KATATAPOS lang ng lakad nina Aaron at Maria Elena sa isang simbahan. Dinala muli niya ito sa pinakamalapit na Seven Eleven para ilibre ng pagkain.
Maraming tao sa loob pero buti na lang ay nakuha pa nila ang bakanteng lamesa sa bandang gilid. Habang nasa malayo ang tingin ng babae, pasimple niyang nilagyan muli ng drugs ang inumin nito. Lihim siyang napangiti pagkatapos niyon.
KASALUKUYAN namang naghahanda si Evandro sa pagbisita sa mansyon ng mga Iglesias. Medyo tinamad siyang gamitin ang kanyang Ferrari kaya inilabas na lamang niya ang motor niyang Kawasaki Ninja H2R.
Bago pa niya maisuot ang helmet ay tumunog na ang telepono sa kanyang bulsa. Pagdukot niya rito, nakita niyang may missed call si Russell. May mensahe rin itong pinadala sa kanya na naglalaman ng attachment.
Pagbukas sa mensahe, tumambad sa kanya ang isang video kung saan makikitang magkatabi sa iisang lamesa sina Aaron at Maria Elena. Nakatalikod silang pareho sa camera kaya wala silang kaalam-alam doon. Kitang-kita rin ang kamay ni Aaron na tila may nilalagay sa isang papercup na malapit sa babae.
Pagkatapos niyon ay mabilis na luminga si Aaron sa paligid kaya agad natapos ang recording. Hindi makapaniwala si Evandro sa nakita. Doon niya nakumpirma na may ginagawa ngang milagro ang lalaking ito kaya nagbago nang ganoon ang behavior ni Maria Elena noong nakaraan.
Malakas ang kutob niya, droga ang inilagay nito sa baso. Iyon marahil ang lumason sa isip ng babae noong una niya itong maabutan na wala sa sarili. At kung magpapatuloy ito, baka unti-unting masira ang utak ni Maria Elena rito at magbago na ang takbo ng realidad sa isip nito.
Si Russell ang inutusan niyang sumunod sa mga ito para magmanman sa kanilang kilos. Ito ang nagsisilbing mata niya ngayon tuwing may pupuntahan ang dalawa sa malayo.
Naglaho ang pagka-inosente ng mukha ni Evandro. Nagkuyom ang kabila niyang kamao habang nakatulala ang nagbabagang mga mata sa kawalan.
LAMPAS alas-sinco na ng hapon nang dumating si Maria Elena sa mansyon. Pagkabukas pa lang ng gate ay dali-dali nang tumayo si Evandro sa kinauupuan sa balkonahe at mabilis itong nilapitan.
"Mahal, saan ka galing?"
"May pinuntahan lang kaming simbahan ni Aaron." Matamlay ang tinig ng babae.
Napalunok siya ng laway. "Ah, ganoon ba. G-gusto mo bang ihatid na kita sa kuwarto?"
"Hindi naman ako magkukulong doon ngayon. Pupunta ako sa kumbento. May usapan kami ni Sister Monica mamayang five thirty."
"Ah, b-buti hindi ka sinamahan ni Aaron d'yan?"
"May tumawag kasi sa kanya kanina. Importanteng tao yata. Kaya nagpaalam siya sa 'kin na maaga raw siyang uuwi."
Bahagyang napangiti rito si Evandro. "Kaya pala. Gusto mo bang ako na lang ang sumama sa 'yo sa kumbento?"
Sa pagkakataong iyon ay napalingon ang babae sa kanya. Matagal bago ito nakasagot. Ngunit isang matipid na tango lang ang pinakawalan nito.
Napangiti siya. Sapat na iyon para umapaw ang kaligayahan sa kanyang dibdib. Agad niyang kinuha ang motor na nakaparada sa loob ng garahe.
Nangunot naman ang noo ng babae nang makita ang mamahalin niyang motor. "Dito mo 'ko isasakay?"
"Mas masarap dito kaysa sa kotse dahil sariwang hangin ang malalanghap mo. Alam kong sawa ka na sa hangin ng aircon kaya halika na." Nauna siyang sumakay rito at pinaandar na ang motor.
"B-baka madisgrasya pa tayo d'yan!"
"Hindi, ah! Expert mag-drive itong asawa mo. Walang aksidente ang makakalapit sa atin." Nginitian pa niya ito.
"Bakit hindi na lang tayo magpahatid sa driver? Ayan ang sasakyan namin, oh!" Saka nito itinuro ang kanilang van na nasa tabi lang nila.
"Ang lapit-lapit lang naman ng Sto. Tomas Church, bakit magba-van ka pa? Mas okay itong motor sa mga malapitan!"
"Kapag may nangyari sa akin d'yan, ako mismo ang magtataboy sa 'yo rito sa mansyon. Hinding-hindi ka na puwedeng dumalaw rito kahit kailan!"
Natawa naman siya. "Kung ganoon, puwede pa rin pala akong dumalaw rito kahit na kailan. Dahil never naman mangyayari 'yang iniisip mo, eh!"
Nagsalubong ang dalawang kilay ng babae na ikinatuwa naman niya. "Joke lang! Halika na kase. Safe ka rito, promise. Hindi ko itataya ang pangalan ko sa ganito kung alam kong mapapahamak ka lang."
Tila napagod nang tumanggi ang babae sa kaya kaya sa huli ay sumakay na rin ito sa likuran niya. Itinuro naman niya rito kung paano ang tamang pagtapak sa motor. Saka niya kinuha ang dalawang kamay nito at iniyakap sa tiyan niya.
"Teka! A-ano 'to! Kailangan ba ganito ang hawak?" reaksyon ng babae sa ginawa niya.
"Ano ka ba. Huwag mo nga bigyan ng malisya 'yan. Ganyan talaga ang tamang paghawak kapag naka-angkas ka sa likod. Para hindi ka mahulog."
Hindi na nagsalita ang babae. Nagsimula nang sumulong ang kanyang motor at lumabas ng garahe. Sa una pa lang ay ramdam na niya ang panginginig ng mga kamay nito. Sa bawat galaw at liko ng motor ay halatang sumasabay rin ang katawan nito. Hindi pa talaga ito sanay umangkas sa likod.
Mayamaya ay tinanggal na ng babae ang mga kamay nito sa kanyang tiyan at inilipat naman iyon sa balikat niya. Sinadya niyang pabilisin ang takbo ng motor. Muli itong nanginig at inilipat na naman ang mga kamay sa tiyan niya. Natatawa na lamang siya. Halatang natatakot talaga ito sa likod. Pero hindi na niya pinansin iyon. Ang mahalaga nakagawa siya ng paraan upang mapilitan itong humawak nang mahigpit sa kanya. Isang bagay na never nitong ginawa mula nang maikasal sila.
Habang kausap nito ang mga madre sa simbahan, patago niyang pinagmamasdan ang babae. Binabantayan niya ang kilos nito. Inaabangan niya kung may magbabago ba sa galaw at pananalita nito. Ngunit tila okay pa naman ito.
Doon na niya tinawagan si Russell. "Bro, what's up?"
"I just got home, bro. Ano'ng meron ngayon?"
"Kumusta nga pala 'yung pagsunod mo sa kanila kanina?"
"Ah, nakalimutan ko palang sabihin sa 'yo. Noong mahuli kong may nilagay si Aaron sa cup niya, gumawa agad ako ng paraan para hindi iyon mainom ni Maria Elena. Sinadya kong ibangga ang sarili ko sa kanila hanggang sa matapon 'yung drink. Galit na galit sa 'kin si Aaron. Nagpasuntok na lang ako para malipat sa iba ang attention niya. I think worth it naman ang sacrifice ko dahil hindi ko na nakitang may pinainom muli siya kay Maria Elena after that."
"Oh? Buti hindi ka niya nakilala, eh, ikaw ang tumalo sa kanya sa casino 'di ba?"
"Naka-mask naman kasi ako at naka-cap pa! Of course, paghahandaan ko 'yun! Ako pa ba?"
"Alright! At least hindi siya nakainom uli no'ng drugs na 'yon. Salamat sa ginawa mo, brother. You are really reliable!"
"Pero kailangan mo 'kong ilibre ng pizza n'yan! Nagkapasa pa tuloy ako nang hindi oras!"
"Oo na, bukas! Tatlong box ng pizza ang ipapakain ko sa 'yo para magsawa ka," natatawang sagot niya.
"Sige! Aasahan ko 'yan! Samahan mo na rin ng macaroni para kumpleto na!"
"As you wish! Sige, ibababa ko na 'to. Papalapit na si Maria Elena rito." Mabilis niyang pinutol ang tawag at ibinulsa ang cellphone saka humarap sa babae.
"O, tapos na ba kayong makapag-usap?" malumanay na tanong niya rito.
"Oo. Inimbita lang nila ako para sa bagong feeding program next week."
"Talaga? Puwede ba akong sumali d'yan? Gusto ko ring tumulong!"
"Ikaw na bahala. Basta huwag mo lang ako kukulitin at masyadong papansinin."
Napayakap siya rito. "Thank you, mahal!"
Inakbayan na niya ito at sabay silang naglakad patungo sa kinaroroonan ng kanyang motor. Hindi nila agad namalayan ang dalawang malalaking aso na nag-aaway at naghahabulan. Nagkataong napadaan ito sa kanilang harapan na labis ikinagulat ng babae. Pati siya ay nagulat din at napabitaw sa pagkakaakbay rito.
Napaatras ito at naapakan ang isang malaking bato na dahilan ng pagkatumba nito. Unang bumagsak sa sementadong lupa ang siko nito. Napasigaw ang babae sa sobrang sakit.
"Maria Elena!" Agad niya itong tinulungang makatayo. Sinilip naman niya ang kanang siko nito. May sugat na iyon at nagdurugo pa!
Mangiyak-ngiyak na kinuha ng babae ang panyo sa bulsa nito at ipinangtakip doon. Nagboluntaryo siyang humawak sa panyo habang inaalalayan niya itong makalabas ng simbahan.
"I'm sorry, mahal! Hindi ko sinasadya! Pati ako nagulat din kasi, eh!" Doon niya napagtanto na pareho lang pala silang magugulatin sa mga aso.
Nang makarating na sila sa kanyang motor ay saglit niya itong pinagpahinga habang hawak pa rin ang siko nito. "Kaya mo bang umangkas sa likod? O tawagin na lang natin ang driver n'yo para maisakay ka niya?"
"Hindi na kailangan! Iuwi mo na lang ako at gusto ko nang magpahinga!"
"Are you sure? A-ayaw mo bang dumaan muna sa hospital?"
"Sugat lang, ospital agad? Ano'ng tingin mo sa 'kin?"
"Pero hindi natin alam baka nahaluan ng bacteria 'yang sugat mo! Mas mabuti nang makasigurado."
"Evandro, alam ko sa sarili ko kung kailangan kong magpa-doctor o hindi. Iuwi mo na lang ako kung ayaw mong hindi na kita padalawin sa mansyon kahit kailan!"
Nataranta siya. "Ay oo nga pala! Naku, sorry talaga, mahal! Hindi kita nailigtas sa aksidenteng nangyari. I am really sorry! Kung gusto mo, suntukin mo na lang ako. Sabunutan mo na lang ako rito para kahit papaano makaganti ka."
"Huwag ka ngang OA! Umuwi na kasi tayo! At hinding-hindi ko gagawin 'yan dahil hindi ako katulad ng mga kapatid ko."
Tinanggal niya ang panyo at ipinagpag. Saka niya iyon marahang itinali sa siko nitong may sugat. Muli na niya itong pinaangkas sa likod. At sa pagkakataong iyon, kinuna niya ang mga kamay nito at muling iniyakap sa kanyang tiyan.
"Dito ka na lang humawak para nakatali ka sa akin at siguradong hindi ka mahuhulog. Kapag d'yan ka nakahawak sa balikat ko, may chance na makabitaw ka at ma-out of balance."
Hindi na sumagot pa ang babae sa kanya. Pero hindi na rin nito inalis ang mga kamay roon. Marahil ay natakot din ito sa motor.
Naging ligtas naman ang pag-uwi nila. Nang maihatid na niya ito sa kuwarto nito, agad siyang nagpakuha ng first aid kit kay Aling Susan at siya mismo ang naglinis sa sugat ng babae.
Pagkatapos niya itong tapalan ng band aid ay pinasandal na niya ito sa higaan. "Magpahinga ka na muna, Maria Elena. Pine-prepare na raw nina Aling Susan ang dinner n'yo. Mayamaya lang kakain na kayo."
Isang matipid na "thank you" lang ang isinagot nito sa kanya. Buong puso naman niyang tinanggap iyon.
Pareho naman silang nagulat sa biglang pagpasok ni Don Felipe. Naka-formal attire pa ito at may scarf sa leeg.
"Good evening po, Papa!" mabilis na bati niya rito. Kitang-kita naman niya sa reaksyon ng babae ang pagkagulat. Tila bahagya itong naalarma kaya agad siyang umupo sa tabi nito.
Matamis naman ang pagkakangiti sa kanila ng matanda. "Kumusta naman kayo rito?"
"Maayos naman po, Papa. Nasugatan lang si Maria Elena kanina sa pinuntahan namin pero ginamot ko na po siya."
"Sige lang, Evandro. Basta ang gusto ko matuloy kayong dalawa sa Spain sa lalong madaling panahon. Está claro?"
Sa halip na tumango ay naisipan niyang lumingon sa babae para malaman kung ano ang desisyon nito. Nagpakawala naman ito ng matipid na tango. Marahil ay pumapayag na ito. Doon naman siya sumagot sa matanda.
"Sure, Papa! Matutuloy po kami," ngiting sabi niya rito.
Tinanguan naman sila ni Don Felipe. "Que bueno!" Saka sila nito tinalikuran at lumabas na ito ng silid.
Doon pa lang nakahinga nang maluwag ang dalawa. Muli niyang nilingon si Maria Elena. "Sure ka ba talaga, mahal? Gusto mong sumama? Ayoko namang ituloy kung napipilitan ka lang. Sabihin mo lang sa akin, ako ang bahala sa 'yo."
"Gusto ko ring makapasyal ngayon sa malayo kaya sige. Sasama na ako. Basta huwag ka lang mangungulit at lalapit kapag nandoon na tayo. Bigyan mo 'ko ng kalayaan na dumalaw sa mga kakilala at kamag-anak namin nang hindi ka bumubuntot sa akin."
"Aba siyempre naman! I will give you the freedom you want. Wala kang maririnig sa akin. Promise ko 'yan!"
Sa pagkakataong iyon ay muling nag-thank you ang babae sa kanya. Mas may buhay na ang tinig nito kumpara kanina. Napangiti muli siya at bahagyang hinaplos ang braso nito.
SUNOD namang pinuntahan ni Don Felipe si Maria Isabel sa kuwarto nito. Hanggang ngayon ay umiiyak pa rin ang babae. Tinabihan niya ito sa gilid ng kama at hinagod-hagod ang likod nito.
"Mi hija favorita, deja de llorar ahora. Nagawan ko na ng paraan. Wala ka nang dapat ipangamba pa."
"Hindi ko pa kayang tumigil, Ama! N-nakapatay ako ng tao! H-hindi ko sinasadya 'yon!"
"I know. I know. Kaya nga ginawan ko na ng paraan kanina para mapagtakpan ang nangyari. Pinatanggal ko ang lahat ng records ng mga CCTV roon. Pinasunog ko na rin ang bangkay ng lalaking iyon para hindi na siya matagpuan at maimbestigahan."
"How about his family? Paano kung may pamilyang naghihintay sa kanya? Ano na lang ang gagawin natin kapag nagsimula na silang maghanap at mag-imbestiga sa sarili nilang paraan?"
"Anak, nakalilimutan mo yata na ako ang Gobernador ng buong probinsiyang ito. Kahit ano pa ang gawin nila, wala silang mapapala! Magtiwala ka lang sa akin, Maria Isabel. Ako mismo ang maghuhukay ng pinakamalalim na lupa upang ibaon ang nangyaring iyon. Kaya huwag ka nang umiyak, por favor. Kalimutan mo ang nangyari at magpakasaya ka ulit. We are Iglesias, right? No one is more powerful than us."
Kahit mabigat pa ang loob ay napilitan na ang babae na punasan ang mga luha nito. "Muchas grasias, padre! Gracias por todo!"
Binigyan niya ito ng isang mahigpit na yakap. "Mayamaya lang ay tatawagin na tayo para kumain. Kaya halika na. Bumaba na tayo, anak." Sabay na silang tumayo ng babae at lumabas ng silid nito.
KAUUWI lang ni Nemencio sa kanilang tahanan. Medyo napagod siya sa dami ng pinuntahan nilang mga lugar ng amo niyang si Don Felipe kanina kasama ang iba pang mga kapwa niya tauhan.
Naabutan niya ang inang si Emilia na balisang-balisa sa kusina habang panay ang sulyap sa cellphone nitong nakapatong sa mesa.
"Inay, ano'ng meron at hindi yata kayo mapakali?"
"Anak, nakita mo ba ang tatay mo? Kagabi pa siya hindi umuuwi, eh!"
"Huh? Si tatay? Aba, malay ko! Sobrang busy ako sa trabaho magmula kaninang umaga, eh! Akala ko ba naki-fiesta siya kagabi sa kabilang bayan?"
"Iyon na nga, eh! Ang sabi niya, gagabihin lang daw siya. Pero hanggang ngayon, hindi pa umuuwi!"
"Eh di tawagan n'yo si Mang Carding. Pati 'yung iba niyang mga barkada."
"Tinawagan ko na lahat-lahat ng puwede kong tawagan! Lahat sila hindi rin alam kung nasaan si Rowell!"
"E, saan naman kaya pupunta si tatay? Hindi naman magpapakalayo 'yon dahil may deperensya 'yon sa tuhod!"
"Iyon na nga, eh! Kaya nga sobrang nag-aalala na ako sa kanya. Baka may nangyari nang hindi maganda!" nangingilid na ang mga luhang wika ng kanyang ina.
Sa dami ng ginawa kanina sa trabaho, hindi na namalayan ni Nemencio ang kaganapan sa kanilang bahay. Hindi niya alam na nawawala na pala ang kanyang ama.
"Sige. Susubukan ko siyang hanapin mamaya. Magpapatulong na rin ako sa amo ko, kay Don Felipe. Maraming security 'yon dito. Siguradong matutulungan nila ako sa paghahanap." Saka niya nilapitan ang ina at sinamahan ito sa pag-upo.
"Huwag na kayong mag-alala, 'Nay. Wala namang masamang mangyayari kay Itay. Baka may pinuntahan lang talaga iyon," pagpapagaan niya sa loob nito habang patuloy na hinahagod ang balikat nito.
SA HARAP pa lang ng gate ay hinarangan na ng mga guwardya si Aaron. Kahit anong pagpupumilit niya ay ayaw siyang papasukin ng mga ito.
"Baka nakakalimutan n'yo, tao ako ni Madam Glavosa! Gusto n'yong masibak sa trabaho kapag nakarating sa kanya ito?" paninigaw niya sa mga guard na patuloy na umaawat sa kanya.
Tinawagan niya si Donya Glavosa at sinabi ang sitwasyon. Agad din naman itong lumabas at nilapitan ang gate. Pati ito ay nagtataka sa inaasal ng mga guwardya.
"Bakit ayaw n'yo siyang papasukin?"
"M-Madam..." halos hindi makasagot nang diretso ang mga ito.
Bigla namang lumitaw na parang kabute si Evandro at lumapit din sa mga guwardya. Tumalim naman agad ang paningin ni Aaron dito.
"Ako po ang nag-utos sa kanila, Ma'am Glavosa, na huwag papasukin si Aaron dito," confident na sabi nito.
Tumalim ang mga mata ng Donya. "Kailan ka pa nagkaroon ng karapatan na kontrolin ang mga tauhan namin dito? Sa pagkakaalam ko, isa kang Bendijo. At ang balwarte na tinatapakan mo ngayon ay sa amin namang mga Iglesias. Kaya kami lang ang may karapatang kumontrol sa mga katulong at guwardya rito."
"Bilang asawa po ni Maria Elena, responsibilidad kong protektahan siya laban sa anumang uri ng kapahamakan. At ang lalaking iyan..." Sabay turo nito sa kanya. "Isa iyan sa mga kapahamakang dapat ilayo sa bahay na 'to."
"Nasisiraan ka na naman ba?" Pinanlakihan niya ng mga mata ang lalaki. "May isang bagay ka yatang nakakalimutan, Evandro! Gusto mong ipaalala namin sa 'yo ni Madam?"
"Hindi na kailangan. Dahil hindi n'yo na rin naman magagamit iyan. Lalo na't may barangay protection order na kami laban sa iyo."
Nagtaka si Aaron sa mga narinig. "Ano ba'ng sinasabi mo!"
Dinukot nito ang cellphone sa bulsa at may kinalkal doon. Pagkatapos ay iniharap nito iyon sa mukha niya.
Isang video ang nakita niya roon kung saan nahuli siyang may inilalagay sa baso ni Maria Elena habang nasa loob sila ng Seven Eleven. Labis niyang ikinagulat ang bagay na iyon.
May inilabas naman ang lalaki sa kabilang bulsa at ito naman ang ipinakita sa kanya.
"Eto ang resulta ng drug test ni Maria Elena. Na-detect dito na may droga nga sa loob ng katawan niya. Dahil iyon sa pinapainom mo sa kanya! Huwag mong itanggi ito, Aaron, dahil huli ka na!"
Lingid sa kaalaman nilang lahat, kinumbinsi pa rin ni Evandro si Maria Elena na magpatingin sa ospital nang araw na mawala ito sa sarili. Tumanggi ito noong una pero sa ikatlong pilit ay pumayag din ito.
Doon nito lihim na pina-test ang babae sa pagbabakasakaling tama nga ang hinala nito na nakainom ito ng kung ano. At sa lahat ng mga test na isinagawa rito, sa isang test lang ito nag-positive. At iyon ang drug test.
Pilit lang itinago ni Evandro iyon para may magamit ito laban sa kanya. Hindi niya alam na may ginagawa na pala itong hakbang nitong mga nagdaang araw.
Napatiim-bagang siya. Hindi na niya nagawang sumagot pa. Ewan ba niya ngunit biglang umurong ang kanyang dila. Buti na lang ay agad siyang pinagtanggol ni Donya Glavosa.
"Saan mo naman nakuha ang mga iyan, Evandro? Akala ko ba naman mabait ka. Pero may itinatago ka rin palang sungay. Mahilig ka palang gumawa ng kuwento para manira ng tao. Ganyan ka na ba ka-obsess sa babaeng hindi ka naman mahal?"
"Mawalang galang na ho, Donya. Pero hindi ko po ugaling manira ng tao. Nagsasabi lang po ako ng totoo na may ginagawang kababalaghan ang lalaking 'yan sa asawa ko. Hindi lang ako basta kung sino sa bahay na ito. Asawa ako ni Maria Elena. And as her husband, I revoke this man's right to set foot or even come close to this house!" Saka nito idinuro ang hintuturong daliri sa kanya habang punong-puno ng pagbabanta ang dalawang mata nito.
Ngayon lang niya nakita si Evandro na magalit nang ganoon.
Wala nang nagawa si Aaron. Umalis na lamang din siya. Habang nasa loob ng sasakyan ay nanginginig sa galit ang mga kamao niya. Ilang beses pa niyang hinampas ang manibela bago pinaandar ang sasakyan.
Masama rin ang tingin ni Donya Glavosa kay Evandro ngunit tila wala nang takot na nararamdaman dito ang lalaki. Tumalikod na lang din ito na parang walang nangyari at nagbalik sa loob.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro