Chapter 17: Banta sa Buhay
"MADAM naman! Bakit hindi n'yo sinabi na ikakasal na pala si Maria Elena sa yayamaning iyon?" kulubot ang mukha na asik ni Aaron kay Donya Glavosa na masarap ang pagkakaupo sa isang sofa sa kanyang opisina. Habang siya naman ay hindi mapakali sa swivel chair niya.
"Hindi lang siya basta yayamanin. Siya ang unico hijo ng mga Bendijo," madiin ang tinig ng tugon ng matanda.
"Huh? Sino ang mga 'yon?"
"Isa rin silang makapangyarihang pamilya sa Hermosa tulad namin."
Umangat ang dalawang kilay niya. "O, eh, ano ngayon? Sa kanya ka na boto? Ayaw mo na sa 'ken?"
"Wala akong sinabing ganyan!" Bahagyang tumalim ang mga mata ng donya sa kanya.
"E, paano ko pa itutuloy ang panliligaw ko kung ikakasal na pala siya sa ibang lalaki? Ba't pa 'ko magsasayang ng oras sa kanya? Gamitin n'yo na kasi 'yung powers n'yo, Madam! Ipahinto mo ang kasal nila at ako na ang ipalit mo!"
"Teka, sino ba ang nanliligaw? Hindi ba ikaw? Kaya pagsikapan mo! Hindi biro ang pera at yamang ibibigay ko sa 'yo kapag napagtagumpayan mo ito. Kung ako pa ang gagawa ng paraan, parang pinamigay ko lang sa 'yo 'yung kayamanan ko. Mag-isip ka nga, batugan! Nakakalimutan mo yata, misyon itong binigay ko sa 'yo na dapat mong gawin!"
Napakamot na lang siya ng ulo. "Oo na! Oo na! Pero kung matuloy nga 'yung kasal nila, paano pa ako lalapit sa kanya?"
"Hindi naman doon nagtatapos ang lahat!" nandidilat na wika ng matanda. "Puwede mo pa rin silang lapitan at sirain kung gusto mo! Gamitin mo ang sarili mong impluwensiya, Aaron! Ilabas mo ang tapang at kapangyarihan mo! Ano pang silbi nitong headquarters at mga tauhan mo? Do something to make their marriage fail!"
Hindi na siya nakasagot. Maging siya ay napaisip din. Tama lang talaga na hindi dapat siya mabahala sa magaganap na kasal. Kahit matuloy pa iyon, puwede naman niyang gamitin ang kanyang impluwensya at kapangyarihan para sirain ang pagsasama ng dalawa.
Desperado na talaga si Aaron. Uhaw na uhaw siya sa kayamanan ng matanda. Kaya lahat ng maduduming paraan gagawin niya mapaibig lang ang babae.
Umayos siya ng pagkakaupo at inilapit ang sarili sa lamesa. Bigla na lang may pumasok sa isip niya. "Hindi matutuloy ang kasal, kung walang groom!" anas niya sa sarili habang may namumuong balak sa kanyang utak.
HABANG abala sa mga inaasikasong papeles si Doniel Jr. sa loob ng opisina, nilapitan naman ito ng isa sa mga tauhan dala ang isang laptop.
"Sir Doniel, heto na po 'yung nakuhang CCTV na related doon sa nagbuhos ng suka kay Roselia Morgan. Galing po ito sa iba't ibang lugar na pinagtagpi-tagpi lang po namin."
"Oh, really? Nakuha siya sa CCTV?"
"Yes po. Malabo pa rin ang mukha niya sa lahat ng mga footage, pero...natuklasan namin kung saan siya puwedeng nanggaling. Panoorin n'yo na lang po."
Inilapag sa kanya ng tauhan ang laptop saka ini-play ang mga nakolektang footage.
Makikita sa unang bahagi ang lalaki na pasimpleng naglalakad papalapit kay Roselia Morgan bago nito binuhusan ng suka ang babae.
Sa ikalawang bahagi ay makikita naman itong palabas ng venue at mabilis na sumakay sa motor nito.
Sa ikatlong bahagi ay makikita itong pinahaharurot ang motorsiklo at maraming mga kalsadang dinaanan. At sa huling bahagi ay nagulat si Doniel Jr. sa nakita.
Huminto at pumasok ang naturang lalaki sa isang studio. Doon na rin natapos ang mga footage. Nagkatinginan sila ng kasamang tauhan.
"Hindi ba, 'yung studio na 'yon, nandoon mismo 'yung record label na humahawak kay Maria Isabel?"
Tumango ang lalaki. "Nagtanong-tanong din po ako tungkol d'yan, Sir. Napag-alaman ko na may opisina rin doon ang management team ni Maria Isabel. Nasa iisang building lang po silang lahat."
Napaisip dito si Doniel Jr. "So ibig sabihin, galing sa kampo ni Maria Isabel 'yung lalaking gumawa nito sa alaga ko?" wika niya, tinutukoy ang hinahawakang talent na si Roselia Morgan.
"GRABE! Kung nakikita n'yo lang ang hitsura niya ngayon sa loob ng kuwarto. Ayokong tumawa pero, grabe talaga! So funny!" Kanina pa namumula si Maria Isabel sa katatawa. Katabi nito ngayon ang fiancé na si Ronaldo na sumasabay rin sa pagtawa nito.
Kaharap naman ng dalawa ang magkasintahang Nathan at Maria Lucia. Tamang bonding at kuwentuhan lang silang lahat habang nagpapahangin sa loob ng conservatory. Ang wine na iniinom nila ngayon ay tinimpla mismo ni Maria Lucia gamit ang sarili nitong mga sangkap.
"Siya na nga itong ayaw mag-asawa, siya pa ngayon ang mauunang ikakasal sa aming tatlo. Imagine that! Imagine the torture that she's feeling right now!" tumatawa namang wika ni Maria Lucia. Saka ito nakipagkamay sa kapatid.
Nakisali na rin si Ronaldo. "Parang gusto ko tuloy pumunta sa wedding nila para makita lang ang reaction niya." Bagamat hindi pa nito nakakausap si Maria Elena, natuto na rin itong kutyain at kagalitan ang babae dahil na rin sa impluwensiya ng fiancée nito.
"Ay nako! Pupunta tayong lahat do'n siyempre! Sabay-sabay nating pagtatawanan ang bruhang iyon. Ako na ang nahihiya sa mapapangasawa niya. President pa naman ng isang malaking kumpanya pero ipapakasal lang sa bruhang tulad ni Maria Elena. How embarrassing! Kung ako lang 'yung lalaki baka masuka-suka na ako sa babaeng pinili nilang ipakasal sa akin!" banat muli ni Maria Isabel na kahit hindi naman matapang ang iniinom ay parang ang lakas na ng tama.
Pangiti-ngiti lang si Nathan habang nakikiramdam sa usapan ng tatlo. "Pero seryoso, hindi rin biro ang pinagdadaanan ni Maria Elena ngayon," pakli niya sa mga kasama. "Kung sisilipin n'yo ang side niya, napakahirap nga namang isipin na ipapasok ka sa isang kasal na hindi mo naman gusto. Marriage is not a joke. Oras na makapasok dito ang isang tao, mahirap nang makalabas. Kaya dapat talaga sigurado ka na sa taong pakakasalan mo para wala kang maging problema. But in Maria Elena's case, she doesn't love anybody. She doesn't want marriage. But she is being forced to do it because of...you know—family tradition."
Nabawasan ang pagtawa ni Maria Lucia at tinapik siya. "Ano ka ba naman! Bakit ka ba nagpapakita ng simpatya sa babaeng 'yon? Hindi ka ba nandidiri sa kanya dahil gusto niyang maging madre? I mean, sisirain niya lang ang sagradong imahe ng pamilya dahil sa ginagawa niya! Ang sama-sama nga niya sa part na 'yon kung tutuusin!"
"Para sa 'kin wala namang masama sa pagmamadre. Nakasanayan lang talaga na kapag mataas ang estado ng isang pamilya, kailangan nilang mapanatili ang dugo ng kanilang angkan hanggang sa susunod pang mga henerasyon. And the most effective way to do that is through marriage. Kaya nga karamihan sa mga powerful families ay ginagawang tradition ang arranged marriage. Nagkataon lang na kabilang sa ganitong uri ng pamilya si Maria Elena kaya nagca-cause iyon ng malaking conflict sa personal niyang pangarap. I just feel bad for her. Wala mang dumadamay ngayon sa kanya."
Natawa lang doon si Maria Isabel. "What's with you, Nathan? Bakit mo ba pinagtatanggol ang babaeng 'yon? Magpasalamat ka nga at si Maria Lucia pa ang napunta sa 'yo. Di hamak naman na mas mataas ang class niya compare kay Maria Elena."
Pinilit na lang ding tumawa ni Nathan. Sa loob-loob niya, naaasiwa na siya sa ganoong daloy ng usapan. Ayaw na ayaw pa naman niya ng topic tungkol sa bullying gaya nito. Kaya naman pilit na lang siyang nagkuwento ng mga random experiences niya sa mundo ng kanyang trabaho upang ilipat ang atensyon ng mga ito sa ibang bagay.
INILAPAG ni Aling Susan sa tabi ang dala-dala niyang pagkain para kay Maria Elena. Hanggang sa mga oras na iyon ay umiiyak pa rin ito habang nagmumukmok sa kama. Sira na ang makeup nito at hindi na rin naisipang ayusin ang buhaghag na buhok.
Hindi siya sanay na makita sa ganoong kalagayan ang paborito niyang amo. Tinabihan niya ito at hinagod-hagod sa braso. "Ma'am Elena, baka gusto n'yo na pong kumain. Makakasama po sa kalusugan n'yo kung hindi n'yo gagalawin itong pagkain n'yo."
Paulit-ulit na pinunasan ng babae ang mga luha bago sumagot sa kanya. "Napakahirap po talaga...k-kapag ganitong klase ng pamilya ang m-meron ka... Sana, naging mahirap na tao na lang ako... At least magkakaroon pa siguro ako ng...k-kalayaan..." nauutal nitong wika sa kanya.
Sumandal na rin siya sa kama at naisipang suklayin ang buhok nito. "Nauunawaan ko ang nararamdaman mo. Hindi nga naman madaling tanggapin ang puwersahang pagpasok sa isang kasal. Pero, anak, nasubukan mo na bang kilalanin 'yung taong ipapakasal sa 'yo? Nakita mo na ba kung anong ugali ang meron siya? Nakasisiguro ka ba na masama rin siyang tao gaya ng inaakala mo?"
Sa pagkakataong iyon, kinausap niya ang babae na parang isang tunay na anak at hindi bilang amo.
"Aling Susan, kahit gaano pa siya kabait, wala po akong gustong pakasalan. Ang gusto ko lang po, ibigay ang buong sarili ko sa simbahan, at maging kaisa nina Sister. Batid ko rin naman po na hindi ko kailangan maging madre para maglingkod sa Diyos. Pero para sa akin, sagrado rin naman po ang tungkulin ng mga madre. At sa paglalagi ko sa kumbento, maraming mga itinuro sa akin sina Sister kung gaano kahalaga ang tungkulin ng mga Pari at Madre sa Diyos. Kung paano nila mas piniling maglingkod sa kanya kaysa mag-asawa, magnasa, at di kalaunan ay magkasala. Dahil gaya ng isinaad ni Pablo sa 1 Corinto 7:8, mas mabuti pa sa kanila ang manatiling walang asawa tulad niya dahil mas lalong natututunan ng walang asawa ang paglilingkod sa Diyos."
"Naiintindihan ko ang pananampalataya mo. Pero 'di ba, may isang kasabihan din na matututunan mo lang mahalin ang isang tao kapag nakilala mo na siya? Ayaw mo bang subukan na kilalanin ang lalaking iyon? Alam mo noong makita ko siya, wala akong nakitang bakas ng kasamaan sa kanyang pagkatao. Malinis na malinis ang kaluluwa niya. Sa tingin ko ay mabuti rin siyang tao katulad mo. At tiyak akong magkakasundo kayo sa maraming bagay kung bibigyan mo lang siya ng pagkakataon na makilala."
Muling humagulgol si Maria Elena. "P-parang hindi ko po k-kaya, A-Aling Susan... Hindi ko po talaga...k-kaya..."
"Alam mo, anak, ang isang bagay na hinding-hindi mo mababago sa iyong buhay ay ang pagiging Iglesias mo. Kaya kung anuman ang mga tradisyon ng pamilyang ito, obligado kang sundin lahat iyon. Kaya ako na mismo ang nakikiusap sa 'yo bilang si Aling Susan mo, subukan mo ring kilalanin minsan ang lalaking iyon. Malay mo, magustuhan mo rin siya dahil pareho kayong mabait at malinis ang puso. Sa paraang iyon, hindi mo na kailangang pagdaanan ang lahat ng ito. Pagtanggap lang talaga sa katotohanan ang kailangan, Maria Elena, para mawala ang sakit. Kailangan mong tanggapin ang katotohanan na isa kang Iglesias at ang pagmamadre ay hindi talaga para sa 'yo."
Hindi na sumagot doon ang babae. Talagang wala nang puwesto sa puso nito ang pagtanggap sa katotohanang iyon. Napayakap na lang ito sa kanya habang patuloy na umiiyak. Awang-awa siya sa kalagayan nito. Kung may magagawa lang sana siya para mabawasan kahit papaano ang dinaramdam nito.
Kahit katulong lang siya roon, mahal na mahal na rin niya si Maria Elena. Noong mga panahong inaapi siya ng demonyitang magkapatid, ito ang palaging nagtatanggol sa kanya. Ito rin ang dahilan kung bakit nananatili pa rin siyang katulong doon kahit nagkakaedad na siya. Batid kasi nito na kailangan pa rin niya ng trabaho para mabuhay ang mga anak niyang may kapansanan sa probinsya.
Kaya naman labis din siyang nasasaktan ngayon dahil sa pinagdadaanan ng mahal na amo. Ito naman ngayon ang umiiyak at nag-iisa. Nais man niya itong tulungan ay wala siyang magawa dahil isang hamak na katulong lang siya. Kung anuman ang maging opinyon niya ay balewala rin sa mga nakatataas sa mansyong iyon.
KATATAPOS lang mamili ni Evandro sa Mall ng mga bagong appliances para sa kuwarto niya. Siya na rin ang mag-isang nagbuhat ng mga iyon at ipinasok sa loob ng compartment ng sasakyan niya.
Bago pa siya makapasok sa loob ay tumunog naman ang cellphone niya. Sinagot na muna niya ito at ipinatong ang kabilang kamay sa bubong ng sasakyan.
"Yes, hello?"
"Hi, Evan! Si Imelda Iglesias nga pala ito. Sorry kung ibang number ang gamit ko. Saka hindi ko rin matawagan ang mama mo. Gusto sana namin kayong imbitahin sa isang family dinner mamaya. Makakapunta ba kayo?"
Biglang sumigla ang buong pagkatao niya. "Mamaya po? Sure, pupunta po kami d'yan! I will inform them. Mukhang busy lang po siguro sila ngayon dahil nandoon pa rin sila sa office. Nauna lang akong umalis sa kanila."
"Okay, thank you. Dapat siguro habang maaga pa tulungan na namin kayong makapag-usap ng magiging bride-to-be mo. Para nang sa ganoon ay magkakilala na kayo at madali na niyang matanggap ang lahat."
"I am ready for that, Ma'am Imelda. Gustong-gusto ko rin talagang makausap si Maria Elena dahil alam kong nasasaktan siya sa mga nangyayari ngayon."
Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay ibinulsa na niya ang cellphone at akmang bubuksan ang pinto ng sasakyan. Ngunit lingid sa kanyang kamalayan, may isang lalaking papalapit sa kanyang likuran. Dala-dala nito ang isang pamalo.
Ilang sandali pa, naramdaman na lang niya ang malakas na pagpukpok sa batok niya. Natumba siya roon at muntik nang mahimatay. Mabuti na lang ay may sapat na lakas ang kanyang katawan para labanan iyon.
Paglingon niya sa likuran, tumambad ang isang lalaking may hawak na batuta. Itim ang suot nitong jacket na may mukha ng dragon na nagto-tobacco. Sinubukan nitong iwasiwas sa kanya ang hawak nitong pamalo pero mabilis niyang naagaw iyon.
Pinagpapalo niya ang mga tuhod ng lalaki hanggang sa mapaluhod ito sa sementadong lupa. Saka niya itinapon palayo ang pamalo at tinuluyan ito gamit ang sarili niyang mga kamay.
Nang mapatumba niya ang lalaki, awtomatiko namang lumabas sa pinagtataguan ang iba pang mga kasamahan nito. Pare-pareho silang naka-itim na unipormeng may tatak ng dragon sa gitna. Mukhang nasa iisang organisasyon lang ang pinanggagalingan ng mga ito. May hawak din silang mga pamalo at patalim laban sa kanya.
Hindi nagpakita ng takot si Evandro. Buong tapang na nakipagbunuan siya sa mga ito hanggang sa maagaw niya ang kanilang mga armas. Humagupit ang mabibigat niyang mga kamao sa mukha at tiyan ng mga ito. Lahat sila ay umikot ang mga ulo at paluhod na natumba sa lupa.
May isa pang lumabas at umakyat sa likuran niya. Saka nito binihag ang kanyang leeg gamit ang dalawa nitong mga braso. Mabilis naman siyang humawak sa ulo nito at sinadyang igulong sa lupa ang sariling katawan hanggang sa lumuwag ang pagkakasakal nito sa kanya.
Nang mabitawan na siya nito, doon niya ginulpi ang mukha ng lalaki gamit ang mabibigat niyang mga suntok. Nakatulog agad ito habang nagdurugo ang ilong. Tumayo siya na parang walang nangyari at pinagpag ang nagusot na damit.
May dalawa pang lalaki na lumabas sa paligid. Ang isa ay may hawak na baril at mabilis na itinutok sa kanya. Mabuti na lang ay nagkaroon din siya ng training noon kung paano mang-agaw ng baril sa kaaway bilang proteksyon.
Dahil malapit lang naman ang distansya ng kamay nito, isang mabilis na round kick ang pinakawalan niya na nagpatilapon sa hawak nitong baril. Sinundan niya iyon ng dalawang magkasunod na back flip hanggang sa pumatong sa leeg nito ang mga paa niya. Saka niya buong lakas na inangat ang katawan at ginawang pabigat sa harapan ng lalaking ito.
Pagkabagsak nila sa lupa ay mabilis niyang binihag ang mga kamay nito at binaluktot. Napasigaw na lang ang lalaki sa sobrang pamimilipit sa sakit. Sa isang hagupit pa ng kanyang kamao rito, nawalan na ito ng malay.
Sunod naman niyang nilundagan ang natitirang lalaki at pinaulanan ng mabibilis niyang mga suntok. Medyo palaban ito kumpara sa mga nauna. Nakipagbanggaan talaga ito ng kamao sa kanya. Nagawa pa nitong makapalag at ginamit ang mga bakal nito sa kamay para tadtarin din siya ng mga suntok.
Siya naman ang nagulpi ngayon dahil sa bakal na nakapalibot sa mga daliri nito. Hindi niya akalaing ganoon kalakas ang impact niyon. Dahil doon ay nagawa nitong bihagin ang leeg niya sa magkabila nitong braso. Napaluhod na lamang siya habang namimilipit sa higpit ng pagkakasakal nito.
Nang makakuha ng tiyempo, buong lakas siyang tumayo at binuhat ito gamit ang puwersa niya sa buong katawan. Nagawa niya itong ibalibag sa lupa hanggang sa mabitawan nito ang leeg niya. Ito naman ang namilipit ngayon sa tindi ng pagkakabagsak ng likod. Hindi na rin ito nakapalag pa.
Tinapos niya ang laban sa malakas na hagupit ng kanyang paa na pinatama sa sikmura nito. Halos mapatiran ito ng hininga habang patuloy na namimilipit.
Nang maubos na niya ang grupo ng kalalakihan, muli niyang pinagpag ang nagusot na damit saka tuluyang sumakay ng kotse niya. Kalmado siyang nagmaneho palabas ng parking lot na parang walang nangyari.
Dumiretso naman siya sa monitoring room ng establishment na iyon para i-report ang nangyari kanina. Napanood nila sa CCTV footage ang pagpasok ng isang sasakyan na pag-aari ng naturang grupo na umatake sa kanya.
Malayo-layo ang pagkaka-park niyon sa kinalalagyan ng sasakyan niya. Pero ilang minuto bago siya dumating doon, nakita sa footage ang paglalakad-lakad ng mga ito na parang may hinahanap o inaabangan.
Ilang sandali pa'y nagkanya-kanya na ng tago ang mga ito. At iyon na rin ang oras kung kailan siya dumating sa parking lot dala ang mga pinamili niya sa Mall.
Mabuti na lang at nasa utak pa niya ang palatandaan ng grupong iyon. "Parang may mukha ng dragon sa mga suot nila. Dragon na may cigarette sa bibig."
Tumango ang isang officer. "Makakaasa po kayo, Sir. Ipaparating natin agad ito sa kapulisan upang maipahanap na ang grupong ito."
"Hindi ko palalampasin ang nangyari. I want them in jail. Gusto kong makilala kung sinu-sino sila at kung bakit nila ginawa iyon," makapangyarihang utos niya sa mga security sa loob ng silid na iyon. Hindi na rin lingid sa kanilang kaalaman ang pagiging Bendijo niya.
Malakas ang kanyang kutob na hindi lang nagkataon ang nangyari. Base sa napanood niya at sa mga kilos ng grupo kanina, halatang pinaghandaan ng mga ito ang pagsugod sa kanya.
Alam ng mga ito kung saan siya pupuntahan nang araw na iyon at inalam din ng mga ito kung anong oras siya maaaring bumalik sa parking lot. Tila planado ang lahat. Tiyak niyang may nagtatangka sa kanyang buhay ngunit hindi lang niya alam kung sino.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro