Chapter 15: Pinakamabigat na Desisyon
MALAPIT nang pagdudahan si Orlando nina Don Felipe dahil hindi niya mapakita nang diretso ang kanyang mukha. Mabuti na lang ay may tumawag sa telepono nito kaya nalingat sa ibang bagay ang atensyon nito.
Habang may kausap ang Don, tahimik siyang sinenyasan ng isa sa mga tauhan na umalis na sa dinadaanan nila. Doon na niya binilisan ang paglakad hanggang sa tuluyang makalayo sa mga ito.
Sa malayo ay pinagmasdan niya ang kilos ng Don. Pagkatapos nitong ibaba ang tawag ay pumasok na muli ito sa loob kasama ang mga tauhan. Tila hindi na ito nag-aksaya pa ng oras para ipahanap siya. Mukhang wala naman itong napansing kahina-hinala sa kanya kanina.
Napahinga siya nang maluwag.
SUNOD na binisita ni Maria Elena ang munting bahay ng mga magsasaka sa Barangay Bulaklak. Nasa malayo pa lang siya, kitang-kita na niya ang masayang pagkaway sa kanya ng mga tao na sobrang natutuwa rin sa kanyang pagdating.
Nakaalalay sa kanya ang ilan sa mga tauhan nila habang nilalapitan nila ang mga tao. "Kumusta naman po kayo rito?" salubong na tanong niya sa mga ito.
Regular na binibisita ni Maria Elena buwan-buwan ang mga magsasaka para alamin ang kalagayan ng mga ito. Madalas din siyang magbigay ng mga tulong doon. At kapag may kulang sa budget ng mga magsasaka para sa kanilang produksyon, o kapag nangangailangan ng equipment upgrade, siya na mismo ang nagpo-provide ng mga ito gamit ang sarili niyang pera.
"Ma'am Elena mabuti na lang po nadalaw n'yo kami. Nais sana naming itanong kung totoo ba 'yung kumakalat na balita?"
"Ano hong balita 'yun, Aling Techie?" sagot niya sa ale.
"Kukunin na raw po ni Don Felipe itong lupa namin. Patatayuan na raw po niya ito ng mga building at subdivision."
"Ha?" Napamulagat siya. "Aba, hindi po puwede iyon! Sino ho ba nagsabi no'n? Saan n'yo po nakuha iyon?"
"Mula po kasi nang maupo siya, iyon na po ang mga kumakalat na usapan dito sa amin. Marami raw po silang ipagigiba at babawiing mga lupa para patayuan daw ng bagong mga building. Natatakot lang po kasi kaming maapektuhan ang tanging hanap-buhay namin."
"Hindi na bale kakausapin ko na lang po siya. Hangga't walang lumalabas na official statement mula sa kampo nila, huwag n'yo po munang paniniwalaan, ha?" Isa-isa niyang niyakap ang ilan sa mahihirap na pamilya roon, kabilang na sina Aling Techie na sobrang malapit ang loob sa kanya.
Mahal na mahal siyang lahat ng mga tagaroon. Bukod kasi sa siya lang ang talagang tumutulong sa mga ito, siya lang din ang nahahawakan at nakakausap ng mahihirap na pamilya. Malaya nilang naipapahayag ang kanilang mga problema at iba pang hinaing sa buhay. Kaya naman ganoon na lamang siya kamahal ng marami.
NASA isang Wellness Center sina Maria Isabel at Maria Lucia. Sa dami ng stress na idinudulot ng bruha nilang lola sa mansyon ay naisipan nilang magpamasahe na lang sa buong katawan. Nasa loob sila ng isang deluxe room kung saan solo nilang dalawa ang lahat ng serbisyo.
"Hermana, narinig mo ba 'yung usap-usapan ngayon sa mansyon?" mayamaya'y tanong kay Maria Isabel ng bunsong kapatid.
"Parang hindi pa. Ano ba'ng meron?" sagot niya rito habang nakapikit at nakadapa sa higaan.
Bahagyang napalingon sa kanya si Maria Lucia na may mga bato sa likod. "Ipapakasal daw ni Ama si Maria Elena doon sa anak ng mga Bendijo."
Natawa lang siya. "Makulit kasi ang babaeng 'yun, eh. Akala siguro niya uumbra ang pagiging anghel niya para kaawaan siya at pagbigyan sa gusto niya. Kahit yata ang paborito niyang si Mama ay hindi siya pinayagan. Nakakadiri kaya magmadre! Isa sa pinakamababang trabaho sa buong mundo 'yon!"
"Pero ang inaalala ko lang, gusto raw madaliin ni Ama ang magiging kasal ni Maria Elena. Kung totoo man 'yun, baka mauna pa siyang maikasal sa 'yo. Paano kaya 'yun, eh, ikaw ang unang nag-anunsyo?"
Napabuntong-hininga siya. "Para mí no es un problema. Está bien para mí si ella se casa primero. Okay lang sa 'kin kahit siya ang maunang ikasal. Mas mabuti nga 'yun dahil isang malaking sampal 'yon sa kanya. Hindi ko ma-imagine ang mukha niya habang kinakaladkad sa altar. At kapag nangyari nga 'yon, ako ang unang tatawa sa loob ng simbahan!"
Natawa rin ito sa sinabi niya. "No te preocupes, mi hermana. Me reiré contigo. Sasabayan pa kita sa pagtawa!" Wala pa man ay nagtawanan na nga ang dalawang magkapatid na demonyita.
KANINA pa palakad-lakad si Imelda sa tabi ng kama nila habang si Felipe ay abala sa pagbibihis ng isusuot nito sa opisina.
"Hindi ba natin sasabihin kay Maria Elena ang tungkol sa napag-usapan? Ayoko namang mabigla siya."
"Mas mabuti nang hindi niya alam. Sasabihin lang natin kapag isang araw na lang bago maganap ang kasal. Para wala na siyang magawa. Palilipasin lang natin ang kasal nina Maria Isabel ngayong taon. Pagkatapos ay si Maria Elena naman."
"Pero, Felipe, hindi naman yata tama iyon. Paano natin mababago ang isip niya kung idadaan natin sa ganoon?"
"Bakit, kapag ba sinabi natin agad may magbabago ba? Mabuti nang isurpresa natin siya. Kahit pa gaano kalambot ang puso niya, ganoon naman katigas ang kanyang ulo. Hindi siya marunong makinig sa atin na isang malaking kahangalan sa pamilyang ito ang pagmamadre!"
"Felipe, hindi pa rin tama iyon. Huwag naman tayong masyadong marahas sa kanya. Tama na 'yung sabihin natin nang maayos sa kanya, ipaintindi nang mabuti, at hayaan siyang tanggapin iyon paunti-unti hanggang sa sumapit mismo ang araw ng kasal."
"E, di ikaw ang kumausap sa kanya. Sa 'yo lang siya nakikinig 'di ba? Sige, tingnan natin kung mangyayari nga iyang iniisip mo kapag ikaw ang nagsalita." Sa pagkakataong iyon ay tapos nang magbihis si Felipe.
May pahabol pa ito bago lumabas ng pinto. "Sinasabi ko sa 'yo, Imelda, hindi mo siya madadaan sa matinong usapan. Walang balak magbago ang babaeng 'yan. Kaya kung ako sa 'yo, mas mabuting biglain na lang siya kaysa baby-hin mo pa."
Naiwang nakatunganga si Imelda sa kawalan. Nang magsawa ay napaupo siya sa tabi ng higaan. Parang gusto nang sumakit ng ulo niya sa dami ng iniisip. Hindi niya alam kung anong approach ang gagawin nila para ipaalam ito kay Maria Elena nang hindi ito masasaktan o magtatampo sa kanila.
UMAGANG-UMAGA ay kasing init na naman ng kape ang ulo ni Don Felipe. Kanina pa niya hinahanap si Maria Elena sa loob ngunit hindi niya ito makita. Wala ring nakakaalam sa mga katulong nila kung saan ito nagpunta.
Bumisita kasi muli nang umagang iyon si Evandro. Pinapunta muna niya ito sa conservatory habang hinahanap niya ang babae. Subalit sa pagkakataong iyon, suko na siya. Napilitan na siyang magtanong-tanong sa mga tauhan sa labas. Hanggang sa makausap niya ang personal driver nilang si Emong.
"Ay, hinatid ko po siya kanina sa kumbento, Don Felipe," sagot nito sa kanya.
"Ano? Kumbento?"
"Opo. Doon daw po ang punta niya."
Umusok na naman ang mga tainga niya sa galit. Batid niyang sa kumbento nagtitipon-tipon ang komunidad ng mga pari at mga madre sa lugar nila. Talagang pinaninindigan ng babaeng iyon ang pangarap nito nang hindi sinasabi sa kanila. Pakiramdam tuloy ni Don Felipe ay pinagtataksilan sila patalikod ng dalaga.
"Wala ba siyang nabanggit na oras kung kailan babalik?"
"Ang sabi niya po, mga bandang hapon ko na lang daw po siya sunduin. Dahil marami raw po silang mga gagawin doon."
"Eso es suficiente!" sigaw ng matanda sa sobrang galit. "Sunduin mo siya ngayon din! Sabihin mo pinapatawag ko siya! Kailangan pagbalik mo nandito rin siya! Intiendes?"
"Masusunod po, Don Felipe..." Nataranta ang driver at muling sumakay ng sasakyan para gawin ang ipinag-uutos niya.
Nagbalik din siya agad kay Evandro na sa mga sandaling iyon ay naghihintay pa rin doon. "Pasensiya ka na, hijo. May pinuntahan lang daw si Maria Elena. Pero pinasusundo ko na siya. Konting hintay na lang, ha?"
Pagkaraan ng kalahating oras, tumunog ang telepono ng lalaki. May kinausap ito saglit. At pagbaba nito sa tawag ay lumingon ito sa kanya.
"Pasensiya na ho, Sir Felipe. Pinapatawag kasi ako ngayon sa opisina. Babalik na lang po siguro ako kung may oras pa." Tumayo na ang lalaki pagkatapos niyon.
"Ah, mga anong oras ka babalik, hijo?"
"Hindi ko po alam, eh. Basta tatawag na lang po ako sa inyo. Pasensiya na ho kayo, Sir Felipe."
"No, it's not a problem, hijo. Alam kong mahalaga ang trabaho mo. Kaya sige at humayo ka na. Sasabihan ko na lang si Maria Elena na napadalaw ka rito."
Napangiti ang lalaki. "Maraming salamat ho, Sir Felipe." Saka ito tuluyang lumisan at nagtungo sa motorsiklo nitong naka-park sa bandang tabi.
Isang oras naman ang lumipas bago dumating si Maria Elena. Sa gate pa lang ay sinalubong na niya ito.
"Buenos dias, Papa! Pinatatawag n'yo raw ako?"
"Saan ka nagpunta?" mataas ang boses na tanong niya rito.
"M-may pinuntahan lang po." Napansin din yata ng babae na hindi siya masaya.
"Halika sa loob. May sasabihin ako." At sabay na silang naglakad ng babae.
"Tamang-tama, Papa. May sasabihin nga rin pala ako sa inyo," mayamaya'y saad ng dalaga. "Totoo po ba 'yung sinabi sa akin nina Aling Techie? Pinaaalis n'yo raw sila roon dahil balak n'yong patayuan ng subdivision 'yung lupa nila?"
Nagsalubong ang mga kilay niya sa narinig. "Saan mo naman nakuha ang impormasyong 'yan?"
"Sinabi nila mismo sa akin, Papa. Iyon daw ang naririnig nila mula nang ikaw ang maupo sa puwesto. Nagpunta kasi ako sa lugar nila kahapon. Binisita ko lamang ang kalagayan nila. At naghatid na rin ng kaunting tulong."
"Bakit ba punta ka nang punta kung saan-saan? Pinakikialaman mo ang trabaho ko?"
"Papa, nagtatanong lang naman ako. Pero totoo ba? Totoo ba 'yung naririnig nilang isyu?"
"Kung totoo man iyon o hindi, labas ka na roon, Maria Elena. Hindi ka dapat nakikialam sa mga trabahong pangmatanda. Ako ang nasa puwesto kaya ako ang masusunod kung ano ang dapat tanggalin, palitan at idagdag sa lugar na ito."
Sa pagkakataong iyon ay nasa loob na sila ng mansyon. Nahinto sa paglalakad si Maria Elena dahil sa narinig. Hindi ito makapaniwala sa sinabi niya.
"Seryoso, Papa? Totoo nga na gusto n'yo silang alisan ng lupa? Papa, hindi mo ba alam na ang pagsasaka ang tanging kabuhayan ng mga kababayan natin sa Barangay Bulaklak? Isa rin sila sa mga nagsu-supply ng bigas sa mga market sa Saint Gregorio! Bakit n'yo sila aalisan ng tahanan para lang sa mga building n'yong iyan?"
Napikon na rito si Don Felipe. "Maria Elena, mula ngayon ayaw na kitang pumunta roon o kahit na saan pa! Hindi ka na mangingialam sa mga proyekto ko para sa lugar na ito. Huwag ka nang pupunta sa mga lugar na sakop ng aking proyekto! Maliwanag?"
"Papa naman! Bakit ayaw n'yo akong diretsuhin? Siguro totoo nga ano! Kayo ang may balak na alisan sila ng lupa! Totoo nga ang mga naririnig nila! Marami pa raw kayong mga kabahayan dito na gustong ipagiba at ipawasak para lang sa proyekto n'yong iyan! Hindi n'yo man lang iniisip ang mga mawawalan ng tahanan at trabaho sa ginagawa n'yo."
"Maria Elena, tumigil ka na!" Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya ito napigilang sigawan. Napahinto tuloy sa paglilinis ang ilan sa mga katulong nila.
"Kaya pala kita pinauwi rito ay para sabihin sa iyong bawal ka nang pumunta sa simbahan o sa kumbento!" dire-diretsong pananalita niya sa babae na ikinagulat naman nito.
"Papa, ano ba'ng sinasabi n'yo?"
"Nag-usap-usap na kami ng mga Bendijo. Ikaw ang ipapakasal namin sa anak nilang si Evandro. Magaganap ang kasal n'yo pagkatapos ng kina Maria Isabel at Ronaldo. Markahan mo na ang kalendaryo mo, Maria Elena, para hindi ka makalimot!" Sa pagkakataong iyon ay tinalikuran niya ang babae.
Tulad ng kanyang inaasahan ay mabilis itong sumunod sa kanya at bakas sa mukha ang labis na pagkabigla. "Papa, sabihin n'yong nagbibiro lang kayo. Sabihin n'yong hindi totoo 'yung sinasabi n'yo!"
"Mukha ba akong nagbibiro, Maria Elena? Didiretsuhin na kita. Hindi ko gusto ang ginagawa mong pakikisama sa mga pari at madre sa kumbento! Hindi ka puwedeng maging madre! Isang malaking kahihiyan sa pamilya natin iyon at alam mo 'yan! Kaya sa ayaw at sa gusto mo, ikakasal ka kay Evandro sa susunod na taon! Kaya dapat ngayon pa lang matuto ka nang tanggapin iyon kung gusto mong wala tayong maging problema!"
"Papa, huwag kang magsalita nang ganyan! Sobra na 'tong ginagawa n'yo! Wala kayong karapatang harangin ako sa mga pangarap ko sa buhay. Malaki na ako, 'Pa! Hayaan n'yong ako na ang humawak sa sarili kong buhay!" Mabilis na nangilid ang mga luha ng babae.
"Isang buwan!" sigaw muli niya sa mas malakas na boses. "Isang buwan na lang bago ang kasal n'yo! Oo, mauuna ka nang ikakasal kay Maria Isabel! At kung ayaw mong gawin kong bukas o sa susunod na linggo, huwag ka nang magsasalita pa!" Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya sinundan ng babae nang talikuran niya ito. Narinig niya itong naglumpasay sa sahig at humagulgol nang iyak.
Hinayaan na lang niya ito at dumiretso na lamang siya sa kanyang opisina sa mansyon para hindi marinig ang mga paawa nito.
NABULABOG si Imelda sa kanyang silid nang biglang pumasok si Maria Elena at tumatangis nang matindi. Agad niya itong niyakap nang mahigpit. Lumuhod naman ito sa harapan niya at hinawakan ang dalawang kamay niya.
"Mama, m-may sinabi sa akin si Papa... Alam n'yo na ba ang tungkol doon?"
"A-ano ba iyon, anak?" pagmamaang-maangan niya kahit alam na niya kung ano iyon.
"Ipapakasal daw po ako sa anak ng mga Bendijo. Alam n'yo na po ba ang tungkol dito, Mama?"
Matagal bago nakasagot si Imelda. Magmula kahapon ay tungkol dito ang iniisip niya. Magdamag at maghapon siyang nag-iisip kung paano ito sasabihin sa babae. Ngayon ay batid na nito ang tungkol doon kaya hindi na naman niya alam kung paano ito kakausapin.
"Anak, alam mo namang tayong dalawa lang ang magkakampi rito 'di ba? Mahal na mahal kita, alam mo 'yan. Pero alam mo naman siguro kung ano ang magiging epekto nito sa pamilya natin kapag hindi mo sinunod ang iyong papa."
Lalong napaiyak ang babae. Halos idikit na nito ang mukha sa kutson ng kama. "W-wala ba kayong puwedeng gawin? P-para...pigilan 'yung kasal? P-parang awa n'yo na po, Mama... A-ayoko pong magpakasal... Alam n'yo po kung gaano ito kasakit sa akin..."
Wala nang maisagot si Imelda. Napayakap na lang din siya nang mahigpit dito. Sa ganoong paraan na lang niya ipinaramdam ang tugon niya rito. Maging siya ay naiiyak na rin sa mga sandaling iyon dahil wala siyang magawa para tulungan ito.
Ang hindi nila alam, masaya silang pinagmamasdan ni Marites na nakasilip sa pinto. Agad din itong umalis doon at nagtungo naman sa kuwarto ng amo nito.
"Madam! May bago akong chismis sa 'yo! Kumuha ka muna ng tissue," sabi pa nito sa matanda.
"At bakit naman ako kukuha ng tissue, Marites? Ano ba'ng sasabihin mo?" Napaharap si Donya Glavosa rito na kasalukuyang nag-aayos ng buhok sa salamin.
"Narinig ko sina Maria Elena at Ma'am Imelda ngayon lang. Nag-iiyakan sila! Alam na pala niya na ipapakasal siya roon sa guwapong anak ng mga Bendijo. Hindi niya tanggap, Madam! Nagtataka naman ako kay Maria Elena, ang guwapo-guwapo na no'ng tao pero bakit ayaw pa rin niya? Kung ako lang 'yon wala nang kasal-kasal sa akin. Ididiretso ko na agad siya sa kama para makabuo na agad kami ng pamilya!"
Pumait ang mukha niya at naibato rito ang kanyang suklay. "Hinaan mo nga 'yang boses mo at baka mabuking pa tayo rito! Lumapit ka rito at isarado mo ang pinto!"
"Ay, sorry naman, Madam!" Pinulot ng babae ang suklay at sinara nga ang pinto. Saka ito muling lumapit sa kanya at inabot muli ang suklay.
"Narinig ko rin po kanina 'yung usapan nila ni Don Felipe. Nakulitan yata ito sa babae kaya imbes na sa susunod na taon, eh, sa susunod na buwan na raw gaganapin ang kasal! Siya na ang mauunang ikasal kay Maria Isabel!"
Hindi makapaniwala si Donya Glavosa sa narinig. "Hay nako. Ang daming ganap ngayon dito sa bahay! Parang circus! Ang sarap nilang panoorin habang umiinom ng California Red! Ikaw ba, ano'ng ganap ngayon dito ang inaabangan mo?"
"Kung ako naman ang tatanungin, ang inaabangan ko rito ay kung ano 'yung surpresang sinasabi n'yo para sa kasal ni Maria Isabel. Sabihin mo na kase sa akin, Madam, ano ba iyon?"
Napangiti lang muli siya nang makahulugan. "Kaya nga surpresa, eh. Abangan mo na lang." Saka siya muling tumitig sa salamin at pinagpatuloy ang pagsuklay sa buhok.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro