Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 29: Malagim na Gabi

MAY ilang minutong namagitan ang katahimikan sa panig nina Evandro at Maria Elena. Nakasandal lang ang babae sa kama habang nakaupo naman sa tagiliran ang lalaki. Bago pa ito mainip at maisipan siyang palabasin ay binasag na niya ang lumalalim na katahimikan.

"K-kaya nga pala ako nagpunta rito para sabihin ang tungkol sa...p-pagpunta natin sa Spain. Nabanggit din sa 'kin kanina ni papa na sinabi na raw niya sa 'yo ang tungkol dito. G-gusto lang sana kitang tanungin kung okay lang ba sa 'yo 'yung suggestion nila."

"Okay lang sa 'kin," mabilis na sagot ng babae.

Napalingon siya rito. "O-Okay lang sa 'yo? Kahit ako ang kasama mo?"

"Ano pa ba ang magagawa ko. Tinali na nila akong lahat sa leeg. Kung hindi ako susunod sa gusto ni papa, bugbog ang aabutin ko."

Napahawak siya sa kamay nito. "Pero hindi mo naman kailangang pumayag kung talagang ayaw mo. Kakausapin ko na lang si papa na huwag nang ituloy. Ako ang bahala sa 'yo. Hindi ko naman hahayaan na saktan ka niya."

"Hindi na kailangan. Ituloy mo na. Para makalayo na rin ako sa stress na binibigay sa 'kin ng bahay na ito."

Napangiti siya. "Talaga? G-gusto mo nang sumama sa akin kahit tayo lang dalawa roon?"

"Marami naman kaming kakilala roon na puwede kong lapitan. Hinding-hindi ako mawawalan ng kausap doon. Basta ang gusto ko hiwalay tayo ng kuwarto tuwing gabi. At kanya-kanya rin tayo ng pagluluto. Ako ang magluluto ng sarili kong pagkain at ganoon din ang gagawin mo. Huwag mo akong pakikialaman at lalapitan."

"Okay, Maria Elena. Makakaasa ka. I will promise you na mag-e-enjoy ka sa bakasyon nating ito."

Napilitan siyang lumapit dito para yumakap. Hindi na siya itinaboy ng babae. Pero hindi rin ito tumugon sa kanyang yakap. Hinayaan na lang nito ang gusto niyang gawin dito.

HABANG nagsusuklay ng buhok si Donya Glavosa sa harap ng salamin, bigla namang kumalabog pabukas ang pinto na ikinagulat niya.

"Madam!" pasigaw na tawag sa kanya ni Marites na umaalingawngaw na naman ang boses sa buo niyang silid.

Sa sobrang inis ay naibato niya rito ang kanyang suklay. Tumama iyon sa ulo ng babae kaya napaatras ito at hinagod-hagod ang ulo. Saka nito pinulot ang suklay at ibinalik muli sa kanya.

"Porket pinagkakatiwalaan kita, hindi nangangahulugan iyon na dapat ka na lang pumasok nang ganoon sa kuwarto ko! Matuto ka pa ring kumatok!"

"Sorry na po, Madam. May latest lang kasi akong ichi-chika sa inyo!"

"Ano ba 'yon!" Napaatras muli ang babae sa pagsigaw niya.

"Narinig ko po kasing nag-uusap sina Evandro at Maria Elena. Balak pala nilang umalis ng bansa at magbakasyon sa Spain! Si Don Felipe pa mismo ang nag-utos nito sa kanila!"

Hindi na sumagot doon si Donya Glavosa. Alam na rin naman kasi niya ang tungkol doon. Napabalik na lang siya nang tingin sa salamin at hinayaang maghari ang katahimikan sa kanilang pagitan.

Kalahating oras ang lumipas bago dumating si Aaron sa mansyon. Agad itong sinundo ng donya sa labas at dinala ito sa likod ng bahay. Doon sila nag-usap habang kaharap ang malaking swimming pool.

"Magbabakasyon sa Spain sina Maria Elena at Evandro. Mukhang mapapalayo sila rito. Malaki na ang posibilidad na mahulog siya sa sarili niyang asawa kapag nagtagal sila roon."

"So, ano ang gusto n'yong gawin ko, Madam?"

"Mayroon ka lamang dalawang pagpipilian. Patuloy mong paiinumin ng drugs si Maria Elena para masira ang utak niya at maging masama, o susundan mo sila sa Spain para paglaruan at guluhin ang mga buhay nila. Kahit alin doon sa dalawa, okay lang sa 'kin."

May ilang segundong natahimik si Aaron. "S-siguro..." Saglit itong napahinto at humarap sa matanda. "Siguro, paiinumin ko na lang siya ng drugs, Madam, hanggang sa mabaliw siya. Medyo hassle kasi kung pupunta pa 'ko ng Spain. Ang dami ko pang trabaho na kailangang asikasuhin sa Dragon Breath. Hindi ko maiiwanan iyon. Kaya siguro...'yong unang suggestion na lang."

"Okay!" matipid na sagot ng matanda at tumingala sa kalangitan. "Hindi talaga ako titigil hangga't hindi ko nasisira ang buong pamilyang ito. Kasalanan ng isang tao, kasalanan na ng lahat," aniya habang tinutukoy si Felipe, pati na rin si Imelda.

Ang ginawa nila kay Samuel ang dahilan kung bakit binalot ng matinding galit at poot ang buong pagkatao niya. Kaya naman nangako siya sa sarili na hindi lang sina Felipe at Imelda ang sisirain niya, pati na rin ang magiging anak ng mga ito.

Lingid sa kanilang kaalaman, narinig ni Imelda ang kanilang usapan na sa mga oras na iyon ay kauuwi pa lang galing sa trabaho bilang janitress. Nakatago lang ito sa glass door habang nakatitig sa kanilang dalawa.

TAHIMIK na nakadungaw si Donya Glavosa sa isang glass window sa dulo ng hallway. Nakatanaw lang ito sa mga bituin sa langit. Naalala nito ang isang bahagi ng nakaraan kung saan kasama pa nito si Samuel na tumatanaw noon sa mga bituin kapag naiinip sila sa gabi.

Natigilan lang ito sa pagbabalik-tanaw nang marinig ang boses at yabag ng mga paa ni Imelda.

"Mama! Kailangan nating mag-usap!"

Napalingon naman agad sa kanya ang matanda. "Nakauwi ka na pala, Imelda. Kumusta ang trabaho?"

"Didiretsuhin na kita, Mama. Narinig kitang kausap ang tauhan mo kanina. Akala ko ba magkakampi na tayo? Sinunod ko na ang lahat ng gusto mo! Pero bakit may ginagawa rin kayong hindi maganda kay Maria Elena? At ayaw n'yo pa talaga siyang mapalapit sa asawa niya? Mag-uutos ka pa talaga ng tao para sirain ang utak niya? Bakit n'yo ba ginagawa ito! Why are you doing this to her? Por qué le haces esto?"

Nagtaas lang ng kabilang kilay ang matanda. "Narinig mo naman pala ang usapan namin kanina. So, dapat alam mo na rin ang sagot d'yan. No necesito dar explicaciones."

"Esto no está bien! Kung may galit ka sa amin ni Felipe, kami na lang ang saktan at sirain mo! Huwag mo nang idamay ang mga anak namin! No tenían nada que ver con todo lo que estaba pasando!"

"El pecado de uno es el pecado de todos!" Inilapit ng matanda ang mukha nito sa mukha niya. "Kung ano ang kasalanan n'yo, kasalanan na rin ng mga anak n'yo!"

"At paano n'yo naman nasabi iyan, Mama? Saan n'yo nakuha ang kasabihang iyan? Inimbento n'yo lang ba para may maibato kayo sa akin?"

"Nakakalimutan mo yata kung paano mo niloko at pinaglaruan si Samuel. Nagpakamatay siya dahil sa inyo! Pinagkaisahan n'yo siya ni Felipe. Alam n'yo kung ano ang mas masaklap doon? Ni hindi n'yo sinubukan humingi ng tawad! Imbes na humingi ng kapatawaran sa akin, sinubukan n'yo pang burahin ang pagkakamali n'yo! At ako pa ang palalabasin n'yong masama! Kaya ngayong may anak na kayong dalawa, ang kasalanang pilit n'yong binabaon at tinatago ay dadalhin na rin ng Tres Marias! Ang tatlong magkakapatid na 'yan ay bunga lamang ng katarantaduhang ginawa n'yo kay Samuel! Kaya kahit kailan, hinding-hindi ko matatanggap na apo ang mga iyan!"


"Oo na! Sige na! Tanggap ko na!" Hindi napigilan ni Imelda ang pagtaas ng boses. "Pero bakit hindi mo man lang inisip si Maria Elena? Lumaki siyang mabuting babae, Mama! Hindi siya naging katulad ng mga kapatid niyang kaugali ni Felipe! Kahit hindi kami nagkaanak ni Samuel, sa kanya naman nakuha ni Maria Elena ang ugali niya ngayon! 'Yong mga kabutihang ibinigay sa akin ni Samuel, iyon ang itinuro ko sa kanya! Hindi niya deserve ang balak n'yong gawing pagsira sa kanya!"

"Anak pa rin siya ni Felipe! Kaya kahit siya pa ang pinakamabait na santa sa buong mundo, hinding-hindi ko siya matatanggap bilang apo ko!"

"Pero, 'Ma! Isipin n'yo na lang kung gaano kabuti ang puso ni Maria Elena. Hindi n'yo ba nakikita si Samuel sa kanya? Hindi mo lang ba siya bibigyan ng pagkakataon na makilala at mapalapit sa 'yo?"

"Wala akong balak makipaglapit sa kahit na sino sa mga anak n'yo ni Felipe. Kaya huwag mo nang ipagmalaki sa akin ang Maria Elena mong 'yan. Umalis ka na rin sa harapan ko dahil pinasasama mo lang ang amoy ng paligid!"

"Kung ganoon, bakit ko pa kailangang sumunod sa inyo? Wala rin pala kayong balak tulungan ang anak ko na maprotektahan laban kay Felipe. May iba ka rin palang balak sa kanya. Hindi ko na kailangang magtrabaho sa kumpanya ng kaibigan mo! Wala kang kasing sama, Mama! Tumatanda ka na pero wala ka pa ring balak magbago! Ang lakas ng loob n'yong sabihan ako na hindi patas magmahal sa mga anak ko, pero kahit kayo rin naman hindi naging patas sa mga anak n'yo! Nakakalimutan mo yata kung bakit naging ganoon si Felipe. Dahil din sa inyo! Wala kayong ibang nakikita kundi si Samuel, si Samuel, at si Samuel na lang palagi! Wala rin tayong pinagkaiba, 'Ma! Pareho lang tayong hindi naging patas sa pagmamahal sa mga anak natin! Kaya huwag mong ipamukha sa akin na naging masamang ina ako. Dahil kung masama nga ako, ano pa kayo?"

Isang malutong at mainit na sampal ang pinakawalan ng matanda sa kanyang mukha. Umalingawngaw pa sa buong hallway ang tunog ng pagsampal nito na bahagyang nagpapula sa pisngi niya. Para siyang napaso sa kumukulong mantika.

Napahawak siya sa sariling mukha habang nag-uunahan sa kanyang mga mata ang luhang hindi niya mapigilan. Nagsimulang manginig ang kanyang mga labi habang patuloy sa pagragasa ang mga luhang nagmistulang gripo sa lakas ng pagtagas.

"Tama ka, Imelda. Pareho lang tayong naging masamang ina. Pero ang pinagkaiba lang natin, hindi ako mapagbalatkayo tulad mo, na tinatadtad ng palamuti ang buong katawan at nagpapanggap na mabuti para maging santa sa paningin ng marami. Mas masahol ka pa sa demonyo! Pagkatapos mong pagsawaan si Felipe, lalapit ka naman ngayon sa ibang lalaki? Hindi ka na nga marunong magpalaki ng mga anak, hindi ka pa marunong makuntento sa isang lalaki!"

Nagulat siya sa biglang pagsabunot sa kanya ni Donya Glavosa. Nagawa pa nitong itumba siya sa sahig hanggang sa magulo ang buhok niya.

"Iyan ang bagay sa 'yo! Subukan mo lang huminto sa trabaho, at hindi mo talaga magugustuhan ang gagawin ko sa paborito mong anak! At baka nakakalimutan mo rin, hawak ko ang sikreto n'yo ni Orlando. Kapag nakarating ito kay Felipe, hindi ko na siya pipigilan sa kung anuman ang gagawin niya sa 'yo! At lalo mo na ring hindi makikita ang puwedeng mangyari kay Maria Elena!"

Agad siyang tumayo at lumuhod sa harapan nito. Napayakap pa siya sa mga tuhod nito. "Parang awa n'yo na, Mama. Proteksyon lang ni Maria Elena laban kay Felipe ang hinihingi ko. Huwag n'yo na sanang ituloy ang balak n'yong masama sa kanya. Hayaan n'yo naman siyang sumaya at mapalapit sa asawa niya. Ako na lang po ang parusahan n'yo. Alilain n'yo na ako, kawawain n'yo na ako, huwag n'yo lang idamay si Maria Elena... Pakiusap... Pakiusap, Mama... Lubos akong nagmamakaawa at ibinababa ang aking sarili sa inyong harapan..." Hindi na napigilan ni Imelda ang matinding pagtangis habang humihigpit ang pagkakayakap sa mga paa ng matanda.

Muli naman nitong hinawakan nang mahigpit ang kanyang buhok at sinabunutan siya palayo hanggang sa mabitawan niya ito. Sa pagkakataong iyon ay muli siyang nasubsob sa sahig habang patuloy na humahagulgol.

"Basta gawin mo lang ang trabaho mo sa kumpanya ni Cecille, wala tayong magiging problema," anito habang nakatitig nang diretso sa daanan.

Bago pa man siya makapagsalita ay naglakad na ito paalis at hinakbangan pa ang katawan niya. Ilang beses niya itong tinawag pero hindi na ito lumingon sa kanya. Napahagulgol na lang siyang muli habang patuloy na tumutulo sa sahig ang nagbabaga niyang mga luha.

NAGULAT ang lahat sa surprise performance ni Roselia Morgan sa isang TV show. Namangha ang lahat sa ipinamalas ng boses nito pati na ang signature nitong whistle register sa huling bahagi ng kanta. Nakadagdag pa sa atensyon ng marami ang suot nitong white gown na punong-puno ng mga diamanteng nagpapakislap sa mata ng manonood.

Nag-uumapaw sa TV ang kagandahan nito, lalo na ang halimaw na performance nito. Lahat ng mga audience ay napa-standing ovation pagkatapos nitong kumanta.

Dinagsa ng Paparazzi si Roselia Morgan pagkalabas niya ng studio. Masaya naman siyang humarap sa mga ito at walang takot na sinagot ang mga katanungan sa kanya.

"Okay na po ako ngayon. Naka-recover na ako sa nangyari dati. Wala na sa akin iyon," ngiti niyang sagot sa isang reporter.

May isang reporter pa na nagtanong sa kanya. "Ano ang mga ginawa n'yo noong mawala kayo ng ilang buwan?"

"Noong mga panahong nakakulong lang ako sa kuwarto at nagmumukmok, na-realize ko kung gaano na karami ang mga taong napapasaya ko dahil sa aking talento. Kaya naman naisipan kong huwag silang talikuran dahil lang sa mga taong may inggit sa akin at gusto akong sirain. Kaya heto po ako at muling nagbabalik sa inyong lahat para maghatid ng magandang musika," pahayag niya sa mga ito na may kasamang matamis na ngiti.

Trending muli sa lahat ng platform si Roselia Morgan. Ang pangalan niya ngayon ang makikita sa unahan ng listahan. Lahat ay tuwang-tuwa sa biglaan niyang pagbabalik. Huli siyang nakita noon sa kanyang meet and greet kung saan binuhusan siya ng suka ng isang di kilalang lalaki.

Ngayon ay ginulat niya ang lahat ng tao sa live performance na ginawa niya sa isang variety show sa TV nang gabing iyon. Marami namang nagpaabot ng mga payo sa kanya na lakasan lang daw niya ang kanyang loob at huwag magpapatapak sa kahit na sino. Ipagpatuloy lang daw niya ang kanyang nasimulan at huwag hayaang sirain ito ng iba.

Kung meron mang hindi masaya sa balitang iyon, ito ay walang iba kundi si Maria Isabel, na sa mga oras na iyon ay mag-isang nagmamaneho pauwi. Nagkaroon lang kasi sila ng meeting kanina ng record label niya tungkol sa kanyang upcoming album para sa susunod na taon.

Masaya nilang pinag-usapan ang magiging plano para dito pati na rin ang konsepto nito. Nagsimula na rin silang kumuha ng mga bagong writers at producers na tutulong sa pagbuo ng album na ito. Nais nila itong gawing bongga at engrande para tapatan ang successful album ngayon ni Roselia Morgan na bumenta ng mahigit one hundred thousand copies.

Ngunit sa kalagitnaan ng kanyang pagmamaneho, doon pa masisira ang araw niya dahil sa balitang ito na narinig sa radyo ng kanyang sasakyan. Kahit saang istasyon niya ilipat, puro si Roselia Morgan ang kanilang paksa. Kaya napilitan siyang patayin ito sa padabog na paraan.

Ngayon ay napag-iinitan na rin niya pati ang kanyang manibela. Nawawalan na siya ng focus sa pagmamaneho. Muli na namang kumukulo ang bulkan sa kanyang ulo. Halos magwala na siya sa loob habang isinusumpa ang pangalan ng baguhang karibal.

Hindi niya nagustuhan kung gaano karami ang mga taong nakikisimpatya rito ngayon. Lalo na sa 'stronger than ever' persona na pinapakita nito. Kinakabahan tuloy siyang maglabas ng bagong album sa susunod na taon. Baka kasi hindi na naman ito bumenta nang malaki gaya ng dati. Lalo na't nasa karibal niya ngayon ang lahat ng atensyon.

Halos umusok ang dalawang tainga niya sa galit. Nagbabaga ang kanyang mga mata at nanggigigil ang kanyang mga labi. Ngayon lang siya sobrang na-threatened nang ganito. Hindi niya tanggap na mayroon na siyang karibal sa industriya na pinagharian niya sa loob ng sampung taon.

Sixteen years old pa lang siya nang magsimulang kumanta. May isang talent manager na nakadiskubre sa kanya at nag-offer ng record deal dahil sa nakita nitong potential sa boses niya. Doon nagsimula ang lahat. Doon pumutok ang stardom na tinatamasa niya hanggang ngayon.

Noong mga panahong nagsisimula pa lang siya sa industriya, ganoon din katindi ang ibinibigay na suporta at atensyon ng maraming tao sa kanya. Labis ang pagkamangha ng mga ito sa taas ng kanyang boses kahit teenager pa lang siya.

Hanggang sa makalakihan na nga niya ang atensyong iyon, na ngayon ay kay Roselia Morgan na napupunta. Kahit anong gawin niya, hindi na talaga niya maitanggi na may talento rin ito sa pagkanta. At may sarili rin itong technique na hindi niya kaya, gaya na lamang ng whistle register nito, na bago ngayon sa pandinig ng mga tao.

Parang gusto na tuloy niyang bumalik sa pagkabata niya kung saan siya lang ang tanging hinahangaan at pinapalakpakan ng marami.

Sa sobrang galit ni Maria Isabel, hindi na niya namalayan ang isang matandang lalaki na tumatawid sa daan. Natigilan lang siya sa pagmumura at pagsisigaw nang mabangga na ng sasakyan niya ang matandang iyon!

Gulat na gulat siya at may ilang segundong nanigas sa kinauupuan niya. Dali-dali siyang napalabas ng sasakyan para lapitan ito. Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makitang duguan ang ulo ng matanda. At halatang hindi na ito humihinga!

"Oh, Dios mío. Esto no está sucediendo!" mangiyak-ngiyak niyang sambit habang pinagmamasdan ang matanda.

Napasandal na lang siya sa gilid ng sasakyan habang patuloy na tumutulo ang mga luha. Hindi siya makapaniwala na sa gabing ito ay makakapatay pa siya ng tao!

Agad niyang kinuha ang cellphone sa loob at tinawagan ang isang importanteng tao na alam niyang makakatulong sa kanya. Labis ang pagkabog ng kanyang dibdib pati ang panginginig ng buo niyang katawan. Iyon na yata ang pinakamasaklap na gabing dumating sa kanya.

DUMALAW naman muli kinabukasan si Aaron para sunduin si Maria Elena. May lakad daw muli ang dalawa sa kabilang bayan. Kitang-kita sila ni Evandro sa malayo pero hindi na niya naisipang pigilan pa ang dalawa.

Maingat lang siyang nakatitig sa mga ito. At nang makalabas na ng gate ang dalawa, doon din siya lumabas sa pinagtataguan at pumasok sa conservatory. Dinukot niya ang cellphone sa bulsa at si Russell ang unang tinawagan.

"Bro, I need you to do something for me. Right now!"

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro