Chapter 19: Ang Preparasyon
IKINAGULAT ng lahat ang isang video na pumutok sa internet. Tungkol iyon sa CCTV footage ng lalaking nambuhos ng suka sa mukha ni Roselia Morgan. Nakita sa mga footage na iyon kung saan nagpunta ang lalaki pagkatapos nitong gawin ang pambubuhos.
Huminto ito at pumasok na parang regular na empleyado sa isang building kung saan matatagpuan ang studio ng record label ni Maria Isabel. Dahil dito, maraming naniwala na may kinalaman ang kampo ng naturang Biritera Queen sa pagbuhos ng suka sa mukha ni Roselia Morgan. Maaaring inggit ang dahilan. Lalo na't hindi na rin lingid sa kaalaman ng lahat ang sunod-sunod na tagumpay ng baguhang singer sa industriya.
May mga bumatikos tuloy kay Maria Isabel. Sinasabi ng mga ito na mukhang nate-threatened na raw siya kay Roselia Morgan kaya nito pinagawa iyon sa kanyang mga tauhan. Lalo na't mula nang sumikat ito, dumami na rin ang comparison videos nila sa internet kung saan pinagkukumpara ang mga high notes nilang dalawa. Nagsimula na ring magpatayan ang mga fanbase nila.
Pero ngayon, marami ang pumapanig at nagbibigay ng simpatya kay Roselia Morgan. Hindi raw biro ang nangyari sa babae. Alam na rin ng lahat na emosyonal itong tao at madaling maiyak sa maliliit na bagay. Pero dahil sa nangyari, hindi lang ito basta naiyak. Ayaw na nitong lumabas ng bahay ngayon. Lagi na lang daw itong nagmumukmok sa silid at walang patid ang pagtangis, ayon sa manager nito.
"Napakabuting tao ni Roselia Morgan. Napaka-humble pa niya. Hindi niya deserve ang nangyari. Kung totoo mang may kinalaman dito ang team ni Maria Isabel, then shame on them!" komento pa ng isang netizen sa social media.
Halos umusok ang ulo ni Maria Isabel nang mapanood ang balita. Ibinato niya ang cellphone sa kama at muling nagwala. Inawat lang siya ni Maria Lucia at ng ibang mga katulong.
"Huminahon ka nga muna, Hermana! Lalo tayong malalaglag nito kapag gumanyan-ganyan ka!" sambit sa kanya ng bunsong kapatid habang inaalalayan siya.
Mangiyak-ngiyak na naupo si Maria Isabel sa gilid ng kama at muling inabot ang cellphone niya. "Hindi puwedeng mangyari ito! Hindeeee!"
Tinawagan niya ang kanyang team via video call. Pagkasagot pa lang ng mga ito, sigaw na agad niya ang bumati sa kanila. "Hello! Gawan n'yo ng paraan 'to! Kailangan nating makagawa ng major damage control! Do something about this!"
"Kumalma po kayo, Ms. Isabel. Ginagawa na po namin ang lahat para maisaayos ito. Huwag kayong mag-alala dahil ilang sandali lang, maglalabas na kami ng official statement sa public."
"Hindi lang statement ang kailangan ko! Ayusin n'yo ang gusot na ito! Kailangan magbago ang tingin sa akin ng mga tao! Kailangan mawala ang galit nila sa akin!"
Sa sobrang galit ay hindi na niya hinintay na makasagot ang kausap. Agad niyang tinapos ang tawag at muling binalibag sa kama ang telepono. Inawat naman siya muli ng kapatid at pinalabas na muna nito ang mga katulong.
Nang silang dalawa na lang ang matira, nagpalakad-lakad ito sa kanyang harapan habang hawak ang magkabilang ulo.
"Bakit naman kasi ginawa mo pa 'yon, Hermana? Hindi mo ba naisip na halos lahat ng mga lugar ngayon may security camera na? And do you know what's worse than that? Naganap pa iyon sa Saint Gregorio! Hindi na natin sakop ang lugar na iyon kaya wala tayong kontrol sa mga security nila roon! Hindi natin puwedeng i-modify 'yung lumabas sa CCTV! Bakit naman kasi nag-utos ka pa nang ganoon?"
"E, paano! Pinaiinit ng isa pang bruhang iyon ang ulo ko! Hindi na 'ko natutuwa sa mga exposure niya sa media! Masyado na siyang pabida! Dapat magkaroon siya ng scandal para masira siya sa tao!"
"At ito ang naisip mong gawin?" bulalas sa kanya ng bunsong kapatid. "Hermana naman. Imbes na kamuhian siya sa nangyaring eskandalo, kinampihan pa tuloy siya ng mga tao! Sa 'yo sila nagagalit ngayon! Iniisip nilang ikaw ang nag-utos n'on dahil alam nilang mas matunog ang pangalan ni Roselia Morgan ngayon kaysa sa 'yo!"
"That's why I hate myself today! I know it was a wrong move pero wala na 'kong magagawa!" Napahagulgol na lang siya pagkatapos niyon. Saka siya tumayo at yumakap nang mahigpit sa kapatid.
"Por favor, mi hermana. Tulungan mo ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko..."
Hinagod-hagod nito ang kanyang likod. "Sige, sige. Ako na ang bahala. Umupo ka na lang muna at ako na ang kakausap sa team mo."
Sinunod na nga lang niya ang sinabi ng kapatid at nanahimik na muna sa isang tabi. Patuloy pa rin siya sa pag-iyak habang si Maria Lucia naman ay dinampot ang kanyang cellphone at ito ngayon ang tumawag sa team niya.
Hinayaan na niya itong makipag-usap. Lumabas pa ito ng kuwarto na tila ayaw iparinig sa kanya ang gagawin nito. Hindi na siya umangal doon. Masyado nang masikip ang dibdib niya ngayon dahil sa nangyaring eskandalo. Mas nangingibabaw sa kanya ang labis na kahihiyan dahil sa galit ng mga tao.
Makalipas ang ilang oras, naglabas na ng official statement ang kampo ni Maria Isabel sa online. Ipinaskil nila roon ang tungkol sa hindi katanggap-tanggap na behavior ng isa sa mga employee nila.
Ayon dito, matagal na raw may attitude problem ang lalaking ito at kung sinu-sino na ang inaaway sa loob ng trabaho. Kaya naman noong nakaraang linggo lang ay sinesante na nila ito.
Marahil ay hindi raw matanggap ng lalaki ang pagkawala ng trabaho nito kaya gumawa ito ng eksena para siraan ang kanilang kampo. Sinadya nitong pumunta sa meet and greet ni Roselia Morgan at binuhusan ito ng suka ng tao. Saka ito nagbalik sa kanilang studio dahil batid nitong may mga CCTV sa paligid.
Sa paraang iyon, iisipin daw ng marami na sila ang nag-utos para gawin iyon kay Roselia Morgan. Ngunit isang malaking kasinungalingan daw iyon. Pakana lang daw itong lahat ng lalaki dahil hindi nito matanggap ang pagkatanggal sa trabaho.
Pagkatapos ng statement na iyon, naglabas pa sila ng ilang mga compilation videos tungkol sa iba't ibang footage ng lalaki kung saan makikita itong nananakit ng mga co-workers nito. Ang video na iyon ang nagpatunay na may deperensiya nga sa pag-iisip ang lalaki kaya hindi malabong maisip din nitong gawin ang eskandalong iyon para siraan ang sariling kampo nito.
Kinabukasan, binalikan nina Maria Isabel ang balita sa internet. Nagulat sila dahil nagbago na ang isip ng mga tao. Hindi na galit ang mga ito sa kanya. Tila napaniwala nila ang lahat sa kanilang statement.
"Grabe, Hermana! Ano'ng magic ba ang ginawa mo rito?" natatawang tanong ni Maria Isabel sa kapatid habang pareho silang nagpapahangin sa conservatory.
"Inutusan ko lang naman ang iyong team na gumawa ng mga fake videos nung lalaki na kunwari nananakit sa loob ng studio. Para mapakita natin sa kanila na may attitude problem nga ang lalaking ito at sa kanya mapunta ang galit ng mga tao! Kita mo, effective naman 'di ba? Hindi na sila galit sa 'yo! Nuestro problema está resuelto!"
"Ang galing mo talaga, mi hermana!" Napayakap si Maria Isabel nang mahigpit dito. Pagkatapos ay naupo naman sa isang tabi ang bunsong kapatid.
"Actually, naglabas na rin ng pahayag ang kampo ni Roselia Morgan kanina. Nagpapasalamat sila sa atin dahil sa paglilinaw na ginawa natin sa issue. At least alam na raw ng lahat ngayon kung sino talaga ang tunay na may pakana nito. Nalinis na natin ang pangalan mo!" may pagmamalaki pang turan ni Maria Lucia.
Ang laki ng pagkakangiti ni Maria Isabel. "Maaasahan ka talaga, Hermana! Muchas gracias!"
"De nada, mi hermana," ngiti namang sagot ng babae, na ang ibig sabihin ay 'walang anuman, kapatid.'
DALAWANG linggo na lang bago sumapit ang nakatakdang araw ng kasal nina Evandro at Maria Elena. Masaya ang lahat sa mansyon maliban siyempre sa dalaga. Ito lang ang nagluluksa na daig pa ang namatayan.
Sa mga panahon ngang iyon, pakiramdam ni Maria Elena ay pinatay na siya ng sariling pamilya dahil sa desisyon ng mga ito na ipakasal siya sa isang lalaking hindi naman niya mahal. Ayaw niyang makasal kahit kanino. Ayaw rin niyang magmahal ng kahit na sino. Ang nasa puso talaga niya ay magmadre at maglingkod sa simbahan.
Ngunit ipinagkait ito sa kanya nang dahil lang sa sagradong tradisyon ng pamilya. Wala nang mas sasakit pa na matali sa isang seremonyas ng kasal na hindi naman niya gusto. At habang buhay niyang paninindigan iyon sa ayaw at sa gusto niya.
Ang isa pang dumudurog ngayon sa puso niya ay ang pagbabanta na sinabi ng ama. Pinatunayan nito na wala talaga itong kahit katiting na kunsensiya. Para bang balewala lang dito ang pananakit na ginawa nito sa kanyang ina noong mga bata pa sila. At ngayon ay gusto rin nitong gawin iyon sa kanya.
Sa pagkakataong iyon parang nawalan na siya ng kakampi sa sariling tahanan. Pati ang kaisa-isa niyang ina ay hindi na rin niya magawang lapitan ngayon. Maging ito ay matagal na ring tutol sa pagmamadre niya. At kahit anong pakiusap niya rito, siguradong hindi rin siya nito tutulungan para ipatigil ang kasal.
Nang sumunod na araw nga, muling pinapunta ni Don Felipe si Evandro. Kahit labag sa kalooban ay pinilit niyang humarap dito. Nag-ayos siya gaya ng utos ng kanyang ama pero hindi pa rin niya magawang ngumiti.
Sinamahan muli niya itong magpahangin sa conservatory habang umiinom ng juice. Hinayaan lang niya itong magkuwento ng tungkol sa buhay nito, sa mga sports na hilig nito, pati sa kung paano nito pinatakbo ang kumpanya ng kanilang pamilya.
Nahinto lang siya sa pananahimik nang bigla itong magtanong sa kanya. "Ikaw ba? Kumusta naman 'yung mga charity works mo? Alam kong isa ka sa mga nangunguna sa pagtulong sa mga kababayan natin dito. Kahit saan kita ipagtanong, palagi nilang sinasabi na minsan mo na raw silang natulungan."
Pinilit niyang magsalita kahit walang kabuhay-buhay ang pinakawalang boses. "Okay naman. Parang naging bisyo ko na talaga ang gawaing iyon. Hindi ko na maalis sa sarili ko."
"Magandang bisyo nga naman iyan. Alam mo ikaw talaga ang nag-inspire sa akin noon na gayahin 'yang ginagawa mo. Nagtayo rin ako ng maraming foundation sa company namin. Marami-rami na rin kaming natulungan sa Saint Gregorio. Nakapagpatayo rin ako ng mga libreng pabahay sa mahihirap na komunidad doon, lalo na sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyo. Ang sarap lang talaga sa feeling kapag nakikita mo 'yung tears of joy ng mga taong natutulungan mo."
Hindi makapaniwala si Maria Elena na charitable person din pala ang lalaking ito. Pero hindi pa rin sapat iyon para mahulog siya rito. Pinapakisamahan lang niya ito dahil ayaw niyang totohanin ng ama ang banta nito sa kanya.
"Ngayon lang kasi ako nagkaroon ng chance na makausap ka, Maria Elena. Matagal ko na kasing gusto na makipag-partnership sa 'yo. Magpapatayo tayo ng malaking foundation dito. Hindi lang mga mahihirap na pamilya ang tutulungan natin. Gusto ko rin sanang magbigay ng scholarship sa mga batang hindi makapag-aral. Tututukan natin 'yung mga nasa laylayan para maiangat natin silang lahat. Kahit wala ang tulong ng papa mo, alam kong magagawa nating dalawa iyon."
Matagal bago siya nakasagot. "Magandang ideya nga 'yan." Gustuhin man niyang dagdagan pa ang tugon ay wala na rin naman siyang maisip na sasabihin. Kahit gaano pa kaganda ang mga sinasabi ng lalaki, pinipilit pa rin niya ang sarili na huwag magpadala sa mga salita nito.
Napansin din yata ng lalaki ang matitipid niyang mga sagot. Pati ang hindi niya pagtitig nang diretso dito. Kaya naman ngumiti na lang ito at tumingin na lang din sa malayo.
"Pasensiya ka na, Maria Elena. Hindi ko muna dapat sinabi iyon. Ayoko ring pangunahan ka sa mga plano mo para sa Las Iglesias. Sorry talaga kung nasasaktan ka sa mga nangyayari. Alam kong hindi ka okay ngayon. Pero sana..." Bahagyang nahinto ang lalaki at napahinga nang malalim. Saka ito panandaliang lumingon sa kanya pagkatapos ay ibinalik din sa malayo ang paningin.
Wala pa ring pagbabago sa kanyang reaksyon. Patuloy lang siyang nakatunganga sa malayo habang hinihintay ang mga susunod nitong sasabihin.
"Sana...mabigyan mo ako ng pagkakataong maging bahagi ng buhay mo. Matagal na kitang pinapanood at hinahangaan. Ikaw 'yung babaeng pinapangarap ko at gusto kong ipagmalaki sa mundo," sa wakas ay nasabi rin nito ang mga salitang matagal na nitong itinatago sa puso. Naghintay lang ito sa itinakdang panahon kung kailan iyon masasabi sa kanya.
Wala pa ring reaksyon dito si Maria Elena. Buo talaga ang loob niya na isarado ang puso sa kahit na sinong lalaki. Walang matatamis na salita ang makapagpapalambot sa puso niya. At itataga niya iyon sa bato.
"Alam ko na masyadong nagiging mabilis ang mga pangyayari pero gusto ko lang isipin mo na wala akong masamang intensyon sa 'yo. Ang gusto ko lang ay magkaroon ng babaeng makakasama sa pagbuo ng mga pangarap, hindi lang para sa aming dalawa kundi para din sa kinabukasan ng ibang tao."
Pansamantalang namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa. Ramdam din kasi ng lalaki na kahit anong sabihin nito ay balewala lang sa kanya.
"I hope you can give me a chance to show you the good side of love, and marriage," pagbasag nito sa katahimikan at muling lumingon sa kanya. "I know this is against your will but I want to prove to you that this love, and this marriage, will not harm you in any way. You're a good woman, Maria Elena. You deserve all the happiness in this world. And the only promise that I can make right now is to give you the happiness that you never felt before. And that's the happiness of love."
Sa mga sandaling iyon, parang gusto nang maiyak ni Maria Elena. Naiiyak siya dahil hindi niya magawang suklian ang kabaitan ng lalaki. Nais niyang maiyak dahil hindi niya alam kung paano sasabihin dito na wala talaga itong pag-asa sa kanya. Ayaw niya itong paasahin. Pero hindi rin niya alam kung paano ipaliliwanag dito na hindi talaga siya naniniwala sa pag-ibig. Lalong-lalo na sa kasal.
Para sa kanya, ang pagmamahal ay ang pagtulong sa ibang tao na nangangailangan. Mayroon siyang sariling depinisyon ng pagmamahal. At hindi kasama roon ang pag-ibig. Ang gusto niyang mangyari ay maging masaya sa buhay nang mag-isa. Iyong hindi kasama ang pag-ibig.
Ang haba ng kanilang oras doon. Ang dami rin nitong mga sinabi sa kanya pero wala roon ang nakapagpabago sa puso niya. Hindi talaga niya alam kung paano tuturuang umibig ang kanyang sarili. Buong buhay kasi niya ay inilaan lang niya sa pagtulong sa ibang tao at hindi sa pag-ibig gaya nito.
Hanggang sa matapos na lang ang usapan nila at makabalik na siya sa kuwarto, patuloy pa rin siyang inaatake ng kunsensiya dahil pinauwi niyang luhaan ang lalaki. Pilit naman niya itong nilabanan at sinabi sa sarili na tama lang ang ginawa niya. Sa paraang iyon ay umaasa siyang magsasawa rin ito sa kanya at baka ito pa mismo ang umatras sa kasal nila.
Napahiga na lang siya sa kanyang kama. Mabigat pa rin ang loob niya at kahit ayaw na niyang gawin ay kailangan pa rin niyang harapin ang lalaki sa mga susunod na pagkikita nila. Ewan ba niya kung bakit ganito pa rin kalupit sa kanya ang mundo kahit marami naman siyang ginawang kabutihan sa kapwa.
Batid niyang alam din ng Diyos kung gaano na karami ang mga taong umasenso sa buhay dahil sa mga tulong niya. Pero bakit hindi pa rin nito ibinigay sa kanya ang pangarap na maging madre?
Dalawang linggo na lang bago ang araw na kinatatakutan niya. Base sa mga obserbasyon sa paligid, wala na siyang nakikitang dahilan para mahinto pa ang kasal. Buong pamilya niya ay nagkakaisa na para matuloy ito. Inanunsyo na rin nila ito sa publiko pagkatapos ng isyu ni Roselia Morgan. Lahat ay nakaabang ngayon sa kasal niya. Kung gaano kasaya ang mga tao para sa kanya, ganoon naman siya kalungkot.
Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari ito sa kanya? Na ipakasal siya sa isang tao na hindi naman gusto ng kanyang puso?
Hindi niya napigilan ang muling pagpatak ng mga luha. Saka siya napatingin sa taas habang nagkukuyom ang mga kamao. "'Yung inaakala kong langit... Ang siya pang susunog sa akin!"
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro