KABANATA 6
[Kabanata 6]
Napanganga na lang ako nang makita sa personal si Timoteo Castellana. Ngumiti siya sa akin at tsaka nakikita ko rin ang dalawang biloy na nasa kaniyang pisngi.
"Paumanhin lang binibini, pero parang may tumutulo galing sa iyong labi." sabi niya pa sa akin. Mukhang nakabalik na rin ako sa aking sarili at nagulat na lang kung anong tumutulo ngayon sa aking bigbig. Naku, naman. Tumutulo na pala ang aking laway. Juskolord!
Napangiti na lang ako at tsaka tumalikod na sa kaniya. Agad ko namang pinunusan ang aking laway sa bibig gamit ng aking saya at tsaka humarap ulit sa kaniya. Mukhang first time kong napahiya sa harapan ng lalake. Ngumiti na lang ako na parang walang nangyari at ngumiti rin naman siya pabalik sa akin.
"Nais ko ulit tanungin ka binibini kung anong ginagawa mo rito sa loob?" tanong niya ulit sa akin gamit ang kalmado nitong tono.
"Uh, wala naman. Gusto ko lang naman tingnan ang mga magaganda mong obra, ginoo." sagot ko naman habang nakakatitig sa kaniya. Hindi naman maalis-alis ang aking mga mata sa kaniyang mala-anghel na imahe. Parang isa siyang maamong tupa. Malumanay, mukhang mabait, at may maamong mukha.
"Malugod kong tinatanggap ang iyong pagpuri sa aking obra, binibini. Ngunit pinagbawalan ang sinuman ang makapasok sa silid na 'to." sabi niya sa akin na may bahid ng pangamba sa kaniyang mukha. Nagulat naman ako sa kaniyang sinabi.
Bigla niya ring hinawakan ang aking kamay at hinatid sa labas ng kuwartong 'yun. Nagulat naman ako sa kaniyang ginawa at ganun din sa kaniya. Hindi dapat basta-basta hinahawakan ng lalake ang kamay ng babae kung hindi niya pa ito kasintahan o asawa sa ganitong panahon. Bumitiw naman siya sa kaniyang pagkakahawak sa aking kamay at mabuti na lang dahil walang may nakakakita.
"Hindi ko sinasadya, binibini." sabi niya sa akin. Mukhang nagkahiyaan kami sa mga oras na 'yun. Ang awkward kaya. Namumula rin ang kaniyang mala-porcelanang pisngi at napa-iwas din ng tingin sa akin.
"Timoteo!" sigaw ng isang lalake na nasa aming likuran. Napatingin naman kami sa lalakeng 'yun at laking gulat ko na lang dahil kasama niya sa mga oras na 'yun ang aking pinsan na si Eleanor. Nagulat din si Eleanor nang makita ako at agad naman siya pumunta sa amin kasama ang lalaking 'yun.
"Florentina! Mabuti nandito ka!" sabi niya sa akin habang nakangiti ito. Napangiti naman ako nang magkita ulit kami ni Eleanor. Sino kaya itong binata na kasama niya ngayon?
"Uh, Florentina, may ipapakilala pala ako sa'yo. Siya si ginoong Danilo Manejero. Isa siyang Insulares sa bayan na ito, ang aking nobyo." ang pagpapakilala niya sa akin sa lalaking katabi niya ngayon. Ngumiti naman ang ginoo at nagbigay galang sa aking harapan.
"Malugod kong makilala ka, binibining Florentina." sabi niya habang hinubad ang kaniyang sumbrero at itinapat ito sa kaniyang dibdib.
"Ako rin, ginoong Danilo." sabi ko naman sa kaniya. Mukhang maswerte naman ang pinsan ni Florentina sa nobyo niya. Insulares kasi, ang ibig sabihin 'nun isa siyang full-blooded Spaniard. Kaya lang, dito siya ipinanganak at lumaki sa Pilipinas. Napakaputi nito, matangos din ang ilong, at gwapo pa.
"Mukhang magkakilala kayo ni ginoong Timoteo, Florentina." sabi naman ni Eleanor sa 'kin na may para bang kasunod na panunukso. Siningkitan ko na lang siya ngunit siniko niya na lamang ako sa aking tagiliran sabay tawa.
"Kailan pa kayo, nagkakilala ni ginoong Timoteo, ha?" tanong niya sa akin sabay bungisngis.
"Bago ko lang siya nakilala, Eleanor. At tsaka teka nga, kanina pa ba kayo ng nobyo mo rito?" sabi ko. Ngunit imbes na sagutin ang aking tanong ay mas ngumiti naman nang malapad itong si Eleanor sa aking harapan.
"Huwag mo namang ibahin ang usapan, Florentina. Kailan ba kasi kayo nagkakilala ni ginoong Timoteo? Sabihin mo sa akin!" sabi niya pa. Talagang nagagalak siyang marinig ang kuwento mula sa akin.
Magsasalita na sana ako kaya lang biglang nagsalita si ginoong Danilo sa aming likuran habang kasama niya si Timoteo na tahimik na tumitingin sa amin. "Pumanhin lang mga binibini, nais ko na sanang maunang umalis." sabi niya at tsaka tumingin ito kay Eleanor.
"Aalis ka na, ginoong Danilo?" nag-aalalang tanong ni Eleanor sa kaniya. Napatango naman si ginoong Danilo sa amin at tsaka nagbigay galang sa aming harapan.
"Sandali lamang, ginoo. Aalis din kami ni Florentina." nagmamadaling sinabi ni Eleanor habang nauna na siyang naglakad papunta kay Danilo. Mukhang napa-sobra 'ata ang tama ni Eleanor sa Insulares na 'yun. Napailing na lang ako sa kaniyang mga kilos.
Naiwan naman kami ni Timoteo sa aming kinatatayuan habang ang magkasintahan naman ay parang mga butiki. Magkakahawak pa ang kanilang mga kamay habang sabay na bumaba ng hagdan. Parang gusto ko na ring umalis sa aking kinatatayuan ngunit parang ayaw naman gumalaw ng aking mga paa. Anu bang nangyayari sa akin?
Nagkatinginan kami tuloy ng lalaking ito na nasa aking harapan. Ngumiti naman siya ulit sa akin dahilan upang uminit ang aking mukha. Ang masayahin niyang mukha ang siya ring nagpasingkit ng kaniyang mga mata. Mukhang isa siyang chinese-mestizo na siyang bihira lamang makikita.
"Nakalimutan ko pa lang magpakilala sa'yo, binibini." panimula niya. Hinubad niya ang kaniyang sumbrero at tsaka itinapat niya 'yun sa kaniyang dibdib. Nabigla naman ako sa kaniyang ginawa. Talagang ang mga lalaki noon ay sadyang napakagalang. Meron bang ganyan ngayon? Haha
"Ako nga pala si Timoteo Castellana. Ikaw binibini, anu ang iyong buong pangalan?" tanong niya sa akin habang nakatingin sa aking mga mata. Ngumiti naman ako at agad nagbigay galang din sa kaniya.
"Ako nga pala si Florab-----." Naku, hindi na pala Florabelle ang pangalan ko ngayon. "Ako pala si Florentina Morcillo, ginoong Timoteo." sagot ko naman sa kaniya. Nasilayan ko na naman ang maganda niyang ngiti kaya agad akong napaiwas ng tingin sa kaniya.
"Ikaw pala ang kapatid na tinutukoy ni ginoong Angelo kamakailan nang magkita kami. Isang mabuting ginoo at doktor ang iyong kapatid, binibini." kuwento niya sa akin habang nakaharap nang malapitan. Isang doktor ang kapatid ni Florentina? Napangiti naman ako sa kaniyang sinabi. Kahit siguro na medyo may pagkamasungit ang kapatid ni Florentina, may mabuting puso naman ito.
"Pwede bang magtanong, ginoo? Bakit bawal makapasok diyan sa loob ng silid na 'yun?" tanong ko sa kaniya habang nakaturo sa kwarto kung saan kami unang nagkita kanina. Napatingin naman si Timoteo kung saan ko tinuturo ang aking daliri. Medyo napatagal ang pagtitig niya sa silid na 'yun.
"Ang ama ko mismo nagbigay ng utos na hindi maaring makapasok sinuman sa silid na 'yan, binibini. Kahit mga kamag-anak ko pa ay hindi maaari. Hindi ko rin lubos na mauunawaan ang aking ama kung bakit pero bago siya mawala sa amin ay agad ko naman 'yun sinunod. Kapag wala ako sa silid na 'yan, pinababantayan ko iyon sa mga guardia sibil ng aming mansion." kuwento niya.
"Pinangalan ko itong La casa de los aprendizajes de Castellana. Nagpagawa rin ako ng isang malaking silid-aklatan na dati ay silid aklatan lang ito ng aking yumaong ama. Maganda at tunay na kaibig-ibig ito sa mga estudyanteng mahilig mag-aral sapagkat malapit lamang ito sa Colegio de Santa Carolina."
"Malapit lang dito ang Colegio de Santa Carolina?" gulat kong tanong sa kaniya. Napatango naman siya sa akin.
"Hindi ka ba diyan nag-aaral, binibini?" tanong niya.
"Bago lang ako dito, ginoo. Sa Maynila kasi ako lumaki." sagot ko na lang sa kaniya.
"FLORENTINA!" sigaw naman ni Eleanor galing sa ibaba dahilan upang kami'y mapatingin sa kaniya.
"Wala ka bang balak umalis? Naghihintay na sa atin si mamang kutsero sa labas." sabi na lang ni Eleanor sa ibaba. Agad naman akong napasampal ng mukha at tsaka napatingin ulit kay Timoteo na naghihintay sa aking sasabihin.
"Mukhang hanggang dito na lang, ginoo. Kailangan ko nang umalis." sabi ko naman sa kaniya na nakangiti. Ngunit bago pa ako umalis sa kaniyang harapan ay bigla na lang niya hinablot ang aking kamay at tsaka tumingin nang diretso sa akin. "Magkikita pa ba tayo ulit, binibini?" tanong niya.
Mukhang nag-iinit na naman ang aking mukha dahil bigla niyang nilapit ang kanyang labi sa aking tenga upang itanong 'yun sa akin. Hindi ko naman alam kung ano ang magiging sagot ko sa kaniya. Mukhang nanlalambot na ang aking mga tuhod at unti-unti ring kumakabog nang malakas ang aking puso dahil sa ginawa niyang 'yun.
"Huwag kang mag-alala, ginoong Timoteo. Magkikita pa naman kayo ni Florentina!" sigaw naman ni Eleanor sa ibaba na hindi namin namalayan na naririnig niya na pala ang aming pinag-usapan. Napatingin naman ako kay Timoteo at tsaka tumango.
"Aasahan ko 'yan, binibini." ngiti niya at tsaka binitawan ang aking kamay. Agad naman akong lumakad papalayo sa kaniya at dali-daling bumaba ng hagdan.
Nang magkasalubong na kami ni Eleanor sa ibaba ay nasilayan ko ulit si Timoteo na nasa itaas habang nakatingin ito sa akin. Kitang-kita ko na naman ang masayahin niyang mukha na siyang nagpasingkit ulit sa kaniyang mga mata at paglitaw din ng dalawa niyang biloy sa kaniyang pisngi. Ngumiti ako sa kaniya pabalik hanggang sa tuluyan na kaming nakalabas ni Eleanor ng mansion.
**********
"Florentina, dali ikuwento mo naman." pagpupumilit pa ni Eleanor. Nandito kami ngayon sa loob ng kalesa kung saan patungo kami ngayon sa Sta. Rosita. Mukhang hindi siya titigil sa kaniyang pangungulit sa akin.
"Anu ba dapat ang aking ikukuwento, ha? Mukha namang narinig mo ang aming pinag-usapan kanina." sabi ko naman sa kaniya. Mukhang mas lumapad pa ang kaniyang mga ngiti nang sinabi ko 'yun sa kaniya. Ganun ba kalakas ang aming boses nang mag-usap kami kanina ni Timoteo?
"Isang tahimik na tao si ginoong Timoteo, Florentina. Bibihira lang siya lumalabas o di kaya'y makasama sa isang pagtitipon dahil sa kaniyang pagpipinta. Kakaunti rin ang kaniyang mga kaibigan dahil hindi naman siya masyadong palakaibigan. Alam mo ba maraming tao ang nagtatanong kung bakit pinagbawalan ang sinuman ang pumunta sa silid na 'yun. Ni isa wala siyang nasasagot sa mga tanong na 'yun, kahit ako mismo hindi niya rin sinagot tungkol diyan, Florentina." sabi niya. Medyo nagulat naman ako sa kaniyang sinabi.
"Kaya nga nagulat ako ng sinabi niya 'yun ang dahilan sa 'yo." dagdag niya. Mukhang hindi naman ako makapaniwala sa sinabi niya. Napatulala na lang ako sa mga sandaling 'yun. Naalala ko tuloy ang masayahin niyang mukha na hindi rin umaalis sa aking isipan. Ibig sabihin ako pala ang unang nakakaalam ng dahilang 'yon?
Mukhang malapit na kami sa bahay ni Katrina at agad naman kami nag-ayos ng aming sarili. Paano ba naman 'yan mukha na kaming haggard sa aming kalahating oras na biyahe mula sa Arevalo. Nang makababa na kami ng kalesa ay agad na kaming tumungo sa loob ng mansion ni Katrina. Agad naman kami nagtanong sa kanilang katulong kung nasaan na sila.
"Nasaan na sina Katrina at Henrietta?" tanong ko. Agad naman nagbigay galang ang katulong sa amin.
"Nasa hapagkainan na sila mga binibini. Kayo na lang ang hinihintay." sabi niya sa amin. Napatingin naman kami ni Eleanor sa kaniyang sinabi.
Nagtungo na rin kami ni Eleanor sa kanilang hapagkainan at mukhang masaya naman sina Katrina at Henrietta sa kanilang kinauupuan pero may kasama silang isang ginoo. Sino naman kaya ito?
"Naku, Florentina at Eleanor! Mabuti na lang dahil dumating na kayo agad. Dali, umupo na kayo rito." alok ni Katrina sa amin na mukhang masayang-masaya kaya agad naman kaming umupo ni Eleanor sa mga bakanteng upuan ng hapag. Nang makaupo na ako ay napansin kong nakatingin sa akin ang lalake na katabi ni Katrina.
"Ikaw ba si binibining Florentina?" tanong niya sa akin. Napatigil naman ako sandali at tumingin din sa kaniya.
"Ay nakalimutan ko palang ipakilala siya sa'yo Florentina." pagbasag naman ni Katrina. "Siya pala si ginoong Theodore Alfarez, ang aking nobyo." ang pagpakilala niya sa lalaking katabi niya ngayon. Nagulat naman ako dahil sa sinabi niya.
Mukhang gwapo naman itong nobyo ni Katrina. Maputi ito, matangos din ang ilong, at may mala-rosas na labi. Ba't ang gagwapo ng mga nobyo ng aking mga pinsan? Sa pagkakaalam ko, may sinabi si Eleanor dati na isang Peninsulares ang nobyo ni Katrina. Kaya pala parang full-blooded Spaniard ang imahe niya katulad din sa nobyo ni Eleanor.
Napangiti naman ako at agad namang napayuko bilang pagbigay galang sa ginoo. "Masaya akong makita ka, ginoo." sabi ko.
"Ako rin, binibini. Masaya ako dahil sa wakas ay nakita rin kita sa personal. Palagi ka kasing ikinukuwento ni Katrina. Pupunta naman kami agad sa klinika ng iyong kuya baka gusto mong sumama?" ani niya. Napatahimik naman ako sa mga sandaling 'yun.
"Hindi ako sigurado ginoo kung pupunta ba ang aking kapatid sa klinika niya ngayon." sabi ko na lang sa kaniya. Napangiti naman siya bigla.
"Hindi naman ang iyong kuya ang pupuntahan namin 'dun, binibini. Pupuntahan namin 'dun si ginoong Mateo dahil may pag-uusapan lang kami." sabi niya at agad ding humigop ng kape sa kaniyang tasa.
"Tanong ko lang ginoong Theodore, isa ring doktor si ginoong Mateo Castellana di ba? Minsan na kasing binanggit ni kuya ang kaniyang pangalan tungkol sa kanilang trabaho sa klinika." tanong naman bigla ni Henrietta na nasa aking harapang kumakain. Mukhang nabulunan ako nang binanggit niya ang Castellana at agad naman akong uminon ng maraming tubig.
Nag-aalala naman silang lahat sa akin pero naging maayos naman ako ng ilang sandali at tsaka bumalik na sa aking pagkain. Nakita ko naman na parang bang natutuwa pa si Eleanor nang makita niya ang reaksyon ko kanina.
"Oo. Isang doktor si ginoong Mateo Castellana. Magkasama sila sa iisang klinika ng inyong kapatid, binibining Henrietta." sagot naman ni Theodore.
"Diba may pinsan si ginoong Mateo. Anu ba 'yung pangalan niya?" tanong naman ni Katrina. Mukhang napatigil naman ako sa aking pagkain at napatingin sa kanila nang sandali. Parang gusto ko rin malaman.
"Si ginoong Timoteo Castellana ba ang iyong tinutukoy?" ani ni Henrietta. Mukhang tumigil ang aking paghinga nang binanggit niya ang pangalan ng lalaking nakilala ko kanina. Hindi ko alam pero parang umiinit na naman ang aking pisngi at agad na lang ako napayuko sa aking kinauupuan.
"Oo. Si ginoong Timoteo Castellana nga. Isa siyang bantog na pintor na umaabot na ang kaniyang mga obra sa iba't ibang panig ng bansa. Isa rin siyang mahusay na negosyante. Sa pagkakaalam ko kasi, may malaki siyang puwesto na isang panciteria sa La Villa de Arevalo. Negosyo pa ito ng kaniyang ina na isang Sangley at nakapag-asawa ng isang Insulares na ama niya." kuwento ni Eleanor sa amin. Mukhang marami siyang alam sa buhay ni Timoteo.
"At kay sino mo naman 'yan narinig, ha?" tanong naman ni Katrina sa kaniya.
"Kuwento lang sa akin ni ginoong Danilo. Matalik silang magkaibigan kasi ni ginoong Timoteo. Nagkita nga kami kanina sa La casa de los aprendizajes de Castellana 'di ba, Florentina?" pagdidiin naman ni Eleanor at agad naman siyang napatingin sa akin. Nagulat naman silang lahat nang marinig nila iyon. Mukhang nilamon ko nang buo ang ninguya kong pagkain at tsaka namang napatingin din sa kanila.
"Nagkita na ba kayo kanina ni ginoong Timoteo, ate?" tanong ni Henrietta sa akin.
"Uh, Oo." tipid kong sagot. Uminom agad ako ng maraming tubig sa aking baso. Sana naman ay wala na silang itatanong tungkol kay Timoteo. Mukhang sasabog na ulit ang aking puso dahil sa kaba ko ngayon.
"Mabuti naman, binibini. Isang mabuting tao si ginoong Timoteo ganun din ang kanilang pamilya. Ang kaniyang tiyuhin ay isang gobernadorcillo sa bayan na ito kung kaya't napakaimpluwensiya nito at makapangyarihan din. Sa pagkakaalam ko'y matalik din na magkakaibigan ang inyong ama." sabi ni Theodore sa akin.
Napalunok na lang ako at tsaka tumingin kay Henrietta. Napatango naman siya at tsaka ngumiti sa akin. Magtatapos na rin kami sa aming hapagkainan sa mga oras na 'yun at agad nang umalis papuntang klinika kung saan makipagkita kami sa isang doktor na si ginoong Mateo Castellana.
**********
"Tanong ko lang, Eleanor. Nasaan ba ang klinika ng aking kapatid?" pabulong ko sa kaniya. Mukhang nagulat naman si Eleanor sa aking tanong. Nandito kami ngayon sa loob ng kalesa kung saan kasama kong nakaupo sina Katrina, Eleanor, at Henrietta. Nasa labas namang nakaupo si Theodore katabi ang kutsero.
"Hindi mo ba alam? Kung sabagay bago ka pa lang dito, Florentina. Nandito rin sa bayan ng Sta. Rosita matatagpuan ang klinika ng iyong kapatid." sagot niya sa akin. Napatingin na lang ako sa kalayuan at agad napaisip. Bakit naman hindi sa bayan ng Anillo nagpatayo ng klinika ang kapatid ni Florentina?
"Mukhang nandito na tayo!" sabi ni Eleanor sa aking tabi at agad natanaw mula sa bintana ang isang mansion sa 'di kalayuan.
Nang nakalabas na kaming lahat mula sa sinasakyang kalesa ay agad namang kumatok si ginoong Theodore sa malaking pinto ng mansion. Pagkabukas ng pinto, tumambad sa amin ang isang matandang lalake at agad naman siyang bumati sa amin.
"Magandang hapon ginoo at sa inyong mga binibini. May kailangan po ba kayo?" tanong niya sa amin. Agad namang nagbigay galang sa kaniya si Theodore at sinabing, "Gusto naming makausap si ginoong Mateo Castellana. Alam kong nandito siya sa mga oras na ito."
"Oo. Nandito ngayon si senyor Mateo. Tumuloy muna kayo at umupo muna habang hinihintay niyo siya rito." sabi ng matandang lalake sa amin at agad niya kaming pinaupo sa loob ng mansion. Pinatuloy niya kami sa isang salas at binigyan ng maiinom na tsaa. Mainit pa ito at ma-aroma ang amoy.
Habang umiinom ako nito, bigla ko na lang nabitawan ang tasa nang walang kamalay-malay. Anong nangyayari sa akin? Tumilapon ang aking tsaa sa sahig at mukhang nabasag din ang tasa na ginamit ko. Mukhang malalagot ako ngayon. Mabilis ko namang pinulot ang mga bubog na nakakalat sa sahig at walang anu-ano'y biglang nasugatan ang aking daliri. Aray!
"Naku naman, Florentina. Ba't mo ba kasing pinulot pa ang mga bubog diyan. Ayan tuloy nasugatan ka." sabi na lang ni Katrina sa aking tabi. Parang wala ako sa aking sarili sa mga oras na 'yun. Hindi ko nga rin alam kung bakit.
Nang tumayo na ako sa aking pagkakayuko, bigla na lang may kumuha sa aking kamay at agad sinuri ang nadudugo kong daliri. Dali-dali naman niyang tinakpan ang maliit kong sugat gamit ang isang pirasong puting tela. Napatingin naman ako sa lalaking ito. Sino naman kaya siya? Tumingin din siya sa akin at tsaka ngumiti.
"Sa susunod huwag mong pulutin ang mga bubog sa sahig para hindi ka na masugatan, binibini." sabi niya. Napatulala na lang ako sa kaniyang sinabi. Kilala ba 'to ni Florentina?
"Konrad Garcia! Hindi ko akalaing magkikita tayo muli." sabi naman ni Theodore sa aming likuan at agad naman nakipagkamay sa lalaking sinasabi niyang Konrad. Konrad? As in si Konrad na nobyo ni Florentina?! Agad naman akong napatingin sa kaniya.
"Isa ka pa lang doktor dito, ginoong Konrad. Naparito ka ba dahil kay Florentina?" panunukso naman ni Katrina sa amin. Agad naman akong napatingin kay Katrina na kinikilig na sa mga oras na'yun.
"Oo. Naparito ako ngayon sa Panay dahil sa kaniya. Pupuntahan ko siya kung saan man siya mapunta sa kadahilanang ako na ang kaniyang nobyo." sabi niya sa akin habang nakahawak ito sa aking mga kamay. Nabigla naman ako sa kaniyang sinabi.
Nang napatingin ako sa ikalawang palapag ng mansion, nagulat ako nang makita ulit ang imahe ni Timoteo Castellana. May kasama rin siyang isang ginoo na nasa kaniyang tabi at agad na silang pababa ng hagdan. Hindi ko alam kung sino 'yun pero tiyak kong siya si ginoong Mateo. Mukhang hindi siya masaya nang makita ako ulit. Tumitingin lang ito sa akin at malungkot itong pinagmamasdan ang aking presensiya. Bakit kaya ang lungkot niyang tingnan?
Walang umano'y bigla na lang ako nahilo ng walang dahilan kaya napahawak ako sa aking noo. Hindi ko alam kung bakit ngunit bigla ring dumidilim ang aking paningin dahilan upang ako'y napapikit at bumagsak na sa aking kinatatayuan.
Ilang sandali pa'y ibinuklat ko na rin ang aking mga mata at nagulat nang makita ang aking sarili na nakahiga na sa aking kama ng aming apartment. Napabuntong hininga na lang ako at tsaka napatulala sa kawalan.
Mukhang nakakabalik na ako sa kasalukuyan.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro