Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 5: May Nagbabalik

KATATAPOS lang magpalit ng damit ni Maria Isabel nang gabing iyon. Kagagaling lang din niya sa banyo para magbanlaw. Papunta na siya sa kanyang silid nang mapansin niyang bukas ang ilaw sa gallery room nila.

Binalot ng kuryosidad, naisipan niyang pumasok doon. Bumungad sa kanya ang amang si Don Felipe na kasalukuyang nakatayo sa eskaparateng salamin kung saan nakadikit ang daan-daang mga family pictures nila.

Nilapitan niya ito at sinubukang pagmasdan ang isang litratong hawak nito. Nakita niya roon ang isang matandang babaeng kulot ang buhok na umaabot hanggang baywang, makapal ang eyeliner sa mga mata, matalim ang pagkakangiti, mamula-mula ang mga pisngi at tadtad ng mga sinaunang alahas sa katawan.

"Nami-miss mo ba siya, Ama?"

Tila hindi na nagulat si Don Felipe sa boses niya. Kalmado lang itong humarap sa kanya habang nakatitig pa rin sa larawan. Ito ang ina ng kanyang ama na si Donya Glavosa, ang kanilang lola na limang taon nang patay.

Namatay ito sa heart attack habang nagbabakasyon sa America. Doon na rin ito inilibing. Hindi man lang sila nagkaroon ng pagkakataon na makapiling ito sa huling sandali ng mga buhay nito.

"Kahit ganoon ang ugali ng iyong lola, mahal ko pa rin siya, anak. Sayang nga lang at kinuha na agad siya ng langit nang hindi man lang kami nagkakaayos. Siguro mas magiging masaya pa ang mansyong ito kung nandito pa siya at kasundo rin ninyo."

Hinagod-hagod niya ang kabilang braso ng ama bilang pag-comfort dito. "Masaya na ang pamilya natin ngayon, Ama. Kahit wala na siya, tiyak kong masaya na rin siya kung nasaan man siya ngayon. Payapa na ang buhay niya. Tapos na ang kanyang mga paghihirap sa mundo. At kahit ano pa man ang sigalot n'yo sa isa't isa, tiyak kong matagal ka na rin niyang napatawad. Dahil walang kahit sinong ina ang kayang tiisin ang anak. Kahit gaano pa katigas ang ulo nito."

Natawa na lang ang matanda sa sinabi niya. Saka ito gumanti ng pagtapik sa kanyang balikat. "Kaya ikaw ang paborito kong anak, eh. Alam na alam mo kung paano pagagaanin ang loob ko kapag nalulungkot ako. Muchas gracias, anak."

"De nada, Ama," ngiting sagot niya. "Ahora es muy tarde, vamos a dormir," dugtong niya sa wikang Kastila na ang ibig sabihin ay matulog na raw sila.

Idinikit muli ng matanda ang litrato sa bandang gilid ng eskaparateng salamin. Saka ito umakbay sa kanya at sabay na silang lumabas ng gallery room.

"WALA ka bang mga upcoming shows ngayon, anak?" tanong ni Don Felipe kay Maria Isabel na nakaupo sa tabi niya. Nasa paligid naman niya ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya. Nasa kalagitnaan sila ng tanghalian nang mga sandaling iyon.

Nang maubos na ang laman ng baso ni Maria Isabel, awtomatikong lumapit dito ang isa sa mga katulong at pinuno uli iyon ng juice.

"Wala muna, Ama. Naisipan kong mag-short break muna ngayong taon para mabigyan ng sapat na oras si Ronaldo. Sobrang naging busy talaga ako noong mga nakaraang buwan. At kahit magkasama kami noon sa iba't ibang bansa, hindi rin naman kami gaanong nakakapag-usap. Kaya nga kami umuwi rito para makapag-bonding nang matagal. Next year na lang ako babalik sa showbiz," paliwanag naman ng babae.

"Well, good for you, hija. Masaya rin ako para sa inyo ni Ronaldo," masayang sagot naman ni Don Felipe. Tahimik lang sa kani-kanilang mga puwesto sina Imelda, Maria Elena at Maria Lucia.

Nahinto ang pag-uusap nilang dalawa nang lumapit ang katiwalang si Aling Susan at tinawag si Don Felipe. "May bisita po kayo."

Tumalim ang mga titig dito ng matanda. "Sinabi ko naman sa iyo na huwag kang magpapapasok ng bisita kapag kumakain kami, hindi ba?"

"Pero hindi po siya basta-basta bisita lang, Don Felipe. Kailangan n'yo rin po siyang makita." Nakita niya sa anyo ng katiwala ang bahagyang pagkagulat.

Bago pa man siya makatayo sa kinauupuan, pinasok na ng panauhin ang kanilang silid-kainan. Isa itong matangkad na lalaking nakasuot ng formal red suit. May tulak-tulak itong wheelchair kung saan nakaupo ang isang matandang babaeng abot baywang ang kulot-kulot na buhok, makapal na eyeliner, pulang mga pisngi at tadtad na mga alahas sa katawan.

Nagulat si Don Felipe pati ang buong pamilya. Sabay-sabay pa silang napatayo sa kinauupuan na parang tinawag ng guro sa harapan.

"Mama?" bulalas ni Don Felipe. Nanlaki sa gulat ang kanyang mga mata. Nasa harapan niya ngayon ang kanyang inang si Donya Glavosa.

"Dios mio! Estas viva, Mama?" gulat na gulat ding sambit ni Imelda, hindi makapaniwala sa nakikita.

Nagbitaw ng mapanuksong ngiti si Donya Glavosa sa kanilang lahat. Tila tuwang-tuwa ito sa naging mga reaksyon nila. "Los sorprendí a todos?" anito na nagtatanong kung nasurpresa raw ba sila. "Mukhang hindi yata kayo masaya na makita ako, ah? No te preocupes, ako rin naman!" Saka ito humagikgik ng tawa.

Napilitang ngumiti si Don Felipe. "A-ano ba naman 'yang sinasabi mo, Mama? Siyempre masaya kami dahil buhay ka! P-pero... Ano ba'ng nangyari? Bakit sabi sa amin ng duktor mo, patay ka na raw?"

Tumawa muli ang matanda. "At naniwala ka naman? Naniwala ka agad sa sinabi ng bayaran kong duktor? Ikaw naman, Felipe. Ni hindi mo man lang ako dinalaw? At hindi ka man lang din nanghingi ng litrato ko? O baka naman masyado ka lang naging masaya sa balita kaya hindi mo na inalam ang katotohanan?"

Agad nilapitan ni Don Felipe ang matanda at inutusan ang tauhan nitong lalaki na ilabas ito sa living room para doon makapag-usap. Naiwan ang pamilya niya sa harap ng lamesa na pare-parehong nakabuka ang bibig at balot na balot ng pagtataka.

"Mama, sabihin mo sa akin. Ano ba talaga ang nangyari? Ano ang ginawa mo sa America sa loob ng limang taon?" Naglalaway na si Don Felipe na malaman ang sagot mula sa ina.

Nagulat siya nang bigla itong tumayo sa wheelchair at naglakad papunta sa kanya. Ibinuka pa nito ang hawak na abanico at ipinaypay sa sarili.

"Sinusubukan ko lang naman kasi kung malulungkot ba kayo sa pagkamatay ko. Pero kabaligtaran ang nangyari. Galit na galit ako sa inyo! Gusto ko kayong ipasunog dito! Pero dahil maganda rin naman ang buhay ko sa America, naisipan kong mag-stay na lang kasama ang mga lalaki ko. Bawat gabi, iba-ibang mga lalaki ang nakakasiping ko at tumulong sa akin na makalimot sa sama ng loob sa inyo! Buti na lang ang mga Americano, mas malalaki ang titi kaysa sa mga katulad n'yong Pilipino. Kaya nga ayoko nang bumalik dito, eh!"

Bigla namang sumingit ang lalaking tauhan ng matanda. "Pinoy din po ako, Donya Glavosa."

Tumawa naman ito at nilapitan ang tauhan nito saka pinalo ng abanico sa braso. "Ikaw naman, Aaron. Siyempre hindi ka kasama. Alam kong malaki-laki rin ang sa iyo dahil may dugo ka ring bughaw." Saka nito hinipo ang pagkalalaki ng binata.

Nabaduyan si Don Felipe sa nakita. Hanggang ngayon ay wala pa rin talagang pagbabago ang kanyang ina. Mahilig pa rin ito sa mga guwapo at binatang mga lalaki. Mula nga nang mamatay ang kanyang ama, kung sinu-sinong lalaki na ang dini-date nito. Karamihan ay mga bagets na walang pera at handang pumatol ng matanda para lang gumanda ang kinabukasan.

"Pero, Mama. Huwag mo naman isipin na masaya kami sa pagkamatay mo. Kung alam mo lang kung gaano kalungkot ang naging sandali ng buhay ko noong ibalita sa aking wala ka na. Parang gumuho ang mundo ko. Kaya naman nangako ako sa sarili ko na aalagaan ko itong mansyon at lahat ng yaman mo. Hinding-hindi ko sila pababayaan. Hindi ko hahayaang masayang ang lahat ng mga pinaghirapan mo. Ipagpapatuloy ko ang legacy na iniwan mo, Mama. Iyan ang katotohanan. Kahit kelan, hindi ako naging masaya sa pagkawala mo."

Tinawanan lang siya ng matanda saka ito muling lumapit sa harapan niya. "Tigilan mo 'ko sa mga drama mo, Felipe. Pareho lang tayong may sungay. Huwag mo nang haluan ng bulaklak ang iyong mga salita para lang bumango dahil hindi ako mahilig sa bulaklak. Maliban na lang kung chicharon!"

"Pero, Mama..."

"Balita ko, ikaw na raw ang bagong Gobernador ng Hermosa."

Biglang napalunok ng laway si Don Felipe at napatitig na lamang sa ina. Wala nang salita ang nais kumawala sa bibig niya. Pati sila ay binalutan na rin ng takot.

"Alam mo sa totoo lang, Felipe, hindi ikaw 'yung tipo ng kandidatong mananalo sa kahit na anong posisyon. Maliban na lang kung may dayaang naganap." Saka nito inilapit ang mukha sa kanya. "Sabihin mo sa akin. Nandaya ka, ano?"

"Mama naman. Bakit ganyan kayo magsalita sa inyong anak? Hindi n'yo na ba ako mahal?"

Nagkunwaring umiyak ang Donya na may kasamang pagtawa. "Iiyak na ba ako sa drama mo? Sagutin mo ako!" Muling bumangis ang tinig nito. "Nandaya ka, 'no?"

"Mama..."

"Alam mo kahit ano'ng gawin mo, hinding-hindi mo mapapantayan ang mga nagawa ng iyong ama sa pamumuno rito. Oo, sa ganyang paraan din nanalo noon ang iyong ama. Pero ang pinagkaiba n'yo lang, mas mahusay siyang mamuno sa iyo. Napaunlad niya itong lugar, pati na rin ang ating pamilya. At ikaw? Hindi ikaw 'yung tipo ng tao na makakapantay sa lahat ng ginawa niya. Kahit isa ka pang Iglesias!"

"Bakit n'yo ba sinasabi sa akin iyan, Mama?"

"Para ipaalala sa 'yo na wala kang lugar sa politika. Wala kang lugar kahit saan! Kung ano ka ngayon ay dahil din sa akin! Sa amin ng papa mo! Kaya ngayong nandito na ako, akin na muli ang kayamanan ko, pati itong mansyon! Susunod kayo sa lahat ng gusto ko kung ayaw n'yong maging pulubi sa lansangan!"

Tinalikuran na siya ng matanda saka nito tinawag ang isang katulong para magpahatid sa dating silid nito na matagal ding hindi nagamit.

Naiwan si Don Felipe na nakatayo pa rin sa isang tabi. Hindi niya alam kung magagalit ba siya o iiyak sa mga masasakit na salitang binitawan ng sariling ina.

Alam niya ang dahilan kung bakit. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin tanggap ng matanda ang pagkamatay ng kapatid niyang si Samuel Iglesias. Ito lang naman kasi ang paboritong anak ni Donya Glavosa. Mula pagkabata ay ito lagi ang kinakampihan nito. Siya naman ang palaging nagmumukhang kontrabida sa buhay nila noon.

Aminado siya na noong mga bata pa sila, palagi rin niyang sinasaktan at inaaway si Samuel. Hindi kasi niya mapigilang pagbuntungan ito ng galit dahil ito lang ang palaging binibilhan ng regalo at mga laruan.

Tahimik at mahinhing tao lamang si Samuel. Siya naman ay siga at basagulero. Malayong-malayo silang dalawa pagdating sa pag-uugali.

Nang lumaki na sila, si Samuel ang unang nagkaroon ng kasintahan. Ngunit di nagtagal ay unti-unti ring nagsawa ang babae rito. Masyado pa rin kasing tahimik ang lalaki. Wala itong ibang alam pag-usapan kundi ang kalikasan.

Kaya naman napilitan ang kasintahan nito na maghanap ng kaligayahan sa iba. Hanggang sa magtagpo ang landas nila. Nakita ng babae sa kanya ang mga bagay na wala kay Samuel. Iyon ay ang excitement. Hindi kasi marunong maglambing sa kama si Samuel. Puro pag-aaral lang ang inaatupag nito.

Siya ang nagbigay ng nagliliyab na kaligayahan sa kasintahan ng kapatid niya. Ngunit di nagtagal ay natuklasan din iyon ni Samuel. Labis nitong dinamdam ang pagtataksil dito ng kasintahan. Hanggang isang araw, hindi nito kinaya ang depresyon at nagpakamatay ito.

Kung may isang tao man na sobrang galit na galit sa kanya nang araw na iyon, walang iba kundi ang kanilang ina. Sa kanya isinisi ni Donya Glavosa ang lahat kung bakit maagang nawala sa mundo si Samuel.

Dahil wala na ang paborito nitong anak, mas lalo pang tumindi ang galit nito sa kanya. Mula noon ay hindi na siya nito itinuring na anak kahit palagi silang magkasama sa bahay. Nakaramdam siya ng labis na pag-iisa.

Mula pagkabata ay parang basura kung iturin siya ng ina. Wala itong ibang minahal kundi ang bunso niyang kapatid. Kaya naman pati siya ay nawalan na rin ng ganang pagbutihin noon ang pag-aaral dahil hindi rin naman ito na-a-appreciate ni Donya Glavosa. Tanging mga achievements lang ni Samuel ang nakikita nito.

Hindi namalayan ni Don Felipe na pumatak na ang luha sa kanyang mga mata. Agad din niyang pinunasan iyon bago pa may makakita.

Nagbalik nga ang kanyang ina, pero wala pa ring bago sa pakikitungo nito sa kanya. Kaya naman hindi rin niya masisisi ang sarili na maging masaya noong mabalitaang namatay na ito sa America. Ni hindi na niya ito dinalaw pa o pinauwi man lang ang bangkay nito. Nagdiwang agad siya dahil sa wakas, malaya na siyang gawin ang lahat ng gusto niya at wala nang kumokontra pa sa kanya.

Ngunit lahat ng iyon ay ilusyon lang pala. Dahil nandito pa si Donya Glavosa. Buhay na buhay. At hangga't may hininga ito, mananatili siyang basura sa mansyong ito.

NAUBO si Donya Glavosa pagkapasok pa lang sa kanyang silid. "Bakit punong-puno naman ng alikabok dito?"

"Paumanhin po, Donya. Ngunit hindi rin namin kasi inaasahan ang inyong pagdating. Kaya ilang taon nang hindi nalilinis itong silid n'yo."

"Walang hiya talaga iyan si Felipe! Talagang nagpakasaya na siya sa pagkawala ko! Pati itong kuwarto ko, ang mga mahahalagang gamit sa kuwarto ko, hinayaan na lang niyang pamahayan ng alikabok! Linisin mo ito at gusto ko nang magpahinga!"

Halos lumuhod na sa pagyuko ang katulong. "Masusunod po, Donya. Gusto n'yo bang magpahinga muna sa kabilang kuwarto habang nililinis ko itong sa inyo?"

"Hindi na bale. Babalik na lang kami rito." Umupo muli siya sa wheelchair at nagpatulak sa tauhan niyang si Aaron.

Nagpahatid siya sa wine cellar at doon ay magkasama silang uminom ng binata. "Tagumpay ang plano n'yo, Madam. Nagulat natin silang lahat sa pagbabalik n'yo," natutuwang sabi sa kanya ni Aaron.

"Ipinagpapasalamat ko iyan sa inyo, Aaron. Mahusay kayong trumabaho ng mga tao mo kaya umikot ang ating plano sa paraang gusto ko."

"Ang dami na ring nagbago rito sa mansyon. Pati ang mga apo n'yo, lalo pang nagsigandahan!"

"Bakit, may napupusuan ka na ba sa kanila?"

"Parang ganoon na nga, Madam!" Saka nagpakawala ng pilyong tawa si Aaron.

"Malas mo lang dahil pareho nang may kasintahan sina Maria Isabel at Maria Lucia."

"Paano n'yo naman nalaman, Madam?"

"Malamang, marami akong galamay rito! Kahit nasa malayo ako, alam ko ang lahat ng kaganapan!"

"Pero sayang naman at taken na pala ang mga apo mo. Wala na akong pag-asang mapaibig ang kahit isa sa kanila."

"Sa pagkakaalam ko, si Maria Elena wala pa siyang lalaki."

"Oh? Siya ba 'yung kamukha ni Marilyn Monroe?"

"Si," sagot ng matanda sa wikang Kastila na ang ibig sabihin ay "Oo".

"Wow! Ang ganda rin no'n, ah! Sigurado po ba kayong single pa rin siya hanggang ngayon?"

"Kahit hindi ko siya ipamanman sa mga galamay ko, alam kong wala pang lalaking dumadaan sa buhay niya. Dahil noon pa man, alam na naming lahat ang gusto niya na maging madre lamang."

"Ay, ganoon ba? Gusto niyang magmadre?"

"Kaya kung napupusuan mo siya, hindi na kita pipigilan. Gusto ko ring sirain ang pangarap niya. Isang matinding hamon 'yan na ibibigay ko sa 'yo. Oras na mapaibig mo si Maria Elena at mabago mo ang kanyang puso, sa 'yo ko ibibigay ang lahat ng meron ako oras na mawala na ako!"

Nanlaki sa gulat ang mga mata ni Aaron. "Sigurado po ba kayo d'yan, Madam? As in lahat ng pera n'yo? Pati itong mansyon?"


"Lahat-lahat, Aaron! Lahat-lahat ay magiging iyo na kung magagawa mong angkinin ang puso ng bruhang iyon. Mas pipiliin kong sa 'yo na lamang ipamana ang lahat ng mayroon ako kaysa naman pakinabangan pa ito ng sarili kong pamilya na naging masaya sa pagkamatay ko."

Halos maglulundag sa tuwa ang puso ng binata at lalong ginanahan sa iniinom nila. Nakipag-toast pa ito ng baso sa kanya.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro