Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 37: Ang Pagkawasak

NAGING sukdulan ang tensyon sa nagaganap na demolisyon sa Brgy. Sto. Tomas. Ayaw paawat ng mga residente sa pagbato ng mga bote at kahoy sa demolition team. Habang tumatagal ay lumalala pa ang gulo. Kabilaan na ang pagliparan ng mga kahoy at bato sa paligid.

Napilitan nang magtawag ng mga anti-riot police upang madagdagan ang depense ng demolition team. Ang iba sa kanila ay nasugatan na at natamaan pa sa ulo ng mga lumilipad na kahoy. Ang iba naman ay nag-amok pa ng itak. Ang tatapang ng mga tao. Handang pumatay maprotektahan lang ang kanilang tahanan na sapilitang kukunin sa kanila.

Marami nang nasaktan sa magkabilang panig. May isa pa ngang matanda na nangailangan ng atensyong medikal dahil nahimatay sa kalagitnaan ng pakikipagsagutan sa mga awtoridad.

Hindi lang ambulansya ang dumating sa komunidad. Pati na rin fire truck matapos magsunog ng isang lalaki ng pagkarami-raming basurahan na di kalaunan ay kumalat din sa paligid. Sinadya nitong ipakalat ang sunog para takutin ang demolition team.

Lahat ng mga residente ay nagtulungan upang labanan at patalsikin ang mga awtoridad. Ngunit sa huli, sila pa rin ang bumagsak na luhaan. Nagawa ring kontrolin at labanan ng mga anti-riot police ang puwersa ng mga galit na galit na residente.

Nang humupa na ang tensyon ay tumambad ang mga nasaktan. May ilang mga taong sugatan matapos matamaan ng mga lumilipad na bote. May ilan pang mga nahimatay sa gitna ng daan gawa ng sobrang galit. May ilan ding nagtamo ng pinsala dahil sa kumalat na sunog.

Kabilang si Chris Ocampo sa mga nanguna sa pagbabato ng kahoy at bote sa mga awtoridad. Hindi niya hinayaang makalapit ang mga ito sa munti nilang tahanan na yari lamang sa pinagtagpi-tagping yero.

Kung sisilipin ang loob ng kanilang bahay, may makikitang malaking kurtina roon na nagsisilbing pader na humihiwalay sa tahanan ng kanyang kapitbahay. Iba na ang nakatira doon, at ang kurtina lang na iyon ang tanging pagitan nila sa isa't isa.

Hindi na alintana ni Chris ang dugong tumutulo sa ulo niya pati ang mga sugat na tinamo ng kanyang mga paa dahil sa mga bubog na natapakan. Hangga't may napupulot siyang matitigas at matatalim na bagay ay buong lakas niyang ibinabato sa mga awtoridad.

"Mawala kayo rito mga p*t*ng ina n'yo! Mawala kayoooo!" mangiyak-ngiyak niyang sigaw habang patuloy na nakikipagbatuhan.

Sa demolition team naman ay maraming nagtamo ng sugat sa ulo na karamihan ay tinamaan ng mga kahoy at bote. Ang iba ay napilay pa matapos pagtulungang gulpihin ng mga sigang residente. May isang pulis pa nga na inagawan ng baril at tinamaan sa braso. Mabuti na lang ay naisalba pa rin ang buhay nito.

Pagkarating ng mga squad ay tuluyan na ring nakontrol ang gulo. Dahil mas malalaki na ang dalang baril ng mga ito, napilitan na lang umatras ng mga residente. Ang iba sa kanila ay nagwawala at umiiyak habang inilalabas ang kanilang mga gamit. Ang iba naman ay naglumpasay na lang sa daan habang pinagmamasdan sa labas ang kanilang mga tahanan.

Pero may ilan pa ring nagmatigas at hindi talaga iniwan ang kanilang tahanan hangga't hindi raw sila hinahanapan ng matinong malilipatan. Relokasyon ngayon ang isinisigaw ng lahat.

Iyon ang nakatakdang araw na ibinigay sa demolition team para gibain ang mga illegal na gusali at kabahayan. Nagsisiksikan kasi roon ang mga istraktura na nagsisilbing tahanan ng mahihirap na mga residente.

Napag-alaman kasi na hindi naman daw pala nila pag-aari ang kalupaang iyon, at basta na lang silang nagtayo ng mga bahay roon. Ayon din sa Bureau of Fire Protection, maituturin na ring fire hazard ang naturang lugar dahil sa masyadong dikit-dikit na mga tahanan.

Halos kaunti na lang kasi ang espasyo para sa mga nagdadaang sasakyan. At tuwing magsisipagpuwesto pa roon ang mga vendor, wala na talagang mga sasakyan at tricycle na makakadaan. Napipilitan tuloy silang gumamit ng ibang daan kung saan mas napapalayo sila, at mas napapamahal din ang pamasahe ng mga pasahero.

Kailangan talaga niyon ng matinding paglilinis at renovation. Kaya naman pinamamadali na ni Don Felipe ang malawakang demolisyon na gagawin nila sa maraming komunidad sa Las Iglesias. Pagigibain na niya ang mga nakatayong illegal na istraktura at paaalisin din ang sinumang kumalaban sa kanyang pamamahala.

Ang mga residenteng naapektuhan ay pansamantala nilang inilikas sa evacuation center habang hinahanapan ng bagong malilipatan. Siksikan tuloy sila sa lugar na iyon. Kahit isang araw pa lang ang pananatili nila roon, marami nang mga nagkakasakit, mga kabataan at mga matatanda.

Masyado ring mabagal ang usad ng pagbibigay sa kanila ng makakain kaya madalas wala na sa tamang oras ang kanilang pagkain. Marami tuloy ang nahihilo at sumasakit ang tiyan dahil nalilipasan ng gutom.

Sa mga sumunod na araw ay mas nadagdagan pa ang mga tao roon. Karamihan sa kanila ay pilit na lang ding isinuko ang kanilang tahanan para hindi na makalikha ng mas matinding gulo. Dahil dito, napilitan na ring gawing evacuation center ang isang iskuwelahan doon.

Ang mas ikinasasama pa ng loob ng mga tao ay ang financial assistance na ipinangako sa kanila para sana makatulong sa paghahanap nila ng bagong tahanan. Sa halip na ito'y makatulong ay nagdulot pa ito ng mas malaking gulo. Bukod sa napakahabang pila ay marami rin daw ang hindi nabigyan.

Naubos daw kasi ang pondo sa araw na iyon dahil hindi nila inaasahan ang dami ng mga pamilyang maaapektuhan. Kaya naman ang iba pinababalik na lang bukas.

Ngunit pagbalik naman nila kinabukasan, dagsa na naman ang pila kaya marami na naman ang hindi nabigyan. Napilitan nang magwala ang iba at may nasaktan na naman sa magkabilang panig.

Habang nagkakagulo sa labas, tamang nood lang ng Netflix si Don Felipe sa malaki nilang TV kasama sina Maria Isabel at Maria Lucia, pati na rin ang mga nobyo nilang si Ronaldo at Nathan. Naisipan munang mag-relax ng Don habang ang government team na niya ang gumagawa sa lahat ng trabaho.

DAHAN-DAHANG iminulat ni Maria Elena ang mga mata nang maaninag ang liwanag ng araw na tumatama sa bintana. Ang ceiling nilang may malaki at ginintuang chandelier ang unang bumungad sa kanya nang ilinga niya ang paningin. Nandito na sila ngayon sa kanilang hacienda sa Barcelona, Spain.

Nagkusot siya ng mga mata at inunat ang katawan bago naisipang bumangon. Ganoon na lamang ang pagkabigla niya nang masilayan ang magkakadikit na pumpon ng mga rosas sa buong paligid ng kama niya. Napalitan na rin ng pula ang mga kurtina na lalong bumagay sa gintong kulay ng buong silid.

Naghinala agad siya. Siguradong isang tao lang ang may gawa nito. At pagbukas nga ng pinto, bumungad sa kanya ang taong unang pumasok sa kanyang isip. Walang iba kundi ang pinakamamahal niyang si Evandro. Bahagya pa siyang nasilaw sa unang pagkakataon na makita itong naka-topless. Taglay nito ang isang katawan na nakakagising ng kaluluwa.

Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ng lalaki nang magtagpo ang kanilang mga mata. May dala pa itong bed tray na punong-puno ng mga bagong lutong pagkain. Agad nito iyong inilapag sa tabi niya at binigyan pa siya ng good morning kiss sa noo.

"Good morning to the queen of my life. Your king has brought you some breakfast." Tumabi ito ng pagkakaupo sa kanya at marahang umakbay sa balikat niya.

"Ikaw na naman ang may pakana nitong kuwarto, 'no?" natatawang sabi niya rito.

"I designed it the way you would want it. I call this room now as Gold and Roses. What do you think, my queen?"

Natawa na naman siya sa mga lumalabas sa bibig nito. "Napakaganda ng ginawa mo, Evandro. Alam na alam mo talaga kung ano 'yung mga kulay na nagpapasaya sa akin. You are the best!"

Ang lalaki naman ang tumawa sa pagkakataong iyon at muli siyang hinalikan. "Thank you, love! Maaga talaga akong gumising para dito. Alam kong napagod ka sa mahaba nating biyahe kaya naisipan kong gawin ito. Para paggising mo, mawala agad ang pagod mo."

"At nagtagumpay ka nga namang gawin iyon!" compliment niya rito.

"Oh, well..." Napahinga ito nang malalim. "I think this is the first time na matitikman mo ang luto ko. Can you eat now?"

"Sige na nga!" Una niyang tinikman ang Fried Cabbage with Bacon and Garlic. Hindi niya naiwasang mapapikit sa sobrang sarap.

"Grabe ka! May itinatago ka rin palang galing sa pagluluto," compliment muli niya rito at binigyan ng matipid na halik sa pisngi ang lalaki.

Napangiti roon si Evandro. "How about this?"

Natakam din siya nang makita ang limang piraso ng Empanada o Half-Moon Pastries na naka-plating sa hugis oblong na pinggan. Kumuha siya ng isa at tumikim ng malaking tipak. Napangiti muli siya sa napakasarap na lasa nito.

"Mukhang tataba yata ako sa bakasyon nating ito. Hindi ko mapipigilang kumain nang marami kung ganito kasasarap ang mga luto. Puwedeng-puwede mo nang labanan si Maria Lucia sa kusina!"

Natawa naman ito nang malakas. "Wala pa ako sa kalingkingan ng kapatid mo. Pero araw-araw kitang ipagluluto at pagsisilbihan. I want to give you the best and happiest life that you've never felt before."

Napahaplos siya sa makinis na mukha ng lalaki na bagong ahit pa lang. "Ako dapat ang magsilbi sa 'yo ngayon. Lalo na't hindi pa ako nakakabawi sa mga pagkukulang ko."


"You don't have to do that, my queen." Ito naman ang humaplos sa pisngi niya. "Wala kang pagkukulang sa akin. The only thing that I want you to do is to enjoy every moment of our love. That's it."

Pati puso niya ay bahagyang nagwala sa sobrang tuwa. Hindi niya maawat ang labis na kaligayahang bumalot sa buong kalamnan niya. "Evandro naman. Huwag ka naman masyadong maging mabait sa akin. Baka naman lalo akong maging marupok nito."

Natawa lang itong muli. "That would never happen. Ako nga ang magiging coach mo 'di ba? I will teach you how to fight just like what you wanted. Tuturuan kita kung paano maging malakas para malabanan mo rin ang mga kaaway mo. Gusto mo ba 'yon?"

"Naku, siyempre naman! Iyon nga ang gusto kong maging goal ngayon, eh. 'Yung lumakas physically!"

"Then pull yourself up now. Ang ganda pa naman ng weather sa labas. Ang sarap mag-jogging at mag-workout nang ganitong oras."

Inubos na lang niya ang mga pagkaing inihanda nito sa kanya. Pagkatapos ay bumangon na rin siya at naisipang lumapit sa oversized glass window. Tanaw na tanaw niya roon ang maulap at payapang kalangitan.

Napakagaan din sa paningin ng matataas at mayayabong na mga punong nakapalibot sa kanilang hacienda. Napakasarap ngang maglakad at mag-exercise kapag ganoon ang tanawin sa labas.

Pagkatapos niyang magbihis ay lumabas na sila ni Evandro para mag-jogging at mag-exercise. Nais nitong idaan muna siya sa mga warm up bago isabak sa martial arts training na gusto niyang matutunan.

TAHIMIK namang umiinom ng California Red sa wine cellar si Donya Glavosa habang kasama si Marites na nagba-vacuum sa sahig.

Pansin din ng katulong ang kanyang pananamlay. Ilang araw na siyang ganito na parang walang energy. Kaya niya naisipang uminom dito mag-isa para ma-recharge ang katawan.

"Madam, parang nakaka-miss lang si Aaron, ano? Hindi ko akalaing makukulong siya kasama 'yung Senadora na 'yun."

Napalunok lang ng laway ang matanda rito. "Kasalanan itong lahat ni Evandro."

Napatingin ang katulong sa kanya. "Ano naman po ang binabalak n'yo ngayon? Gagantihan n'yo ba si Evandro? O tutulungan munang makalaya si Aaron?"

"Hindi ko pa alam kung paano ko matutulungan si Aaron. Masyadong mabigat ang kaso niya. Ayoko ring pagdudahan ako ng awtoridad kapag sinubukan ko siyang dalawin. Tiyak na paghihinalaan din nila ako. Lalo na't iniisip nila ngayon na lahat ng kakilala at malalapit sa kanya ay may koneksyon din sa organisasyon nila."

"E, si Evandro, Madam? Ano naman ang balak n'yo sa kanya? Siya ang nagpakulong kina Aaron, eh!"

"Hindi ko rin alam," may bahid ng pagkabigo sa tinig ng donya. "Si Aaron at ang mga tauhan lang talaga niya ang nagsisilbi kong armas at hukbo. Ngayong wala na sila, parang nawalan na rin ako ng kapangyarihan."

Aminado si Donya Glavosa na napakalaking kawalan sa kanya ng pagbagsak ng Dragon Breath Organization. Ito at si Aaron lang kasi ang tanging nagsilbi niyang sandalan at kasangga kaya niya nagawang palakasin ang kanyang impluwensya.

Pakiramdam tuloy niya, parang mas lamang na sa kanya si Felipe ngayon. Dahil kahit papaano ay may mga tauhan pa rin ito. Mayroon pa rin itong puwersa bukod sa kapangyarihang tinatamasa nito.

Pero siya, ang pagiging donya na lamang sa mansyon ang tanging kapangyarihan niya. Ang dami nang nawala sa kanya dahil sa pagbagsak ng Dragon Breath. Hindi niya alam kung sa anong paraan tutulungan ang mga ito para makabangon. Lalo na't hindi siya puwedeng mawalan ng puwersa. Marami pa siyang mga plano sa buhay, kabilang na rito ang pagpapabagsak sa sariling pamilya.

"Marites," tawag niya sa babae na agad namang lumingon sa kanya.

"Bakit po, Madam?"

"May nasagap ka bang balita kung kailan balak umuwi nina Maria Elena rito?"

"Ang pagkakarinig ko po ay limang buwan daw sila roon. Medyo matagal-tagal din iyon, Madam. Hindi na nila maaabutan 'yung nalalapit na kasal nina Sir Ronaldo at Madam Isabel."

Napabuga nang malalim na paghinga si Donya Glavosa. Medyo dismayado siya sa narinig. Napakatagal pa pala ng kailangan niyang hintayin bago niya magawa ang bagong plano sa utak niya.

Kung hindi niya matutulungan si Aaron na makalabas ng kulungan, ipaghihiganti na lamang niya ito. Sa pinakamaruming paraan na maiisip niya.

MAINIT muli ang panahon nang umagang iyon. Habang abala sa paglilinis ang mga katulong sa loob, naka-abang naman sa labas ng balkonahe sina Felipe at Imelda.

Makalipas ang ilang saglit, nagbukas na ang gate at tumuloy roon ang isang family car na pamilyar sa kanila. Tulad ng kanilang inaasahan, ang mag-asawang Bendijo ang bumaba roon. Ngunit may kasama namang lalaki ang mga ito na lingid sa kanilang kaalaman ay si Russell.

Tuwang-tuwa ang lalaki nang makatapak sa balwarte ng mga Iglesias. Tahimik siyang sumunod sa likuran nina Donito at Elvira. Pagkatapos bumati ng mga ito sa mag-asawa ay siya naman ang lumapit at nagpakilala.

Malugod din siyang tinanggap ng mga ito at pinapasok na silang lahat sa loob. Dinala sila ni Don Felipe sa dining area kung saan may nakahanda na agad na pagkain para sa kanila.

"Heto nga pala si Russell Reignor. Matalik na kaibigan at kababata ni Evandro. Napadalaw lang din siya sa amin kanina. Sakto namang paalis na kami, kaya isinama na rin namin siya rito," pagpapakilala sa kanya ni Elvira sa mag-asawa.

"Welcome na welcome siya rito, Elvira. Basta lahat ng mga kakilala o kamag-anak n'yo ay malayang pumunta rito anumang oras at panahon. Ganap nang mag-asawa sina Evandro at Maria Elena. Kaya lahat ng mga tao sa paligid nila ay dapat na rin nating iturin na pamilya," masayang tugon naman dito ni Felipe at nagpakawala ng maaliwalas na ngiti sa kanya.

Napangiti na rin siya rito. Tahimik lang siyang nakinig sa usapan ng dalawang panig. Nang maramdaman ang pagbigat ng pantog ay saglit siyang nagpaalam sa mga ito para pumunta ng CR.

Nakasalubong pa niya sa isang hallway ang katulong na lingid sa kanyang kaalaman ay si Marites. Napatingin naman ito sa kanya na tila nabighani sa kaguwapuhan niya.

"Good morning po, Sir!" ito ang unang bumati sa kanya at nagpakawala pa ng awkward na smile.

Ginantihan din niya ito nang ngiti at hindi na lamang pinahalata ang cringe na naramdaman niya sa hitsura ng bibig nito. "Oh, hi! Uh, asan dito ang CR n'yo?" masaya niyang tanong dito.

"Ay! Halina po kayo at ihahatid ko na lang kayo roon. Hindi ko kasi alam kung paano i-e-explain, eh! Marami kasing pasikot-sikot dito!" Saka humalakhak ang babae na lalong nagpa-awkward sa hitsura nito.

Mukhang mabait naman ang katulong at masayang kausap. Sadyang naki-cringe lang siya kapag ngumingiti ang napakalaki nitong bibig at lumilitaw ang taas ng gilagid.

Nang maihatid na siya nito sa CR ng mga bisita, nilakihan din niya ang pagngiti rito at nagpasalamat sa pinaka-sweet na paraan. Halatang namula naman ang mga pisngi ng babae at lalo pang lumaki ang bunganga.

Nangilabot na siya nang masilayan muli ang gilagid nito kaya dumiretso na agad siya sa loob. Mabilis niyang sinarado ang pinto at doon pa lang nakahinga nang maluwag. Pakiramdam niya ay lalamunin siya ng babaeng ito kapag nagtagal pa siya sa harap nito.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro