Chapter 48: Malagim na Trahedya
GINABI na sina Maria Elena at Evandro sa kanilang lakad dahil sa ganoong oras pa lang dumating ang mga magulang ng lalaki para magbantay sa ospital. Patungo na sila sa lugar na napagkasunduan nila ng reporter na si Melchor Tiangco. Natawagan na ito kanina ni Evandro at handa raw itong makipagtulungan sa kanila.
Isa rin si Melchor Tiangco sa mga reporter na hindi masaya sa pagkapanalo ni Felipe sa eleksyon. Kabilang kasi ang mga magulang nito sa mga nabiktima ng human rights violation noon sa panahon ng pamumuno ng ama nito. Kaya naman nang si Felipe na ang maupo sa puwesto, naalala nito ang lahat ng sakit at paghihirap na idinulot ng ama nito. Kaya wala rin itong tiwala sa magiging pamumuno ni Felipe.
Habang naghihintay ito sa kanilang tagpuan, naisipan nitong tawagan sina Evandro para kumustahin kung nasaan na ang mga ito. Ngunit bago pa nito iyon magawa ay ginulat ito ng isang kamay na humawak sa balikat nito.
"Pinili mo pang makialam sa gulong ito. Pasensya ka na sa gagawin ko, ha?"
Sa isang iglap, napaigik ang boses ni Melchor Tiangco nang bumaon sa likuran nito ang isang patalim. Nabitawan nito ang cellphone at hindi na natawagan ang lalaki. Unti-unting bumagsak sa sahig ang katawan nito habang patuloy na nakabaon ang patalim dito.
Nang hindi na makagalaw ang lalaki, doon binunot ni Nemencio ang patalim sa likuran nito. Saka nito ginitilan sa leeg ang reporter bago iniwan ang bangkay nito roon. Kinuha na rin nito ang cellphone at wallet ng lalaki saka nilisan ang lugar na iyon.
Kalahating oras ang nagdaan bago nakarating sina Maria Elena sa tagpuan. Ayon sa huling text sa kanila ni Melchor Tiangco, nasa second floor lang daw ito ng abandonadong building na iyon at nakatanaw sa bintana.
Ngunit paglingon nila sa taas, wala silang nakitang tao na nakatanaw roon. Sa labas pa lang ay halatang madilim na ang buong paligid niyon sa loob.
Pinasok na nila ang gusali at ginamit ang mga cellphone nila para magsilbing flashlight. Hinanap nila ang hagdan paakyat habang patuloy na naghahanap sa lalaki.
Sinubukang tawagan ni Evandro ang reporter pero hindi na ito sumasagot. Nang makaakyat na sila sa ikalawang palapag, may napansin si Maria Elena na nakahandusay sa gitnang bahagi ng sahig. Agad nila itong nilapitan at inilawan ng kanilang flashlight.
Ganoon na lamang ang pagkasindak nila nang makita kung sino ito. Ihinarap ni Evandro ang katawan nito para makita nila nang mabuti. Nagkatinginan silang dalawa. Hindi sila maaaring magkamali. Ito nga si Melchor Tiangco!
"Ano'ng nangyari! B-bakit ganito!" mangiyak-ngiyak na bulalas ni Maria Elena.
"Mukhang alam na rin nila ang plano nating pakikipagkita kay Sir Melchor. Kaya inunahan na nila tayo. Pinatay nila si Sir Melchor Tiangco!"
"Mga walang hiya sila! Mga wala silang puso! Pinapakita na talaga ni Papa ang tunay niyang kulay!" komento ni Maria Elena.
Napalingon sa kanya si Evandro. "Dapat na talagang pagbayaran ng papa mo ang ginawa niyang ito. Masyado na siyang uhaw sa kapangyarihan!"
"Kayo ang magbabayad sa ginagawa n'yo kay Don Felipe!"
Pareho silang nagulat sa tinig na iyon. Agad silang luminga at naghanap sa paligid. Bigla namang lumabas sa pinagtataguan ang ilan sa mga tauhan na inatasan ni Don Felipe para sundan si Melchor Tiangco at tapusin ang buhay. Kabilang na roon si Nemencio.
"Walang hiya ka! Kilala kita! Isa ka sa mga matagal nang tauhan ni Papa 'di ba? Ibig sabihin ay tama nga ang hinala ko! Kasabwat niya kayo sa lahat ng mga krimeng ginawa niya!" paninigaw rito ni Maria Elena.
Tumawa lang si Nemencio. "May magagawa ba kayo para pigilan ang aking amo? Nilalagay n'yo lang sa bingit ng kamatayan ang mga buhay n'yo!"
"Bakit ka ba masyadong nagpapakatapat kay Don Felipe? Hindi mo ba alam na may tinatago rin siya sa 'yo?" asik naman dito ni Evandro.
"Anong kalokohan naman ang sinasabi mo?" tumatawang sagot ni Nemencio.
"Hindi mo yata alam na siya lang naman ang nasa likod ng pagkawala ng tatay mo! Matagal mo nang hinahanap ang iyong ama, 'di ba?"
Nangunot naman ang noo rito ni Nemencio. "Paano n'yo nalaman ang tungkol sa tatay ko?"
"Iyon nga ang dahilan kaya namin ginagawa ito!" sabat ni Maria Elena. "Alam na naming lahat ang mga krimeng ginawa ni Papa! Kabilang ang iyong ama sa mga pinapatay niya! May hawak kaming ebidensya. Ipapakita namin iyon sa 'yo kung mangangako kang makikipagtulungan sa amin para pabagsakin si Papa!"
Humagalpak ng tawa ang tauhan. "At bakit ko naman gagawin iyon? Sa tingin n'yo ba tatalab sa akin 'yang mga gimik n'yo? Huwag n'yong ginagamit ang nawawala kong ama para bilugin ang ulo ko! Dahil hindi n'yo ako mabibilog kahit kailan!"
"Imulat mo ang mga mata mo! Huwag kang magbulag-bulagan sa iyong amo! Gusto mong iparinig ko sa 'yo ang ebidensyang magpapatunay sa pagkawala ng iyong ama?"
"Gusto mo rin bang iparinig ko sa 'yo ang putok ng isang baril?" ani Nemencio sabay tutok ng baril nito sa kanya.
Agad namang pumagitna si Evandro. "Huwag mong gamitin ang armas mo para takutin kami. Ako ang harapin mo. Kamao sa kamao!"
Ngumisi lang dito si Nemencio. Saka nito inutusan ang mga kasamahan nito para sugurin ang lalaki.
Buong tapang naman na kinalaban ni Evandro ang mga tauhan. Nakipagpalitan ito ng mga suntok, sipa, at nakipag-agawan pa ng baril. Pagkatapos nitong mapuruhan ang mga tauhan gamit ang mabibigat nitong kamao, hinawakan nito sa buhok ang dalawa at pinag-untog.
Nang matumba na ang dalawa, mabilis naman nitong binuhat ang isa pang tauhan at buong lakas na ibinalibag sa pader. Nawalan agad ito ng malay.
Akmang ipuputok na ni Nemencio ang baril pero mabilis na hinubad ni Evandro ang sapatos at pinatama sa kamay nito. Nang mabitawan nito ang baril ay doon sumugod ang lalaki at nakipagbunuan din dito.
Pagkatapos madaig ni Evandro ang lalaki, agad siya nitong nilapitan at mabilis nilang nilisan ang lugar na iyon. Pagkabangon naman ni Nemencio ay wala na silang dalawa roon.
"B*llsh*t!" Agad nitong pinulot ang baril at nilisan na rin ang gusali para sundan ang dalawa.
Mabilis na pinaharurot ni Evandro ang sasakyan. Si Maria Elena naman ay hindi mapakali sa kinauupuan. "Ano na ang gagawin natin? Wala na ang reporter na sinasabi mo!"
"We have no choice. Kailangan na nating mai-publish sa internet ang mga ebidensya! Iyon na lang ang tanging pag-asa natin." Habang nagmamaneho ang kaliwang kamay, dinukot naman ni Evandro ang cellphone sa kabila niyang kamay at tinawagan si Russell.
Mahigit isang minuto ang nagdaan bago nito iyon sinagot. Halatang naistorbo sa pagkaidlip ang boses nito. "Uggh... Evandro, ano'ng kailangan mo..."
"Bro, sorry kung naistorbo kita. Pero may ipapagawa ako sa 'yo. You have to do it now!"
"Uggh... Ano ba 'yon?"
"I-post mo na sa online ang mga ebidensya laban kay Sir Felipe! Ang mga recorded files, publish them now! Did you hear me? Ipaskil mo na! Ngayon na!"
Bahagyang nawala ang antok ng lalaki sa lakas ng boses niya. "Okay! Okay! Heto na!"
"Good. We have no time. May humahabol na sa amin. Magtawag ka na ng mga backup. Mukhang mapapalaban uli tayo, bro. I'm really sorry kung naistorbo kita. Kailangan kita uli ngayon. Can you help me?"
"Ano pa nga ba? Sige, sige! Heto na, uploading na."
"Thank you. Please, make it faster. Kailangan na nating—" Nahinto ang sinasabi ni Evandro nang makarinig sila ng mga putok ng baril.
Napasigaw si Maria Elena sa pagkabigla. Mabilis niyang iniyuko ang kanyang ulo habang tinatakpan ng dalawang kamay ang mga tainga. "E-Evandro, a-ano na ang nangyayari!"
"Mukhang sinusundan na nila tayo! Kumalma ka lang, mahal. Kailangan lang muna nating iligaw ang mga hayop na 'to. Tapos ay pupunta naman tayo kina Russell!"
Kung saan-saan na pinatakbo ni Evandro ang sasakyan para mailigaw ang kotseng sumusunod sa kanila. Nasa loob niyon sina Nemencio, Jomar, at Edgar.
Muli silang nakarinig ng mga putok ng baril. Halos hindi na makahinga si Maria Elena sa tindi ng kabog ng dibdib niya. Nanginginig na ang buong katawan niya sa takot dahil sa tunog ng mga putok ng baril.
Kung gaano na kahaba ang tinatakbo nila ay hindi na nila alam. Sa dinami-dami ng mga dinaanang kalsada ni Evandro ay mukhang hindi pa rin sila nakalalayo sa kotse ng kalaban. Naririnig pa rin nila ang mga putok ng baril na sumusunod sa kanila.
"Huwag kang matakot, Maria Elena. Kasama mo ako," muling paalala sa kanya ng lalaki. Pilit na lamang niyang nilalakasan ang kanyang loob. Matindi na ang takot niya sa tunog ng baril. Halos isiksik na niya ang sarili sa kinauupuan habang umuusal ng dasal sa kanyang isip.
Kanina pa may humahabol na sasakyan sa likuran nila. Mas binilisan pa ng lalaki ang pagmamaneho. Ang kaliwang kamay nito ay nakahawak sa manibela. Ang kabila naman ay nakahawak nang mahigpit sa kamay ng babae.
"Huwag kang mag-alala. Ako'ng bahala sa 'yo. Hindi kita pababayaan," wika ng lalaki kahit ito ay nanginginig na rin sa takot.
Mangiyak-ngiyak na ang babae sa kinauupuan. "Natatakot ako para sa ating dalawa. Pasensiya ka na kung nadamay ka pa. Ayoko ring may mangyaring masama sa iyo..."
"Walang mangyayari," mabilis na sagot sa kanya ng lalaki. "Walang mangyayari basta kumapit ka lang sa akin."
Natigilan sila sa pag-uusap nang marinig uli ang mga putok ng baril. Napasigaw muli ang babae. Sabay pa silang yumuko ng katabi niya.
Nang mahinto ang pamamaril ay lumingon sila sa likuran. May mga tama na ng baril ang likod ng sasakyan. Binilisan pa lalo ng lalaki ang pagpapatakbo. Kulang na lang ay umangat na ang sasakyan nila sa lupa.
Hindi na halos makahinga ang babae sa matinding takot na umaalipin sa buong pagkatao niya. Siya lang ang target ng mga ito ngunit pati ang lalaki ay nadamay na rin. Hindi niya kakayanin kung may mangyari ding masama rito.
Heto na nga ba ang kinatatakutan niya. Nagsimula na ang malaking delubyo sa buhay niya. Wala silang laban. Wala silang magawa kundi ang tumakas at tumakbo.
Sa kalagitnaan ng pagmamaneho, natanaw ng lalaki ang isang malaking truck na paparating. Sa sobrang laki nito ay wala na silang ibang madadaanan. Masyado nang masikip ang daan na tinatahak nila.
Dumagundong na ang dibdib ng babae. "H-hinde!"
Napasigaw na lamang sila nang dumire-diretso ang truck hanggang sa mabangga sila. Nakaladkad ang kanilang sasakyan at natilapon palayo.
Sa pagkakataong iyon ay huminto na rin ang sasakyan na sumusunod sa likuran nila. Bumaba ang dalawang lalaki mula roon at nilapitan ang kanilang sasakyan. May mga lalaki ring bumaba sa truck na lingid sa kanilang kaalaman ay kasabwat din ng mga taong humahabol sa kanila.
Kinuha nila ang walang malay na babae at isinakay sa kabilang sasakyan. Nilapitan naman ng isa ang lalaking nasa loob at itinutok sa ulo nito ang baril.
Akmang papuputukin na iyon ni Edgar nang bigla itong pigilan ni Nemencio. "Ibinilin sa akin ni Don Felipe na huwag mo raw patayin ang lalaking 'yan. Anak iyan ng mga Bendijo na matalik nilang kaibigan. Hindi siya puwedeng mamatay. May ibang plano raw sa kanya si Don."
"Ganoon ba?" Ibinulsa na ni Edgar ang baril. "Ano na lang ang gagawin natin dito?"
"Isakay mo na lang din siya sa kotse pagkatapos tawagan mo si Don Felipe. Sabihin mo hawak na natin siya. Hintayin mo na lang n'yan ang sasabihin niya kung saan natin dadalhin ang lalaking iyan. Basta huwag mo lang siyang papatayin."
"Sige."
Pagkatapos nilang madala sa kabilang sasakyan si Maria Elena, si Evandro naman ang sunod na binuhat nila at isinilid sa likod ng kotse. Naiwan naman ang ilang mga tauhan doon para linisin ang naganap na aksidente.
MAHIGIT dalawang oras bago nakarating sina Nemencio sa Calrat, isang probinsya iyon na medyo malayo na sa Hermosa. Doon nila naisipang dalhin at idispatsya ang katawan ni Maria Elena gaya ng utos sa kanila ni Don Felipe.
Kailangan mawala na raw sa mundong ito ang babae upang hindi na nito maisiwalat pa ang mga nalalaman nito.
Dinala nila sa dulo ng damuhan ang sasakyan at doon ibinaba ang katawan ni Maria Elena. Habang wala pa itong malay ay isinilid na nila ito sa malaking sako. Saka nila sinilaban ang napakalaking basurahan doon na walang laman. Gaya ng utos ni Felipe, balak nilang sunugin nang buhay ang babae gaya ng laging ginagawa ng kanilang amo sa mga bangkay na nililigpit nito.
Ngunit bago pa nila magawa iyon, may dalawang sasakyan na biglang lumabas sa paligid. Lumabas mula roon ang ibang mga armadong kalalakihan na may dalang mas malalaking mga baril. Iba't ibang uri ng shotgun at rifle.
Halatang nakaramdam ng takot dito sina Nemencio. Alam nilang walang laban ang maliliit nilang mga baril dito.
Dumukot ng bomba ang isa at hinagis malapit sa kanila. Dali-dali silang napatakbo sa malayo habang bitbit ang katawan ni Maria Elena na nakasilid na sa sako.
Naglakas-loob na lumapit ang mga hindi kilalang armadong lalaki sa kanila at nakipagbarilan. Natamaan at nasawi ang mga kasamahan nilang tauhan. Kaya naman wala nang nagawa sina Nemencio, Jomar, at Edgar. Hindi na sila nagsayang pa ng bala. Tumakbo na lamang sila palayo upang iligtas ang sarili nilang mga buhay. Naiwan na nila ang sakong kinalalalagyan ni Maria Elena.
Agad itong nilapitan ng isang lalaki na may hawak na rifle. Ang mga kasamahan naman nito ay naglibot sa paligid habang ang iba ay sinundan ang tatlong lalaki na tumakas.
HINUBAD ng naturang lalaki ang suot na maskara hanggang sa lumantad ang kanyang anyo na walang iba kundi si Aaron. Lumuhod siya sa lupa at binuksan ang sako. Matagal niyang pinagmasdan si Maria Elena na nasa loob niyon.
Galit na galit pa rin si Aaron dito. Nais niyang gantihan ang babae pati ang asawa nito dahil sa ginawang pagpapakulong sa kanya at pagpapabagsak sa grupo niya. Pero dahil sa nangyari kay Donya Glavosa, iba ang nais niyang gawin ngayon.
Mas nakatuon siya sa pag-iimbestiga sa kung sino ang pumatay sa kanyang amo at doon niya nais ibuhos ang kanyang kumukulong galit. Nais niyang pagbayaran ang taong nasa likod ng pagkamatay ng donya.
Kaya naman sa loob ng ilang mga araw ay minatyagan niya ang kilos ng mga tauhan ni Felipe na lumalabas-pasok sa mansyon. Inalam niya kung ano ang mga aktibidades na ginagawa ng mga ito. Naniniwala siya na ang mga ito ang makapagtuturo sa taong hinahanap niya. Malakas kasi ang kutob niya na may kinalaman si Felipe sa pagkamatay ng sarili nitong ina, lalo na't ito lang din ang may pinakamalaking galit dito.
Binuhat niya ang sakong kinalalagyan ni Maria Elena at inilayo sa lugar na iyon. Nais man niyang tulungan ang babae na makaligtas sa kapahamakan ay hindi niya magawa. Tuwing maaalala niya ang pait na idinulot nito sa kanya ay parang gusto rin niya itong patayin.
Pero sa kabilang banda ng kanyang puso ay hindi rin niya iyon magawa. Ewan ba niya kung bakit parang wala siyang ganang pagbuntungan ng galit ngayon ang babae. Marahil ay napamahal din siya rito nang kaunti kahit papano. Lalo na noong sinusuyo pa lang niya ito at pinapaikot sa kanyang plano. Hindi niya akalaing may mararamdaman din siyang kaunti para sa babae.
Kaya sa halip na patayin ito, itinapon na lamang niya ito sa isa pang basurahan na malayo sa damuhan kanina. Doon na lamang niya naisipang ilagay ang babae. Bahala na kung doon ito mamatay o may makakita at makapulot dito.
Basta ang mahalaga ay hindi ito mamatay sa sarili niyang mga kamay. Iba ang nais niyang patayin at gantihan ngayon.
"Bahala na ang sarili mong kapalaran sa 'yo, Maria Elena, kung bubuhayin ka pa niya rito o dito ka na rin matutuluyan. Bahala na ang sarili mong tadhana sa 'yo." Pagkasabi niyon ay nilisan na niya ang lugar at pinilit niyang huwag lingunin ang basurahan kung saan niya itinapon ang katawan ng babae.
SAMANTALA, mahimbing na ang tulog ni Felipe nang mga oras na iyon. Doon na siya nakatulog sa sarili niyang opisina. Nakatulugan na niya ang pagkarami-raming mga papeles na pinirmahan kanina.
Nagising lang siya nang tumunog ang telepono niya. Pagmulat niya ng mata, ito agad ang dinampot niya. Nakita niya sa screen ang pangalan ni Nemencio. Doon siya tuluyang bumangon mula sa pagkakaidlip sa lamesa niya.
Ngunit bago pa niya ito masagot, bigla namang gumulat sa kanya ang manikang nakapatong sa bandang kaliwa ng kanyang mesa. Ito ang kaparehong manika na kamukhang-kamukha ni Donya Glavosa!
Sa labis na pangingilabot ay nabalibag niya ito palayo. "Pinatapon na kita, ah!" Mabilis niyang dinampot ang cellphone at kumaripas nang takbo palabas ng home office.
Kinilabutan siya sa nangyayari. Saan ba talaga nanggagaling ang manikang iyon? Sino ang gumagawa nito sa kanya?
Doon pa lang niya sinagot ang tawag. Agad naman niyang narinig ang boses ni Nemencio. "Mission accomplished, Don Felipe. Nailigpit na namin si Maria Elena. Hawak naman namin ngayon si Evandro. Binilinan n'yo kami na huwag siyang patayin."
"Sigurado ba kayong napatay n'yo na si Maria Elena?"
"Opo. Nasunog na namin siya nang buhay gaya ng gusto n'yong mangyari."
Napatango siya. "Mabuti kung ganoon. Binabati ko kayo. Dalhin n'yo na lang sa Barangay Dulo si Evandro. Pupuntahan ko kayo roon."
"Masusunod, Don Felipe." At nagwakas na ang tawag.
Nagkatinginan naman ang tatlong tauhan habang nasa loob pa rin ng sasakyan.
"Bakit ka nagsinungaling kay boss?" tanong kay ni Jomar kay Nemencio.
"Kung hindi ko sinabi 'yon, baka tayo ang mapatay ni Don Felipe kapag nalaman niyang pumalpak tayo!"
"E, paano ka nga nakakasiguradong patay na ang babaeng 'yon? Ni hindi mo man lang binaril bago mo iniwan doon! Siguradong magigising pa 'yon!"
Ilang beses napalunok ng laway si Nemencio. "Basta! Ako na ang bahala! Babalikan ko na lang! Basta walang magsasalita sa inyo kung ayaw n'yong tayo ang malagay sa alanganin! Kailangan nating paniwalain na wala na ang anak niya para makuha natin 'yung bayad natin!"
"Siguraduhin mo lang na kapag binalikan mo 'yun ay mahahanap mo pa ang katawan niya, ah?" asik naman sa kanya ni Edgar.
"Ako na nga ang bahala sa inyo! Basta walang magsasalita! Tapos ang usapan!" iritadong sagot dito ni Nemencio.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro