Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 27: Bagong Empleyado

MAGKASABAY na lumabas ng Apple Store sina Evandro at Russell. Nagpasama siya sa kaibigan para bumili ng bagong cellphone. Isang iPhone 13 Pro Max iyon. Bago umuwi ay pumasok muna sila sa isang restaurant para ilibre ito ng pagkain.

"Bakit ba kasi hindi mo pa ako hinintay?" sumbat ni Russell sa kanya habang magkaharap sa table at parehong naghihintay sa kanilang in-order.

"Hindi ko naman alam na ganoon ang mangyayari. I thought I could handle them myself. Kung hindi lang talaga ako dinaya ni Aaron sa injection na 'yon, malamang naitumba ko na silang lahat!"

"Pero hindi mo pa rin dapat ginawa 'yon. You cannot kill two birds with just one stone. Iyan kasi ang problema sa 'yo minsan, eh. Hindi mo nilalagay sa tamang lugar ang tapang mo. Akala mo lahat ng tao kaya mong idaan sa kamao mo. Buti na lang at hindi ka tinuluyan do'n!"

"I know, and I'm sorry. Naiinip na kasi ako masyado, eh. Habang naghihintay ako sa ginagawa n'yo ng private investigator mo, kailangan may gawin din ako sa part ko 'di ba? Para mas mabilis natin silang mahuli at mapakulong."

"Ilang beses ko nang sinabi sa 'yo, hindi natin sila puwedeng ipakulong hangga't hindi natin nakikilala kung sino 'yung government official na konektado sa kanila. Kahit ilang beses mo pa silang ipakulong, makakalabas at makakapag-operate pa rin ang mga 'yan. Kaya nga hintayin muna natin ang update ng private investigator ko. Ginagawa naman niya ang lahat para mapadali ang paghahanap. Kapag nakilala na natin ang malaking tao na konektado sa kanila, doon pa lang tayo makakagawa ng hakbang kung paano sila itutumba. Hindi mo puwedeng itumba ang isang organisasyon nang hindi nalalaman kung sino 'yung mas mataas na taong humahawak sa kanila!"

"Oo na sige na. Maghihintay na lang ako. Pero paano na si Maria Elena? Dahil nga doon sa nangyari, wala akong magawa ngayon para pigilan si Aaron sa pagbalik-balik sa mansyon. Lalo na't nagkakampihan sila ngayon ni Ma'am Glavosa. Pinagtutulungan nila akong dalawa! Hindi ko rin naman maisama si Maria Elena sa amin dahil siguradong hindi papayag 'yun."

"Wala tayong ibang magagawa kundi manahimik muna. Hangga't hindi pa kumpleto ang mga ebidensyang hawak natin, hindi tayo puwedeng sumugod nang walang bala. That's the best thing we can do for now."

Napayuko na lamang si Evandro. "Thank you, bro, for helping me. Sorry kung masyado akong nagpadalos-dalos. Nagmukha lang tuloy akong tanga roon na sumugod mag-isa, at hindi man lang pinag-isipan nang mabuti ang mga gagawin ko."

Natawa lang dito si Russell. "Pero sana man lang tinawagan mo pa rin ako. Para kahit papaano nasamahan kitang gulpihin ang lalaking 'yon. Kung nandoon lang siguro ako, baka sa kanya nangyari 'yan." Saka nito sinulyapan ang mga sugat at pasa niya sa mukha.

Natigilan lang sila sa pag-uusap nang lumapit na ang isang waiter sa table nila at inilapag ang isang malaking box ng Pizza.

NAPAISIP si Maria Elena kung sino ang panauhing naghihintay sa kanya sa labas. Kaya naman pagkatapos mag-ayos sa kuwarto ay bumaba na siya at sinunod ang sinabi ni Donya Glavosa na magpunta raw siya sa balkonahe.

Pagkarating nga niya roon, ang panauhing bumungad sa kanya ay si Aaron. Nandoon din ang matanda at saktong tumatayo sa kinauupuan, kaya naman madali na lang siya nitong nakita.

Wala na siyang nagawa nang tawagin siya ni Donya Glavosa at pinaupo sa harap ng lalaki. "Naisipan ka lang niyang bisitahin dahil nabalitaan niyang ilang linggo ka nang nagkukulong sa kuwarto," anito sa kanya.

Mabilis silang tinalikuran ng donya kaya siya ang naiwan doon kasama ang lalaking ito na panay ang ngiti sa kanya.

"Kumusta na, Maria Elena? Sorry, ha, kung ngayon lang ako nakadalaw. Alam mo kase, naging sobrang busy ako sa mga charity foundation na pinuntahan ko, eh!"

"Foundation?" matipid na tugon ni Maria Elena, wala pa ring kabuhay-buhay ang boses.

"Oo! Nag-volunteer kasi akong tumulong sa mga charity foundation malapit sa lugar namin. Nagpunta kami sa mga school para makiisa sa pag-aayos ng mga sira-sirang classroom. Nagpunta rin kami sa mga hospital para magbigay ng tulong sa mga cancer patients. Basta ang dami naming ginawa! Sayang nga, eh. Kung nandoon ka lang, siguradong mag-eenjoy ka nang sobra-sobra!" pagsisinungaling nito.

Mukhang nagtagumpay naman siyang mapaniwala ang babae. Dahil matapos marinig iyon ni Maria Elena ay bahagya itong ngumiti. "Ang tagal ko na ring hindi nagagawa 'yon. Sayang at hindi ako nakasama..."

Biglang nabuhayan si Aaron sa sinabing iyon ng babae. "Sabi ko naman sa 'yo, eh! Hindi ka kasi dapat nagkukulong sa kuwarto mo. Kaya sana puwede ka nang sumama ngayon sa lakad ko. Magsimba uli tayo sa amin para makita natin 'yung paring sinasabi ko sa 'yo na sikat ngayon sa social media."

Biglang nag-iba ang timpla ng mukha niya. "P-parang matagal-tagal na nga rin akong hindi nakakapagsimba."

"Naku, oo! Kaya dapat ngayon magsimba ka na para makalanghap ka uli ng sariwang hangin sa simbahan. Kailangan na kailangan mo iyon lalo na't may matindi kang pinagdadaanan. Nandito lang ako para samahan kang maka-recover sa lahat ng stress."

Di nagtagal ay nagawa na ring tumango ni Maria Elena. "Sige, sasama na ako."

Napasigaw ng "yes" si Aaron sa labis na tuwa. Saka nito bahagyang itinaas ang kaliwang kamao bilang tanda ng tagumpay.

Nagpaalam na muna siya rito para magbihis saglit sa taas. Pumayag naman ito at sinabing hihintayin na lang uli siya roon.

Naisip ni Maria Elena, kailangan na siguro niyang makalabas at makapagsimba para mabawasan din ang bigat na dinadala niya. Mula kasi nang maikasal siya, palagi lang siyang nagmumukmok sa kuwarto kaya parang naiwala na niya ang kanyang sarili. Sa ganitong paraan lang uli niya susubukang makabawi at maibalik ang dating siya.

Pasadong alas-tres ng hapon nang sila'y makarating sa loob ng simbahan. Kasisimula pa lang din ng misa nang mga oras na iyon. Medyo nanibago siya dahil ngayon lang uli siya nakalanghap ng sariwang hangin na pumapasok sa bawat pinto ng simbahan. Hindi gaya sa kuwarto niya na puro hangin ng aircon ang dumadampi sa balat niya.

Naaliw naman si Maria Elena sa kalagitnaan ng misa. Mapagbiro kasi ang bagong pari doon at marunong din gumamit ng mga Gen-Z words. Kaya siguro ganoon na lang ito kasikat ngayon sa social media. Ito ang pari na hinahangaan ngayon ng maraming tao sa online dahil sa aliw na naibibigay nito habang nagtuturo ng mga salita ng Diyos.

Pagkatapos naman nilang magsimba ay dinala siya ni Aaron sa Seven Eleven at pinakain ng miryenda. Habang nasa malayo ang atensyon niya, hindi na niya namalayan ang inilagay nito sa inumin niya. Masaya naman siyang pinagmamasdan ng lalaki habang kinakain ang mga nilibre nito sa kanya.

At nang matapos sila roon ay hinatid na siya ng lalaki sa mansyon. Bumaba na siya sa kotse nito at masayang nagpaalam.

"Maraming salamat, Aaron. Parang medyo lumuwag nga ang pakiramdam ko ngayon dahil nakapagsimba na akong muli."

"You're welcome, my friend! Basta kung gusto mong lumabas at magsimba, tawagan mo lang ako sa number na binigay ko sa 'yo, ha? I am your new friend, Maria Elena. Nandito lang ako lagi 'pag kailangan mo 'ko."

"Salamat talaga. Sige, mag-iingat ka na lang sa biyahe mo, ha?" Doon na niya tinapos ang usapan at isinara na ang pinto ng sasakyan. Tumuloy na siya sa loob habang isa-isa namang bumati sa kanya ang mga security guards nila.

Naabutan naman niya si Evandro na tila kanina pa naghihintay sa balkonahe. Nang makita siya nito ay ito na mismo ang kusang lumapit sa kanya.

"Mahal, buti at naisipan mong lumabas. Saan ka pala galing?"


"Sa simbahan."

"Oh, really? That's good! Pero bakit naman hindi mo 'ko sinama?"

"Dahil kasama ko naman si Aaron kanina. Siya na rin ang naghatid sa akin dito."

Napatda si Evandro sa narinig. "Si Aaron? K-kasama mong nagsimba?"

"Oo. Sige, magpapahinga na muna ako sa taas."

Nais pa sanang magsalita ng lalaki pero hindi na nito naibuka ang bibig matapos niya itong talikuran at dali-daling umakyat sa taas.

Pagkarating sa silid ay mabilis niyang kinandado ang pinto para hindi ito basta-basta makapasok kung sakaling sundan siya nito. Pagkatapos ay awtomatiko naman siyang napalingon sa mga bulaklak na bigay ng lalaki.

Ewan ba niya kung bakit niya ito ginagawa. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili ngayon. Malaki pa rin ang galit niya sa lalaki. Pero nagawa naman niyang itago ngayon ang mga huling bulaklak na binigay nito at idinisplay pa sa kuwarto niya.

Parang nasasayangan kasi siya kung itatapon pa niya muli iyon. Base pa lang sa hitsura at dami ng mga bulaklak, halatang mamahalin lahat ito. Parang napakasama naman niya kung sasayangin lang niya ang halaga nito. Kaya kahit hindi pa niya tanggap ang lalaki ay tinanggap na rin niya ang mga bulaklak na ito sa silid niya.

MAAGANG nagpahinga si Donya Glavosa sa kuwarto niya kahit medyo bata pa lang ang gabi. Hindi pa naman siya natutulog o inaantok. Nakasandal lang siya sa kama habang kausap si Aaron sa telepono. Nasa paanan naman niya si Marites at minamasahe ang mga tuhod niya.

"Huwag mo nga akong bola-bolahin. Kahit pinapansin kita ngayon, may kaunti pa rin akong tampo sa 'yo. Kung bakit mo pa kasi hinayaang masundan tayo ng Evandro na 'yon sa balwarte mo. Ayan tuloy, may nakakaalam na kung saan ka matatagpuan. Hindi ka na ganap na ligtas. Anumang sandali ay maaari kang ilaglag ng lalaking 'yon, pati na rin ako!"

"Pero, Madam, nakita mo naman 'yung reaksyon niya no'ng dumating ka 'di ba? Takot na takot sa 'yo! Siguradong wala nang gagawin 'yon laban sa atin. Natatakot na 'yon sa kung ano ang kaya mong gawin sa kanya kapag lumabag siya sa usapan."

"Lo que sea! Dahil d'yan dadagdagan ko na ang mga misyong ibibigay ko sa 'yo!"

"Hay nako. Hindi pa nga ako tapos sa misyon ko kay Maria Elena, dadagdagan n'yo na naman?"

"Madali lang naman ito. At sigurado akong kayang-kaya mo ito dahil expert ka rin dito."

"Ano na naman 'yon, Madam?"

"Kilala mo naman siguro ang bunso sa Tres Marias, hindi ba?"

"Ah, s-sino nga ulit 'yon? 'Yung sinasabi n'yong magaling magluto?"

"Nagluluto lang, hindi magaling. Pero oo, siya nga 'yon. Si Maria Lucia Iglesias!"

"Wow... Ano naman ang gusto n'yong gawin ko sa kanya?"


"Gahasain mo siya!" Bahagyang tumalim ang mga mata ng donya sa pagkakataong iyon.

Gulat na gulat naman ang lalaki sa kabilang linya. "Ano? W-whaaat?"

"Gusto ko, gahasain mo siya sa harap ng nobyo niya!"

"My God, Madam! Seryoso ba kayo d'yan? Hindi ba dapat kay Maria Elena ko gawin 'yan dahil siya ang nililigawan ko?"

"Iyan din ang unang nasa isip ko. Pero naisip ko lang din, si Maria Elena ang pinakamabait sa pamilya. Kaya naman siya ang gusto kong makita na maging masama. Gusto ko, siya naman ang mang-away sa sarili niyang pamilya. Sukang-suka na kasi ako kapag nakikita ko siyang inaapi ng ama at mga kapatid niya. Parang ang sarap siguro panoorin kapag siya naman ang tinubuan ng sungay at mang-aapi sa pamilya niya. Iyon ang gusto kong mangyari ngayon. Huwag mo na sila masyadong sirain ni Evandro. Mag-focus ka na lang sa kanya sa kung paano mo babaguhin ang ugali niya. Balutin mo siya ng iyong impluwensiya para magbago ang kulay ng kanyang puso. Kaya kay Maria Lucia mo na lang gawin ang panggagahasa na gusto ko. Sa harap ng boyfriend, ah!"

"Okay! Gets ko na 'yung kay Maria Elena. Pero 'yung kay Maria Lucia, paano ko naman gagawin 'yon? Nasaan ba silang dalawa? Ni hindi ko pa nga nakikita ang boyfriend niya!"

"Eh di maghanap ka! Bobo! Trabaho mo 'yan. Maghanap ng tao, dumukot ng tao, pumatay ng tao, lahat 'yan gawain mo kaya hindi ka na dapat nagtatanong pa!"

"O sige na, sige na, sige na nga! Pero teka lang, Madam. Paano naman pala 'yung isa mo pang apo? 'Yung Maria Isabel?"

"Ah, may inihanda na 'kong plano sa kanya. Medyo mahirap iyon kaya ako na ang bahalang tatrabaho roon. Basta ikaw, sina Maria Elena at Maria Lucia na lang ang ibibigay ko sa 'yo. Intiendes?"

"Si, Senyora! Kailan ba kita binigo?"

"Muy buena!" Saka niya tinapos ang tawag at ibinaba ang telepono.

Doon naman nagsalita si Marites sa kanya. "Seryoso ba kayo roon, Madam? Ipapagahasa n'yo si Maria Lucia kay Aaron?"


"Tama ang narinig mo, Marites."

"Pero bakit naman po? Ano ba'ng ginawa sa inyo ngayon ni Maria Lucia?"

"Wala naman. Napapansin ko lang kasi na laging wala rito ang bruhang iyon. Lagi na lang nasa bahay ng boyfriend niya. Kulang na lang doon na siya tumira. Sa tingin ko umiiwas siya sa akin dahil ayaw niya akong nandito. Kaya sige. Magpakasaya lang siya sa ibang bubong. Akala niya porket hindi ko binabanggit ang pangalan niya, wala na akong mga balak sa kanya. Basta ang gusto ko lang mangyari, lahat sila rito ay maging miserable ang buhay!"

"Ay taray! Pagawan na kaya kita ng korona bilang pinakamasamang kontrabida sa balat ng lupa?"

"Ayoko. Ang gusto kong korona, pinakamagandang babae sa balat ng lupa!"

"Ay siyempre naman, Madam! Ikaw ang pinakamaganda sa lahat ng gorilla!"

Nag-iba ang timpla ng mukha ng donya. "Ano'ng sinabi mo, Marites?"


"Ah, sabi ko po, gorilla! Kase 'di ba, 'yung mga gorilla malalaki ang katawan nila. Nakakatakot sila. At matatapang sila! Kaya sinabi kong kayo ang pinakamaganda sa lahat ng gorilla dahil isa kayong nakakatakot at matapang na babae!"

"Tigre o leon na lang sana ang ginamit mo, hindi gorilla! Boba! Magbibigay ka na nga lang ng compliment, mali-mali pa!"

"Ay, sorry naman po, Madam! Sige po, tigre na po!" Saka nito mas diniinan ang pagmasahe sa kanyang mga paa para mawala agad ang galit niya.

TAMANG hithit lang ng sigarilyo si Aaron sa loob ng kanyang opisina habang naka-de kuwatro nang pag-upo. Iniikot-ikot pa niya ang swivel chair at isa-isang pinagmamasdan ang mga kagamitan sa paligid. Nakasuot siya ng itim na coat pero walang panloob kaya kita ang matipuno niyang katawan.

Biglang bumukas ang pinto sa harap at iniluwa niyon ang babaeng natatakpan ng kadiliman sa labas. May kasama itong tatlong lalaki na nasa likuran naman nito.

Diniretso niya ang swivel chair sa harap ng lamesa at pinagmasdan nang mabuti ang mga ito. Pagpasok ng mga panauhin sa loob, ganap na tumama sa mga ito ang liwanag ng ilaw sa kanyang opisina. Si Senator Rebecca Suarez ang bumungad sa kanya, kasama ang tatlo sa mga tauhan nito.

Halos mahulog siya sa kinauupuan dahil sa gulat. Nalaglag pa ang yosi sa bibig niya. Dali-dali siyang tumayo at marahang nag-bow sa mga ito.

"Senator, kayo po pala 'yan! Napadalaw yata kayo? Magandang gabi po!" tarantang bati niya at mabilis na sinarado ang butones ng kanyang coat para bahagyang matakpan ang kanyang katawan.

Tumuloy sa paglalakad ang mga ito hanggang sa mahinto sa harap ng lamesa niya. Doon kinuha ng Senadora ang isang swivel chair at marahang umupo rito. Nanatili namang nakatayo ang tatlong tauhan sa likuran nito.

"Ang tagal na rin mula nang huli akong makadalaw rito. How's the business going?" Kumuha rin ito ng isang stick ng sigarilyo sa kaha niyang nakapatong sa mesa. Agad naman niya itong inabutan ng lighter.

"Our business is doing well, Senator. Patuloy pa ring tumataas ang revenue natin. At mas dumadami pa ang kumukuha ng supply sa atin hindi lang dito pati na rin sa mga karatig na bansa."

"That's good to hear! Meron ka bang isa d'yan? I just want to free my stress sa dami ng trabaho sa senate chamber." Saka nito marahang kinamot ang buhok.

"Meron pa yata akong naitago ditong isa." Isang maliit na plastic ng cocaine ang inilapag niya sa harap ng babae.

Habang nagkukuwento siya sa mga latest sa paligid nila, kasalukuyan namang hinahati ng Senadora sa apat na linya ang mga pulbura ng cocaine gamit ang blade. Pagkatapos ay isa-isa nito iyong sininghot na parang wala nang bukas. Napahinga pa ito nang malalim sa naramdamang sarap.

"There's this guy na sinubukan kaming itumba pero hindi siya nagtagumpay. At alam n'yo ba, sumugod pa talaga rito mag-isa! Akala mo superhero lang ang peg!"

"Sino naman 'yang tinutukoy mo?" tanong ng babae habang patuloy pa ring sumisinghot ng cocaine.

"Ah, there's nothing special about him naman, Senator. He's just a random enemy of mine. Ako na ang bahala sa kanya. I'll take care of him."

"Okay. Basta make sure na walang sasagabal sa takbo ng business natin."

"Sigurado 'yan, Senator! Ako pa ba?"

Nang magsawa sa kakasinghot ang babae ay muli itong humarap sa kanya. "Kaya nga pala ako nagpunta rito ay dahil may ipapagawa muli ako sa 'yo."


"I am ready, Ma'am Rebecca!"

"I need you to hack the system of Rise State Bank. May mga gusto lang akong nakawin na personal details."

"Alright, Senator! Just take a nap and I will do the magic for you!" pagkasabi niyon ay nagkangitian silang dalawa at sabay pang tumawa.

PAGBUKAS ng automatic door ay tumuloy-tuloy sa loob ng building sina Imelda at Donya Glavosa. Nasa unahan ang matanda. Siya naman ay nakasunod lang sa likuran nito. Niyaya lang siya nitong magpunta roon. Nagtungo sila sa loob ng elevator at ang donya mismo ang pumindot sa button.

Dinala sila niyon sa fifth-floor ng building. Pagbukas ng elevator ay bumungad sa kanila ang mahabang pasilyo patungo sa kaisa-isang opisina roon. Pagkarating nila roon, ang donya na mismo ang kumatok sa pinto, saka nito binuksan iyon at tumuloy sa loob.

Isa-isa naman itong binati ng mga empleyado roon na nakaharap sa kani-kanilang mga computer. Sa bandang dulo ng opisina ay may matabang babae na tumayo at lumapit sa kanila. Nakapula itong uniporme, nakasuot ng salamin, at naka-ponytail ang buhok. Mamula-mula rin ang mukha nito sa kapal ng makeup.


Ito ang unang bumati sa donya. "Buenos dias, Madam! Buti at napadalaw kayo? At wow! Kasama n'yo pala itong si... Ms. Imelda Iglesias, tama?" Saka ito lumingon sa kanya.

Masaya naman siyang tumango rito at nagbitaw na rin ng pagbati. "Buenos dias! Gracias por invitarnos hoy."

"Buenos dias, Cecille! Te ves tan bien hoy. Ang lusog mong tingnan ngayon," bati naman dito ni Donya Glavosa.

Napahagikgik naman ang babae. "Ikaw naman, Madam, ang ganda n'yo pa rin po ngayon!" pagbawi naman nito.

"Heto nga pala si Cecille Manansala. Isa sa mga long-time friend ko. Siya ang may-ari ng call center na ito," anang matanda sabay tingin sa kanya.

Muli naman niyang tinanguan ang babae at nakipagkamay rito. "Nice to meet you, Cecille! Encantado de conocerte."

"Nice to meet you din po, Ms. Imelda! The loving wife of Governor Felipe Iglesias and the beautiful mother of Tres Marias!" masiglang tugon nito sa kanya at malumanay na tinanggap ang kanyang kamay.

"Ano nga pala ang maipaglilingkod ko sa inyo, Madam?" baling naman nito sa donya.

"Nabanggit mo pala sa akin na naghahanap kayo ng janitor dito, right?"

"Ah, yes, Madam! Bakit, may maire-recommend ka ba?"


"Oh, yes! Here she is! The one and only, Imelda Iglesias! She can be your janitress!" Bahagya pang nilakasan ng matanda ang boses kaya napalingon sa kanila ang ilang mga empleyado.

Parehong nagulat sina Imelda at Cecille sa itinuran nito. Napakalbit tuloy siya sa balikat ng matanda. "Mama, a-ano'ng ibig sabihin nito?"

Pabulong naman itong sumagot sa kanya at bahagyang inilapit ang bibig sa tainga niya. "May usapan tayo na ibibigay mo sa akin ang buong katapatan mo. At susundin mo rin ang lahat ng gusto ko. Heto na 'yun. Heto ang unang pabor na hihingiin ko sa 'yo. Gusto kong ikaw ang maging janitress sa kumpanya ng kaibigan ko."

Parang gustong sumabog ng ulo niya pero pilit lang niyang pinigilan para hindi makaabala sa mga empleyadong tahimik na nagtatrabaho. Saglit siyang nagpaalam kay Cecille at marahang hinila ang matanda palayo.

"Seryoso ba kayo sa sinasabi n'yo, Mama? Bakit naman ganyan? Ano na naman ba ang ginawa ko? Akala ko ba okay na tayong dalawa?"

"Okay na nga tayo! Bakit, ano ba'ng nangyari? Ang natatandaan ko lang, nangako kang susundin ang lahat ng gusto ko kapalit ng pagtulong ko sa 'yo para labanan si Felipe. May ginagawa na nga akong hakbang ngayon para si Maria Elena naman ang makaganti sa ama at mga kapatid niya. Bakit ngayon, nagrereklamo ka?"

"Hindi naman po sa ganoon. Kaya lang... B-bakit n'yo naman ako ipapasok na janitress dito? Ano na lang ang sasabihin sa akin ng mga tao?"


"Bakit? Ano ba ang pinapalabas mo? Na mas mataas ka sa kanila kaya ayaw mong magtrabaho? O dahil mababa ang tingin mo sa mga janitor? Akala ko ba santa ka tulad ni Maria Elena? Na hindi marunong tumingin nang mababa sa mga tao?"

"Mama..." Nagsisimula nang manginig ang boses niya. Malapit na ring mangilid ang mga luha niya. "Hindi ko naman sinasabing mas mataas ako sa kanila. At hindi rin mababa ang tingin ko sa ganitong uri ng trabaho. Kaya lang, b-bakit naman ako pa ang kailangan n'yong ipasok dito? Bakit ako pa?"

"Dahil may kasunduan tayo! Na susundin mo ang lahat ng gusto ko, at sa akin lang ang katapatan mo! Kaya kung gusto mong hindi ko kayo ilaglag ni Orlando kay Felipe, tatanggapin mo ang trabahong ito. Saka wala kang dapat ipangamba. Matalik na kaibigan ko 'yan si Cecille. Mabait sa mga empleyado 'yan! Hinding-hindi ka n'yan pababayaan!"

Hindi na napigilan ni Imelda ang pagpatak ng mga luha kaya saglit siyang tumalikod at mabilis iyong pinunasan. Pagkatapos ay humarap muli siya sa matanda at nagmistulang maamong tupa.

"Mama naman... Huwag n'yo naman po ako parusahan nang ganito... Ipagawa n'yo na po ang lahat huwag lang ito..."


"Hay nako! Tumigil ka sa mga kaartehan mo, Imelda! Baka nakakalimutan mo, dati ka naman talagang janitress. Nabighani lang sa 'yo si Samuel at naawa kaya ka niya niligawan at dinala sa mansyon. Ganda lang ang meron sa 'yo! Wala kang kahit ano! At lahat din ng mga diamante, bags, at luho na tinatamasa mo ngayon ay dahil din kay Samuel! Ang lalaking niloko mo at pinagpalit mo sa walang kuwentang si Felipe! Hindi pa ako nakakaganti sa 'yo roon. Kaya tatanggapin mo ang trabahong ito kung gusto mong mabawasan ang kasalanan mo sa akin!"

Sa puntong iyon ay hindi na magawang lumingon ni Imelda kay Cecille pati sa mga empleyadong nasa paligid. Laksa-laksang kahihiyan na ang tinamo niya. Parang gusto na niyang lumubog sa kinatatayuan.

Ang donya naman ang humila ngayon sa kanya patungo kay Cecille. "Pumapayag na siya para maging janitress n'yo, Cecille. Magaling siyang magmalinis, este, maglinis. Hindi kayo magsisisi sa kanya. Tanggapin mo na siya!"

Nangunot ang noo ni Cecille at muling napasulyap sa kanya. "M-Madam... S-sigurado ka ba d'yan? Si Ms. Imelda talaga ang ipapasok n'yong janitress sa amin?"

"Don't worry about her, Cecille. Hindi nakakababa sa pagkatao niya 'yon. Siya na mismo ang nagsabi na pantay-pantay ang tingin niya sa lahat ng tao at hindi rin mababa ang kanyang tingin sa ganitong uri ng trabaho. Kaya hindi na problema sa kanya ang maging janitress! She's a woman with a pure heart!"

"Aaahhh..." Napaurong na lang ang dila ni Cecille at inimbita silang lumapit sa table nito para mas makapag-usap nang mabuti.

Halos hindi na makahinga si Imelda sa bilis ng kabog ng dibdib niya. Parang hihimatayin na siya. Bawat segundong lumilipas ay lalong binubugbog ng kahihiyan ang buong pagkatao niya.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro