Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 22: Sigawan at Bangayan

"DITO ako madalas nagtatrabaho kapag tinatamad akong pumunta sa opisina. Di hamak naman na mas malaki ang opisina kong ito kaya mas komportableng magtrabaho rito," ani Don Felipe habang inililibot si Evandro sa home office nito sa ikatlong palapag ng mansyon.

Tumango-tango lang ang lalaki. "Naipakita na rin po sa akin ito ni Maria Elena noong i-tour niya ako rito."

Patuloy pa rin silang naglalakad-lakad sa paligid. "Puwede mo rin gamitin ito kung gusto mo. Marami ka namang mapupuwestuhan dito. Dahil mag-asawa na kayo, welcome na welcome ka na sa aming tahanan. Puwede ka ring matulog dito para masamahan mo ang asawa mo."

"Salamat po, Sir Felipe. Gagawin ko po ang lahat para mabigyan ng sapat na oras at panahon ang asawa ko. Babalansehin ko po ang aking trabaho at responsibilidad sa kanya."

"Papa na lang ang itawag mo sa akin. Parte ka na rin ng pamilya, Evandro." Saglit na nahinto ang matanda. "Ano na nga pala ang plano mo sa inyong dalawa? Balak mo bang bumukod ng tahanan? Mas maganda iyon para magkasama kayo sa iisang bubong at mas mabilis ka niyang matanggap."

"Depende kung ano po ang gusto niya, Papa. Kailangan ko muna siyang tanungin tungkol d'yan. Kung ano kasi ang gusto niya, iyon lang din ang gagawin ko."

Natawa si Don Felipe, saka tinapik sa balikat ang lalaki. "Alam mo, Evandro, hindi dapat sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong hingiin ang opinyon ng iyong asawa. Tayo ang mga lalaki. Tayo dapat ang nangunguna sa pagpapatupad ng mga desisyon. Kapag kasi 'yung gusto lang niya ang lagi mong pinakikinggan, magiging under ka lang ng isang babae. At iyon ang ayaw nating mangyari, hindi ba?"

Natawa rin ang lalaki roon. "Alam ko naman po ang tungkol doon. Kaya lang, sa sitwasyon kasi namin ngayon, hindi ko muna puwedeng pangunahan si Maria Elena. Baka lalo lang po lumayo ang loob niya sa akin. Kailangan ko ho munang pakinggan ang lahat ng gusto niya hanggang sa unti-unti niya akong matanggap. Kailangan kong maipakita na hindi ako kagaya ng iniisip niya at malinis ang intension ko sa kanya."

"Nauunawaan ko," tumatangong tugon niya, saka binitawan ang balikat ng lalaki. "Basta patuloy mo lang siyang suyuin. Sakyan mo siya sa lahat ng gusto niya. Palagi mo siyang dadalawin dito para masanay siya sa presensya mo. Gusto ko na talagang magkalapit na kayo upang mabigyan n'yo na ako ng apo."

Sabay silang natawa pagkatapos niyon.

"Huwag po kayong mag-alala, Papa. Nasa aming mga kamay ni Maria Elena ang isa sa mga susunod na hahawak sa legacy ng mga Iglesias, at siyempre naming mga Bendijo."

"Umaasa ako d'yan, Evandro. Pero sana lang, lalaki ang ibigay n'yo sa amin, ha? Gusto ko, puro mga lalaking Iglesias naman ang humalili rito. Sawang-sawa na kasi ako dahil puro babae ang mga kasama ko rito sa buong buhay ko!"

Muling natawa si Evandro. "Asahan n'yo po na hindi kami titigil hangga't hindi kami nakakagawa ng lalaki."

Natawa rin siya roon pagkatapos ay inakyat na nila ang pinto palabas ng home office. Tapos na niyang ilibot ang lalaki roon. Hinayaan na niya itong maglibot sa kung saan nito gusto.

NAGPUNTA naman si Evandro sa silid ni Maria Elena para kumustahin ito. Nakasandal pa rin ang babae sa kama nito at abala sa panonood ng TV. Bahagya siyang yumuko nang madaanan ang telebisyon, saka siya dahan-dahang umupo sa tabi nito, medyo malayo sa babae.

"Gusto mo bang ipahatid ko na lang dito ang breakfast mo?" malumanay na tanong niya rito.

"Bababa ako mamaya. Kakain ako mag-isa," matipid nitong sagot na halatang ayaw pa rin siyang kausap.

Marahan siyang tumango at nakinood din sa TV. "Sige, sige. Ako naman ay may pupuntahan lang na malayong lugar. Sasamahan ko lang ang team ko sa isang property na bibilhin namin sa Livewire City. Pagkatapos, pupunta naman ako bukas sa isang meeting about sa Golden Project ng papa mo. Medyo magiging busy ako ng ilang araw. Pero sisikapin kong madalaw ka pa rin dito."

"Hindi na kailangan," mabilis na tugon ng babae. "Mag-focus ka na lang sa trabaho mo. Hindi ako aso para bantayan beinte kuwatro oras."

Napalingon siya sa babae at mabilis na lumapit dito saka hinawakan ang kamay nito. Marahan niya iyong hinaplos para maiparamdam dito ang kanyang pag-unawa. "I'm sorry, Maria Elena. Hindi naman iyon ang iniisip ko tuwing dadalaw ako sa 'yo. Responsibilidad na rin kita bilang asawa. Kaya kahit gaano pa ako ka-busy, hindi ako puwedeng mawalan ng oras sa 'yo. Saka isa pa, binabantayan ko rin si Maria Isabel. Hindi ko na hahayaang masaktan ka pa uli niya."

Natahimik ang babae sa pagkakataong iyon. Nag-isip naman ng paraan si Evandro para mapabuka niyang muli ang bibig nito. "Alam mo ba kanina, sinabi sa akin ni papa na kapag bumuo na raw tayo ng pamilya, ang gusto niyang maging apo ay mga lalaki naman. Sabi ko naman sa kanya—"

"Walang pamilyang mabubuo," biglang tugon ni Maria Elena. "Hindi tayo bubuo ng pamilya. Ayokong magkaanak."

Bakas ang lungkot at pagkadismaya sa anyo ng lalaki. "Sigurado ka ba d'yan? Masarap magkaroon ng pamilya, Maria Elena. Ayaw mo bang magkaroon ng anak para maturuan mo rin sa vintage fashion at modelling?"

"Hindi tayo bubuo ng anak. Ayokong magkaanak! Pinagbigyan ko na kayo sa kasal na ito. Kaya ngayon, ako naman sana ang pagbigyan n'yo, sa bagong gusto ko. Kung dati, gusto ko maging madre, ngayon naman, gusto kong hindi tayo magkaanak. Maliwanag?"

Napahigop ng maraming hangin si Evandro; ang iba rito ay hindi na niya naibuga. Kahit labag sa loob, pinilit na lang niyang sumang-ayon dito. Lahat gagawin niya para makuha ang loob nito. Medyo nanlumo nga lang siya para sa sarili, lalo na noong maalala niya ang hamon sa kanya ni Maria Isabel. Mukhang siya talaga ang luluhod sa harapan nito at aaminin dito ang kanyang pagkatalo.

"Sige. Kung iyan ang gusto mo, mahal ko. Papayag na rin ako. Walang pamilyang mabubuo. Hindi tayo magkakaanak." Pinilit niyang maging malumanay pa rin sa kanyang tinig. Nakaramdam siya ng kaunting pagtatampo kahit alam niyang wala siyang karapatan na magtampo sa babae.

Nang hindi na sumagot dito ang asawa ay nagpaalam na siyang muli rito. "Sige, lalabas na muna ako para hindi ka maistorbo sa pinapanood mo. Kung gusto mo nang kumain, bumaba ka na lang, ha? At ibibilin kita kay Aling Susan para mabantayan ka niya. I love you!"

Napakurap lang ng ilang segundo ang babae sa narinig. Sinikap nitong huwag nang sumagot pa upang hindi na humaba ang kanilang usapan. Nang tuluyan nang makalabas ang lalaki ay doon lang ito nakahinga nang maluwag.

MGA BANDANG alas-nuebe na nakababa si Maria Elena. Mag-isa nga siyang kumain pero nang madaanan siya ng ama ay sinamahan naman siya nito sa mesa. Hindi na tuloy siya nakakain nang maayos.

"Asan na si Evandro?" tanong nito sa kanya habang hawak ang baston nito.

"Umalis na po. May trabaho," matipid na tugon niya at muling nginuya ang kinakain.

"Alam mo, napakasuwerte mo sa kanya. Kahit gaano siya ka-busy sa trabaho, binibigyan ka pa rin ng oras para madalaw rito."

Wala siyang ipinakitang reaksyon doon. Patuloy lang siya sa pagkain. Hindi naman tumigil sa pagputak ang matanda.

"Kailan mo ba siya tatanggapin sa puso mo? Hindi puwedeng habang buhay kang ganyan, Maria Elena. Darating ang araw na kailangan mo rin siyang mahalin, at tulad ng mga kapatid mo, kayo rin ang magbibigay sa akin ng mga apo, ng mga bagong Iglesias."

"Wala akong maibibigay na apo sa inyo, Papa," matapang na sagot niya. Hindi na rin siya natakot sa masamang titig na nabuo sa anyo ng matanda.

Sa puntong iyon ay mas nangibabaw na sa kanya ang galit dahil sa pangarap na ipinagkait sa kanya ng mga ito. Itinali na nga siya sa kasal na hindi niya gusto, pipilitin pa siya ngayon na bumuo ng pamilya para maging bagong tagapagmana ng mga Iglesias sa susunod na henerasyon.

Ayaw na niyang sumali pa roon. Nand'yan naman ang mga kapatid niya na magbibigay ng mga bagong Iglesias. Hindi na niya kailangan pang gumaya sa kanila.

"Ano'ng sinabi mo?" mahina ngunit madiing tanong sa kanya ng ama. Nagsisimula nang magkuyom ang mga kamao nito.

"Narinig n'yo ako, Papa. Hindi kami bubuo ng pamilya. Ayokong magkaanak. Iyon ang kondisyong gusto ko kapalit ng pagpapakasal na ginawa n'yo sa akin. Pinagbigyan ko na kayong maikasal ako at pakisamahan ang lalaking hindi ko mahal. Kaya ngayon, iyon naman ang kapalit na hihingiin ko. Ayokong magkaanak kami ni Evandro. Nariyan naman sina Isabel at Lucia para magbigay ng apo sa inyo. Silang dalawa na lang ang obligahin n'yo sa bagay na 'yan."

Biglang binaligtad ng matanda ang pinggan at baso niya. Nabasag iyon sa kanyang harapan na ikinagulat niya. Napatayo siya sa kinauupuan at nasapo ang bibig.

Sumabay naman ito sa pagtayo at hinampas siya ng baston sa ulo. Nang mapaupo muli siya ay hinawakan nito ang kanyang buhok at mahigpit siyang sinabunutan.

"Ulitin mo ang sinabi mo... Ulitin mo!" paninigaw nito sa kanya habang patuloy nitong pinupunit ang mga buhok sa kanyang anit. Nasira na tuloy ang pagkakaayos niyon.

"T-tama na, Papaaaaa!"

Narinig sa buong dining area ang sigaw niya. Wala namang magawa ang mga katulong para umawat. Mabuti na lang ay napadaan doon si Imelda at narinig ang ingay kaya agad itong rumisponde.

"Felipe, tama na 'yan!" Ito ang umawat sa lalaki at bahagya itong itinulak palayo. Kusa naman itong lumipat sa malayong upuan.

Dinuruan siya ng matanda gamit ang baston nito. "Tandaan mo ito, Maria Elena. Salita ko lang ang masusunod dito! Kapag hindi mo ako binigyan ng apo, gagawin ko na talaga sa 'yo ang ginawa ko noon sa ina mo!"

"Tama na, Felipe!" Dumagundong na rin sa buong silid-kainan ang boses ni Imelda. "Huwag mong ipakita sa kanya ang dating ugali mo! Kung gusto mong sundin ka ni Maria Elena, mahalin mo rin siya gaya ng pagmamahal mo kina Maria Isabel at Maria Lucia! Oras na pagbantaan mo pa uli nang ganito ang anak natin, hindi mo magugustuhan ang gagawin ko!"

"Bakit, ano'ng gagawin mo!" mas malakas ang boses na tugon ni Felipe.

"Marami akong kayang gawin! At hindi ko iyon sasabihin sa 'yo dahil maging ikaw ay marami ring lihim na itinatago sa akin! Patas lang tayo ngayon! Ayoko nang makitang inaapi mo pa si Maria Elena! Kapag ginawa mo pa uli iyon, magkakamatayan talaga tayong dalawa!"

"Tinatakot mo ba ako, Imelda?"

"Hindi na ako natatakot sa 'yo, Felipe! Natuto na ako sa mga ginagawa mo sa akin! Hindi mo na puwedeng gamitin ang pagiging 'lalaki' mo para pagharian ang pamilyang ito! Isang sumbong ko lang kay mama, baka ikaw pa mismo ang mapalayas dito! Baka nakakalimutan mo, may kapangyarihan pa rin siya rito!"

"At sa tingin mo ba, kakampihan ka ni mama?"

"Kung ako hindi ko alam ang mga itinatago mo, nakasisigurado akong siya ay may nalalaman tungkol sa 'yo! Madali lang makipagsabwatan sa kanya kung gugustuhin ko! Iyon naman ang gusto niyang mangyari, eh! Hiwalayan kita dahil ayaw niya ako para sa 'yo! Kapag ginawa ko iyon, gagawin na niya ang matagal naming usapan na ibibigay niya raw ang lahat ng gusto ko, hiwalayan ka lang! At kapag nangyari iyon, sa tingin mo ba kakampihan ka pa ng sarili mong ina? Kahit siya, galit na galit din sa 'yo!"

Ito naman ang dinuruan ni Felipe ng baston nito. "Sabihan mo 'yang magaling mong anak na huwag sumagot-sagot sa akin! Turuan mo rin 'yan na mahalin ang asawa niya! Hindi ako natatakot na magkagulo tayong lahat dito kaya huwag n'yo akong subukan!" Padabog itong tumayo at tinalikuran na sila.

Doon pa lang nakahinga nang maluwag ang mga katulong na nanatiling nakatunganga sa paligid habang lumuluwa ang mga mata sa mga kaganapan kanina.

Napayakap si Imelda sa anak. "Pasensiya ka na sa mga boses namin kanina. Gusto lang kitang protektahan sa kanya."

Patuloy pa ring umiiyak si Maria Elena. Pinilit niyang kumalas sa pagkakayakap ng ina. Nagulat ito sa ginawa niya.

"Isa pa kayo, 'Ma! Isa rin kayo sa mga walang ginawa para mapahinto ang kasal! Kayo lang ang kakampi ko rito. Kayo lang ang inaasahan ko na tutulong sa akin para hindi matuloy ang bangungot na kinatatakutan ko. Pero hinayaan n'yo pa ring maikasal ako!"

Hindi napigilan ni Imelda ang pagtulo ng mga luha. "Anak, ginawa ko lang naman iyon para sa kinabukasan mo. Dahil ayokong api-apihin ka ng pamilyang ito balang araw. Nais kong magkaroon ka ng lalaking magtatanggol sa 'yo, at isang pamilya na aalalay sa 'yo. Sana naman ay maunawaan mo ako."

"Ikaw ang hindi nakakaunawa sa akin, Mama! Alam mo naman siguro ang isang bagay na magbibigay ng pinakamasakit na sugat sa buong pagkatao at kaluluwa ko! Iyon ay ang kasal! Kung talagang mahal n'yo ako, hindi n'yo ako hahayaang maikasal sa isang taong hindi ko mahal!"

"Pero, anak..." Humahagulgol na si Imelda.

"Wala na rin kayong pinagkaiba sa kanila!" Walang pagsisising tinalikuran ni Maria Elena ang sariling ina. Hinayaan lang niya itong tumangis doon. Bumalik na lang muli siya sa kuwarto at mag-isang nagmukmok.

SA di kalayuan naman ay iritang-irita si Maria Lucia sa mga nasaksihan. Dahil dito ay napilitan siyang umalis muli ng bahay at nagpunta kina Nathan.

Naabutan niya muli na mag-isa ito kaya nagkaroon sila ng pagkakataong makapag-usap nang sarilinan.

Ipinagluto na lang niya ito roon habang naglalabas ng kanyang sama ng loob. "Ang ingay-ingay kanina sa bahay! Ang daming sigawan! Nakakairita!"

"Hindi ka pa ba nasanay sa sarili mong pamilya? Ganyan naman sila palagi 'di ba? Noong nakaraan, ang kapatid mo ang sumisigaw dahil kay Roselia Morgan, ngayon naman ang mga magulang n'yo ulit. Hindi na yata mawawala sa inyo 'yan!" natatawang tugon ni Nathan habang naka-de kuwatro nang upo sa harap ng lamesa.

"Grabe ka naman sa amin! Pero you have a point. Maski ako ay nagsasawa na rin sa gulo ng pamilya namin. Gusto ko na talagang makasal tayo para makabuo na rin tayo ng sariling pamilya. At 'pag nangyari 'yon, iiwan ko na rin sila. Magpapakalayo na ako kasama ka!"

"Sure ka? Pati si Maria Isabel iiwan mo?"

"Wala akong sinabing ganoon! Si Hermana naman kasi, kapag nakasal na sila ni Ronaldo siguradong bubukod na rin sila ng tahanan. Matagal na nga nilang plano ang magpatayo ng bahay malapit sa dalampasigan 'di ba? Kaya ganoon din ang gagawin ko. Sa ibang lugar na rin tayo magpapatayo ng sarili nating tahanan. Siyempre kami ni Hermana magkikita pa rin naman kami. Puwede pa naman kaming dumalaw sa isa't isa. Basta ayoko lang tumanda at mabulok sa bahay na 'yon!"

Napalakas ang tawa ni Nathan at isinampa sa lamesa ang mga paa. "How about your dad? 'Di ba mahal mo rin siya? Iiwanan mo rin ba siya kapag bubukod na tayo?"

"Of course, not! Mahal ko rin naman si ama. Pero may sarili na rin naman siyang buhay. At iyon ang buhay niya sa mundo ng politika. Kahit hindi niya sabihin, matagal ko nang nahahalata sa kanya na meron talaga siyang binabalak na hindi maganda," paliwanag niya sa nobyo.

"Really? Ano naman ang meron sa kanya?" curious na tanong ni Nathan.

"'Yung Golden Project niya? Siya lang din naman ang makikinabang doon. Kunwari lang siyang magpapatayo ng mga modern building at bagong technology rito. Pero ang totoo, tatadtarin niya rin ng sarili niyang mga rebulto ang buong Hermosa. Hanggang sa siya na ang sambahin ng mga tao rito. Alam mo pareho naming hate ni Hermana ang politics. Isa 'yan sa pinakamaruming laro sa buong mundo! Uso ang trayduran d'yan. Kahit nga si Maria Elena, as far as I know she also hate politics. At kahit hindi namin siya kasundo ni ate, nagkakaisa naman kaming tatlo sa isang bagay: pare-pareho naming ayaw sa politika. That's it!"

"Well, huh? Ngayon lang ako nakarinig ng isang bagay na magkakasundo kayong tatlo. Pero, I agree naman. Kahit ako, ayoko rin sa maruming laro ng politika. Ang dami kayang namamatay d'yan! Minsan, 'yung mga taong inaakala mong namatay lang sa natural cause, kagagawan pala ng kalaban niya sa politika. May mga ganoong kaso rin 'di ba?"

"That's true! Kaya nga medyo worried ako kay ama, eh. Sa mga balak niyang gawin ngayon sa Hermosa, siguradong marami siyang makakaaway at makakabanggang tao. Lalo na 'yung mga dati nang namuno rito na bigong mapaunlad ang probinsiya, at nagbabalak ngayon makabalik sa puwesto sa susunod na eleksyon. I want him to live longer pero knowing na ang daming mga namatay na corrupt officials sa probinsiyang ito, parang natatakot ako para sa kanya. I just hope lang na marunong din mag-ingat si ama."

Patuloy lang silang nag-uusap na magnobyo habang ipinagluluto niya ito ng paborito nito.

SA KABILANG banda naman, muling nagpunta si Donya Glavosa sa harap ng isang building. Sinigurado niyang walang mga matang nagtatago sa paligid, saka siya tumuloy sa loob at ipinakita ang I.D sa guard.

Sumalubong sa kanya sa loob ang mahaba at makulay na hallway. Napaliligiran ito ng babasaging mga display sa paligid at lahat ng mga taong nakakasalubong niya ay awtomatikong bumabati sa kanya.

Unti-unting bumagal ang kanyang paglakad nang makasalubong si Doniel Jr. Papasakay na sana ito sa elevator ngunit natigilan ito nang makita rin siya. Gumuhit ang nagbabaga niyang ngiti nang magkatagpo ang kanilang mga mata.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro