Chapter 47: Naglalagablab na Misteryo
PAGKAGISING ni Maria Elena ay dumiretso siya sa kitchen para magtimpla ng kape. Ganado siya sa umagang iyon dahil wala na roon si Maria Isabel. Nakatira na ito sa bahay ng asawa nito at bihira na lamang kung umuwi rito. Si Maria Lucia naman ay palagi na ring wala sa bahay at kasama naman ang nobyo nito.
Ang mas nakapagpapagaan pa sa loob niya ngayon ay ang abuela nilang tuluyan nang sumakabilang buhay kaya wala nang manggugulo sa pamilya nila.
Nahinto siya sa paghalo nang tumunog ang kanyang telepono. Sinagot agad niya ito nang makitang si Evandro ang tumatawag.
"Hello, mahal?"
"Good morning, love. I have something to tell you. Can we meet on St. Plaridel Hospital?"
Nangunot ang noo niya. "Huh? Hospital? Bakit, mahal? Ano'ng ginagawa mo d'yan?"
"Nagka-mildstroke si lola kagabi. Ako ngayon ang nagbabantay rito sa kanya. Sina mama at papa mamaya pa makakapunta rito dahil nasa work pa sila."
"Ha? Si Donya Bernadette? Na-stroke?"
"Yes, pero okay na raw siya ngayon ayon sa doctor. Nagpapahinga na lamang siya pero wala pa siyang malay. Hindi nga ako makapaniwalang malalampasan pa niya ito sa kabila ng edad niya. Napakalakas talaga niya."
"Ganoon ba? Sige, sige. Pupunta ako d'yan. Sasamahan kita sa pagbabantay sa kanya."
"Actually, hindi naman talaga iyon ang nais kong sabihin sa 'yo, mahal. Tungkol ito sa papa mo."
Napalunok siya ng laway. "Bakit? Ano'ng meron kay papa?"
"I think I have a better plan for him. Bukod sa internet, balak ko ring lumapit sa isang reporter na kakilala ng pinsan ni Russell. Kailangang ma-expose din sa national television ang mga baho ng ama mo. That way, mahihirapan na siyang pagtakpan ang mga issues niya."
"Ano? Lalapit kayo sa isang reporter? Ibibigay n'yo sa kanya ang ebidensya? I-e-expose n'yo si papa sa TV?" pag-uulit niya habang bakas ang pagkagulat sa mga mata.
"Kaya nga nais sana kitang pumunta rito para makapag-usap tayo nang maayos. I just want to have your permission bago ko ituloy ito."
"Basta kung ano sa tingin mo ang makabubuti, gawin mo na lang. Sige, pupunta na ako d'yan ngayon din. Hintayin mo 'ko."
Pagkababa niya sa tawag, bigla siyang ginulat ng tinig na bumulaga sa likuran niya. "Ano ang binabalak n'yo laban sa akin?"
Gulat na gulat na napalingon si Maria Elena. Namilog ang mga mata niya nang masilayan ang kanyang ama na nagbabaga ang tingin sa kanya. "P-Papa..."
"Sagutin mo 'ko, Maria Elena! Ano ang binabalak n'yo laban sa akin!"
Wala na siyang nagawa. Hindi na niya puwedeng takasan pa ang sitwasyon. Kinompronta na niya ang ama tungkol dito. "Kailan ka pa nagsinungaling sa akin, Papa?"
"Ano ba'ng sinasabi mo!"
"Huwag mo nang itago sa akin. Alam kong nandaya ka sa eleksyon kaya ka nanalo! Hindi ka lumaban nang patas! Hindi mo deserve ang posisyong hinahawakan mo ngayon!"
Biglang tumawa si Felipe. "Hindi ko deserve? Cuidado con lo que dices, Maria Elena! Wala nang karapat-dapat sa posisyong ito kundi ako lang! Kung hindi pa ako ang naupo rito, malamang tuluyan nang malulugmok ang buong probinsyang ito!"
"Sigurado ka, Papa? Sigurado kang napauunlad mo ang ating bayan sa ginagawa mong 'yan? Akala n'yo bang hindi ko rin alam na kayo ang nagpagiba sa bahay ng mahihirap na kumonidad? Tinanggalan n'yo na sila ng tahanan, tinanggalan n'yo pa sila ng hanapbuhay! Anong klaseng pamumuno 'yan, Papa?"
"Ano ba'ng alam mo sa pamumuno, Maria Elena? Qué demonios estás haciendo? Quién te crees? Ang hirap kasi sa 'yo, mahilig kang makialam sa mga bagay na hindi na sakop ng iyong kakayahan! Hindi ba puwedeng manahimik ka na lang kasama ang asawa mo at hayaan mo na ako sa trabaho ko? Bakit pati ito pinanghihimasukan mo pa? At balak n'yo pa talaga akong ilantad sa telebisyon? Bakit, sa tingin n'yo magtatagumpay kayo sa binabalak n'yong gawin?"
"Bakit, Papa? Ano naman ang balak mo? Ipapapatay mo rin ako sa mga tauhan mo? Para hindi ako makapagsalita? Ganyan ka na ba talaga kasama? Para lang sa kapangyarihang tinatamasa mo, balak mong saktan ang sarili mong pamilya? Anong klase kang ama! Anong klase kang lider!"
Nakatanggap siya ng isang malutong na sampal mula sa ama. Napaiyak agad siya at hinawakan ang namumulang pisngi.
"Subukan mong gawin ang binabalak n'yo. Hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa 'yo!" pahabol na wika sa kanya ng ama.
Tumalim na rin ang mga mata ni Maria Elena. "Hindi na 'ko natatakot sa mga balak mong gawin sa akin, Papa! Hindi ako papayag na magtagal ka pa sa posisyon. Lalong hindi ko hahayaang kumalat pa sa buong probinsya ang kasamaan mo! Dapat nang matigil ito habang maaga pa!"
"Huwag mong pinaiinit ang ulo ko, Maria Elena!"
Pero tinalikuran na niya ang ama pagkatapos niyon. Hindi na siya natakot na banggain ito at dumiretso sa kanyang kuwarto. Pupuntahan na niya si Evandro. Naniniwala siya na hangga't magkasama sila ay walang mangyayari sa kanilang dalawa. Malalampasan nilang lahat ito.
Galit na galit namang umatungal si Felipe sa kinatatayuan. Agad nitong dinukot ang cellphone sa bulsa at tinawagan si Edgar. "Bantayan n'yo ang kilos ni Maria Elena mula rito hanggang sa labas! Huwag n'yo hayaang matuloy ang binabalak niya sa akin!"
Sumagot ang nasa kabilang linya. "Ano ba ang binabalak niya laban sa inyo, Don Felipe?"
"Balak niyang ilantad sa telebisyon ang mga nalalaman niya tungkol sa akin. Alam n'yo na ang gagawin n'yo. Sinabihan ko na kayo sa kung paano n'yo hahawakan ang sitwasyong ito."
"Huwag kang mag-alala, Don Felipe. Hindi namin nakakalimutan ang mga ibinilin mo sa amin. Alam na rin namin ang gagawin oras na kumilos sina Maria Elena. Pinagplanuhan na namin ang lahat ng magiging operasyon."
"Mabuti kung ganoon. Ayusin n'yo ang trabaho n'yo! Siguraduhin n'yong hindi ito makakarating sa publiko! Lalo't malapit na ang royal visit ng Prinsipe ng England dito sa bansa, pati na rin sa ating probinsya!"
"Makakaasa po kayo, Don Felipe." Doon na nagwakas ang usapan nila.
PAGKALABAS nina Imelda at Orlando sa isang mall, dumiretso sila sa parking lot kung saan nakaparke ang kotse ng lalaki.
"Salamat sa tulong, Orlando. Ngayong malaya na ako, balak ko nang ituloy ang clothing line na dati ko pa sana nagawa, kung hindi lang ako ginawang janitress ni mama sa kumpanya ng kaibigan niya."
"Ewan ko ba sa 'yo kung bakit mo pa naisipang magpaalipin doon. Sa una pa lang hindi ka na dapat nagtiwala sa kanya. Wala namang balak ang biyenan mo na tulungan ka, eh."
"At least ngayon natuto na ako sa nangyari. Masyado akong naging mahina. Hindi ko man lang ipinaglaban ang sarili ko. Kaya naman mula ngayon, hinding-hindi ko na hahayaang tapakan pa ako ng kahit na sino."
Nahinto lang ang pag-uusap nila nang marating na nila ang sasakyan ng lalaki na nasa bandang dulo. Pagbukas dito ni Orlando, laking gulat nito sa nakita. Napaatras ito. Nagtaka tuloy siya sa ikinilos nito.
Pagsilip niya roon, pati siya ay nagulat at nanlaki ang mga mata sa nakita. Isang manika na kasing laki ng sanggol ang nakaupo sa driver's seat. Kamukhang-kamukha nito si Donya Glavosa, mula sa hulma ng mukha pati na sa suot na damit at alahas! Sadya pang nakaharap ang ulo nito sa kanila!
"Dios mio! Saan galing ito!" sindak na sindak ang anyo ni Imelda habang pinagmamasdan ang manikang kamukha ng matanda. Napalingon naman si Orlando sa paligid habang nanlilisik ang mga mata.
Pareho silang nagtataka kung saan nagmula ang manikang ito, at kung ano ang nais nitong ipahiwatig sa kanila!
PAGKALABAS ni Felipe ng mansyon ay nakasunod naman sa likuran niya sina Jomar, Nemencio, at Edgar. Pagkarating nila sa kotse ay bahagyang pumauna si Nemencio at ito na ang nagbukas ng pinto ng sasakyan.
Ngunit pare-pareho silang nagulat nang masilayan ang manikang nakaupo sa madalas na pinupuwestuhan ni Felipe sa backseat. Isa itong manika na kamukhang-kamukha ni Donya Glavosa, mula sa anyo hanggang sa pananamit!
Nagkatinginan ang mga tauhan niya. Habang siya naman ay sindak na sindak na nakatingin sa manika. "Ano ito? Saan galing ito?" nagtatakang tanong niya.
Maging ang mga tauhan ay walang maisagot sa kanya. Larawan din sila ng pagtataka kung saan nagmula ang manikang iyon.
Kinuha ito ni Felipe at ibinigay kina Nemencio. "Itapon n'yo ang manikang ito! Alamin n'yo kung sino ang naglagay nito rito!"
"Masusunod, Don Felipe," sagot naman sa kanya ni Nemencio at mabilis na kinuha ang manika.
"Sa tingin ko, baka si Maria Elena ang gumawa nito, Don Felipe," sagot naman sa kanya ni Edgar.
Napatitig siya sa lalaki. "Paano naman magiging siya?"
"May binabalak nga siya sa 'yo, hindi ba? Siguro, iniisip niyang tatakutin at pagbabantaan n'yo siya oras na malaman n'yo ang ginagawa niya. Kaya ito ang naisip niyang gawin para sindakin din kayo."
"Kung ganoon, hindi ang manikang iyan ang magbibigay ng sindak sa akin, kaya itapon n'yo sa malayo at sunugin! Maliwanag?"
Tumango naman agad sa kanya si Edgar.
KATATAPOS lang magbihis ng swimsuit ni Maria Isabel. Naghihintay na sa kanya si Ronaldo sa harap ng dalampasigan. Bago siya lumabas ng kuwarto ay dinampot niya ang cellphone sa tabi ng kama at ini-charge sa gilid ng mesa.
Nang umilaw ang screen, doon niya napansin ang notification tungkol sa isang email na ipinadala sa kanya. Walang subject o pangalan na nakalagay roon kaya hindi niya malaman kung kanino ito galing.
Na-curious tuloy siyang buksan ito. Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang bumungad ang larawan ng bangkay ni Donya Glavosa na nasa morgue. Napasigaw siya at mabilis na binitawan ang cellphone sa mesa.
Pagkasaksak sa charger ay agad siyang tumakbo palabas hanggang sa masilayan na niya ang asawa. Mahigpit siyang yumakap dito habang nanginginig pa ang kanyang mga kamay.
Napansin naman ng lalaki ang kakaibang kilos niya. "What happened? May problema ba?"
Napatitig siya rito at napalunok ng laway. "W-would you protect me?"
"From what?" nagtatakang sagot ni Ronaldo sa kanya.
"Handa mo ba akong protektahan sa lahat ng pagkakataon?"
"Siyempre naman asawa kita, eh! I will do everything to protect you. Bakit, ano ba'ng problema?"
Napayuko si Maria Isabel. "Mamaya ko na lang sasabihin sa 'yo. Magsaya na muna tayo rito. Kailangan ko ng mahabang relaxation..."
"Alright! Come on, doon tayo banda!" ani sa kanya ng lalaki at inakbayan siya. Nagsimula na silang maglakad patungo sa bahagi ng dalampasigan na sinasabi nito.
KANINA pa napapansin ni Maria Elena ang isang sasakyan na sumusunod sa kanya. Kasalukuyan siyang nagmamaneho patungo sa St. Plaridel Hospital. Agad niyang tinawagan si Evandro sa cellphone niya.
"Mahal, tulungan mo 'ko. P-parang may sumusunod sa akin!" Pagkasabi niyon ay agad niyang binuksan ang GPS ng kanyang sasakyan para madali nitong ma-monitor ang kanyang lokasyon.
Sinabihan lang siya ng lalaki na huminahon at huwag magpapahalata na aware na siya sa kotseng sumusunod sa kanya. Magmaneho lang daw siya nang normal at panatilihing nakabukas ang GPS niya.
Ligtas naman siyang nakarating ng ospital. Agad niyang ipinagtanong ang kinaroroonan ni Evandro. Pagkatapos ay umakyat na siya sa fifth-floor kung saan ito matatagpuan.
Napanatag naman agad ang loob niya nang makita na ang lalaki. Ayon dito, inilipat na raw ng silid ang lola nito dahil bumuti rin naman agad ang pakiramdam nito.
"Orange 'yung sasakyan na sumusunod sa akin kanina. Kaya ko nasabing sinusundan nila ako dahil parang nakita ko na ang sasakyan na iyon dati. Kung hindi ako nagkakamali, iyon din ang kotseng ginagamit paminsan-minsan ng ilan sa mga tauhan ni Papa!"
"Kung ganoon, mukhang alam na nga nila ang tungkol sa pinaplano natin. Hayaan mo, pagkarating dito nina mama, pupuntahan na agad natin ang reporter na sinasabi ni Russell. Siya si Melchor Tiangco. Isa siya sa matapang na reporter at journalist sa TV. Hindi siya natatakot na ibalita ang mga kapalpakan at bahong itinatago ng mga politiko noon. Siguradong magiging kakampi natin siya sa pagpapabagsak sa papa mo."
Napayakap na lamang si Maria Elena. "Kinakabahan ako, Evandro. Nagkausap na kami kanina ni Papa. Wala siyang puso. Mukhang hindi siya mag-aalangan na saktan ako oras na ituloy ko ang plano natin."
"Hindi ka dapat matakot dahil kasama mo ako. Handa ring makipagtulungan sa atin sina Russell at ang private investigator niya. Ilalabas natin ang lahat ng baho ng iyong ama hanggang sa siya na mismo ang bumaba sa puwesto kapag hindi na niya kinaya ang galit ng mga tao."
Napaiyak na lamang siya habang inaalala ang iyakan ng mga tao sa demolition video na napanood niya. "Muchas gracias, Evandro. Hindi ko talaga alam ang gagawin ko kung wala ka. Hindi talaga ako makapapayag kapag ang taumbayan na ang nasasaktan at nahihirapan dahil sa ginagawa ni Papa. Kung hindi pa ako kikilos, sino pa ang magtatanggol sa kanila? Kailangan nila ng tulong ngayon, at wala nang ibang makakatulong sa kanila kundi tayong dalawa lang. Wala na rin naman silang maaasahan sa gobyernong ito."
"Wala ka nang dapat ipag-alala, mahal. Kasama mo ako sa lahat ng laban mo. Kakayanin natin ito." Yumakap na lang din sa kanya ang lalaki at hinaplos ang likod ng kanyang ulo.
SAGLIT na umuwi ng mansyon si Maria Lucia para dalhin ang ilan sa mga naiwang gamit niya. Kina Nathan uli siya makikitulog ngayon. May munting party kasi na magaganap doon mamayang gabi kaya ngayon pa lang ay ihahanda na niya ang mga susuotin niya.
Pag-akyat niya sa kuwarto ay hindi na niya kasama ang nobyo. Saglit itong nagpaalam sa kanya para mag-CR sa baba. Sinamantala niya ang pagkakataon. Pagkatapos niyang kuhanin ang damit na isusuot mamaya sa party, muli niyang kinuha ang gamot na nakatago sa ilalim ng unan niya.
Matagal muli niya itong pinagmasdan bago binuksan ang bote. Sa mga sandaling iyon ay bahagyang nanigas ang katawan niya sa kinatatayuan. Nagdadalawang-isip siya kung iinumin na ba niya iyon o huwag na muna.
Natatakot siya sa mga puwedeng mangyari. Pero ito lang ang naiisip niyang paraan para mabigyan ng pansamantalang solusyon ang problema niya.
Sa huli, itinago na lang muna niya sa kanyang shoulder bag ang gamot. Mamaya na lang niya pag-iisipan kung gagamitin na ba niya ito. Tinupi na lang niya ang kanyang mga damit at inilagay na sa isang bag na binigay sa kanya ng lalaki.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro