Chapter 52: Ang Mga Ebidensya
KANINA pa tulala si Russell habang nakaharap sa computer. Natigilan lang siya nang lapitan siya ng private investigator niyang si Luiz at hinatiran siya ng kape.
"T-thank you," matipid na sagot niya rito saka muling ibinalik sa computer ang paningin.
"Ano pa ba ang iniisip mo bukod kay Evandro na comatose pa rin ngayon?" tanong sa kanya ni Luiz sabay upo sa isang bakanteng swivel chair.
Narito siya ngayon sa opisina nito para pag-usapan ang magiging plano nilang dalawa. Pero natagpuan na lang niya ang sarili na nakatunganga sa harap ng computer at hindi alam kung saan magsisimula.
"Nanghihinayang talaga ako. Parang 'yung tadhana mismo ang gumagawa ng paraan para pumalpak kami, eh!" iritadong sagot ni Russell dito.
"Bakit naman? Ano ba'ng nangyari?" Sabay higop ni Luiz sa kape nito.
"Noong gabing huli kong makausap si Evandro, napag-usapan naming i-upload na agad ang mga evidence laban kay Felipe. Pero itong p*t*ng in*ng WiFi na 'to, bigla namang nagloko. Na-interrupt tuloy 'yung ina-upload ko. Ang masaklap pa, naputol din ang GPS connection nina Evandro sa akin. Kaya hindi ko na sila na-trace that night. Hindi namin alam ng team ko kung saan kami maghahanap. Alam mo 'yun, Sir Luiz? Tapos na sana ang problema nang gabing iyon, eh! Kung hindi lang napatid ang internet connection ko, hindi sana aabot sa ganito ang lahat! Pakiramdam ko tuloy, ako ang may kasalanan sa nangyari sa kaibigan ko. Hindi ko tuloy sila nailigtas ng asawa niya. Now, they're both suffering in the hands of their own family. Ngayon ko lang na-realize kung gaano kasama si Felipe na isa sa pinakatinitingala sa mga Iglesias! I can't believe how evil he is!"
Tumawa lang si Luiz sabay higop muli sa kape. "Don't blame yourself, Rusell. Hindi natin ginusto ang nangyari. Saka kung may dapat mang sisihin dito, si Felipe 'yun at hindi ikaw. Dahil siya lang naman ang may ginagawang hindi maganda sa sarili niyang pamilya. Hindi aabot sa ganito ang lahat kung hindi dahil sa kasamaan niya. Iyon dapat ang iniisip mo."
"I know, Sir Luiz. Pero bakit naman ganoon? Hinayaan pa ng tadhana na manaig ang kasamaan? Bakit niya hinayaang magtagumpay sina Felipe that night? Napakabuting tao nina Evandro at Maria Elena. They don't deserve this!"
Pansamantalang namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa. Pagkatapos ay agad din itong binasag ni Luiz. "Di ba, may nabanggit ka sa akin na ang una n'yo talagang plano ay i-expose ang mga ebidensya sa araw ng royal visit ng Prinsipe ng England dito sa bansa?"
Tumango si Russell. "Yes, Sir. Iyon ang unang plano namin. At mukhang doon din ang bagsak ko ngayon. Wala na akong ibang option ngayon kundi iyon na lang."
"That's it! I think, gusto ng tadhana na iyong plano n'yong iyon ang mangyare! Alam mo kase, kapag lumitaw sa internet ang lahat ng baho ni Felipe sa mismong araw na iyon, matinding kahihiyan ang kahaharapin niya! Buong mundo, kamumuhian siya! Mukhang ang tadhana na mismo ang nagtuturo sa inyo kung ano ang dapat gawin."
"I think you're right, Sir Luiz. Mukhang iyon talaga ang gustong mangyari ng tadhana. Kaya hindi niya kami hinayaan na magtagumpay sa pangalawang plano namin. Pero bakit naman hinayaan pa niyang umabot sa ganito sina Evandro?"
"Hayaan mo na 'yun. Wala na tayong magagawa do'n. Hindi natin hawak ang mundo, Russell. Mabuti pa, gawin mo na lang ang parte mo. Konting tiis na lang. Hintayin na natin ang itinakdang panahon. Ibigay na natin kay Felipe ang huling halakhak niya. Dahil pagdating ng araw na iyon, tingnan ko lang kung makahalakhak pa siya." Saka nagpakawala ng walang tunog na tawa si Luiz.
Napayuko na lamang si Russell. Saka niya muling ginalaw ang baso niya at humigop ng kaunting kape. Hinarap niyang muli ang computer at pinagmasdan ang mga audio files na naglalaman ng maiinit na ebidensya.
"ANO'NG nangyari sa lakad mo?" tanong kay Nemencio ni Jomar pagkabalik niya sa opisina. Nasa meeting si Don Felipe nang mga oras na iyon kaya silang tatlo muna ni Edgar ang naroroon.
"Wala, eh!" dismayadong sagot ni Nemencio, "hanggang ngayon hindi ko pa rin matagpuan ang katawan ni Maria Elena!"
Nanlaki ang mga mata ni Jomar. "Ano! E, p-paano 'yan? Nilibot mo ba 'yung buong lugar kung saan natin siya dinala?"
"Makalimang beses ko nang nililibot iyon magmula pa noong nakaraang linggo! Kaso wala na talaga! Hindi ko alam kung saan siya dinala no'ng grupo na umatake sa atin!"
"Sa palagay ko mga kakampi iyon nina Evandro," sabat naman ni Edgar sa usapan nila. "Maaaring nakahingi na sila ng tulong noong hinahabol natin sila. Sigurado ako, nailayo na rin nila si Maria Elena ngayon sa lugar na hindi natin alam."
"E, ano na'ng gagawin natin n'yan? Ang alam ni Don Felipe, nagtagumpay tayong mapatay siya! Ano na lang ang mangyayari sa atin kapag buhay pa pala ang babaeng iyon?"
"Huwag kayong mag-alala," pakli muli ni Edgar. "Pinag-aralan ko nang mabuti ang background nina Evandro. Napag-alaman ko na may isa pa silang kakampi na sa tingin ko ay kumakalaban din sa atin ngayon." Saka nito inilapag sa mesa ang litrato ng isang lalaki.
"Sino naman ito?" tanong ni Nemencio.
"Russell Reignor ang pangalan n'yan. Isa sa matalik na kaibigan ni Evandro. Napag-alaman ko na kasama niya ang lalaking iyan noong sumugod sila roon sa malaking drug organization na nag-o-operate dito. Narinig ko rin doon sa recording chip na idinikit ko kay Maria Elena na kakilala raw ng pinsan ng Russell na iyan 'yung TV Reporter na pupuntahan sana nila para ipakalat ang ebidensya. Kung hindi ako nagkakamali, may malaking partisipasyon din ang Russell na 'yan kina Evandro. Sigurado akong kumikilos din 'yan ngayon para pabagsakin tayo, lalo na si Don Felipe."
"Paano ka naman nakakasigurong may kinalaman nga iyan?" tanong naman dito ni Jomar.
"Nakakalimutan mo yata, pare, isa akong hacker! Ako lang naman ang nang-hack sa WiFi niya nang gabing iyon para hindi niya mai-upload ang mga ebidensya! Habang hinahabol natin sila noon, may isa pa akong tinatrabaho na hindi ko sinabi sa inyo. At ito mismo iyon!" pagbubunyag ni Edgar.
"Hanggang ngayon, may access pa rin ako sa computer niya. So far, wala pa akong nakikitang leak sa internet tungkol sa mga ebidensyang hawak niya. Mukhang hindi pa niya ina-upload muli ang mga ito. Naghihintay siguro siya ng tamang panahon. Baka nagpapalamig. Kung kailan tahimik na tayong lahat, doon siya biglang aatake. Alam ko na ang ganoong mga galawan!" dagdag pa nito.
"Kung gayon, ano naman ang naiisip mong plano para mapigilan siya?" tanong muli ni Nemencio dito.
"May inihanda na akong plano sa ungas na 'yon! Sa ngayon kasi, patuloy ko pa ring kinakalap ang buong sulok ng internet para makasiguradong wala pang mga ebidensyang nai-uupload ang kumag na 'yon. Pero huwag kayong mag-alala. Ngayong araw ding ito, matatapos na ang maliligayang araw ng lalaking iyon. Kaya dito na muna kayo, ah? Lalabas lang ako para gawin ang plano ko."
Hindi na nakapagsalita sina Nemencio rito. Hanggang ngayon ay dismayado pa rin siya sa kanyang sarili dahil sa kapalpakan niya. Saan kaya niya hahanapin ang katawan ni Maria Elena? Kailangan talaga niya itong matagpuan at mapaslang bago pa malaman ng kanilang amo na hindi talaga nila ito napatay nang gabing iyon.
PAGKATAPOS maligo ni Russell nang gabing iyon, dumiretso agad siya sa kanyang kuwarto para magbihis. Hinubad niya ang tuwalya sa kanyang katawan at nagsuot ng manipis na sando at pajama na kanyang pantulog.
Saka niya nilingon ang cellphone niyang naka-charge. Pasadong alas-onse pa lang ang oras na nakasaad doon.
Nang makapagbihis ay binalikan agad niya ang computer na kanina pa naka-standby mode. Nagtaka siya dahil parang bumagal bigla ang takbo nito. Bawat galaw ng pointer pati ng mga program na ino-open niya ay may ten seconds' delay.
Naisipan niyang buksan ang isang folder kung saan nakalagay ang mga audio files para inspeksyunin muli ang mga ito. Ganoon na lamang ang pagkagimbal niya nang makitang corrupted na ang mga ito at hindi na niya mabuksan!
Kinabahan siya. Kahit anong gawin niya ay hindi na niya ma-open ang kahit isa sa mga ito. Doon na siya biglang nagduda. Hanggang sa tumunog ang email notification ng cellphone niya.
Agad niya itong binalikan sa kinalalagyan at sinilip ang screen. May isang unknown email na dumating sa kanya. Binasa niya ang laman nito. Napatda siya sa mga bumungad sa kanya.
Kung gusto mong mabawi ang mga ebidensya, puntahan mo ako sa address na ito...
Dumagundong ang dibdib niya. Kasabay niyon ang pagkuyom ng mga kamao. Mukhang may nakakaalam na sa kampo ni Felipe tungkol sa ginagawa niya. Wala na siyang magagawa kundi harapin ang mga ito bago nila masira ang mga ebidensya.
Kahit pusikit na ang dilim ay pinuntahan pa rin niya ang address na ibinigay ng unknown email. Dalawang baril ang dala niya sa magkabila niyang bulsa. Nanginginig ang kamay niya habang nagmamaneho. Hindi niya alam kung ano ang kalalabasan ng gabing ito kaya doble-doble ang panalangin niya na sana magtagumpay siya.
Nang marating na niya ang address na nakasaad sa email, kalmado siyang bumaba ng kanyang sasakyan at nilibot nang tingin ang paligid. Isang malawak at abandonadong basketball court iyon na napaliligiran na ng matataas na damo. Walang mga kabahayan o gusali sa paligid niyon. Halatang malayo iyon sa mga tao.
Sa kabilang panig naman ng court ay nakita niya ang isang sasakyang nakaparada. Di nagtagal ay may bumaba na rin doon na isang lalaki na sa tantiya niya ay kasing edad lang niya. Nakaitim ito, may gloves ang mga kamay, at may suot pang matutulis na bakal sa mga daliri.
Itinapon niya ang lahat ng takot at nilapitan ito. "Sino ka? Ikaw ba ang nang-hack sa computer ko?"
Bigla naman itong tumawa. "Akala mo siguro ikaw lang ang magaling magtago, ano? Akala mo rin siguro, hindi ko alam na balak mong siraan si Don Felipe sa araw ng royal visit dito ng Prinsipe ng England, kaya hanggang ngayon hindi mo pa rin ginagalaw ang mga ebidensyang hawak mo. Tama ba ako?"
"Hindi ko alam kung paano mo nalaman ang mga ito, pero sinisigurado ko sa 'yo na hindi ka magtatagumpay sa binabalak mo. Hinding-hindi mo maililigtas ang amo n'yong demonyo!"
Humagalpak muli ng tawa ang lalaki. "Talaga ba?" Doon inilabas ni Edgar ang baril nito sa bulsa.
Hindi naman nagpadaig dito si Russell. Inilabas din niya ang dalawa niyang baril at itinutok dito.
Nilakasan ni Edgar ang pagtawa nito. "Akala mo lamang ka na sa dalawang baril mong iyan?" Pagpitik nito sa kabilang daliri, nagsilabasan naman sa paligid ang iba pang mga tauhang kasama nito.
Bahagyang kinabahan si Russell nang palibutan siya ng mga ito at tinutukan ng hawak nilang mga shotgun at rifle na di hamak na mas makapangyarihan kaysa sa dalawang maliliit na baril na hawak niya.
Nilapitan siya ni Edgar at inilapit sa kanyang ulo ang hawak nitong baril. "Ibaba mo 'yang mga baril mo kung ayaw mong mapuno ng bala ang buong katawan mo..."
Unti-unting tumalim ang paningin niya rito. Sa kabila ng takot na nararamdaman ay hindi pa rin niya ibinaba ang kanyang mga armas.
"Binabalaan kita sa ikalawang pagkakataon. Kapag hindi mo ibinaba ang mga iyan, sasabog talaga ang ulo at buong katawan mo."
Pero hindi pa rin nagpasindak si Russell. Lalo pa niyang inilapit sa mukha ng lalaki ang dalawang baril niya.
Humagikgik lang muli ito. "Matibay ka, ah." Saka ito sumenyas sa isang tauhan na nasa likuran niya.
Ilang sandali pa, bigla na lang niyang naramdaman ang pagbaon ng isang injection sa kanyang leeg. Sa puntong iyon pa lang niya unti-unting nabitawan ang mga baril niya. Kasunod niyon ang pagbagsak ng katawan niya sa lupa. Nakatulog agad siya sa gamot na itinurok sa kanya.
Ngunit bago pa makagawa ng panibagong aksyon ang mga ito, biglang may umalingasaw na putol ng baril sa di kalayuan na umagaw sa pansin nila. Biglang nagsilabasan sa paligid ang grupo ng mga kalalakihang nakamaskara.
Mas malalaking mga baril at armas ang kanilang dala-dala. Sinubukang makipaglaban ng kampo ni Edgar ngunit sa huli ay nabaril lahat ng mga kasama nito. Nang ito na lang ang matira ay sinubukan nitong tumakbo at tumakas ngunit nabaril naman ito sa binti.
Nang madapa ito sa lupa ay nilapitan ito ng matangkad na lalaking nakamaskara at tinutukan ng baril sa ulo. "Kung gusto mo pang mabuhay, ilaglag mo ang sarili n'yong amo. Ilaglag mo si Felipe Iglesias!"
"At bakit ko gagawin iyon? Sino ka ba para utusan ako?" pagmamatigas ni Edgar.
"Ayaw mo? Bahala ka. Madali akong kausap. Huling tanong, huling sagot. Gusto mo bang mabuhay? O ilalaglag mo ang sarili mong amo?"
"Wala kang mapapala sa akin! Hinding-hindi ko ilalaglag ang sarili kong amo!"
"Sige. Goodbye!"
Kasunod niyon ang biglang pagputok ng hawak nitong baril. Bagsak agad ang katawan ni Edgar sa lupa. Ang lakas ng tagas ng dugo sa bahagi ng ulo nito na tinamaan ng bala. Sa isang iglap ay nagwakas ang buhay nito sa hindi inaasahang pangyayari.
NANG magising si Russell, natagpuan na lang niya ang sarili sa loob ng isang tumatakbong sasakyan. Agad siyang napalingon sa tabi niya. Gulat na gulat siya nang makita ang isang lalaking nakamaskara.
"S-sino ka!"
Binagalan ng lalaki ang pagmamaneho at hinubad ang suot nitong maskara. Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang masilayan si Aaron.
"I-Ikaw?"
Ngumisi naman si Aaron sa naging reaksyon niya. "Bakit? Akala mo napakulong n'yo na ako?"
"A-Aaron!"
"Yes! Buti at naaalala mo pa ako? If I'm not mistaken, ikaw ang kaibigan ni Evandro 'di ba? Kayo 'yung nagpabagsak sa grupo ko!"
"Ano na naman ang binabalak mo ngayon! Pakawalan mo ako!"
Nagtaas ng dalawang kilay ang lalaki. "Grabe ka naman! Kung makaasta ka para namang binihag kita! Hindi ikaw ang target ko! Kaya nga niligtas kita, eh!"
Nangunot naman ang noo rito ni Russell. "Bakit mo naman ako niligtas? Kaaway mo rin ako 'di ba?"
"Nagbabakasakali lang kasi ako na baka may alam ka. Kayo ni Evandro."
"Tungkol saan naman?"
"Sa kung sino ang pumatay kay Madam Glavosa!" Sabay harap nitong muli sa kanya.
Nagtaka muli si Russell. "Glavosa? Is that Felipe's mother?"
"Alam kong may galit din si Evandro kay Madam Glavosa dahil sa ginawa namin sa kanya. Kaya isa ngayon si Evandro sa mga suspect ko. Kung hindi mo sasabihin sa akin lahat ng nalalaman mo, pasasabugin ko rin 'yang ulo mo gaya ng ginawa ko roon sa kalaban mo kanina!"
"W-what do you mean? P-pinatay mo 'yung lalaking kaharap ko kanina?"
"Yes! Nagmamatigas kasi, eh! Akala naman niya madadala niya ako sa pagtapang-tapangan niya! Ayan tuloy ang napapala ng g*g*ng 'yon! Kaya ikaw, magsalita ka na kung ayaw mong maubos ang kaunting awa ko sa 'yo!"
"Wala kaming kinalaman sa pagkamatay ng matandang lover mo. At lalong walang kinalaman dito si Evandro! Nasa Spain sila ni Maria Elena noong may hindi magandang nangyari kay Donya Glavosa! Wala sa kanila ang pumatay sa paborito mong amo!"
"Kung ganoon, sino sa tingin mo?"
Bahagyang napaisip si Russell. "Bakit ako ang tinatanong mo? Anong malay ko sa pagkamatay ni Donya Glavosa! Hindi rin naman siya ang target namin ngayon! Kundi si Felipe! Siya lang naman ang dahilan kaya malala pa rin ang lagay ni Evandro hanggang ngayon! May mga ebidensya akong hawak laban sa kanya pero sinira ng isa sa mga tauhan niya! Kaya nga ako napadpad dito, eh! Pero bigla ka rin namang sumingit at hindi ko alam kung ano naman ang purpose ng pagpunta mo rito."
"Matagal ko na ring tinitiktikan ang mga tauhan ni Felipe. May ibinigay sa akin si Madam bago siya mamatay. Mga ebidensya rin iyon laban sa kanya. Gusto niyang ibulgar ko si Felipe sa publiko para masira ang iniingatan nitong pangalan. Kaya rin ako napunta rito dahil dito ako dinala ng GPS na nilagay ko sa kotse ng mga tauhan niya!"
Bahagyang nangunot ang noo ni Russell sa narinig. "May ebidensya ka ring hawak laban kay Felipe? Hindi mo pa ba naiisip, Aaron? Mukhang si Felipe nga ang pumatay sa matanda mong lover! Isipin mo na lang, kung may ipinasang evidence sa 'yo si Donya Glavosa laban sa sarili niyang anak, ibig sabihin ay may matindi rin silang away ni Felipe. Walang ibang puwedeng pumatay sa kanya kundi si Felipe lang din, lalo na't gagawin nito ang lahat para maprotektahan ang pangalan nito."
"Iyon na nga ang ginagawa ko ngayon. Iniimbestigahan ko sina Felipe hanggang sa makuha ko ang katotohanang hinahanap ko."
"E, bakit mo pa kami pinagbibintangan ni Evandro?"
"Naninigurado lang ako! Lahat ng may galit kay Madam ngayon ay mananatiling suspect sa isip ko!"
"Kung ganoon, alisin mo na si Evandro sa mga suspect mo. Wala siyang kinalaman dito. Mag-focus ka na lang kay Felipe. O kung gusto mo, makipagtulungan ka na lang sa amin."
Nagsalubong naman ang dalawang kilay ni Aaron. "Bakit ko naman gagawin iyon? Kayo nga ang sumira sa grupo ko 'di ba? Akala n'yo ligtas na kayo? Pagkatapos kong paslangin ang pumatay kay Madam, kayo naman ang isusunod ko!"
"Puwede ba, Aaron, huwag mo na kaming isama sa galit mo! Ginawa lang namin iyon para iligtas si Maria Elena sa binabalak n'yo sa kanya noon ni Donya Glavosa! Ngayong wala na ang magaling mong amo, hindi mo na dapat kami kinakalaban pa. Lalo na't iisang tao lang ang tinitiktikan natin ngayon. Si Felipe ang kalaban natin ngayon dito!"
"Hindi pa rin sapat na dahilan 'yon para makipagtulungan ako sa inyo. Dahil una sa lahat, hindi ko kayo kailangan. Kaya kong gawin ang trabaho ko nang wala kayo!"
"Kung hindi ka makikipagtulungan sa amin, ikaw naman ang ilalaglag ko!"
Kumulubot ang noo sa kanya ni Aaron. "Bakit? Ano ba'ng kaya mong gawin? Dito pa nga lang sa lakad mo pumalpak ka na, eh! Kung hindi pa kita sinagip kanina, baka ngayon patay ka na! Ano pa kaya ang magagawa mo para ilaglag ako?"
"Sa pagkakaalam ko, nakakulong ka ngayon. Binalita pa nga sa TV noon 'yung pagkakahuli sa 'yo. Pero ngayon nandito ka. Pagala-gala. At base sa mga sinabi mo sa 'kin kanina, lumalabas na matagal ka nang wala sa kulungan. Dahil hindi ka naman makakapagmasid sa mga tauhan ni Felipe kung nakakulong ka pa rin 'di ba? Kaya sabihin mo nga sa akin, matagal ka na bang nakatakas? O pekeng Aaron ang nakakulong doon ngayon?"
Bahagyang gumuhit ang kaba sa anyo ni Aaron dahil sa sinabi niyang iyon. Nginisian naman niya ito para ipakita na hindi siya nito mauutakan.
"Pareho lang tayo ng taong kinakalaban ngayon, Aaron. Iisang tao lang ang gusto nating mapabagsak. Kung hindi ka makikipagtulungan sa akin, baka hindi mo na magawa ang mga plano mo dahil paniguradong babalik ka sa kulungan kapag ibinulgar kita. Pero kung hindi mo ako pahihirapan, wala tayong magiging problema. Pareho pa nating makakamit ang hustisya na gusto nating makuha. Kaya mamili ka."
Nabigla naman siya nang maglabas ng baril si Aaron at itinutok sa kanya. Sinubukan niyang kapain ang kanyang bulsa. Laking pagtataka niya dahil nandoon ang isang baril na sa pagkakatanda niya ay nabitawan niya kanina nang mawalan siya ng malay. Inilabas din niya ito at itinutok sa lalaki. May ilang minuto silang nagtutukan ng baril habang namamagitan ang katahimikan sa pagitan nila.
"Kahit niligtas mo 'ko kanina sa pagkaka-corner sa akin, hindi ibig sabihin niyon na hindi na kita kayang labanan. Wala namang mawawala sa 'yo kung makikipagtulungan ka sa amin, eh. Kung gusto mong malaman ang pumatay sa amo mong matanda, kailangan mo rin ng mga kasama na hindi nagtatago gaya ng mga tauhan mo. Ako, sigurado akong mas marami akong magagawa kaysa sa 'yo dahil wala akong krimen na pinagtataguan. Madali akong makakalabas-pasok kahit saan, pati na sa mansyon ng mga Iglesias. Ikaw? Hanggang tago ka lang. Sa tingin mo ba makakakilos ka nang maayos kung kailangan mong magtago nang magtago? Trust me, Aaron. Mumurahin ka lang ni Donya Glavosa kapag maaga kayong nagtagpo sa impiyerno. At kapag nahuli ka pa ng mga pulis, o di kaya nina Felipe, tapos na ang lahat sa 'yo! Alam mo ba 'yon?"
Humalakhak naman si Aaron sa sinabi niya. "Mukhang hindi mo pa yata ako kilala. Hindi mo pa alam ang kaya kong gawin, eh! Masyado mo akong minamaliit."
"Hindi kita minamaliit. Sinasabi ko lang ang mga consequences na maaaring mangyari kapag pumalpak ka kahit konti. Kaya kung aanib ka sa amin, makakasigurado ka pang may magandang ibubunga ang lahat ng mga planong gagawin mo. Pasalamat ka nga at handa akong pagtakpan ka sa mga pulis kahit ang laki-laki ng kasalanan mo."
Sa pagkakataong iyon, hindi na siya sinagot ni Aaron. Ibinaba na rin nito ang baril sa kanya. May pagkakataon ito para tapusin ang buhay niya sa loob mismo ng kotse nito pero wala itong ginawa. Nanatili lang itong tahimik habang binibilisan ang pagmamaneho.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro