Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 46: Masamang Balak

"ANO'NG kailangan mo sa akin, Maria Elena?" malamig ang tinig na sagot sa kanya ni Don Felipe.

Muling nilingon ni Maria Elena ang isang tauhan na may baril. "Puwede ba kitang makausap na tayong dalawa lang, Papa?" aniya sabay lingon sa ama.

Awtomatiko namang tumitig si Don Felipe sa tauhan nito. Ilang sandali pa, tumayo na ang lalaki sa kinauupuan at lumabas ng home office. Doon siya lumapit at umupo sa harap ng mesa nito.

"Papa, m-may mga nasagap lang kasi akong balita tungkol sa 'yo..." saglit na huminto si Maria Elena at napalunok ng laway. "Totoo bang nandaya ka sa eleksyon?"

Naningkit naman ang mga mata ng Don. "Saan mo naman nakuha 'yan?"

"Sa mga kakilala natin sa Espanya. Kinukuwestyon kasi nila ang naging resulta ng eleksyon. M-matagal na nilang usap-usapan iyon, Papa. Ngayon ko lang narinig. Kaya naman nais ko lang marinig ang iyong opinyon dito."

"Walang katotohanan ang mga naririnig mo, Maria Elena. Naging malinaw ang bilangan sa Electromatic. Ramdam mo rin naman siguro ang nag-uumapaw na suporta sa akin noon ng mga tao. Paano nila nasabing nandaya ako?"

"Nanigurado lang ako na hindi totoo ang mga nasagap nilang balita, Papa. Alam mo namang hindi maganda ang mandaya 'di ba? Nais ko lang makatiyak na hindi mo ginawa iyon dahil bilang bagong Gobernador at isang Iglesias, kailangan nating ipakita sa mga tao na isa tayong magandang halimbawa sa kanila. Na wala tayong bahid ng anumang bad records. Iyon lang naman ang gusto kong matiyak, Papa."

"Kung ganoon, makakaalis ka na. Nalaman mo na ang sagot. Hindi totoo ang lahat ng mga narinig mo. Kaya sige na. Puntahan mo na lang si Evandro at ako'y abala pa rito."

Hindi na sumagot si Maria Elena. Tumango na lamang siya at iniwan na ang ama sa opisina nito. Paglabas niya ng pinto ay naabutan pa niya ang tauhan nitong nakatayo lang sa labas. Agad din itong pumasok nang tuluyan na siyang makalabas.

"ANO'NG sinabi sa 'yo ni Papa?" tanong sa kanya ni Evandro nang magkita silang muli sa conservatory. Nakaupo lang sila sa tabi at hindi alintana ang mga katulong na naglilinis at nagdidilig ng mga halaman sa labas nila.

"Gaya ng inaasahan ko, itinanggi pa rin niya ang pandaraya niya. Iyon lang muna ang itinanong ko sa kanya. Hindi ko na binanggit 'yung iba dahil baka makahalata siya."

"Tama lang ang ginawa mo. Hindi niya dapat malaman na alam na natin ang lahat."

"Pero kailan ba natin siya isusuplong sa mga pulis? Malakas naman ang ebidensya natin laban sa kanya, ah?"

"Hindi puwede, mahal. Baka nakakalimutan mo, hawak din niya sa leeg ang mga awtoridad dito. Kaya nga niya naitago ang ginawa niya sa tatay ng tauhan niya 'di ba? Lalo lang tayong malalagay sa alanganin kung sa pulis tayo lalapit. Sa tingin ko, kailangan natin siyang ibulgar sa internet. Mas mabuti kung ang taumbayan ang unang makaalam sa mga itinatagong baho niya. Sa paraang iyon, wala ring magagawa ang mga pulis at abogado kapag ito'y kumalat na. Hindi na nila puwedeng pagtakpan ang iyong ama."

Napayuko si Maria Elena. "Oo nga pala. P-pero kailan mo balak ipaskil sa internet ang mga ebidensya?"

"May sinabi sa akin kanina si Russell. May darating daw na bisita rito sa susunod na linggo. 'Yung Prinsipe ng England, bibisita sa Pilipinas, at kasama itong Hermosa Province sa mga pupuntahan niya. Siguradong makikipagkita at makikipag-usap si Don Felipe sa royal visit ng prinsipeng iyon. Doon natin kailangang ibulgar ang lahat ng mga ebidensya sa internet. Iyon ang tamang pagkakataon para ma-expose siya sa buong mundo, lalo na't hindi basta-basta ang bisitang darating dito."

Napahawak si Maria Elena sa kamay ng asawa. "Basta mag-iingat ka. Siguraduhin mong hindi nila mati-trace ang mga gagawin mo sa internet. Kilala mo naman si Papa. Marami siyang mga tauhan at galamay. Baka ma-hack ka nila."

"Huwag kang mag-alala, mahal. Kasama ko naman si Russell. Marami ring alam 'yon sa computer. Alam niya kung ano ang gagawin."

"Sige. Basta mag-ingat na lang kayo," aniya rito saka siya umakbay sa lalaki. Gumanti naman ito ng pag-akbay sa kanya.

Lingid sa kanyang kaalaman, may isang umiilaw na chip na nakadikit sa likuran niya.

TAPOS na si Don Felipe sa mga gawain niya. Nagpapahinga na lamang siya sa loob ng kanyang opisina habang humihithit ng sigarilyo.

Nahinto siya sa pagmumuni-muni nang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang tauhang kasama niya kanina sa maghapon. Edgar ang pangalan nito at isa rin sa mga pinagkakatiwalaan niya bukod kina Jomar at Nemencio na parehong absent nang araw na iyon.

"Don Felipe, may kailangan kayong malaman." Umupo ang lalaki sa tabi ng mesa niya at inilapag ang isang recording device na dala-dala nito.

Pagka-play ng lalaki sa device ay nagsimulang magsalubong ang mga kilay niya nang marinig ang boses nina Maria Elena at Evandro.

Narinig niya roon ang pinag-uusapan ng dalawa kanina sa conservatory. Gulat na gulat siya at hindi makapaniwala.

"Esto es muy frustrante!" tumalim ang mga mata ni Don Felipe at naupo sa harap ng kanyang mesa. "Ano'ng ibig sabihin nito, Edgar! Anong mga ebidensya ang tinutukoy nila!"

"Hindi rin ako sigurado. Pero malakas ang kutob ko, may binabalak sila laban sa 'yo, Don Felipe. Maaaring may kinalaman ito sa mga lihim na itinatago mo. Alam mo na siguro kung ano ang mga iyon."

"At paano naman nila malalaman 'yon!" Tumaas na ang boses ng Don.

"Sa tingin ko, may ginagawa silang milagro dito sa mansyon kaya nila nalalaman ang bawat kilos mo. Tanga lang nila dahil hindi nila alam ang idinikit ko sa likod kanina ni Maria Elena pagkalabas niya ng opisina mo. Dahil doon, kuhang-kuha rito sa device ko ang mga pinag-usapan nila."

"Alamin n'yo kung ano ang ebidensyang tinutukoy nila laban sa akin! Halughugin n'yo rin ang buong mansyon kung ano ang ginagawa nila rito! Ang ayaw ko sa lahat, 'yung kinakalaban ako nang patalikod!"

Tumango lang ang tauhan sa kanya habang naka-de-kuwatro ito nang pag-upo. "Huwag kang mag-alala, Don Felipe. Kami na ang bahala sa lahat."

SA ISANG tagong opisina ay binuksan ni Aaron ang kanyang laptop at binisita ang email account niya. Ilang linggo na niyang iniiwasang buksan ang files na binigay sa kanya ng Donya dahil hindi pa rin niya matanggap ang pagkamatay nito.

Ngayon lang siya nagkaroon ng lakas para silipin kung ano iyon at kung ano rin ang nais ipagawa sa kanya ng matanda. Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinindot niya ang email at bumungad sa kanya ang napakaraming files, videos, audios, at mga bagay na naglalaman ng nakasusuklam na mga lihim.

Isa-isa niyang ni-review at binasa ang mga ito. Doon niya napagtanto na lahat ng ito ay tungkol sa mga bahong itinatago ni Felipe. Ang litratong kuha niya mismo sa araw na nakausap nito si Pamelo Delos Santos bago pinasabog ang sinasakyan nito. Ang mga dokumentong nagpapatunay sa tax evasion na ginagawa ng Don. Ang litrato ng aktuwal na pang*g*hasa ni Felipe sa isang babae sampung taon na ang nakalilipas. Pati na rin ang tunay na resulta ng eleksyon kung saan makikita ang ginawang pandaraya ng kampo nina Felipe sa tulong mismo ng mga kakilala nito sa loob ng Electromatic kabilang na si Senator Rebecca.

Lahat ng mga bagay na maaaring magpabagsak kay Felipe ay nandoon. Sa puntong ito pa lang nahulaan ni Aaron kung ano ang nais ipagawa sa kanya ng matanda. Nais nitong ibulgar niya si Felipe sa publiko upang masira ang pangalang pinaka-iingat-ingatan nito.

Muli na namang napaluha si Aaron. "Huwag kang mag-alala, Madam... Gagawin ko ang lahat para masira ang anak mo... Hindi ako titigil hangga't hindi ko napapabagsak ang mga gumawa sa 'yo nito... Hinding-hindi kita bibiguin sa huling misyon na ibinigay mo sa akin..." Pagkasabi niyon ay nagkuyom ang kabila niyang kamao habang nakatitig pa rin sa screen ng laptop.

NANGUNOT ang noo ni Felipe sa mga maliliit na bagay na inilapag ni Edgar sa kanyang mesa. "Ano ito?" aniya sabay titig sa lalaki.

"Iyan ang milagrong ginagawa ng magaling mong anak, Don Felipe. Nagtanim sila ng mga recording chip dito sa mansyon para marinig ang lahat ng nangyayari sa paligid. Hindi lang sa ilalim ng lamesa, sa ilalim ng kama, o sa gilid ng mga aparato ko nakuha ang mga ito. Pati na rin sa inyong mga kuwarto, sa ilalim ng lababo, sa mga puno at halaman, at maging sa loob ng banyo!"

Nagulantang si Felipe. Biglang sumagi sa isip niya ang naging pag-uusap nila ni Senator Rebecca noong nasa banyo siya, kung saan nabanggit nga niya rito ang lahat ng mga lihim niya na tanging silang dalawa lang ang nakakaalam.

"Esto es muy frustrante! Paano mo nagawa ito, Maria Elena!" asik niya habang isa-isang pinupulot ang mga maliliit na recording chip, saka niya ito ibinato sa malayo.

Napangiti si Edgar. "Ano ang gusto mong gawin ko sa kanya, Don Felipe?"

Muli siyang napatitig sa tauhan. "Hindi puwedeng makalabas sa publiko ito, Edgar! Alam mo 'yan! Kailangang mapigilan siya na maikalat ang anumang ebidensyang hawak niya!"

"Huwag kang mag-alala, Don Felipe. Kami na ang bahala sa kanya. Humihingi na lamang kami ng permiso sa iyo para galawin ang iyong anak. Dahil sa tingin ko ay kinakailangan niyang masaktan upang mapigilan namin siya na maipaskil sa internet ang ebidensyang sinasabi niya."

"Gawin n'yo kung ano ang makakabuti para hindi maikalat ang mga lihim ko!" makapangyarihang sagot ni Felipe. Sumasang-ayon siya sa ideya ng tauhan na saktan ang sarili niyang anak para hindi nito mailabas ang anumang hawak nito laban sa kanya.

MAG-IISANG oras nang tulala si Maria Isabel habang nagmamaneho naman si Ronaldo sa tabi niya. Patungo sila ngayon sa isang isla sa Ramahan Province kung saan nila balak ipatayo ang kanilang dream house.

Sa pangatlong pagkakataon ay muli siyang tinanong ng lalaki. "Are you okay?"

"Do I look okay to you?"

"Bakit? Iniisip mo pa rin ba ang nangyari sa abuela mo? Hindi ba dapat nagsasaya ka pa nga ngayon? Dahil wala na ang kontrabida sa buhay mo!"

"Hindi mo maiiwas sa akin na hindi mag-isip, Ronaldo. Ang gusto ko lang naman ay mawala na siya sa buhay namin dahil lagi na lang niya kaming sinisira at winawasak. Hindi ko lang akalain na ako pa ang magiging dahilan ng pagkawala niya. Kung hindi ko lang siya naitulak sa hagdan, hindi mangyayari ang lahat ng ito!"

"At kung hindi mo rin siya naitulak, malamang hanggang ngayon ginugulo pa rin niya tayo. At baka natuloy na niya 'yung plano niyang lasunin ang boses mo para hindi ka na makakanta. Ganito na lang, tuwing aatakihin ka ng kunsensya mo dahil sa nagawa mo sa kanya, isipin mo na lang kung ano ang mga ginawa niya sa 'yo, sa inyong lahat, para sirain ang buhay n'yo. Nang sa ganoon ay hindi mo na panghinayangan ang pagkamatay niya."

Doon hindi nakasagot si Maria Isabel. Naisip niya, may punto nga naman ang asawa niya. Bakit pa nga ba niya kailangang makunsensiya sa nagawa niya sa matanda? Samantalang ito ang mas maraming ginagawang masama sa kanila. Pilit niyang inisip na karma na lang marahil ng donya ang nangyari dito, at hindi niya dapat sinisisi ang sarili sa pagkamatay nito.

PAGKATAPOS ng lakad ni Maria Elena sa kumbento, sunod naman niyang pinuntahan ang Barangay Bulaklak para hatiran ng tulong ang mga tao roon na nawalan ng tahanan at hanapbuhay dahil sa pagkasira ng sakahan.

Ngunit bago pa man niya maihinto ang kotse niya, tatlong sasakyan na ang biglang humarang at pumalibot sa kanya. Wala na siyang malusutan para makatakas. Kinabahan siya. Nakita niya kung paano bumaba roon ang mga armadong kalalakihan na nakasuot ng itim na maskara. May bitbit na pamalo ang mga ito na sa tingin niya ay yari sa bakal.

Nagsimula nang kumabog ang dibdib niya. Ngunit bago pa siya malapitan ng mga ito, nakita niya ang paglingon nila sa di kalayuan. Pati siya ay nagulat nang makita kung ano ang tinitingnan ng mga ito.

Isang napakalaking sasakyang pandigma ang dumating. Lulan niyon ang mga sundalong nakahanda rin ang armas. Mabilis na nagtakbuhan pabalik ng sasakyan ang mga armadong kalalakihan at nilisan ang lugar na iyon.

Nakita naman niyang bumaba ng sasakyang pandigma si Evandro. Doon lang humupa ang takot niya. Napangiti siya at mabilis na bumaba ng sasakyan saka niya ito nilapitan.

"Salamat, Evandro!" Hindi niya napigilang yumakap nang mahigpit dito. "Akala ko'y katapusan ko na kanina. H-hindi ko kilala kung sino ang mga iyon..."

"Matagal na naming minamatyagan ni Russell ang bawat kilos ng mga tauhan ni Don Felipe. Alam na rin namin na nakita na nila ang mga recording devices na itinanim natin doon. Kaya ine-expect ko na rin na nasa ating dalawa ang una nilang pagdidiskitahan. Kaya naman hinintay lang kita na umalis mag-isa nang hindi ako kasama. Naisip ko kasi na mas lalapitan ka ng mga tauhan ng iyong ama kapag mag-isa ka lang. Kaya sinadya kong hindi sumama sa 'yo sa lakad mo ngayon. Kita mo ang nangyari. Tama nga ako. Susugurin ka nga nila. Buti na lang naka-ready na ang mga kasama ko," paliwanag sa kanya ng lalaki, saka nito itinuro ang mga sundalong kakilala ng ama nitong si Donito na isang retired army.

"Salamat talaga, Evandro. Maraming salamat. Kung hindi dahil sa 'yo, baka ako na ang sunod na paglalamayan ngayong araw. Muchas gracias sa iyong pagligtas sa akin."

Yumakap naman sa kanya ang asawa. "Wala 'yun, mahal. I'm willing to protect you no matter how it takes. Mabuti pa umuwi na tayo. Sila na ang bahalang maghanap sa mga lalaking nagtangka sa buhay mo kanina."

SI MARITES ang inatasan na magtapon ng basura nang hapong iyon. Nagpunta siya sa bayan bitbit ang dalawang malalaking sako ng basura. Pagkatapos niya itong maitapon, umagaw sa pansin niya ang mumunting yabag ng mga paa na tila papalapit sa kanya.

Paglingon niya rito, laking gulat niya sa kanyang nakita. "I-Ikaw?"

SAMANTALA, habang nag-iisa sa kuwarto ay inilabas ni Maria Lucia sa ilalim ng kanyang unan ang binili niyang gamot. Matagal niyang pinagmasdan ang bote bago ito tinangkang buksan. Naglagay siya ng dalawang tableta sa kanyang palad at akmang iinumin iyon.

Ngunit bigla naman siyang napahinto nang marinig ang pagbukas ng pinto. Mabilis niyang ibinalik ang bote sa ilalim ng kanyang unan saka niya nilingon ang panauhing pumasok. Si Nathan lang pala iyon.

Napabuntong-hininga siya. "N-Nathan... Nand'yan ka na pala."

"Sorry I'm late! Pinuntahan pa naman kita sa kusina. Andito ka pa pala. Hindi ako sanay na hindi ka naaabutan sa kitchen n'yo, eh!" tumatawang sabi nito sa kanya.

"Tara. Bumaba na tayo. Ipagluluto na lang kita." Tumayo na siya at sinamahan ang lalaki palabas. Bago niya sinarado ang pinto, muli niyang sinulyapan ang kanyang unan. Sinigurado niyang maayos ang pagkakapuwesto nito bago niya ito iniwan.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro