Chapter 44: Hindi Inaasahang Pangyayari
"ANO na ang plano mo n'yan?" tanong kay Imelda ni Orlando pagkatapos niyang ikuwento rito ang nangyari kay Donya Glavosa.
Sinamantala niya ang pagkakataon na tawagan at kausapin ang lalaki habang wala si Felipe sa bahay. Kasalukuyan pa lang din siyang nagbibihis sa mga oras na iyon para pumasok sa trabaho.
"Hindi ko pa rin alam, eh. Naguguluhan pa rin ako sa kung ano ang gagawin ko."
"Imelda, ito na ang tamang pagkakataon mo para umalis sa trabaho mong 'yan. Hindi ka na dapat nag-iisip pa! Umalis ka na roon!"
"Pero hindi pa naman ako sigurado. Kritikal lang ang kalagayan ni mama pero buhay pa rin siya! At hangga't hindi nagdedeklara ang doctor na wala na siya, hindi ako basta-basta puwedeng gumawa ng kilos!"
"Bakit naman hindi? Para saan pa ba ang pagtatrabaho mo sa kumpanya ng kaibigan niya? Para kampihan ka niya laban kay Felipe? Ginawa ba niya iyon, Imelda? Hindi, di ba? At ano pa? Para protektahan si Maria Elena laban kay Felipe? E, siya nga itong may iba pang balak sa middle child mo, di ba? Wala nang dahilan para manatili ka pa sa trabahong iyan! Ipaglaban mo naman ang sarili mo!"
"Pero paano tayong dalawa? Nakakalimutan mo yata, Orlando, alam ni mama ang tungkol sa atin! Kapag hininto ko ito, ibubulgar niya tayong dalawa kay Felipe! Mas malaking gulo iyon! Gusto mo ba 'yon?"
Hindi agad nakasagot ang lalaki sa kabilang linya. "Iniisip lang naman kasi kita. Ako 'yung nahihirapan sa ginagawa mo. Nagpapakahirap ka lang sa wala. Wala nang pakialam sa 'yo ang matandang iyon. Wala na rin siyang pakialam sa buong pamilya n'yo. Bakit kasi hindi ka pa lumaban, Imelda? Kung puwede lang sana akong magpakita sa inyong lahat, ipaglalaban talaga kita."
"Hayaan mo na lang muna ako, Orlando. Kaya ko namang tiisin ito. Basta hangga't may hininga pa si mama, hindi ko muna puwedeng lisanin ang trabaho ko. Huwag mo lang itutuloy ang balak mong magpakita rito dahil siguradong mananagot tayong dalawa kay Felipe."
"Buwisit talaga ang matandang 'yan! Buwisit si Donya Glavosa! Namumuro na ako sa kanya! Parang gusto kong sumugod sa ospital na 'yon para malagot ko na ang hininga niya!"
"Huwag mong gagawin 'yan, Orlando! Ano ka ba! Huminahon ka nga!"
"Paano ako hihinahon? Hangga't may hininga pa nga siya, hindi ka makakaalis sa trabaho mo! E, kung patayin ko na lang kaya siya roon? Para mawala na ang taong nakakaalam ng sikreto natin!"
"Ano ka ba! Iyan ang huwag na huwag mong gagawin! Ayokong madagdagan pa ang kasalanan mo! Lalo mo lang inilalapit kay Felipe ang sarili mo n'yan. Hayaan mong sila-sila na lang ang magpatayan, huwag lang tayong makikisali sa kanila!"
Natapos na lang ang kanilang usapan na mainit pa rin ang ulo ni Orlando. Wala naman siyang magawa dahil hindi talaga siya puwedeng huminto sa pagiging janitress hangga't buhay pa ang Donya. Ito ang may hawak sa sikreto nila. Kapag nilabag niya ang mga gusto nito, siguradong isusumbong siya nito kay Felipe. Iyon na ang magiging katapusan nila ni Orlando. Kaya kahit nagmumukha na siyang tanga sa ginagawa niya, patuloy pa rin siyang nagpapaalipin dito.
HINDI na mabilang ni Aaron kung ilang beses na siyang tumawag sa matanda. Mag-iisang araw na itong walang tugon. Hindi talaga siya mapanatag sa kakaibang ingay na narinig niya noong huli silang mag-usap. Para talagang may nangyari ditong kakaiba.
Sa huling pagkakataon na sinubukan niyang i-dial ang telepono nito, nag-ring iyon nang napakatagal. Pagkatapos ay biglang may sumagot doon. Gulat na gulat siya nang marinig ang boses ng Donya.
"M-Madam? You're alive!"
"Of course, I'm alive! Matagal mamatay ang masamang damo, remember?" sagot naman sa kanya ni Donya Glavosa na sa mga oras na iyon ay gising na sa silid nito at may benda sa ulo.
Napatayo si Aaron sa labis na tuwa. "Buti naman, Madam, at sumagot ka na! Salamat sa Di—" bigla siyang napahinto. "Ay, mali! Salamat pala kay Satanas at binuhay ka pa niya! Ano ba kasi ang nangyari, Madam? Bakit bigla ka na lang nawala? Saka ano 'yung ingay na narinig ko? Parang may nahulog?"
"Huwag mo nang intindihin iyon, Aaron. Ang mahalaga nakabalik na ako. Makinig kang mabuti dahil may ipapagawa ako sa 'yo."
"Sige lang, Madam. Tell me! 'Yung tungkol ba sad dr*gs 'yan?"
"Hindi. May ipapadala ako sa 'yo. Hintayin mo." Saglit na ibinaba ng matanda ang cellphone, pagkatapos ay may isang file itong ipinadala sa email niya. Saka nito muling ibinalik ang tawag.
"I-check mo na lang mamaya 'yung pinadala ko sa 'yo. Iyan ang susunod na magiging misyon mo."
"Tungkol ba kasi saan ang ipapagawa mo, Madam? Puwede bang bigyan mo ako ng clue kahit konti?"
"Hindi na kailangan, Aaron. Malalaman mo rin ang gusto kong mangyari kapag nakita mo na ang files na 'yan."
"Grabe talaga si Madam, oh! Sinususpense na naman ako, eh!"
Tumawa lang ang matanda sa kabilang linya. Bigla naman itong napahinto nang bumukas ang pinto at may pumasok sa silid. Bumakas ang gulat sa anyo nito nang makita kung sino iyon.
Nagtaka naman si Aaron sa sumunod na nangyari. Muli siyang nakarinig ng kakaibang ingay. Pagkatapos ay namatay na ang tawag. Nang sinubukan niyang tawagan muli ang matanda, hindi na naman ito sumasagot.
Muling nagbalik ang kaba niya. "Ano ba 'yan! Anong ingay na naman 'yon? Ano na naman ang nangyayari kay Madam!" kamot-ulong asik niya. Nagmukha na naman siyang tanga sa kakatawag dito nang paulit-ulit at hindi alam kung kailan ito sasagot.
Samantala, mangiyak-ngiyak naman si Maria Isabel nang lumabas sa silid ng kanyang abuela. May ilang minuto siyang napasandal sa pader habang nag-iisip. Pagkatapos ay mabilis din niyang nilisan ang ospital habang nanginginig ang buong katawan.
GULAT na gulat si Maria Elena sa natanggap na tawag. Agad niyang tinawag si Evandro na sa mga oras na iyon ay bagong ligo pa lang at nagbibihis ng pang-ibabaw na damit.
"Mahal, kailangan nating umuwi ng Pilipinas!"
Napalingon agad sa kanya ang lalaki. "Bakit, mahal?"
"W-wala na si Abuela. Patay na raw siya!"
"Ano!" maging si Evandro ay hindi makapaniwala. "P-paano? Ano'ng nangyari?"
"Katatawag lang sa akin sa mansyon. Nasa morgue na raw siya ngayon. At pinabilin ni Papa na kailangan daw nating umuwi ngayong araw para kinabukasan ay nandoon na tayo."
Alam na ni Maria Elena ang isa pang patakaran sa kanilang pamilya. Bukod sa kasal, napakasagrado rin sa kanila ang kamatayan ng isang miyembro ng pamilya. Oras na may isang mawala sa kanila, kailangan itong bigyan ng malaking burol at dapat lahat ng miyembro ng pamilya ay naroroon. Isang matinding kasalanan din sa kanila ang hindi dumalo sa burol ng isang namayapang kadugo.
"For real? Wala na talaga si abuela n'yo? Ano raw ang nangyari?"
"Walang binanggit ang mga tao sa mansyon, eh. Bata ibinilin lang sa akin na pinauuwi raw tayo ni papa ngayong araw."
Pareho silang hindi makapaniwala sa balita. Makalipas lang din ng ilang minuto, biglang tumawag kay Evandro ang mga magulang nito. Binalita rin ng mga ito ang tungkol sa pagkamatay ni Donya Glavosa.
Nanlumo ang dalawa. Enjoy na enjoy pa naman sila sa kanilang bakasyon dito. Pero ngayon ay napilitan na silang mag-empake muli para bumalik sa magulong buhay sa Pilipinas. Kailangan nilang dumalo at bigyan ng panahon ang magiging burol ng kanilang abuela.
"BAKIT? Ano raw ang nangyari?" hindi makapaniwalang tugon ni Orlando sa ibinalita ni Imelda rito.
"Wala pa ngang malinaw na sagot, eh! Basta ang sabi lang sa ospital, okay na raw kaninang umaga si mama. Nagkamalay na raw siya. Pinagdala pa nga siya ng almusal doon ng isang nurs dahil nagutom daw. Tapos, nang balikan nila, nakita nilang hindi na humihinga. Patay na!" pahayag dito ni Imelda.
Sinamantala niya ang pagkakataon para matawagan muli si Orlando kahit nasa kalagitnaan pa siya ng trabaho. Wala ngayon ang amo niyang si Cecille dahil nagpunta ito sa ospital para ipagluksa ang pagkamatay ng matanda.
"So ano pa ang ginagawa mo d'yan, Imelda? Umalis ka na d'yan! Wala nang dahilan para magtrabaho ka pa d'yan!"
"Nagtataka lang talaga ako kung paano biglang namatay si mama samantalang ayon sa duktor ay malakas na malakas na raw ito nang magising kanina. Orlando, may kinalaman ka ba rito?"
Halatang nagulat naman ang lalaki sa kabilang linya. "Bakit naman ganyan ka magsalita, Imelda?"
"Paano ba naman kase, ikaw itong nagbabanta na gusto mo siyang patayin. Hindi ba't sinabi mo iyon kanina!"
"Oo sinabi ko nga. Pero hindi ba dapat maging masaya na lang tayo dahil wala na siya? Wala na ang taong nakakaalam ng sikreto natin! Wala na ring dahilan para manatili ka pa d'yan!"
"Teka nga, Orlando! Bakit ayaw mong sagutin ang tanong ko? May kinalaman ka ba sa pagkamatay ni mama?"
"Kung may kinalaman nga ako, ano ang gagawin mo? Magagalit ka sa akin? Iiwan mo 'ko? Imelda, alam mo naman kung gaano kita kamahal. Handa akong gawin ang lahat para lang sa 'yo! Handa akong ilagay sa alanganin ang buhay ko!"
"Ano ka ba, Orlando! Bakit ka ba nagsasalita nang ganyan! Huwag mo sabihing may kinalaman ka nga sa pagkamatay niya! Parang awa mo naman lalo lang tayong mapapahamak sa ginawa mong 'yan!"
"Ewan ko sa 'yo, Imelda! Ang dami mong sinasabi! Basta umalis ka na d'yan ngayon din! Ngayong wala na ang Glavosa na 'yan, wala nang dahilan para matakot ka sa amo mo d'yan. Iwanan mo na siya, iwanan mo na ang kumpanya niya, iwanan mo na ang pagiging janitress mo d'yan! Kapag hindi mo ginawa ang sinabi ko, bahala ka na sa buhay mo. Hinding-hindi mo na ako makikita at makakausap ulit!" pagkatapos niyon ay naputol na ang tawag.
Gigil na gigil si Imelda. Gustong-gusto pa niyang makausap ang lalaki pero kusa na nitong pinutol ang linya. Hindi naman niya ito magawang tawagan dahil baka mahuli pa siya ng ilang mga manager doon. Kaya naman ipinagpatuloy na lang niya ang kanyang trabaho kahit nahihirapan siyang mag-concentrate sa dami ng iniisip niya.
MAG-ISANG pumasok sa morgue si Don Felipe. Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa kinaroroonan ng bangkay ni Donya Glavosa. Dahan-dahan niyang binuksan ang kumot at pinagmasdan ang hitsura nito.
Bahagyang nangitim ang balat ng matanda at lumubog na rin ang mga mata. Bakas na bakas sa anyo nito ang hirap na pinagdaanan bago nalagutan ng hininga.
Nagpakawala ng isang malungkot na ekspresyon ang mukha ni Felipe. "Mama, bakit mo naman kami biglaang iniwan? Bakit bigla kang nawala? Kahit marami tayong hindi pagkakaintindihan, humahanga pa rin ako dahil sa taglay mong lakas. Pero ano ito, Mama? Bakit bigla ka na lang sumuko?"
Napalunok siya ng laway at dahan-dahang hinaplos ang mukha nito. "Mama, bakit mo ako iniwan? Nagsisimula pa lang ako sa aking trabaho para pagandahin ang ating probinsya. Ngayong wala ka na, hindi mo na makikita kung paano ko mapapaunlad ang buong Hermosa. Hindi mo na makikita kung ano ang kaya kong gawin para sa ating bayan. Hindi ka na magiging proud sa akin..." aniya at nagsimula nang mangiyak ang kanyang boses.
"Pero okay lang... Masaya pa rin ako. Alam mo kung bakit? Dahil wala ka na! Wala na ang pinakanakasusulasok na salot sa buhay ko!" sa pagkakataong iyon ay biglang tumalim ang titig at boses niya rito. "Akala mo ba magluluksa ako sa pagkamatay mo, mama? Nagbibiro lang ako sa mga sinabi ko kanina! Ang totoo, ako ang pinakamasaya sa pagkamatay mo! Sa wakas, kinuha ka na rin ni Satanas! Wala nang sagabal sa mga plano ko!"
Muli niyang hinaplos-haplos ang mukha ng ina habang nagkukunwaring malungkot sa harapan nito. "Kawawa ka naman, mama. Kung sinuman ang gumawa sa 'yo nito, labis akong nagpapasalamat sa kanya dahil tinapos na rin niya ang maliligayang araw mo sa lupa. Ngayon, makakapagpahinga ka na sa kabilang buhay kasama ang mga demonyo. Doon, magsasawa ka sa pangg*g*hasa na gagawin nila sa 'yo. Araw-araw ka nilang paliligayahin kahit ayaw mo na. Walang humpay ka nilang t*t*rtur*-in hanggang sa ikaw na mismo ang humiling ng iyong kamatayan. Kaya lang, hindi ka na puwedeng mamatay kapag nasa impiyerno ka na, eh. Habang buhay ka na lang magdurusa, iiyak, at sisigaw doon. Kaya ikumusta mo na lang ako kay Satanas, ah?"
Sa pagkakataong iyon, lumipat ang kanyang kamay sa leeg ng matanda. Sinakal niya ito nang mahigpit kahit wala na itong buhay. "Iyan ang dapat sa 'yo! Kung puwede lang kitang buhayin para ako mismo ang papatay sa 'yo! Gusto kong makita kung paano ka maghingalo habang patuloy kitang sinasakal! Kaso wala, eh! May nauna na sa akin! Kaya salamat na lang sa kanya, dahil hindi ko na kailangang bahiran muli ng krimen ang aking kamay para lang mawala ka sa buhay ko."
Pagkatapos niyang sakalin ang bangkay ng ina, sinabunutan naman niya ang buhok nito. "Ano'ng pakiramdam na nakahiga ka na rito sa morgue, mama? Masarap ba? Malamig ba ang higaan mo? Okay lang 'yan, mama! Pagdating mo naman sa impiyerno, masusunog ka na roon sa sobrang init! Kaya tiisin mo na lang muna ang lamig dito sa morgue, ah?" Saka siya humalakhak na parang demonyo.
Binitawan na niya ang ina inayos ang nagusot niyang damit. "Sige, Mama. Ako'y magpapaalam na sa iyo. Dito na nagtatapos ang lahat. Salamat na lang sa mga sakit na idinulot mo sa akin. Si Kamatayan na ang bahala sa 'yo kung saang lebel ng impiyerno ka niya dadalhin. Huwag mo sana akong mumultuhin, ha? Adios!"
Paglabas niya sa morgue, awtomatiko siyang nilapitan nina Jomar at Nemencio. Masaya naman niyang hinarap ang mga ito at pareho pang tinapik ang kanilang mga balikat.
"Saan na ho tayo pupunta, Don Felipe?" tanong sa kanya ni Jomar na nagtataka sa masayang ekspresyon na pinapakawalan niya.
"Gusto kong tawagin n'yo ang lahat ng ating mga tauhan. Arkilahin n'yo ang malaking bar sa kabilang bayan. Iinom tayong lahat ngayong gabi! Magpapakasaya tayo!"
"Talaga po? Iinom po tayong lahat!"
"Tama, Jomar! Iinom tayong lahat! Magpapakalasing tayo hanggang umaga! Kailangan nating ipagdiwang ang pagkamatay ni mama. Wala nang asungot sa buhay ko. Ganap na akong malaya! Kaya dapat lang na lumikha tayo ng isang magarbong selebrasyon! Kaya tara na. Umalis na tayo rito at baka bumangon pa ang matandang iyon sa morgue!"
Tumatawa nilang nilisan ang ospital. Sa isang tabi naman, biglang lumabas sa pinagtataguan si Cecille habang mariin silang pinagmamasdan.
IBINUROL sa isang malaking memorial home ang labi ni Donya Glavosa nang gabing iyon. Marami ang mga dumalo. Karamihan ay kasamahan ni Felipe sa politika at mga personal na kamag-anak at kakilala ng mga Iglesias.
Dumating din ang mag-asawang Bendijo pero si Imelda lang ang naabutan nila. Wala pa raw si Felipe at wala ring nakakaalam kung saan ito nagpunta. Kasama naman ng mag-asawa si Donya Bernadette na tulak-tulak lamang sa isang wheelchair.
"Nakikiramay kami sa pagpanaw ni Donya Glavosa. Maaari ba naming malaman kung ano ang sanhi ng ikinamatay niya?" tanong ni Elvira kay Imelda.
Wala naman halos masagot dito si Imelda. "Ang sabi ng duktor, cardiac arrest daw," sabi na lamang niya kahit hindi siya roon sigurado.
Sinamahan naman ni Donito si Donya Bernadette patungo sa kabaong ng matanda. Inalalayan niya itong makatayo sa wheelchair upang masilip nito sa loob ang kapwa donya. Makikita sa mukha ni Donya Bernadette ang pagdadalamhati.
Sa mga oras na iyon, sina Imelda at Maria Lucia lang ang nasa memorial home at pilit na ine-entertain ang mga bisitang dumarating. Maging sila ay hindi rin gaanong nalulungkot sa pagkamatay ng donyang hindi naging mabuti sa kanila. Pero kailangan nilang umarte na parang apektado upang itago sa mga bisita ang sigalot ng kanilang pamilya.
Sina Maria Elena at Evandro naman ay kasalukuyan pa lang nakasakay sa eroplano at malayo-layo pa ang kanilang lalakbayin. Paniguradong bukas na sila makararating ng Pilipinas. Habang si Felipe naman ay nasa isang bar kasama ang mga tauhan. Abala silang nagsasaya at nagdidiwang sa pagkamatay ng kanyang ina.
Si Maria Isabel naman ang tanging naiwan sa mansyon kasama si Ronaldo na walang sawang yumayakap sa kanya. Kanina pa siya umiiyak at labis na nakukunsensya sa nagawang karumal-dumal.
Kung anong sindak at takot ang naramdaman niya noong makapatay siya ng isang matanda sa kanyang pagmamaneho, ganoon din ang nararamdaman niya ngayon dahil sa nagawa niya sa kanyang abuela.
Kahit naging masama ito sa kanya, hindi pa rin niya maiwasang makunsensya sa nagawa niyang aksyon dahil baka makaapekto pa ito sa career niya. Galit na galit na nga sa kanya ang mga tao ngayon, dumagdag pa sa pinapasan ng kanyang dibdib ang nangyari kay Donya Glavosa. Halos hindi na siya makahinga sa dami ng dinadala niya.
Kaninang nasa ospital pa ito at buhay, ang iniiyakan niya ay ang panibagong balita na nabasa niya sa internet. Tungkol umano sa pang-i-snob na ginawa niya kay Roselia Morgan sa Diamond Music Awards.
Viral sa online ngayon ang ginawa niyang pag-walkout pagkatapos makuha ang kanyang award. Nagmamadali kasi siya nang mga oras na iyon dahil may lakad sila ni Ronaldo. Hindi niya alam na balak pala siyang batiin nang personal at yakapin ni Roselia Morgan.
Kaya noong mga sandaling tinalikuran niya ang entablado, hindi niya namalayang nagtangka pala itong yakapin siya pero hindi lang natuloy. Sinundan pa siya nito pero sa huli ay napagod din ito sa paghabol sa kanya hanggang sa makababa na siya sa stage.
Sobra siyang nasaktan sa mga komentong ibinato sa kanya ng mga taong nakapanood niyon. Napakasama na tuloy ng tingin ng marami ngayon sa kanya. Sa dami ng dumadakdak sa internet, hindi na niya magawang ipaliwanag ang side niya. Parang wala nang balak ang lahat na makinig sa kanya. Masyado na talaga silang nakikisimpatya kay Roselia Morgan.
At ngayon naman, ang biglaang pagkamatay ni Donya Glavosa ang bagong gumugulo sa buong utak at pagkatao niya. Ni hindi nga niya magawang humarap sa memorial home. Siguradong panlilisikan lang din siya ng mga mata roon dahil sa issue nila ni Roselia Morgan.
Humagulgol na lamang siya sa balikat ni Ronaldo habang patuloy itong yumayakap sa kanya at humahaplos sa likod niya.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro