Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 28: Lasunin ang Isip

MULING binisita ni Aaron si Maria Elena sa mansyon. Naabutan niya itong nag-aayos ng mga naka-display na bulaklak sa conservatory.

"Good morning, Maria Elena. Buti nandito ka ngayon at wala sa taas?" salubong na bati niya rito pagkatapos lapitan ang babae.


Agad naman itong napaharap sa kanya at matipid na tumango sa kanya. "N-nand'yan ka pala, Aaron. Ah, oo. Naisipan ko lang magpahangin. Nakakasawa rin kasing magkulong sa loob."

"Mabuti nga iyan para mabilis kang makalimot sa problema. Alam mo kasi, lalo lang bibigat ang dibdib mo kapag lagi kang nakakulong."

Bahagyang ngumiti ang babae. "Oo nga, eh. Iyon na nga ang ginagawa ko ngayon. Pinipilit ko na lang labanan ang bigat ng dinadala ko."

"Wala ka bang ginagawa ngayon? Bakit hindi na lang tayo magsimba rito sa simbahan n'yo? 'Di ba doon ka naman lagi nagpupunta?"

Matagal bago nakasagot ang babae. "Ah, p-parang nahihiya na kasi akong pumunta roon."

"Ay, bakit naman?"

"Hindi ko na kasi alam kung paano pa haharapin sina Sister doon. Ang alam kasi nila ay gusto ko rin maging katulad nila. Pero hindi ko iyon natupad dahil pinakasal nga ako nina Papa."

"Naku! Ano ka ba! Siguradong wala lang 'yon sa kanila! Kung totoong nagmamahal sila sa 'yo, siguradong susuportahan nila ang naging desisyon ng pamilya mo. At saka mabuti na ring makapunta ka roon para makausap mo rin sila at magkalinawan na kayo. Paniguradong nag-aalala na ang mga 'yon sa 'yo dahil hindi ka na nagpapakita mula nang ikinasal ka."

Napaisip din si Maria Elena. "M-mukhang tama ka nga. S-sige. Pupuntahan ko na sila. Gusto ko na rin silang makumusta."

"'Yan! Tama nga 'yan! Dapat ka na rin talagang lumabas-labas ngayon para maaliw ka rin. Ang dami kong alam na puwedeng pasyalan kung gusto mo lang. Siguradong mag-e-enjoy ka sa mga iyon at makakalimutan mo lahat ng problema mo. Pero siyempre, magsisimba muna tayo! Magpapasalamat tayo kay Lord sa panibagong araw na ibinigay niya sa atin ngayon!" pagkasabi niyon ay parang masusuka na si Aaron. Pakiramdam kasi niya ay masusunog ang dila niya tuwing babanggitin niya ang simbahan at pangalan ng Panginoon.

Nauna siyang pumasok sa loob ng sasakyan. Habang naglalakad pa ang babae papunta roon, agad na niyang pinatakan ng droga ang bote ng juice na binili niya. At pagkasakay nga ng babae, inialok niya ito rito.

"Oh, para sa 'yo."

Tinanggap naman iyon ng walang kamuwang-muwang na babae. "Salamat!"

Nagmaneho na siya patungo sa Sto. Tomas Parish Church. Habang tumatakbo ang sasakyan ay panay ang sulyap niya kay Maria Elena. Binabantayan niya kung kailan nito iinumin ang juice.

Makalipas ang ilang sandali, binuksan na nga nito ang bote at uminom ng marami-raming laman. Lihim siyang napangiti roon at ganap nang ipinokus ang paningin sa dinadaanang kalsada.

Nang makarating na sila sa harap ng simbahan, muli pang ininom ni Maria Elena ang laman ng bote hanggang sa maubos na nito iyon. Tuwang-tuwa si Aaron at masiglang lumabas ng kotse. Lumapit naman siya sa babae at sabay silang naglakad patungo sa loob.

Tuwang-tuwa ang mga madre nang makita itong muli. Ang higpit ng pagkakayakap nito sa mga iyon na parang sila ang itinuturin nitong pamilya.

"Ang tagal mong nawala! Ano ba ang nangyari sa iyo, Maria Elena? Mula nang ikasal ka, nawalan na kami ng balita sa 'yo!" alalang sabi ni Sister Monica sa kanya.

"Medyo marami lang pong nangyari sa bahay, Sister. Pero sana po wala kayong tampo sa akin dahil hindi ko natupad ang pangako ko na makasali sa inyo. Sana welcome pa rin po akong makapag-participate sa mga event n'yo rito sa simbahan."

"Naku, ano ka ba! Wala kaming kahit katiting na tampo sa 'yo! Mahal na mahal ka naming lahat dito. Congratulations nga pala sa inyo ng iyong asawa. Sana makilala rin namin siya at madala mo rito."

Sinabayan lang ni Maria Elena ang pagngiti ng madre pero hindi na ito nakasagot pa.

Hinayaan na lang ni Aaron na makipagkuwentuhan muna ito sa mga madre. Naisipan niyang umupo sa malayo at may tinawagan sa cellphone.

"Hello, Madam? Asan ka?"

"Nagpapahinga ako sa kuwarto, bakit?"

"Ah, kasama ko si Maria Elena ngayon, eh. Nagpunta ako kanina d'yan at sinundo ko siya."


"Nabanggit nga sa akin ni Marites."

"Huh? E, parang hindi ko naman siya nakita kanina, ah?"

"Natural, kaya nga Marites 'di ba? Hindi n'yo siya nakikita pero alam niya ang lahat ng nangyayari."

"Ay, kung sa bagay... Pero iyon lang naman, Madam. Nasabi ko lang sa inyo. Sinasamantala ko na ang pagkakataon dahil medyo nakakausap na siya nang maayos ngayon."

"Okay! Basta huwag mo ring kalilimutan ang misyon mo kay Maria Lucia, huh?"


"Next time na lang 'yon, Madam. Marami namang araw, eh. Kailangan ko munang mag-focus ngayon kay Maria Elena dahil nagiging komportable na siya sa akin. Eto na ang pagkakataon ko para mapalapit sa kanya."

"At gamitin mo rin ang pagkakataong iyan para mahulog siya sa 'yo. Gusto kong gawin mo siyang masama at matapang sa kahit anong paraan na maiisip mo. Para matuto rin siyang lumaban sa sarili niyang pamilya at hindi siya nagmumukhang kawawa. Dahil ayaw na ayaw ko sa mga kawawa at mahihinang nilalang. Intiendes?"

"Si, Madam! O, heto na siya. Papunta na sa akin. Sige, ibababa ko na 'to!" At mabilis nga niyang tinapos ang tawag. Saka siya tumayo at lumapit kay Maria Elena.

"O, tapos na ba kayong mag-usap?"

"Oo. Magpe-prepare na sila ngayon para sa misa. Ang mahalaga nakapag-usap-usap na kami nang maayos."

Sa mga oras na iyon ay nagsimula na ring magsidatingan ang ilang mga taong magsisimba sa hapong iyon. Sina Aaron at Maria Elena ay kanina pa nakapuwesto sa bandang harapan malapit sa altar. Mabilis ding napuno ng tao ang loob ng simbahan. Di nagtagal ay nagsimula na rin ang misa.

Pasadong alas-sais nang makarating na sina Aaron sa harap ng mansyon. Nakita niyang may isa pang sasakyang nakaparada rin doon. Itinabi na lang muna niya ang kotse sa gilid ng gate at doon na sila bumaba ng babae.

Nagulat siya nang bigla namang bumaba sa sasakyang iyon si Evandro. Halatang nagulat din ito nang makita sila at mabilis nitong nilapitan ang asawa.

"Saan kayo galing?" tanong nito sa babae. Bakas ang pag-aalala sa tinig nito.

Siya na ang sumagot. "Galing kami sa simbahan. Sinamahan ko lang siya dahil gusto na raw niyang magsimba at lumabas-labas."

Binalot ng tensyon ang mga mata ni Evandro nang tumitig ito sa kanya. "Salamat sa pagsama mo. Sige, makakaalis ka na."

"Teka, ihahatid ko pa siya sa loob."

"No need. Andito na 'ko. Ako na'ng maghahatid sa kanya."


"Pero ako ang sumundo sa kanya kanina. Kaya ako rin ang maghahatid sa loob."

"Ako ang asawa niya kaya sabay na kaming papasok sa loob."

Nahinto lang sila sa kanilang sagutan nang yumuko ang babae at patakbong pumasok sa loob ng gate. Wala na itong salitang binitawan pa. Mukhang naramdaman nito ang tensyon sa kanilang dalawa kaya ito na ang kusang lumayo.

"Ayan tuloy. Ang kulit mo kasi, eh," asik niya kay Evandro.

"Ako pa talaga ang makulit? Nasamahan mo na siya 'di ba? Siguro naman masaya ka na ngayong araw. Kaya puwede ka nang umuwi at huwag mo na siyang gagambalain."

"Oo nga, eh. Sige na nga, uuwi na ako! Bukas na lang ulit. May iba pa kaming lakad, eh!"

Hindi na niya hinayaang makasagot pa ang lalaki roon. Tumakbo agad siya papasok sa kanyang sasakyan at pinagmasdan na lang niya ang naging reaksyon nito sa bintana. Ang sama ng titig nito sa kanya. Tinawanan lang niya iyon at nagmaneho na paalis doon.

SOBRANG sumasakit ang ulo ni Maria Elena. Parang umiikot ang paningin niya. Hindi niya alam kung may nakain ba siya at bigla na lang sumama ang pakiramdam niya.

Naramdaman lang niya itong bigla habang nasa labas pa sila ng gate kanina. Nang biglang umikot ang paligid sa kanyang mga mata, nagmadali siyang tumakbo sa loob para makaakyat sa kuwarto niya.

Ngayon ay kahit anong higa niya, hindi nawawala ang sakit ng kanyang ulo. Para itong binabarena. Sobrang ingay. Sinabayan pa ng patuloy na pag-ikot ng kanyang paningin hanggang sa dala-dalawa na ang nakikita niya sa paligid.

Sa mga sandaling iyon, hindi niya alam kung nasa loob na ba siya ng isang panaginip. Bigla na lang kasi siyang nakakita ng kung anu-anong visions sa utak niya. Nakikita raw niyang nagluluto ng pagkain si Aaron para sa kanya, habang binabati siya nito sa kanyang paggising.

"Good morning, asawa ko!"

Iyon ang paulit-ulit na narinig niya bago unti-unting nagdilim ang kanyang paningin at nawalan siya ng malay.

KAHIT tulog pa ang babae ay pilit nang pinasok ni Evandro ang silid nito. Maingat niyang inilapag sa katabing mesa ang dala niyang tray na may pagkain.

Nagsimula nang tumama ang sinag ng araw sa glass window kaya lumaganap na ang liwanag sa paligid. Naisipan niyang bisitahin nang maaga si Maria Elena. Nais niyang makumusta ito kahit alam niyang wala pa itong ganang makipag-usap sa kanya.

Hindi lang talaga siya nagiging komportable sa mga oras na kasama nito si Aaron. Kaya parang gusto niyang bumawi rito at maagaw ang atensyon nito.

Natigilan lang siya sa pagmumuni-muni nang makitang umunat na ang katawan ng babae. Ilang saglit pa, unti-unti nang dumilat ang mga mata nito at luminga sa paligid hanggang sa makita siya nito.

Dali-dali siyang tumayo mula sa pagkakaupo sa tabi ng kama nito. "Good morning, mahal. Sorry kung medyo maaga ako, ah? I brought you a breakfast by the way. Kainin mo na lang kapag gutom ka na."

Napalingon ito sa pagkaing nakapatong sa mesa, pagkuwa'y muling bumalik ang paningin sa kanya. "N-nasaan ang asawa ko..."

Nagtaka siya sa sinabi nito. "Huh? N-nandito ako, Maria Elena."

"N-nasaan...nasaan si Aaron? Asan ang asawa ko?"

Nangunot ang noo niya sa narinig. "Huh? S-sinong Aaron? Mahal, ano ba'ng sinasabi mo?"

"Asan na ang asawa ko... Asan na si Aaron..." Naging tulala rin ang babae at namumugto ang mga mata habang paulit-ulit iyong sinasambit.

Doon niya napagtanto na parang wala ito sa sarili. Agad niya itong niyakap at marahang inalog-alog ang mga braso. "Maria Elena, what are you talking about? Sinong Aaron ang sinasabi mo?"

"Asawa ko... Asawa ko... Asan si Aaron na asawa ko..."

Biglang nagkuyom ang mga kamao niya habang yakap-yakap pa rin ito. Hindi na maganda ang kutob niya. Sa tingin niya'y may hindi na magandang nangyayari sa babae. Maaaring may nainom o nakain ito kaya nagkakaganito ito ngayon.

"AARON! Aaron, lumabas ka d'yan!" Nagpupumilit na pumasok si Evandro sa loob ng headquarters pero pilit siyang hinaharangan ng dalawang tauhan sa labas.

Di nagtagal ay nagpakita nga ito sa kanila at ito na mismo ang kusang lumabas. "Oh, tropa! Napadalaw ka yata rito? May kailangan ka?"

"Ano'ng ginawa mo kay Maria Elena!" diretsahang tanong niya rito.

"Huh? A-ano ang ginawa ko?"

"Huwag ka nang magmaang-maangan pa. Alam kong may ginawa ka sa kanya kaya siya nagkakaganoon ngayon!"

"Bakit, ano ba'ng nangyayari sa kanya ngayon?" Nagkunot ng noo si Aaron.

Bigla niyang hinila ang damit nito hanggang sa mapalapit ang mukha nito sa mukha niya. "Itaga mo 'to sa kokote mo. Kapag may nangyaring masama sa kanya, magkakamatayan talaga tayong dalawa!"

Napanganga ng ilang segundo si Aaron. "Nananakot ka na naman ba, tropa?"

"Hindi kita tinatakot. Alam kong hindi ka rin matatakot dito. Sanay ka na ring makipagpatayan 'di ba? Gawain mo 'yun, eh! Kaya hintayin mo lang na may mangyari talaga sa kanya, makikita mo ang hinahanap mo, Aaron. Hindi ako nagbibiro. Kaya ko ring ilabas ang sungay ko!"

Marahan naman siyang tinapik-tapik ng lalaki sa magkabilang balikat. "Sige ba! Tatanggapin ko 'yang hamon mo. Tingnan natin kung kaninong sungay ang unang mapuputol..."

"Handa ako d'yan. Magsabi ka lang kung ano'ng klaseng laban ang gusto mo. Ibibigay ko 'yon sa 'yo. Kahit brutal na patayan pa!"

"Sige lang, Evandro! Magtapang-tapangan ka lang ulit. Kapag naubos ang pasensiya ko, makakarating na talaga kay Madam Glavosa 'to. Tingnan ko lang kung hindi niya putulin pati titi mo kapag lumabas din ang sungay n'on!"

"Ang bastos talaga ng bunganga mo!" Saka niya binitawan ang damit nito at itinulak ito palayo. Agad naman itong sinalo ng dalawa nitong tauhan.

Hindi na rin siya nagtagal doon. Agad niyang nilisan ang lugar at nagbalik sa mansyon.

Nang pasukin niya muli ang silid ni Maria Elena, si Aling Susan na ang nakita niyang nagbabantay roon. "Aling Susan, narito pala kayo. Magandang umaga ho."

"Ay naku, hijo! Mabuti na lang at dumating ka!"

Bahagya siyang naalarma sa tinig ng matanda. "Bakit ho? Ano po'ng nangyare?"

"Bigla na lang kasing nahimatay si Ma'am Elena kanina habang pababa siya ng hagdan. Pinagtulungan lang namin siyang maibalik dito."

"Ano ho? Nahimatay po siya?"

"Buti na lang po at paakyat ako kanina nang maabutan ko siyang bumababa. Parang may iba nga po sa kanya, eh."

Napaupo na rin siya sa tabi ng babae at marahang hinaplos ang ulo nito. Sinubukan niya itong kapain sa leeg pero normal naman ang temperatura nito. Wala itong lagnat.

"Nakainom na po ba siya ng gamot?"

"Malamang hindi pa. Mukhang kagigising pa lang niya noong makita ko siyang bumababa at nahimatay, eh."

Napahagod na lang siya ng ulo. "Salamat na rin po, Aling Susan at nandito kayo."

"O, sige. Lalabas na muna ako dahil maglilinis pa ako sa kabilang kuwarto. Maiwan ko na muna kayo rito. Tawagin mo na lang ulit ako kapag may kailangan ka."

"Sige po, Aling Susan. Ingat po kayo," sabi na lamang niya rito nang makita itong paika-ika nang lakad habang lumalabas ng silid.

Mahigit dalawang oras nagbabantay si Evandro sa silid ng babae. Kausap niya si Russell sa chat at kinukuwento rito ang nangyari. Natigilan lang siya nang makita itong gumalaw at umungol.

Agad niyang binitawan ang cellphone kahit hindi pa natatapos ang tina-type niya sa chat box. Nakatutok lang siya sa babae hanggang sa makadilat na ito. Unang tumama ang mga mata nito sa kanya.

"E-Evandro..."

Sa pagkakataong iyon ay bahagya siyang nakahinga nang maluwag. "Oh, Maria Elena... Are you okay now? Nahimatay ka raw kanina sabi ni Aling Susan. Pinagtulungan ka lang daw nilang buhatin dito."

Bahagyang nangunot ang noo nito. "Nahimatay ako?"

"Hindi mo ba natatandaan? Actually, kaninang umaga paggising mo, parang may iba na sa 'yo, eh. Tapos pagbalik ko rito, sinabi na lang sa akin na nahimatay ka raw."

"W-wala akong natatandaan. A-ano ba ang nangyari? Saka ano 'yung sinasabi mong may iba sa akin kanina? M-may ginawa ba ako?"

Naisip niyang huwag nang ipaalala sa babae ang mga sinabi nito kanina. "Hayaan mo na 'yun. Ang importante okay ka na. Hindi mo pa pala nakakain itong breakfast mo, oh. Gusto mo na bang kumain?"

Nang magtangka itong bumangon ay tinulungan niya ito hanggang sa makasandal ito sa kama. Saka niya inilapit dito ang tray ng pagkain. "Kaya mo na bang kumain?"

Dahan-dahang dinampot ng babae ang kutsara at tinidor. "Oo. Salamat."

"Sige." Ilang beses siyang napalunok ng laway bago itinuloy ang sasabihin. "P-puwede bang dito na lang muna ako sa gilid? Alam kong ayaw mo 'kong kasama pero gusto lang muna kitang bantayan para makasigurado akong okay ka na. Tatalikod naman ako dito, oh. Hindi kita iistorbohin."

Tumango na lamang ang babae. Halatang magaan ang ulo nito ngayon sa kanya at hindi siya tinatarayan o tinataboy.

Naupo na lang siya sa mesa nito at hinayaan na itong kumain. Dinampot niya ang cellphone at binura ang naudlot na chat niya kay Russell. Sinabi na lamang niya na gising na ito at magaan na ang pakiramdam.

Pagkatapos kumain ni Maria Elena, agad niya itong nilapitan at kinuha ang tray. "Nabusog ka ba?"

"Oo. Salamat," sagot ng babae sa mahinang tinig.


"'Yung pakiramdam mo kumusta na? Gusto mo bang dalhin kita sa ospital?"

"Hindi na kailangan. Okay na ako."

Hindi na niya kinulit ang babae para hindi ito mailang sa kanya. "O, sige. Ibababa ko na muna 'to. Pahinga ka muna ulit, ah? Huwag mo pipiliting tumayo kung hindi mo kaya."

"Salamat."

Lumabas ng silid si Evandro na may ngiti sa mga labi. Magaan ang pakiramdam niya dahil hindi masungit ngayon ang babae sa kanya. Hindi gaya noon na tuwing magsasalita ito ay laging walang kabuhay-buhay ang boses. Kanina, parang nagbalik dito ang malambing na tinig na matagal na niyang gustong marinig.

Nang maabutan ni Evandro si Don Felipe sa dining area ay hindi niya pinalampas ang pagkakataon na makausap ito. Bahagya pang nanginginig ang tinig niya habang sinusubukang magsalita. Hindi niya alam kung saan magsisimula at kung paano sasabihin dito ang lahat ng mga nangyari nitong nagdaang mga araw.

"Ano ba ang nais mong sabihin, Evandro?" tanong nito nang mapansing hindi matuloy-tuloy ang gusto niyang sabihin.

Hindi na makapagpigil si Evandro. Parang gusto na niyang sabihin dito ang natuklasan niya tungkol kay Donya Glavosa pati ang tauhan nitong leader ng malaking drug trade organization. Nais na niyang humingi ng tulong dito para mapatumba ang dalawa bago pa nila mabahiran ng masamang impluwensya si Maria Elena.

"Si...D-Donya Glavosa po kase..." Muli niyang nalunok ang dila.

"O, ano'ng meron sa kanya?" mabilis namang sagot ng Don.

Magsasalita na sana siya ngunit napalingon siya sa di kalayuan. Nakita niyang nakatayo sa pintuan ng dining area si Donya Glavosa, punong-puno ng pagbabanta ang mga mata!

Hindi pinahalata ni Evandro ang pagkagulantang niya. Ilang beses siyang huminga nang malalim at paulit-ulit na nilunok ang laway.

"Ah, k-kase po...nagbigay siya ng suhestyon...na kung puwede...d-dalhin ko raw si Maria Elena sa malayong lugar...p-para madali kaming magkasundo..." utal-utal niyang tugon habang pilit nagpipigil sa panginginig ng kanyang mga labi.

"Aba, mabuti nga naman iyon! Hindi ba't iyan din ang minungkahi ko sa 'yo no'ng nakaraan? Kung wala ka nang masyadong ginagawa sa trabaho, magbakasyon muna kayo ni Maria Elena sa hacienda namin sa Spain. Para magkaroon kayo ng oras sa isa't isa at unti-unti ka na rin niyang matanggap."

Nakalimutan na niyang sumagot pa sa matanda. Muli siyang napalingon sa pintuan. Sa pagkakataong iyon ay nakangiti na si Donya Glavosa at nawala na ang matalim na titig. Di nagtagal ay umalis na rin ito roon kaya humupa na rin ang takot niya sa dibdib.

"Sige po. Sasabihan ko na lang si Maria Elena tungkol dito," sagot na lamang niya kay Don Felipe.

Tumango naman ang matanda. "Huwag kang mag-alala. Tutulungan kitang kumbinsihin siya na sumama sa 'yo. Kakausapin ko rin siya."

Napayuko na lamang siya at pilit ibinuga ang natitirang takot na naiwan sa dibdib niya kanina.

HALOS walang mukha na maiharap si Imelda habang dinadaanan siya ng ilang mga tao at empleyado sa loob ng building na iyon. Marahil ay nagtataka ang mga ito kung bakit nakasuot siya ng ganoong uniform at siya ang naglilinis sa bawat hallway.

Dinig pa niya ang bulungan ng iba kung bakit naging janitress daw dito ang asawa ng kanilang Gobernador ngayon. Halos lahat na yata ng kahihiyan sa mundo ay nilamon na niya. Bagsak na bagsak ang pagkatao niya. Pati ang clothing line na balak niyang itayo ay hindi na natuloy dahil dito.

Wala naman siyang magawa para alisin ang sarili rito. Kahit labag sa loob ay kailangan niyang tumupad sa kanilang kasunduan ni Donya Glavosa. Kailangan niya ang tulong nito para labanan si Felipe sa masama nitong mga balak kay Maria Elena dahil hindi pa rin nito tinatanggap si Evandro. At para hindi rin nito ibulgar sa lalaki ang sikretong relasyon nila ngayon ni Orlando.

"MADAM, nakalimutan ko pa palang i-send sa inyo itong mga ibang pictures nina Imelda at Orlando!" ani Marites at ipinakita ang mga ito sa paboritong amo. Siya ang inatasan nito para sundan si Imelda at magmanman sa mga kilos nito kapag wala ito sa loob ng bahay.

"Hindi na kailangan, Marites. Alam na ni Imelda ang tungkol d'yan," sagot ng donya habang masarap ang pagkakasandal sa kama.

"Ay, talaga po? Pinakita n'yo na rin sa kanya?"

"Oo. Kaya nga sunud-sunuran na lang siya ngayon sa lahat ng gusto ko para hindi ko siya ibuko kay Felipe."

"Ah, eh, nasaan naman po siya ngayon?"

"Pinasok ko lang namang janitress sa kumpanya ng kaibigan ko. Doon siya nagtatrabaho ngayon."

"Woooaaahh? Weeeeehh? Awit! Si Madam Imelda, janitress?" Bahagya pang lumakas ang boses niya na umalingawngaw sa buong silid ng donya.

"Mas mabuti na rin iyon para may pinagkakaabalahan siya. Hindi 'yung lagi siyang nandito at nagpaparami ng mga bag collections. Ginagasta lang niya sa walang kuwenta ang perang nakukuha niya. Isa lang naman siyang dakilang palengkera."

Natawa na lang si Marites pagkatapos niyon. Tawang-tawa siya at hindi ma-imagine kung ano kaya ang hitsura ni Imelda ngayon bilang isang janitress.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro