Chapter 49: Ang Ikinubling Katotohanan
"KUMUSTA ang naging misyon n'yo?" tanong ni Don Felipe sa kanilang tatlo nang makabalik na ang mga ito sa home office niya pasadong alas-singko ng madaling araw.
"Gaya ng itinawag namin sa 'yo kanina, tagumpay ang misyon namin, Don Felipe. Napatay na namin si Maria Elena," sagot ni Nemencio kahit alam niya sa dulo ng kanyang utak na hindi iyon totoo.
"Paano n'yo siya pinatay?" istriktong tanong niya rito.
"Binalot namin siya sa sako at sinunog nang buhay sa isang lugar na napakalayo rito, Don Felipe. Sa Calrat namin siya dinala."
Tumango ang matanda at tinatanggap ang paliwanag nito. "Saan n'yo naman dinala ang katawan ni Evandro?"
"Sa Barangay Dulo po, gaya ng iniutos n'yo. Nakagapos na ngayon sa ating headquarters doon ang kanyang katawan. May mga tauhan na ring nagbabantay sa kanya roon."
"Mabuti kung ganoon. Binabati ko kayong lahat sa matagumpay n'yong misyon!"
Tumango naman sa kanya ang tatlo na pawang mga blangko ang mukha. Nagsalubong ang mga kilay niya sa mga ito. "Bakit parang hindi yata kayo masaya sa napagtagumpayan n'yong misyon? Mayroon pa ba kayong hindi sinasabi sa akin?"
"Wala naman, Don Felipe. May inaalala lang kasi kami," si Jomar ang sumagot.
"At ano naman iyon?" Sabay lingon niya rito.
"Kung wala na si Maria Elena, paano n'yo ito ipaliliwanag sa publiko? Alam naman natin kung gaano siya kamahal ng taumbayan."
Doon niya inilabas ang kanyang pilyong ngiti. "Pinaghandaan ko na 'yan, Jomar. May solusyon na ako d'yan. Makikita mo."
Pare-parehong nagtaka ang tatlo. "Ano naman po ang naisip n'yong solusyon para dito, Don Felipe? Palalabasin n'yo bang nagkaroon ng malubhang sakit si Maria Elena at namatay?" tanong sa kanya ni Edgar.
Natawa lang siya. "Napakabobo ko naman kung iyon ang maiisip kong gawin. Basta abangan n'yo na lang. Magugulat kayo at mamamangha." Saka niya muling binigyan ng makahulugang ngiti ang mga ito.
EWAN ba ni Imelda kung bakit hindi naging maganda ang gising niya nang umagang iyon. Nakatulog naman siya nang mabuti pero parang may gumugulo pa rin sa kanyang pagkatao na hindi niya maintindihan. Nagising pa siyang sumasakit ang tiyan at mabigat ang katawan.
Pinilit niyang bumangon at bumaba sa banyo ng unang palapag. Ngunit pagbukas niya sa pinto, napasigaw siya sa nakita. Isang manika ang nakaupo sa inidoro, kamukhang-kamukha ito ni Donya Glavosa!
Napaatras siya habang hawak-hawak ang sumasakit niyang tiyan. Kung hindi siya nagkakamali, ito rin ang manikang nakita nila noon ni Orlando sa kotse nito. Biglang napaisip si Imelda. Hindi kaya may isang tao na gumagawa nito sa kanila? At sinusubukan silang takutin?
Lumipat na lamang siya sa kabilang banyo na malapit sa backyard.
HABANG abala naman ang lahat ng mga katulong sa kani-kanilang mga trabaho, pasimpleng umakyat si Marites sa kanilang kuwarto at kinuha ang cellphone. Saka niya tinawagan ang isang bagong numero na naka-save sa cellphone niya at may pangalang 'Cecille'.
"Hello, Ma'am Cecille?" aniya nang sumagot na ang nasa kabilang linya.
"Oh yes! Marites! How are you? Kumusta ang 'business' natin?"
Alam na niya ang ibig sabihin ng babae. "Tagumpay po, Ma'am Cecille! Mukhang natakot natin sila sa ginawa natin. Pati si Don Felipe, napapaisip na rin ngayon kung saan nanggagaling ang mga manikang nagpapakita sa kanya. Akala na tuloy ng mga tao rito sa mansyon ay minumulto na sila!" tumatawang pahayag ni Marites.
Tumango naman si Cecille na nasa kabilang linya. "Mabuti kung ganoon. Basta ituloy mo lang ang pananakot sa kanila gamit ang mga dolls na 'yan. Gusto kong lamunin sila ng kilabot at gimbal!"
"Sure, Ma'am Cecille. Dahil wala na si Madam Glavosa, ikaw na ang bago kong Madam ngayon."
"Thanks, Marites. Ginagawa ko lang din ito para kay Ma'am Glavosa. We will work in secret. Hindi tayo titigil hangga't hindi natin siya naipaghihiganti. Gusto kong takutin at paglaruan mo muna sila gamit ang mga dolls na pinadala ko sa 'yo. Habang ako naman ay susubukan kong imbestigahan at alamin kung sino ang pumatay sa kanya."
"Makakaasa kayo, Ma'am Cecille! Wala pa kaming naging plano ni Madam Glavosa noon na pumalpak. Kaya makasisigurado kayo na mapagtatagumpayan din natin ang partnership nating ito!"
Pagkatapos niyang maihatid ang magandang balita ay tinapos na niya ang tawag at lumabas na muli ng kanilang silid para ipagpatuloy ang kanyang trabaho.
Lingid sa kaalaman ng lahat, bago tuluyang nawala si Donya Glavosa ay binigyan nito ng ilang mga misyon si Cecille na kailangan nitong gawin kasama ang pinagkakatiwalaan nitong katulong na si Marites. Nais makasigurado ng matanda na kahit ano pa ang mangyari dito, may mga tao pa rin itong mapagpapasahan ng mga plano nito sa buhay, kabilang na ang sirain ang sarili nitong pamilya.
Kaya naman nang matanggap na lahat ni Cecille ang mga plano, pinuntahan nito nang araw na iyon si Marites. Naabutan nito ang katulong na nagtatapong ng mga basura sa bayan. Kaya naman hindi ito nag-atubiling lapitan ang kasambahay para ipakilala ang sarili pati na rin ang mga planong nais ipagawa sa kanila ng sinasamba nilang donya.
Doon nagkakilala sina Marites at Cecille. Sila na ngayon ang magka-partner in crime. Si Cecille ang tagabigay ng mga plano at siya naman ang gumagawa, kabilang na nga rito ang mga manikang pinagawa nito para ipanakot sa Pamilya Iglesias.
INABOT ng umaga si Chris Ocampo sa pinuntahang inuman kagabi. Pasuray-suray siya ng lakad sa gilid ng daan habang pauwi sa munti niyang tahanan. Hindi na niya alintana ang kabila niyang paa na walang tsinelas dahil nasira na ito kanina bago pa matapos ang inuman.
Ilang buwan na rin ang lumipas mula nang lisanin niya ang Las Iglesias. Kinalimutan na niya ang Probinsya ng Hermosa kung saan siya pinanganak at lumaki. Ang dami na niyang masasakit na alaala roon, kabilang na ang pagkawala ng kanyang ama na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita.
Mula kasi nang i-demolish ang kanilang tahanan, tuluyan na siyang nawalan ng landas sa buhay. Kung kani-kanino na lang siya nakitira para lang may matulugan. Hanggang sa mapadpad siya rito sa Probinsya ng Calrat. Dalawang oras ang layo nito mula sa Hermosa. Isa rin ito sa mga mahihirap na probinsyang may murang mga paupahan. Kaya nga dito niya piniling lumipat at manirahan.
Isang napakaliit na bahay ang inuupahan niya. Walong daan lang ang renta roon kada buwan. Ang pagiging boy-for-hire na lang sa isang bahay-aliwan ang nagsisilbi niyang hanapbuhay ngayon.
Hindi siya natanggap sa huling trabaho na in-apply-an niya noong araw na mawala rin ang kanyang ama. Bumagsak kasi siya sa pre-assessment exam kaya hindi na siya umabot pa sa interview.
Bukod doon, may dalawang kumpanya pa siyang in-apply-an ng trabaho. Isa sa hotel at isa sa call center. Ngunit pareho naman siyang umuwing luhaan sa mga iyon dahil sa napakataas nilang qualifications at mas prefer daw nila ang may work experience kaysa sa fresh graduate gaya niya.
Ang mas masaklap pa, may dalawang agency rin siyang napuntahan noon na di kalaunan ay mga scam lang pala. Umasa pa naman siya na may trabaho na pero sa huli ay gumastos lang siya sa wala.
Dahil doon ay nawalan na siya ng lakas ng loob. Tuluyan na siyang sumuko sa buhay. Hindi na niya alam kung paano pa maghahanap ng trabaho. Nasanay kasi siya na puro pasarap lang sa buhay ang inaatupang noong nag-aaral pa siya. Ngayong graduate na siya, hindi na niya napaghandaan ang tunay na hamon ng buhay. Hindi na niya alam kung paano pa bubuhatin ang sarili.
Kaya naman napilitan na lang siyang gamitin ang sariling katawan para magkaroon ng hanapbuhay. Namasukan siya bilang macho dancer at boy-for-hire sa isang bahay-aliwan sa bayang iyon. Dahil may hitsura naman siya, matangkad, at may malaking kargada ay madali siyang natanggap.
Iyon nga lang, hindi naging madali ang pagkakapasok niya roon. Bago kasi siya naging regular na empleyado, ilang beses siyang pinagsamantalahan ng mismong manager nila. Siya lang kasi ang pinakaguwapo, pinakamatangkad, at may pinakamalaking kahabaan doon. Mukhang nagustuhan siya ng amo niya kaya sa halip na mga costumer ang pinapasaya niya, ang beking manager mismo nila ang gabi-gabi niyang kalaguyo sa kama.
Kahit wala na sa kontrata ang ginagawa nito sa kanya ay tiniis na lang niya alang-alang sa perang kikitain doon. Dito siya kumukha ng pangkain, panggastos, at pambayad sa bahay. Hindi niya akalain na sa kabila ng mataas niyang pinag-aralan, dito lang pala ang magiging bagsak niya.
Dito niya napagtanto na hindi lahat ng mga taong nakatapos at may degree ay sigurado nang may trabahong mapapasukan. Talino at diskarte pa rin sa buhay ang magiging labanan. Ilang mga bagay na wala sa kanya.
Ang kaunti niyang talino sa iskuwelahan ay hindi rin naging sapat sa talinong hinihingi ng karamihan sa mga kumpanyang in-apply-an niya. Dahil din sa environment na kinalakihan, hindi niya natutunang dumiskarte sa buhay.
Sinanay kasi siya ni Mang Julian sa masarap na pamumuhay at walang iniintindi. Ito lang ang gumagawa ng lahat ng trabaho para maibigay ang mga pangangailangan niya noon sa iskuwela at sa pang-araw-araw. Ayaw siya nitong pakilusin. Ayon dito, hangga't nabubuhay raw ito ay handa raw nitong gawin ang lahat para lang maging magaan ang buhay niya. Hindi raw niya kailangang kumilos at magpagod dahil nandito naman daw ito para alagaan siya.
At ngayong wala na ito, nabigla rin siya sa hindi inaasahang pangyayari sa kanyang buhay. Sa isang iglap ay nawala ang lahat ng talino at mga kakayahan niya. Masyado siyang naapektuhan sa sinapit ng kanyang ama. Hanggang ngayon ay nagdudusa pa rin siya sa labis na kalungkutan at pag-iisa. Ito ang dahilan kung bakit lagi na siyang wala sa sarili, hindi na ngumingiti, wala nang landas sa buhay, hanggang sa dito na lang siya bumagsak sa bahay-aliwan.
Ito na ang buhay niya ngayon.
Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad ay nakakita siya ng isang basurahan. Sakto namang naramdaman niya ang kanyang suka na malapit nang lumabas sa kanyang lalamunan. Kaya naman dito na siya lumapit at ibinuhos ang kanyang suka.
Pagkatapos niyang sumuka ay muntik pa siyang madulas. Natapakan tuloy niya ang isang sako na nasa tabi ng basurahang sinukahan niya. Bahagyang nangunot ang ulo niya nang maramdaman ang tila malambot na bagay na natapakan niya.
Sinubukan niya itong tapak-tapakan muli. May ilang bahagi na malambot at may ilang bahagi naman na matigas. Ewan ba niya pero bigla siyang kinutuban sa hindi malamang dahilan.
Gawa ng kuryosidad ay napilitan siyang buksan ang sako. Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makita kung ano ang nasa loob niyon. Bahagyang nawala ang pagkalasing niya at mariin niyang kinusot ang mga mata.
Hindi siya maaaring linlangin ng paningin. Isang tao ang nakikita niyang nakasilid sa loob ng sako! Isang babae iyon!
Agad siyang napalingon sa paligid. Nang makitang wala pang mga tao ay tuluyan niyang sinira ang sako hanggang sa masilayan ang buong katawan nito. Isang napakagandang babae ang nasa harapan niya ngayon.
Hindi niya alam kung buhay pa ito. Pero hindi rin kakayanin ng kanyang kunsensya kung iiwanan lang niya ito roon. Sinubukan niyang kapain ang pulso nito pero dahil sa kalasingan ay wala siyang maramdaman.
Kaya naman naisipan niyang buhatin na lang ang babae at inuwi sa kanyang bahay. Inihiga niya ito sa sahig saka naupo sa isang tabi at ipinahinga ang katawan. Nang medyo nahimasmasan na siya, doon niya muling nilapitan ang babae at kinapa ang pulso, gilid ng leeg, pati ang dibdib nito.
Narinig niyang tila may pumipintig pa sa loob ng katawan nito. Mukhang buhay pa nga ito! Dali-dali niyang tinawagan ang isang kaibigan at ibinalita rito ang nangyari.
"Pare, p-puwede bang... p-pumunta ka rito? M-m-may...napu-lot akong t-tao!" utal-utal niyang wika saka muling sinulyapan ang walang malay na babae.
HABANG tulog pa si Nathan ay sinamantala ni Maria Lucia ang pagkakataon. Dahan-dahan siyang bumangon sa kanilang higaan at kinuha ang kanyang bag. Inilibas niya ang gamot na itinago niya rito. Muli niyang nilingon ang nobyo. Nang makitang mahimbing pa ang tulog nito ay doon na siya lumabas ng kuwarto at bumaba sa kitchen area.
Nasa bahay siya ngayon ni Nathan. Tulad ng dati, silang dalawa lamang ang magkasama roon dahil nasa ibang bansa ngayon ang mga magulang nito. Sinamantala niya ang katahimikang iyon para buksan ang maliit na bote ng gamot.
Napabuntong-hininga pa siya bago naglagay ng isang tableta sa palad niya. Matagal niyang pinagmasdan iyon. Muling sumagi sa kanyang alaala ang isang bagay na naging dahilan kung bakit niya binili ang gamot na iyon.
Nang araw na isinugod sa ospital ang kanilang abuela dahil sa pagkahulog sa hagdan, labis siyang naawa sa kalagayan ng hermana niyang si Maria Isabel. Wala itong patid sa pag-iyak. Labis nitong dinamdam ang nagawa sa kanilang abuela. Ilang beses niya itong sinabihan na huwag iyakan ang matandang iyon na kahit kailan ay hindi naging mabuti sa kanila. Pero masyado nang mabigat ang pinagdadaanan ng babae para makausap pa nang maayos.
Kaya naman siya na ang gumawa ng paraan para maipaghiganti ito. Hindi naman magkakaganoon si Maria Isabel kung hindi dahil sa mga kademonyohan ni Donya Glavosa, lalo na sa ginawa nito sa kasal ng kapatid pati na rin sa pang-aaway nito sa kanilang lahat.
Nang mabalitaan niyang gising na ang matanda kinabukasan ay palihim niyang pinuntahan ito sa ospital. Hindi na niya pinaalam kahit kanino ang pagdalaw niya roon. Nagsuot din siya ng facemask at disguise upang hindi siya gaanong makilala ng mga taong nadaanan niya.
Pagkapasok niya sa silid nito, doon niya hinubad ang kanyang disguise. Naabutan pa niyang may kausap sa cellphone ang matanda. Napahinto ito sa pagtawa nang mapalingon sa kanya. Bumakas ang gulat sa anyo nito nang makita siya.
"Maria Lucia? Ano'ng ginagawa mo rito?"
Tinapunan niya ito ng matalim na titig. "Wala ka talagang kasingsama ano? Sinira mo na nga ang kasal ni hermana, balak mo pa ngayong sirain ang boses niya? Ganyan ka na ba talaga kadesperada na sirain kaming lahat? Bakit? Dahil sa galit mo kina Papa at Mama? Na pati kaming mga anak ay gusto mo pang idamay?"
Muli namang tumawa ang matanda at gumanti ng mapanuksong titig sa kanya. "Kaya ka ba dumalaw rito para lang sigawan ako nang ganyan, Maria Lucia? Huwag kang mag-alala. Oras na makalabas ako rito, ikaw naman ang sisirain ko! May pinaplano na rin ako sa iyo, pati sa nobyo mo! Huwag kang mag-alala, ikaw na ang susunod. Kaya huwag ka nang mainggit sa kapatid mo, puwede?"
"Walang hiya ka! Tama nga ang sinabi ni hermana! Hininga na lang ni Satanas ang bumubuhay sa 'yo! Dapat nang mapatid ang hiningang iyan!" Nilapitan niya ang matanda at sinakal nang pagkahigpit-higpit sa leeg.
Pinilit nitong manlaban kahit medyo nanghihina pa ito. Hindi pa siya nakuntento sa ginawa. Sinabunutan din niya ito at pinagsusuntok ang ulo nitong may benda. Halos tumirik ang mga mata ng donya sa ginawa niya.
Nang tila mahirapan na itong huminga ay paulit-ulit niyang pinag-uuntog ang ulo nito sa unan. Pagkatapos ay ang mismong unan naman ang kinuha niya at itinakip sa mukha nito. Mas lalong nagwala ang matanda.
Nanggigigil na ang buong katawan ni Maria Lucia sa galit. Para siyang sinapian ng isang napakalakas na demonyo. Buong lakas niyang idiniin sa mukha ng matanda ang unan habang unti-unti itong nalalagutan ng hininga.
"Mamatay ka na! Mawala ka na! Hindi ako papayag na sirain mo pa kaming lahat, lalo na si hermana!"
Makalipas ang mahabang sandali, unti-unti nang huminto sa pagwawala ang donya. Doon lang niya ito tinigilan. Sinubukan niya itong kalabitin pero hindi na ito gumigising. Sinubukan din niyang buksan ang talukap ng mga mata nito pero tila wala nang balak na dumilat ang mga iyon. Pinagmasdan niya ang buong katawan ng matanda. Saka niya kinapa ang pulso nito pati dibdib. Wala na siyang marinig na tumitibok. Mukhang natuluyan nga niya ito!
Muli niyang ibinalik ang unan sa mukha nito at patuloy pa iyong diniinan. Hindi pa rin nawawala ang kanyang galit dito. Sinigurado niyang wala na talaga itong hininga bago niya nilisan ang kuwarto nito.
Nang umaga ring iyon ay sinubukan siyang sundan ni Maria Isabel sa ospital. Nabanggit kasi niya rito na balak niya itong ipaghiganti at siya na mismo ang gagawa ng paraan para mawala sa landas nila ang demonyitang matanda.
Ilang beses siyang pinigilan ng kanyang hermana pero ayaw niyang magpaawat. Kaya naman itinuloy pa rin niya ang plano nang umagang iyon.
Pagpunta naman doon ni Maria Isabel ay hindi na siya nito naabutan. Saktong nakaalis na siya at pauwi na sa mansyon. Nang si Maria Isabel na ang pumasok sa loob ng silid, isang walang buhay na Donya Glavosa na ang naabutan nito.
Gulat na gulat ang babae nang makita ang nakapatong na unan sa mukha ng matanda. Nanginginig ang katawan na nilapitan ito ni Maria Isabel. Pagkatanggal nito sa unan, doon nito nasilayan ang anyo ng kanilang abuela. Wala na talaga itong hininga. Bahagya na ring lumubog ang mga mata nito.
Sindak na sindak si Maria Isabel at namilog ang mga mata sa nasaksihan. Hindi ito makapaniwalang patay na nitong aabutan ang matanda. Sa labis na takot ay ibinalik nito ang unan sa uluhan ng matanda at inayos din ang katawan nito para hindi mahalatang may gumalaw rito.
Mangiyak-ngiyak naman si Maria Isabel na lumabas sa silid ng kanilang abuela. May ilang minuto itong napasandal sa pader habang nag-iisip. Pagkatapos ay mabilis din nitong nilisan ang ospital habang nanginginig ang buong katawan.
Doon nahinto si Maria Lucia sa pagbabalik-tanaw. Hindi na niya namalayan ang mga luhang pumapatak sa kanyang mga mata. Muli siyang nagpakawala ng malalim na paghinga. Saka niya isinubo ang tabletang iyon at sinabayan ng pag-inom ng tubig hanggang sa tuluyan na itong dumiretso sa loob ng katawan niya.
Isang uri ng gamot iyon na hindi pa widely available sa market. Galing ito sa ibang bansa na in-order lamang niya sa isang kakilalang duktor. May kakayahan daw ang gamot na iyon na burahin ang alaalang nagbibigay ng matinding stress at depresyon sa isang tao.
Nagbabakasakali siya na mabubura sa kanyang alaala ang ginawang kasalanan kapag ininom ang gamot na iyon. Hindi na niya hihintayin na lamunin siya ng stress at kunsensya dahil sa ginawa niyang pagpatay sa sariling abuela. Uunahan na niyang burahin ito sa buong sulok ng kanyang utak.
Nang tuluyan niyang mainom ang gamot ay napabuntong-hininga siya at naupo sa isang tabi. Ibinuhos na niya ang natitirang mga luha habang unti-unting nanginig ang kanyang mga kamay.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro