Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4: Kanya-Kanyang Agenda

NAPAIYAK si Roselia Morgan sa mga negative feedback na bumaha sa online tungkol sa second album niya. Hindi na niya naituloy pa ang pag-aayos sa sarili. May interview pa naman siya ngayon ngunit nasira na ang magandang aura niya dahil sa mga nabasa.

"Trying hard masyado ang boses. Hindi malinis ang pagkakakanta. One of the worst albums this year, grabe!"

"Puro high notes lang ang meron dito. Pero emotion wala. Napaka-boring ng album. Hindi sa lahat ng pagkakataon, nakakaganda ng kanta ang mga high notes. Mas emportante pa rin ang emotion, isang bagay na wala sa album na ito."

"Considering this is her second album, dapat mas maganda ito sa nauna. Pero anyare? Nagsisimula pa lang siya sa industry, parang umuurong na ang quality ng music niya. This album is so bad, tbh. Dalawang kanta lang ang maganda rito. The rest are just bunch of garbage fillers. Halatang kung anu-ano lang ang nilagay para matawag na full length album. What a waste!"

Hindi na niya kinaya ang bawat komento. Isinara na niya ang screen ng cellphone at pinunasan sa likod ng palad ang mga luha.

Nilapitan naman siya ng kanyang makeup artist na si Melisa at ang manager niyang si Doniel Jr. "Cheer up, Rose. Huwag kang magpaapekto d'yan," anang babae sa kanya.

"No. It's not okay. Hindi ko inaasahang ganito karami ang magiging negative feedback ng album. Pinagpaguran ko pa naman ito. Ibinuhos ko rito ang buong puso at pagod ko."

Inakbayan naman siya ni Doniel Jr. "Rose, listen. Hindi mo dapat iniiyakan ang mga ganyang comments. Patunay lang 'yan na sumisikat ka na kaya may naiinggit na sa 'yo!"

"Tama si Sir Doniel. I'm sure gawa-gawa lang 'yan ng mga trolls para siraan ka. Nakikita kasi nila na nagsa-shine ka na."

Tumango naman ang lalaki bilang pagsang-ayon sa babae. "Nakapagtataka lang kasi, eh. Bigla-bigla na lang ang paglitaw ng mga feedback na 'yan. Isang buwan na ang lumipas mula nang mai-release ang album. Naging mainit ang pagtanggap ng mga tao rito. Kahit 'yung iba't ibang mga critics gaya ng Rolling Metals, The Feedware at Atomic News, maganda ang feedback nila sa album! Nasa 9 out of 10 din ang ratings na binigay nila! Tapos ngayon biglang magkakaroon ng ganyan? At ganyan pa talaga karami? Hindi ba parang there's something fishy about those feedback? Para bang nanggagaling lang 'yan sa iisang tao or grupo para siraan ka."

"Yes, Sir Doniel. Tama ka," sagot naman ni Melisa. "I'm sure may mga tao o grupong naiinggit kay Roselia Morgan kaya gumagawa sila ng ganitong gimmick para manira. Pero wala naman tayong dapat ipag-alala rito 'di ba? Hanggang ngayon bumibenta pa rin ang album. Nasa top 10 charts pa rin hanggang ngayon. Patunay lang ito na pasok pa rin sa masa ang album mo."

"That's right!" Saka hinagod-hagod ni Doniel Jr. ang likod ng singer. "Don't worry. We will investigate this. Hindi natin hahayaang kumalat pa ang mga trolls na 'yan sa online. Huwag ka nang umiyak, Rose. May interview ka pa mamaya sa Heartwave TV. Kailangan maging presentable ka kaya mag-ayos ka na rito, ha?" Umalis na ang lalaki para bumalik sa trabaho.

Siya naman ay tumingin sa salamin at muling pinunasan ang mga natitirang luha. Tama ang dalawa. Hindi dapat siya magpaapekto sa mga kumakalat na negatibong komento. Bagkus ay gagamitin niya ito para lalo pang mapabuti ang talento niya.

Nang medyo mahimasmasan ay pinagpatuloy na ni Roselia Morgan ang pag-aayos para sa interview mamaya. Itinuloy na rin ni Melisa ang pagre-retouch sa makeup niya.

"ITO naman 'yung picture ni ama noong binata pa siya," pagmamalaki ni Maria Lucia kay Nathan habang pinapakita rito ang tambak na mga family pictures nila na nakadikit sa isang eskaparateng salamin sa gallery room ng mansyon.

"Ang macho rin pala ni Don Felipe noong kapanahunan niya 'no? Ang guwapo pa!" komento rito ni Nathan habang bakas sa mga mata ang pagkamangha sa mga nakikita.

Bawat litratong pinapakita ni Maria Lucia sa lalaki ay may mga background at history na masaya niyang ibinabahagi rito. Hanggang sa mapadpad sila sa bandang gitna kung saan nakadikit ang litrato ni Maria Elena na nakatayo sa gitna ng pulang mga bulaklak.

Hindi nagustuhan ni Maria Lucia ang pagngiti ng lalaki rito. "Ang ganda rin talaga ni Maria Elena 'no? Kamukhang-kamukha talaga niya si Marilyn Monroe! Para silang pinagbiyak na bunga!"

"Sinasabi ko naman sa 'yo. Wala naman kasing originality 'yan si Maria Elena. Ginagaya lang niya ang mga lumang artista."

"Pero aminin mo, bagay na bagay naman talaga sa kanya ang signature looks ni Marilyn Monroe. Siya ang nakikita kong perfect impersonator nito."

"Bakit ba kasi puring-puri ka sa babaeng 'yan? Sinabi ko naman sa 'yo na hindi namin close 'yan ni ate."

"Hindi naman kasi ako kasali sa away n'yong magkapatid. Kaya wala ring dahilan para magalit ako sa kanya."


"But I'm your girlfriend. Kung sino ang mga kaaway ko, dapat kaaway mo rin." Saka hinaplos-haplos ng babae ang pisngi ng katipan.

"No!" madiing sagot ni Nathan. "Hindi ako ganyan pinalaki ng magulang ko, Maria Lucia. Noong bata pa man ako, ang palagi nilang itinuturo sa akin ay maging patas sa lahat ng tao. Tinuruan nila akong pakinggan ang panig ng bawat isa bago gumawa ng desisyon. Hindi ako nagtatanim ng galit sa isang tao dahil lang sa utos ng iba, lalo na kung wala naman itong ginagawang masama sa akin."

Hindi na lang nakipagtalo si Maria Lucia rito. Alam niyang mabuti ang kalooban ng lalaki. Sadyang malaki lang talaga ang galit niya kay Maria Elena dahil na rin sa impluwensiya ni Maria Isabel. Ito ang nagturo sa kanya na magalit sa babae kahit wala rin naman itong ginawa sa kanya noong mga bata pa sila.

Medyo tinamaan din siya sa sinabi ni Nathan. Kaya naman hindi na siya kumontra pa upang hindi ito pagmulan ng kanilang hindi pagkakaintindihan.

"Kuwentuhan mo naman kasi ako tungkol kay Maria Elena kahit konti lang," pangungulit sa kanya ng lalaki.

Nagtampo na siya. "Bakit ba gustong-gusto mo siyang makilala? Siya na ba ang mahal mo?"


"Of course, not! Ikaw lang ang kinikilala ng puso ko siyempre. Gusto ko lang talaga makilala ang bawat miyembro ng pamilya n'yo, gaya ng kung paano ko ipinakilala sa iyo ang bawat miyembro ng pamilya ko."

"Sige na nga!" napilitang sagot niya. "Pero sa totoo lang wala rin akong masyadong alam kay Maria Elena. Hindi naman kasi kami gaanong nag-uusap. Ang alam ko lang sa kanya, wala siyang balak mag-asawa."

"O, talaga?" hindi makapaniwalang sambit ni Nathan. "Sa ganda niyang iyon, wala pa pala siyang boyfriend?"

"Yes! She's single since birth. Alam mo kung bakit? Dahil gusto niya raw magmadre!" Natawa siya sa pagkakasabi niyon. "Ang weird nga ng gusto niyang mangyari, eh! Sa lahat na lang ng puwedeng pangarapin, ang pagiging madre pa!"

Nagtaas na lang ng dalawang kilay si Nathan. "Well, wala rin namang masama sa pagiging madre. Marangal din naman ang ginagawa nila. Sadyang hindi lang talaga ako makapaniwala na ayaw niyang mag-asawa. Sayang naman kasi ang ganda niya. Sa tingin ko, deserve din naman niyang sumaya sa isang lalaki."

"Pabayaan mo siya! Iyon ang gusto niya, eh. Kahit si mama na tanging ka-close niya sa bahay, hindi kayang baguhin ang isip niya."

Pagkatapos nila sa gallery room, niyaya naman niya ang lalaki sa kitchen para ipagluto ng miryenda. At para ibaling na rin sa ibang bagay ang paksa ng usapan nila.

MAGKAAKBAY sa tabi ng dalampasigan sina Ronaldo at Maria Isabel habang nakatanaw sa papalubog na araw. Dito nila naisipang mamasyal para sulitin ang natitirang araw ng tag-init. Lalo na't mahilig din sa swimming ang lalaki.

Isang bulaklaking two-piece swimsuit ang suot ni Maria Isabel habang mainipis na shorts naman ang kay Ronaldo. Tumatama pa sa maskuladong katawan nito ang repleksyon ng araw na lalong nagpalitaw sa masculinity nito.

"Ang sarap talaga sa feeling na umupo rito habang tinatanaw ang sunset 'no? Sobrang gaan lang sa dibdib. Nakaka-relax ng sistema," sabi sa kanya ng lalaki na lumipat naman ang kamay sa bewang niya.

"True! Kung puwede lang sana tayong magpatayo ng bahay sa tabi ng dagat. Para araw-araw natin itong makikita."

"Why not? Iyan din sana ang balak kong gawin kapag naikasal na tayo, eh. Iyon ay kung papayag ka. May lugar na akong napupusuang patayuan ng bahay. Mas maganda ang dagat doon."

"Bakit naman hindi ako papayag?" Saka lumingon si Maria Isabel sa lalaki at hinalikan ito sa pisngi. "Alam kong gusto mo ito kaya susuportahan kita."

"Thank you!" Gumanti rin ng halik sa kanya ang lalaki.

May ilang minutong pumagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa bago iyon binasag ng babae. "Mahal, familiar ka na ba kay Roselia Morgan?"

Nangunot ang noong napalingon sa kanya ang lalaki. "Oo, bakit? Ano'ng meron sa kanya?"

"Wala lang. Sino ba sa tingin mo ang mas magaling sa aming dalawa?"

Natawa ang lalaki. "Bakit mo naman natanong 'yan? Siyempre ikaw! Tinatanong pa ba 'yan? Ikaw lang ang nag-iisang Biritera Queen, hindi lang dito pati na rin sa buong Asia!"

Nagtawanan sila pagkatapos niyon. Habang nakatanaw pa rin sa langit ang lalaki, siya naman ay lihim na iniisip ang mga inutusan niya para magkalat ng negative feedback sa album ng karibal.

Hindi niya makalimutan ang ibinalita ng mga ito kanina na nagtagumpay sila sa pagpapakalat ng paninira sa babae. Lumikha nga ito ng ingay sa internet. Siguradong dinaramdam na nito ngayon ang mga pambabatikos na ginawa ng mga tauhan niya.

At kung magtuloy-tuloy pa iyon, maaaring mawalan na ng ganang kumanta si Roselia Morgan at makaapekto ito sa progress ng career nito.

Desperado na talaga si Maria Isabel. Lahat ay gagawin niya para walang makapantay sa kanya sa industriya. Sa ganitong paraan, mapapaniwala pa rin niya ang sarili na mas lamang pa rin siya sa lahat kahit marami-rami nang nagsilabasang magagaling na biritera ngayon.

HINDI maawat ang ngiti ni Maria Elena habang pinagmamasdan ang mga bata sa harap ng simbahan. Kabilang siya sa mga nakiisa sa feeding program ng Sto. Tomas Parish Church na isa sa pinakamahirap na barangay dito sa lugar nila.

Buwan-buwan nila itong ginagawa na nagtatagal naman ng sampung araw. Hindi lang pagkain kundi iba't ibang mga donasyon din ang ibinibigay nila sa mga mahihirap na kababayan gaya ng damit, tsinelas, laruan para sa mga bata, at pinansyal na tulong sa mga pamilya.

Ito talaga ang nagpapasaya kay Maria Elena. Kasama niya ang mga madre ng simbahang iyon sa pagbibigay ng tulong at pagkain sa mga bata at pamilyang nakapila ngayon sa harap nila.

"Baka gusto mong magpahinga muna, Maria Elena. Kaninang umaga ka pa nandito. Malapit nang lumatag ang gabi, aba! Baka may iba ka pang mga gagawin," sabi sa kanya ni Sister Monica.

"Naku, okay lang po ako, Sister. Wala rin naman po akong gagawin ngayong araw na ito kaya tapusin na natin ito. Tutal kaunti na lang din naman ang mga tao. Marami-rami na tayong nabigyan magmula kaninang umaga."

"Salamat talaga, hija. Ang laki talaga ng paghanga ko sa 'yo dahil kahit galing ka sa napakayamang pamilya, hindi ka nahihiyang bumaba rito sa lupa at makibahagi sa mga mahihirap," natutuwang sabi sa kanya ng madre.

"Ano ba kayo, Sister Monica. Wala namang kinalaman ang estado ng buhay sa pagiging makatao. Kayo na mismo ang nagsabi na mayaman kami, kaya dapat lang na kami ang manguna sa pagtulong sa mahihirap, hindi 'yung kami ang manguna sa pagdudulot ng kahirapan."

"Alam mo, sa dinami-dami ng mga politikong namuno sa buong Hermosa, wala pa sa kanila ang nakapagdulot talaga ng pagbabago sa buhay ng mga kababayan natin. Marami pa rin ang naghihirap. Samantalang sila, patuloy namang yumayaman. Kaya umaasa talaga kami sa iyong ama na si Don Felipe. Sana katulad mo siya na mabait at punong-puno ng kabutihan ang puso."

Napangiti na lang si Maria Elena. Hindi na siya nakasagot. Lalo na't hindi rin niya alam ang tumatakbo sa utak ng kanyang ama. Basta siya, hangga't nabubuhay siya sa mundo ay hindi siya titigil sa pagtulong sa kapwa. Hindi niya kailangang pumasok sa politika para lang makapaghatid ng tulong sa marami.

NAGTIPON-TIPON sa opisina ang malalapit na mga tauhan ni Don Felipe. Isa-isang naghatid ng balita ang mga ito sa kanya tungkol sa proseso ng mga gagawin nilang proyekto. Nilapitan naman siya ni Jomar at ipinakita ang isang lumabas na artikulo tungkol sa misteryosong pagkawala ni Pamelo Delos Santos.

Hanggang ngayon ay hinahanap pa rin daw ito. Naniniwala ang marami na may kinalaman ang naganap na eleksyon sa pagkawala nito. Lalo na't dati na itong nasasangkot sa iba't ibang isyu ng Electromatic lalo na pagdating sa pakikipagsabwatan sa mga partido.

Noong kumampi ito kina Don Felipe, sinabi nito na nagbago na ito at gumawa pa ng kung anu-anong gimmick para mapaniwala ang marami kaya kahit papaano medyo lumamig ang ulo ng mga tao rito. Pero ang totoo, ito talaga ang utak pagdating sa dayaan at trayduran.

"Nagsisimula nang magduda ang mga tao at kritiko. Natatakot akong baka maiugnay pa nila tayo rito. Ano na ang gagawin natin, Don Felipe?" tanong sa kanya ni Jomar.

Tumawa lang ang matandang lalaki. "Wala kang dapat ipag-alala. Naging malinis ang trabaho natin 'di ba? Sa malayong lugar naganap ang pagsabog. Walang nakakita maliban sa atin. Saka imposibleng may mahanap pa silang bangkay ni Pamelo dahil isa na itong abo ngayon!"

"Batid namin iyon, Don Felipe. Ang ikinakatakot ko lang ay baka isipin ng iba na may kinalaman tayo sa pagkamatay niya. Lalo na't dati kayong magkaaway ni Pamelo noong mga nagdaang eleksyon kung saan nasa kalaban pa siya. At kahit naging magkakampi kayo noong kampanya mo, hindi pa rin natin maiiwasan ang iba na magbitaw ng hinala sa atin," paliwanag ni Jomar.

"Bakit ba kasi pinapatay n'yo pa siya, Don Felipe? Hindi ba't sa atin na nga siya pumanig ngayon para lang maipanalo kayo?" tanong naman sa kanya ni Nemencio.

"Traydor 'yan si Pamelo. Matagal ko nang kilala ang ungas na 'yan. Kumakapit lang 'yan kung sino ang malakas sa bawat eleksyong nagdadaan. Kahit tinulungan niya tayong manipulahin ang resulta, hindi nangangahulugang buo na ang alyansa natin sa kanya. Kaya nga tama lang na iniligpit natin siya dahil hindi natin masasabi, baka biglang magbago ang isip n'yan at ilaglag pa tayo sa huli. Lalo na't ganoon din ang ginagawa niya sa ibang mga partidong pinanigan niya noon," saad ni Don Felipe sa nagliliyab na tinig.

"Ngunit ano ang inyong naiisip para hindi maghinala sa atin ang mga tao, Don Felipe?" tanong muli sa kanya ni Jomar.

Isang makahulugang ngiti ang pinakawalan ng matandang lalaki habang nakatanaw sa kawalan.

Nang sumunod na gabi ay sumama si Don Felipe kina Jomar at Nemencio sa isang abandonadong gusali sa pinakadulo ng Barangay Sto. Tomas. Malayo na iyon sa mga tao. Doon nila dinala ang isang lalaking bihag nila na nagngangalang Pablo.

Napulot lang nila ito sa daan. At para mabawasan na rin ang mga pulubing sumisira sa magandang view sa paligid, ito na lamang ang naisipang kuhanin ni Don Felipe para maging instrumento sa bago nilang plano.

Pinasandal nila ito sa isang lumang papag. Saka niya ibinigay rito ang isang papel na naglalaman ng sulat. Inutusan niya itong kabisaduhin iyon.

Nang makabisado na ito ng lalaki, nagsimula namang pumuwesto si Jomar at kinuhanan ito ng video habang nagsasalita.

Pagkatapos niyon, dinukot ni Don Felipe ang baon na patalim sa bulsa at itinarak sa puso ng lalaking pulubi. Hindi pa siya nakuntento sa ginawa. Itinaas din niya ang baston at ibinaon sa sugat nito. Hindi niya iyon tinigilan hangga't hindi ito bumaon sa pinakamalalim na bahagi ng dibdib ng lalaki.

Nang bumagsak na ito sa sahig, inutusan na niya ang mga tauhan na iligpit ito sa sako at itapon sa ilog.

Nang mga sumunod na araw, biglang pumutok sa internet ang video ng isang lalaki na diumano'y salarin sa pagkawala ni Pamelo Delos Santos.

"Kung napapanood n'yo ito ngayon, nais ko lang sabihin na wala na ang hinahanap n'yong tao. Hinding-hindi n'yo na makikita pa si Pamelo Delos Santos dahil pinatay ko na siya. Sinigurado kong hindi n'yo na mahahanap pa ang bangkay niya dahil abo na lamang siya. Malaki ang kasalanan sa akin ni Pamelo, lalo na sa pamilya ko. Trinaydor niya kami. Pinagnakawan niya kami. Dahil sa kanya, naghihirap kami ngayon. At kung nagbabalak kayong hanapin ako, huwag na kayong mag-abala pa. Hindi n'yo na rin naman ako makikita pagkatapos nito. Wala nang kahit sino pa ang makakahanap sa akin, maliban na lang kung pumunta kayo rito sa kabilang buhay."

Dahil sa video na iyon, marami ang naniwala na isang taong may personal na galit lang kay Pamelo ang dahilan ng pagkawala at pagkamatay nito. Hindi na nabaling pa ang atensyon kina Don Felipe at sa ibang mga partidong nakalaban nila sa nakaraang eleksyon. Malinis na ang pangalan nila. Wala na silang dapat na ipag-alala.

Tumawa na lang sa isang tabi si Don Felipe habang pinagmamasdan sa screen ng computer ang video na iyon. Nasa likuran naman niya ang ilang mga tauhan kabilang na sina Jomar at Nemencio na nakikitawa rin.

Pumasok ang isa pang tauhan at may inabot na malaking package sa kanya. "Kanino galing ito?" tanong niya nang mapansing walang sender's name o kahit anong sulat ang package.

"Hindi ko rin alam, Don Felipe. Basta't sa 'yo lang daw ito pinabibigay."

"Ikaw na ang magbukas," makapangyarihang utos niya at ibinalik ang package.

Binuksan nga ng tauhan sa harapan niya ang package. Isang malaking picture frame iyon. Nagulat ito sa nakita. Pati si Felipe ay tinablan ng takot sa naging reaksyon ng tauhan niya sa frame na iyon. Kaya naman agad niya itong inutusan na iharap sa kanya ang package.


Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makita ang mga litratong naka-collage sa iisang picture frame. Mga litrato iyon noong gabi kung saan nila pinasabog ang sinasakyan ni Pamelo Delos Santos. Kitang-kita pa silang nakatayo sa gilid habang kausap ang lalaki. Sa ibang litrato naman ay makikita silang naglalakad palayo habang nasusunog na ang sasakyan.

Labis ang panlalaki ng mga mata ni Don Felipe. "Sino'ng may gawa nito..." Nagbaga sa galit ang kanyang paningin saka ibinato ang picture frame sa sahig hanggang sa mabasag ito.

Hindi siya makapaniwalang may nakakita sa ginawa nila. At tila nais pa itong gamitin ngayon sa kanya para paglaruan siya.

"Akala ko ba, walang ibang tao roon maliban lang sa atin?" tanong niya kina Jomar at Nemencio na nasa likuran pa rin niya.

"Hindi ko rin naman alam, Don Felipe. Maging ako ay nagulat sa litratong iyan. Bantay-sarado ng ating mga tauhan ang kasuluk-sulukan ng lugar na iyon. Imposibleng may ibang makapasok doon para kuhanan tayo ng litrato," nanginginig na paliwanag ni Jomar.

Kinagat ni Don Felipe ang sariling mga ngipin. "Kung sino man ang may gawa nito, nais niyang makipaglaro ng kamatayan sa akin..." Kasunod niyon ang pagkuyom ng kanyang mga kamao na nakapatong sa mesa.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro