Chapter 25: Ang Panganib
NADATNAN ni Imelda si Donya Glavosa na nagpapahangin sa balkonahe. Naglakas-loob siyang lapitan ito at bahagyang umubo upang maagaw nito ang atensyon ng matanda.
Awtomatiko naman itong humarap sa kanya at tumitig nang diretso. Naghihintay sa kung anuman ang sasabihin niya.
"Mama, a-alam kong hindi tayo magkasundo. At alam kong ayaw mo rin sa akin. P-pero..."
"Balita ko nag-away raw kayo ni Felipe noong nakaraan. Ang lalakas daw ng mga boses n'yo."
Napalunok siya ng laway at mabilis na yumuko. "Iyon na nga po sana ang sadya ko sa inyo, Mama. Aaminin ko, hindi na maganda ang samahan namin ni Felipe. Tanggap ko naman iyon dahil alam kong may kasalanan din ako. Pero hindi ko lang kasi nagustuhan 'yung ginagawa niyang pananakit kay Maria Elena. Hindi naman po siguro tama na manakit siya ng babae 'di ba? Gaya ng kung paano niya ako sinaktan noon at ikinulong ng halos isang taon. A-ayoko pong mangyari kay Maria Elena iyon..."
"Kaya nga hindi ko maintindihan kung bakit nagtitiis ka pa sa kanya," pakli ng matanda at naupo sa isang tabi sabay buka sa hawak na abanico. "Ilang beses na kitang sinabihan na wala nang magandang mangyayari sa relasyon n'yo kaya hiwalayan mo na siya. Para nang sa ganoon ay mabawasan na rin ang mga taong kinamumuhian ko rito sa mansyon. Handa pa nga kitang bayaran para lang lumayas dito 'di ba? Ikaw lang itong manhid at todo tanggol pa rin sa lalaking iyon kahit nagmumukha ka na lang tanga sa pagmamahal sa kanya."
"Mama, wala ho akong balak makipagtalo sa inyo. Lumalapit po ako para ibaba ang sarili ko at kausapin kayo nang maayos. Bilang inyong suegra, nais kong humingi ng payo kung ano ba ang dapat kong gawin para maipagtanggol ko si Maria Elena sa kanya. Sa nakikita ko kasi, balak niya talaga itong saktan sa kaparehong paraan ng pananakit niya noon sa akin. Alam kong ayaw n'yo rin kay Felipe kaya nakatitiyak akong may maibibigay kayong mungkahi sa akin kung paano ko siya lalabanan. Hindi ko na rin ho kasi gusto ang inaasal niya. Pareho na tayong may galit sa kanya ngayon." Kinakabahan siya sa mga binitawang salita. Nagbabakasakali siya na makuha ang loob ng matanda sa ganitong paraan upang maging kapanalig din niya ito laban kay Felipe.
Napatingin sa ibang direksyon ang donya. "Bakit mo ba sinasabi iyan? Bakit parang gusto mo nang mawala si Felipe sa buhay mo? Dahil ba may iba ka na?"
"Mama. Paano n'yo naman nasabi 'yan?"
Tumayo ang matanda sa pagkakataong iyon at lumapit sa kanya. "Alam ko rin ang tinatago mong baho, Imelda. Alam kong nakikipagkita ka muli ngayon kay Orlando."
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Imelda. Hindi niya pinahalata ang kanyang gulat at pinilit niyang naging kalmado. Buong lakas niyang pinigilan ang panginginig ng mga kamay.
"M-Mama... H-hindi po totoo iyan..."
"Magsinungaling ka na sa Diyos, huwag lang sa akin, Imelda. Alam kong nagkakamabutihan kayong muli ni Orlando. Siya ang dahilan kaya ka binugbog ni Felipe at kinulong ng isang taon, hindi ba? Dahil sa iyong pangangaliwa! Iniwan mo si Samuel para kay Felipe. Ngayon, balak mong iwanan si Felipe para kay Orlando? Anong klase kang babae? Hindi ka ba makuntento sa isang lalaki? Ganyan ka na ba kalandi? Ilang suklay ba ang kailangan kong ibigay sa 'yo para mahinto ang pagiging makati mo?"
Muling napamulagat si Imelda sa takot. Hindi niya alam kung paano iyon nalaman ng matanda. "Mama naman. B-bakit n'yo naman po sinasabi 'yan..."
Dinukot ng donya ang cellphone sa bulsa at pinakita sa kanya ang ilang mga larawan nila ni Orlando sa iba't ibang mga lugar na kanilang pinasyalan. Hindi siya makapaniwala sa mga nakita. Tuluyang umurong ang kanyang dila at wala na siyang masabi pa.
"Hindi mo maitatago sa akin ang pinakaiingat-ingatan mong baho, Imelda. Kung inaakala mong santa ka katulad ng anak mong si Maria Elena, nagkakamali ka. Ang totoo, pareho lang kayo ni Felipe. Ang pinagkaiba lang, siya ay ganap na demonyo. Ikaw, nagbabalatkayo! Nagpapanggap na anghel kahit may itinatagong sungay!"
Nagsimula nang mangilid ang mga luha niya. Ngayon ay labis na niyang pinagsisisihan kung bakit pa niya kinausap ang matanda. Hindi na tuloy niya alam ang gagawin kung paano makakatakas sa conversation nilang iyon na habang tumatagal ay lalong nagpapasikip sa dibdib niya.
"Pero huwag kang mag-alala. Hindi kita isusumbong kay Felipe. Sa isang kondisyon..."
Doon siya tila nabuhayan ng loob. "A-ano pong kondisyon, Mama?"
"Mula ngayon sa akin mo na ipagkakaloob ang buong katapatan mo. Susundin mo ang lahat ng gusto ko."
"A-ano po ba ang gusto n'yo, Mama? Sabihin n'yo lang!"
"Hindi ko pa sasabihin ngayon. Malalaman mo rin. Basta ang gusto ko, sa akin lang ang iyong katapatan. Te quedó claro?"
Napaluhod siya sa harapan nito para lang makuha ang buong loob ng matanda. "Makakaasa ho kayo, Mama. Nasa inyo na ngayon ang buong katapatan ko. Tulungan n'yo lang akong maprotektahan si Maria Elena laban kay Felipe."
Gumuhit ang mapanuksong ngiti sa mga labi ng donya. Sa wakas ay gumagana na ang mga plano nito. Nagagawa na nitong paikutin ang pamilyang ito para sirain ang bawat isa sa kanila. Ang gusto lang nito ay magkagulo silang lahat.
PAGGISING ni Maria Elena, nasilaw agad siya sa liwanag ng araw na tumatama sa oversized glass window ng kanyang silid. Kinusot niya ang mga mata at inunat ang katawan. Saka siya unti-unting bumangon at ganap na idinilat ang mga mata.
Ganoon na lamang ang pangungunot ng noo niya nang makita ang pagkarami-raming bulaklak at tsokolateng nakakalat sa kama niya. Mayroon din sa mesang nasa tabi niya.
Kasunod naman niyon ang pagbukas ng pinto. Iniluwa nito si Evandro na may dala-dalang tray ng pagkain para sa kanya. Nakasando pa itong puti at isang fitted black jeans ang nasa pang-ibaba. Ang aga naman nitong bumisita sa bahay nila. Nakatingin lang siya rito. Hindi niya alam kung paano ito babatiin.
"Isang masarap na agahan para sa pinakamamahal kong asawa..." Saka nito inilapag sa ibabaw ng kanyang mga hita ang bed tray na naglalaman ng mga pagkaing karaniwan nilang kinakain sa umaga.
"Si Aling Susan ang nagluto nito para sa 'yo. Pinahatid niya lang sa akin para hindi mo na kailangang bumaba sa dining. Nandoon kasi ngayon sina Maria Isabel, eh."
Matagal niyang pinagmasdan ang pagkain. Hindi pa rin niya alam kung ano ang isasagot sa lalaki. Kung kakausapin ba niya ito o mananatili lang siyang pipe hanggang sa magsawa ito.
"Nga pala, sana magustuhan mo itong gifts ko sa 'yo." Saka nito itinuro ang mga bulaklak at tsokolateng inihanda nito kanina sa kama niya habang tulog pa siya.
"Hindi ka na sana nag-abala pa." Ngayon pa lang ay pinagsisisihan na niya kung bakit pa sinabi iyon. Magkakaroon lang tuloy ng dahilan ang lalaki para magsalita pa.
"Alam kong hindi mo pa ako tanggap ngayon. Pero ipinapangako ko sa 'yo, balang araw ay mararamdaman mo rin ang kakaibang ligaya ng isang mabango at matamis na pag-ibig. Kaya iyan ang naisipan kong ibigay sa iyo. Bulaklak na kasing bango ng malinis na pag-ibig at chocolate na kasing tamis ng pagmamahal ko sa 'yo."
Napayuko na lang muli siya at inawat ang sariling bibig na makapagsalita pa. Sinimulan na lang niyang kainin ang kanyang almusal.
"Sige, lalabas na muna ako para hindi ka mailang sa akin habang kumakain ka. Enjoy your breakfast, Maria Elena. I love you!"
Muntik na siyang mabulunan sa sinabing iyon ng lalaki. Mabuti na lang ay nakalabas na ito ng pinto bago niya pinakawalan ang kanyang pag-ubo.
PAGKABABA ni Evandro sa living room ay naabutan niyang paalis si Donya Glavosa at may kausap sa telepono. Wala sana siyang balak na pansinin ito pero nang marinig niyang binanggit nito ang pangalan ni Aaron ay natigilan siya. Palihim siyang sumunod dito sa pinakatahimik na paraan.
"Hindi na kailangan, Aaron. Ako na ang pupunta d'yan. Paalis na rin ako," anang donya sa kabilang linya.
Hinintay lang niyang makalabas ng mansyon ang matanda. Saka siya naghanap ng mapagtataguan habang nagmamasid dito. Sa halip na tawagin ang personal driver at gamitin ang sarili nilang sasakyan, nag-abang na lamang ito ng taxi sa labas.
Nang magsimula nang umandar paalis ang taxi ay dali-dali naman siyang lumabas ng gate at sumakay ng kanyang Ferrari. Palihim niyang sinundan kung saan pupunta ang taxi na iyon.
Mahigit isang oras din ang itinagal ng biyahe. Huminto ang taxi sa tabi ng isang bakanteng eskinita. Napaliligiran iyon ng mga pader na punong-puno ng sulat-kalye.
Sa ibang direksyon siya nag-park para hindi makita ng matanda. Bago siya bumaba ng sasakyan ay sinuot na muna niya ang black long sleeve na nakasabit sa sandalan niya. Saka niya mabilis na ibinulsa ang cellphone at palihim na sinundan ang donya sa eskinitang iyon.
Hinintay muna niyang makalayo ito. Nang makita niyang lumiko na ito ng direksyon ay doon pa lang siya naglakad papasok sa eskinita. Naging maingat siya sa bawat kilos. Sinigurado niyang hindi lilikha ng ingay ang kanyang mga paa upang hindi ito makahalata.
Ang layo ng nilakad nila. Ang dami niyang mga eskinitang pinagdaanan bago siya napadpad sa harap ng isang napakalaking headquarters na umaabot hanggang limang palapag. Tulad ng mga pader sa paligid, may kalumaan na rin ang gusaling iyon at punong-puno ng vandalism sa bandang harapan.
Sa sobrang layo ng kanyang nilakbay, masasabi niyang medyo tago na sa pampublikong lugar ang building na ito. Kung anuman ang mangyari o nangyayari dito ay hindi agad makikita o mapapansin ng kahit na sino.
Nakita niyang dumaan ang matanda sa likod ng lumang gusali. Hinintay lang uli niyang makalayo ito saka siya sumunod doon habang dahan-dahan pa rin ang pagkilos.
Sa di kalayuan ay naaninag niya itong lumiko pakaliwa. Doon niya bahagyang binilisan ang paglakad hanggang sa marating na niya ang dulo niyon.
Hindi pa man siya nakakaliko ay narinig na niya ang boses nina Donya Glavosa at Aaron. Masayang nagkukumustahan ang dalawa.
"Nag-enjoy ako sa mga lalaking binigay mo sa 'kin doon sa club. Ang gagaling nilang sumayaw lahat. Pero siyempre, mas magaling ka pa rin!"
Ang lakas ng tawa ni Aaron. "Ayun, buti naman, Madam! Akala ko'y ipagpapalit mo na ako sa kanila, eh!"
"Puwede ba naman 'yon? Somos socios en el crimen!"
Nagtataka si Evandro sa pinag-uusapan nila. Naisipan niyang sumilip nang bahagya. Napamulagat siya sa nakita. Si Donya Glavosa, biglang humalik sa mga labi ni Aaron! Wala namang pag-aalinlangan dito ang lalaki. Nakipaghalikan ito na para bang kasing edad lang nito ang matanda.
Agad niyang dinukot ang cellphone at lihim iyong kinuhanan ng litrato at video. Ito na ang pagkakataon niya para mahanapan ng matibay na ebidensya ang lalaking ito sa mga itinatago nitong kalokohan kasama ang donya.
Mayamaya pa, huminto na ang dalawa sa ginagawa at sabay na pumasok sa loob habang nakaakbay pa ang lalaki sa balikat ng matanda.
Saglit niyang hininto ang recording at maingat na sinundan ang mga ito. Hinayaan muna niyang makalayo ang dalawa bago siya tumuloy sa loob. Naging mapagmasid siya sa paligid. Tiniyak niyang walang mga nakakalat na tauhan doon.
Sunod siyang dinala ng mga paa sa harap ng isang silid na walang pinto kung saan pumasok ang dalawa. Itinago niya ang sarili sa gilid ng sira-sirang bintana. Saka niya muling kinuhanan ng video ang mga ito.
Nakita niyang umupo sa harap ng mesa ang lalaki habang ang donya naman ay doon sa malambot na sofa pumuwesto.
"May mga bagong dating nga pala ngayon, Madam. Good item din 'to!" Binuhat ng lalaki ang isang malaking suitcase at inihiga sa lamesa. Pagkabukas nito roon, tumambad ang libu-libong mga droga na nakalagay sa maliit na plastik. May mga tatak pa iyon ng mukha ng dragon na may yosi sa bibig.
Bahagyang ini-zoom ni Evandro ang video at itinutok sa mga drugs. Saka niya ito ibinalik sa dati at muling kinuhanan ang dalawa habang nakapatong pa rin sa lamesa ang suitcase na iyon.
"Kailan ka ba kukuha ulit sa akin?" tanong ni Aaron sa matanda.
"Kaka-order ko pa lang no'ng nakaraan. Hindi pa nga naubos 'yung mga kinuha ko sa 'yo. Pag-iisipan ko pa kung saan ko naman gagamitin 'yun. Ang papangit kasi ng mga lalaki rito sa Pinas. Bihira lang ang mga guwapong gaya mo."
"Ito namang si Madam nambola pa! Pero salamat! Kumusta na pala sa mansyon?" Sa pagkakataong iyon ay isinara na ng lalaki ang suitcase at muling ibinaba sa ilalim ng lamesa.
"Wala namang pagbabago. Magulo pa rin naman, gaya ng gusto kong mangyari." Saka ibinuka ang hawak na abanico at ipinaypay sa sarili.
"Si Maria Elena naman, kumusta?"
"Palagi pa ring nasa kuwarto. Nagkukulong. Malungkot. At hindi pa rin tanggap ang sarili niyang asawa."
Napalunok ng laway si Evandro at ipinagpatuloy lang ang pagbi-video habang malikot ang paningin sa paligid.
"Bibisita nga pala ako sa kanya bukas. Baka naman puwede mong gawan ng paraan para mapalabas siya sa kuwarto. Hindi kasi ako makapunta sa kanya dahil lagi akong hinaharangan no'ng kumag na lalaking 'yon, eh."
"Titingnan ko kung ano ang magagawa ko. Saka hindi ko rin naman alam kung anong oras bibisita bukas ang asawa niya. Paiba-iba kasi ng schedule 'yon."
"Basta sana mapalabas n'yo siya ng kuwarto at madala n'yo sa akin. Kahit sawang-sawa na akong pumasok ng simbahan, doon ko uli siya dadalhin para makuha ko ang loob niya."
"Ako na ang bahala. Lalo na't hawak ko na rin ngayon sa leeg ang ina nilang si Imelda. Madali na lang pasunurin ang mga iyan."
Saglit na nahinto ang usapan ng dalawa nang tumunog ang telepono sa tabi ni Aaron. Agad naman iyong sinagot ng lalaki. Narinig niyang may kausap itong tila makapangyarihang tao. Dinig na dinig niya kung paano galangin ng lalaki ang taong iyon na para bang mas mataas pa ito rito bilang leader ng Dragon Breath.
"Ipapa-deliver ko na po agad iyon mamaya sa kanila para maihabol. 'Yung iba nasa customs na no'ng nakaraang araw pa, at on the way na sila ngayon sa destination nila sa China."
Base sa naririnig niya, tila may kinalaman din sa droga ang pinag-uusapan ng mga ito. Pagkatapos ng tawag ay narinig niyang nagpaalam si Aaron sa matanda. Saka ito tumayo sa kinauupuan at akmang lalabas.
Mabilis niyang tinapos ang recording at naghanap muli ng ibang mapagtataguan. Sa likod ng malalaking kahon siya kumober. Mahigit kalahating oras siyang nakatago roon bago siya nakarinig ng ingay. Bahagya niyang inangat ang ulo at muling sumilip sa mga ito.
Bumulaga sa kanya ang naglalakihang mga kahon at package na inilalabas ng mga tauhan. Marahil ay iyon ang tinutukoy ng lalaki sa tawag na balak nitong ipuslit sa kung saan. Nakatitiyak siyang mga droga rin ang laman ng mga iyon.
Muli niyang kinuhanan iyon ng video at mga litrato. Ang dami na niyang nakokolektang mga ebidensya sa lugar na ito na magagamit niya laban sa lalaki, pati na rin sa donya.
Dahil sa dami ng mga tauhang nagsilabasan sa paligid ay hindi na siya nakalabas sa pinagtataguan. Hanggang sa makaalis na lang ang matanda ay nananatili pa rin siyang nakasiksik sa sulok habang napaliligiran ng malalaking mga kahon.
Pagtingin niya sa screen ng cellphone, lampas nang alas-siete ang nakasaad na oras. Ganoon din ang oras na ipinapakita ng wrist watch niya. Doon lang niya napagtanto kung gaano na pala siya katagal nagtatago roon.
Tahimik na rin sa paligid nang mga sandaling iyon. Nakapatay na ang ibang mga ilaw at wala na siyang naririnig na yabag ng mga paa. Doon pa lang siya lumabas ng pinagtataguan at naging malikot ang paningin sa paligid.
Nang makasiguradong wala na talagang tao ay saka pa lang siya tahimik na tumakbo patungo sa exit door. Ngunit bago pa siya tuluyang makalabas doon ay bigla namang bumulaga si Aaron kasama ang sampu sa mga tauhan nito. Lahat sila ay may mga suot na bakal sa kamay habang nakangisi sa kanya.
Tumatawa ang lalaki habang pumapalakpak sa kanya. "Ang galing mong magtago, pare! Akala mo yata hindi ka namin nakikita sa CCTV, ah? Pinagbibigyan lang kita kanina!"
Hindi naman siya nagpakita ng takot dito. "Bistado na kita, Aaron. Pati 'yung nakakadiring sikreto n'yo ng magaling mong amo. At balak mo pa talagang dalawin si Maria Elena bukas? Pasensiyahan na lang tayo. Hindi ka na makakalapit sa mansyon ng mga Iglesias kahit sa gate pa lang, sinisigurado ko 'yan!"
Napailing lang ang lalaki habang patuloy na tumatawa. "Tama na nga 'yan! Kung gusto mong makalabas pa ng buhay rito, ibigay mo na lang sa 'kin ang cellphone mo."
"Bakit? Wala ka bang sariling cellphone?"
Pinandilatan siya ni Aaron. "Ano ka ba! Enjoy na enjoy ka kaya kanina habang nire-record kami! Baka nga nalibugan ka pa sa kissing scene namin ni Madam, eh! Kaya akin na! Ibigay mo na para wala nang problema."
"Sige, kunin mo kung kaya mo." Saka niya isiniksik ang cellphone sa loob ng brief niya.
Nagkatinginan sina Aaron at ang mga tauhan nito. "Ano sa tingin n'yo? Mukhang hinahamon yata tayo ng kumag na 'to, eh?"
"Ibigay mo na siya sa amin, boss. Kami na ang bahalang magturo ng leksyon d'yan." Saka itinaas ng tauhan ang kamay nitong may suot na bakal.
"Alright! Paano na 'yan, Evandro? Mukhang kailangan mo nang bumili ng kabaong para may mahigaan ka na mamaya pag-uwi mo." Dahan-dahang umatras ng pagkakalakad si Aaron at hinayaan nang sumugod ang mga tauhan nito sa kanya.
Isa-isa niyang tinapunan nang tingin ang sampung kalalakihan. Ang isa rito ay lubhang mataba at mas malaki sa kanya. Saka siya tumango nang mabagal sa mga ito. Hindi na siya nagsalita. Pero itinaas na rin niya ang mga kamao bilang pagdedeklara na handa na rin siyang lumaban.
Nag-unahan ang mga ito sa pagsugod sa kanya. Bawat makasalamuha niya ay pinaulanan niya ng mabibigat na mga suntok. Saka niya pinagbubuhol ang kamay ng mga ito at sabay-sabay silang inihagis pabagsak sa lupa hanggang sa magkabali-bali ang kanilang mga buto.
Pagkasugod naman ng iba, hindi rin niya pinatawad ang mga ito sa mabibilis niyang mga atake. Halos wala silang magawa para depensahan ang kanilang mga sarili. Bawat suntok at sipa na kanyang pinakawalan ay nagpapatalsik naman sa kanilang mga dugo sa ilong at bibig. Binuhay niya ang nagtatagong dragon sa kanyang pagkatao.
Tatlong magkakasunod na round kick ang pinakawalan niya sa mukha ng isang lalaki na nagpahilo agad dito. Sinalubong naman niya ng limang magkakasunod na uppercut punch ang pangalawang lalaki saka lumundag sa ere at binigyan ito ng flying kick sa mukha. Nagdilim agad ang paningin nito.
Isang mabangis na elbow strike ang ibinigay niya sa pangatlong lalaki at nang mapaatras na ito, pinatumba niya agad ito sa pamamagitan ng double leg takedown.
Hindi niya namalayan ang pang-apat na lalaking sumipa sa likuran niya at mabilis na binihag ang kanyang leeg sa dalawang braso nito. Saka siya nito binuhat at ibinalibag sa lupa.
Nang matumba siya ay mabilis itong pumatong sa kanya at tinadtad siya ng suntok sa mukha. Binihag naman niya ang baywang nito gamit ang dalawa niyang hita saka siya nagpakawala ng sunod-sunod na offense strike gamit ang kanyang mga siko.
Nang makabawi sa pagtayo ay mabilis niya itong binuhat at inihagis sa iba pang mga tauhan na susugod pa lamang sa kanya. Pare-pareho silang natumba at dumadaing ng sakit sa katawan.
Ang natitira na lang ngayon ay ang matabang lalaki na mas malaki at mas matangkad sa kanya. Halos kasing taba ito ng mga sumo wrestlers. Nagbabaga rin ang mga mata nito habang pinalulutok ang mga buto nito sa kamay.
Nang akma na itong lumapit ay sinubukan niya itong paulanan ng kanyang mga suntok pero hindi man lang ito natinag. Tumatalbog lang sa katawan nito ang bawat atake niya.
Ito naman ang nagpakawala ng magkakasunod na suntok sa kanya. Halos umikot ang ulo niya sa tindi ng impact at hindi niya kinaya ang malakas na pagtulak nito sa kanyang katawan. Natilapon siya palayo at nabagsakan ng mabibigat na kahon sa paligid.
Pero hindi siya nagpatinag. Pinilit niyang bumangon at pinagpag ang nararamdamang sakit sa katawan. Nang tumakbo na ang matabang lalaki para sumugod muli sa kanya, sumampa naman siya sa mga kahon at nilundagan ito hanggang sa mabihag niya ang leeg nito sa pagitan ng mga hita niya.
Sa tindi ng impact ay pareho silang natumba sa lupa pero agad din siyang nakabawi. At dahil sa bigat ng katawan nito ay hindi agad ito nakatayo. Iyon ang ginamit niyang pagkakataon para bagsakan ito ng sunod-sunod na suntok hanggang sa pumutok ang mga labi nito.
Nang maramdaman niyang hindi na nito kayang lumaban ay doon pa lang niya ito tinigilan. Ang talim ng pagkakangisi niya habang pinagmamasdan ang mga tauhang napataob niya nang walang kahirap-hirap.
Pinunasan lang niya sa hintuturong daliri ang dugo sa gilid ng kanyang mga labi saka inayos ang buhok gamit ang palad niya. Ngunit bigla siyang natigilan nang maramdaman ang matulis na bagay na bumaon sa gilid ng leeg niya.
Hindi na niya namalayan si Aaron na nasa kanyang likuran at hawak ang injection na itinarak nito sa kanya. Mabilis na umikot ang kanyang paningin hanggang sa mapaluhod siya sa labis na pagkahilo. Sinubukan pa niyang lingunin ang kinaroroonan ng lalaki kahit hindi na niya ito nakikita nang malinaw.
At bago pa siya makagawa ng kahit anong aksyon ay unti-unti nang bumagsak ang katawan niya sa lupa. Makalipas ang ilang sandali, hindi na niya namalayan ang paglapit sa kanya ng lalaki dahil tuluyan na siyang nawalan ng malay.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro