Chapter 50: Paghari ng Kasamaan
WALA pa ring malay si Evandro sa ospital. Magdamag siyang binantayan doon ng mga magulang niya. Ang alam lang nina Donito at Elvira, naaksidente ang dalawa sa pagmamaneho nang gabing iyon. Napagdiskitahan daw umano ito ng mga sindikato ayon kay Felipe.
Kasalukuyan na raw nitong pinaiimbestigahan ang nangyari kaya wala na raw dapat silang gawin kundi ang magbantay na lang sa kanilang anak. Pati ang nawawalang si Maria Elena ay tinatrabaho na raw ngayon ng mga awtoridad.
Dahil malaki ang tiwala ng mag-asawang Bendijo kay Felipe ay pinaniwalaan na nila ang mga sinabi nito.
Pagsapit ng tanghali ay napilitan ang mag-asawa na bumalik saglit sa opisina para asikasuhin ang natitira nilang trabaho roon. Oras na matapos nila iyon ay liliban muna sila ng ilang mga araw para tutukan ang pagbabantay sa kanilang anak.
SINAMANTALA ni Felipe ang pagkakataong iyon. Sinigurado niyang wala nang tao nang pasukin niya ang silid ni Evandro. Nilapitan niya ito at siya mismo ang nagturok ng injection dito. Nang maubos na niya ang laman ng gamot ay itinago niya ang pinaggamitang injection at mabilis na nilisan ang silid.
"Wala na kayong dapat ipag-alala. Nagawan ko na ng paraan ang kay Evandro. Hindi na natin siya problema ngayon," pahayag ni Don Felipe sa kanyang mga tauhan nang makauwi na siya.
Dahil batid na rin ng lalaki ang tungkol sa mga baho niya, naisipan niyang turukan ito ng isang gamot na magpapa-comatose dito. Sa paraang iyon ay matagal-tagal itong hindi magigising at makakalabas ng ospital na iyon.
Magkakaroon siya ng sapat na oras at panahon para matapos ang solusyon sa problema nila kay Maria Elena.
Kapag dumating ang panahon na nagising na si Evandro, paniguradong nagawan na niya ng paraan na baligtarin ang lahat ng anumang ebidensya na hawak ng mga ito sa kanya. Kaya kahit magalit pa ito sa kanya ay wala na itong magagawa. Mapapahiya lang ito sa marami.
Kaya habang wala pa itong malay ay ginagawa na nila ang lahat para mahanap ang mga ebidensyang hawak ng mga ito laban sa kanila. Ang plano naman niya kay Maria Elena ay malapit-lapit na ring matapos.
Pilit namang nagpakawala ng matipid na ngiti sina Jomar, Nemencio, at Edgar sa ibinalita ng kanilang amo, kahit ang totoo ay hindi sila ganap na masaya sa kanilang loob, dahil may isa silang kapalpakan na hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ng Don.
MATAGAL na pinagmamasdan ni Chris ang wala pa ring malay na si Maria Elena habang nasa likuran naman niya ang kaibigang si Joshua. Pareho nila itong binabantayan sa harap ng mahabang upuan na iyon na yari sa kawayan.
Ito ang tumulong sa kanya para gamutin ang babae nang hindi dinadala sa ospital. May background kasi ito sa medisina dahil parehong duktor ang mga magulang nito at Nursing din ang kursong tinapos. Ito lang ang tanging malalapitan niya pagdating sa ganoong mga bagay.
"Pare, hindi mo ba kilala kung sino 'yan?" mayamaya'y tanong sa kanya ni Joshua.
"Bakit, sino ba ito?" sagot naman niya rito.
"Ano ka ba! Iyan lang naman ang isa sa mga anak ni Governor Felipe! Si Maria Elena 'yan. Isa ring Iglesias 'yan! Imposibleng hindi mo kilala 'yan, eh, ang dami raw kaya n'yang natulungan sa Las Iglesias. 'Di ba tagaroon ka naman dati?"
"Oo," saglit siyang huminto, "at oo, kilala ko rin ang babaeng ito."
"O, 'yun naman pala, eh! Bakit hindi mo siya nakilala noong una pa lang?"
"Hindi naman niya kasi kami naabutan ng tulong kaya hindi ko siya naging lubusang kilala. Si Felipe lang ang kilala ko dahil iyon lang naman ang palaging nagpapakita tuwing eleksyon. Pero hindi mahagilap kapag nangangailangan."
"Bakit, ano ba'ng nangyari? 'Di ba mabait daw 'yan si Governor Felipe?"
"Iyon ang ibinabalita sa inyo ng media. Pero ako, kilala ko si Felipe. Kilalang-kilala ko ang taong pumatay sa tatay ko..." pagkasabi ni Chris doon ay nagbalik-tanaw siya sa nangyari.
Nang gabing iyon na umuwi siyang luhaan sa in-apply-ang trabaho ay napansin niya ang bakas ng kaguluhang naganap sa kanilang lugar. Pag-uwi niya sa kanilang tahanan ay wala na rin doon ang tatay niya.
Ayon sa mga napagtanungan niya, sumugod daw ito kina Felipe dala ang sandata nito. Biglang kinabahan si Chris. Agad niyang hinanap ang ama at sinubukang puntahan ang balwarte ng mga Iglesias.
Sa malayo pa lang ay natanaw na niya ang kanyang ama na harap-harapang nakikipagsagutan kay Felipe. Kitang-kita rin niya kung paano ito duruin at titigan ng masama ng kanilang Gobernador.
Ilang sandali pa, bigla itong nilapitan ng isang tauhan at pinalo ng bato sa batok. Kitang-kita niya kung paano nawalan ng malay ang kanyang ama at bumagsak sa lupa. Binuhat ito at isinilid sa likod ng sasakyan.
Palihim na sinundan ni Chris ang destinasyon ng mga ito. Hanggang sa dalhin siya ng mga paa sa isang liblib na lugar na medyo malayo na sa kabihasnan. Doon niya nakita kung paano pahirapan ni Felipe ang kanyang ama.
Awang-awa siya rito. Nais man niya itong tulungan at lapitan ay wala siyang magawa. Natatakot din siyang mapahamak lalo na't lahat ng mga tauhan nito ay tila armado. Wala siyang kalaban-laban sa mga ito kung sakali.
At kung alam lang din siguro ni Mang Julian na naroroon siya, malamang ay hindi rin siya nito papayagan na lumapit doon para hindi siya madamay.
Sa sumunod na eksena ay nanlaki ang mga mata ni Chris. Halos patiran siya ng hininga kung paano binaril ni Felipe sa ulo ang kanyang ama. Pagkatapos ay pinugutan pa nito iyon ng ulo gamit ang sarili nitong sandata. Saka nito itinarak sa dibdib ng matanda ang naturang armas.
Doon na siya tumakbo palayo at napasandal na lang sa isang puno na medyo malayo na sa lugar na iyon. Doon niya ibinuhos ang rumaragasa niyang mga luha. Nagkuyom ang kanyang mga kamao habang sumisigaw ng hustisya ang buo niyang pagkatao.
Mula noon, ipinangako niya sa sarili na magsisikap siya upang maipaghiganti ang ama. Para labanan si Felipe, kailangan niya ng malaki-laking pera at puwersa. Kahit alam niyang walang kasiguraduhan na magagawa niya iyon ay itinaga pa rin niya sa buwan.
"Magbabayad kayo... Magbabayad ka, Felipeee!"
Nang mahinto sa pagbabalik-tanaw si Chris ay hindi niya namamalayang tumutulo nang muli ang luha sa kanyang mga mata. Napansin din ng kaibigan ang kanyang pag-iyak.
"Uy, ano na naman ang nangyari sa 'yo? Iniiyakan mo ba 'yan si Maria Elena?"
Mabilis niyang pinunasan ang mga luha. "Wala ito." Saka niya nilingon ang kaibigan. "Malaki ang kasalanan sa akin ng ama ng babaeng ito. Ngayong hawak na natin ito, puwede natin siyang gamitin laban sa kanyang ama."
"Ano? Hindi kita ma-gets! Ano na namang gagawin mong hinayupak ka? Wala ka na bang maisip na matino?"
"Hindi mo alam ang pinagdadaanan ko!" mariing sagot niya rito. Natahimik tuloy ang lalaki dahil doon.
Hindi pa rin kasi niya nakukuwento kahit kanino ang katotohanan sa pagkamatay ng kanyang ama. Wala pa siyang pinagsasabihan nito sa kahit na sino sa mga kaibigan at kakilala niya. Hindi niya alam kung kailan siya magiging handa na sabihin ito. Ang gusto lang muna niya ngayon ay manatili rito ang babaeng ito.
Naisip ni Chris, maaari niyang magamit ang babae laban sa sarili nitong ama. Puwede niya itong gawing instrumento para makagawa ng hakbang sa kung paano lalabanan si Felipe. Ngayong hawak niya ang isa sa mga anak nito, lalong lumakas ang loob niya kahit wala pa rin siyang pera at puwersa. Naniniwala siya na sa pamamagitan ng babaeng ito, magagawa niya ang mga plano niya.
"ANO nga pala ang dahilan at inimbita mo ako rito, Hermana?" tanong ni Maria Lucia sa kapatid habang naghihintay sa kanilang order sa isang fancy restaurant.
Ngayon lang uli sila nagkausap nang sarilinan dahil sa dami ng mga nangyari noong nakaraan. Matagal siyang pinagmasdan ni Maria Isabel bago ito nagsalita.
"Gusto kong magtapat ka sa akin, Maria Lucia. May kinalaman ka ba sa pagkamatay ni abuela?"
Nabigla siya sa tanong na iyon ng hermana. Napalunok siya ng laway at mabilis na nag-isip ng sagot. "Bakit mo naman naitanong 'yan, Hermana?"
Bakas na bakas ang lumalalim na depresyon sa anyo ni Maria Isabel. "Hindi pa rin ako natatahimik sa pagkawala ni abuela. Kahit alam kong hindi ako ang pumatay sa kanya, parang ako pa rin ang inaatake ng kunsensya! Gusto kong malaman kung ano talaga ang ikinamatay niya, kung may pumatay ba sa kanya. Para matahimik na ako!"
"At bakit ako naman ang nilapitan mo tungkol d'yan, Hermana?"
"Huwag mo sanang isipin na pinagbibintangan kita. Pero sa 'yo na mismo nanggaling na gusto mo akong ipaghiganti sa kanya, na gusto mong wakasan ang buhay ni abuela para sa ikatatahimik nating lahat. Kung hindi mo sinabi 'yon, hindi naman ako magtatanong nang ganito, eh!"
Napabuntong-hininga si Maria Lucia. "Hindi iyon nangangahulugan na ako na nga ang pumatay sa kanya! Hermana naman! Kilala mo naman ako 'di ba? Nasabi ko lang iyon dahil tulad mo, galit na galit na rin ako kay abuela! Umiinit na rin ang dugo ko sa kanya! Lalong-lalo na sa ginawa niya sa kasal mo. Kaya hindi mo ako masisisi na nasabi ko iyon. Pero hindi ibig sabihin niyon na pinatay ko na nga siya! Alam mo namang hinding-hindi ko magagawa iyan!" pagsisinungaling niya rito.
Mukhang napaniwala naman niya ang kapatid sa mga salitang binitawan niya. Humawak ito sa mga kamay niya at nangusap ang mga mata.
"Mabuti kung ganoon. Muchas gracias, Maria Lucia. Talagang isa kang mapagmahal na kapatid. Salamat sa mga concern na ipinapakita mo sa akin. Kahit paano, napanatag ako dahil wala kang kinalaman sa pagkamatay niya. Ayoko kasing matulad ka rin sa akin. Alam mo naman siguro na nakapatay na ako ng tao 'di ba? Napatay ko 'yung tatay ng isa sa mga tauhan ni ama. Hindi mo alam kung gaano kabigat sa pakiramdam ang makapatay ng tao. Ang iniisip ko na lang ngayon ay kung sino ang pumatay kay abuela."
Ilang beses napalunok ng laway si Maria Lucia roon. Parang siya naman ngayon ang inatake ng matinding kunsensya dahil sa kasinungalingang ginagawa niya sa harapan ng kapatid.
"Marahil ay isa ito sa mga kaaway niya na hindi natin kilala. Alam mo naman si abuela, sa sobrang sama ng ugali, tiyak akong may iba pang mga kaaway 'yan bukod sa atin," sabi pa niya rito. Pinanindigan na talaga niya ang kasinungalingan niya.
"Mukhang tama ka nga. Siguro'y hindi na natin dapat isipin kung sino ang pumatay sa kanya. Ang mahalaga ay wala na siya sa buhay natin. Magiging ganap na tayong masaya."
Mabilis siyang tumango. "Tama ka d'yan, Hermana."
Sa pagkakataong iyon, binalot ng labis na pagsisisi si Maria Lucia. Pakiramdam niya ay napakasama na niya ngayon dahil pati sa sariling kapatid niya ay nagawa na rin niyang magsinungaling.
Sila ang magkakampi mula pagkabata hanggang ngayon. Sila lang ang laging magkasundo at magkasangga. Nangako rin sila noon na wala silang lihim na itatago sa isa't isa. Na kahit anong mangyari ay pag-uusapan nila ang lahat ng problema at pagtutulungan upang mabigyan ng solusyon.
Pero ngayon, pakiramdam niya'y pinagtaksilan niya ang kanyang kapatid dahil sa pagsisinungaling niya. Nais man niyang bawiin ang mga sinabi ay hindi na puwede dahil napaniwala na niya rito ang babae. Kailangan na lamang niyang panindigan ang kasinungalingang iyon hanggang sa huling hininga niya.
Ito na siguro ang pinakamalagim na lihim ni Maria Lucia na hindi niya puwedeng sabihin kahit kanino, kahit pa kay Maria Isabel.
WALA pa ring patid sa pag-iyak si Elvira habang hawak-hawak ang kamay ni Evandro. Ayon sa duktor ay nasa state of coma raw ito ngayon at hindi pa nila masasabi kung kailan ito magigising.
Nasa tabi naman niya si Donito na walang sawa siyang inaantabayanan. Ugali pa naman niyang mahimatay kapag nasobrahan sa pag-iyak.
"Bakit bigla yata tayong binagsakan ng kamalasan ngayon? Ano ba ang ginawa natin para mangyari ang lahat ng ito? Na-mildstroke si Mama, comatose si Evandro, nawawala naman si Maria Elena. Hindi ko kinakaya ang lahat, Donito. Hindi ko kakayanin kahit isa sa kanila ang mawala."
Muli siyang niyakap ni Donito nang magsimula na naman siyang umiyak. "Huwag kang mag-isip nang ganyan, Elvira. Walang mawawala sa kanila. Narinig mo naman ang sinabi ng duktor 'di ba? Mabuti na ang pakiramdam ni Mama. Ilang araw lang ay puwede na siyang makalabas ng ospital. Si Evandro naman, ang duktor na rin ang nagsabi na stable naman daw lahat ng vital signs niya, at kahit comatose siya ngayon ay wala pa naman daw tayong dapat ipag-alala sa kalagayan niya. Habang kay Maria Elena naman, may tiwala ako sa administrasyon ni Felipe. Nakatitiyak akong mahahanap rin nila ito at mapapakulong ang sinumang gumawa nito sa kanila ni Evandro. Magtiwala ka lang sa Diyos, Elvira. Pagsubok lang ito."
Napahawak na lang ang kabilang kamay ni Elvira sa kamay ng lalaki. "Thank you for always making me comfortable, Donito. Ipagpapasa-Diyos ko na lang ang lahat!"
NANG sumunod na araw, muling sinuri ni Joshua ang wala pa ring malay na si Maria Elena. Dala-dala muli nito ang ilang mga equipment na madalas nitong ginagamit sa ospital.
"Ano? Kumusta ang lagay niya?" tanong ni Chris dito nang matapos sa pagsusuri ang kaibigan.
"So far, okay pa naman siya. Pero hangga't hindi siya nadadala sa ospital, hindi ko masasabi kung kailan siya magigising. Sa nakikita ko, mukhang tinamaan ng matinding aksidente itong si Maria Elena kaya siya nagkaganito. Alam mo namang limitado pa lang ang kakayahan ko, pare. Hindi ako milagroso para buhayin at gisingin agad ang babaeng ito! Kailangan niyang madala sa ospital para mabigyan siya ng mas maayos na pagsusuri.
Pinanlakihan ito ng mata ni Chris. "Gago ka ba! Gusto mong mabuko tayo 'pag nilabas natin 'yan? Kahit anong mangyari, hindi siya puwedeng lumabas dito! Hindi puwedeng malaman ng iba na hawak natin siya! Masisira ang lahat ng plano ko!" Saka siya tumayo at nilapitan na rin ang babaeng nakahiga pa rin sa munting papag niya.
"Sige, ikaw ang bahala. Basta sinabi ko lang naman na hangga't hindi siya nadadala sa ospital, hindi natin siya mabibigyan ng maayos na treatment dito."
"Basta gawan mo na lang ng paraan!"
"Ano pa ba itong ginagawa ko? Pasalamat ka nga pinapatulan ko pa 'tong trabahong binigay mo kahit wala ka mang ibinabayad sa 'kin!"
"Babawi rin ako sa 'yo pangako 'yan! Basta tulungan mo lang akong maitago at mapanatiling buhay ang babaeng ito. Oras na magising siya, magagawa ko na ang unang hakbang sa plano ko." Muling umupo si Chris sa isang tabi saka tinapunan ng malalim na titig ang walang malay na babae.
Balot na balot ng benda ang ulo nito habang may nakaturok namang suwero dito. Nakalapag naman sa tabi nito ang ilang mga gamot na ninakaw lang ni Joshua sa ospital na pinagtatrabahuhan.
"Bukas nga pala may duty na ulit ako. Baka hindi muna ako makadalaw rito ng ilang araw. Alam mo namang tadtad lagi ako ng trabaho sa loob ng ospital."
Muling napamulagat si Chris. "E, paano na si Maria Elena?"
"Pare, kailangan ko munang unahin ang trabaho ko para mapakain ko ang pamilya ko! Basta kapag may oras susubukan ko siyang puntahan dito! Hindi ko nga lang maipapangako kung kailan dahil tatansahin ko muna ang araw!"
Hindi na sumagot si Chris doon. Napayuko na lamang siya habang hagod-hagod ang kanyang noo. Desidido na talaga siyang ituloy ang planong itinatago niya sa utak. Hangga't hawak niya ang babaeng ito, mayroon siyang maipanglalaban kay Felipe, ang nag-iisang salarin sa malagim na pagkamatay ng kanyang ama.
PAGKARAAN ng dalawang linggo, muling dumalaw si Maria Isabel sa mansyon dahil pinapupunta siya roon ng kanilang ama. Kasama niya si Maria Lucia at dinala sila ni Felipe sa backyard kung saan solo nila ang lugar.
"Bakit n'yo nga pala kami pinatawag, Ama?" mayamaya'y tanong dito ni Maria Isabel.
Tumayo naman ang Don at masayang humarap sa kanila. "May maganda akong balita sa inyo, mga mahal kong anak."
"Anong balita iyan, Ama?" tanong naman dito ni Maria Lucia.
"Nais ko lang ipabatid sa inyo na wala na si Maria Elena. Gaya ng inyong abuela, patay na rin siya!"
Gulat na gulat ang dalawang magkapatid. Nagkatinginan pa sila habang bakas ang pagkasindak sa mga mata.
Muling lumingon si Maria Isabel sa ama. "Si Maria Elena? Patay na? Paano nangyari iyon, Ama?"
"Nanonood naman siguro kayo ng balita, hindi ba? Aware na siguro kayo sa issue tungkol sa mga sindikatong nagkalat ngayon sa iba't ibang panig ng bansa. Sa kasamaang palad, isa si Maria Elena sa mga natiyempuhan ng mga sindikatong ito. Napagdiskitahan silang dalawa ng asawa niya. Si Evandro ay kritikal ang kalagayan sa ospital. Pero si Maria Elena, wala na siya. Napatay na siya ng mga sindikatong ito," ngingiti-ngiting pahayag ni Don Felipe kahit batid nito sa sarili na hindi talaga ganoon ang nangyari.
Muling nagkatinginan ang magkapatid. Pagkatapos ay humarap din uli sila sa ama na wala man lang bakas ng kalungkutan sa mga mata.
"Wala naman akong pakialam kahit ano pa ang mangyari kay Maria Elena, Ama. She's not relevant in my mind," umiral na naman ang pagkamaldita ni Maria Isabel.
"Same with me, Ama. Nalulungkot ako para sa kanya pero hindi rin ako gaanong apektado rito. Pero teka, alam na ba ito ng buong mansyon?"
Nagmulagat ng mga mata ang matanda. "Iyan nga ang dahilan kaya ko kayo pinatawag! Kayong dalawa pa lang ang nakakaalam tungkol dito. Ayaw kong ipaalam ito sa buong pamilya, lalong-lalo na sa publiko."
"Kung ganoon, paano natin ipapaliwanag sa kanila ang pagkawala ni Maria Elena? Siguradong hahanapin siya ng mga tao!" bulalas dito ni Maria Isabel na tila uhaw na uhaw malaman ang tumatakbo sa isip ng ama.
"Hindi na problema iyan, Maria Isabel. Natakpan ko na ang butas na iyan! Gusto mong makita?"
Pareho silang binalot ng kuryosidad sa sinabing iyon ng ama. Ilang sandali pa, may tinawag ito sa gate na nasa dulo ng backyard. Muli silang nagkatinginan ni Maria Lucia dahil sa hindi mahinuhang ikinikilos ng matanda.
Makalipas ang ilang sandali, bumalik na ito sa kanila. Gulat na gulat sila nang makita ang kasama nito. Kumaway sa kanila ang isang masayahin at kakaibang Maria Elena.
"Hindi kumpleto ang Tres Marias kung wala si Maria Elena. Kaya heto na siya mga anak! Heto na ang inyong kapatid!" pagpapakilala rito ni Felipe.
Parehong nangunot ang mga noo nila. "A-ano'ng ibig sabihin nito, Ama?" tanong ni Maria Isabel kahit parang nahuhulaan na niya ang nangyayari.
"Siya ang kinuha ko para maging kapalit ni Maria Elena! Okay naman ang naging surgery niya 'di ba? Mula sa balat, hanggang sa buhok, maging sa hugis ng mukha at katawan, kuhang-kuha niya ang tunay na Maria Elena!" may pagmamalaking wika ni Felipe.
Ito ang naisip na solusyon ng matanda para hindi malaman ng lahat ang sinapit ng tunay na Maria Elena. Nagpakuha ito ng isang babaeng may pagkakahawig sa hugis ng katawan ng anak. Saka nito iyon ipinasalang sa isang plastic surgery para maging kamukha at impostor ni Maria Elena. Ito ang iniuwi nito ngayon sa mansyon at ipinalabas na nabawi na ang naturang babae sa mga sindikatong dumukot umano rito.
"At dahil nga isang impostor na lamang ang Maria Elenang nasa harap ninyo ngayon, puwede n'yo na siyang makasundo! Dahil isa na rin siya sa mga kakampi natin ngayon!" pagmamalaking wika muli ni Felipe.
Unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Maria Isabel habang may namumuong balak sa kanyang isip. "Mukhang maganda nga itong ginawa mo, Ama... Mukhang makakasundo na namin sa wakas si Maria Elena... Hindi ba, Hermana?" Saka siya lumingon kay Maria Lucia na tila sumasang-ayon din sa ipinapahiwatig ng isip niya.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro