Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 31: Ang Pagdakip

ISA-ISANG nilapag ni Russell sa mesa ang lahat ng mga dokumentong dala nito. Hindi naman makapaniwala si Evandro sa lahat ng mga natuklasan matapos niyang tingnan isa-isa ang mga ito. Wala pang lumalabas na salita sa bibig niya pero malinaw na agad sa utak niya ang ibig sabihin ng mga nakita.

"This is what I'm talking about!" panimula ni Russel sabay turo sa isang litrato na kasama ng dokumento. "This woman right here... Siya 'yung sinasabi ko sa 'yo! She's a lawyer, and a human right activist. She's our senator Rebecca Suarez!"

Ang sama ng tingin dito ni Evandro. "Isa pa naman 'to sa mga senator na ibinoto ng parents ko. Marami ang humahanga rito dahil sa pakikipaglaban niya sa karapatang pantao na inabuso ng nakaraang administrasyon!"

"Well, she's just using her power to cover up her true identity. Kinalaban niya ang past administration to make her look good to the public. Pero ang totoo, may sarili rin pala siyang agenda! Napag-alaman namin ng private investigator ko na isa siya sa mga major shareholder ng Dragon Breath Organization. May kinalaman din siya sa kabi-kabilang human trafficking cases na naganap eight years ago na inaakala ng marami na past administration din ang may gawa! Ewan ko, ha, pero napakagaling naman yata niyang itago ang lahat ng ito!"

"Paano n'yo ba nakuha ang mga info na ito?"

"Napilitan kaming mag-hire ng pinakamagaling na hacker para i-hack ang system ng Dragon Breath. Doon namin nakita ang lahat ng itinatago nilang baho. Mga illegal transactions, bank statements, mga malalaking pangalan na konektado sa kanila, kabilang na nga si Senator Rebecca! Actually, hindi lang siya, eh! Kahit sa ibang bansa rin, may iba pang politicians at malalaking tao na involve din sa organization na 'to. They are a big, big drug cartel!"

"So, ano na ang next step natin? How can we catch them?"

"Dahil marami na tayong hawak na full evidence, I think this is the right time para itumba natin sila! Pero sinasabi ko sa 'yo, hindi magiging madali ito. Malaking organization ang babanggain natin. Pati na rin si Senator Rebecca."

"But I know we will succeed. Isang retired army ang father ko, remember? Marami pa siyang mga kakilala na puwede kong hingian ng tulong. Kailangan din nating bumuo ng puwersa para labanan ang grupong ito!"

"Alright! Hintayin na lang muna natin si Sir Luiz. Siya ang private investigator na sinasabi ko. Kailangan natin ang advice niya para makabuo ng plano. We have to plan this carefully. Para hindi nila tayo mabaligtad!"

Nang araw ngang iyon, pinagplanuhan na ng dalawa ang gagawin nilang pagbuo ng puwersa para itumba ang isa sa pinakamalaking drug organization sa bansa. Ito na lang ang nakikitang paraan ni Evandro para mailayo niya si Aaron kay Maria Elena. At para makatulong na rin sa pagsugpo ng droga sa bansa.

Agad silang nakipagtulungan sa awtoridad pati na rin sa PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency. Nagsagawa sila ng isang malawak na operasyon para hulihin at itaob ang building kung saan nag-o-operate ang Dragon Breath ni Aaron.

TAHIMIK at payapa ang gabing iyon. Masayang lumabas sina Aaron at Senator Rebecca sa headquarters ng Dragon Breath kasama ang sarili nitong mga tauhan. Naisipan na ng lalaki na ihatid ang amo sa kotse nito.

Nanghingi pa ito ng isang stick ng sigarilyo sa kanya. Binigyan naman niya ito at inabot pa rito ang lighter niya. Ipinasok na rin ng tatlo nitong tauhan sa compartment ng sasakyan ang ilan sa mga kahon ng softdrinks na naglalaman ng mga drugs sa ilalim.

Ngunit bago pa man ito makasakay, bigla silang nakakita ng liwanag sa di kalayuan. Ganoon na lamang ang pagkasindak ng dalawa nang mapagtanto kung ano iyon. Sunod-sunod ang pagdating ng mga police car sa kanilang balwarte! Kasama na rin ang sasakyan at puwersa ng buong PDEA.

Bakas ang takot sa mukha ng Senadora. Habang si Aaron naman ay mabilis na hinawakan ang baril nito sa bulsa.

Pagkatapos silang palibutan ng mga police car, may isa pang sasakyan na dumating. Ito ang Ferrari 812 GTS ni Evandro. Kasama niya si Russell na bumaba ng kotse. Nagboluntaryo sila para tumulong sa pagpapatumba sa Dragon Breath.

"Huwag mo na subukang tumakas, Aaron, kung ayaw mong mas lumala ang kaso mo. Masyado mo kasi akong minamaliit, eh. Hindi mo alam kung ano ang kaya kong gawin," asik ni Evandro sa lalaki na matalim ang mga titig sa kanila.

"Hinding-hindi ka magtatagumpay, Evandro. Wala kayong laban sa akin!" Sa pagkakataong iyon ay naging madiin at seryoso ang tinig ni Aaron. Nawala ang pagka-goofy ng boses nito na kadalasang ginagawa nito kapag kausap siya para asarin.

"Ngayon mo subukang magsumbong sa magaling mong amo na matanda. Tingnan ko lang kung may magawa pa siya para iligtas ka," aniya habang tinutukoy si Donya Glavosa.

"Who are you to arrest me?" sabat ni Senator Rebecca sa mga pulis. "Nakakalimutan n'yo yata kung sino ako... May ebidensya ba kayo laban sa akin?"

"Marami, Senator!" sagot naman ni Russell dito. "We have enough evidence to arrest you. And don't even try to use your power para baligtarin kami. Sa presinto na lang tayo mag-usap-usap lahat!"

Habang umiinit ang mga tagpo sa labas ng headquarters, isang pagsabog ang biglang gumulantang sa lahat. Isa sa mga tauhan ni Aaron ang naghagis ng bomba mula sa ikalimang palapag ng gusali.

Tumama iyon sa kinaroroonan ng mga pulis na nagkukumpulan. Sampu agad sa mga ito ang nasawi at nasa dalawampu naman ang sugatan at hindi na kayang lumaban!


Nasundan pa iyon ng isa pang malakas na pagsabog na kumitil naman sa buhay ng mas malaking hukbo ng pulis at PDEA! Sina Evandro at Russell naman ay napaatras habang takot na takot!

Tawang-tawa si Aaron. "Boom!"

Iyon ang ginamit na pagkakataon nina Aaron at ng Senadora para makatakas. Habang balot na balot ng usok at apoy ang paligid, nagbalik sila sa loob ng headquarters para maghanap ng ibang madadaanan palabas ng lugar na iyon.

Agad namang sumunod sa loob ang iba pang mga pulis. Muling sumakay sina Evandro sa kanyang Ferrari at pinatakbo naman ito sa likod ng building. Nagbabakasakali siyang doon dadaan ang dalawa. Naabutan pa nila ang ilang mga tauhan na lumalabas din doon.

Pagkalabas ng kotse, nagkatinginan sina Evandro at Russell saka tinanguan ang isa't isa. "Let's do this, bro!" aniya sa kaibigan at muli nilang binalingan ang grupo ng kalalakihan.

Nagsimula silang makipagbunuan sa mga armadong tauhan. Mabibilis na mga suntok at sipa ang pinakawalan ni Evandro. Palipat-lipat ang mga kamao niya sa mukha ng mga ito. Nakipag-agawan naman ng mga armas si Russell. Ang bibilis nilang gumalaw. Maging ang mga armadong tauhan ay walang magawa sa liksi nila.

Isa-isang sinipa ni Evandro sa mukha ang tatlong mga tauhang nakapalibot sa kanya. Nang bahagya silang mawala sa sarili, pinag-uuntog niya ang ulo ng mga ito at ginamit ang magkabilang braso para bihagin ang kanilang mga leeg. Pagkatapos ay sabay-sabay niyang itinumba ang mga ito sa lupa.

Ginamit naman ni Russell ang parkour skills niya para lundagan ang mga tauhang pinalilibutan siya. Bawat tauhan na madapuan ng dalawang paa niya ay nababalian ng buto. Binuhat naman niya ang isang malaki at mabigat na basurahan saka itinapon sa papalapit na mga tauhan sa kanya. Napaluhod at naubo na lang ang mga ito sa sobrang baho.

Isa namang tauhan ang naglabas ng patalim at akmang sasaksakin siya sa likuran. Pero mabilis siyang nakailag doon at muling tumapak sa isang pader saka lumundag sa ere. Pagkatapos ay pinadapo niya ang dalawang paa sa mukha ng lalaki hanggang sa matumba ito at matilapon palayo ang hawak nitong patalim.

Nang maubos na nila ang mga tauhan doon ay mabilis nilang pinasok ang loob. Bumungad sa kanila ang ilang mga tauhang nakabulagta sa paligid at tadtad ng bala ang katawan.

May ilan ding mga pulis na sugatan at nanghihina. Halatang madugo na ang labanang nagaganap. Sadyang ayaw magpaawat ng hukbo ni Aaron. Palaban din ang mga ito at hindi nagpadaig sa dami ng armas para labanan ang puwersa ng mga pulis at PDEA.

Lahat ng mga pintuan at lagusan sa paligid ay pinasok nila. Pero kahit katiting na bakas nina Aaron at ng Senadora ay hindi nila nakita. Nang maubos nila ang lahat ng mga pinto at silid sa palapag na iyon ay umakyat naman sila sa second floor.

Doon ay mas malakas ang mga putukan sa paligid. Hindi na mabilang ang mga nakabulagtang pulis na tinamaan ng mga bala at pagsabog. Marami ring mga tauhan ng Dragon Breath ang nasawi dahil sa panlalaban. Halos nakayuko na lang sila at nagtatago sa gilid ng mga pader habang naglalakad.

Pagkatapos nilang libutin ang lahat ng mga pintuan at lagusan doon ay inakyat naman nila ang ikatlong palapag. Doon nila nakita ang ilang mga opisina at silid kung saan nagaganap ang madidilim na trabaho ng mga tauhan. Nandoon din ang main office ni Aaron pero nakakandado sa loob ang pinto niyon.

Inisip ni Evandro na baka dito nagtatago ang lalaki. Kaya naman nagtulungan silang dalawa ni Russell na sipain at banggain ang pinto hanggang sa puwersahan itong mabuksan.

Ngunit sa kasamaang palad ay wala na ring tao roon. Maraming mga kagamitan at papeles na nakatambak sa paligid. May naiwan pang mga armas na walang bala at de-kahon na mga droga roon.


Sinilip nila ang bawat laman ng kahon. Ang iba sa mga ito, puro bote ng mga soft drinks ang laman habang nasa ilalim naman niyon ang mga droga. Ang iba ay mga stuffed toys at ilang kagamitan kung saan nakasiksik sa loob ang mga drogang balak ipuslit sa ibang bansa.

"Maghanap pa tayo!" utos ni Evandro sa kaibigan, saka sila lumabas ng opisinang iyon. Patuloy nilang nilibot ang paligid hanggang sa makarating sa ikaapat na palapag.

Doon ay sumalubong sa kanila ang iba pang mga tauhan na nasa mahigit dalawampu ang bilang. Napatingin muli sila sa isa't isa.

"Can you still fight?" tanong niya kay Russell.

"Hindi ako marunong mapagod. Let's do it again!" Tinanguan muli nila ang isa't isa at hinarap ang mga tauhan na handa na silang patiran ng hininga.

"Dalawa laban sa dalawampu't lima. Tingnan natin kung sino sa inyong dalawa ang unang susuka ng dugo!" bulalas ng isang tauhan sa kanila.

Nagsimula na muli ang madugong labanan. Lahat ng mga tauhang nakasalubong nila ay kanilang pinaulanan ng matataas at lumilipad na mga sipa na sinabayan pa ng mga suntok na nagpalipat-lipat sa mukha at tiyan ng mga ito.

Isang lalaki ang naglabas ng baril ngunit mabilis na nasipa ni Evandro ang kamay nito hanggang sa madikit iyon sa pader. Hinigpitan niya ang pagkakatapak sa kamay nitong nasa pader hanggang sa mabitawan nito ang baril. Doon niya nilapitan ang lalaki at buong puwersang binuhat saka ibinagsak sa sahig.

Bago pa ito makatayo, idinagan na niya ang kaliwang hita sa leeg nito, habang ang kanang hita naman ay nasa tiyan nito. Saka niya hinawakan nang mahigpit ang isang kamay nito at buong lakas na pinulupot. Halos tumirik ang mga mata ng lalaki sa tindi ng sakit na naramdaman. Hindi na ito makawala sa straight arm bar na isinagawa niya rito.

Nang tuluyang mawalan ng lakas ang lalaki ay bahagya niya itong pinakawalan pero hindi pa rin tinantanan. Humiga muli siya at sinakal ang leeg nito gamit ang dalawa niyang braso. Saka niya binihag ang magkabilang bewang nito gamit ang kanyang mga hita.

Tinigilan lang niya ang lalaki nang labasan na ito ng laway sa bibig at nawalan na ng ulirat. Muli naman siyang nilapitan ng dalawa pang mga tauhan na may dala-dalang patalim. Bago pa tumama sa kanya ang kutsilyo ng mga ito ay binuhat na niya ang katawan ng lalaki kaya dito tumama ang patalim ng mga ito.

Pagkatapos ay mabilis niyang sinipa sa binti ang dalawa hanggang sa parehong matumba. Mahigpit niyang hinawakan sa buhok ang dalawa at pinag-umpog ang ulo ng isa't isa. Tuluyan silang nawalan ng malay at nabitawan ang hawak na patalim.

Nang makita naman niya ang isang papalapit na lalaking mas matangkad at mas malaki ang katawan sa kanya, mabilis niyang binuhat ang isang tauhan at ibinalibag dito. Iyon ang ginamit niyang pagkakataon para makaakyat sa harapan nito.

Binihag niya ang leeg nito gamit ang magkabila niyang hita habang pinauulanan ito ng mabibigat na suntok sa mukha. Nang matumba ito sa sahig, halos hindi makahinga ang lalaki sa lakas ng pagkakabagsak ng likod nito. Bumara yata ang hangin nito sa loob ng baga.

Tinapos niya ang maliligayang araw nito gamit ang kanyang elbow strike. Iniwan niya itong duguan ang mukha at hindi na makagalaw sa labis na panghihina.

Isang tauhan pa ang nakita niyang papalapit sa kanya. Nagpalitan sila ng suntok hanggang sa ito ang unang mawalan ng depensa kaya hindi na nito napigilan ang mabibigat na atake ng kanyang mga kamao.

Sa huli ay nagkahawakan pa sila ng lalaking ito sa magkabilang braso. Walang gustong magpaawat. At kahit duguan na ang mukha nito ay pilit pa rin itong nakikipagmatigasan sa kanya.

Inumpog niya nang walong magkakasunod na beses ang sariling ulo sa mukha nito hanggang sa ito ang unang mahilo. Bago pa niya ito maisipang buhatin para ibagsak ay kusa nang dumuling ang mga mata nito at bumulagta sa sahig.

Sa kabilang banda naman ay makikita si Russell na inuumpog sa pader ang ulo ng bawat tauhang makasalubong niya.

Nang makita ang iba pang paparating na mga tauhan, mabilis niyang ginamit ang lakas ng dalawang paa saka nagpalipat-lipat ng takbo sa magkabilang pader at nagpakawala ng mabangis na flying kick sa mukha ng mga ito. Sabay-sabay silang natumba sa sahig at unang tumama ang mga ulo.

Isa naman sa mga tauhan ang may suot na bakal sa kamay. Sa bilis nitong gumalaw ay hindi niya naiwasan ang pagdapo ng kamao nito sa kanyang mukha. Bahagya siyang napaatras at pansamantalang nawalan ng depensa.

Sunod-sunod na sipa at suntok ang pinakawalan sa kanya ng lalaking iyon hanggang sa dumikit na ang mukha niya sa pader. Ngunit bago pa ito makapagbitaw muli ng atake, ginamit na niya ang kabilang paa para tiklupin ang mga tuhod nito.

Bumagsak sa sahig ang lalaking iyon. Pumatong siya sa harapan nito at sinadyang baligtarin ang kanilang posisyon. Siya na ang nasa sahig at ito na ang nasa kanyang harapan.

Binihag niya ang leeg nito gamit ang magkabila niyang mga hita habang hawak-hawak ang dalawang kamay nito na nakapatong sa dibdib niya. Sinubukang pumalag ng lalaki pero hindi na ito nakawala sa triangle choke na isinagawa niya.

Nang medyo mahirapan na itong huminga ay doon niya ito pinakawalan at mabilis na sinipa ang ulo nito papunta sa pader. Hindi na ito makapalag sa labis na panghihina. Binuhat niya ang katawan nito at inihagis sa dalawang tauhan na papalapit sa kanya.

Nakipagpalitan pa siya ng suntok sa ibang mga tauhan sa paligid hanggang sa lumundag siya nang makailang beses sa ere at binagsakan ang mga ito ng makapangyarihang jump kick niya.

Napaka-agresibo nina Evandro at Russell sa mga oras na iyon. Hindi na nila tinitingnan kung sino ang nasa harap nila. Sa sobrang enjoy nila sa pakikipagbunuan, hindi nila namalayang hawak na pala nila ang isa't isa. Muntik na silang magkasakitan.

"Ikaw pala 'yan!" natatawang sambit ni Evandro at binitawan ang kaibigan.

Mabilis silang nagtawanan at kanya-kanya nang pagpag sa nagusot nilang mga damit. Pareho na silang may mga bahid ng dugo at pasa sa mukha.

"Ayos ka lang? Kaya pa ba?" tanong muli niya rito.

Natawa lang si Russell. "Hindi pa nga ako pinagpapawisan, eh!"

"Kung ganoon, hanapin na natin si Aaron."

"Let's go!"

Iniwan na nila roon ang dalawampu't limang mga tauhan na nagkalat sa sahig at pare-parehong sumusuka ng dugo.

Medyo napagod na silang umakyat sa mahabang hagdan kaya naisipan na lang nilang mag-elevator. Ngunit pagbukas ng pinto nito, bumulaga sa kanila ang iba pang mga tauhan na pababa sana sa palapag na iyon at ngayon ay sila ang naabutan!

Wala na silang nagawa nang kaladkarin sila ng mga ito papasok sa loob. Doon lang sila nagsimulang pagpawisan nang palibutan sila ng mga tauhang uhaw na uhaw sa patayan. Halos mahilo rin sila sa baho ng hininga ng mga ito.

Nang umakyat na ang elevator, kasabay ding umangat ang kamao ng mga tauhan at pinagtulungan silang bugbugin habang nagsisiksikan sila sa loob. Hindi naman nagpatinag sina Evandro at Russell. Nakipagsabayan din sila sa galaw ng mga ito. Kabilaan ang palitan nila ng mga suntok, sipa, at agawan ng armas. Halos magtalsikan na sa mukha ng bawat isa ang kani-kanilang mga dugo. May mga baril pang pumutok!

Pag-akyat ng elevator sa ikalimang palapag, dahan-dahang nagbukas ang pinto nito at makikita sa loob ang nakabulagtang mga tauhan. Sina Evandro at Russell naman ay parehong nakaluhod, duguan na ang buong mukha at halos magsara na ang kabilang mata sa tindi ng tama.

Kahit siksikan sila sa loob kanina, nagawa pa rin nilang patumbahin ang sampung mga tauhan. Medyo napuruhan nga lang sila kaya ramdam na rin nila ang panghihina ng kanilang mga katawan. Sabay silang tumayo at magkaakbay na lumabas ng elevator habang paika-ika nang paglakad.

Wala na silang nakita na mga silid at opisina sa paligid ng palapag na iyon. Isang glass door sa bandang dulo ng pasilyo na lang ang bumungad sa kanila.

Paglabas nila sa glass door na iyon, bumungad sa kanila ang malaking rooftop helipad kung saan makikita sina Aaron at Senator Rebecca na pasakay na ng helicopter. Narinig pa niyang nagsalita ang lalaki.

"Tara na, Senator! We need to go out of this country!"

Pinigilan ni Evandro ang mga ito gamit ang malakas niyang sigaw. "Aaroooon!"

Nakita niya ang gulat sa mukha ni Aaron nang masilayan silang dalawa. Agad nitong inilabas ang baril at pinapuwesto sa likuran ang Senadora para protektahan.

"Subukan n'yo! Kung ayaw n'yong pumutok ang mga ulo n'yo!" banta nito sa kanila habang nanginginig ang kamay sa sobrang galit.

"Huwag mo na subukang tumakas, Aaron. Lalo mo lang ginagawang tanga ang sarili mo..." humihingal na sagot dito ni Evandro.

Mas lalong hinigpitan ng lalaki ang pagkakahawak sa baril. "Ginagawa n'yo lang ding tanga ang mga sarili n'yo sa pagkalaban n'yo sa akin! Akala n'yo matutumba n'yo ako? Hindi ako naging lider nang ganito kalaking grupo kung madali lang akong mapapataob ng mga tulad ninyo!"

"Lakas mong magyabang! Hindi mo pa ba tanggap na gumuguho na sa harapan mo ngayon ang grupong pinagmamalaki mo?" Sa pagkakataong iyon ay nagtaas na ng boses si Evandro habang patuloy na lumalapit dito.

"Binabalaan kita, Evandro. Isang lakad mo pa, sasabog na talaga ang mukha mo!"

"Subukan moooo!" sinadya muli niyang sumigaw para lalo itong pikunin.

Nang akmang ipuputok na ni Aaron ang baril ay mabilis na iniharang ni Russell ang sarili sa kanyang harapan. Ito ngayon ang tinamaan ng baril. Limang magkakasunod na bala ang tumama sa likuran nito.

Gulat na gulat si Evandro nang makita ang pagbagsak ng kaibigan sa lupa. "Nooooo! Russell, what did you do!"

"Dapa!" sigaw sa kanya ni Aaron habang hawak pa rin ang baril. Ito naman ngayon ang lumapit sa kanya. "Dumapa ka, sabe!"

Wala na siyang nagawa. Itinaas na lamang niya ang mga kamay at dumapa sa harap ng nabaril na kaibigan. Nagsimulang kumabog ang kanyang dibdib nang idikit ni Aaron ang bibig ng baril sa ulo niya.

"Sinasabi ko naman sa 'yo, hindi ako ganoon kadaling patumbahin, Evandro. Kung ayaw mong matulad sa lampa mong kaibigan, isuko mo na lang ang sarili mo sa akin."

"Wala akong isusuko sa iyo. Kung mamamatay man ako ngayong gabi, sinisigurado kong kasama ka rin doon!"

"Matapang ka talaga, ha?"

Nagulat siya sa biglang pagsipa nito sa kanyang mukha. Hindi na niya napigilan ang pagbagsak ng katawan sa lupa. Sinubukan niyang manlaban ngunit tila naubusan na rin siya ng lakas sa dami ng mga pinatumbang tauhan kanina. Hindi na rin niya napigilan pa ang mga suntok na pinakawalan ni Aaron sa kanyang mukha. Nagsuka na siya ng dugo sa bigat ng mga kamao nito.

Hindi pa ito nakuntento sa ginawa. Hinawakan naman nito nang mahigpit ang kanyang ulo saka inihampas nang makailang beses sa lupa. Doon ay bahagya nang nagdilim ang kanyang paningin. Ramdam din niya ang tila pagputok ng likod ng kanyang ulo at ang pagtulo ng sariwang dugo roon.

"Aaron! Mukhang may problema yata tayo rito!" tawag ni Senator Rebecca sa lalaki kaya nahinto ito sa pagbugbog sa kanya.

Agad namang lumingon dito si Aaron. "Bakit po, Senator?" Nakita nitong pababa ng helicopter ang babae.

"Hindi gumagana ang helicopter!"

"Ano?"

Doon nagpakawala ng mapang-asar na tawa si Evandro. Kahit pumutok na ang mga labi niya ay pinilit pa rin niyang magsalita. "A-akala mo siguro... H-hindi rin namin ito p-pinaghandaan... Tanga ka talaga!"

Lingid sa kaalaman ni Aaron, habang wala sila kaninang umaga sa headquarters ay lihim nang lumipad sa tuktok ng kanilang building ang helicopter ng mga pulis. Lahat ng mga bagay na magpapagana sa kanilang helicopter ay dinisabled na ng mga ito para hindi niya iyon magamit kung sakaling magbabalak siyang tumakas.

Nagsilabasan ang mga ugat ni Aaron sa sobrang galit. Isang malakas na sigaw ang pinakawalan nito at muli siyang nilapitan.

Sa pagkakataong iyon, ginamit na lang ni Evandro ang kanyang mga kamay bilang panangga sa mga suntok nito. Wala na siyang kakayahang lumaban pa sa lagay niyang iyon.

Muling ikinasa ni Aaron ang baril at itinutok sa kanya. Ngunit bago pa nito iyon maiputok ay bigla namang umangat ang mga paa ni Russell at nagpakawala ng malakas na sipa. Nabitawan nito ang baril at mabilis na bumagsak sa lupa.

Doon bumangon ang kaibigan at hinubad ang butones ng long sleeve nito hanggang sa ma-expose ang suot nitong bulletproof vest. Pareho silang may suot niyon bilang proteksyon kung sakaling may makabaril man sa kanila.

"Naniwala ka naman na patay na ako? Masyado naman yatang maliit ang tingin mo sa amin! Kung hindi ka madaling patumbahin, mas lalo na kami ng kaibigan ko!" pagkasabi niyon sa lalaki ay lumingon sa kanya si Russell at inabot ang kamay sa kanya saka siya tinulungang makatayo.

Pinunasan ni Evandro ang dugong tumutulo sa ilong at bibig gamit ang likod ng kanyang palad. Saka niya nilapitan ang lalaki at inapakan ang kamay nito para hindi na makuha ang baril sa tabi nito.

"Paano ka na n'yan, Aaron. Mukhang tapos na ang maliligayang araw mo. Malabong makaalis pa kayo rito sa taas, maliban na lang kung tumalon kayo. Iyon nga lang, sa impiyerno na ang diretso n'yo at hindi sa kulungan!" saka siya muling nagpakawala ng mapang-asar na ngiti rito.

Sa pagkakataong iyon ay nakarating na rin sa tuktok ng building ang mga pulis at PDEA. Una nilang nilapitan si Senator Rebecca at pinosasan sa kamay. Napayuko na lamang ito habang balot na balot ng kahihiyan ang buong mukha.

Tinanggal na ni Evandro ang pagkakatapak sa kamay ni Aaron at hinayaan na itong damputin ng mga pulis. Bago pa man nila maposasan ang lalaki ay naglabas ito ng isang bagay sa bulsa nito. Itim na bola iyon na kasing hugis ng bomba.

Nang ihagis iyon ng lalaki at tumama sa lupa, naglabas iyon ng napakaitim na usok na kumalat sa buong paligid. Lahat sila ay inubo, sumikip ang dibdib, at nawalan ng kakayahang makakita.

Mahigit limang minuto bago tuluyang nawala ang usok. Ngunit paglinga nila sa paligid, wala na si Aaron sa kinaroroonan nito. Mukhang nautakan silang lahat! Si Senator Rebecca na lang ang naiwan doon na patuloy pa ring umuubo.

"Bullshit!" Naibagsak ni Evandro ang kabilang kamao sa isang pader dahil sa galit.

Muling kumilos ang grupo ng PDEA at mga kapulisan para pagtulungang hanapin ang lalaking drug lord. Nilisan na nilang lahat ang rooftop helipad dahil siguradong nakababa na itong muli para tumakas.

Habang bumababa ang elevator ay napatingin muli si Evandro kay Russell. "Are you okay? Masakit ba 'yung pagkakabaril kanina?"


"Nope. Hindi naman masyado. Nakasuot ako ng protection, eh."

"Pero bakit ka naman nagkunwaring patay kanina. Pinag-alala mo pa tuloy akong hayop ka."

"It's called strategy! Hindi naman tayo puwedeng makipagbanggaan sa kanya sa lagay nating iyon tapos may baril pa siya! Mindset, bro! Mindset!"

Natawa na lamang siya rito at hindi na ito sinagot. Pagbukas ng elevator ay sabay-sabay na silang lumabas para maghanap muli sa paligid at sa bawat palapag.

HABANG tumatakbo naman si Aaron sa gitna ng masikip na kalsada, isang police car ang biglang lumiko at humarang sa dinadaanan niya. Hindi niya alam na napalilibutan na rin pala ng kapulisan ang tinakbuhan niyang daan. Wala na siyang nagawa. Hinugot na lang niya ang baril at itinutok sa mga ito habang dahan-dahang umaatras.

Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makita kung sino ang kasama ng mga pulis na lumabas sa kotseng nasa harap niya.

"M-Maria Elena?"

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro