Napakaganda nga naman talaga ni Maria Elena. Ang mas maganda pa roon, nasa kanya na ngayon ang buong anyo at pagkatao nito. Hindi lang siya basta gumanda. Naging instant mayaman pa siya. Lahat ng nandito sa mansyon ay pag-aari na rin niya dahil isa siya sa mga anak ni Don Felipe.

Hindi niya akalaing magiging ganito kadali ang pag-angat ng kanyang buhay. Kaya naman kinareer na niya ang pagiging impostor. Kahit paano sa ganitong paraan, mas magkakaroon pa ng saysay ang buhay niya sa mundo.

Pagkatapos niyang paglawayan ang sarili sa salamin, lumabas naman siya para maglibot-libot muli sa mansyon. Naalala niya ang indoor pool na isa sa mga nagustuhan niyang lugar doon.

"Uhm, dapat siguro magbihis muna ako! Parang trip ko maligo, eh! Pero teka, may swimsuit kaya si Maria Elena rito? Dapat siguro tanungin ko muna si Ate Isabel!" sabi niya sa sarili.

Paakyat na sana siyang muli ng kanyang silid para halungkatin ang aparador doon ni Maria Elena, ngunit bigla namang umagaw sa pansin niya ang napakalakas na ingay malapit sa dining area. Napilitan tuloy siyang magtungo roon.

Ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang makitang nakalumpasay si Aling Susan sa sahig at nagkalat sa paligid ang mga buhat-buhat nitong panglinis. Nadulas ang matanda kaya natapon ang tubig na gagamitin sana nito para sa pagma-mop.

Nang makita siya nito, agad nitong tinawag ang pangalan niya at humingi ng tulong sa kanya.

"Ma'am Elena, hija. Buti na lang po narito kayo. Pasensya na po at nawalan ako ng balanse kanina. P-puwede n'yo po ba ako tulungang makatayo? Ang sakit-sakit po ng balakang ko!" mangiyak-ngiyak na wika ng matanda sa kanya.

Sa halip na tumulong ay nandiri pa si Maria Elena na lumapit dito. Hindi na tuloy niya alam ang gagawin. "Diyos ko naman, Manang! Bakit hindi kasi kayo nag-iingat!"

Sakto namang narinig niya ang yabag ng mga heels na suot ni Imelda. May dala itong purse at mukhang paalis ito ng mansyon nang maabutan din sila nito roon. Lumapit ito sa kanila at sinilip ang kaganapan sa dining area.

"Ano'ng nangyayari dito?"

Nagulat din ito nang makita ang matandang nasa sahig. "Dios mio! Aling Susan! Qué te ha pasado?" Agad nitong nilapitan ang matanda at tinulungang makatayo.


Saka naman ito humarap sa kanya. "Maria Elena! Bakit hindi mo man lang siya tinulungan!"

"Kararating ko lang din po rito! Nakita ko lang din siyang ganyan!"

"Kahit na! Dapat tinulungan mo pa rin agad siya! Hindi 'yung hinintay mo pa akong makalapit sa inyo!" Saka nito muling hinarap ang matanda. "Ayos lang ho ba kayo, Aling Susan?"

"Opo," mangiyak-ngiyak na sagot ng matanda. "Pasensya na po sa nangyari. Lilinisin ko na lang ang kalat ko rito. Ipapahinga ko lang po saglit itong balakang ko."

"Sige lang, Aling Susan. Magpahinga ka lang muna. Puwede mo rin namang ipagawa na ito sa ibang katulong. Mahiga muna kayo sa inyong silid kung gusto n'yo," paglalambing naman dito ni Imelda.

Hindi na sinira ni Maria Elena ang moment ng dalawa. Tinalikuran na lang niya ang mga ito at nagbalik na sa kuwarto niya.

Napansin naman ni Imelda ang biglang pagtalikod niya na wala man lang pasabi.

"Pagpasensiyahan mo na si Maria Elena, Aling Susan. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa kanya ngayon."

"Ma'am Imelda, may pinagdadaanan po ba si Ma'am Elena? Kasi po, noong isang araw, sinigawan po niya ako. Parang ibang tao po siya kung magsalita sa akin. Parang nakikita ko na rin po sa kanya sina Ma'am Isabel..."

Binalot ng pagtataka ang anyo ni Imelda sa narinig. Maging siya ay napapansin din ang biglaang pagbabago sa mga kilos ng paboritong anak. Hindi niya alam kung ano ba ang pinagdadaanan nito para bigla itong kumilos nang ganoon.

"Ang totoo n'yan, kahit ako'y may napapansin ding kakaiba kay Maria Elena ngayon. Huwag kang mag-alala, Aling Susan. Kakausapin ko na lamang siya. Pagpasensiyahan mo na lang muna ulit ang alaga mo, ha?"

Tumango na lamang ang matanda at nagpasalamat muli sa kanya.

HALOS walang tulog sa buong magdamag si Russell. Isang araw ang inabot niya para i-recover ang mga audio files na na-hack ni Edgar. Ngayon ay tuwang-tuwa siya at halos pukpukin ang lamesa sa labis na tuwa nang ma-recover niya ang lahat ng mga ito.

Isa-isa pa niyang pinakinggan para makasiguradong walang corrupted sa mga ito. Maayos naman lahat ng audio. Buong-buo. Walang putol. Inilipat na niya ng folder ng mga ito at nilagyan na rin iyon ng password. Saka niya dinagdagan ng proteksyon ang kanyang computer para makaiwas sa iba pang mga hacker.

At para makasigurado, nag-save na rin siya ng kopya sa kanyang USB Flash Drive. Pinasahan din niya ng kopya ang cellphone at flash drive ni Luiz para hindi siya maubusan ng backup. Tripleng paghahanda at proteksyon ang ginawa niya rito para hindi na maulit ang nangyari.

Pagkatapos niyang trabahuhin ito, binisita naman niyang muli si Evandro sa ospital. Naabutan pa niya sina Donito at Elvira na nagbabantay rito.

Agad siyang bumati sa mga ito pagkapasok niya sa ICU. "Good morning, Dad, Mom." Kinamayan naman siya ng mag-asawa at pinapuwesto sa tabi nila.

Sanay na ang dalawa sa pagtawag niya ng Dad at Mom sa mga ito dahil simula pagkabata nila ni Evandro, ganoon na rin ang tawag niya sa mga magulang nito. Hindi na rin kasi siya bago sa Pamilya Bendijo. Parang isang tunay na kapatid na rin ang turin sa kanya ng mga ito para kay Evandro.

"My parents already informed me na baka bukas pa lang po sila makakadalaw rito," mayamaya'y wika niya sa mag-asawa.

Tumango naman ang mga ito at si Elvira ang sumagot sa kanya. "It's okay. Alam naman naming busy rin sila. I am very thankful dahil nariyan ka lagi para kay Evandro."

"I am currently working on this case, Mom. Nag-iimbestiga na kami ng private investigator ko para malutas ang problemang ito. Whoever is responsible for this should be delivered in jail."

"Basta mag-iingat ka. Baka ikaw naman ang mapahamak." Sabay haplos ni Elvira sa likuran niya.

Napayuko na lamang si Russell at ilang saglit pa, nilingon na niya ang kaibigan na malalim pa rin ang pagkakapikit ng mga mata. Umusal siya ng munting dalangin sa isip na sana ay mapabilis na ang paggising nito.

TUWANG-TUWA si Felipe habang inililibot ang media sa bahaging iyon ng Las Iglesias kung saan sinisimulan nang itayo ang ilan sa mga imprastrakturang nakapaloob sa kanyang Golden Project.

Una rito ay ang Felipe Iglesias International Airport na aprubado na ng national government. Ito ang isa sa mga proyektong pinagtutulungan nila ng Presidente ng Pilipinas. Siya ang head sa pagpapatayo niyon habang ang kataas-taasang gobyerno naman ang nagpo-provide ng budget na kakailanganin nila para sa development niyon.

"I am very excited for this project. Ang disenyo ng mga building na ito ay gawa mismo ng kaibigan kong si Donito na CEO ng Bendijo Realty. Isa sila sa mga kapanalig ng aking administrasyon ngayon para maitayo ang lahat ng ito. Gaya ng pangako ko noon, sama-sama tayong babangon muli sa Golden Era ng Hermosa Province!" may pagmamalaking wika ni Felipe sa harap ng camera habang nakabuntot sa kanya ang inimbitang mga media para gawan ng magandang headline ang pagsisimula ng Golden Project niya.

Pagkatapos ng pagharap niya sa media, nagbalik naman siya sa opisina upang asikasuhin ang mga naiwang trabaho roon. Wala siyang mga tauhang naabutan nang mga oras na iyon. Nang silipin niya ang kanyang wrist watch, doon niya nalamang tanghalian na pala. Malamang ay lumabas muna ang mga ito para magsikain.

Tinawag niya ang kanyang secretary na nasa kabilang silid at dito na siya nagpa-order ng pagkain. Nais niyang sa loob na lang ng opisina mananghalian dahil hindi niya puwedeng palipasin pa ng oras ang mga tambak na papeles sa kanyang lamesa.

Nang balikan niya ang kanyang mesa, doon niya napansin ang kahon na nakapatong sa kanyang upuan. Tinanong niya ang kanyang secretary tungkol dito.

"May nagpapabigay ho sa inyo n'yan. Hindi nga lang po nagpakilala kung sino."

Nagtaka naman siya sa sinabi ng babae. Gayunpaman ay na-curious pa rin siyang buksan ang kahon. Nakabalot kasi ito ng birthday wrapper. Mukhang kakilala niya ang taong nagpadala nito dahil alam nito na malapit na ang kaarawan niya.

Pagkatanggal sa balot ng kahon, agad niya itong binuksan. Halos atakihin siya sa puso nang makita kung ano ang laman niyon. Napaatras siya at nagsisigaw. Pati ang secretary niya ay nagulat din sa kanya at napalapit.

"Ano po ang problema, Sir?" tarantang tanong ng babae.

Sumikip ang dibdib ni Felipe sa labis na sindak. Hindi na niya naibuka ang bibig. Itinuro na lamang niya ang kahon na nagbigay ng laksa-laksang kilabot sa kanya.

Nang silipin iyon ng babae, gulat na gulat din ito nang makita ang pugot na ulo roon ng isang tao! Larawan ng pagkagimbal si Felipe. Kung hindi siya nagkakamali, ulo mismo iyon ni Edgar, isa sa mga baguhang tauhan niya na eksperto sa hacking.

Sa labis na takot ay napalabas ng opisina ang secretary niya. Dinig pa niya ang pagsuka nito at pagtakbo sa banyo. Siya naman ay parang gusto ring masuka pero hindi naman siya makapaglakad gawa ng matinding panginginig ng mga tuhod.

Sa kabila ng takot ay naglakas-loob siyang sumilip muli sa kahon at mariing pinagmasdan ang ulo. Hindi siya nagkakamali. Ito nga si Edgar. Ulo nga ito ng tauhan niya! Napaatras siyang muli at nag-isip.

"Qué demonios es eso? Parece que alguien quiere jugar a la muerte conmigo!" asik niya sa sarili, na ang ibig sabihin ay mukhang may nais daw makipaglaro ng kamatayan sa kanya.

Sa isip ni Felipe, siguradong isang taong may matinding galit sa kanya ang puwedeng gumawa nito. Nakatitiyak din siyang kilalang-kilala siya nito, at marami itong alam tungkol sa kanya, pati na siguro sa mga lihim niya.

Noong nakaraang linggo, manikang kamukha ni Donya Glavosa ang nagpapakita sa kanila sa mansyon. Ngayon naman, pugot na ulo na mismo ng tauhan niya. Ano na kaya ang susunod? Hindi na niya hihintayin na malagasan pa uli siya ng mahalagang tauhan.

Nang mga sandali ring iyon ay dinukot niya ang cellphone sa bulsa at tinawagan si Nemencio. "Nasaan na kayo! Bumalik na kayo rito, ngayon din!" sabi niya sabay baba sa telepono, at muling hinagod ang dibdib niyang patuloy pa ring sumisikip.

BINUKSAN ni Chris ang kanyang pitaka. Halos maiyak siya nang makita ang natitirang sampung piso sa kanyang pera. Isang maliit na itlog lang tuloy ang nabili niya rito. Dahil sa katapusan pa ang sahod niya, pinagtiyagaan na lang muna niya ito. Ang mahalaga ay maitawid niya ang nararamdamang gutom sa mga oras na iyon.

Bago pa niya mabasag ang itlog na ipiprito na sana sa umuusok na mantika, bigla naman niyang narinig na lumikha ng ingay ang babae sa higaan nito sa sala. Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makitang gumagalaw na ito at may malay na!

Magkahalong kaba at pagkasabik ang naramdaman niya. Agad niyang pinatay ang kalan at saglit na binitawan ang itlog sa tabi nito. Dali-dali niyang nilapitan ang babae at inalalayan ito sa bawat paggalaw.

Ilang beses niya itong tinanong at kinumusta pero ungol lang ang isinasagot nito. Nang makapa nito ang benda sa ulo, doon lang nito napagtanto na may malay na ito. Unti-unti itong napatitig sa kanya habang tila kinikilala ang kanyang mukha.

Bumakas sa anyo nito ang hindi maipaliwanag na pagtataka. Sinubukan muling kausapin ni Chris ang babae. "Kumusta na ang pakiramdam mo?"

Umungol muli ang babae na tila idinadaing ang mga nararamdamang sakit sa katawan. Ilang sandali pa, muli itong tumitig sa kanya. "S-Sino ka... N-Nasaan ako..."

Biglang nakaisip ng kapilyuhan si Chris. Sa halip na sagutin ang babae, hinalikan na lang niya ito sa labi. Pinatikim niya rito ang mainit niyang mga halik na sa bawat dampi ay tamis ang dala-dala.

Tila nawala ang mga nararamdamang sakit ng babae sa katawan. Maging ito ay nabigla sa ginawa niyang iyon. Hindi naman ito makapalag gawa ng panghihina.

Pagkatapos niyang magalugad ang mga labi nito ay dahan-dahan niyang inilayo ang kanyang mukha rito. Saka niya banayad na hinaplos ang magkabilang pisngi ng babae na bagamat natabunan na ng dungis ay litaw pa rin ang kagandahan.

"Salamat at nagising ka na, Clara..."

Umungol muli ng pagdaing ang babae bago nakasagot sa kanya. "C-Clara?"

Mabilis siyang tumango. "Iyon ang pangalan mo, minamahal ko." Saka niya ito binigyan ng mainit na halik sa noo. "Magpahinga ka na muna. Huwag mong bibiglain ang katawan mo. Kung hindi mo natatandaan, naaksidente ka noong nakaraang linggo. Ngayon ka lang nagising, Clara."

Bahagya namang kumalma ang babae at hindi na pinilit pang makatayo. Panay ang paglinga nito sa paligid na tila pilit nitong inaalala ang lahat pero wala talagang pumapasok kahit katiting na alaala sa utak nito.

Bigla namang tumunog ang cellphone ni Chris. Agad niya itong dinampot sa upuan. Isang numero ang nag-text sa kanya. Bahagya siyang napamulagat nang mabasang galing iyon sa in-apply-an niya noong isang araw.

Greetings, Chris Delvan Ocampo.

This is HR. Ashley of Luckworld Hotel. We're excited to move you forward in our final interview. Your schedule would be on Friday (October 7, 2022) at exactly 9AM. Please confirm in this number for the acceptance of the appointment. Thank you!

Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi. Hindi niya inaasahan na makakarating pa siya sa hakbang na ito. Lalo na't noong initial interview pa lang niya ay hindi na siya gaanong na-satisfied sa mga isinagot niya sa HR. Pakiramdam tuloy niya ay bagsak na siya rito.

Nabuhayan ng loob si Chris. Hinding-hindi na niya palalampasin ang pagkakataong ito.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro