Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 16: Mainit na Kompetisyon

"NASAAN na nga ho pala si Maria Elena?" tanong ni Evandro pagkatapos ng pag-uusap nila ni Don Felipe tungkol sa Golden Project. Katatapos lang nilang tumikim ng ilan sa mga koleksyon nitong alak sa wine cellar. Ngayon ay patungo naman sila sa conservatory na paboritong tambayan ng binata.

"Nasa taas siya, hijo. Hindi pa siya lumalabas magmula kagabi. Pero huwag kang mag-alala. Hindi naman kami nagsasawang ipaalala sa kanya ang sagradong tradisyon ng pamilya. Kaya wala kang dapat ipangamba dahil matutuloy ang kasal n'yo sa susunod na buwan."

"Sa susunod na buwan?" hindi makapaniwalang sambit ni Evandro. "Bakit parang nagbago yata, Sir Felipe? Ang sabi sa akin ni Mama, sa susunod na taon pa raw ang napagkasunduan n'yo."


"Nakalimutan lang sigurong sabihin sa 'yo ng mama mo pero tumawag na 'ko sa kanila kanina habang papunta ka pa lang dito. Sinabi ko na sa kanila na ililipat na namin sa susunod na buwan ang inyong kasal. Pumayag naman sila."

"Pero hindi po ba masyadong nakakabigla kay Maria Elena 'yon? Sa tingin ko hindi pa siya handa. Alam naman po nating may takot siya sa mga lalaki. Kailangan niya ng mahaba-habang panahon para makapag-isip."


"Evandro, kung alam mo lang kung gaano katigas ang ulo ng babaeng 'yon. Hindi 'yon nakukuha sa maayos na usapan. Ni hindi rin 'yon nadadala sa mahabang panahon. Ipipilit at ipipilit niya ang sa kanya kahit alam niyang labag sa batas ng pamilya. Hindi siya marunong makinig kaya wala kaming magagawa kundi puwersahin siya nang ganito."

"Pero ako naman po ang naaawa sa kanya. Siguradong dinaramdam niya ito ngayon. Baka hindi na siya makipag-usap sa 'kin dahil dito. Mahal ko po si Maria Elena pero ayoko ring masakal siya sa mga nangyayari. Hindi ba puwedeng hayaan na lang natin siyang magdesisyon para sa sarili niya? Kung kailan niya gustong magpakasal? O kung gusto ba niya talaga?"

"Evandro, kami na ang gumagawa ng paraan para matupad ang iyong pangarap na mapakasalan ang babaeng nilalaman ng puso mo. Hayaan mo na kami sa kanya. Responsibilidad na naming mga magulang na kumbinsihin siya. Basta ipinapangako ko sa 'yo na kahit ano'ng mangyari ay matutuloy ang kasal n'yo sa susunod na buwan."

Napabuga ng malalim na paghinga ang binata. "Basta huwag n'yo lang sana siyang puwersahin masyado, Sir Felipe. Ako na po ang nakikiusap sa inyo, para sa babaeng mahal ko. Huwag n'yo po sana siyang sasaktan o pagsasalitaan nang masama kung sakaling hindi siya pumayag. Ang gusto ko lang naman po ay maging masaya siya. Kaya kung anuman ang magiging desisyon niya, tatanggapin ko po."

"Kami ang magdedesisyon kung ano ang makabubuti para sa pamilyang ito, Evandro. Kaya sinasabi ko ulit sa 'yo, wala kang dapat na ipag-alala. Matutuloy ang inyong kasal. At iyan ang ipinapangako ko sa iyo at sa mga magulang mo. Hinding-hindi ko kayo ipapahiya."

Hindi na siya nakasagot pa. Sa mga sandaling iyon ay parang gusto niyang pumunta kay Maria Elena at damayan ito. Nais niyang marinig ang panig nito at humingi ng tawad dito dahil sa mga nangyayari.

May karapatan siyang tumanggi para iligtas ang babae. Salita niya ang puwedeng hindi magpatuloy sa kasal. Pero ewan ba niya kung bakit ayaw ring magsalita ng puso niya. Para bang pinipigilan din siya nito na mahinto ang kasal dahil iyon na lang ang tanging pagkakataon niya para mapalapit sa babae. Iyon ang tanging paraan para maging sila.

Alam niyang nasasaktan ang babae ngayon sa mga nangyayari. Pero nangangako naman siya sa sarili na ibibigay niya ang lahat ng pagmamahal at pag-aalaga rito oras na ikasal na sila. Naniniwala siya na balang araw ay makikita rin ng babae ang kagandahan ng pagmamahal.

NAGHANAP muli sina Imelda at Orlando ng mauupuan sa isang mall. Doon nila ipinagpatuloy ang naudlot nilang pag-uusap habang naglalakad sa gitna ng maraming tao.

"Kumusta ka naman, mahal ko? Ano'ng balita sa loob ng mansyon?" mayamaya'y tanong sa kanya ni Orlando.

"Naku, huwag mo nang tanungin. Ayoko munang pag-usapan, Orlando. Sobrang nakaka-stress. Hindi ko na alam ang gagawin ko." Napahagod siya sa ulo niya.

"Bakit, ano ba kasi ang nangyari? May karapatan naman siguro akong malaman 'no? Nais ko lang malaman kung ano ba ang nagpapalungkot ngayon sa babaeng minamahal ko," pangungulit nito.

Bumigay na rin siya. "Paano ba naman kasi, sa susunod na buwan ay ikakasal na ang isa sa mga anak ko, si Maria Elena. Kilala mo na siya 'di ba? Alam mong ayaw niyang magpakasal sa kahit na sino dahil sa pangarap niyang magmadre. Kaya ngayon minamadali na ni Felipe ang magiging kasal niya sa unico hijo ng pamilyang matalik naming kaibigan."

"Parang arranged marriage ba ang mangyayari?" tanong muli ni Orlando.

"Mabuti sana kung arranged marriage nga. Pero hindi, eh. Puwersahan ang magaganap. Forced marriage ang nais nilang gawin kay Maria Elena. Para pigilan siyang magmadre."

"Pero 'di ba kadalasan kayong mga magulang ang nagdedesisyon n'yan? Ibig sabihin, hindi lang si Felipe ang may kagustuhan na puwersahang ikasal si Maria Elena. May kinalaman ka rin?"

Matagal bago nakasagot si Imelda. Napaisip din siya. "S-Si Felipe ang nagdesisyon ng lahat! Ayaw ko rin naman sana pero... Iniisip ko rin kasi ang magiging kalagayan ni Maria Elena kapag nawala na ako. Paano kung kawawain lang siya ng mga kapatid niya? Paano kung itaboy lang siya sa pamilyang ito balang araw? Kapag wala na kaming dalawa ni Felipe, hindi na namin kontrolado ang buhay ng mga anak namin. Ayoko namang api-apihin na lang si Maria Elena ng mga kapatid niya. Kaya nga gusto ko ring makapag-asawa siya para may makasama rin siya sa pagtanda."

"E, bakit hindi mo na lang sila ipagbati ng mga kapatid niya? Para wala nang away-away at wala ka nang poproblemahin sa kanila!"

"Hindi ganoon kadali ang gusto mong mangyari, Orlando. Malabo nang bumait pa sina Maria Isabel at Maria Lucia kay Maria Elena. Kasalanan ko rin naman kung bakit sila nagkaganito. Hindi rin kasi ako naging patas na ina sa kanila. Kahit naman ngayon. Hanggang ngayon, si Maria Elena pa rin ang mas inaasikaso ko. Kaya hindi na ako dapat magtaka kung bakit hindi na ako ginagalang ng iba ko pang mga anak. Wala na akong aasahang kabutihan pa sa kanilang dalawa. Ang focus ko na lang ngayon ay ang future ni Maria Elena. Gusto ko siyang magkaroon ng sariling pamilya para magkaroon siya ng kakampi at lalaking magtatanggol sa kanya."

"Mahirap nga iyan. Ngayon nauunawaan mo na ang madalas kong sinasabi sa 'yo noon, na balang araw hindi maganda ang maidudulot n'yan sa pamilya n'yo. Dati na kasi kitang sinabihan na habang maaga pa ipagbati mo na sila. Hindi dapat nag-aaway-away nang ganyan ang magkakapatid. Pero ikaw, masyado mong pinairal ang katigasan ng puso mo. Palagi mong sinasabi na hindi mo na sila kayang baguhin dahil nagmana sila kay Felipe. Kaya pinili mong si Maria Elena na lang ang mahalin. Imelda, alam mo namang hindi puwede ang ganoon. Tatlo ang anak mo kaya dapat bigyan mo sila ng pantay-pantay na pagmamahal, kahit ano pa ang maging ugali nila. Responsibilidad mong disiplinahin ang bawat isa sa kanila."

"Oo na. Huwag mo na akong kunsensiyahin. Alam kong nagkamali ako sa bahaging iyon. Pero ano pa ba ang magagawa ko? Nangyari na ang lahat. Kung puwede ko lang ibalik ang panahon para maituwid ko ang mga baluktot kong desisyon sa buhay. Pero hindi na puwede. Kaya ang tanging magagawa ko na lang ngayon ay mabigyan ng magandang kinabukasan si Maria Elena. Para kahit hindi pa rin sila magkabati ng mga kapatid niya, at least hindi siya magagawang saktan ng mga ito. At alam kong mangyayari lahat ng iyon kung mapapangasawa niya ang unico hijo ng mga Bendijo, si Evandro."

"Ang hirap din talaga ng buhay ano? Walang pinipili ang mga problema at pagsubok. Mahirap man o mayaman, inaatake nila. Sinusugod nila nang walang kalaban-laban."

"Ikaw ba..." sambit ni Imelda. "Kung sakaling ipagkakatiwala ko sa 'yo si Maria Elena balang araw, aalagaan mo ba siya? Mamahalin at poprotektahan?"

Confident na tumango ang lalaki. "Aba, siyempre naman! Kung mabibigyan lang ako ng pagkakataon, magiging mabuting ama ako sa kanya. Ituturin ko siya na parang tunay kong anak. Pero hangga't nariyan si Felipe, hindi tayo makakagalaw nang malaya, Imelda. Alam mo 'yan."

Hindi na siya nakasagot doon. Totoo ang sinasabi ng lalaki. Hangga't nandito si Felipe sa mundong ito, mananatili lamang siyang nakatali rito. At hinding-hindi siya maaaring magmahal ng iba, kahit hindi na siya masaya sa poder ng kanyang asawa ngayon.

WALA sina Felipe, Imelda, at ang demonyitang magkapatid nang mga oras na iyon. Kaya naman sinamantala ni Donya Glavosa ang pagkakataon. Pinadalaw muli niya rito si Aaron. Saka niya tinawag si Maria Elena sa taas at sinabing hinahanap daw siya nito para yayaing magsimba.

Nang marinig ng babae ang simbahan, huminto ito sa pag-iyak at tila pansamantalang natauhan. Wala sa sarili na sumama ito sa kanya sa baba at hindi na tumangging humarap kay Aaron.

"Hi, Maria Elena. Gusto mo bang magsimba ngayon? Doon tayo sa simbahan namin. Para makita mo rin iyon."

Matagal bago nakapagsalita ang babae. "S-sige. Sasama ako."

"Yes!" Naglulundag sa tuwa si Aaron. "Salamat, Maria Elena. Halika! Punta na tayo sa kotse ko. Malapit nang magsimula ang misa."

"P-puwede ba'ng magbihis lang ako saglit? Hindi pa kasi ako nakakapag-ayos, eh. Tingnan mo naman ang hitsura ko. Ayoko namang lumabas nang ganito."

Napansin nga niya ang buhaghag nitong buhok pati ang mukha nitong tila balot na balot ng depresyon. Hinayaan na lang muna niya itong mag-ayos sa taas habang patuloy siyang naghihintay roon.

Sakto namang may panauhing dumating at pumindot sa doorbell. Dahil siya na rin naman ang nandoon ay siya na ang nagbukas ng pinto.

Isang lalaki ang bumungad sa kanya. Naka-long sleeve ito na kulay pula. Maganda ang pagkaka-tuck in niyon sa loob ng slacks nito. Walang kagusot-gusot. Agaw-pansin din ang sinturon nitong may ulo ng leon na ginto ang kulay. Halatang mamahalin iyon.

Bahagya naman siyang napasinghot sa mala-dark coffee na amoy ng pabango nito. Aminado siya, ang sarap niyon sa ilong. Medyo nasilaw rin siya sa kintab ng sapatos nito. Halatang mataas ang estado ng lalaki sa buhay base pa lang sa tindig at pananamit nito.

Napaisip tuloy siya kung sino kaya ito. Sa hitsura pa lang kasi nito, halatang hindi na ito pangkaraniwang bisita lang. Sa tantiya niya ay kasing yaman din nito ang mga Iglesias.

"Ano ho ang kailangan n'yo?" tanong niya sa lalaki.


"Narito ba si Sir Felipe?" Maamo ang pagkakatitig ng mga mata nito sa kanya.

"Wala siya, bakit."

"Ah, si Ma'am Imelda?"

"Umalis din, bakit."

"Eh, si Maria Elena?"


"Aalis kami, bakit?"

Nakita niya ang pagbabago sa anyo nito. "Aalis kayo?"


"Kailangan paulit-ulit? Aalis nga kami! Sino ka ba?"

"Ako nga pala si Evandro. Matalik na kaibigan ako ng mga Iglesias."

Mabagal siyang napatango. "Oh, kaya pala."

Muli namang nagsalita ang lalaki. "Maaari ko bang makausap si Maria Elena?"

"Bakit, ano'ng kailangan mo sa kanya?"

"Ah, w-wala naman. May pag-uusapan lang kaming personal."

"Kasasabi mo lang na wala. Tapos ngayon may pag-uusapan. Ang labo mo rin kausap, eh, 'no! Aalis nga kami kaya hindi siya puwede. Bumalik ka na lang bukas."

"Teka, sino ka ba? Bakit ka ganyan magsalita?" Parang naramdaman na rin ng lalaki ang pang-aasar niya rito.


"E, paano, ang kulit-kulit mo kase. Ang ayoko sa lahat 'yung pinag-uulit ako sa mga bagay na kasasabi ko pa lang!" banat niya rito.

"Excuse me? Kilala mo ba kung sino ako? And may I know your name, please?" Bahagya itong nagtaas ng dalawang kilay sa kanya.

"Luh? Bakit, bubugbugin mo na ako n'yan? My name is Aaron! How about you?"


"Bakit ko pa sasabihin? Nagpakilala na nga ako kanina. Akala ko ayaw mo ng paulit-ulit?"

Natawa siya. "Bahala ka nga! Basta bumalik ka na lang bukas dahil busy lahat ng mga tao rito!"

Nahinto lang ang pag-uusap nila nang bumaba na si Maria Elena. Nakabihis na ito ng damit pangsimba at nakaayos na rin ang buhok. Nagkandarapa si Aaron na lapitan ito at inalalayang lumakad palabas.

Halata rin ang pagkabigla sa anyo ng babae nang makita si Evandro. Bago pa man sila makaalis ay lumapit ito sa kanilang dalawa.

"Maria Elena, good afternoon. Can I talk to you for a minute?" Nasa babae lang ang mga mata nito.

Nakita naman niya kung paano umiwas at yumuko ang babae. "Huwag kang lumapit sa akin..."

"But..." Hindi na naituloy ni Evandro ang sasabihin nang biglang iharang ni Aaron ang sarili.

"Narinig mo siya 'di ba? Hindi mo na siguro kailangang magpaulit-ulit. Huwag ka raw lalapit sa kanya, pare."

Sinenyasan ni Aaron ang babae na sumakay na sa kotse niya sa labas. Ginawa naman nito iyon kaagad. Kaya silang dalawa na lang ni Evandro ang naiwan doon.

"Teka ka nga lang. Puwede ko bang malaman kung sino ka rito sa mansyon at kung kaano-ano mo ang mga Iglesias?" Mahinahon pa rin ang tinig ng lalaki kahit halatang naiintriga na ito sa kanya.

"Kaibigan ko si Madam Glavosa. Bakit?"

"Kaibigan?" Pinagmasdan siya nito mula ulo hanggang paa. "Hindi ko alam na may ganito pala kabatang kaibigan si Donya Glavosa. Are you sure na kaibigan ka talaga niya?"

"Hindi lang basta kaibigan. Tauhan niya rin ako! At ako lang din ang binigyan niya ng permiso na lumapit kay Maria Elena. Kaya puwede ba? Kung sino ka man, respetuhin mo na lang ang sinabi niya sa 'yo na huwag mo siyang lalapitan."

Bahagyang natawa si Evandro. "Talaga ba? Sa pagkakaalam ko kasi, may permiso rin ako kina Sir Felipe at Ma'am Imelda. Saan mo nga pala dadalhin si Maria Elena?"

"Magsisimba kami, bakit?"

"Magsisimba?"

"Paulit-ulit ka na naman! Magsisimba nga! Pupunta kaming dalawa sa simbahan at sasamba kami kay Lord!" Bahagya pa niyang itinaas ang mga kamay. "Malinaw na po sa inyo, ser?"

"Kailan ka pa niya nakilala?" May tumubo nang pagdududa sa mga mata nito.

"Bakit ba ang dami mong tanong? Ikaw, ha. Kanina pa kita napapansin. May balak ka bang manligaw sa kanya? Kung ako sa 'yo, pare, huwag mo nang ituloy 'yan. Wala ka nang pag-asa. Hindi ikaw ang gusto ni Madam Glavosa para sa kanya."

Natawa muli ito. "Wait lang, bakit pala-desisyon ka? Ikaw ba ang parents ni Maria Elena? Hindi mo pa yata alam na ikakasal na siya sa susunod na buwan...sa akin!" Saka ito nagpakawala nang mapang-asar na ngiti.

Pinanlakihan lang niya ito ng mga mata at pilit ginaya ang ngiti nito. "O, talaga? Sino naman ang may sabe?"

"Sina Sir Felipe at Ma'am Imelda mismo. Maria Elena's parents. Sila ang pinakamataas dito, baka hindi mo alam."


"Oy! Mukhang hindi ka yata na-inform. Si Madam Glavosa ang pinakamataas dito. Kung ano ang gusto niya, iyon ang masusunod. At huwag mo na rin hintaying tawagin ko siya rito para iparinig sa 'yo mula sa kanya kung sino ang lalaking gusto niya para kay Maria Elena. Dahil kapag narinig mong binanggit niya ang pangalan ko, mapapahiya ka lang."

Hindi naman nabahala rito si Evandro. Patuloy lang itong tumawa habang kalmado pa rin ang buong mukha. "Sige ba. Let's see kung sino ang papaburan sa ating dalawa kapag buong pamilya na nila ang nagdesisyon."

"Kahit ilang pamilya pa ang dalhin mo, salita pa rin ni Madam Glavosa ang masusunod dito. Kaya huwag mo akong takutin sa sinasabi mo. Kayo ang dapat na matakot kay Madam. Isang sabi ko lang sa kanya, lahat kayo mapuputulan ng pangarap!"

"Really? Sige, let's see na lang talaga kung sino ang pipiliin sa atin ni Maria Elena pagdating ng susunod na buwan."

"Pa-let see let see ka pa. Let see my car right there!" Saka niya itinuro ang gate. "Nakasakay na siya sa loob! Naghihintay sa akin! Kaya ikaw, huwag mo na subukang lumapit dahil masasaktan ka lang kapag tinaboy ka niya uli. Bye! Late na tuloy kami sa misa!"

Agad itong tinalikuran ni Aaron. Ramdam niyang sumusunod ang mga mata nito sa kanya habang papalabas siya ng gate. Pero hindi na niya binalak pang lumingon pabalik. Naubusan na siya ng oras at pake para gawin iyon.

Aaminin niyang medyo na-threatened din siya sa lalaking iyon. Hindi maikakailang malakas din ang dating nito. Pero hangga't nasa panig niya si Donya Glavosa, mananatiling malakas ang kanyang loob. Tiwala siyang sa huli ay mananaig pa rin ang kagustuhan ng matandang babae sa mansyong iyon.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro