Chapter 3: Maitim na Balak
SUNOD-SUNOD ang flash ng camera nang magsimulang lumakad si Maria Elena sa red carpet. Suot niya ang modern Filipiniana dress na may wavy pattern sa bandang gitna at yari naman sa pinagtagpi-tagping diamante ang panloob. Ginto ang kulay ng panlabas nito na lalong nagpakislap sa mga matang nasa paligid. Pinarisan din niya iyon ng kanyang signature vintage hairstyle.
Pagkarating sa dulo ng red carpet ay huminto siya at ngumiti sa mga camera. Saka niya pinagaspas nang dahan-dahan ang kanyang abanico bilang pagpapakita ng kaligayahan at kapayapaang nararamdaman niya sa mga oras na iyon.
Nang makapasok na sa loob ng studio, agad siyang sinalubong ng dalawang babae na isa sa mga staff ng event na iyon.
"Buenos dias, Ma'am Elena!" bati sa kanya ng isa at nagbigay ng magaang yakap sa kanya. Nakasanayan na ng marami na batiin siya gamit ang wikang Kastila kahit hindi sila marunong. Kilala na kasi ang pamilya nila sa paggamit nito.
Sumagot din siya rito nang pagbati sa wikang Kastila. Nakipagkuwentuhan muna siya habang hindi pa nagsisimula ang palabas. Sinamahan siya ng mga ito sa backstage para doon makapag-prepare ng kanilang mga gagawin sa event.
Isa siya sa mga inimbitahan para maging bahagi ng runway fashion show na iyon na may temang Vintage Filipina Beauty. Lahat ng mga kinuhang models dito ay rarampa suot ang mga traditional dress ng bansa na gawa ng iba't ibang mga designers.
Ang iba ay pure vintage. Ang iba naman ay hinaluan ng modern looks. Kabilang din ito sa mga bagong produkto ng clothing line na kung tawagin ay Classica de Luna. Nais nilang i-showcase sa buong mundo kung gaano kaganda ang mga traditional dress ng bansa na hindi dapat mawala kahit anumang henerasyon ang magdaan.
"I am very happy talaga dahil pumayag kang makasama sa show na ito, Ms. Maria Elena. Alam mo sa totoo lang, noong nagmi-meeting pa lang kami, sabi ko hindi ko talaga itutuloy ito kung hindi ka lang din kasama," natatawang sabi sa kanya ng producer ng show na si Leonora Mathilda.
"Naku no worries, Ma'am, dahil pagdating sa ganitong mga bagay wala po talaga akong tinatanggihan. Feel free to invite me anytime, anywhere. Karangalan ko pong mapabilang sa event na ito. And I will do my best para maging successful ang show, kasama ang aking mga co-models siyempre," masayang sagot naman niya habang kausap ang babae sa dressing room.
May iba pang mga babae sa paligid nila na kasalukuyan na ring naghahanda at nagbibihis. Thirty minutes na lang ang natitira bago magsimula ang palabas. Naghahanda na rin ang mga crew at cameraman sa stage.
Nagsimula ang show sa isang short video na ipinakita sa malaking monitor. Ang pamagat nito ay 100 Years of Beauty kung saan si Maria Elena Iglesias ang featured model.
Sa video na ito ipinakita ang iba't ibang uri ng hairstyle at kasuotan ng isang Dalagang Pilipina mula noong 1910 hanggang 2010. Mula sa Austronesian looks, Fernando Amorsolo painting, hanggang sa Carnival de Manila, pati sa World War 2, Hollywood Invasion looks, Billboard Music influence, maging sa Retro Days, Modern Techno's at Club Hopping Get-up.
Sa reaksyon pa lang ng mga audience ay bakas ang pagkamangha nila sa napanood, lalo na't dalang-dala ni Maria Elena ang lahat ng vintage looks na ipinakita. Siya talaga ang dahilan kung bakit dinumog ng maraming tao ang event na iyon. Siya rin ang halos inaabangan ng lahat.
Unang rumampa sa runway ang labinlimang models. Pinakahuli si Maria Elena. Siya ang palaging nasa huli bilang simbolo ng pagiging star of the night niya. Limang beses siyang rumampa kasama ang iba pang mga models.
Sa unang rampa niya ay suot niya ang Modern Filipiniana na kanyang isinuot sa pagdating dito. Siya lang din ang nagpa-customized niyon. At sa pangalawa hanggang panglimang rampa niya, ang mga traditional dress na gawa ng iba't ibang designers na ang suot niya.
Nagtapos ang fashion show na puro palakpakan ang maririnig sa paligid. Sabay-sabay na nag-bow sa bandang huli ang mga models kasama si Maria Elena na nakapuwesto sa gitna. Kinabukasan naman, ini-broadcast na sa isang channel ang mga highlights ng show. Mataas pa rin ang nakuha nitong ratings dahil kay Maria Elena. Sobrang lakas talaga ng impact niya pagdating sa fashion.
MAGKASAMA sa wine cellar sina Imelda at Felipe Iglesias. Pareho silang umiinom ng alak sa mga oras na iyon habang pinag-uusapan ang mga plataporma ng lalaki bilang bagong Gobernador ng Hermosa.
"Ano nga pala ang mga plano mo para sa mahihirap nating kababayan? Malaki ang expectations nila sa 'yo dahil ginamit mo ang kanilang kahirapan bilang simbolo sa kampanya mo," tanong ni Imelda sa lalaki.
"Balak kong magpatayo ng maraming infrastructures sa bawat bayan ng probinsiyang ito. Gusto ko, lahat ng bayan na mapupuntahan nila ay may malalaking tourist spots na magpapabago sa landscape ng ating probinsiya. Gusto ko, ito ang maging bagong sentro ng bansang ito. Sayang naman kasi. Ang laki ng mapa ng Hermosa pero hindi naman ito pinapansin ng mga tao. Kilala lang nila ito dahil sa dami ng mahihirap dito. Ayoko na nang ganoon. Gusto kong magbago ang kanilang tingin sa Hermosa at tingalain nila ito."
Tumango-tango ang babae. "Maganda rin iyang naiisip mo. Paniguradong dadami rin ang mga trabaho na puwede nating ibigay sa mga tao. Isang malaking oportunidad din ito para makapagpatayo ng negosyo ang iba. Siyempre kung saan may tourist destinations at maraming tao, doon magpupuntahan ang lahat ng mga negosyante at vendors."
Isang matipid na tango lamang ang itinugon dito ni Felipe. "Dito naman sa atin, nais kong ipalinis ang buong Las Iglesias pati ang mga barangay na nasasakupan nito. Ipapatanggal ko ang mga mahihirap na bahay at mga kakalat-kalat na vendor sa paligid. Nakakasuka sila sa paningin sa totoo lang. Nakakahiya sa mga turista kapag nakita sila."
Nangunot ang noo ni Imelda. "Ano kamo? Ipapagiba mo ang mga bahay nila? At aalisan mo ng negosyo ang maliliit na vendors? Para ano? Para patayuan ng mga sinasabi mong monumento? Alam mo ba 'yang sinasabi mo, Felipe? Ang kailangan ng mga kababayan natin, tulong mula sa Gobyerno! Trabaho, financial assistance, at mga programa para matulungan sila sa buhay! Hindi 'yung ganyan!"
Nagsalubong ang dalawang kilay ni Felipe. "Alam mo mahal kong asawa, huwag mo na lang pakialaman ang mga plano ko. Hindi ganoon kadali ang mga gusto mong mangyari. Wala ka rin namang alam sa ganitong bagay kaya mabuti pang manahimik ka na lang. Alam ko kung ano ang makabubuti sa lugar na ito." Tumayo na ang lalaki at dinala ang baso nito na may laman pang alak.
Naiwan si Imelda sa loob habang iniisip pa rin kung ano ba ang tumatakbo sa utak ng kanyang asawa. Heto na nga ba ang kinatatakutan niya. Noong una pa lang, duda na siya sa mga balak gawin ng lalaki kung sakaling manalo ito.
Sa tono rin pananalita nito kanina, parang hindi ang paglilingkod sa kapwa ang nais nitong gawin. Kahit kailan ay hindi siya binigo ng kutob niya. Mukhang pagmumulan pa ito ng malaking problema sa lugar nila. Huwag naman sana.
Inubos na lang niya ang laman ng baso saka lumabas na rin ng wine cellar.
UMUUSOK sa galit ang ulo ni Maria Isabel sa isang balita na nabasa sa internet. Naibato pa niya sa kama ang cellphone sa sobrang pagkainis. Hindi niya matanggap na mas malaki ang kinita ng album ng karibal niyang singer sa industriya kaysa sa huling release niya.
Ang bagong album nito na inilabas lamang noong nakaraang buwan ay bumenta na agad ng mahigit one hundred thousand copies. Mas malaki ito kumpara sa forty thousand copies na naibenta ng huling album niya na inilabas naman noong nakaraang taon.
Hindi niya inakalang papatok nang ganito katindi ang singer na ito ngayong taon. Dati ay nasa talampakan lang niya ito. Pero ngayon, namamayagpag na rin ito at nanganganib pang maungusan siya. Lalo na't pareho sila ng genre na kinakanta at hindi maitatangging powerful din ang boses nito.
Ang singer na iyon ay si Roselia Morgan. Dati itong contestant sa isang singing contest kung saan nag-champion ito. Mula noon, sunod-sunod na ang mga projects nito at mabilis ding nagkaroon ng debut album.
Ang second album nito ngayon ay punong-puno ng mga kanta na may matataas na tono. Iba't ibang belting style ang ipinamalas nito. Hindi niya maiwasang ma-threatened dito dahil mahusay nga ang babae. Malinis ang pagkakaawit nito pati ang belting technique nito.
Mahusay rin naman siya at walang dapat ikabahala kung tutuusin. Katunayan nga, siya lang naman ang singer sa bansang ito na may five octaves na vocal range. Siya rin ang binansagang Biritera Queen of Asia dahil sa impact ng music niya na nagpabalik muli sa popularity ng mga ballad genres.
Hindi maikakailang malaki na ang pangalang naipundar niya sa industriya. Sa sobrang sikat niya, parang ayaw na niyang magkaroon ng kakumpitensiya. Gusto niya, siya lang lagi ang tinitingala at hinahangaan.
Paano ba naman kasi, nasanay siya sa mahigit sampung taon na siya lang ang bumibirit sa bansang ito. Walang kahit sino ang kayang tumapat sa kanya pagdating sa biritan. Pero dahil sa pagkapanalo ni Roselia Morgan sa isang singing contest noong nakaraang taon, mukhang magkakaroon na siya ng biggest rival sa larangang ito.
At iyon ang isang bagay na hindi niya hahayaang mangyari.
Kaya naman dinampot niyang muli ang cellphone at tinawagan ang ilan sa mga kaibigan niya via group video call. "Hello guys and girls! Kumusta kayo d'yan? May ipapagawa sana ako sa inyo. Gusto ko manatiling sikreto lang natin ito. Can I trust you?"
Inutusan niya ang mga ito na magkalat ng negative reviews tungkol sa album ni Roselia Morgan. Kapag kasi dumami ang negative reviews nito, makakaapekto iyon sa ratings ng album at siyempre, sa emotion ng singer.
Napag-alaman kasi niya na sobrang sensitive at emotional ni Roselia Morgan. Napapanood niya ito minsan sa TV. Madali itong maiyak sa mga mabababaw na bagay. Kaya kung dadami ang mga bashers nito sa internet, paniguradong makakaapekto iyon sa emosyon nito.
Iyon muna ang naiisip na paraan ni Maria Isabel para masiraan ang karibal. Ang gusto lang naman niyang mangyari ay siya pa rin ang kilalaning Biritera Queen ng bansang ito. Ayaw niyang magkaroon ng karibal.
"MALAPIT nang matapos ito. Gutom ka na ba?" ani Maria Lucia habang nagluluto ng Buldak o Korean-Style Fire Chicken with Cheese. Isa ito sa mga paboritong dishes ni Nathan.
Narito siya ngayon sa bahay ng lalaki para ipagluto ito. Silang dalawa lang ang magkasama ngayon dahil parehong nasa trabaho sa isang TV show ang mga magulang nito na pawang mga producers din.
"Sige lang. Kaya ko namang maghintay, para sa 'yo," pilyong sagot sa kanya ni Nathan. Nakaupo ito sa mesa habang nakapatong sa kaliwang balikat ang sando nito. May hawak itong dumbbell sa kabilang kamay at todo pa rin sa pagbubuhat kahit nagpapahinga. Kaya naman ganoon na lang din kalaki ang katawan nito.
Nang matapos na si Maria Lucia sa pagluluto ay inihapag na niya ang pagkain ng lalaki sa mesa saka niya ito tinabihan. Hindi niya mapigilang pagmasdan ang makinis at matipuno nitong katawan. Sa isip niya ay napakasuwerte talaga niya dahil nagkaroon siya ng ganito kaguwapong boyfriend. Hindi niya ma-imagine kung gaano rin kaganda o kaguwapo ang magiging anak nila balang araw.
Pinagmamasdan niya ang masayang reaksyon ng lalaki habang kumakain. Halatang sarap na sarap talaga ito sa niluto niya. Pasimple naman siyang umakbay rito para lang mahimas ang muscles nito sa braso at balikat.
"Alam mo, parang ito na ngayon ang number one favorite ko, eh. Puwede bang ito na lang lagi ang iluto mo sa 'kin tuwing bibisita ka rito? Ang sarap talaga!"
Natawa lang siya. "Sige ba! Walang problema, basta ikaw!" Saka niya pinisil ang bisig nito sa braso.
"Nasaan nga pala si Maria Isabel ngayon? Buti at hindi mo siya naisama rito?" pag-iiba ng lalaki habang patuloy sa pagnguya.
"Napagod kasi siya kanina sa pinuntahan nila ni Ronaldo kaya nagpahinga na muna."
Saglit na natahimik ang lalaki bago muling nagsalita. "'Yung isa n'yo palang kapatid, nasaan na? 'Di ba tatlo kayo?"
Nag-iba ang timpla ng mukha niya. "Ah, si Maria Elena ba? Bakit mo naman siya biglang naitanong?"
"Wala lang," mabilis na tugon ni Nathan. "Mula kasi nang maging tayo, parang never n'yo pa siyang nabanggit ni Maria Isabel sa akin. Sa lahat din ng miyembro ng pamilya n'yo, siya pa lang ang hindi ko pa nakakausap. Curious lang tuloy ako sa kanya."
"Naku! Don't even think about her. Alam mo kasi, hindi namin siya kasundo ni ate."
"What?" Bahagyang napasulyap sa kanya ang lalaki. "You mean, magkaaway kayo?"
Matipid na tango ang pinakawalan niya. "Parang ganoon na nga."
"Bakit naman? Ano ba'ng problema?"
"Wala naman. Lumaki lang talaga kaming hindi kasundo si Maria Elena. Siya ang middle child sa amin, actually. Pero iyon nga, parang kami lang ni Ate Maria Isabel ang magkapatid sa bahay."
"Bakit naman ganoon? Ang ganda rin naman ni Maria Elena kung tutuusin. Mabait din. Napapanood ko siya minsan sa TV. About naman yata sa fashion ang ginagawa niya, 'no? Ang unique kasi ng looks niya, eh! Parang si Marilyn Monroe?"
"Hay naku! Huwag mo nga siyang isipin! Wala namang originality ang babaeng 'yon. 'Yung persona na pinapakita niya ngayon ay nagawa na rin ng maraming babae dati. She's so outdated for me."
"Pero bagay naman sa kanya 'yung ganoong looks 'di ba?"
"Huwag na nga natin siyang pag-usapan! Basta kumain ka na lang."
Tumawa lang din si Nathan. "Bakit ba kasi hindi kayo magkasundo? Ano ba kasi talaga ang problema? I just want to know!"
Matagal bago nakasagot si Maria Lucia. "Well, ang totoo kasi n'yan siya lang ang favorite na anak ni Ina. Silang dalawa lang ang magkasundo sa bahay. Sa kanya lang lagi ibinubuhos ni ina ang lahat ng oras at pagmamahal. Kami, parang extra lang kami sa buhay niya. Mabuti na lang at si ama ang kasundo namin. Di hamak naman na mas powerful si Papa Felipe sa bahay."
"Bakit naman si Maria Elena lang ang favorite ng mama n'yo? Baka naman may ginawa rin kasi kayo noon para hindi niya kayo maging favorite?"
Ewan niya kung maiinis ba siya o matatawa sa mga lumalabas sa bibig nito. "Ano ka ba! Kumain ka na lang kasi d'yan! Ang dami pang tanong, eh!"
"Natural magtatanong ako dahil gusto ko lang naman malaman ang lahat ng tungkol sa pamilya n'yo. We are lovers, remember? At di magtatagal, ikaw na rin ang babaeng pakakasalan ko sa simbahan. Kaya dapat lang na may karapatan din akong makilala ka pati ang buong pamilya mo."
"Well, there's nothing special naman about Maria Elena. Hindi siya worth it pag-usapan. Just focus on your food na lang para makaalis na tayo," sabi na lamang niya rito. May usapan kasi sila ng lalaki na gagala sila mamaya pagkatapos nitong kumain.
ISANG mainit na tanghali iyon sa Barangay Sto. Tomas. Magkakatabi ang vendor ng mga street food sa paligid habang kabilaan naman ang mga nagdaraang tricycle. May mga bata ring naglalaro at naghahabulan sa gilid ng daan.
Walang ibang kabuhayan ang mga tao roon kundi ang magtinda ng pagkain sa gilid-gilid. Pritong atay, kalamares, fish balls, barbeque, at kwek kwek. Madalas ay kulang din ang kinikita nila sa araw-araw para matugunan ang lahat ng mga pangangailangan. Pero hindi alintana ng mga tagaroon ang kahirapan dahil ang mahalaga ay masaya sila at nagkakaisa.
"Narinig n'yo na ba 'yung balita? Balak daw ipagiba ni Don Felipe 'yung mga bahay natin dito? Tapos balak din tayong paalisin na mga vendor?" usisa ng isang babae na tindera ng mga penoy at pugo.
"Ha? Bakit naman?" sagot ni Mang Julian, isa sa mga vendor doon na nagtitinda ng pritong atay at kalamares.
"E, kasi balak daw niyang patayuan ito ng bagong mga building saka monumento!" sagot naman ng katabi niyang lalaki na nagtitinda ng mani.
"Oh? E, paano naman daw tayo?" tanong muli niya rito.
"Iyon ang hindi ko alam."
Medyo kinabahan si Mang Julian sa mga sandaling iyon. Ito na lang ang tanging hanap-buhay niya. Ayaw niyang mawala pa ito sa kanya. Sana talaga ay hindi totoo iyong mga naririnig niya sa paligid na balak daw ipagiba ng bago nilang Gobernador ang mga tahanan at kabuhayan nila roon para patayuan ng mga gusali na ito lang din ang makikinabang.
Yari ang buhay nila kung nagkataon.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro