Chapter 13: Natural na Araw sa Mansyon
APAT na buwan pa lang bago ang kasal nina Maria Isabel, sunod-sunod na ang malalaking exposure ni Roselia Morgan sa industriya. Bukod sa makapigil-hiningang performances nito noong nakaraan, naimbitahan naman ito ngayon para maging judge sa isang bagong singing contest sa TV.
Sobrang nainsulto siya rito. "Bakit siya pa? Bakit hindi na lang ako?" Nagtatampo siya sa mundo kung bakit hindi siya ang kinonsider ng programang iyon para maging hurado.
Siya ang Biritera Queen of Asia. Siya ang most influential singer of the last decade. Siya rin ay isang Iglesias. Ano naman kaya ang dahilan ng mga ito para lagpasan siya at kumuha ng isang newbie para maging judge?
Pinatay na niya ang TV para hindi lalong kumulo ang kanyang dugo. Tumayo siya sa sofa at umakyat sa kanyang silid. Binunot niya sa saksakan ang kanyang cellphone at tinawagan ang isa sa mga tauhan niya sa kanyang management team.
Nang sumunod na araw naman, naglakbay si Roselia Morgan sa Saint Gregorio para sa meet and greet nito sa mga tagahanga. Dinumog ito ng mga tao. Halos magkagulo sa buong open-air venue. Nagdagdag na sila ng karagdagang security para lang maawat ang mga taong sabik na sabik makita at mahawakan ang kanilang idolo.
Di nagtagal ay lumabas na rin si Roselia Morgan at kumaway sa mga tao sa paligid. Halos mabingi ito sa lakas ng sigawan at palakpakan. Ibig pa nga nitong maiyak sa sobrang saya. Nagsimula na rin itong magbigay ng autograph sa iba't ibang merch ng mga fans nito.
Sa kalagitnaan ng event, isang lalaking naka-face mask ang lumapit kay Roselia Morgan. Nagulat ang lahat nang bigla nitong ibuhos sa mukha ng babae ang laman ng dala nitong bote.
Nang mapagtanto ng babae kung ano iyon, halos mahimatay ito sa lakas ng pagsigaw. Isang suka iyon ng tao base sa amoy. At tila may iba pang hinalo rito para mas maging mabaho.
Hindi na nila nahuli ang lalaki dahil mabilis itong nakatakbo. Hindi rin nakita nang malinaw sa CCTV ang hitsura nito dahil bukod sa blurry ay natatakpan iyon ng mask.
Halos sumikip ang tiyan ni Maria Isabel sa kakatawa habang pinapanood ang balitang iyon sa TV. Nagtagumpay ang taong inutusan niya para mangolekta ng mga suka at ibuhos sa mukha ng karibal.
Hindi maipinta ang kanyang kaligayahan habang pinagmamasdan ang hitsura ng babae na kumalat sa online. Nagmukha itong kawawang nilalang. Dahil doon ay nag-trending muli ito. Hindi nga lang sa magandang paraan. Dahil pinagpipiyestahan na rin ito ng mga trolls na binayaran niya para gawan iyon ng memes sa social media.
At ayon pa sa mga artikulong nabasa niya, magdamag daw nagkulong si Roselia Morgan sa bahay nito nang araw na iyon. Maririnig din daw ang malakas nitong pag-iyak. Takot na takot na raw itong lumabas ngayon at parang nagkaroon na ng phobia sa maraming tao.
"This is what we called good news!" sambit pa niya habang nagbabasa.
Dahil sa nangyari, paniguradong matagal na mawawala sa eksena ang babaeng kinamumuhian niya. Hindi biro ang trauma na dumapo rito. Maaaring abutin iyon ng ilang buwan o taon bago maka-recover. Sapat na ang panahong iyon para maagaw niya muli ang spotlight dito.
HABANG nag-aayos muli ng buhok si Maria Elena ay pinasok siya ng ina sa kanyang silid. "Mabuti naman at bihis na bihis ka ngayon. Halika, anak. May sasabihin kami sa 'yo."
"Ano po 'yon, 'Ma?"
"Labas ka na lang dito at samahan mo 'ko."
Mabuti na lang at tapos na siyang mag-ayos sa mga sandaling iyon kaya walang atubiling sumama siya sa ina. Pagbaba nila sa living room, nakita niya si Evandro na katabi si Don Felipe sa white sofa. Tila hindi nito kasama ang mga magulang nito.
Napatayo naman si Don Felipe nang makita siya. "Heto na pala ang aking anak..." Saka ito lumingon kay Evandro. Napatayo rin ang lalaki sa kinauupuan.
"Good morning, Maria Elena. It's nice to meet you again!" Bakas ang ligaya at pagkabighani sa mukha ng lalaki. Kahit medyo malayo ito sa kanya ay amoy na naman niya ang pabango nito.
Napilitang ngumiti si Maria Elena. Hindi niya alam kung ano ang isasagot. "G-good morning..."
"Sadya kong pinapunta rito si Evandro para makapaglibot sa buong mansyon. Alam mo naman na first time niyang makapasyal dito kaya dapat lang siguro na i-tour natin siya sa ating tahanan upang sa susunod ay hindi siya maligaw. Gusto ko sanang ikaw ang gumawa niyon sa kanya."
"Ha?" Gulat na gulat siya. "Bakit po ako?"
"Wala nang maraming tanong. Kanina pa naghihintay si Evandro sa 'yo. Ilibot mo na siya, anak," utos sa kanya ng ina.
Ayaw naman niyang magkaroon ng bad impression sa lalaki lalo na't sobrang taas ng tingin ng pamilya nito sa kanya pati na rin sa buo nilang pamilya. Kaya kahit labag sa loob ay nilapitan na niya ito saka tumitig sa ama.
"Sige na. Ilibot mo na siya. May gagawin lang kami ng mama mo." Iniwan na sila ni Felipe at sumunod naman dito si Imelda.
Silang dalawa na lang ang naiwan doon. Wala na siyang choice. Kailangan niyang gawin ang utos ng ama upang hindi makatikim dito.
"Tara. Sumunod ka na lang sa 'kin," ngiting sabi niya rito, pinipigilan ang kanyang hiya.
"Salamat at pumayag kang samahan ako. Gustong-gusto ko talagang makita ang buong bahay n'yo. Ewan ko ba kina mama kung bakit ngayon lang nila ako ipinasyal dito kung kailan malaki na 'ko. Samantalang dati, madalas na nilang ikuwento sa akin ang tungkol sa inyong mga Iglesias, na kayo raw ang pinakama-impluwensiyang pamilya rito sa buong Hermosa, at kayo rin ang pinakamatalik nilang kaibigan."
"W-walang anuman," matipid na sagot niya. Hindi na talaga niya alam kung ano ang sasabihin. Parang lalo siyang kinakabahan at naiilang dahil dalawa lang silang magkasama tapos ay napakalakas pa ng presensya nito.
Sabay silang naglakad sa direksyong pinupuntahan niya. Ilang beses sinubukang maglakad nang mabagal ng lalaki para paunahin siya. Pero binabagalan din niya ang kanyang lakad dahil ayaw niyang mauna. Naiilang talaga siya. Pakiramdam kasi niya'y tititigan siya nito sa buong katawan kapag nasa unahan siya.
Una niya itong dinala sa kitchen area. Naabutan pa nila ang ilan sa mga maid na naglilinis doon. "Eto nga pala ang kitchen namin. Kung kilala mo na ang kapatid kong si Maria Lucia, siya ang palagi mong makikita 'pag nagpunta ka rito. Siya kasi ang may passion sa pagluluto rito. Pero ngayon wala siya. Nasa bahay siya ng boyfriend niya."
"Wow naman!" komento rito ni Evandro. "Napanood ko na nga rin siya noon sa mga guest appearances niya sa TV. At ang sarap din ng gawa niyang Spanish Flan na pinamiryenda sa amin noong nakaraan!"
Sunod naman silang nagtungo sa indoor pool na pinalilibutan ng malalaking mga pader na punong-puno ng mga disenyo. Mga guhit na may kinalaman sa sining.
"Buti pa kayo meron nito! Sa amin kasi may dalawang pool din kami pero parehong nasa labas."
"Dalawa lang din naman sa amin. Isa sa labas na madalas gamitin nina ate, at isa naman dito na madalas kong gamitin."
Nilibot pa nila ang ibang bahagi ng mansyon. Nagsisimula nang bumaluktot ang mga paa ni Maria Elena sa paglalakad dulot ng labis na kaba. Sana lang ay huwag itong mapansin ng lalaki dahil baka makahalata ito na kinakabahan siya.
Nagtungo naman sila sa second-floor kung saan makikita ang kani-kanilang mga silid. Nilibot lang nila ang buong hallway na punong-puno ng mga diamanteng nakasabit sa paligid. Pakiramdam nila'y naglalakad sila sa entrance ng isang Paraiso dahil doon.
"Hulaan ko kung sino ang may gawa nito. Ang mama mo?" natatawang tanong ng lalaki.
"Ah, oo. Paano mo nahulaan?"
"Siyempre noon pa man mahilig na sa diamonds si Ma'am Imelda 'di ba? Noong bata pa kasi ako, palagi kong nakikita ang parents ko na bumibili ng mga diamonds. Ipangreregalo raw nila iyon sa kanya tuwing bumibisita sila rito."
"Ah, oo. Noong bata rin ako, palagi ko nga silang nakikita na nagbibigay ng diamonds kay mama. 'Yung iba rito, itinago niya. 'Yung iba, idinisplay gaya ng mga ito. 'Yung iba naman nakatambak sa closet niya. Pero ngayon, nag-iba na ang gusto niya, eh. Mga bag naman ang kinokolekta niya ngayon."
"Talaga ba? Alright! At least alam ko na kung ano ang dadalhin ko sa susunod na pupunta ako rito."
Natawa lang siya sa sinabi nito at hindi na nagawang magkomento pa. Nagpatuloy muli sila sa paglakad hanggang sa maakyat nila ang ikatlong palapag.
Dito naman makikita ang malaking library nila at ilang entertainment rooms. Mayroon silang home cinema kung saan kasya ang hanggang 60 na katao. Mayroon ding bowling alley na nagsisilbi raw libangan ni Don Felipe kapag naiinip ito. Nadaanan din nila ang walk-in closet kung saan naka-display ang ilan sa mamahaling mga outfit na isinuot nila sa mahahalagang mga events na dumating sa kanilang buhay.
Pinasok din nila ang museum room na ipinagawa naman ni Don Felipe. Dati lang iyong bakanteng silid. Ngunit nasasayangan ang kanyang ama sa laki nito kaya naisipan nitong ipa-renovate iyon at palagyan ng laman.
Doon nito naisipan na gawing museum iyon. Bumili sila ng mga antigong kagamitan at mga artifacts sa mga collector para i-display roon. Marami ring nakasabit na mga lumang paintings doon na may kinalaman sa history. Nandoon din nakalagay ang ilan sa mga antique na kagamitang pag-aari ng kanilang mga ninuno.
"This is so great! One of the most unique structures I've ever seen in my life!" compliment ng lalaki habang nililibot nang tingin ang buong paligid.
May pagkakahawig ang structure ng silid na iyon sa isang simbahan. Mas nakadagdag pa sa ambience ang mga lumang kagamitan sa paligid kaya pakiramdam nila ay nasa sinaunang panahon talaga sila.
Huli naman nilang tinungo ang isa pang silid sa pinakadulo ng hallway. Medyo madilim na ang ilaw sa gawing iyon. Binuksan ni Maria Elena ang pinto at hinintay na pumasok ang lalaki bago siya naglakad muli papasok dito.
Bumungad sa kanila ang hagdan pababa sa napakalaking opisina na may sampung pintong nakapalibot sa paligid. "Ito naman ang home office ni Papa. Dito siya nagtatrabaho minsan kapag tinatamad siyang lumabas. Dito rin niya dinadala minsan ang mga bisita niya kapag may formal meetings sila."
Sa kanilang paglilibot sa buong mansyon ay marami silang nadaanang mga babasaging furniture, mala-higanteng rebulto ng mga Iglesias, mga naglalakihang antique paintings, at iba pang likhang sining sa bawat hallway na milyun-milyon ang halaga.
Bukod doon, may ilang mga hallway rin na gawa sa transparent glass na pader kaya kitang-kita ang tanawin sa labas. Napakasarap maglakad-lakad doon.
Kahit mayaman din sina Evandro, hindi nito maiwasang malunod sa labis na pagkamangha sa mga nakita nito sa mansyon ng mga Iglesias. Karamihan kasi ng mga kagamitan, structures at disenyo ng gusali roon ay tila idinaan sa matinding creativity. Parang isang malaking bahay ng sining iyon.
Hindi gaya ng mansyon nila na simple lang ang dating. Kasing laki rin naman iyon ng bahay ng mga Iglesias at marami ring mamahaling gamit sa paligid na milyon ang halaga pero wala nang masyadong sining ang structure niyon. Lumaki kasing simple ang mag-asawang Bendijo kaya pinapairal din ng mga ito ang simplicity sa kanilang tahanan.
Pababa na sila nang mga oras na iyon nang magtanong muli si Evandro. "How about you, Maria Elena. Ano'ng part naman dito sa bahay n'yo ang paborito mong puntahan? 'Yung pampalipas-oras mo?"
Matagal bago nakasagot si Maria Elena. Hindi niya masabi na ang paborito niyang puntahan ay ang simbahan sa labas kung saan puro mga madre ang lagi niyang kasama.
"Ah, sa indoor pool," sagot na lamang niya kahit hindi iyon totoo.
"Nice! Ang ganda nga rin naman ng indoor pool n'yo. I am hoping na magkaroon din kayo minsan ng pool party roon. Ako ang pinakamaagang pupunta rito 'pag nagkataon," natatawang tugon ng lalaki.
Nakitawa na rin siya.
Hinatid naman niya sa labas ng kanilang conservatory ang lalaki kung saan nagpapahangin ang mga magulang niya.
"O, tapos na ba kayong maglibot sa loob?" tanong ni Imelda sa kanilang dalawa.
"Si, Madre."
"I really enjoyed the tour with her, Ma'am Imelda. Everything that I've seen is just so unique, creative, and powerful," masayang pahayag ni Evandro dito.
"Mabuti naman kung ganoon, hijo. Sana'y dalasan mo rin ang pagpasyal dito sa susunod. You are always welcome here," sabi naman dito ni Don Felipe habang hawak ang baston nito.
"I will, Sir Felipe. Hindi ako magsasawang ulit-ulitin ang paglilibot dito. It feels like I'm walking in a paradise, in a different dimension. It's just so good!" anang lalaki sa malumanay na tinig.
Nakahinga lang nang maluwag si Maria Elena nang magpaalam na itong uuwi na. Doon siya nagmadaling umakyat sa kuwarto niya para magkulong. Nais muli niyang magpahinga upang mawala ang hiyang bumabalot sa kanya.
PUMASOK nang naka-bathrobe si Don Felipe sa kanilang silid ni Imelda. Katatapos lang nitong maligo nang gabing iyon. Naabutan pa nitong nagba-vibrate ang telepono ng asawa. Isang unknown number ang tumatawag dito. Na-curious ito kung sino iyon. Dinampot nito ang cellphone sa mesa at nagtalong-isip kung pipindutin ba nito ang answer button.
Sakto namang dumating din si Imelda sa silid habang tinatanggal ang ayos ng mala-vintage na hairstyle nito. Nang makita niyang hawak ng asawa ang cellphone ay agad niya itong kinuha rito.
Sa pagkakataong iyon din ay kusa nang namatay ang tawag.
"Sino 'yan?" tanong sa kanya ni Felipe.
"Mukhang ito lang 'yung business partner ko. Nagpalit kasi siya ng numero at sinabing tatawagan na lang daw ako sa mga oras na ito."
Seryoso ang pagkakatitig ng lalaki. "Business partner?"
"Babae ito, Felipe. Business partner ko sa isang clothing line na itatayo namin. Wala kang dapat ipag-alala."
Tila napaniwala naman niya ang lalaki roon kaya hindi na ito nagtanong muli at dumiretso na sa closet nito para magbihis.
Pasimple siyang lumabas at bumaba sa living room para makasiguradong walang makakarinig sa kanya.
Doon niya tinawagan ang misteryosong numero. "Hello?"
"Hello, Imelda? Kumusta na?" Boses ni Orlando ang nasa kabilang linya.
"Orlando!" bulalas niya. "Sinabi ko naman sa 'yo na huwag kang tatawag. Hintayin mong ako ang tumawag sa 'yo. Alam mo namang kapag nandito ako sa bahay, hindi sa lahat ng oras ako ang may hawak ng cellphone ko. Muntik ka nang mahuli ni Felipe kanina. Buti na lang hindi niya sinagot agad!"
"Pasensiya na. Sobrang nami-miss lang talaga kita, Imelda. At nag-aalala rin ako sa 'yo dahil alam kong hindi ka na masaya sa piling ni Felipe. Kung may magagawa lang sana ako para mailayo ka sa kanya."
"Nalulungkot din ako, Orlando. Minsan iniisip ko sana hindi na lang kami naging ganito kayaman para kahit papaano hindi ako mahirapang kumalas sa kanya. Pero hindi, eh. Wala akong magagawa. Ganito ang naging kapalaran ko. Mayaman nga pero malungkot naman. Ang mga anak ko lang talaga ang pinagkukuhanan ko ng lakas ng loob, lalo na si Maria Elena."
"Basta lagi mong tandaan na walang problema ang nagiging permanente sa mundo. Malalampasan mo rin 'yan. Magiging masaya ka rin balang araw. Sa piling ko..."
"Sana nga, Orlando. Sana nga. Sige na. Tatawagan na lang uli kita sa susunod kapag may mahaba akong oras. Nandito si Felipe ngayon sa bahay kaya hindi muna ako puwedeng gumawa ng kahit ano!"
"Naiintindihan ko, Imelda. Maraming salamat din sa pagtawag mo sa akin. Mag-iingat ka!"
"Ikaw rin." Saka niya mabilis na ibinaba ang tawag. Nilingon pa niya ang buong paligid para makasiguradong walang nakarinig sa kanya, lalo na si Felipe na nasa taas pa rin at nagbibihis.
"GOOD news! Nakausap ko na 'yung kakilala kong producer. Tinanggap nila 'yung proposal ko na ikaw ang gawing host. Magkakaroon ka na ng sariling show, Lucia!"
Hindi makapaniwala si Maria Lucia sa ibinalita sa kanya ng nobyo. Katatapos lang ni Nathan kausapin sa tawag ang producer na sinasabi nito.
"Oh, no! It's finally happening! Thank you so much talaga!" Napayakap siya rito sa labis na tuwa. Halos maglulundag pa siya at masakal na ang leeg ng nobyo.
Pangarap na talaga niyang magkaroon ng sariling cooking show sa TV. Nais kasi niyang ibahagi sa maraming tao kung paano ba mag-eksperimento sa kusina ang isang Maria Lucia Iglesias. Nagkataong may vacant slot ang isang major network kaya ginamit ni Nathan ang koneksyon nito sa mga producers at directors para bigyan siya ng sariling show doon. Kukunin na nila ang bakanteng slot na iyon.
Lalo siyang natuwa sa sinabi ng lalaki na iniimbitahan daw sila bukas na dumalo sa conference meeting para pag-usapan ang magiging concept ng show. Nais din daw nilang siya ang magbigay ng gusto niyang pamagat para sa programa.
"Thank you for making my dreams come true, Nathan! Hindi ko na alam kung paano pa 'ko makakabawi sa 'yo sa dami ng mga itinulong mo para ma-discover ng marami ang passion ko sa kusina."
"Just keep loving me. Iyon lang ang gusto kong kapalit, Lucia. Ikaw lang ang babaeng gusto kong dalhin sa harap ng altar. At ikaw lang din ang gusto kong magluto ng pagkain ko araw-araw," sabi pa nito sa kanya at hinila nito ang baywang niya kaya bahagyang napalapit ang kanyang dibdib sa mukha nito.
Muling yumakap nang mahigpit si Maria Lucia sa nobyo. Sinadya rin niyang idikit ang malulusog niyang mga dibdib sa mukha nito. Tila gustong-gusto naman iyon ng lalaki. Mangiyak-ngiyak na siya sa mga oras na iyon. Walang salitang makapagsasabi kung gaano siya kasaya.
SA ISANG silid naman ay hindi pa rin tumitigil sa pagtangis si Roselia Morgan. Labis pa rin niyang dinaramdam ang nangyari sa meet and greet. Halos mangayayat na siya sa ilang araw na hindi pagkain at pagtulog nang maayos.
Napilitan na tumuloy pumunta sa kanyang condo ang manager niyang si Doniel Jr. Ito ang pansamantalang naging kasama niya roon upang bantayan siya. Baka kasi kung ano pa ang gawin niya sa kanyang sarili kapag patuloy siyang nag-iisa roon.
Sa mga sandaling iyon ay nakasandal lang siya sa kama at patuloy na umiiyak. Nakaupo naman ito sa tabi niya at tahimik na nakikinig sa kanya.
"Mula nang mawala ang mga magulang ko, parang nawalan na ako ng pag-asa na mabuhay. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa sarili ko noon. Ilang beses ko tinangkang magpatiwakal. Hindi ko na rin natuloy ang pangarap ko noon na maging singer dahil nawalan na ako ng purpose at goal sa buhay. I just feel so empty and useless. I really miss my parents," paliwanag nito habang inaalala kung paano nasawi sa plane crash ang mga magulang nito pauwi sana ng bansa para manood sa pagtatanghal niya sa isang singing contest.
"And then bigla tayong nagkakilala that time, remember?" sagot naman sa kanya ni Doniel Jr. "Ako ang naka-discover sa hidden talent mo sa pagkanta. Ginawa namin ang lahat para ma-discover ka ng marami at mabigyan ng magandang career. Heto na 'yun, Roselia. Ang layo na ng narating mo. You already have two albums and five major concerts. Sana naman, huwag mo maisipang sumuko this time."
"Paanong hindi ako susuko, Sir... Baguhan pa lang ako sa industriya, parang may mga galit na sa akin. Sinira nila 'yung magandang moment ng meet and greet ko. Feeling ko, kapag lumabas pa ako ulit baka baril na ang tumama sa akin. Hindi ko na talaga kaya. Ayoko nang magpatuloy pa. Gusto ko na lang bumalik sa dati para matahimik muli ang buhay ko."
Sa pagkakataong iyon ay napayakap sa kanya ang lalaki. "Please, don't say that, Roselia. Hindi mo dapat pinapakita sa kanila na mahina ka. Lakasan mo ang loob mo. Iwaksi mo sa isip ang mga bagay na nagpapahina sa 'yo. Sa halip na sumuko ka, dapat nga gamitin mo kung ano ang meron ka ngayon para labanan sila, at ipakita na ikaw ang mas angat."
Hindi na sumagot sa pagkakataong iyon si Roselia Morgan. Napaiyak na lang muli siya at mahigpit na kumapit sa mga braso ng manager. Sobrang down na down talaga siya. Hindi na niya alam kung paano pa makababalik sa dati dahil sa nangyari.
Hanggang sa biglang tumunog ang telepono ni Doniel Jr. Saglit itong bumitaw sa kanya at sinagot ang tawag. Gumuhit ang pagkabigla sa anyo nito nang marinig kung sino ang nasa kabilang linya.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro