Chapter 42: Panibagong Issue
PAGKATAPOS magbihis ng pambahay ni Imelda ay mabilis niyang itinago ang kanyang uniporme sa trabaho. Pagod na pagod siya nang araw na iyon dahil sa dami ng pinagawa sa kanya ni Cecille.
Bukod sa regular na paglilinis, pinaglaba rin siya ng mga mop at maruruming basahan doon. Natagalan din siyang linisin ang CR sa fourth floor na halos isang taon natengga dahil sa pagkabara.
Ngayong balak ipaayos, pinalinis din iyon sa kanya para pagdating ng gagawa bukas ay hindi na ito mahirapan sa trabaho.
Ewan ba niya kung bakit pa niya ginagawa ito kahit alam niyang hindi na rin mapagkakatiwalaan si Donya Glavosa. Kahit nagmumukha na siyang tanga ay tinutuloy pa rin niya sa pagbabakasakaling maawa ang matanda at kampihan din siya nito balang araw.
Nasa punto na siya ng buhay niya kung saan awa na lang ang tanging sandata niya.
Biglang nagbukas ang pinto at iniluwa niyon si Felipe. Bahagya siyang nagulat nang makita ito. Nakita niya ang pagguhit ng kakaibang reaksyon sa mga mata nito.
"Imelda, kailan ka pa naging janitress?"
Sabi na nga ba niya. Dahil sa pagkalat ng larawan niya kahapon, inaasahan na niyang malalaman na ito ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang asawa.
"Felipe..." hindi niya alam ang isasagot. "K-kagustuhan ito ni mama. N-napilitan lang ako."
Nagyuko ito ng paningin. "Kung si mama ang may gusto n'yan, wala pala akong magagawa. Gawin mo na lang kung ano ang makakabuti sa iyo."
Nasaktan siya sa sinabing iyon ng asawa. "Ganyan na lang ba, Felipe? Hindi mo man lang ba ako ipagtatanggol sa kanya? Hindi mo man lang ba ako lalapitan at kukulitin na ihinto na ang trabaho roon?"
"Ikaw na mismo ang nagsabi na kagustuhan ni mama 'yan. Kung sasabihan kitang huminto na roon, sa tingin mo may magbabago ba?"
Lalong sumikip ang dibdib niya sa narinig. "Siguro nga wala. Pero 'yung kahit kaunting concern mo lang naman sa akin. Kaso wala rin pala. Mukhang hindi mo na nga talaga ako mahal. Siguro kahit mawala pa ako sa buhay mo, wala ka na ring pakialam sa akin." Hindi na niya napigilan ang pagtulo ng luha.
Pero sa halip na maawa, tinalikuran lang siya ni Felipe at lumabas na muli ito ng kuwarto. Doon siya lalong humagulgol sa pag-iyak. Dito niya napatunayan na wala na nga talagang pagmamahal sa kanya ang sariling asawa. Siguro'y hindi na rin mali ang pakikipagbalikan niya kay Orlando kahit mahirap pa ang sitwasyon nila. Ito na lang kasi talaga ang nagmamahal sa kanya ngayon.
KINABUKASAN, naging abala muli si Felipe sa mga pinipirmahang papeles sa kanyang opisina. Nahinto lang siya sa ginagawa nang biglang pumasok si Jomar.
"Don Felipe, may bisita po kayo."
Bago pa man siya makapagsalita ay pumasok na nga ang bisitang tinutukoy nito. Ganoon na lamang ang pagkagulantang niya nang masilayan si Senator Rebecca. Napatayo siya sa kinauupuan at nanlalaki ang mga matang bumati rito.
"Buenos Dias, Senadora! No puedo creer lo que estoy viendo! Ikaw ba talaga 'yan? N-nakalaya ka na?"
"Yes, Governor! I am free! And I'm happy to meet you again! Ikaw talaga ang una kong dinalaw pagkalabas ko ng kulungan."
Napangiti siya. "T-that's good to hear, Senadora! Es bueno escuchar eso. P-paano pala kayo nakalaya?"
"May nagpiyansa sa akin! Hindi ko na sasabihin kung sino pero importanteng tao rin siya sa akin, gaya mo!"
Napatango siya rito at iniba na ang usapan. "Alam n'yo napanood ko ang balita noon tungkol sa inyo. Hindi ako makapaniwala sa mga nangyari. Pero wala kayong dapat ipag-alala dahil nasa inyo pa rin ang aking katapatan, Senadora! Tinitingala pa rin kita!"
"Alam ko iyon, Felipe. Alam ko. Kaya nga dito talaga ako sa 'yo unang nagpunta, eh. Kahit kasi nakalaya na ako ngayon, marami pa ring mainit ang dugo sa akin. At sa mga ganitong sitwasyon, ikaw na lang ang tangi kong malalapitan sa ngayon."
Pinaupo na niya ang babae sa pagkakataong iyon. Bumalik na rin siya sa kanyang kinauupuan. "Ano pala ang maipaglilingkod ko sa inyo ngayon, Senadora?"
"I'm going straight to the point, Felipe. I want you to run for President in the next election. Will you do it for me?"
Hindi siya makapaniwala sa narinig. Hindi niya akalaing ito pa ang hihiling sa kanya na tumakbo sa isang posisyon na binabalak talaga niyang takbuhan.
"Seryoso ba kayo d'yan, Senadora? G-gusto n'yo akong tumakbo sa susunod? B-bilang Pangulo?"
"Wala kang dapat ipag-alala sa campaign team, Felipe. Marami pa rin akong mga galamay na puwedeng tumulong sa 'yo sa kampanya mo. Sigurado akong malaki ang maitutulong nila sa 'yo para manalo. Nasa iyo na lang iyon kung gusto mong tumakbo o hindi. Lalo na't hindi na ako puwedeng tumakbo dahil sa nangyari. Kaya nangangailangan ako ng isang tao na papalit sa akin sa partidong kinabibilangan ko."
"Of course, Senator! I am willing to be the presidential candidate of your party! You can count on me. Ako ang magtutuloy ng mga nasimulan mo sa iyong paninilbihan. Siyempre, itutuloy ko rin sa buong bansa kung ano ang mga masisimulan ko rito sa sarili kong probinsya."
"That's why I trust you, Don Felipe. Magkasundo tayo sa halos lahat ng bagay kaya sa 'yo lang talaga ako nagtitiwala ng lubos. Dahil sa nangyari sa akin, marami na ring bumabatikos ngayon sa Bakal na Kamay. Nawawalan na sila ng tiwala sa partidong itinayo pa ng aming ninuno. May tiwala ako sa 'yo, Felipe. Alam kong maibabangon mo muli ang aking Partido. Mahabang panahon pa naman ang hihintayin mo. Mag-focus ka muna sa pagiging Governor ng Hermosa. Sasabihan na lang kita kapag kailangan na nating trabahuhin ang tungkol sa pag-aayos sa aking Partido. Kailangan bago sumapit ang eleksyon ay malinis muli natin ang pangalan ng Bakal na Kamay sa mata ng publiko, para magbalik ang tiwala nila sa atin at mapaikot pa rin natin sila sa ating mga bakal na kamay!"
"Makakaasa ka, Senadora. Gagamitin ko ang aking bakal na kamay para tulungang makabangon ang iyong Partido. Huwag kang mag-alala. Handa naman ako kahit anong oras mo gusto. Basta magsabi ka na lang. Lagi lang akong nandito para sa 'yo, at para sa Bakal na Kamay Party!"
Napangiti sa kanya si Rebecca. "Thank you so much, Don Felipe! Muchas gracias!"
PAGKATAPOS ng taping ni Maria Lucia sa studio ay nagpunta sila ni Nathan sa pinakamalapit na restaurant at doon na kumain.
"Buti at naisipan mo yatang dito ako dalhin at hindi sa kusina ko para ipagluto?" natatawang tanong sa kanya ng lalaki.
"Kaya kita dinala rito dahil gusto kong pagmasdan mo ang paligid," ngiti naman niyang sagot dito.
Lumingon nga si Nathan sa buong paligid. "O, bakit? Ano ba'ng meron dito? This is just your typical Japanese restaurant!"
"Iyon na nga, eh! Alam mo kase, parang balak ko namang magtayo ngayon ng sarili kong restaurant. I think sa ganitong larangan ko talaga maiso-showcase ang talent ko sa pagluluto."
Tumango ang lalaki. "Good idea! Pero paano ang show mo? Tatapusin mo na ba? Hindi mo na paaabutin ng isang taon?"
"Siyempre tuloy-tuloy pa rin iyon! Puwede naman nating ilipat sa hapon ang taping. Tapos sa umaga hanggang tanghali ako magtatrabaho sa restaurant ko. Kaya ko lang naman gustong magkaroon ng cooking show sa TV ay para magkaroon din ako ng sarili kong pangalan at audience sa general public. Kung si Hermana ay kilala sa pagiging singer, at si Maria Elena ay kilala sa pagiging model, gusto kong makilala rin nila ako sa pagluluto. At sa tingin ko, hindi naman mangyayari iyon kung restaurant na agad ang itatayo ko. Kailangan ko munang gumawa ng paraan para makilala ako ng marami at makabuo ng sariling audience. Nang sa ganoon ay magamit ko rin iyon bilang promotion sa itatayo kong restaurant."
Napatango muli ang lalaki. "May point ka rin naman. Pero sa tingin ko kahit siguro hindi ka na gumawa ng show sa TV, papatok pa rin naman ang resto mo dahil isa ka namang Iglesias, di ba?"
"Alam ko naman 'yon. Kaya lang, ayoko naman kasing makilala lang nila ako sa pagiging Iglesias ko. Gaya ni Hermana, gusto kong makilala rin nila ako sa sarili kong larangan! And I think having my own TV show is the best strategy for that!"
"Okay, I get it. Pero sure ka bang kaya mong pagsabayin ang show mo pati ang pagpapatayo ng resto?"
"Siyempre naman basta nand'yan ka!" Sabay hawak niya sa kamay nito. "Hangga't nariyan ka sa tabi ko, hinding-hindi ako mawawalan ng ganang magtrabaho. Kayang-kaya kong pagsabayin ang lahat."
Humawak na rin ang lalaki sa kanyang kamay. "Thank you, Maria Lucia. Don't worry, I will help you on that restaurant. Lahat ng pangarap mo ay pangarap ko na rin. At sabay nating aabutin iyan!"
Natawa siya sa labis na tuwa. "Gracias, mi amor! Thank you for everything you've done."
ISANG matipid na ngiti ang pinakawalan ni Maria Isabel nang tawagin ang kanyang pangalan sa entablado. Pagkarating niya sa harap ay sinundo siya mismo ng host at tinulungang makaakyat sa stage.
Naimbitahan siyang dumalo sa Diamond Music Awards ngayong taon dahil siya ang susunod na tatanggap ng DMA Hall of Fame Award dahil sa mga contributions na ibinigay niya sa music industry.
Isang masayang araw sana ito para sa kanya. Pero hindi niya magawang magsaya dahil nandito rin si Roselia Morgan. Ang mas masaklap pa, nasa entablado rin ito ngayon at ito mismo ang humahawak sa kanyang award ngayon.
Pagkarating niya sa mismong stage, nilapitan siya mismo ni Roselia Morgan at nagbigay ng isang malawak na ngiti sa kanya. Saka nito iniabot ang award sa kanya at nagbitaw na rin ito ng munting pagbati.
Sobrang ilang na ilang siya roon. Pakiramdam niya ay matutunaw siya. Nginitian lang niya ito at sa host siya nagpasalamat at bumati. Isang maikling speech na rin ang ibinigay niya para pasalamatan ang mga audience.
Pagkatapos niyang magsalita ay muli siyang nilapitan ni Roselia Morgan para sana yakapin pero bigla niya itong tinalikuran at mabilis siyang naglakad paalis. Hinabol pa siya ng babae at sumunod ito sa likuran niya pero nang makababa na siya sa stage ay huminto na lang ito at nahiya nang lumapit sa kanya.
Mabilis siyang nagtungo sa back stage kung saan naghihintay sa kanya ang ilang Paparazzi para sa interview. Kahit wala sa mood ay pilit na lang din niyang hinarap ang mga ito at sinagot ang mga walang kuwenta nilang tanong.
Pagkatapos niyang makasagot ng limang tanong ay tinalikuran na rin niya ang mga ito at mabilis siyang naglakad patungo sa VIP exit ng building.
Habang nasa kotse ay nagdadabog pa rin si Maria Isabel. Nawalan na siya ng ganang mag-drive kaya si Ronaldo na lang muna ang pinamaneho niya sa kanyang sasakyan.
Napansin ng lalaki na tila hindi niya gaanong pinapansin ang kanyang malaking trophy na nasa tabi lang niya.
"Baka magtampo na 'yang award mo sa 'yo. Hindi mo man daw niyayakap, eh," biro pa sa kanya ng asawa.
"Paano ba naman kase, inimbita pa talaga nila ako kung kailan nandoon ang bruhang Roselia Morgan na 'yon! Siya na naman tuloy ang bukambibig sa akin ng mga Paparazzi kanina! Nakakasawa na!"
Galit na galit si Maria Isabel dahil limang award ang nasungkit doon ni Roselia Morgan. Ito ang nakakuha sa Album of the Year, Record of the Year, Best New Artist, at Vocal Artist of the Year. Samantalang siya, isang award lamang ang nakuha niya, walang iba kundi ang DMA Hall of Fame Award na ibinibigay sa mga singer na umabot na ng sampung taon sa industriya ngunit nananatili pa ring patunog ang pangalan sa buong madla.
Kung tutuusin, mataas pa rin naman ang halaga ng award na nakuha niya. Bihira lang ang mga nabibigyan ng Hall of Fame award sa DMA dahil wala na sa panahon ngayon ang nagtatagal ng sampung taon sa industriya gaya ng nagawa niya.
Sadyang hindi lang talaga niya magawang mag-celebrate dahil bukod sa nandoon ang karibal niya, ito pa mismo ang nag-abot ng tropeo sa kanya. Ang mas masaklap pa, limang award pa ang nahakot nito.
Hindi niya matanggap kung bakit hindi rin ibinigay sa kanya ang Album of the Year at Vocal Artist of the Year na ilan lamang sa pinakamataas na kategorya sa award show na iyon. Ito ang laging pinagbabasehan ng general public kung gaano kalakas ang impact ng album na nagiging nominated sa category na iyon.
Dati ay palaging siya lang ang nakakasungkit niyon. Pero ngayon, kay Roselia Morgan na lahat napunta. Isang bagay na sobrang nagpapainit muli ngayon sa ulo niya.
GUMUHIT ang ngiti sa anyo ni Russell nang magbigay na ng signal sa laptop niya ang lahat ng mga recording device na itinanim niya sa mansyon ng mga Iglesias.
Ang tunay na dahilan kaya siya sumama roon ay para sundin ang utos ni Evandro na magtanim ng mga recording chip sa iba't ibang bahagi ng mansyon upang ma-monitor nila ang mga nagaganap sa loob kahit wala silang dalawa ni Maria Elena roon.
Sa paraang iyon ay mapaghahandaan nila kung anuman ang mga banta o panganib na maaari nilang kaharapin oras na bumalik na sila sa Pilipinas. Pinagawa ito ni Evandro para protektahan ang asawa nito laban sa sarili nitong pamilya.
Kamakailan lang kasi, inilahad na ng babae sa lalaki ang lahat ng mga pang-aabusong ginawa rito ng sariling ama at mga kapatid. Doon lang din nalaman ni Evandro kung gaano pala kagulo ang buhay ng mga Iglesias.
Tinitingala sila ng marami sa labas. Pero mistulan namang halimaw ang kanilang mga buhay sa loob. Sobrang naawa si Evandro sa naging kalagayan ng asawa noong mga panahong hindi pa sila nagkakilala.
Ngayon lang nito nalaman kung gaano katindi ang mga hirap na pinagdaanan ni Maria Elena sa kabila ng matatamis nitong mga ngiti at masasayang anyo na ipinapakita sa publiko.
Nang maging successful na ang connection ng mga recording chip ay tinawagan muli ni Russell ang kaibigan sa Viber. "Nagawa ko na ang pinapagawa mo. As I expected, ang dami ko ngang nalalaman sa mga Iglesias dahil dito. Ganoon pala sila kagulo sa loob ng pamamahay nila, bro!"
"Bakit? Ano ba ang mga narinig mo ngayon d'yan? May binanggit ba sila tungkol kay Maria Elena?"
"So far wala pa naman. Ang lagi kong naririnig dito ay 'yung bangayan nina Donya Glavosa at Maria Isabel. As usual, parang aso at pusa na nagpapatayan ang dalawa. Sina Sir Felipe at Ma'am Imelda pala, hindi na okay. Lagi rin silang nag-aaway. Tapos 'yung isang katulong naman, kahit hindi pa nagsasalita dinig na dinig ko na."
Nagtaka si Evandro sa sinabi niyang iyon. "Sino naman 'yung tinutukoy mo?"
"Ewan! Basta malaki 'yung bunganga, eh! Akala ko nga kakainin ako."
"Alright! Basta i-send mo na lang sa akin kung may ma-record kang kahina-hinala, pati na rin kung tungkol kay Maria Elena, ah? Both positive and negative, I really need to know it."
"Got it, bro!" pagkatapos nilang mag-usap ay ibinaba na niya ang telepono at muling nag-focus sa ginagawa sa laptop.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro